Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es23 p. 118-128
  • Disyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Disyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2023
  • Subtitulo
  • Biyernes, Disyembre 1
  • Sabado, Disyembre 2
  • Linggo, Disyembre 3
  • Lunes, Disyembre 4
  • Martes, Disyembre 5
  • Miyerkules, Disyembre 6
  • Huwebes, Disyembre 7
  • Biyernes, Disyembre 8
  • Sabado, Disyembre 9
  • Linggo, Disyembre 10
  • Lunes, Disyembre 11
  • Martes, Disyembre 12
  • Miyerkules, Disyembre 13
  • Huwebes, Disyembre 14
  • Biyernes, Disyembre 15
  • Sabado, Disyembre 16
  • Linggo, Disyembre 17
  • Lunes, Disyembre 18
  • Martes, Disyembre 19
  • Miyerkules, Disyembre 20
  • Huwebes, Disyembre 21
  • Biyernes, Disyembre 22
  • Sabado, Disyembre 23
  • Linggo, Disyembre 24
  • Lunes, Disyembre 25
  • Martes, Disyembre 26
  • Miyerkules, Disyembre 27
  • Huwebes, Disyembre 28
  • Biyernes, Disyembre 29
  • Sabado, Disyembre 30
  • Linggo, Disyembre 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2023
es23 p. 118-128

Disyembre

Biyernes, Disyembre 1

Makikinig sila sa tinig ko. —Juan 10:16.

Ikinumpara ni Jesus ang kaugnayan niya sa mga tagasunod niya sa malapít na ugnayan ng pastol at mga tupa nito. (Juan 10:14) Tama naman kasi kilala ng mga tupa ang pastol nila at nakikinig sila sa tinig nito. Napatunayan iyan ng isang turista. Sinabi niya: “Gusto naming kunan ng litrato ang mga tupa at sinubukan namin silang palapitin. Pero hindi sila lumalapit kasi hindi nila kilala ang boses namin. Pagkatapos, may lumapit na batang pastol, at hindi man lang siya nahirapang tawagin at palapitin ang mga tupa.” Makikita natin sa karanasan ng turista ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tupa—ang mga alagad niya. Sinabi niya: “Makikinig sila sa tinig ko.” Pero nasa langit si Jesus. Paano tayo makikinig sa tinig niya? Nakikinig tayo sa tinig ni Jesus kapag isinasabuhay natin ang mga turo niya.—Mat. 7:24, 25. w21.12 16 ¶1-2

Sabado, Disyembre 2

Ang lahat ay nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. —Roma 3:23.

Dating malupit at masigasig na mang-uusig ng mga Kristiyano si apostol Pablo. Pero nang maglaon, inamin niyang nagkamali siya at binago niya ang kaniyang pananaw at personalidad. (1 Tim. 1:12-16) Sa tulong ni Jehova, naging mapagmahal, maawain, at mapagpakumbabang pastol si Pablo. Sa halip na isipin nang isipin ang mga pagkukulang niya, nagtiwala siya sa pagpapatawad ni Jehova. (Roma 7:21-25) Alam niyang hindi siya perpekto. Pero nagsikap siya nang husto na pasulungin ang Kristiyanong personalidad niya at mapagpakumbaba siyang umasa sa tulong ni Jehova para matapos ang gawaing ibinigay sa kaniya. (1 Cor. 9:27; Fil. 4:13) Alam ni Jehova na hindi perpekto ang mga elder pero inatasan pa rin niya sila. Inaasahan ni Jehova na aaminin nila ang mga pagkakamali nila at pasusulungin ang kanilang Kristiyanong personalidad. (Efe. 4:23, 24) Dapat pag-aralan ng isang elder ang Salita ng Diyos para makita niya kung ano ang dapat niyang baguhin sa sarili niya. At tiyak na tutulungan siya ni Jehova na maging masaya at mahusay na elder.—Sant. 1:25. w22.03 29-30 ¶13-15

Linggo, Disyembre 3

Huwag na kayong humatol. —Mat. 7:1.

Ano ang dapat nating gawin kapag napansin natin na hinahatulan na natin ang isang kapatid? Dapat nating tandaan na inutusan tayong mahalin ang mga kapatid. (Sant. 2:8) Dapat din nating ipanalangin na tulungan tayo ni Jehova na huwag nang humatol. Pagkatapos, kumilos at sikaping makilala pa ang taong pinupuna natin. Puwede natin siyang yayain na makapartner sa ministeryo o kumain. Kapag ginawa natin iyon, sikapin nating hanapin ang magagandang katangian niya, gaya ng ginagawa ni Jehova at ni Jesus. Sa ganiyang paraan, maipapakita natin na nakikinig tayo sa utos ng mabuting pastol na huwag nang humatol. Gaya ng isang literal na tupa na nakikinig sa tinig ng pastol niya, nakikinig din ang mga tagasunod ni Jesus sa tinig niya. Bahagi man tayo ng “munting kawan” o “ibang mga tupa,” patuloy sana tayong makinig at sumunod sa tinig ng mabuting pastol.—Luc. 12:32; Juan 10:11, 14, 16. w21.12 19 ¶11; 21 ¶17-18   

Lunes, Disyembre 4

Binale-wala niya ang payo ng matatandang lalaki. —1 Hari 12:8.

Nang maging hari ng Israel si Rehoboam, lumapit sa kaniya ang mga nasasakupan niya. Hiniling nila na pagaanin niya ang pasang ibinigay sa kanila ng tatay niyang si Solomon. Maganda naman ang ginawa ni Rehoboam kasi nagtanong siya sa matatandang lalaki ng Israel kung ano ang sasabihin niya sa mga tao. Sinabi nila sa hari na kung pagbibigyan niya ang hiling ng mga tao, patuloy silang maglilingkod sa kaniya. (1 Hari 12:3-7) Pero hindi nakontento si Rehoboam sa payo nila kaya humingi pa siya ng payo sa mga kaedaran niya. Sinabi nilang pabigatin pa ang pasan ng mga tao. (1 Hari 12:8-11) Dapat sana, nanalangin si Rehoboam kay Jehova at nagtanong kung kaninong payo ang susundin niya. Kaya lang, nakinig siya sa mga kaedaran niya. Dahil dito, napahamak si Rehoboam at ang bayan ng Israel. Kung minsan, baka hindi rin natin gusto ang ipinapayo sa atin. Pero kung batay ito sa Salita ng Diyos, dapat natin itong tanggapin o pakinggan. w22.02 9 ¶6   

Martes, Disyembre 5

Ang karangalan ng mga kabataang lalaki ay ang lakas nila. —Kaw. 20:29.

Ang isang taong mapagpakumbaba at kumikilala sa limitasyon niya ay magpopokus hindi sa kawalang-karanasan ng mga kabataan kundi sa lakas nila. Hindi niya sila ituturing na mga karibal, kundi mga kamanggagawa. Pinapahalagahan ng mga may-edad na ang mga kabataan dahil para sa kanila, ang mga ito ay regalo mula kay Jehova. Dahil humihina na sila, ipinagpapasalamat nila na may mga kabataan na malalakas at handang maglingkod sa kongregasyon. Ang may-edad nang si Noemi ay magandang halimbawa sa Bibliya. Pinahalagahan niya ang tulong ng isang kabataan. Noong una, pinapabalik ni Noemi ang biyuda niyang manugang na si Ruth sa bayan nito. Pero nang ipilit ni Ruth na sasamahan niya si Noemi pabalik sa Betlehem, tinanggap ni Noemi ang tulong niya. (Ruth 1:7, 8, 18) At napakaganda ng naging resulta para sa kanila! (Ruth 4:13-16) Siguradong tutularan ng mga mapagpakumbabang may-edad na ang halimbawa ni Noemi. w21.09 10-11 ¶9-11   

Miyerkules, Disyembre 6

Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo. —Heb. 6:10.

Naiintindihan ng Ama natin sa langit ang kalagayan ng bawat isa sa atin. Baka mas marami kang kayang gawin kaysa sa mga kakilala mo at mahal sa buhay. O baka mas kakaunti ang nagagawa mo kaysa sa iba, dahil sa iyong edad, kalusugan, o pananagutan sa pamilya. Pero huwag masiraan ng loob. (Gal. 6:4) Hindi kakalimutan ni Jehova ang mga nagagawa mo. Mapapasaya mo siya hangga’t ibinibigay mo ang buong makakaya mo nang may tamang motibo. Nababasa ni Jehova kahit ang intensiyon ng puso mo. Gusto niyang maging masaya ka sa mga ginagawa mo para sambahin siya. Payapa rin ang isip natin kasi alam natin na tinutulungan tayo ni Jehova kapag may mga problema tayo. (Isa. 41:9, 10) Talagang marami tayong dahilan para maging masaya habang sinasamba natin ang ating maibiging Ama na karapat-dapat tumanggap ng “kaluwalhatian at karangalan” mula sa kaniyang mga nilalang!—Apoc. 4:11. w22.03 24 ¶16; 25 ¶18

Huwebes, Disyembre 7

Nagmadali ako, at tinupad ko agad ang mga utos mo. —Awit 119:60.

Gusto nating tularan si Jesus, pero hindi tayo dapat masiraan ng loob kung hindi tayo maging kagayang-kagaya ni Jesus. (Sant. 3:2) Hindi lubusang magagaya ng isang estudyante ng art ang ginagawa ng guro niya. Pero habang natututo siya sa mga pagkakamali niya at sinisikap na tularan ang guro niya, unti-unti siyang huhusay. Kung gagawin din natin ang mga natututuhan natin sa personal na pag-aaral ng Bibliya at itatama ang mga pagkakamali natin, matutularan natin si Jesus. (Awit 119:59) Maraming tao sa ngayon ang napakamakasarili. Pero ibang-iba ang bayan ni Jehova. Gustong-gusto nating tularan ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus. (1 Ped. 2:21) Kapag ginagawa natin ang lahat para tularan ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus, magiging masaya rin tayo dahil alam nating sinasang-ayunan tayo ni Jehova. w22.02 24 ¶16; 25 ¶18

Biyernes, Disyembre 8

Ang ilan sa nilalaman ng mga iyon ay mahirap maintindihan. —2 Ped. 3:16.

Sa ngayon, pinapatnubayan ni Jehova ang bayan niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Kung maglalaan tayo ng panahon para bulay-bulayin ang mga itinuturo sa atin ni Jehova, masusunod natin ang tagubilin niya at ang utos niya na mangaral. (1 Tim. 4:15, 16) Ginagamit din ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng tagubilin. (Mat. 24:45) Kung minsan, baka hindi natin lubusang naiintindihan ang tagubiling ibinibigay ng aliping ito. Halimbawa, baka tumanggap tayo ng mga espesipikong tagubilin bilang paghahanda sa isang likas na sakuna na sa tingin natin ay hindi naman mangyayari sa lugar natin. Ano ang dapat nating gawin kung sa tingin natin, hindi praktikal ang mga tagubiling iyon? Pag-isipan natin ang ibang ulat sa Bibliya na nabasa natin. May mga pagkakataon na tumanggap ang bayan ng Diyos ng tagubilin na sa tingin ng tao ay hindi praktikal, pero nakapagligtas ng buhay.—Huk. 7:7; 8:10. w22.03 18 ¶15-16

Sabado, Disyembre 9

Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.—Luc. 23:46.

Buong pagtitiwalang sinabi ni Jesus ang pananalita sa teksto sa araw na ito. Alam ni Jesus na nakasalalay kay Jehova ang buhay niya sa hinaharap, at sigurado siyang hindi siya kakalimutan ng kaniyang Ama. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Ipaubaya mo ang buhay mo kay Jehova. Para magawa iyan, dapat kang ‘magtiwala kay Jehova nang buong puso.’ (Kaw. 3:5) Pansinin ang halimbawa ni Joshua, isang 15-anyos na Saksi na may sakit na puwede niyang ikamatay. Tinanggihan niya ang paggagamot na labag sa batas ng Diyos. Noong malapit na siyang mamatay, sinabi niya sa nanay niya: “Inay, ako’y iingatan ni Jehova. . . . Ito ang masasabi ko, Inay, nang buong katiyakan: Alam kong tiyak na bubuhayin ako ni Jehova sa pagkabuhay-muli. Nabasa niya ang aking puso, at talagang mahal ko siya.” Dapat nating itanong sa ating sarili, ‘Kapag napaharap ako sa isang pagsubok na puwede kong ikamatay, ipapaubaya ko ba ang buhay ko kay Jehova at magtitiwalang hindi niya ako kakalimutan?’ w21.04 13 ¶15-16

Linggo, Disyembre 10

Ang nagpapaginhawa sa iba ay magiginhawahan din. —Kaw. 11:25.

Napapatibay ang bayan ni Jehova sa pamamagitan ng ministeryo. Kapag sinasabi natin sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya, gumagaan ang pakiramdam natin at napapalakas tayo, makinig man sila o hindi. Dahil sa sitwasyon ng ilan, baka iniisip nilang kulang ang nagagawa nila sa ministeryo. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, tandaan na natutuwa si Jehova kapag ginagawa mo ang buong makakaya mo. Nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang kagustuhan nating makibahagi sa ministeryo kahit hindi tayo makaalis ng bahay. Puwede siyang gumawa ng paraan para makapagpatotoo tayo sa mga caregiver o mga doktor at nurse. Baka panghinaan lang tayo ng loob kung ikukumpara natin ang nagagawa natin noon sa nagagawa natin ngayon. Pero kung iisipin natin kung paano tayo tinutulungan ni Jehova ngayon, magkakaroon tayo ng lakas na kailangan natin para matiis ang kahit anong problema at maging masaya pa rin. Hindi natin alam kung alin sa mga binhi ng katotohanang itinanim natin ang tutubo.—Ecles. 11:6. w21.05 24-25 ¶14-17

Lunes, Disyembre 11

Bakit mo hinamak ang salita ni Jehova at ginawa ang masama sa paningin niya? —2 Sam. 12:9.

Dahil sa kasakiman, nalimutan ni Haring David ang mga ibinigay sa kaniya ni Jehova, kasama na ang kayamanan, katanyagan, at tagumpay sa maraming kaaway. Sinabi ni David na ‘hindi niya mabanggit ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng Diyos dahil sa dami!’ (Awit 40:5) Pero may pagkakataong nalimutan ni David ang mga ibinigay sa kaniya ni Jehova. Marami nang asawa noon si David pero hinayaan niyang tumubo sa puso niya ang pagnanasa sa asawa ng iba. Si Bat-sheba ang babaeng iyon, at si Uria na Hiteo ang asawa nito. Naging makasarili si David at nakipagtalik siya kay Bat-sheba, at nagdalang-tao ito. Hindi pa siya nakontento, gumawa pa siya ng paraan para mapatay si Uria! (2 Sam. 11:2-15) Bakit iyon nagawa ni David? Hindi ba niya naisip na nakikita siya ni Jehova? Ang dating tapat na lingkod ni Jehova ay nagpadala sa kasakiman at pinagbayaran niya iyon nang malaki. Buti na lang, inamin ni David na nagkasala siya at pinagsisihan iyon. Laking pasasalamat niya na pinatawad siya ni Jehova!—2 Sam. 12:7-13. w21.06 17 ¶10

Martes, Disyembre 12

Hindi namin sinasabi na lubusan kaming kuwalipikado . . . ; naging kuwalipikado kami dahil sa Diyos.—2 Cor. 3:5.

Baka wala tayong kumpiyansa sa kakayahan nating mag-Bible study. Baka iniisip natin na kulang pa ang alam natin o hindi pa tayo ganoon kahusay magturo. Kung ganiyan ang iniisip mo, pag-usapan natin ang tatlong makakapagbigay sa iyo ng kumpiyansa. Una, para kay Jehova, kuwalipikado kang magturo sa iba. Ikalawa, si Jesus na binigyan ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa’ ang mismong nag-utos na magturo ka. (Mat. 28:18) Ikatlo, makakaasa kang tutulungan ka ng iba. Umasa si Jesus sa itinuro ng kaniyang Ama na sasabihin niya, at puwede mo ring gawin iyan. (Juan 8:28; 12:49) Puwede ka ring magpatulong sa tagapangasiwa ng grupo ninyo sa paglilingkod o kaya ay sa isang makaranasang payunir o kapatid para makapagpasimula at makapagdaos ng Bible study. Makakatulong din kung sasama ka sa pagba-Bible study nila. w21.07 5 ¶12

Miyerkules, Disyembre 13

Ang taong tapat sa pinakamaliit na bagay ay tapat din sa maraming bagay, at ang taong di-matuwid sa pinakamaliit na bagay ay hindi rin matuwid sa maraming bagay.—Luc. 16:10.

Habang papalapít ang wakas ng sistemang ito, lalo nating kailangang magtiwala na laging tama ang lahat ng ginagawa ni Jehova. Bakit? Sa malaking kapighatian, malamang na makatanggap tayo ng mga tagubilin na sa tingin natin ay kakaiba, di-praktikal, o di-makatuwiran. Siyempre, hindi naman tayo personal na kakausapin ni Jehova. Maaaring magbigay siya ng tagubilin sa pamamagitan ng mga inatasan niyang mangasiwa. Hindi iyon ang panahon para magduda at mag-isip, ‘Galing ba talaga kay Jehova ang tagubiling ito, o desisyon lang ito ng mga kapatid na nangunguna?’ Magtitiwala ka ba kay Jehova at sa organisasyon niya sa kritikal na panahong iyon? Nakadepende iyan kung paano ka sumusunod sa mga tagubilin ngayon. Kapag nagtitiwala ka sa mga tagubiling natatanggap natin ngayon at agad itong sinusunod, malamang na ganiyan din ang gagawin mo sa malaking kapighatian. w22.02 6 ¶15

Huwebes, Disyembre 14

Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo?—Huk. 8:2.

Sa tulong ni Jehova, nanalo sa isang labanan si Gideon at ang 300 mandirigma niya na puwede sana nilang ipagmalaki. Pero sa halip na makisaya kay Gideon, nakipag-away ang mga lalaki ng Efraim sa kaniya dahil hindi sila tinawag para sumamang makipaglaban sa mga kaaway ng Diyos. (Huk. 8:1) Sinabi ni Gideon kung paano pinagpala ni Jehova ang Efraim. Kaya “huminahon sila.” (Huk. 8:3) Handa si Gideon na lunukin ang pride niya para manatiling payapa ang bayan ng Diyos. Mula sa halimbawa ng mga Efraimita, matututuhan natin na hindi natin dapat unahin ang karangalan natin kaysa sa karangalan ni Jehova. Kung tayo ay ulo ng pamilya o elder, may matututuhan tayo kay Gideon. Kung may nainis sa atin dahil sa ginawa natin, dapat nating intindihin kung bakit siya nainis. Puwede rin nating banggitin sa kaniya ang magagandang bagay na nagawa niya. Kailangan dito ang kapakumbabaan. Pero mas mahalaga ang kapayapaan kaysa sa pride natin. w21.07 16-17 ¶10-12

Biyernes, Disyembre 15

Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.—Gen. 1:26.

Nilalang tayo ni Jehova ayon sa larawan niya. Dahil ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya nating maipakita ang marami sa magagandang katangian niya, gaya ng pagiging mapagmahal, mapagmalasakit, tapat, at makatuwiran. (Awit 86:15; 145:17) Kapag sinisikap nating maging ganiyan, pinaparangalan natin si Jehova at ipinapakita nating nagpapasalamat tayo sa kaniya. (1 Ped. 1:14-16) Kapag ginagawa natin ang gusto ng ating Ama sa langit, nagiging masaya tayo at kontento. At dahil ginawa niya tayo ayon sa larawan niya, kaya nating maging gaya ng mga taong gusto ni Jehova na maging miyembro ng pamilya niya. Naghanda si Jehova ng espesyal na tahanan para sa atin. Bago pa lalangin si Adan, inihanda na ni Jehova ang lupa para sa mga tao. (Job 38:4-6; Jer. 10:12) Dahil mapagmalasakit at mapagbigay si Jehova, naglaan siya ng maraming mabubuting bagay para maging masaya tayo. (Awit 104:14, 15, 24) May mga panahon na pinagmasdan niya ang mga nilikha niya, at “nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.”—Gen. 1:10, 12, 31. w21.08 3 ¶5-6

Sabado, Disyembre 16

Ang mga katangian na bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.—Gal. 5:22, 23.

Lahat tayo ay inatasan na mangaral at gumawa ng alagad. (Mat. 28:19, 20; Roma 10:14) Gusto mo ba na maging mas mahusay pa sa napakahalagang gawaing ito? Magtakda ka ng mga espesipikong tunguhin habang pinag-aaralan mo at sinusunod ang mga natututuhan mo sa brosyur na Pagtuturo. Kapag nagtatakda ka ng mga tunguhin, huwag mong kakalimutan ang isa sa pinakamahalagang tunguhin—ang pagpapasulong ng mga katangiang Kristiyano. (Col. 3:12; 2 Ped. 1:5-8) Gusto nating lahat na mas marami pang magawa para kay Jehova sa ngayon. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, mapaglilingkuran natin siya nang lubusan. Pero habang wala pa ang panahong iyon, kung gagawin natin ang buong makakaya natin para paglingkuran siya, magiging mas masaya tayo at mababawasan ang pagkadismaya natin. At ang pinakamahalaga, maluluwalhati at mapapapurihan natin si Jehova, ang ating “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) Kaya patuloy tayong masiyahan sa mga pribilehiyo natin ngayon! w21.08 25 ¶18-20

Linggo, Disyembre 17

Ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral. —Heb. 11:6.

Kung pinalaki kang isang Saksi ni Jehova, malamang na bata ka pa lang, kilala mo na si Jehova. Itinuro sa iyo na siya ang Maylalang, may magaganda siyang katangian, at may layunin siya para sa mga tao. (Gen. 1:1; Gawa 17:24-27) Pero maraming tao ang hindi naniniwala na may Diyos, lalo na kung sasabihin pang siya ang Maylalang. Para sa kanila, basta na lang nagsimula ang buhay. Sinasabi nila na unti-unting nag-evolve at naging mas masasalimuot na anyo ng buhay. Ang ilan sa mga taong ito ay may mataas na pinag-aralan. Sinasabi nila na napatunayan na ng siyensiya na mali ang Bibliya at na ang mga nananampalataya sa Maylalang ay mga ignorante, walang pinag-aralan, o madaling mapaniwala. Gaano man katagal na tayong Saksi ni Jehova, kailangan pa rin nating patuloy na patibayin ang pananampalataya natin. Kung gagawin natin iyan, hindi tayo maililigaw ng “pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya” na itinuturo ng mga hindi naniniwala sa Bibliya.—Col. 2:8. w21.08 14 ¶1-3

Lunes, Disyembre 18

O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan.—Apoc. 4:11.

Ipinakita ng tapat na mga lalaking gaya nina Abel, Noe, Abraham, at Job na mahal nila at iginagalang si Jehova kasi sinunod nila ang Diyos, nanampalataya sila sa kaniya, at naghain ng mga handog. Tiyak na ginawa nila ang lahat para parangalan si Jehova, at naging katanggap-tanggap sa kaniya ang pagsamba nila. Pagkatapos, ibinigay ni Jehova sa mga inapo ni Abraham ang Kautusang Mosaiko. May mga batas ito tungkol sa paraan ng pagsamba na tinatanggap ni Jehova. Pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, hindi na hiniling ni Jehova na sundin ang Kautusang Mosaiko. (Roma 10:4) May bagong kautusan nang dapat sundin ang mga Kristiyano, “ang kautusan ng Kristo.” (Gal. 6:2) Hindi na nila kailangang sundin ang isang mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin para masunod ang ‘kautusang’ ito. Kailangan lang nilang tularan ang halimbawa ni Jesus at sundin ang mga turo niya. Sa ngayon, sinisikap din ng mga Kristiyano na sundan ang Kristo para mapasaya si Jehova at ‘maginhawahan’ sila.—Mat. 11:29. w22.03 20-21 ¶4-5

Martes, Disyembre 19

Madalas siyang pumunta sa liblib na mga lugar para manalangin.—Luc. 5:16.

Pinapakinggan ni Jehova ang mga anak niya. Noong nasa lupa si Jesus, pinakinggan ni Jehova ang maraming panalangin niya. Nanalangin si Jesus bago gumawa ng mabibigat na desisyon, gaya noong pipili siya ng 12 apostol. (Luc. 6:12, 13) Nanalangin din siya noong nag-aalala siya. Pinakinggan ni Jehova ang mga panalanging iyon. At bago traidurin si Jesus, marubdob siyang nanalangin sa kaniyang Ama tungkol sa napakahirap na pagsubok na mapapaharap sa kaniya. At hindi lang basta pinakinggan ni Jehova ang panalanging iyon, nagpadala rin siya ng anghel para palakasin ang mahal niyang Anak. (Luc. 22:41-44) Sa ngayon, sinasagot pa rin ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya—sa tamang panahon at sa pinakamagandang paraan. (Awit 116:1, 2) Ganiyan ang naranasan ng isang sister sa India. Sobra siyang nag-aalala, at marubdob niya itong ipinanalangin kay Jehova. Isinulat niya: “Tamang-tama sa akin ang JW Broadcasting® noong Mayo 2019 tungkol sa puwede nating gawin kapag sobra tayong nag-aalala. Sagot iyon sa mga panalangin ko.” w21.09 21-22 ¶6-7

Miyerkules, Disyembre 20

Tumakas … papunta sa mga kabundukan.—Luc. 21:21.

Naiisip mo ba kung gaano kahirap sa unang-siglong mga Kristiyanong iyon na iwan ang halos lahat ng pag-aari nila at magsimula ulit? Kailangan nila ng pananampalataya at umasang paglalaanan sila ni Jehova. Pero may nakatulong sa kanila. Limang taon bago palibutan ng mga Romano ang Jerusalem, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Hebreo: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo. Dahil sinabi niya: ‘Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.’ Kaya lalakas ang loob natin at masasabi natin: ‘Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’” (Heb. 13:5, 6) Tiyak na ang lahat ng sumunod sa payong ito ni Pablo ay hindi nahirapan sa bago nilang kalagayan. Buo ang tiwala nila na ibibigay ni Jehova ang mga pangangailangan nila. w22.01 4 ¶7, 9

Huwebes, Disyembre 21

Ang habag [ni Jehova] ay makikita sa lahat ng ginagawa niya.—Awit 145:9.

Kapag sinabing maawain ang isang tao, baka maisip natin na mabait siya, mapagmahal, mapagmalasakit, at mapagbigay. Baka maalala rin natin ang kuwento ni Jesus tungkol sa madamaying Samaritano. ‘Nagpakita siya ng awa’ sa isang Judio na binugbog at ninakawan. Kahit hindi niya ito kalahi, “naawa siya rito” at siniguradong maaalagaan ito. (Luc. 10:29-37) Kitang-kita sa ilustrasyong ito na maawain ang Diyos natin. Ang magandang katangiang iyan ang isang paraan ng Diyos para ipakitang mahal niya tayo. Baka maisip din natin ang isa pang paraan kung paano maipapakita ang awa. Iyan ay ang hindi pagpaparusa kahit may basehan para gawin iyon. Ganiyan nagpapakita ng awa si Jehova sa atin. “Hindi niya tayo pinaparusahan ayon sa mga kasalanan natin,” ang sabi ng salmista. (Awit 103:10) Pero kung minsan, naglalapat si Jehova ng mabigat na disiplina sa nagkasala. w21.10 8 ¶1-2

Biyernes, Disyembre 22

Ang aking tapat na pag-ibig ay hindi aalisin sa iyo.—Isa. 54:10.

Si Jehova ay nagpapakita lang ng tapat na pag-ibig sa malalapít sa kaniya—ang mga lingkod niya. Kitang-kita iyon sa mga sinabi nina Haring David at propeta Daniel. Halimbawa, sinabi ni David: “Patuloy mong ipakita ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo.” “Ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan para sa mga natatakot sa kaniya.” Sinabi naman ni Daniel: “O Jehova na tunay na Diyos, na . . . nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya.” (Awit 36:10; 103:17; Dan. 9:4) Batay sa mga ito, nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig sa mga lingkod niya dahil kilala nila siya, natatakot sila sa kaniya, mahal nila siya, at sinusunod nila ang mga utos niya. Ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay para lang sa tunay na mananamba niya. Bago tayo naging lingkod ni Jehova, tumanggap na tayo ng pag-ibig ng Diyos na ipinapakita niya sa lahat ng tao. (Awit 104:14) Pero dahil naging mananamba tayo ni Jehova, nakikinabang din tayo sa tapat na pag-ibig niya. w21.11 4 ¶8-9

Sabado, Disyembre 23

Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin.—Mat. 4:10.

Anuman ang mangyari, determinado tayong sundin ang sinabi ni Jesus sa teksto sa araw na ito. Sa ngayon, may kilaláng mga lider ng relihiyon na maraming tagasunod. Hangang-hanga ang mga tao sa kanila at halos sambahin na sila. Marami ang pumupunta sa mga simbahan nila, bumibili ng mga aklat nila, at nagbibigay ng malaking donasyon sa kanila o sa mga organisasyon o programang isinusulong nila. Paniwalang-paniwala ang mga tao sa lahat ng sinasabi nila. Sa sobrang saya ng mga tagasunod nila kapag nakikita sila, baka nga wala nang bago kahit magpakita pa si Jesus sa mga ito! Pero iba ang tunay na mga mananamba ni Jehova, hindi sila sumusunod sa mga tao. Oo, iginagalang natin ang mga nangunguna sa atin, pero sinusunod natin ang malinaw na turo ni Jesus: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mat. 23:8-10) Hindi natin iniidolo ang mga tao—lider man sila ng relihiyon o politiko—at hindi natin sinusuportahan ang anumang programang isinusulong nila. Sa halip, nananatili tayong neutral at hindi bahagi ng sanlibutan. Dahil dito, ibang-iba tayo sa napakaraming grupo ng mga nag-aangking Kristiyano.—Juan 18:36. w21.10 20 ¶6-7

Linggo, Disyembre 24

Ako si Jehova na iyong Diyos . . . Hindi ka dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin.—Ex. 20:2, 3.

Kung gusto ng isang Kristiyano na maging banal, dapat niyang tiyakin na walang anuman o sinuman ang magiging mas importante sa kaniya kaysa sa kaugnayan niya kay Jehova. At dahil dala natin ang pangalang Saksi ni Jehova, iiwasan natin ang anumang paggawi na makakasira sa banal na pangalan niya. (Lev. 19:12; Isa. 57:15) Para sa mga Israelita, tinatanggap nila si Jehova bilang Diyos kapag sinusunod nila ang mga utos niya. Sinasabi ng Levitico 18:4: “Dapat ninyong isagawa ang aking mga hudisyal na pasiya, at dapat ninyong sundin ang mga batas ko at mamuhay kaayon ng mga ito. Ako ang Diyos ninyong si Jehova.” Makikita sa kabanata 19 ang ilan sa “mga batas” na iyon para sa Israel. Halimbawa, binabanggit sa talata 5-8, 21, 22 ang tungkol sa paghahandog ng mga hayop. Ang mga iyon ay dapat na gawin sa paraang hindi ‘malalapastangan ang banal na bagay ni Jehova.’ Dapat tayong mapakilos ng mga talatang ito na pasayahin si Jehova at maghandog ng papuri na katanggap-tanggap sa kaniya, gaya ng sinasabi ng Hebreo 13:15. w21.12 5 ¶14-15

Lunes, Disyembre 25

Masiyahan ka nawa sa iyong asawa mula pa noong kabataan mo.—Kaw. 5:18.

Makakatulong sa mga bagong kasal ang karanasan ng ibang mag-asawa na nagtiwala kay Jehova. Ang ilan sa kanila ay maraming taon nang nasa buong-panahong paglilingkod. Puwede kayong humingi ng payo sa kanila para matulungan kayo sa mga tunguhin ninyo. Kapag ginawa ninyo iyon, ipinapakita ninyo na nagtitiwala kayo kay Jehova. (Kaw. 22:17, 19) Tandaan, ang pag-aasawa ay regalo mula kay Jehova. (Mat. 19:5, 6) Gusto niyang masiyahan ang lahat ng mag-asawa sa regalong ito. Para sa lahat ng bagong kasal, pag-isipan kung paano ninyo ginagamit ang inyong buhay. Ginagawa ba ninyo ang lahat para ipakita kay Jehova na talagang pinapahalagahan ninyo ang regalo niya sa inyo? Manalangin kay Jehova. Pag-aralan ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa sitwasyon ninyo. Pagkatapos, sundin ang mga payo ni Jehova. Siguradong magiging masaya kayo at magiging makabuluhan ang buhay ninyo kung magpopokus kayo sa paglilingkod kay Jehova. w21.11 18-19 ¶16, 18

Martes, Disyembre 26

Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit. —Sant. 3:2.

May tamang pananaw si Santiago sa sarili niya. Hindi naramdaman ni Santiago na espesyal siya o nakakahigit sa mga kapananampalataya niya dahil sa pamilyang pinagmulan niya o mga pribilehiyo. Tinawag pa nga niya silang “mahal kong mga kapatid.” (Sant. 1:16, 19; 2:5) Hindi rin siya umastang perpekto. Aral: Nagkakamali tayong lahat. Hindi natin dapat isipin na nakakahigit tayo sa mga tinuturuan natin. Bakit? Kung sa tingin kasi ng Bible study natin, hindi tayo nagkakamali, baka isipin niyang hindi niya kayang sundin ang mga hinihiling ng Diyos. Pero kung aaminin natin na hindi rin naging madali sa atin na sumunod sa mga prinsipyo sa Bibliya at ipapaliwanag kung paano tayo tinulungan ni Jehova na makapagbago, matutulungan natin ang Bible study nating makita na makakapaglingkod din siya kay Jehova. w22.01 11-12 ¶13-14

Miyerkules, Disyembre 27

Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus. —Fil. 2:5.

Habang tinutularan natin ang pag-iisip ni Jesus, lalo nating natutularan ang pagkilos niya at mas naipapakita natin ang personalidad niya. (Heb. 1:3) Baka maisip natin: ‘Perpekto si Jesus. Hindi ko siya eksaktong matutularan!’ Kung ganiyan ang nararamdaman mo, tandaan ang mga ito. Una, ginawa ka ayon sa larawan ni Jehova at ni Jesus. Kaya puwede mong piliing tularan sila at magagawa mo iyon, hindi man eksaktong-eksakto. (Gen. 1:26) Ikalawa, ang banal na espiritu ng Diyos ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso. Sa tulong nito, magagawa mo ang mga bagay na hindi mo magagawa kung sa sarili mo lang. Ikatlo, hindi inaasahan ni Jehova na perpekto mong maipapakita ngayon ang mga katangian na bunga ng espiritu. Sa katunayan, ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay bibigyan ng ating mapagmahal na Ama ng 1,000 taon para maging perpekto. (Apoc. 20:1-3) Gusto lang ni Jehova na gawin natin ngayon ang buong makakaya natin at umasa sa tulong niya. w22.03 9 ¶5-6

Huwebes, Disyembre 28

Bago pa man lumabas ang salita sa bibig ko, O Jehova, alam na alam mo na iyon. —Awit 139:4.

Bukod sa panalangin, may iba pang paraan para lalo tayong maging malapít kay Jehova. Makakatulong din ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagdalo sa mga pulong. May naiisip ka bang paraan para mas makinabang ka sa pag-aaral mo at sa pagdalo sa mga pulong? Tanungin ang sarili, ‘Ano ang nakakagambala sa akin sa pakikinig ko sa pulong o kapag nag-aaral ako?’ Nagagambala ba ako ng mga tawag, e-mail, o text sa cellphone ko o sa iba pang gadyet? Kapag napansin mong lumilipad ang isip mo sa panahon ng pag-aaral o pulong, hingin ang tulong ni Jehova para makapagpokus ka. Baka hindi madaling isaisantabi ang mga álalahanín mo at magpokus sa espirituwal na mga bagay, pero napakahalagang gawin mo iyon. Humiling ng kapayapaan sa Diyos na magbabantay sa puso at “isip” mo.— Fil. 4:6, 7. w22.01 29-30 ¶12-14

Biyernes, Disyembre 29

Magbigay-pansin ka at makinig sa mga salita ng marurunong. —Kaw. 22:17.

Hindi nakinig sa payo si Haring Uzias. Pumasok siya sa isang lugar sa templo ni Jehova para maghandog ng insenso, pero ang mga saserdote lang ang puwedeng pumasok doon. Sinabi ng mga saserdote sa kaniya: “Uzias, hindi ikaw ang dapat magsunog ng insenso para kay Jehova! Mga saserdote lang ang dapat magsunog ng insenso.” Ano ang naging reaksiyon ni Uzias? Kung nagpakumbaba lang sana siya, tinanggap ang payo, at umalis agad sa templo, baka pinatawad siya ni Jehova. Pero “nagalit si Uzias.” Bakit hindi siya nakinig sa payo? Posibleng dahil iniisip niyang hari siya, magagawa niya ang lahat ng gusto niya. Pero para kay Jehova, mali ang iniisip niya. Dahil sa pagiging pangahas ni Uzias, nagkaketong siya at “nanatiling ketongin hanggang sa araw na mamatay siya.” (2 Cro. 26:16-21) Itinuturo ng nangyari kay Uzias na sinuman tayo, kung hindi natin tatanggapin ang mga payo mula sa Bibliya, maiwawala natin ang pagsang-ayon ni Jehova. w22.02 9 ¶7

Sabado, Disyembre 30

Kaya magsisi kayo at manumbalik para mapatawad ang inyong mga kasalanan, para dumating ang mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova. —Gawa 3:19.

Kapag kontrolado ng “lumang personalidad” ang isang tao, makalaman ang pag-iisip at pagkilos niya. (Col. 3:9) Makasarili siya, madaling magalit, walang utang na loob, at mapagmataas. Baka nag-e-enjoy siyang manood ng pornograpya at ng imoral o mararahas na pelikula. May magagandang katangian naman siya, at baka nakokonsensiya pa nga kapag may nasasabi o nagagawa siyang masama. Pero kulang ang pagnanais niya na baguhin ang pag-iisip at paggawi niya. (Gal. 5:19-21; 2 Tim. 3:2-5) Hindi tayo perpekto. Kaya walang sinuman sa atin ang lubusang makakapag-alis sa puso at isip natin ng lahat ng maling kaisipan at pagnanasa. Kung minsan, may magagawa o masasabi tayo na pagsisisihan natin. (Jer. 17:9; Sant. 3:2) Pero kapag hinubad na natin ang lumang personalidad, hindi na tayo makokontrol ng makalamang mga ugali at gawain. Ibang-iba na ang pagkatao natin.—Isa. 55:7. w22.03 3 ¶4-5

Linggo, Disyembre 31

Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.—Fil. 2:3.

Mga elder, tingnan ang magagandang katangian ng mga kapatid. Hindi perpekto ang bawat isa. Pero bawat isa, may magagandang katangian na puwede nating tularan. Totoo, baka kailangang payuhan ng mga elder paminsan-minsan ang isang kapatid. Pero gaya ni apostol Pablo, dapat nilang sikapin na huwag magpokus sa nakakairitang mga salita at pagkilos ng isang kapatid. Dapat silang magpokus sa pag-ibig niya kay Jehova, sa patuloy niyang paglilingkod sa Diyos, at sa pagsisikap niyang gumawa ng mabuti. Kapag ginawa iyan ng mga elder, madarama ng mga kapatid ang pag-ibig sa loob ng kongregasyon. Tandaan na hindi kayo hinihilingan ni Jehova na maging perpekto; gusto lang niya na maging tapat kayo. (1 Cor. 4:2) Makakatiyak kayo na pinapahalagahan din ng Diyos ang ginagawa ninyong paglilingkod sa kaniya. “Hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.”—Heb. 6:10. w22.03 31 ¶19, 21

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share