Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es23 p. 108-118
  • Nobyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nobyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2023
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Nobyembre 1
  • Huwebes, Nobyembre 2
  • Biyernes, Nobyembre 3
  • Sabado, Nobyembre 4
  • Linggo, Nobyembre 5
  • Lunes, Nobyembre 6
  • Martes, Nobyembre 7
  • Miyerkules, Nobyembre 8
  • Huwebes, Nobyembre 9
  • Biyernes, Nobyembre 10
  • Sabado, Nobyembre 11
  • Linggo, Nobyembre 12
  • Lunes, Nobyembre 13
  • Martes, Nobyembre 14
  • Miyerkules, Nobyembre 15
  • Huwebes, Nobyembre 16
  • Biyernes, Nobyembre 17
  • Sabado, Nobyembre 18
  • Linggo, Nobyembre 19
  • Lunes, Nobyembre 20
  • Martes, Nobyembre 21
  • Miyerkules, Nobyembre 22
  • Huwebes, Nobyembre 23
  • Biyernes, Nobyembre 24
  • Sabado, Nobyembre 25
  • Linggo, Nobyembre 26
  • Lunes, Nobyembre 27
  • Martes, Nobyembre 28
  • Miyerkules, Nobyembre 29
  • Huwebes, Nobyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2023
es23 p. 108-118

Nobyembre

Miyerkules, Nobyembre 1

Silang lahat ay tuturuan ni Jehova. —Juan 6:45.

Maraming ginagawa si Jehova para suportahan tayo. Matutulungan ka niyang maging kalmado kapag galít ang kausap mo. Matutulungan ka rin niyang maalala ang tamang teksto na gagamitin noong may nakausap kang interesado. At binibigyan ka niya ng lakas na magpatuloy sa pangangaral kahit ayaw makinig ng mga tao. (Jer. 20:7-9) Makikita rin natin na mabuti si Jehova dahil sinasanay niya tayo sa pangangaral. Sa mga midweek meeting natin, may naririnig tayong mga sampol na pakikipag-usap na talagang pinag-isipan at magagamit natin sa ministeryo. Baka nagdadalawang-isip tayo noong una na sumubok ng mga bagay na bago sa atin. Pero nang gawin natin iyon, nakita nating epektibo pala. Sa mga pulong at kombensiyon, sinasabi rin na subukan natin ang iba’t ibang paraan ng pangangaral. Para magawa iyan, baka kailangan nating iwan ang mga nakasanayan natin. Pero kung susubukan natin, binibigyan natin si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo. w21.08 27 ¶5-6

Huwebes, Nobyembre 2

Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo, dahil napakasama na ng panahon. —Efe. 5:16.

Sa liham niya sa mga taga-Corinto, nagbigay si apostol Pablo ng mapuwersang payo. Pagkatapos, pinapunta niya sa kanila si Tito. Tiyak na napakasaya niya nang malaman niyang tinanggap nila ang payo niya. (2 Cor. 7:6, 7) Matutularan ng mga elder ang halimbawa ni Pablo kung maglalaan sila ng panahon sa mga kapatid. Magagawa nila ito kung maaga silang darating sa mga pulong para makipagpatibayan sa iba. Madalas na ilang minuto lang ang kailangan, mapapatibay mo na ang isang kapatid. (Roma 1:12) Matutularan din ng isang elder ang halimbawa ni Pablo kung gagamitin niya ang Salita ng Diyos para patibayin ang mga kapatid at tiyakin sa kanila na mahal sila ni Jehova. Naghahanap siya ng mga pagkakataon para bigyan sila ng komendasyon. Kapag kailangan ng isang elder na magbigay ng payo, tinitiyak niya na mula ito sa Salita ng Diyos. Espesipiko siya pero mabait kasi gusto niyang tanggapin ng kapatid ang payo niya.—Gal. 6:1. w22.03 28-29 ¶11-12

Biyernes, Nobyembre 3

Ibinigay sa amin ang kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad, para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili. —2 Cor. 4:7.

Sa ngayon, binibigyan ni Jehova ang bayan niya ng “lakas na higit sa karaniwan” para patuloy silang makapaglingkod nang tapat sa kaniya. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng panalangin. Sa Efeso 6:18, hinihimok tayo ni apostol Pablo na manalangin “sa bawat pagkakataon.” Sasagutin ng Diyos ang mga panalanging iyan at papalakasin tayo. Baka may mga panahong sobra na tayong nabibigatan o hindi natin alam kung ano ang ipapanalangin natin. Pero gusto ni Jehova na manalangin tayo sa kaniya kahit pa nahihirapan tayong ipaliwanag kung ano ang iniisip natin at nararamdaman. (Roma 8:26, 27) Pinapatibay rin niya tayo sa pamamagitan ng Bibliya. Umasa si Pablo sa Kasulatan para sa lakas at pampatibay. Kailangan din nating gawin iyan. (Roma 15:4) Habang binabasa natin at binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, puwedeng gamitin ni Jehova ang espiritu niya para mas makita natin kung paano makakatulong ang Bibliya sa sitwasyon natin.—Heb. 4:12. w21.05 22 ¶8-10

Sabado, Nobyembre 4

Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo. —Fil. 2:13.

Gustong-gusto nating gumawa ng alagad pero baka nahihirapan tayo dahil may mga hamon. Baka nalilimitahan tayo. Halimbawa, may-edad na o mahina ang kalusugan ng ilang kapatid. Ganiyan ba ang kalagayan mo? Kung oo, tandaang natutuhan nating makakapag-study pala tayo gamit ang mga gadyet natin at kahit nasa bahay lang tayo! Bukod diyan, may ilang gustong mag-Bible study pero hindi available sa panahong nangangaral ang mga kapatid. Baka maagang-maaga o gabing-gabi sila puwede. Makakapag-adjust ka ba para tulungan sila? Gabi noong tinuruan ni Jesus si Nicodemo, ang oras na pinili ni Nicodemo.—Juan 3:1, 2. w21.07 5 ¶10-11

Linggo, Nobyembre 5

Lumalapit sa akin ang bayang ito sa pamamagitan ng bibig nila, at pinararangalan nila ako sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin. —Isa. 29:13.

Nagtataka ang mga alagad ni Juan Bautista dahil hindi nag-aayuno ang mga alagad ni Jesus. Ipinaliwanag ni Jesus na walang dahilan para mag-ayuno sila hangga’t buháy pa siya. (Mat. 9:14-17) Pero nagalit pa rin kay Jesus ang mga Pariseo at ang iba pang kumakalaban sa kaniya dahil hindi siya sumusunod sa kanilang mga kaugalian at tradisyon. Nagalit sila nang magpagaling siya sa araw ng Sabbath. (Mar. 3:1-6; Juan 9:16) Ipinagmamalaki nilang sinusunod nila ang kautusan tungkol sa Sabbath, pero okey lang sa kanila na magnegosyo sa templo. Nagalit sila nang kondenahin sila ni Jesus dahil dito. (Mat. 21:12, 13, 15) At galit na galit ang mga pinangaralan ni Jesus sa sinagoga sa Nazaret nang gumamit siya ng mga halimbawa mula sa kasaysayan ng Israel na nagpapakitang makasarili sila at walang pananampalataya. (Luc. 4:16, 25-30) Dahil iba sa inaasahan nila ang ginawa ni Jesus, marami ang natisod.—Mat. 11:16-19. w21.05 5-6 ¶13-14

Lunes, Nobyembre 6

Alam naman natin ang mga pakana niya.—2 Cor. 2:11.

Para malaman natin ang masasamang resulta ng pride at kasakiman, ipinasulat ni Jehova ang nangyari sa ilang lingkod niya noon. Kung kasakiman ang pag-uusapan, si Satanas na Diyablo ang unang maiisip natin. Siguradong maraming magagandang pribilehiyo noon si Satanas dahil anghel siya ni Jehova. Pero hindi siya nakontento. Hinangad niya ang pagsamba na para lang kay Jehova. Gusto ni Satanas na maging ganiyan din tayo, kaya gumagawa siya ng paraan para hindi tayo maging kontento. Una niyang ginawa iyan kay Eva. Pinaglaanan ni Jehova si Eva at ang asawa nito ng maraming pagkain—“mula sa bawat puno sa hardin” maliban sa isa. (Gen. 2:16) Pero dinaya ni Satanas si Eva; pinalabas niyang kailangang kumain ni Eva ng bunga mula sa ipinagbabawal na puno. Dahil hindi nakontento si Eva sa kung ano ang mayroon siya at gusto niya ng higit pa, nagkasala siya at namatay.—Gen. 3:6, 19. w21.06 14 ¶2-3; 17 ¶9

Martes, Nobyembre 7

Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon.—Gen. 1:28.

Gusto ni Jehova na magkaanak sina Adan at Eva at pangalagaan nila ang lupang tinitirhan nila. Kung naging masunurin lang sana sila at nakipagtulungan sa layunin ni Jehova, nanatili silang miyembro ng pamilya ni Jehova magpakailanman, pati na ang mga anak nila. Binigyang-dangal ni Jehova sina Adan at Eva bilang mga miyembro ng pamilya niya. Sa Awit 8:5 at sa talababa nito, sinabi ni David kung paano nilalang ni Jehova ang tao: “Ginawa mo siyang mas mababa nang kaunti sa mga anghel, at kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.” Totoo, ang mga tao ay hindi binigyan ng kapangyarihan, talino, at mga abilidad na katulad ng sa mga anghel. (Awit 103:20) Pero pansinin, “mas mababa” lang tayo “nang kaunti” sa mga anghel! Nakakalungkot, dahil sa pagsuway nina Adan at Eva, hindi na sila miyembro ng pamilya ni Jehova. Nadamay rin sa resulta nito ang mga inapo nila. Pero hindi nagbago ang layunin ni Jehova. Gusto pa rin niyang maging mga anak ang masunuring mga tao. w21.08 2-3 ¶2-4

Miyerkules, Nobyembre 8

“Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” ang sabi ni Jehova.—Zac. 4:6.

Sa ngayon, maraming sumasamba kay Jehova ang nakakaranas ng pagsalansang. Halimbawa, may ilan na nakatira sa mga lupaing ipinagbabawal ang gawain natin at puwedeng maaresto ang mga kapatid at ‘dalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari’ para makapagpatotoo sila sa kanila. (Mat. 10:17, 18) Ibang pagsalansang naman ang nararanasan ng ilang Saksi. Malaya silang nakakasamba kay Jehova sa bansa nila, pero hinahadlangan naman sila ng mga kapamilya nila na maglingkod sa Diyos. (Mat. 10:32-36) Sa maraming kaso, kapag nakikita ng mga kapamilya nila na hindi nila kayang pigilan ang mga kamag-anak nilang Saksi, tumitigil na sila sa pagsalansang. At ang ilan na dating nananakit sa mga kapamilya nilang Saksi ay naging masisigasig na Saksi rin. Kaya kapag pinag-uusig ka, huwag kang hihinto sa paglilingkod kay Jehova! Lakasan mo ang loob mo. Tutulungan ka ni Jehova at ng banal na espiritu niya, kaya wala kang dapat ikatakot! w22.03 16 ¶8

Huwebes, Nobyembre 9

O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.—Awit 97:10.

Sinasabi ng Bibliya na kinapopootan ni Jehova ang “mapagmataas na mga mata, sinungaling na dila, at mga kamay na pumapatay ng inosente.” (Kaw. 6:16, 17) “Kinasusuklaman [din niya] ang mararahas at nandaraya.” (Awit 5:6) Talagang kinapopootan ni Jehova ang mga ugali at gawaing ito kaya pinuksa niya ang lahat ng masasama noong panahon ni Noe dahil pinuno nila ng karahasan ang lupa. (Gen. 6:13) Sa pamamagitan naman ni propeta Malakias, sinabi ni Jehova na kinapopootan Niya ang mga may kataksilang dumidiborsiyo sa kanilang inosenteng asawa. Hindi tinatanggap ng Diyos ang pagsamba nila at mananagot sila sa kaniya dahil sa kanilang paggawi. (Mal. 2:13-16; Heb. 13:4) Gusto ni Jehova na “kamuhian [natin] ang masama.” (Roma 12:9) Ang salitang “kamuhian” ay isang matinding emosyon. Nangangahulugan ito ng matinding pagkapoot sa isang bagay at pagkasuklam dito. Kaya maisip pa lang natin ang mga ito, dapat na nandidiri na tayo. w22.03 4-5 ¶11-12

Biyernes, Nobyembre 10

Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya. —Isa. 30:18.

Malapit na tayong pagpalain ng ating Ama sa langit sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Lahat ng patuloy na naghihintay kay Jehova ay tatanggap ng maraming pagpapala ngayon at sa bagong sanlibutan. Sa bagong sanlibutan, lahat ng álalahanín at problemang nararanasan natin ngayon ay mawawala na. Mawawala na ang kawalang-katarungan at hindi na rin tayo masasaktan. (Apoc. 21:4) Hindi na tayo mag-aalala sa mga pangangailangan natin dahil maglalaan nang sagana si Jehova para sa lahat. (Awit 72:16; Isa. 54:13) Talagang napakaganda ng mga pagpapalang naghihintay sa atin! Habang unti-unti nating binabago ang pangit na mga ugali natin at nagkakaroon tayo ng magagandang katangian, naihahanda tayo ni Jehova para sa buhay sa ilalim ng pamamahala niya. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa, at huwag kang tumigil sa paglilingkod kay Jehova. Napakaganda ng buhay na mararanasan natin sa hinaharap! Kaya patuloy na magtiis at matiyagang maghintay hanggang sa tuparin ni Jehova ang lahat ng pangako niya. w21.08 13 ¶17-19

Sabado, Nobyembre 11

Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog. —Heb. 13:16.

Di-nagtagal pagkatanggap ng liham ni apostol Pablo, kinailangang iwan ng mga Kristiyano sa Judea ang bahay nila, negosyo, at di-sumasampalatayang mga kamag-anak at “tumakas papunta sa kabundukan.” (Mat. 24:16) Noong panahong iyon, kailangang-kailangan nilang magtulungan. Kung bago mangyari ito, sinusunod na nila ang payo ni Pablo na magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon sila, hindi na sila mahihirapan sa bagong buhay nila. Hindi laging ipinapaalám ng mga kapatid kung ano ang kailangan nila. Kaya maging madaling lapitan. Tiyak na may mga kakongregasyon ka na laging handang tumulong sa iba. Hindi nila ipinaparamdam sa atin na pabigat tayo sa kanila. Alam natin na maaasahan natin sila sa panahon ng pangangailangan, at gusto nating maging gaya nila. w22.02 23-24 ¶13-15

Linggo, Nobyembre 12

[Ingatan] ang pagkakaisang dulot ng espiritu.—Efe. 4:3.

Nitong mga nakaraang taon, maraming kongregasyon at sirkito ang pinagsasama o hinahati. Kung naatasan tayong lumipat sa ibang kongregasyon, baka mahirapan tayong iwan ang mga kaibigan at kapamilya natin. Tumanggap kaya ang mga elder ng tagubilin mula sa langit na nagsasabi kung saan nila ilalagay ang bawat kapatid? Alam nating hindi. Kaya baka mahirapan tayong sundin ang tagubiling iyon. Pero pinagtitiwalaan ni Jehova ang mga elder na gumawa ng gayong mga desisyon, kaya kailangan din nating magtiwala sa kanila. Bakit dapat tayong makipagtulungan sa mga elder at sumunod sa mga desisyon nila kahit hindi natin gusto ang mga iyon? Dahil kung gagawin natin ito, makakatulong tayo para manatili ang pagkakaisa sa bayan ng Diyos. Sumusulong ang kongregasyon kapag ang lahat ay mapagpakumbabang nagpapasakop sa mga desisyon ng lupon ng matatanda. (Heb. 13:17) Higit sa lahat, ipinapakita natin kay Jehova na nagtitiwala tayo sa kaniya kapag nakikipagtulungan tayo sa mga taong pinagkakatiwalaan niyang mangalaga sa atin.—Gawa 20:28. w22.02 4-5 ¶9-10

Lunes, Nobyembre 13

Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo.—1 Tim. 4:13.

Kung isa kang bautisadong brother, puwede mong pagsikapan na maging mas mahusay sa pagsasalita at pagtuturo. Bakit? Dahil kung ‘magbubuhos ka ng pansin’ sa pagbabasa, pagsasalita, at pagtuturo, makikinabang ang mga nakikinig sa iyo. (1 Tim. 4:15) Puwede mong gawing tunguhin na pag-aralan at sundin ang bawat aralin sa brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo. Isa-isa mong pag-aralan ang mga aralin, magpraktis nang mabuti, at sikaping gamitin ang lahat ng natutuhan mo sa mga bahagi mo. Humingi ng mungkahi sa katulong na tagapayo o sa iba pang elder na “nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Tim. 5:17) Mahalagang sundin ang mga aralin sa brosyur. Pero mahalaga rin na magpokus ka kung paano mo matutulungan ang mga tagapakinig mo na mapatibay ang pananampalataya nila o mapakilos sila na sundin ang mga napapakinggan nila. Kapag ginawa mo iyan, magiging mas masaya ka pati na ang iba. w21.08 24 ¶17

Martes, Nobyembre 14

Ituring ang iba na nakatataas sa inyo.—Fil. 2:3.

Kung itinuturing nating nakatataas sa atin ang iba, hindi tayo makikipagkompetensiya sa mas mahuhusay at mas maabilidad kaysa sa atin. Magiging masaya pa nga tayo para sa kanila, lalo na kung ginagamit nila ang mga talento at abilidad nila para purihin si Jehova. Kaya maitataguyod nating lahat ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon. Makokontrol natin ang tendensiyang mainggit kung magiging mapagpakumbaba tayo at kikilalaning may limitasyon tayo. Kung mapagpakumbaba tayo, hindi natin sisikaping patunayan na mas marami tayong talento o kayang gawin kaysa sa iba. Sa halip, aalamin natin kung ano ang puwede nating matutuhan sa mas mahuhusay kaysa sa atin. Halimbawa, kung mahusay magpahayag ang isang brother sa kongregasyon, baka puwede mo siyang tanungin kung paano siya naghahanda ng pahayag. Kung masarap magluto ang isang sister, baka puwede mo siyang tanungin kung paano mo pa mapapasarap ang luto mo. w21.07 15-16 ¶8-9

Miyerkules, Nobyembre 15

[Si Jehova ay] hindi kailanman magiging tiwali.—Deut. 32:4.

Sa aklat ng Bilang, mababasa natin na hinatulan ni Jehova ng kamatayan ang isang Israelita na nanguha ng kahoy sa araw ng Sabbath. Sa ikalawang aklat ng Samuel naman, nalaman natin na makalipas ang ilang siglo, pinatawad ni Jehova si Haring David na nagkasala ng pangangalunya at pagpatay. (Bil. 15:32, 35; 2 Sam. 12:9, 13) Baka maitanong natin, ‘Bakit pinatawad ni Jehova si David na ang kasalanan ay pagpatay at pangangalunya samantalang hinatulan ng kamatayan ang isang Israelita na mukhang hindi naman ganoon kalubha ang kasalanan?’ Hindi laging sinasabi ng Bibliya ang lahat ng detalye ng isang ulat. Halimbawa, alam natin na talagang pinagsisihan ni David ang mga nagawa niya. (Awit 51:2-4) Kumusta naman ang Israelita na lumabag sa kautusan ng Sabbath? Pinagsisihan ba niya ang ginawa niya? May nilabag na ba siyang kautusan ni Jehova noon? Binabalaan na ba siya dati pero binale-wala niya? Walang sinasabi ang Bibliya. Pero alam natin na ang Diyos ay “matuwid sa lahat ng kaniyang daan.”—Awit 145:17. w22.02 2-3 ¶3-4

Huwebes, Nobyembre 16

Ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.—Kaw. 11:2.

Alam ng taong mapagpakumbaba kung ano lang ang kaya niyang gawin. Kaya naman masaya pa rin siya at tuloy-tuloy sa paggawa. Para siyang isang tao na nagmamaneho paakyat ng bundok. Kailangan niyang mag-adjust ng kambiyo para makaahon at makapagpatuloy. Malamang na babagal siya, pero patuloy pa rin siyang makakaabante. Ganiyan din ang isang tao na kumikilala sa limitasyon niya. Alam niya kung kailan siya “mag-a-adjust ng kambiyo” para patuloy siyang makapaglingkod kay Jehova at sa mga kapatid. (Fil. 4:5) Pansinin ang halimbawa ni Barzilai. Noong 80 na siya, inalok siya ni Haring David na maging bahagi ng maharlikang korte. Pero tinanggihan ni Barzilai ang alok ng hari. Alam ni Barzilai na limitado na ang kaya niyang gawin, kaya inirekomenda niya ang kabataang si Kimham bilang kapalit niya. (2 Sam. 19:35-37) Gaya ni Barzilai, masaya rin ang mga may-edad nang brother na bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maglingkod. w21.09 10 ¶6-7

Biyernes, Nobyembre 17

Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.—Luc. 10:22.

Nahihirapan ka bang maniwala na puwede mong maging mapagmahal na Ama si Jehova? Ganiyan ang ilan sa atin. Baka hindi tayo makapaniwala dahil sa hindi magagandang naranasan natin sa magulang natin. Pero nakakatuwang malaman na naiintindihan ni Jehova ang mga nararamdaman natin. Gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya. Kaya naman sinasabi sa kaniyang Salita: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Mahal na mahal tayo ni Jehova, at gusto niya na maging pinakamabuting Ama para sa atin. Matutulungan tayo ni Jesus na maging mas malapít kay Jehova. Kilalang-kilala ni Jesus si Jehova at perpekto niyang natutularan ang mga katangian Niya kaya naman sinabi niya: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Para nating nakakatandang kapatid si Jesus na nagtuturo sa atin kung paano igagalang at susundin ang ating Ama. Itinuturo din niya sa atin kung paano maiiwasang mapalungkot si Jehova at kung paano Siya mapapasaya. Makikita rin sa naging buhay ni Jesus sa lupa kung gaano kabait at mapagmahal si Jehova. w21.09 21 ¶4-5

Sabado, Nobyembre 18

Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa pangangalaga ninyo.—1 Ped. 5:2.

Ang bayan ni Jehova ay nagkakaisa sa pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos. Pinagkatiwalaan ni Jehova ang mga elder ng mabigat na pananagutan na panatilihing malinis ang kongregasyon. Kapag nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano, inaasahan ni Jehova na aalamin ng mga elder kung dapat manatili sa kongregasyon ang isang iyon. Bukod sa iba pang mga bagay, kailangan nilang makita kung talagang pinagsisisihan niya ang nagawa niya. Baka sabihin niyang nagsisisi siya, pero talaga bang kinapopootan niya ang ginawa niya? Determinado ba siyang huwag nang maulit iyon? Kung nagkasala siya dahil sa impluwensiya ng masasamang kasama, handa ba siyang putulin ang pakikipagkaibigan sa kanila? Nananalangin ang mga elder kay Jehova kapag isinasaalang-alang nila ang mga impormasyong alam nila at ang sinasabi ng Bibliya, at sinusuri ang nadarama ng nagkasala sa nagawa niya. Pagkatapos, magdedesisyon sila kung dapat siyang manatili sa kongregasyon. Sa ilang kaso, baka kailangan siyang itiwalag.—1 Cor. 5:11-13. w22.02 5 ¶11-12

Linggo, Nobyembre 19

Isuot ninyo ang bagong personalidad.—Col. 3:10.

Gusto nating lahat na magkaroon ng personalidad na gusto ni Jehova, bagong bautismo man tayo o matagal na. Para magawa iyan, kailangan nating kontrolin ang pag-iisip natin. Bakit? Kasi malaki ang impluwensiya ng pag-iisip natin sa personalidad natin. Kung lagi nating iisipin kung ano lang ang makakapagpasaya sa atin, makakapagsalita tayo at makakagawa ng masasamang bagay. (Efe. 4:17-19) Pero kung mag-iisip tayo ng mabubuting bagay, mas malamang na magsalita at kumilos tayo sa paraang makakapagpasaya sa Ama natin, si Jehova. (Gal. 5:16) Pero may papasok at papasok pa ring masasamang kaisipan sa isip natin. Pero puwedeng hindi natin magawa ang mga iyon kung gugustuhin natin. Bago pa tayo mabautismuhan, kailangang naihinto na natin ang pagsasalita at pagkilos na kinapopootan ni Jehova. Iyan ang una at pinakamahalagang hakbang para mahubad ang lumang personalidad. Pero para lubusang mapasaya si Jehova, dapat din nating isuot ang bagong personalidad. w22.03 8 ¶1-2

Lunes, Nobyembre 20

Ginawa ninyo nang tama ang lahat ng bagay para malutas ang problemang ito. —2 Cor. 7:11.

Hindi madali para sa mga elder na malaman kung talagang nagsisisi ang isa na nagkasala nang malubha. Bakit? Hindi kasi sila nakakabasa ng puso. Kaya kailangan nilang makakita ng ebidensiya na talagang pinagsisisihan ng kapatid ang pagkakasala niya at na nagbago na siya. Kailangang makakita ng mga elder ng ebidensiya na talagang nagbago na ang kaisipan, damdamin, at ginagawa ng nagkasala. Baka kailangan ng nagkasala ng mahaba-habang panahon para magawa ang mga pagbabagong iyan. Para ipakitang talagang nagsisisi siya, regular na dadalo sa pulong ang isang natiwalag at susundin niya ang payo ng mga elder na regular na manalangin at mag-aral ng Bibliya. Sisikapin din niyang iwasan ang mga sitwasyon na puwedeng makatukso sa kaniya na magkasala ulit. Kung gagawin niya ang lahat para maayos ang kaugnayan niya kay Jehova, makakatiyak siya na lubusan siyang papatawarin ni Jehova at ibabalik siya ng mga elder sa kongregasyon. w21.10 6 ¶16-18

Martes, Nobyembre 21

Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa . . . Huwag kang yuyukod sa mga iyon.—Ex. 20:4, 5.

Mahal na mahal ni Jesus ang Diyos. Kaya noong nasa langit siya at noong bumaba siya dito sa lupa, si Jehova lang ang sinamba niya. (Luc. 4:8) Iyan din ang itinuro niya sa mga alagad niya. Kahit kailan, hindi gumamit si Jesus o ang tapat na mga alagad niya ng mga imahen sa pagsamba. Ang Diyos ay Espiritu, kaya hindi makakagawa ang tao ng kahit anong bagay na makakapantay sa kaluwalhatian ni Jehova! (Isa. 46:5) Pero paano naman ang paggawa ng imahen ng mga itinuturing na santo at pananalangin sa mga ito? Iyan ang ikalawang binanggit ni Jehova sa Sampung Utos na nasa teksto sa araw na ito. Napakalinaw ng utos na iyan para sa mga gustong mapasaya ang Diyos. Sinasabi ng mga istoryador na ang Diyos lang ang sinamba ng unang mga Kristiyano. Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano noon. w21.10 19-20 ¶5-6

Miyerkules, Nobyembre 22

Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba para kunin ang mga pag-aari niya mula sa kaniyang bahay.—Mat. 24:17.

Binabalaan ni Jesus ang unang-siglong mga Kristiyano na nakatira sa Judea na darating ang panahon na ‘paliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo.’ (Luc. 21:20-24) Kapag nangyari iyon, kailangan nilang ‘tumakas papunta sa mga kabundukan.’ Totoo, marami silang materyal na mga bagay na kailangang iwan pero maliligtas naman sila. Ganito ang sinabi ng Bantayan ilang taon na ang nakakaraan: “Iniwan nila ang mga bukid at mga tahanan, anupat ni hindi kinuha ang kanilang mga kagamitan mula sa kanilang mga tahanan. Palibhasa’y nagtitiwala sa proteksiyon at suporta ni Jehova, ang pagsamba sa kaniya ang kanilang inuna kaysa sa lahat ng iba pang bagay na waring mahalaga.” Idinagdag pa nito: “Maaaring may mga pagsubok sa hinaharap tungkol sa kung paano natin minamalas ang materyal na mga bagay; ang mga ito ba ang siyang pinakamahalagang bagay, o higit na mahalaga ang kaligtasang darating sa lahat ng nasa panig ng Diyos? Oo, ang ating pagtakas ay maaaring magsangkot ng ilang paghihirap at pagkakait. Kakailanganin nating maging handang gumawa ng anumang nararapat.” w22.01 4 ¶7-8

Huwebes, Nobyembre 23

Napakahalaga ng iyong tapat na pag-ibig, O Diyos! —Awit 36:7.

Hindi pa nagtatagal pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto, sinabi ni Jehova kay Moises ang pangalan at mga katangian Niya: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan.” (Ex. 34:6, 7) Sa mga sinabing ito ni Jehova, ipinakita niya kay Moises kung bakit espesyal ang tapat na pag-ibig Niya. Hindi lang basta sinabi ni Jehova na mayroon siyang tapat na pag-ibig, kundi sinabi niya na ‘sagana siya sa tapat na pag-ibig.’ Maraming beses na binanggit sa Bibliya ang paglalarawang ito. (Bil. 14:18; Neh. 9:17; Awit 86:15; 103:8; Joel 2:13; Jon. 4:2) Lahat iyon ay kay Jehova lang tumutukoy. Hindi ba’t ipinapakita nito na talagang mahalaga kay Jehova ang tapat na pag-ibig? w21.11 2-3 ¶3-4

Biyernes, Nobyembre 24

Huwag na kayong mag-alala. —Mat. 6:25.

May matututuhan ang mga mag-asawa sa halimbawa ni apostol Pedro at ng asawa niya. Wala pang isang taon matapos makilala ni Pedro si Jesus, kinailangan niyang gumawa ng isang mahalagang desisyon. Pangingisda ang ikinabubuhay ni Pedro, kaya nang anyayahan ni Jesus si Pedro na maging tagasunod niya, kailangan niya munang isaalang-alang ang asawa niya bago magdesisyon. (Luc. 5:1-11) Nagpasiya si Pedro na sumama kay Jesus sa gawaing pangangaral. At masasabi natin na sinuportahan siya ng asawa niya sa desisyon niya. Ipinapahiwatig ng Bibliya na may mga panahong sumama kay Pedro ang asawa niya sa paglalakbay matapos buhaying muli si Jesus. (1 Cor. 9:5) Dahil sa magandang halimbawa na ipinakita ng asawa ni Pedro, may kalayaang magpayo si Pedro sa mga Kristiyanong asawang lalaki at babae. (1 Ped. 3:1-7) Kitang-kita natin na nagtiwala si Pedro at ang asawa niya sa pangako ni Jehova na ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan nila kung uunahin nila ang Kaharian.—Mat. 6:31-34. w21.11 18 ¶14

Sabado, Nobyembre 25

Tularan ninyo ako. —1 Cor. 11:1.

Mahal ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya niya. Hindi siya nagsawang tulungan sila. (Gawa 20:31) Kaya naman, mahal na mahal nila si Pablo. Minsan, nang malaman ng matatanda sa Efeso na hindi na nila makikita si Pablo, “nag-iyakan” sila. (Gawa 20:37) Mahal na mahal din ng mga elder ang mga kapatid at ginagawa nila ang lahat para tulungan sila. (Fil. 2:16, 17) Pero kung minsan, may mga hamon ding nararanasan ang mga elder. Ano ang makakatulong sa kanila? Puwedeng pag-isipan ng masisipag na elder ang halimbawa ni Pablo. Hindi siya kagaya ng mga anghel na may kapangyarihan. Hindi siya perpekto at kung minsan, nahihirapan siyang gawin kung ano ang tama. (Roma 7:18-20) Marami rin siyang naging problema. Pero hindi sumuko si Pablo at hindi rin niya naiwala ang kagalakan niya. Kung tutularan ng mga elder si Pablo, makakayanan nila ang mga hamong nararanasan nila at patuloy silang magiging masaya habang naglilingkod kay Jehova. w22.03 26 ¶1-2

Linggo, Nobyembre 26

Dapat ninyong sundin ang batas ko sa mga sabbath. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.—Lev. 19:3.

Binabanggit ng Levitico 19:3 ang pagsunod sa batas ng Sabbath. Dahil wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano, hindi na natin ito ginagawa. Pero marami pa rin tayong matututuhan sa pagsunod ng mga Israelita sa batas ng Sabbath at kung paano ito nakatulong sa kanila. Sa panahon ng Sabbath, itinitigil ang pagtatrabaho para makapagbigay ng pansin sa espirituwal na mga bagay. Kaya naman kapag araw ng Sabbath, pumupunta si Jesus sa sinagoga para basahin ang Salita ng Diyos. (Ex. 31:12-15; Luc. 4:16-18) Dahil iniutos ng Diyos sa Levitico 19:3 na “sundin ang batas [niya] sa mga sabbath,” dapat tayong bumili ng panahon sa araw-araw na mga gawain para mas makapagbigay ng pansin sa espirituwal na mga bagay. May dapat ka bang baguhin para magawa ito? Kung regular kang naglalaan ng panahon sa espirituwal na mga bagay, magkakaroon ka ng malapít na kaugnayan kay Jehova, na mahalaga para maging banal. w21.12 5 ¶13

Lunes, Nobyembre 27

Dumating ako hindi para tawagin ang mga matuwid, kundi para akayin sa pagsisisi ang mga makasalanan. —Luc. 5:32.

Noong nasa lupa si Jesus, nakipagsamahan siya sa lahat ng uri ng tao. Kumain siyang kasama ng mayayaman at makapangyarihan, pero madalas siyang kasama ng mahihirap at mga naaapi. Nagmalasakit din siya sa mga itinuturing na “makasalanan.” Sa ginawang ito ni Jesus, natisod ang ilang mapagmatuwid na tao. Tinanong nila ang mga alagad niya: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Bilang sagot, sinabi ni Jesus ang pananalita sa teksto sa araw na ito. (Luc. 5:29-31) Matagal pa bago dumating ang Mesiyas, sinabi na ni propeta Isaias na hindi tatanggapin si Jesus ng sanlibutan. Sinasabi ng hula: “Siya ay hinamak at iniwasan . . . Parang nakatago ang mukha niya sa amin. Hinamak siya, at winalang-halaga namin siya.” (Isa. 53:3) Inihula na iiwasan ang Mesiyas, kaya dapat sanang inasahan na ng mga Judio noon na hindi siya tatanggapin ng mga tao. w21.05 8-9 ¶3-4

Martes, Nobyembre 28

Ibabangon siya ni Jehova. —Sant. 5:15.

Nahihirapan ang ilang Kristiyano noon na sumunod sa mga payo. (Sant. 1:22) Nagpapakita naman ng paboritismo sa mayayaman ang iba. (Sant. 2:1-3) May ilan naman na nahihirapang kontrolin ang dila nila. (Sant. 3:8-10) Hindi simple ang problema ng mga Kristiyano noon, pero hindi sila sinukuan ni Santiago. Nagpayo siya sa mabait pero prangkang paraan at hinimok ang mga may problema sa espirituwal na magpatulong sa matatandang lalaki. (Sant. 5:13, 14) Aral: Maging realistiko, pero positibo sa iba. Marami sa mga Bible study natin ang baka nahihirapang sumunod sa mga payo. (Sant. 4:1-4) Baka hindi nila agad maalis ang di-magagandang katangian at palitan iyon ng Kristiyanong mga katangian. Dapat na may lakas tayo ng loob na sabihin sa mga Bible study natin ang dapat nilang baguhin. Kailangan din nating maging positibo, na nagtitiwalang ilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga mapagpakumbaba at papalakasin sila para makapagbago.—Sant. 4:10. w22.01 11 ¶11-12

Miyerkules, Nobyembre 29

Ang nagtatakip ng tainga kapag dumaraing ang mahirap ay hindi pakikinggan kapag siya naman ang tumawag. —Kaw. 21:13.

Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging maawain gaya ni Jehova. Bakit? Dahil hindi pinapakinggan ni Jehova ang mga hindi nagpapakita ng awa sa iba. Siguradong gusto nating lahat na pakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin, kaya iniiwasan nating maging manhid at walang awa. Imbes na maging walang malasakit, dapat na lagi tayong handang makinig “kapag dumaraing ang mahirap.” Lagi rin nating tinatandaan ang sinasabi ng Bibliya: “Ang hindi nagpapakita ng awa ay hahatulan nang walang awa.” (Sant. 2:13) Kung magiging mapagpakumbaba tayo at iisipin na tayo mismo ay nangangailangan ng awa, mas malamang na magpakita tayo ng awa. Gusto nating maging maawain lalo na sa nagsising nagkasala na nakabalik sa kongregasyon. Makakatulong sa atin ang mga halimbawa sa Bibliya para maging maawain tayo at hindi malupit. w21.10 12 ¶16-17

Huwebes, Nobyembre 30

Umupo kayo rito at pupunta ako roon para manalangin. —Mat. 26:36.

Noong gabi bago mamatay si Jesus at malapit nang matapos ang ministeryo niya sa lupa, naghanap siya ng tahimik na lugar para magbulay-bulay at manalangin. Nagpunta siya sa hardin ng Getsemani. Doon, binigyan ni Jesus ang mga alagad niya ng napakahalagang payo tungkol sa panalangin. Gabing-gabi na nang makarating sila sa hardin ng Getsemani, malamang lampas na ng hatinggabi. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na “patuloy na magbantay,” saka siya lumayo para manalangin. (Mat. 26:37-39) Habang nananalangin siya, nakatulog sila. Nang madatnan niyang natutulog sila, sinabihan ulit sila ni Jesus na “patuloy [na] magbantay at manalangin.” (Mat. 26:40, 41) Alam ni Jesus na pagod na pagod na sila. Naiintindihan niya na “mahina ang laman.” Dalawang beses pang umalis si Jesus para manalangin. Pero pagbalik niya, natutulog pa rin ang mga alagad niya sa halip na nananalangin.—Mat. 26:42-45. w22.01 28 ¶10-11

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share