Oktubre
Linggo, Oktubre 1
Maligaya ang hindi nakakakita sa akin ng ikatitisod.—Mat. 11:6, tlb.
Galing sa Salita ng Diyos ang ating mga turo at paniniwala. Pero natitisod pa rin ang marami kasi para sa kanila, napakasimple ng ating paraan ng pagsamba at ang itinuturo natin ay iba sa gusto nilang marinig. Paano natin maiiwasang matisod? Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Nagkakaroon lang ng pananampalataya kapag narinig ang mensahe; at naririnig ang mensahe kapag may nagsalita tungkol kay Kristo.” (Roma 10:17) Kaya nakabatay ang ating pananampalataya sa pag-aaral sa Kasulatan, hindi sa pakikibahagi sa di-makakasulatang mga seremonyang panrelihiyon, gaano man kagandang tingnan ang mga ito. Dapat tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya batay sa tumpak na kaalaman, dahil “kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos.” (Heb. 11:1, 6) Kaya hindi na natin kailangang makakita ng kamangha-manghang tanda mula sa langit para patunayang natagpuan na natin ang katotohanan. Ang pag-aaral nang mabuti sa mga turo ng Bibliya na nakakapagpatibay ng pananampalataya ay sapat na para makumbinsi tayo at maalis ang anumang pagdududa. w21.05 4-5 ¶11-12
Lunes, Oktubre 2
Nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko.—Fil. 1:12.
Maraming naging problema si apostol Pablo. Kailangan niya ng lakas lalo na nang hampasin siya, pagbabatuhin, at ibilanggo. (2 Cor. 11:23-25) Inamin niya na pinaglalabanan niya kung minsan ang pagiging negatibo. (Roma 7:18, 19, 24) Mayroon din siyang iniindang “tinik sa laman,” na gustong-gusto niyang alisin ng Diyos. (2 Cor. 12:7, 8) Pinalakas ni Jehova si Pablo na maisagawa ang ministeryo niya kahit may mga problema. Tingnan ang mga naisagawa ni Pablo. Halimbawa, noong naka-house arrest siya sa Roma, masigasig niyang ipinangaral ang mabuting balita sa mga Judiong lider at malamang na sa matataas na opisyal din. (Gawa 28:17; Fil. 4:21, 22) Nakapagpatotoo din siya sa maraming Guwardiya ng Pretorio at sa lahat ng dumadalaw sa kaniya. (Gawa 28:30, 31; Fil. 1:13) Nang panahon ding iyon, ginabayan ng Diyos si Pablo para isulat ang mga liham na nakatulong sa tunay na mga Kristiyano noon, pati na sa ngayon. w21.05 21 ¶4-5
Martes, Oktubre 3
“Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat,” para hindi kayo magmalaki.—1 Cor. 4:6.
Dahil sa pride, hindi nakinig sa payo at naging pangahas si Haring Uzias ng Juda. Napakahusay sana ni Uzias. Marami siyang naipanalong digmaan, naipatayong lunsod, taniman, at hayupan. “Pinasagana siya ng tunay na Diyos.” (2 Cro. 26:3-7, 10) “Pero nang makapangyarihan na siya, naging mapagmataas siya at ito ang nagpahamak sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya. Iniutos ni Jehova na mga saserdote lang ang puwedeng maghandog ng insenso sa templo. Pero dahil sa kapangahasan, ginawa iyon ni Haring Uzias. Hindi natuwa si Jehova at pinarusahan siya ng ketong. (2 Cro. 26:16-21) Puwede rin ba tayong mabitag ng pride, o pagmamalaki, gaya ni Uzias? Oo, kung mataas ang tingin natin sa ating sarili. Dapat nating tandaan na ang lahat ng kakayahan at pribilehiyo natin ay galing kay Jehova. (1 Cor. 4:7) Kung mapagmalaki tayo, hindi tayo gagamitin ni Jehova. w21.06 16 ¶7-8
Miyerkules, Oktubre 4
Huwag kayong magsaya dahil napapasunod ninyo ang mga espiritu, kundi magsaya kayo dahil ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit. —Luc. 10:20.
Alam ni Jesus na ang mga alagad niya ay hindi laging magkakaroon ng magagandang karanasan sa ministeryo. Sa katunayan, hindi natin alam kung ilan sa mga nakinig sa mga alagad ni Jesus ang naging Kristiyano. Dapat maintindihan ng mga alagad na ang kagalakan nila ay nakadepende hindi lang sa magandang resulta ng pangangaral nila kundi dahil alam nila na napapasaya nila si Jehova sa mga pagsisikap nila. Kung hindi tayo titigil sa pangangaral, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Habang ginagawa natin ang ating buong makakaya sa paghahasik at pagdidilig ng mga binhi ng katotohanan, ‘naghahasik din tayo para sa espiritu’ dahil hinahayaan natin ang banal na espiritu ng Diyos na gabayan tayo. Kung “hindi tayo titigil,” tinitiyak ni Jehova na mag-aani tayo ng buhay na walang hanggan kahit wala tayong Bible study na nabautismuhan.—Gal. 6:7-9. w21.10 26 ¶8-9
Huwebes, Oktubre 5
Naawa siya sa kanila . . . At tinuruan niya sila ng maraming bagay.—Mar. 6:34.
Minsan, pagod na pagod sa pangangaral si Jesus at ang mga alagad niya. Kailangan nilang makapagpahinga, pero sinundan sila ng mga tao. Naawa si Jesus sa mga taong iyon, kaya tinuruan niya sila ng “maraming bagay.” Inilagay ni Jesus ang sarili niya sa sitwasyon ng mga taong iyon. Naintindihan niya na nagdurusa sila at nawawalan ng pag-asa, kaya gusto niyang tulungan sila. Ganiyan din ang kalagayan ng mga tao ngayon. Baka parang masaya sila at kontento. Pero ang totoo, gaya sila ng mga tupa na naliligaw at walang pastol. Sinabi ni apostol Pablo na ang ganitong mga tao ay hindi nakakakilala sa Diyos at walang pag-asa. (Efe. 2:12) Kapag naiisip natin na kailangang-kailangan ng mga tao sa teritoryo natin na makilala ang Diyos, napapakilos tayo ng pag-ibig at awa na tulungan sila. At ang pinakamagandang maitutulong natin sa kanila ay ang alukin sila na mag-Bible study. w21.07 5 ¶8
Biyernes, Oktubre 6
Huwag tayong maging mapagmataas, . . . huwag nating kainggitan ang isa’t isa. —Gal. 5:26.
Ang mapagmataas na tao ay mayabang at makasarili. Kapag nainggit ang isang tao, pinag-iinteresan niya kung ano ang mayroon ang iba. Gusto rin niyang makuha iyon at mawala sa taong kinaiinggitan niya. Ang totoo, kinapopootan niya ang kinaiinggitan niya. Ang pagmamataas at pagiging mainggitin ay parang mga dumi sa gasolina ng eroplano. Makakalipad naman ang eroplano, pero dahil bumabara ang mga duming ito sa daanan ng gasolina, puwedeng bumagsak ito. Sa katulad na paraan, baka makapaglingkod din kay Jehova ang isa. Pero kung ginagawa niya iyon dahil sa pagmamataas at inggit, di-magtatagal at babagsak din siya. (Kaw. 16:18) Titigil siya sa paglilingkod kay Jehova at maipapahamak niya ang sarili niya at ang iba. Maiiwasan nating maging mapagmataas kung tatandaan natin ang payo ni apostol Pablo: “Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit o pagmamataas. Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.”—Fil. 2:3. w21.07 15 ¶6-8
Sabado, Oktubre 7
Nang ipangaral namin sa inyo ang mabuting balita, hindi lang kami basta nagsalita; ibinahagi namin iyon nang may puwersa, sa tulong ng banal na espiritu, at may kombiksiyon.—1 Tes. 1:5.
Para sa ilan, dapat na kayang sagutin ng tunay na relihiyon ang lahat ng tanong, kahit ang mga tanong na hindi naman espesipikong sinasagot ng Bibliya. Makatotohanan ba iyan? Tingnan ang halimbawa ni apostol Pablo. Sinabi niya sa mga kapananampalataya niya na ‘tiyakin ang lahat ng bagay,’ pero inamin din niya na marami siyang hindi naiintindihan. (1 Tes. 5:21) “Kulang pa tayo sa kaalaman,” ang sabi niya, at “malabo pa ang nakikita natin na para bang tumitingin tayo sa isang salaming metal.” (1 Cor. 13:9, 12) May mga bagay na hindi naiintindihan si Pablo, at ganoon din tayo. Pero naiintindihan niya ang pangunahing mga turo tungkol kay Jehova at sa mga layunin niya. At sapat na iyon para makumbinsi siya na ang pinaniniwalaan niya ay katotohanan! Ang isang paraan para lalo tayong makumbinsi na nasa katotohanan tayo ay kung ikukumpara natin ang paraan ng pagsamba ni Jesus sa paraan ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. w21.10 18-19 ¶2-4
Linggo, Oktubre 8
Paglampas ng 50 taóng gulang, magreretiro na siya.—Bil. 8:25.
Mahal naming mga may-edad na, nasa buong-panahong paglilingkod man kayo o hindi, malaki ang maitutulong ninyo. Paano? Magagawa ninyo iyan kung mag-a-adjust kayo sa bago ninyong kalagayan, magtatakda ng mga bagong tunguhin, at magpopokus sa kung ano ang kaya ninyong gawin. Gustong-gusto ni Haring David na magtayo ng bahay para kay Jehova. Pero nang sabihin sa kaniya ni Jehova na ang pribilehiyong iyon ay ibibigay sa kabataang si Solomon, tinanggap niya ang desisyon ni Jehova at buong puso niyang sinuportahan ang proyekto. (1 Cro. 17:4; 22:5) Hindi inisip ni David na mas mabuti kung sa kaniya ibinigay ang atas dahil si Solomon ay “bata pa at walang karanasan.” (1 Cro. 29:1) Alam ni David na ang tagumpay ng proyekto ng pagtatayo ay nakadepende sa pagpapala ni Jehova, hindi sa edad o karanasan ng nangunguna. Gaya ni David, ginagawa ng mga may-edad nang kapatid ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova kahit nagbago na ang kanilang atas. At alam nila na pagpapalain ni Jehova ang mga kabataan na nag-aasikaso ng mga dati nilang ginagawa. w21.09 9 ¶4; 10 ¶5, 8
Lunes, Oktubre 9
Gagabayan niya ang maaamo para magawa nila ang tama, at ituturo niya sa maaamo ang kaniyang daan.—Awit 25:9.
Kapag may mga espirituwal na tunguhin tayo, nagiging masaya at makabuluhan ang buhay natin. Pero siyempre, ang mga tunguhing iyon ay dapat na batay sa sarili nating mga kakayahan at kalagayan, hindi sa iba. Kasi kung hindi, madidismaya lang tayo at masisiraan ng loob. (Luc. 14:28) Bilang lingkod ni Jehova, mahalagang miyembro ka ng pamilya niya at para sa kaniya, wala kang katulad. Inilapit ka ni Jehova sa kaniya hindi dahil mas mahusay ka sa iba. Ginawa niya iyon dahil tiningnan niya ang puso mo at nakita niyang maamo ka at handa kang matuto at magpahubog sa kaniya. Siguradong natutuwa siya kapag nakikita niyang ginagawa mo ang buong makakaya mo sa paglilingkod sa kaniya. Ang pagtitiis mo at pananatiling tapat ay patunay na ‘napakabuti ng puso’ mo. (Luc. 8:15) Kaya patuloy na gawin ang buong makakaya mo para kay Jehova, at magiging masaya ka ‘dahil sa mga nagagawa mo.’—Gal. 6:4. w21.07 24 ¶15; 25 ¶20
Martes, Oktubre 10
Ang magpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa maling landasin niya ay makapagliligtas sa kaniya.—Sant. 5:20.
Kailangan nating maghintay hanggang sa makamit ang katarungan. Halimbawa, kapag nalaman ng mga elder na may nakagawa ng malubhang kasalanan sa kongregasyon, humihingi sila ng “karunungan mula sa itaas” para malaman ang pananaw ni Jehova sa sitwasyon. (Sant. 3:17) Tunguhin nila na matulungan ang nagkasala na ‘manumbalik mula sa maling landasin niya,’ kung posible. (Sant. 5:19, 20) Gusto rin nila na gawin ang lahat ng magagawa nila para protektahan ang kongregasyon at aliwin ang mga nasaktan. (2 Cor. 1:3, 4) At kapag may hinahawakang kaso ng malubhang pagkakasala ang mga elder, inaalam muna nila ang lahat ng detalye at malamang na mangailangan iyon ng panahon. Pagkatapos, mananalangin sila at maingat na magbibigay ng payo mula sa Bibliya at ng pagtutuwid “sa tamang antas.” (Jer. 30:11) Hindi nagmamadali ang mga elder sa paghatol. Kapag inasikaso nang tama ang mga bagay-bagay, makikinabang ang buong kongregasyon. w21.08 11 ¶12-13
Miyerkules, Oktubre 11
Kung saan kayo pupunta, doon ako pupunta . . . Ang inyong bayan ay magiging aking bayan, at ang inyong Diyos ay aking Diyos. —Ruth 1:16.
Dahil sa taggutom sa Israel, lumipat si Noemi, ang asawa niya, at dalawa nilang anak sa Moab. Pero namatay roon ang asawa ni Noemi. Nag-asawa ang dalawa nilang anak, pero namatay rin ang mga ito. (Ruth 1:3-5) Dahil sa sunod-sunod na pangyayaring ito, lalong nagdusa si Noemi at inisip niyang laban sa kaniya si Jehova. Pansinin ang sinabi niya tungkol sa Diyos: “Ang kamay ni Jehova ay naging laban sa akin.” “Hinayaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat na maging mapait ang buhay ko.” Sinabi rin niya: “Si Jehova ang naging laban sa akin at ang Makapangyarihan-sa-Lahat ang nagdulot ng kapahamakan ko.” (Ruth 1:13, 20, 21) Naiintindihan ni Jehova na “puwedeng mabaliw ang marunong dahil sa pang-aapi.” (Ecles. 7:7) Pinakilos ni Jehova si Ruth para alalayan si Noemi at magpakita ng tapat na pag-ibig dito. Gustong-gusto namang tulungan ni Ruth ang biyenan niya na huwag lubusang masiraan ng loob at maalala na nandiyan pa rin si Jehova para sa kaniya. w21.11 9 ¶9; 10 ¶10, 13
Huwebes, Oktubre 12
Patuloy [na] humingi sa Diyos.—Sant. 1:5.
Kung nagpopokus tayo sa atas natin ngayon, ibig bang sabihin, hindi na tayo mag-iisip ng ibang paraan para higit pang mapaglingkuran si Jehova? Hindi naman. Dapat pa rin tayong magtakda ng espirituwal na mga tunguhin na tutulong sa atin para maging mas mahusay sa ministeryo at mas makatulong sa mga kapatid. Maaabot natin ang mga tunguhing ito kung magpopokus tayo sa paglilingkod sa iba imbes na sa sarili natin. (Kaw. 11:2; Gawa 20:35) Ano-ano ang puwede mong maging tunguhin? Ipanalangin mo kay Jehova na tulungan ka na makita ang mga tunguhin na kaya mo talagang abutin. (Kaw. 16:3) Puwede mo bang gawing tunguhin na maging auxiliary o regular pioneer, maglingkod sa Bethel, o tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad? O kung nasa kalagayan ka, puwede ka bang mag-aral ng bagong wika para maipangaral ang mabuting balita o makapangaral pa nga sa ibang lugar? w21.08 23 ¶14-15
Biyernes, Oktubre 13
Ang . . . tapat na pag-ibig [ni Jehova] ay walang hanggan.—Awit 136:1.
Napakahalaga kay Jehova ng tapat na pag-ibig. (Os. 6:6) Pinapasigla niya tayo na “ibigin ang tapat na pag-ibig” gaya ng ipinasulat niya kay propeta Mikas. (Mik. 6:8, tlb.) Pero para magawa iyan, alamin muna natin ang ibig sabihin ng tapat na pag-ibig. Ano ang tapat na pag-ibig? Ang pananalitang “tapat na pag-ibig” ay makikita nang mga 230 ulit sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ayon sa “Glosari ng mga Termino sa Bibliya” ng saling iyon, tumutukoy ito sa “pag-ibig na udyok ng pananagutan, katapatan, at malalim na ugnayan. Madalas itong ginagamit para tumukoy sa pag-ibig ng Diyos sa mga tao, pero ipinapakita rin ng mga tao ang pag-ibig na ito sa isa’t isa.” Si Jehova ang pinakamagandang halimbawa ng tapat na pag-ibig. Kaya naman nasabi ni Haring David: “O Jehova, ang iyong tapat na pag-ibig ay umaabot sa langit . . . Napakahalaga ng iyong tapat na pag-ibig, O Diyos!” (Awit 36:5, 7) Pinapahalagahan din ba natin ang tapat na pag-ibig ng Diyos gaya ni David? w21.11 2 ¶1-2; 3 ¶4
Sabado, Oktubre 14
Manalangin kayo sa ganitong paraan: “Ama namin na nasa langit.” —Mat. 6:9.
Kasama sa pamilya ng mga mananamba ni Jehova si Jesus, “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at ang napakaraming anghel. (Col. 1:15; Awit 103:20) Noong nasa lupa si Jesus, ipinahiwatig niya na puwedeng ituring ng tapat na mga tao si Jehova bilang kanilang Ama. Noong kausap ni Jesus ang mga alagad niya, tinawag niya si Jehova na “aking Ama at inyong Ama.” (Juan 20:17) At kapag nag-alay tayo ng sarili natin kay Jehova at nagpabautismo, nagiging bahagi tayo ng isang mapagmahal na pamilya ng mga mananamba. (Mar. 10:29, 30) Mapagmahal na Ama si Jehova. Gusto ni Jesus na ituring din natin si Jehova na isang mabait at mapagmahal na magulang na madaling lapitan, hindi mahigpit at hindi nakakatakot. Sinimulan niya ang modelong panalangin sa mga salitang: “Ama namin.” Puwede sanang tinawag ni Jesus si Jehova na “Makapangyarihan-sa-Lahat,” “Maylalang,” o “Haring walang hanggan”—na hindi naman mali dahil lahat ng iyon ay titulo ni Jehova na nasa Bibliya. (Gen. 49:25; Isa. 40:28; 1 Tim. 1:17) Pero gusto ni Jesus na tawagin natin si Jehova na “Ama.” w21.09 20 ¶1, 3
Linggo, Oktubre 15
Nalaman ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.—2 Cro. 33:13.
Nagmatigas si Haring Manases at binale-wala niya ang babala ng mga propeta ni Jehova. Kaya ‘pinasalakay ni Jehova sa Juda ang mga pinuno ng hukbo ng hari ng Asirya, at binihag ng mga ito si Manases gamit ang mga pangawit at iginapos ng dalawang kadenang tanso at dinala sa Babilonya.’ Habang nakabilanggo sa Babilonya, malinaw na nakapag-isip-isip si Manases. Siya ay “patuloy na nagpakumbaba nang husto sa Diyos ng kaniyang mga ninuno” at ‘nagmakaawa pa nga siya sa Diyos niyang si Jehova.’ Sa katunayan, “patuloy siyang nanalangin sa Diyos.” (2 Cro. 33:10-12) Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Manases. Nakita niya sa mga panalangin nito na talagang nagbago ang puso nito. Pinakinggan ni Jehova ang pagmamakaawa ni Manases at ibinalik siya sa pagiging hari. Ginawa ni Manases ang buong makakaya niya para ipakita na talagang nagsisisi siya. w21.10 4 ¶10-11
Lunes, Oktubre 16
Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa dahil may mabuting gantimpala ang pagsisikap nila.—Ecles. 4:9.
Kailangang iwan nina Aquila at Priscila ang lugar na kinasanayan nila, lumipat ng bagong bahay, at magsimula ulit ng negosyo na paggawa ng tolda sa ibang lugar. Sa bago nilang tirahan sa Corinto, tumulong sina Aquila at Priscila sa kongregasyon doon at sumama sila kay apostol Pablo para patibayin ang mga kapatid. Pagkatapos, lumipat sila sa iba pang bayan kung saan mas malaki ang pangangailangan. (Gawa 18:18-21; Roma 16:3-5) Tiyak na naging masaya ang paggawang magkasama nina Aquila at Priscila! Matutularan ng mga mag-asawa ngayon sina Priscila at Aquila kung uunahin nila ang Kaharian. Sa umpisa pa lang, magandang pag-usapan na ng magkasintahan kung ano ang mga tunguhin nila sa buhay. Kapag pinag-uusapan nila ang mga tunguhin nila sa paglilingkod kay Jehova at nagsisikap na abutin ang mga ito, mas mararamdaman nila ang tulong ni Jehova.—Ecles. 4:9, 12. w21.11 17 ¶11-12
Martes, Oktubre 17
Dapat igalang ng bawat isa sa inyo ang kaniyang ina at ama . . . Ako ang Diyos ninyong si Jehova. —Lev. 19:3.
Dapat nating sundin ang utos ng Diyos na igalang ang mga magulang natin. Isipin na bago banggitin ang utos sa Levitico 19:3 na igalang ang iyong ina at ama, binanggit muna ang mga salitang ito: “Dapat kayong maging banal, dahil ako, ang Diyos ninyong si Jehova, ay banal.” (Lev. 19:2) Kapag naiisip natin ang utos ni Jehova na igalang ang mga magulang, baka maitanong natin, ‘Nagagawa ko ba ito?’ Kung naiisip mo na kulang ang nagawa mo noon para sa kanila, puwede ka pa namang bumawi. Hindi mo na mababago ang nakaraan, pero puwede kang magsimula ulit at magbigay ng mas maraming panahon para sa mga magulang mo. Puwede mo ba silang suportahan sa materyal, espirituwal, o emosyonal? Kung gagawin mo iyan, masusunod mo ang Levitico 19:3. w21.12 4-5 ¶10-12
Miyerkules, Oktubre 18
Huwag na kayong humatol. —Mat. 7:1.
Nakagawa si Haring David ng malulubhang kasalanan. Halimbawa, nangalunya siya kay Bat-sheba, at ipinapatay pa nga niya ang asawa nito. (2 Sam. 11:2-4, 14, 15, 24) Kaya nagdala ito ng kapahamakan, hindi lang sa kaniya, kundi pati sa pamilya niya at sa iba pa niyang asawa. (2 Sam. 12:10, 11) Sa isa namang pagkakataon, hindi naipakita ni David ang tiwala niya kay Jehova nang ipabilang niya ang mga lalaki sa hukbo ng Israel kahit hindi naman ito iniutos ni Jehova. Ano ang resulta? Namatay ang 70,000 Israelita dahil sa salot! (2 Sam. 24:1-4, 10-15) Huhusgahan mo ba si David at iisipin na hindi siya karapat-dapat patawarin ni Jehova? Hindi ganiyan si Jehova. Nagpokus siya sa magandang rekord ng katapatan ni David at nakita niya na talagang nagsisisi ito. Kaya pinatawad ni Jehova si David sa malulubhang kasalanan nito. Alam ni Jehova na mahal na mahal siya ni David at gustong-gusto niyang gawin ang tama. Mabuti na lang, nagpopokus ang ating Diyos sa magagandang katangian natin.—1 Hari 9:4; 1 Cro. 29:10, 17. w21.12 19 ¶11-13
Huwebes, Oktubre 19
Agad siyang nakakita, at nagsimula siyang sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Diyos. —Luc. 18:43.
Naging maawain si Jesus sa mga may kapansanan. Tingnan ang ipinasabi niya kay Juan Bautista: “Ang mga bulag ay nakakakita na, ang mga lumpo ay nakalalakad, ang mga ketongin ay gumagaling, ang mga bingi ay nakaririnig, [at] ang mga patay ay binubuhay.” Nang makita ng mga tao ang mga himala ni Jesus, “lahat sila ay pumuri sa Diyos.” (Luc. 7:20-22) Gusto ng mga Kristiyano na tularan ang pagiging maawain ni Jesus sa mga may kapansanan. Kaya mabait tayo, makonsiderasyon, at mapagpasensiya sa kanila. Hindi man natin kayang gumawa ng himala, pero may pribilehiyo naman tayo na sabihin sa kanila ang mabuting balita tungkol sa isang paraiso kung saan gagaling sila sa pisikal at espirituwal. (Luc. 4:18) Nakatulong na ang mabuting balitang ito sa marami para purihin ang Diyos. w21.12 9 ¶5
Biyernes, Oktubre 20
Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at kung paano siya pinagpala ni Jehova nang bandang huli.—Sant. 5:11.
Pansinin na ibinatay ni Santiago ang mga itinuturo niya sa Kasulatan. Ginamit niya ang Salita ng Diyos para tulungan ang mga tagapakinig niya na makita na laging ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya, gaya ni Job. Naituro ni Santiago ang aral na iyon gamit ang simpleng mga salita at pangangatuwiran. Kaya si Jehova ang nabigyang-pansin, hindi siya. Aral: Gawing simple ang mensahe mo, at magturo gamit ang Salita ng Diyos. Hindi natin gustong pahangain ang iba dahil sa dami ng alam natin. Ang gusto natin ay maipakita sa kanila kung gaano karami ang alam ni Jehova at kung gaano siya nagmamalasakit sa kanila. (Roma 11:33) Magagawa natin iyan kung lagi nating ibabatay sa Kasulatan ang mga sinasabi natin. Halimbawa, sa halip na sabihin sa mga Bible study natin kung ano ang gagawin natin kung tayo ang nasa sitwasyon nila, dapat natin silang tulungang mangatuwiran batay sa mga halimbawa sa Bibliya at maintindihan ang pananaw at nadarama ni Jehova. Makakatulong ito na maisabuhay nila ang mga natutuhan nila para pasayahin si Jehova, hindi tayo. w22.01 10-11 ¶9-10
Sabado, Oktubre 21
Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili. —Lev. 19:18.
Sinabi sa atin ng Diyos na huwag nating sasaktan ang ating kapuwa. Pero hindi lang iyon ang gusto ng Diyos na gawin natin. Dapat sundin ng isang Kristiyano ang mahalagang utos na mahalin ang kapuwa gaya ng sarili niya kung gusto niyang mapasaya ang Diyos. Idiniin ni Jesus na mahalaga ang utos na ito sa Levitico 19:18. Minsan, tinanong si Jesus ng isang Pariseo: “Ano ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sinabi ni Jesus na “ang pinakamahalaga at unang utos” ay ibigin natin si Jehova nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip. Pagkatapos, binanggit ni Jesus ang sinabi sa Levitico 19:18: “Ang ikalawa na gaya nito ay ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mat. 22:35-40) Maraming paraan para mahalin ang kapuwa natin. Ang isang paraan ay kung susundin natin ang payo sa Levitico 19:18. Ang sabi: “Huwag kang maghihiganti o magkikimkim ng sama ng loob.” w21.12 10-11 ¶11-13
Linggo, Oktubre 22
Nang makita niyang malakas ang hangin, natakot siya. At nang lumulubog na siya, sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” —Mat. 14:30.
Iniunat ni Jesus ang kamay niya at iniligtas si apostol Pedro. Tandaan na nakalakad si Pedro sa ibabaw ng tubig noong nakapokus siya kay Jesus. Pero nang makita niya na malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. (Mat. 14:24-31) May matututuhan tayo sa halimbawa ni Pedro. Nang bumaba siya mula sa bangka, hindi niya pinansin ang malakas na hangin at hindi niya inisip na lulubog siya. Gusto niyang maglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Pero imbes na magpokus siya kay Jesus, naagaw ang pansin niya ng malakas na hangin. Siyempre, hindi natin kayang lumakad sa tubig, pero puwedeng masubok ang pananampalataya natin. Kapag naalis ang pokus natin kay Jehova at sa mga pangako niya, hihina ang pananampalataya natin na para bang lumulubog tayo dahil sa labis na pag-aalala. Kaya anumang malakas na hangin o matitinding problema ang dumating sa buhay natin, dapat na lagi tayong magpokus kay Jehova at sa kakayahan niyang tulungan tayo. w21.12 17-18 ¶6-7
Lunes, Oktubre 23
Pupunta ako sa bahay mo dahil sa iyong dakila at tapat na pag-ibig.—Awit 5:7.
Bahagi ng ating pagsamba ang pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay. Kapag nananalangin tayo, nakikipag-usap tayo sa ating Ama sa langit, na talagang nagmamahal sa atin. Kapag nag-aaral tayo ng Bibliya, kumukuha tayo ng “kaalaman tungkol sa Diyos,” ang Pinagmumulan ng lahat ng karunungan. (Kaw. 2:1-5) Kapag nagbubulay-bulay tayo, pinag-iisipan natin ang magagandang katangian ni Jehova pati na ang kahanga-hangang layunin niya para sa atin at sa lahat ng tao. Iyan ang pinakamagandang paraan na magagamit natin ang panahon natin. Pero paano natin masusulit ang limitadong panahon natin? Kung posible, pumili ng tahimik na lugar. Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Bago niya simulan ang ministeryo niya sa lupa, gumugol si Jesus ng 40 araw sa ilang. (Luc. 4:1, 2) Sa tahimik na lugar na iyon, nanalangin si Jesus kay Jehova at binulay-bulay ang kalooban ng kaniyang Ama para sa kaniya. Siguradong nakatulong iyon para maharap ni Jesus ang mga pagsubok na darating. w22.01 27-28 ¶7-8
Martes, Oktubre 24
Nagtatagumpay ito kapag marami ang tagapayo.—Kaw. 15:22.
Baka payuhan tayo ng isang elder o ng kuwalipikadong brother tungkol sa isang bagay na kailangan nating pasulungin. Pinapayuhan tayo ng iba mula sa Bibliya dahil mahal nila tayo. Kaya dapat natin itong pagsikapang sundin. Ang totoo, mas nahihirapan tayong tanggapin kapag direkta ang payo. Baka naiinis pa nga tayo. Bakit? Tanggap naman natin na hindi tayo perpekto, pero baka hindi natin kayang marinig kapag sinasabi na ng iba ang pagkakamali natin. (Ecles. 7:9) Baka mangatuwiran pa nga tayo at kuwestiyunin ang motibo ng nagpayo o sumama ang loob natin sa paraan ng pagpapayo niya. Baka hanapan pa natin ng butas ang nagpapayo sa atin at isipin: ‘Sino siya para magpayo sa akin? Akala mo naman hindi siya nagkakamali!’ Higit sa lahat, kapag hindi natin gusto ang payo, baka bale-walain natin iyon o maghanap tayo ng ibang payo na gusto natin. w22.02 8-9 ¶2-4
Miyerkules, Oktubre 25
Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala. —Isa. 30:15.
Magkakaroon kaya sa bagong sanlibutan ng Diyos ng panibagong mga sitwasyon na susubok sa pagtitiwala natin sa mga ginagawa ni Jehova? Balikan natin ang nangyari sa mga Israelita hindi pa nagtatagal matapos silang palayain mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nagreklamo ang ilan sa kanila dahil naiisip nila ang sariwang mga pagkain na kinakain nila sa Ehipto, at sinabi nilang walang kuwenta ang inilaan ni Jehova na manna. (Bil. 11:4-6; 21:5) Magiging ganoon din kaya tayo pagkatapos ng malaking kapighatian? Hindi natin alam kung gaano kalaking trabaho ang kailangan nating gawin para linisin ang lupa at unti-unti itong gawing paraiso. Tiyak na malaking trabaho iyon at malamang na hindi ito madaling gawin sa simula. Magrereklamo ba tayo sa ilalaan ni Jehova sa panahong iyon? Isang bagay ang tiyak: Kung ngayon pa lang, pinapahalagahan na natin ang mga ibinibigay ni Jehova, malamang na ganoon din ang gagawin natin sa hinaharap. w22.02 7 ¶18-19
Huwebes, Oktubre 26
Hahawak sila nang mahigpit sa damit ng isang Judio at magsasabi: “Gusto naming sumama sa inyo.” —Zac. 8:23.
Sa hula sa Zacarias 8:23, ang mga salitang “isang Judio” at “sa inyo” ay tumutukoy sa isang grupo—ang natitirang mga pinahiran. (Roma 2:28, 29) Ang “10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay tumutukoy sa ibang mga tupa. ‘Mahigpit silang nakahawak’ sa mga pinahiran. Ibig sabihin, tapat silang sumasama sa mga pinahiran sa dalisay na pagsamba. Gayundin, tinupad ni Jehova ang hula sa Ezekiel 37:15-19, 24, 25 nang pagkaisahin niya ang mga pinahiran at ibang mga tupa. May dalawang patpat na binabanggit sa hula. Ang mga may pag-asang mabuhay sa langit ay gaya ng patpat “para kay Juda” (ang tribo kung saan pinipili ang mga hari sa Israel), at ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay gaya ng patpat “ni Efraim.” Pagkakaisahin ni Jehova ang dalawang grupong ito para gawin silang “iisang patpat.” Ibig sabihin, nagkakaisa silang naglilingkod sa ilalim ng isang Hari, si Kristo Jesus.—Juan 10:16. w22.01 22 ¶9-10
Biyernes, Oktubre 27
Tiyakin ninyo na hindi pakitang-tao lang ang paggawa ninyo ng mabuti. —Mat. 6:1.
Sinabi ni Jesus na may ilang nagbibigay ng limos sa mahihirap pero tinitiyak nila na malalaman ito ng iba. Mukha namang maganda ang ginagawa nilang pagbibigay, pero hindi masaya si Jehova sa ginagawa nila. (Mat. 6:2-4) Masasabi lang na mabuti tayo kung gagawin natin ang tama nang may tamang motibo. Baka maitanong mo: ‘Alam ko ba kung ano ang tama at ginagawa ko ba iyon? Ano ang motibo ko sa paggawa ng mabuti?’ Si Jehova ay aktibong Diyos, at ang kaniyang espiritu ay isang aktibong puwersa. (Gen. 1:2) Dahil dito, kaya tayong pakilusin ng mga katangian na bunga ng espiritu at dapat tayong kumilos kaayon ng mga ito. Halimbawa, isinulat ng alagad na si Santiago: “Ang pananampalataya na walang gawa ay patay.” (Sant. 2:26) Totoo rin iyan sa lahat ng iba pang katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Sa tuwing ipinapakita natin ang mga katangiang ito, patunay ito na tinutulungan tayo ng espiritu ng Diyos. w22.03 11 ¶14-16
Sabado, Oktubre 28
Gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo.— 1 Ped. 1:15.
Regular tayong sumasamba kay Jehova at gumagawa ng mabuti sa iba. Pero may sinabi si apostol Pedro na isang mahalagang gawain. Bago ipinayo ni Pedro na magpakabanal tayo sa lahat ng paggawi natin, sinabi niya: “Ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain.” (1 Ped. 1:13) Ano ang gawaing ito? Sinabi ni Pedro tungkol sa mga pinahirang kapatid ni Kristo na ‘ihahayag nila nang malawakan ang kadakilaan ng tumawag’ sa kanila. (1 Ped. 2:9) At ang lahat ng Kristiyano ngayon ay may pribilehiyo na gawin din iyon. Malaki ang maitutulong nito sa mga tao. Napakagandang pagkakataon ito para sa banal na bayan ng Diyos na regular na mangaral at magturo! (Mar. 13:10) Kapag ginagawa natin ito, pinapatunayan natin na mahal natin ang Diyos at ang ating kapuwa. Ipinapakita rin natin na gusto nating “magpakabanal” sa lahat ng paggawi natin. w21.12 13 ¶18
Linggo, Oktubre 29
Ang sinumang pinatatawad ninyo ay pinatatawad ko rin.—2 Cor. 2:10.
Laging positibo ang pananaw ni apostol Pablo sa mga kapatid. Alam niya na hindi komo nakagawa ng mali ang isang tao, masama na ito. Mahal niya ang mga kapatid at nagpokus siya sa magagandang katangian nila. Kapag nahihirapan silang gawin ang tama, iniisip niyang nagsisikap naman sila at na kailangan lang nila ng tulong. Tingnan kung paano tinulungan ni Pablo ang dalawang kapatid na babae sa kongregasyon ng Filipos. (Fil. 4:1-3) Malamang na nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sina Euodias at Sintique. Imbes na husgahan sila ni Pablo, nagpokus siya sa magagandang katangian nila. Ang tapat na mga sister na ito ay matagal nang naglilingkod kay Jehova. Alam ni Pablo na mahal sila ni Jehova. Dahil positibo ang pananaw niya sa kanila, pinasigla niya sila na ayusin ang di-pagkakasundo. Nagpokus si Pablo sa magagandang katangian ng iba kaya patuloy siyang naging masaya at naging malapít sa mga kapatid sa kongregasyon. w22.03 30 ¶16-18
Lunes, Oktubre 30
Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob. —Awit 34:18.
Dahil sa kapayapaan na ibinibigay ni Jehova, nagiging kalmado tayo at nakakapag-isip nang malinaw. Naranasan ito ng sister na si Luz, ang sabi niya: “Madalas akong nalulungkot. Kung minsan, naiisip kong hindi ako mahal ni Jehova. Kapag nangyayari ’yon, agad kong sinasabi kay Jehova ang nararamdaman ko. Sa tulong ng panalangin, gumagaan ang pakiramdam ko.” Ipinapakita ng karanasan niya na kapag nananalangin tayo, nagiging payapa ang puso’t isip natin. (Fil. 4:6, 7) Alam nating tutulungan tayo ni Jehova at ni Jesus kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Pinapakilos din tayo nito na mangaral at magturo nang may awa dahil ipinapakita ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang magandang katangiang ito. Ipinapakita rin nito na naiintindihan ni Jehova at ng minamahal niyang Anak ang mga limitasyon, at gusto nila tayong tulungan na makapagtiis. Inaasam natin ang araw kung kailan “papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa [ating] mga mata.”—Apoc. 21:4. w22.01 15 ¶7; 19 ¶19-20
Martes, Oktubre 31
Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan, dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang papunta sa pagkapuksa, at marami ang pumapasok dito.—Mat 7:13.
May binanggit si Jesus na dalawang magkaibang pintuang-daan na papunta sa dalawang magkaibang destinasyon. May isang “malapad” na daan at isang “makitid” na daan. (Mat. 7:14) Pansinin na wala nang ikatlong daan. Kaya dapat tayong pumili sa dalawang daang ito. Ito ang pinakamahalagang desisyon na gagawin natin dahil nakadepende rito ang pag-asa nating mabuhay nang walang hanggan. Marami ang pumipili sa “malapad” na daan dahil madali itong lakaran. Nakakalungkot, nanatili ang marami sa daang ito at pinili nila na sumunod sa karamihan. Wala silang kamalay-malay na si Satanas na Diyablo ang nasa likod nito, at na papunta ito sa kamatayan. (1 Cor. 6:9, 10; 1 Juan 5:19) Sinabi ni Jesus na “makitid” naman ang isang daan, at kakaunti ang nakakahanap dito. Bakit? Sa sumunod na talata, binabalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya laban sa huwad na mga propeta.—Mat. 7:15. w21.12 22-23 ¶3-5