Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 7-17
  • Enero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Enero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Enero
  • Lunes, Enero 1
  • Martes, Enero 2
  • Miyerkules, Enero 3
  • Huwebes, Enero 4
  • Biyernes, Enero 5
  • Sabado, Enero 6
  • Linggo, Enero 7
  • Lunes, Enero 8
  • Martes, Enero 9
  • Miyerkules, Enero 10
  • Huwebes, Enero 11
  • Biyernes, Enero 12
  • Sabado, Enero 13
  • Linggo, Enero 14
  • Lunes, Enero 15
  • Martes, Enero 16
  • Miyerkules, Enero 17
  • Huwebes, Enero 18
  • Biyernes, Enero 19
  • Sabado, Enero 20
  • Linggo, Enero 21
  • Lunes, Enero 22
  • Martes, Enero 23
  • Miyerkules, Enero 24
  • Huwebes, Enero 25
  • Biyernes, Enero 26
  • Sabado, Enero 27
  • Linggo, Enero 28
  • Lunes, Enero 29
  • Martes, Enero 30
  • Miyerkules, Enero 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 7-17

Enero

Lunes, Enero 1

Isinusugo ko sa inyo si Timoteo, na minamahal kong anak at tapat na lingkod ng Panginoon.​—1 Cor. 4:17.

Bakit naging kapaki-pakinabang na lingkod ni Jehova si Timoteo? Dahil sa magaganda niyang Kristiyanong katangian. (Fil. 2:19-22) Inilarawan ni apostol Pablo si Timoteo na mapagpakumbaba, tapat, masikap, at maaasahan. Nagmamalasakit siya sa mga kapatid. Kaya minahal ni Pablo si Timoteo at hindi siya nagdalawang-isip na pagkatiwalaan ito ng mabibigat na atas. Mamahalin din tayo ni Jehova at mas makakatulong tayo sa kongregasyon kung papasulungin natin ang mga katangian na gusto niya. (Awit 25:9; 138:6) Kaya isipin at ipanalangin kung alin sa mga katangian mo ang kailangan mo pang pasulungin. Pagkatapos, pumili ng isang espesipikong katangian. Puwede ka bang mas makapagpakita ng empatiya? Kailangan mo bang maging mas mapagpayapa at mapagpatawad? Puwede kang magpatulong sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan at tanungin siya kung paano ka pa susulong.​—Kaw. 27:6. w22.04 23 ¶4-5

Martes, Enero 2

Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.​—Gal. 6:4.

Gusto ni Jehova na maging masaya tayo. Alam natin iyan kasi ang kagalakan ay isa sa mga katangian na bunga ng banal na espiritu. (Gal. 5:22) Masayang-masaya tayo kapag ginagawa natin ang lahat para makapangaral at makatulong sa mga kapatid sa iba’t ibang paraan, dahil may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Sa teksto sa araw na ito, binanggit ni apostol Pablo ang dalawang bagay na tutulong sa atin na manatiling masaya. Una, dapat nating ibigay ang lahat para kay Jehova. Kapag ibinibigay natin ang lahat para sa kaniya, dapat tayong maging masaya. (Mat. 22:36-38) Ikalawa, hindi natin dapat ikumpara ang sarili natin sa iba. Dapat nating ipagpasalamat kay Jehova ang anumang nagagawa natin dahil sa kalusugan natin, pagsasanay, o kakayahan. Siyempre, kung mas mahusay sa ilang larangan ng paglilingkod ang iba kaysa sa atin, dapat tayong maging masaya dahil ginagamit nila ang kakayahan nila para purihin si Jehova. w22.04 10 ¶1-2

Miyerkules, Enero 3

Nalalapit na ang kaligtasan ninyo.​—Luc. 21:28.

Biglang pupuksain ang huwad na relihiyon, na ikagugulat ng buong mundo. (Apoc. 18:8-10) Malaki ang magiging epekto sa buong mundo ng pagkawasak ng Babilonyang Dakila. Magdudulot din ito ng maraming problema, pero may dalawang dahilan para maging masaya pa rin ang bayan ng Diyos. Ang matagal nang kaaway ng Diyos na Jehova ay mawawala na, at malapit na ang kaligtasan natin mula sa masamang sistemang ito! Inihula ni Daniel na “sasagana ang tunay na kaalaman.” At ganiyan nga ang nangyayari! Nauunawaan na natin ngayon ang mga hula tungkol sa ating panahon. (Dan. 12:4, 9, 10) Dahil natutupad nang eksaktong-eksakto ang mga hulang ito, lalong lumalalim ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa kaniyang Salita. (Isa. 46:10; 55:11) Kaya patuloy na patibayin ang pananampalataya mo. Masikap na pag-aralan ang Bibliya at tulungan ang iba na magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Iingatan niya ang mga lubos na umaasa sa kaniya, at “patuloy [niya] silang bibigyan ng kapayapaan.”​—Isa. 26:3. w22.07 7 ¶16-17

Huwebes, Enero 4

Tinipon sila ng mga ito sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.​—Apoc. 16:16.

Sinasabi ng aklat ng Apocalipsis na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa langit at pinalayas na si Satanas mula roon. (Apoc. 12:1-9) Dahil diyan, nagkaroon ng kapayapaan sa langit, pero nagbigay ito ng problema sa atin. Bakit? Dahil galit na galit si Satanas at sinasalakay niya ang mga tapat na naglilingkod kay Jehova dito sa lupa. (Apoc. 12:12, 15, 17) Paano tayo makapananatiling tapat kay Jehova kahit sinasalakay tayo ni Satanas? (Apoc. 13:10) Makakatulong sa atin kung aalamin natin ang mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, inilarawan ni apostol Juan sa Apocalipsis ang ilan sa mga pagpapala na malapit na nating maranasan. Isa sa mga gagawin ng Diyos ay ang pagpuksa sa mga kaaway niya. Sa unang talata pa lang ng Apocalipsis, sinasabi na ang mga impormasyong mababasa natin ay inilarawan sa makasagisag na paraan “sa pamamagitan ng mga tanda.”​—Apoc. 1:1. w22.05 8 ¶1-3

Biyernes, Enero 5

Sa huling bahagi ng mga araw, ipasasalakay ko sa iyo ang lupain ko para makilala ako ng mga bansa kapag pinabanal ko ang sarili ko sa harap nila sa pamamagitan mo, O Gog.​—Ezek. 38:16.

Dahil nananatiling tapat kay Jehova ang mga lingkod niya, magagalit sa kanila ang mga kaaway niya. Kaya sasalakayin ng koalisyon ng mga bansa ang bayan ng Diyos sa buong lupa. Tinatawag ito ng Bibliya na pagsalakay ni Gog ng Magog. (Ezek. 38:14, 15) Ano ang magiging reaksiyon ni Jehova sa pagsalakay na ito? Sinabi niya: “Sisiklab ang matinding galit ko.” (Ezek. 38:18, 21-23) Inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 19 ang susunod na mangyayari. Isusugo ni Jehova ang kaniyang Anak para ipagtanggol ang bayan Niya at talunin ang mga kaaway. Makakasama ni Jesus sa pakikipaglaban ang “mga hukbo sa langit”—ang tapat na mga anghel at ang 144,000. (Apoc. 17:14; 19:11-15) Ano ang magiging resulta ng digmaang ito? Lubusang pupuksain ang lahat ng tao at organisasyon na sumasalansang kay Jehova!—Apoc. 19:19-21. w22.05 17 ¶9-10   

Sabado, Enero 6

Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae.​—Gen. 3:15.

Pagkatapos magkasala nina Adan at Eva, nagbigay agad si Jehova ng pag-asa sa mga inapo nila sa pamamagitan ng isang hula. Makikita ang mga sinabi niya sa Genesis 3:15: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng supling mo at ng supling niya. Dudurugin ng supling niya ang ulo mo, at susugatan mo ito sa sakong.” Ang hulang iyan ay nasa unang aklat ng Bibliya. Pero sa paanuman, may sinasabi rin tungkol sa hulang ito ang lahat ng iba pang aklat sa Bibliya. Kung paanong pinagsasama-sama ng glue o tahi ang lahat ng pahina ng isang aklat, pinagdurugtong ng Genesis 3:15 ang lahat ng aklat ng Bibliya para makabuo ng iisang mensahe. Ang mensaheng ito ay ang pagsusugo ng Diyos ng isang Tagapagligtas na pupuksa sa Diyablo at sa lahat ng tagasunod nito. Isang pagpapala iyan para sa mga nagmamahal kay Jehova! Tutulungan tayo ng pag-aaral sa Bibliya na makita kung paano natutupad ang hulang ito at kung paano tayo makikinabang dito. w22.07 14 ¶1-3

Linggo, Enero 7

Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan.​—Kaw. 2:6.

Hilingin kay Jehova na bigyan ka ng karunungan na kailangan mo para matulungan ang mga anak mo na mahalin siya. (Sant. 1:5) Si Jehova ang makapagbibigay sa iyo ng pinakamahusay na payo. At maraming dahilan kung bakit natin nasabi iyan. Talakayin natin ang dalawa. Una, si Jehova ang pinakamakaranasang magulang. (Awit 36:9) At ikalawa, laging kapaki-pakinabang ang mga payo niya. (Isa. 48:17) Sa tulong ng Bibliya at ng organisasyon niya, nagbibigay si Jehova ng saganang espirituwal na pagkain na tutulong sa iyo para maturuan mo ang mga anak mo na mahalin si Jehova. (Mat. 24:45) Halimbawa, makakakita ka ng maraming praktikal na payo sa serye ng artikulong “Tulong Para sa Pamilya.” Naging serye ito sa magasing Gumising! sa loob ng maraming taon, pero ngayon, available na ito sa ating website. Marami ring video ng interbyu at pagsasadula sa jw.org na makakatulong sa mga magulang na masunod ang mga payo ni Jehova habang nagpapalaki sila ng mga anak.​—Kaw. 2:4, 5. w22.05 27 ¶4-5

Lunes, Enero 8

Kung mga pagkakamali ang binabantayan mo, O Jah, sino . . . ang makatatayo?—Awit 130:3.

Si Jehova ang pinakamahusay magpatawad sa buong uniberso. Una, lagi siyang handang magpatawad. Ikalawa, kilalang-kilala niya tayo kaya nakikita niya kung talagang nagsisisi tayo. At ikatlo, kapag nagpapatawad si Jehova, binubura niya ang mga kasalanan natin na para bang hindi natin ito ginawa. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng malinis na konsensiya at natatanggap natin ang pagsang-ayon niya. Siyempre, dahil hindi tayo perpekto, patuloy tayong nagkakasala. Pero mapapatibay tayo ng mga salita na nasa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2, pahina 712: “Yamang maawaing isinasaalang-alang ni Jehova ang kahinaan ng laman ng kaniyang mga lingkod, hindi nila kailangang palagiang magdalamhati nang matindi dahil sa kanilang mga kamalian na bunga ng kanilang likas na di-kasakdalan. (Aw 103:8-14) Kung buong-katapatan silang lumalakad sa mga daan ng Diyos, maaari silang magalak. (Fil 4:4-6; 1Ju 3:19-22).” w22.06 7 ¶18-19

Martes, Enero 9

Dadalhin nila kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pangalan ko.​—Luc. 21:12.

Bukod sa pagbabawal ng gobyerno, may iba pang ginagamit si Satanas laban sa atin. Natatakot ang ilan sa magiging reaksiyon ng mga kapamilya nila kapag naging Saksi sila. Mas ikinakatakot pa nga nila ito kaysa saktan sila sa pisikal. Mahal na mahal nila ang mga kamag-anak nila, at gusto nila na makilala at mahalin ng mga ito si Jehova. Masakit para sa kanila kapag naririnig nila ang mga kamag-anak nila na nagsasalita ng masama tungkol sa tunay na Diyos at sa mga sumasamba sa kaniya. Pero kung minsan, nagiging Saksi rin ang mga kamag-anak nila na dating salansang. Paano naman kung itakwil tayo ng mga kapamilya natin dahil sa mga paniniwala natin? Ano ang gagawin natin? Mapapatibay tayo sa sinasabi ng Awit 27:10. Kapag iniisip natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova, hindi tayo natatakot kahit itakwil tayo ng pamilya natin. At alam natin na gagantimpalaan niya ang pagtitiis natin. Mas kayang ilaan ni Jehova ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan natin! w22.06 16-17 ¶11-13

Miyerkules, Enero 10

Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.​—1 Ped. 2:21.

Noong nangangaral si Jesus, inakusahan siya na isang taong mahilig uminom ng alak, matakaw, kampon ng Diyablo, manlalabag ng Sabbath, at mamumusong sa Diyos. (Mat. 11:19; 26:65; Luc. 11:15; Juan 9:16) Pero hindi gumanti si Jesus ng masasakit na salita. Kapag pinagsalitaan tayo, gayahin natin si Jesus. (1 Ped. 2:22, 23) Siyempre, hindi iyan madaling gawin. (Sant. 3:2) Ano ang makakatulong sa atin? Kapag pinagsalitaan ka ng iba sa ministeryo, huwag agad magalit. Sinabi ng brother na si Sam, “Iniisip ko na kailangang marinig ng kausap ko ang katotohanan at na may potensiyal siyang magbago.” Kung minsan, nagagalit ang may-bahay kasi hindi niya inaasahan ang pagdating natin. Kapag may nakausap tayo na isang taong galít, manalangin nang maikli, at hilingin kay Jehova na tulungan tayo na maging kalmado at sikaping huwag magsalita nang hindi maganda. w22.04 6 ¶8-9

Huwebes, Enero 11

Lumapit kayo sa Diyos.​—Sant. 4:8.

Para maging malapít ang mga anak ninyo kay Jehova, mahalagang mag-aral ng Bibliya kasama sila. (2 Tim. 3:14-17) Pero may isa pang paraan na sinasabi ang Bibliya para mas makilala ng mga anak ninyo si Jehova. Sa aklat ng Kawikaan, makikita ang isang ama na pinapaalalahanan ang anak niya na laging isipin ang mga katangian ni Jehova na makikita sa mga nilalang. (Kaw. 3:19-21) Mga magulang, malamang na nae-enjoy ninyong pagmasdan ang kalikasan kasama ang mga anak ninyo. Magandang pagkakataon ito para tulungan ang mga anak ninyo na makita ang mga katangian ni Jehova sa “mga bagay na ginawa niya.” (Roma 1:20) Tingnan kung paano ginamit ni Jesus ang mga nilalang para magturo. Sa isang pagkakataon, sinabi niya sa mga alagad na tingnan ang mga uwak at liryo. (Luc. 12:24, 27-30) May itinuro siya sa mga alagad tungkol sa pagiging mabait at mapagbigay ng kanilang Ama: Pinaglalaanan ni Jehova ng pagkain at damit ang mga tapat na lingkod niya kung paanong pinapakain niya ang mga uwak at binibihisan ang mga liryo sa parang. w23.03 20-21 ¶1-4

Biyernes, Enero 12

Anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko, ibibigay ko iyon, para maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak.​—Juan 14:13.

Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil puwede tayong manalangin sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Ginagamit ni Jehova si Jesus para ibigay ang mga hinihiling natin. Kapag nananalangin tayo sa pangalan ni Jesus, pinapakinggan at sinasagot ito ni Jehova at pinapatawad niya ang mga kasalanan natin dahil sa haing pantubos ni Jesus. (Roma 5:1) Inilalarawan si Jesus sa Kasulatan bilang ang ating “mataas na saserdote [na nakaupo] sa kanan ng trono ng Dakilang Diyos sa langit.” (Heb. 8:1) Si Jesus ang ating “katulong . . . na kasama ng Ama.” (1 Juan 2:1) Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil binigyan niya tayo ng isang Mataas na Saserdote na nakakaunawa sa mga kahinaan natin at “nakikiusap . . . para sa atin.” (Roma 8:34; Heb. 4:15) Kung wala ang sakripisyo ni Jesus, hindi tayo makakalapit kay Jehova sa panalangin. Tiyak na sasang-ayon ka na napakalaki ng utang na loob natin kay Jehova dahil sa napakahalagang regalo na ibinigay niya sa atin—ang kaniyang minamahal na Anak. Talagang ipinagpapasalamat natin ito! w22.07 23 ¶10-12

Sabado, Enero 13

Ang mapagkakatiwalaan ay marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay.​—Kaw. 11:13.

Sinisikap ng isang taong mapagkakatiwalaan na tuparin ang mga pangako niya at magsabi ng totoo. (Awit 15:4) Alam ng mga tao na maaasahan siya. Gusto nating ganiyan ang maramdaman ng mga kapatid sa atin. Hindi natin puwedeng pilitin ang iba na magtiwala sa atin. Kailangan tayong magsikap para makuha ang tiwala ng iba. Sinasabi na ang pagtitiwala ay gaya ng pera. Mahirap itong makuha, pero madaling mawala. Tiyak na nakuha ni Jehova ang tiwala natin. “Ang lahat ng ginagawa niya ay maaasahan.” (Awit 33:4) At inaasahan niya na tutularan natin siya. (Efe. 5:1) Talagang nagpapasalamat tayo na inilapit tayo ni Jehova sa isang espirituwal na pamilya na mapagmahal at mapagkakatiwalaan! Pananagutan nating lahat na makuha ang tiwala ng mga kapatid. Habang sinisikap ng bawat isa sa atin na ipakita ang pag-ibig, kapakumbabaan, kaunawaan, pagiging tapat, at pagpipigil sa sarili, nakakatulong tayo para magkaroon ng tiwala sa isa’t isa ang mga kapatid sa loob ng kongregasyon. Matularan sana natin ang Diyos na Jehova at patuloy na patunayang mapagkakatiwalaan tayo. w22.09 8 ¶1-2; 13 ¶17

Linggo, Enero 14

[Si] Jehova ay nagbabantay.​—Awit 33:18.

Kahit bahagi tayo ng malaking pamilya ng mananamba ni Jehova, baka maramdaman natin kung minsan na nag-iisa tayo at nade-depress kasi iniisip natin na wala tayong karamay. Ayaw ni Jehova na maramdaman natin iyan. Tingnan kung paano tinulungan ni Jehova si propeta Elias. Pinasigla niya si Elias na sabihin ang niloloob nito. Dalawang beses niyang tinanong si Elias: “Ano ang ginagawa mo rito?” (1 Hari 19:9, 13) Sa bawat pagkakataon, nakinig na mabuti si Jehova kay Elias. Tiniyak din ni Jehova kay Elias na marami pang Israelita na sumasamba sa Kaniya. (1 Hari 19:11, 12, 18) Tiyak na gumaan ang loob ni Elias nang sabihin niya kay Jehova ang nilalaman ng puso niya at nang marinig niya ang sagot ni Jehova sa kaniya. Binigyan ni Jehova si Elias ng ilang mahahalagang atas. Inutusan niya si Elias na atasan si Hazael bilang hari ng Sirya, si Jehu bilang hari ng Israel, at si Eliseo bilang propeta. (1 Hari 19:15, 16) Ibinigay ni Jehova ang mga atas na ito kay Elias para tulungan siyang maging positibo. Binigyan din siya ng Diyos ng kasama, si Eliseo. w22.08 8 ¶3; 9 ¶5

Lunes, Enero 15

Patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.​—1 Tes. 5:11.

Nakapagtayo o nakapag-renovate na ba ng Kingdom Hall ang kongregasyon ninyo? Kung oo, tiyak na naalala mo ang unang dalo mo roon. Laking pasasalamat mo kay Jehova dahil dito. Baka naiyak ka pa nga sa sobrang saya at hindi makakanta sa pambukas na awit. Nagbibigay ng papuri kay Jehova ang magaganda nating Kingdom Hall. Pero mas nakakapagbigay tayo ng papuri sa kaniya kapag nakikibahagi tayo sa isa pang uri ng pagtatayo. Mas mahalaga ang pagtatayong ito kaysa sa pagtatayo ng mga gusali. Kasama kasi rito ang pagpapatibay sa mga tao na pumupunta sa mga lugar na iyon ng pagsamba. Nang isulat ni apostol Pablo ang mga salita sa teksto natin sa araw na ito, ginamit niya ang salitang Griegong isinaling “patibayin” na puwede ring mangahulugang “pagtatayo.” Kaya umaasa siya na makikibahagi ang mga Kristiyano sa gayong “pagtatayo.”Magandang halimbawa si apostol Pablo sa pagpapatibay sa mga kapatid. May empatiya siya sa kanila. Matutularan natin siya sa pagpapatibay sa mga kapatid sa ngayon.​—1 Cor. 11:1. w22.08 20 ¶1-2

Martes, Enero 16

Mamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova.​—Col. 1:10.

Ang isang Kristiyano na gustong maging matuwid sa paningin ng Diyos ay dapat na tapat sa pagnenegosyo. Mahal din niya ang katarungan kaya ayaw niya na makita ang iba na pinakikitunguhan nang hindi patas. At para ‘lubusang mapalugdan’ si Jehova, iniisip ng isang taong matuwid ang magiging tingin ni Jehova sa mga desisyong gagawin niya. Sa Bibliya, inilalarawan si Jehova bilang ang Pinagmumulan ng katuwiran. Kaya naman, tinatawag siyang “tahanan ng katuwiran.” (Jer. 50:7) Bilang Maylalang, si Jehova lang ang may karapatan na magtakda ng pamantayan ng tama at mali. Mas mataas ang kaniyang pamantayan ng tama at mali kumpara sa ating pamantayan. (Kaw. 14:12; Isa. 55:8, 9) Pero dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya pa rin nating mamuhay ayon sa kaniyang pamantayan ng katuwiran. (Gen. 1:27) At gustong-gusto nating gawin iyan. Dahil mahal natin ang ating Ama, napapakilos tayong tularan siya sa abot ng makakaya natin.​—Efe. 5:1. w22.08 27 ¶5-6

Miyerkules, Enero 17

Patuloy ninyong alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.​—Efe. 5:17.

Kapag nag-aalala tayo o pinanghihinaan ng loob, baka maghanap tayo ng paraan para makalimutan ang mga problema natin. Normal lang naman iyan. Pero dapat tayong mag-ingat kasi baka makagawa tayo ng mga bagay na kinapopootan ni Jehova. (Efe. 5:10-12, 15, 16) Sa liham niya sa mga taga-Filipos, pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na patuloy na isaisip ang mga bagay na “matuwid, malinis, kaibig-ibig, [at] mabuti.” (Fil. 4:8.) Nang isulat ito ni Pablo, hindi naman niya espesipikong tinutukoy rito ang tungkol sa paglilibang. Pero dapat itong makaimpluwensiya sa pagpili natin ng libangan. Sa tekstong ito, subukang palitan ang mga salitang “anumang bagay” ng mga salitang “awitin,” “pelikula,” “nobela,” o “video game.” Kapag ginawa mo iyan, mauunawaan mo kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Gusto nating sundin ang matataas na pamantayan ni Jehova.​—Awit 119:1-3. w22.10 9 ¶11-12

Huwebes, Enero 18

Alam niya kung ano ang nasa puso nila.​—Juan 2:25.

Bago namatay, ang ilan sa mga “di-matuwid” ay gumawa ng napakasamang mga bagay. Kaya kailangan silang maturuan kung paano mamumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Para magawa iyan, pangungunahan ng Kaharian ng Diyos ang pinakamalawak na programa ng pagtuturo sa buong kasaysayan. Sino ang magtuturo sa mga di-matuwid? Ang malaking pulutong at ang mga matuwid na bubuhaying muli. Para mapasulat ang pangalan ng mga di-matuwid sa aklat ng buhay, kailangan nilang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova at ialay ang buhay nila sa kaniya. Susubaybayang mabuti ni Jesu-Kristo at ng mga pinahiran ang pagsulong ng lahat ng di-matuwid na ito. (Apoc. 20:4) Ang sinumang tatangging sumunod ay pupuksain kahit 100 taóng gulang na sila. (Isa. 65:20) Nakakabasa ng puso si Jehova at si Jesus kaya sisiguraduhin nilang walang manggugulo sa bagong sanlibutan.​—Isa. 11:9; 60:18; 65:25. w22.09 17 ¶11-12

Biyernes, Enero 19

Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.​—Roma 13:1.

Sa tekstong ito, ang “nakatataas na mga awtoridad” ay tumutukoy sa mga tagapamahalang tao na may kapangyarihang mamuno sa iba. Kailangang magpasakop ng mga Kristiyano sa mga awtoridad na ito. Pinananatili nila ang kaayusan sa lipunan, ipinapatupad ang batas, at kung minsan, ipinagtatanggol pa nga nila ang bayan ni Jehova. (Apoc. 12:16) Kaya inuutusan tayong ibigay sa kanila ang buwis, tributo, takot, at karangalan na hinihiling nila. (Roma 13:7) Pero may awtoridad lang ang gobyerno ng tao dahil ipinahintulot ito ni Jehova. Nilinaw iyan ni Jesus nang tanungin siya ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato. Nang sabihin ni Pilato na may awtoridad siyang palayain o patayin si Jesus, sinabi ni Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin.” (Juan 19:11) Gaya ni Pilato, limitado lang ang awtoridad ng lahat ng tagapamahalang tao at politiko sa ngayon. w22.10 14 ¶6

Sabado, Enero 20

Ang masasama ay mawawala na.​—Awit 37:10.

Pinatnubayan si Haring David na isulat kung ano ang magiging buhay kapag umupo sa trono ang isang matalino at tapat na hari. (Awit 37:10, 11, 29) Madalas nating basahin ang Awit 37:11 kapag ipinapakipag-usap natin sa iba ang tungkol sa Paraiso sa hinaharap. Makatuwiran naman iyan dahil sinipi ni Jesus ang tekstong ito sa kaniyang Sermon sa Bundok, na nagpapakitang matutupad ito sa hinaharap. (Mat. 5:5) Pero ipinapakita rin ng mga sinabi ni David kung ano ang magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ni Haring Solomon. Nang maging hari si Solomon sa Israel, ang bayan ng Diyos ay nagkaroon ng kapayapaan at naging masagana ang lupaing “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” Sinabi ng Diyos: “Kung patuloy ninyong susundin ang mga batas ko . . . , magdadala ako ng kapayapaan sa lupain, at hihiga kayo at walang tatakot sa inyo.” (Lev. 20:24; 26:3, 6) Natupad ang mga pangakong iyan sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. (1 Cro. 22:9; 29:26-28) Ang mga sinabi sa Awit 37:10, 11, 29 ay natupad noon at magkakaroon din ng katuparan sa hinaharap. w22.12 10 ¶8

Linggo, Enero 21

Magiging maligaya ang mga nanghahawakan [sa karunungan].​—Kaw. 3:18.

Bilang mga tunay na Kristiyano, dapat nating sundin ang mga tagubilin. May payo ang Bibliya sa atin: “Makipaglaban ka nang may mahusay na patnubay, at may tagumpay kapag marami ang tagapayo.” (Kaw. 24:6) Paano makakatulong sa atin ang pagsunod sa prinsipyong ito para maging mas mahusay tayong mángangarál at guro? Kapag nangangaral at nagtuturo, hindi tayo umaasa sa sarili natin kundi sinusunod natin ang mga tagubiling ibinibigay sa atin. Sa mga Kristiyanong pagpupulong, tumatanggap tayo ng mga tagubilin kung saan natututo tayo mula sa makaranasang mga kapatid na nagbibigay ng pahayag at presentasyon. Nagbibigay rin ang organisasyon ni Jehova ng mga tool—mga publikasyon at video—na makakatulong sa mga tao na maintindihan ang Bibliya. Talagang ipinagpapasalamat natin ang matatalinong payo na nasa Salita ng Diyos! Ano na lang ang mangyayari sa atin kung wala ang mga ito? Maging determinado nawa tayo na laging sundin ang karunungan na ibinibigay ni Jehova.​—Kaw. 3:13-17. w22.10 23 ¶18-19

Lunes, Enero 22

Napakatamis ng pananalita mo sa aking panlasa, mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan!​—Awit 119:103.

Kapag kumakain tayo at natutunaw natin ang kinain natin, mas lumalakas ang katawan natin. Ganiyan din kapag nag-aaral tayo ng Salita ng Diyos at binubulay-bulay iyon. Napapalakas nito ang pananampalataya natin. Gusto ni Jehova na maunawaan natin iyon. Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pananalangin, pagbabasa, at pagbubulay-bulay. Una, nananalangin tayo para maihanda ang ating puso na tanggapin ang kaisipan ng Diyos. At saka tayo nagbabasa ng Bibliya. Pagkatapos, humihinto tayo para bulay-bulayin ang mga nabasa natin. Ano ang magiging resulta nito? Kapag lagi tayong nagbubulay-bulay, mas nauunawaan natin ang Salita ng Diyos at napapatibay ang pananampalataya natin. Bakit napakahalagang basahin ang Bibliya at bulay-bulayin ito? Mabibigyan tayo nito ng lakas para maipangaral ang mensahe ng Kaharian ngayon at masabi ang mabigat na mensahe ng paghatol sa malapit na hinaharap. Isa pa, kapag binubulay-bulay natin ang magagandang katangian ni Jehova, mas napapalapít tayo sa kaniya. w22.11 6-7 ¶16-17

Martes, Enero 23

Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.​—Juan 13:35.

Ipinapakita ni Jesus na makikilala ng lahat—kahit ng mga di-Kristiyano—ang mga tunay na tagasunod niya dahil sa di-makasariling pag-ibig nila sa isa’t isa. At napakaespesyal ng pag-ibig na ipinapakita ng mga kapatid sa kongregasyon. Siyempre, hindi perpekto ang mga Saksi ni Jehova. (1 Juan 1:8) Kaya habang mas nakikilala natin ang mga kapatid, mas nakikita natin ang mga pagkukulang nila. (Roma 3:23) Nakakalungkot, nagiging dahilan iyan para tumigil ang iba sa paglilingkod. Paano nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa mga apostol niya? At paano posibleng matularan ang halimbawa ni Jesus ngayon? Mahalagang pag-isipan natin ang sagot sa mga tanong na iyan para mas maipakita natin ang pag-ibig, lalo na kapag nagawan tayo ng mali ng iba.​—Efe. 5:2. w23.03 26-27 ¶2-4

Miyerkules, Enero 24

Magiging tapat ka sa mga tapat.​—Awit 18:25.

Habang papalapít tayo sa katapusan ng sistemang ito, asahan natin na magkakaroon tayo ng mga problema na nanggagaling sa loob ng kongregasyon. Puwedeng masubok ang ating katapatan kay Jehova dahil sa mga iyon. Kaya dapat nating gamitin ang ating kakayahang mag-isip. Kung pakiramdam mo, ginawan ka ng masama ng isang kapatid, huwag maghinanakit. Kung tumanggap ka ng disiplina, huwag magpokus sa pagkapahiya, tanggapin ang payo, at gumawa ng mga pagbabago. At kapag may mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova na nakaapekto mismo sa iyo, buong-pusong tanggapin iyon, at sundin ang mga tagubilin. Panatilihin ang tiwala mo kay Jehova at sa organisasyon niya kahit nasusubok ang katapatan mo. Manatiling kalmado, mag-isip na mabuti, at tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Hingin ang tulong ni Jehova sa panalangin. At huwag mong ilayo ang sarili mo sa kongregasyon. Kung gagawin mo iyan, hindi ka maihihiwalay ni Satanas kay Jehova o sa organisasyon niya, anuman ang mangyari.​—Sant. 4:7. w22.11 24-25 ¶14-16

Huwebes, Enero 25

Magkaroon kayo ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.​—1 Ped. 2:17.

Mga elder, tulungan ang mga kapatid na maghanda bago ang sakuna. Tiyakin ninyo na alam ng lahat ng kapatid kung ano ang dapat gawin para manatiling ligtas at kung paano nila kayo makokontak. Ano ang magagawa mo? Kung magkaroon ng sakuna malapit sa inyo, tanungin ang mga elder kung paano ka makakatulong. Puwede mong patuluyin sa bahay ninyo ang mga lumikas o ang mga magboboluntaryo sa pagtatayo kahit pansamantala lang. Puwede ka ring magdala ng mga pagkain o suplay sa mga kapatid na nangangailangan. Kung sa malayong lugar naman magkaroon ng sakuna, makakatulong ka pa rin. Paano? Isama mo sila sa panalangin. (2 Cor. 1:8-11) Makakatulong ka rin sa kanila kung magbibigay ka ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. (2 Cor. 8:2-5) Kung puwede kang pumunta sa lugar ng sakuna, tanungin ang mga elder kung paano ka makakapagboluntaryo. Kung maimbitahan kang tumulong, malamang na tumanggap ka ng ilang pagsasanay para magamit ka sa pinakamabuting paraan. w22.12 24 ¶8; 25 ¶11-12

Biyernes, Enero 26

Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.​—1 Cor. 10:13.

Isinulat ang mga salita sa teksto sa araw na ito para sa mga lalaki at babaeng Kristiyano sa Corinto. Ang ilan sa kanila ay dating mga mangangalunya, homoseksuwal, at lasenggo. (1 Cor. 6:9-11) Pagkatapos kaya ng bautismo nila, wala na silang maling mga pagnanasa na kailangang paglabanan? Siyempre, mayroon pa rin. Kahit pinahirang Kristiyano na silang lahat, hindi pa rin sila perpekto. Tiyak na may pinaglalabanan pa rin silang maling mga pagnanasa paminsan-minsan. Nakakapagpatibay iyon para sa atin. Bakit? Kasi ipinapakita nito na anumang maling pagnanasa ang pinaglalabanan mo, napaglabanan na ito ng iba. Oo, makakapanatili kang ‘matatag sa pananampalataya, dahil alam mong ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid mo sa buong mundo.’—1 Ped. 5:9. w23.01 12 ¶15

Sabado, Enero 27

Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.​—Juan 16:33.

Hiniling ni Jesus kay Jehova na bantayan ang mga tagasunod niya. (Juan 17:11) Bakit nagbibigay ito sa atin ng lakas ng loob? Dahil mas malakas si Jehova kaysa sa sinumang kaaway natin. (1 Juan 4:4) Nakikita ni Jehova ang lahat. Kumbinsido tayo na kung magtitiwala tayo kay Jehova, malalabanan natin ang takot at magkakaroon tayo ng lakas ng loob. Kapag nasa eskuwelahan ka o trabaho, nahihiya ka ba kung minsan na magpakilala na isa kang Saksi ni Jehova? Nagdadalawang-isip ka bang mangaral o magpabautismo dahil nag-aalala ka sa iisipin ng iba sa iyo? Huwag mong hayaan ang mga damdaming iyan na makapigil sa iyo na gawin ang tama. Manalangin nang marubdob kay Jehova. Humingi ng lakas ng loob para magawa ang kalooban niya. Habang nakikita mong sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo, lalong lalakas ang loob mo.​—Isa. 41:10, 13. w23.01 29 ¶12; 30 ¶14

Linggo, Enero 28

Hindi ba ninyo nabasa?—Mat. 12:3.

Itinanong ni Jesus sa mga Pariseo: “Hindi ba ninyo nabasa?” (Mat. 12:1-7) Ginawa niya iyon para ipakita na mayroon silang maling pananaw sa binabasa nila sa Kasulatan. Nang pagkakataong iyon, pinaratangan ng mga Pariseo ang mga alagad ni Jesus na nilabag nila ang Sabbath. Sinagot sila ni Jesus gamit ang dalawang halimbawa sa Kasulatan at sumipi siya ng isang teksto mula sa Oseas para ipakitang hindi naiintindihan ng mga Pariseo kung para saan ang Sabbath at na hindi sila nakapagpakita ng awa. Bakit hindi naimpluwensiyahan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos ang mga lalaking ito? Kasi mapagmataas sila at mapamintas. Dahil diyan, hindi nila naunawaan ang mga binasa nila. (Mat. 23:23; Juan 5:39, 40) Sa Mateo 19:4-6, itinanong din ni Jesus sa mga Pariseo: “Hindi ba ninyo nabasa?” Kahit nabasa na nila ang ulat tungkol sa paglalang, hindi nila nauunawaan kung ano ang itinuturo nito tungkol sa pananaw ng Diyos sa pag-aasawa. Natutuhan natin sa mga sinabi ni Jesus na kailangan nating basahin ang Bibliya nang may tamang saloobin. Dapat tayong maging mapagpakumbaba at handang matuto, di-tulad ng mga Pariseo. w23.02 12 ¶12-13

Lunes, Enero 29

Babantayan ka ng iyong kakayahang mag-isip.​—Kaw. 2:11.

Sa Kautusan ni Jehova sa bansang Israel, nagbigay siya ng mga tagubilin para maiwasan nila ang aksidente sa bahay at sa trabaho. (Ex. 21:28, 29; Deut. 22:8) Kapag nakapatay ang isa, kahit hindi niya iyon sinasadya, mabigat pa rin ang epekto nito sa buhay niya. (Deut. 19:4, 5) Ayon sa Kautusan, kapag napahamak ng isang tao ang isang sanggol na hindi pa naisisilang, kahit hindi niya iyon sinasadya, dapat pa rin siyang parusahan. (Ex. 21:22, 23) Maliwanag, gusto ni Jehova na makaiwas tayo sa aksidente. Ipinapakita natin na mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos kapag nag-iingat tayo sa bahay at sa trabaho. Inilalagay natin sa tamang lugar ang mga kemikal, gamot, at matutulis na bagay para hindi ito maabot ng mga bata. Nag-iingat din tayo kapag nagsisindi tayo ng apoy, nagdadala ng mainit na pagkain at inumin, at gumagamit ng power tools. At hindi natin iniiwan ang mga iyon basta-basta. Hindi rin tayo nagmamaneho kapag nakainom tayo, kulang sa tulog, o masama ang pakiramdam natin dahil sa epekto ng gamot, o gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho. w23.02 21-22 ¶7-9

Martes, Enero 30

Makikita [mo ang] iyong Dakilang Tagapagturo.​—Isa. 30:20.

Si Jehova ay matiisin, mabait, at maunawaing Guro. Nakapokus siya sa magagandang katangian ng mga estudyante niya. (Awit 130:3) At hindi niya tayo hinihilingan ng higit sa makakaya natin. Tandaan, siya ang nagdisenyo ng utak natin, na isang kahanga-hangang regalo. (Awit 139:14) Gusto ng Maylalang natin na patuloy tayong mag-aral para matuto tayo magpakailanman—at mag-enjoy dito. Kaya ngayon pa lang, mahalagang ‘magkaroon na tayo ng pananabik’ sa mga katotohanan sa Bibliya. (1 Ped. 2:2) Magtakda ng mga goal na kaya mong abutin, at sundin ang schedule mo sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. (Jos. 1:8) Sa tulong ni Jehova, mas mag-e-enjoy ka sa pagbabasa at pag-aaral tungkol sa kaniya. Kapag nag-aaral ka, hindi sapat ang basta kumuha lang ng kaalaman. Nag-aaral ka para mas makilala mo si Jehova at lumalalim ang pag-ibig at pananampalataya mo sa kaniya. (1 Cor. 8:1-3) Kaya patuloy na hilingin kay Jehova na palakasin ang pananampalataya mo. (Luc. 17:5) Tiyak na sasagutin niya ang panalangin mo. w23.03 10 ¶11, 13

Miyerkules, Enero 31

Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.​—Col. 4:5.

Gusto ni Jesus na maraming ginagawa ang mga alagad niya habang hinihintay ang wakas. Kaya binigyan niya sila ng atas. Inutusan niya silang ipangaral ang mabuting balita “sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-8) Napakalaki ng atas na iyon! Dahil ginawa ng mga alagad ni Jesus ang buong makakaya nila sa pangangaral, nagamit nila sa pinakamabuting paraan ang oras nila. Binibigyang-pansin natin ang ating sarili kapag pinag-iisipan nating mabuti kung paano natin ginagamit ang oras natin. Kahit sino, puwedeng maapektuhan ng “di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Puwede rin tayong mamatay anumang oras. Magagamit natin sa pinakamabuting paraan ang oras natin kung gagawin natin ang kalooban ni Jehova at papatibayin ang pakikipagkaibigan sa kaniya. (Juan 14:21) Kailangan nating “maging matatag . . . , di-natitinag at laging maraming ginagawa para sa Panginoon.” (1 Cor. 15:58) At kapag dumating ang wakas—wakas man ng buhay natin o ng masamang sistemang ito—wala tayong pagsisisihan.​—Mat. 24:13; Roma 14:8. w23.02 18 ¶12-14

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share