Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 17-26
  • Pebrero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pebrero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Huwebes, Pebrero 1
  • Biyernes, Pebrero 2
  • Sabado, Pebrero 3
  • Linggo, Pebrero 4
  • Lunes, Pebrero 5
  • Martes, Pebrero 6
  • Miyerkules, Pebrero 7
  • Huwebes, Pebrero 8
  • Biyernes, Pebrero 9
  • Sabado, Pebrero 10
  • Linggo, Pebrero 11
  • Lunes, Pebrero 12
  • Martes, Pebrero 13
  • Miyerkules, Pebrero 14
  • Huwebes, Pebrero 15
  • Biyernes, Pebrero 16
  • Sabado, Pebrero 17
  • Linggo, Pebrero 18
  • Lunes, Pebrero 19
  • Martes, Pebrero 20
  • Miyerkules, Pebrero 21
  • Huwebes, Pebrero 22
  • Biyernes, Pebrero 23
  • Sabado, Pebrero 24
  • Linggo, Pebrero 25
  • Lunes, Pebrero 26
  • Martes, Pebrero 27
  • Miyerkules, Pebrero 28
  • Huwebes, Pebrero 29
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 17-26

Pebrero

Huwebes, Pebrero 1

Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.​—Juan 15:12.

Ano ang ibig sabihin ng teksto ngayon? Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus, ito ay mapagsakripisyong pag-ibig. Dapat mahalin ng isang Kristiyano ang mga kapatid niya nang higit pa sa sarili niya. Handa pa nga siyang mamatay para sa kanila kung kinakailangan. Ipinapakita ng Salita ng Diyos na napakahalaga ng pag-ibig. Ito ang ilan sa mga tekstong paborito ng marami: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mat. 22:39) “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Cor. 13:8) Ipinapakita ng mga tekstong ito at ng iba pa na napakahalagang magkaroon ng pag-ibig at ipakita ang napakagandang katangiang ito. Si Jehova ang pinagmumulan ng tunay na pag-ibig—ang mga may espiritu lang niya at ang mga pinagpapala niya ang puwedeng magkaroon ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (1 Juan 4:7) Kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit sinabi ni Jesus na sa pag-ibig makikilala ang mga tunay na tagasunod niya. Gaya ng inihula ni Jesus, marami ang nakapansin sa tunay na pag-ibig na ipinapakita ng mga tunay na tagasunod niya. w23.03 27-28 ¶5-8

Biyernes, Pebrero 2

Pinatatawad na ang mga kasalanan mo.​—Luc. 7:48.

Gusto mo bang maging mas mapagpatawad? Puwede mong basahin at bulay-bulayin ang mga halimbawa sa Bibliya ng mga lubusang nagpatawad at ng mga hindi nagpatawad. Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Lubusan niyang pinatawad ang iba. (Luc. 7:47) Tiningnan niya ang mga potensiyal nila at hindi nagpokus sa mga nagawa nilang pagkakamali. Hindi ganiyan ang mga Pariseo noong panahon ni Jesus kasi “mababa ang tingin [nila] sa iba.” (Luc. 18:9) Pagkatapos mong bulay-bulayin ang mga halimbawang iyan, tanungin ang sarili: ‘Ano ang nakikita ko sa iba? Nagpopokus ba ako sa magagandang katangian nila?’ Kung nahihirapan kang patawarin ang isang tao, puwede mong ilista ang lahat ng magagandang katangian na naiisip mo sa taong iyon. Pagkatapos, tanungin ang sarili: ‘Ano kaya ang tingin ni Jesus sa kaniya? Papatawarin kaya siya ni Jesus?’ Kung gagawin natin iyan, mababago natin ang kaisipan natin. Sa umpisa, baka mahirapan tayong patawarin ang isa na nakasakit sa atin. Pero kung magsisikap tayo, darating ang panahon na magiging mas mapagpatawad tayo. w22.04 23 ¶6

Sabado, Pebrero 3

Isinugo niya ang kaniyang anghel para iharap [ang pagsisiwalat] sa pamamagitan ng mga tanda.​—Apoc. 1:1.

Sa aklat ng Apocalipsis, ang mga kaaway ng Diyos ay inilarawan bilang mababangis na hayop. Halimbawa, may “isang mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat.” Mayroon itong “10 sungay at 7 ulo.” (Apoc. 13:1) Sinundan ito ng “isa pang mabangis na hayop na lumalabas mula sa lupa.” Nagsasalita ang mabangis na hayop na ito gaya ng isang dragon at “nagpapababa . . . ng apoy sa lupa mula sa langit.” (Apoc. 13:11-13) Pagkatapos, may “isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop” at isang babaeng bayaran ang nakasakay rito. Ang tatlong mababangis na hayop na ito ay lumalarawan sa matagal nang mga kaaway ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Kaharian. Kaya mahalagang matukoy natin kung sino sila. (Apoc. 17:1, 3) Kailangan muna nating maintindihan kung ano ang inilalarawan ng mababangis na hayop at ng babaeng bayaran. Para magawa iyan, hayaan nating Bibliya mismo ang magpaliwanag. Marami sa mga paglalarawang ito sa Apocalipsis ang ipinaliwanag na sa ibang aklat ng Bibliya. w22.05 8-9 ¶3-4

Linggo, Pebrero 4

Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo.​—Mat. 22:37.

Hindi na nagagawa ng ilan sa atin ang mga bagay na gusto nilang gawin sa paglilingkod kay Jehova dahil sa pagtanda o mahinang kalusugan. Kung pinanghihinaan ka ng loob kung minsan dahil limitado na lang ang nagagawa mo, tanungin ang sarili, ‘Ano ba ang hinihiling ni Jehova sa akin?’ Ang best mo—anumang magagawa mo sa kalagayan mo ngayon. Tingnan ang halimbawang ito: Pinanghihinaan ng loob ang isang sister na edad 80 dahil hindi na niya nagagawa ang nagagawa niya sa ministeryo noong edad 40 pa lang siya. Pakiramdam niya, kahit ginagawa niya ang lahat, hindi niya napapasaya si Jehova. Pero ganoon nga kaya? Pag-isipan ito. Kung ginagawa ng sister ang lahat para kay Jehova noong 40 siya at kahit hanggang ngayon na 80 na siya, hindi siya tumitigil na ibigay ang lahat para kay Jehova. Kung ginagawa natin ang lahat ng magagawa natin, para bang sinasabi ni Jehova sa atin: “Mahusay!” (Ihambing ang Mateo 25:20-23.) Kung magpopokus tayo sa magagawa natin imbes na sa hindi natin magagawa, mas magiging madali para sa atin na maging masaya. w22.04 10 ¶2; 11 ¶4-6

Lunes, Pebrero 5

Nakita ko . . . ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem.​—Apoc. 21:2.

Sa Apocalipsis kabanata 21, itinulad ang 144,000 sa isang napakagandang lunsod na tinatawag na “Bagong Jerusalem.” Ang lunsod na ito ay may 12 batong pundasyon at nakasulat doon ang “12 pangalan ng 12 apostol ng Kordero.” (Apoc. 21:10-14; Efe. 2:20) Walang katulad ang makasagisag na lunsod na ito. Mayroon itong malapad na daan na purong ginto at 12 pintuang-daan na perlas. Ang pader at mga pundasyon nito ay gawa sa mamahaling bato, na ang haba, lapad, at taas ay magkakasukat. (Apoc. 21:15-21) Pero parang may kulang! Ganito ang sinabi ni Juan: “Wala akong nakitang templo roon, dahil ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat ang templo nito, gayundin ang Kordero. Hindi kailangan ng lunsod ang sikat ng araw o liwanag ng buwan, dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag dito, at ang lampara nito ay ang Kordero.” (Apoc. 21:22, 23) Makakasama ng mga kabilang sa Bagong Jerusalem si Jehova.​—Heb. 7:27; Apoc. 22:3, 4. w22.05 17 ¶14-15

Martes, Pebrero 6

Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa . . . Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.​—Col. 3:13.

Si Jehova ang ating Maylalang, Tagapagbigay-Batas, at Hukom. Pero siya rin ang ating mapagmahal na Ama sa langit. (Awit 100:3; Isa. 33:22) Kapag nagkasala tayo sa kaniya at tunay na nagsisisi, may kakayahan siyang patawarin tayo at gustong-gusto niyang gawin iyon. (Awit 86:5) Sa pamamagitan ni propeta Isaias, tinitiyak sa atin ni Jehova: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.” (Isa. 1:18) Dahil hindi tayo perpekto, lahat tayo ay nakakapagsalita at nakakagawa ng mga bagay na nakakasakit sa iba. (Sant. 3:2) Pero kahit ganoon, puwede pa rin tayong mapalapít sa kanila kung magiging mapagpatawad tayo. (Kaw. 17:9; 19:11; Mat. 18:21, 22) Kung masaktan natin ang isa’t isa dahil lang sa simpleng mga bagay, gusto ni Jehova na magpatawad tayo. (Col. 3:13) May magandang dahilan para gawin iyan, kasi nagpapatawad si Jehova “nang lubusan.”​—Isa. 55:7. w22.06 8 ¶1-2

Miyerkules, Pebrero 7

Maging mga tagatulad kayo ng mga nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.​—Heb. 6:12.

Dapat nating iwasang ikumpara ang sarili natin sa iba, pero makikinabang tayo kung matututo tayo sa halimbawa ng mga tapat. Ang pinakamagandang halimbawa na dapat nating tularan ay si Jesus. Hindi man tayo perpekto na gaya ni Jesus, may matututuhan tayo sa magagandang halimbawa niya at mga ginawa. (1 Ped. 2:21) Kapag ginagawa natin ang lahat para tularan ang halimbawa niya, magiging mas mahusay tayong lingkod ni Jehova. Sa Salita ng Diyos, maraming halimbawa ng tapat na lalaki at babae. Kahit hindi sila perpekto, karapat-dapat silang tularan. Isipin si Haring David. Tinawag siya ni Jehova na “isang lalaking kalugod-lugod sa puso ko.” (Gawa 13:22) Pero nakagawa si David ng malulubhang kasalanan. Pero isa pa rin siyang mabuting halimbawa sa atin. Bakit? Dahil hindi niya ipinagmatuwid ang sarili niya. Sa halip, tinanggap niya ang matinding payo sa kaniya at talagang pinagsisihan niya ang ginawa niya. Dahil diyan, pinatawad siya ni Jehova.​—Awit 51:3, 4, 10-12. w22.04 13 ¶11-12

Huwebes, Pebrero 8

Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.​—Job 2:4.

Sinasabi ng Bibliya na ang kamatayan ay isang kaaway. (1 Cor. 15:25, 26) Ayaw nating isipin ang tungkol sa kamatayan, lalo na kung may malubha tayong sakit o ang mga mahal natin sa buhay. Bakit takót tayong mamatay? Dahil nilalang tayo ni Jehova na may pagnanais na mabuhay magpakailanman. (Ecles. 3:11) Kung may balanseng takot tayo sa kamatayan, iingatan natin ang ating buhay. Sisikapin nating kumain ng masustansiya at mag-ehersisyo, magpapatingin tayo sa doktor at magpapagamot kung kailangan, at iiwasan nating malagay sa peligro ang buhay natin. Alam ni Satanas na gusto nating mabuhay. Ipinaparatang niya na isasakripisyo natin ang lahat—kahit ang kaugnayan natin kay Jehova—para manatili tayong buháy. (Job 2:5) Hindi iyan totoo! Pero dahil si Satanas “ang nagdudulot ng kamatayan,” sinasamantala niya ang takot natin dito para iwan natin si Jehova.​—Heb. 2:14, 15. w22.06 18 ¶15-16   

Biyernes, Pebrero 9

Huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo.​—Efe. 4:26.

Kapag may pagbabawal, baka limitadong bilang lang ng mga kapatid ang puwede nating makasama. Kaya mas mahalagang mapanatili ang mapayapang kaugnayan natin sa isa’t isa. Si Satanas ang kaaway natin, hindi ang isa’t isa. Palampasin ang pagkakamali ng mga kapatid, o ayusin agad ang mga di-pagkakaunawaan. (Kaw. 19:11) Maging handang tulungan ang isa’t isa. (Tito 3:14) Dahil sa pagtutulungan ng mga kapatid para alalayan ang sister na nangangailangan, naging mas malapít sa isa’t isa, gaya ng isang pamilya, ang grupo nila sa paglilingkod. (Awit 133:1) Libo-libong kapatid natin ang naglilingkod kay Jehova kahit may pagbabawal ng gobyerno. Nakabilanggo pa nga ang ilan dahil sa kanilang pananampalataya. Puwede natin silang ipanalangin at ang mga pamilya nila. Puwede rin nating ipanalangin ang mga kapatid na nagsasapanganib ng kalayaan nila para tulungan ang mga kapatid na iyon sa espirituwal at pisikal, at ipagtanggol sila sa korte. (Col. 4:3, 18) Huwag maliitin ang magagawa ng panalangin!—2 Tes. 3:1, 2; 1 Tim. 2:1, 2. w22.12 26-27 ¶15-16   

Sabado, Pebrero 10

Bakit ka nagtuturo sa iba pero hindi mo naman tinuturuan ang sarili mo?—Roma 2:21.

Madalas na ginagaya ng mga bata ang mga magulang nila. Siyempre, walang perpektong magulang. (Roma 3:23) Pero dapat pa ring sikapin ng mga magulang na maging mabuting halimbawa sa kanilang mga anak. Sinabi ng isang tatay: “Para silang mga sponge dahil naa-absorb nila ang lahat ng sinasabi at ginagawa natin.” Sinabi pa niya: “Sasabihin nila sa atin kapag ang ginagawa natin ay hindi tugma sa itinuturo natin.” Kaya kung gusto nating mahalin ng mga anak natin si Jehova, dapat na kitang-kita nila na talagang mahal natin siya. Maraming paraan para maturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mahalin si Jehova. Sinabi ni Andrew na edad 17: “Laging itinuturo ng mga magulang ko na napakahalagang manalangin. Gabi-gabi, nananalangin si Tatay kasama ako, kahit nakapanalangin na ako. . . . Ngayon, komportableng-komportable akong manalangin kay Jehova kasi nadarama kong isa siyang mapagmahal na Ama.” Mga magulang, tandaan na nakikita ng mga anak ninyo ang lalim ng pag-ibig ninyo kay Jehova at nakakatulong iyon para mahalin din nila siya. w22.05 28 ¶7-8

Linggo, Pebrero 11

Ang bautismo . . . ay nagliligtas . . . ngayon sa inyo.​—1 Ped. 3:21.

Para maging handa sa bautismo, dapat muna nating pagsisihan ang mga kasalanan natin. (Gawa 2:37, 38) Kapag tunay ang pagsisisi natin, gagawa tayo ng mga pagbabago. Itinigil mo na ba ang mga gawaing kinapopootan ni Jehova, gaya ng imoralidad, paninigarilyo, at pagmumura o iba pang mapang-abusong pananalita? (1 Cor. 6:9, 10; 2 Cor. 7:1; Efe. 4:29) Huwag kang susuko. Sabihin ito sa nagba-Bible study sa iyo o humingi ng tulong sa mga elder. Kung kabataan ka at nasa poder pa ng mga magulang mo, humingi ng tulong sa kanila para maitigil mo ang masasamang gawain na humahadlang sa iyo na magpabautismo. Dapat din tayong magkaroon ng magandang espirituwal na rutin. Kasama diyan ang pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi rito. (Heb. 10:24, 25) At kapag kuwalipikado ka nang sumama sa pangangaral, isama ito sa rutin mo. w23.03 11 ¶14-16

Lunes, Pebrero 12

Sinabi ng Diyos na Jehova sa ahas: “Dahil sa ginawa mong ito, isinumpa ka.”​—Gen. 3:14.

Binanggit sa Genesis 3:14, 15 ang isang “ahas” at ang “supling” ng ahas. Hindi maiintindihan ng isang literal na ahas ang sinabi ni Jehova sa hardin ng Eden. Kaya ang hinatulan ni Jehova ay tiyak na isang matalinong nilalang. Sino? Malinaw na ipinapakilala ng Apocalipsis 12:9 kung sino ang ahas na ito. Ang “orihinal na ahas” ay si Satanas na Diyablo. Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang supling para tukuyin ang mga nag-iisip at kumikilos na gaya ng isa na tinutularan nila, at masasabing anak sila nito. Kaya tumutukoy ang supling ng ahas sa mga espiritung nilalang at mga tao na lumalaban sa Diyos na Jehova at sumasalansang sa bayan Niya, gaya ni Satanas. Kasama riyan ang mga anghel na iniwan ang mga atas nila sa langit noong panahon ni Noe, pati na ang masasamang tao na gumagawi na kagaya ng kanilang amang Diyablo.​—Gen. 6:1, 2; Juan 8:44; 1 Juan 5:19; Jud. 6. w22.07 15 ¶4-5

Martes, Pebrero 13

[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.​—Fil. 1:10, tlb.

Mahal na mahal ni apostol Pablo ang mga kapatid. Nakaranas siya ng mga pagsubok kaya alam niya kung paano magpapakita ng awa at empatiya sa mga kapatid na nakakaranas din ng mga pagsubok. Minsan, kinapos sa pinansiyal si Pablo at kinailangan niyang makahanap ng trabaho para masuportahan ang sarili niya at ang mga kasama niya. (Gawa 20:34) Naging hanapbuhay niya ang paggawa ng tolda. At noong nasa Corinto siya, nakasama niyang gumawa ng tolda sina Aquila at Priscila. Pero “tuwing sabbath,” nangangaral siya sa mga Judio at Griego. Nang dumating sina Silas at Timoteo, “naging abalang-abala si Pablo sa pangangaral ng salita.” (Gawa 18:2-5) Nanatiling nakapokus si Pablo sa pinakamahalagang bagay sa buhay niya, ang paglilingkod kay Jehova. Dahil sa magandang halimbawang ito ni Pablo, nagawa niyang patibayin ang mga kapatid. Pinayuhan niya sila na hindi nila dapat hayaang mahadlangan ng problema sa buhay at ng paglalaan sa pangangailangan ng pamilya ang pag-una sa “mas mahahalagang bagay”—ang lahat ng anyo ng pagsamba kay Jehova. w22.08 20 ¶3

Miyerkules, Pebrero 14

Kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.​—Mar. 13:10.

Kalooban ng Diyos ngayon na maipangaral sa buong lupa ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. (1 Tim. 2:3, 4) Kay Jehova ang gawaing ito, at napakahalaga nito. Kaya ang minamahal niyang Anak ang inilagay niya para manguna sa gawaing ito. Dahil mahusay mangasiwa si Jesus, makakatiyak tayo na matatapos ang gawaing pangangaral ayon sa kalooban ni Jehova bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Bakit natin nasabi iyan? Bago umakyat si Jesus sa langit, kinausap niya ang ilang tapat na tagasunod niya sa isang bundok sa Galilea. Sinabi niya sa kanila: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” Pagkatapos, sinabi niya: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:18, 19) Kaya kasama sa ibinigay na awtoridad kay Jesus ang pangangasiwa sa gawaing pangangaral. At patuloy niyang pinangangasiwaan ang gawaing iyan hanggang sa panahon natin. w22.07 8 ¶1, 3; 9 ¶4

Huwebes, Pebrero 15

Darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya at mabubuhay silang muli—ang mga gumawa ng mabubuting bagay, tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay.​—Juan 5:28, 29.

Ang mga matuwid, na gumawa ng mabubuting bagay bago sila namatay, ay tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay” dahil nakasulat na ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay. Ibig sabihin, ang pagkabuhay-muli ng “mga gumawa ng mabubuting bagay” na inilarawan sa Juan 5:29 ay katulad ng pagkabuhay-muli ng mga “matuwid” na binanggit sa Gawa 24:15. Ang pagkaunawang ito ay kaayon ng sinabi sa Roma 6:7: “Ang taong namatay ay napawalang-sala na.” Kinansela na ni Jehova ang mga kasalanang nagawa ng mga matuwid noong mamatay sila, pero nasa alaala pa rin niya ang mga gawa ng katapatan nila noong nabubuhay pa sila. (Heb. 6:10) Pero siyempre, kailangang manatiling tapat ng mga matuwid na bubuhaying muli para permanenteng mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay. w22.09 17 ¶13; 18 ¶15

Biyernes, Pebrero 16

Ang lahat ng ginagawa [ni Jehova] ay maaasahan.​—Awit 33:4.

Napakagandang halimbawa ni propeta Daniel pagdating sa pagiging mapagkakatiwalaan. Kahit dinala siyang bihag ng mga taga-Babilonya, nakilala siya bilang isa na mapagkakatiwalaan. Lalo siyang pinagkatiwalaan ng mga tao nang sa tulong ni Jehova, binigyan niya ng kahulugan ang mga panaginip ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor. (Dan. 4:20-22, 25) Paglipas ng maraming taon, pinatunayan ulit ni Daniel na mapagkakatiwalaan siya nang bigyan niya ng tamang kahulugan ang mensahe na lumitaw sa pader ng palasyo ng Babilonya. (Dan. 5:5, 25-29) Nang maglaon, napansin din ni Dario na Medo at ng mga opisyal niya ang “di-pangkaraniwang talino” ni Daniel. Inamin nila na “tapat [si Daniel], hindi pabaya, at hindi tiwali.” (Dan. 6:3, 4) Tanungin ang sarili: ‘Kilalá ba akong responsable at mapagkakatiwalaan?’ Kung mapagkakatiwalaan tayo, mapapapurihan si Jehova. w22.09 8-9 ¶2-4

Sabado, Pebrero 17

Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.​—Efe. 5:1.

Nakikinabang tayo kapag sinusunod natin ang pamantayan ni Jehova ng tama at mali. Bakit? Isip-isipin ang mangyayari kung ang bawat bangko ay may kani-kaniyang paraan ng pagtatakda ng halaga ng pera o kung ang bawat kompanya ng konstruksiyon ay may kani-kaniyang pamantayan ng pagsukat. Siguradong magiging magulo iyon. At paano kung ang mga doktor at mga nurse ay hindi susunod sa iisang pamantayan ng paggamot? Puwede itong ikamatay ng ilang pasyente. Oo, ang mapagkakatiwalaang pamantayan ay isang proteksiyon. At ganiyan ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali. Pinagpapala ni Jehova ang mga nagsisikap mamuhay ayon sa kaniyang pamantayan. Ipinangako niya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Kapag sumusunod ang lahat ng tao sa pamantayan ni Jehova, siguradong payapa, nagkakaisa, at masaya sila. Gusto ni Jehova na maranasan mo iyan. Talagang may dahilan tayo para mahalin ang katuwiran! w22.08 27-28 ¶6-8

Linggo, Pebrero 18

Gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip sa lahat ng pagkakataon.​—2 Tim. 4:5.

Kapag may mga nangyayari na hindi natin nagugustuhan, nasusubok ang katapatan natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Sa ganitong mga kalagayan, ano ang puwede nating gawin? Kailangan nating gamitin ang ating kakayahang mag-isip at manatiling gising, at manghawakang mahigpit sa pananampalataya. Ginagamit natin ang ating kakayahang mag-isip kapag nananatili tayong kalmado, nag-iisip na mabuti, at sinisikap na tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Kapag ginawa natin iyan, hindi tayo makokontrol ng emosyon natin. Marahil ginawan tayo ng masama ng isang kapatid, baka ng isa na may pananagutan sa kongregasyon. Siguro hindi naman niya sinasadyang saktan ka. (Roma 3:23; Sant. 3:2) Pero baka nainis ka sa ginawa niya. Baka maisip mo pa nga, ‘Kung may ganitong kapatid sa loob ng kongregasyon, talaga nga kayang organisasyon ito ng Diyos?’ Iyan mismo ang gusto ni Satanas na isipin natin. (2 Cor. 2:11) Kung ganiyan tayo mag-isip, maihihiwalay tayo nito kay Jehova at sa organisasyon niya. Huwag tayong maghinanakit. w22.11 20 ¶1, 3; 21 ¶4

Lunes, Pebrero 19

Umasa ka kay Jehova.​—Awit 27:14.

Binigyan tayo ni Jehova ng napakagandang pag-asa, ang buhay na walang hanggan. Ang ilan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa langit bilang mga imortal na espiritung nilalang. (1 Cor. 15:50, 53) Pero ang karamihan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa nang perpekto at masaya. (Apoc. 21:3, 4) Sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin, napakahalaga nito sa atin. Tiyak ang pag-asa natin sa hinaharap kasi si Jehova ang nangako nito. (Roma 15:13) Alam natin ang ipinangako niya, at alam din natin na lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. (Bil. 23:19) Kumbinsido tayo na gusto ni Jehova at may kapangyarihan siyang gawin ang lahat ng sinabi niyang gagawin niya. Mahal tayo ng ating Ama sa langit, at gusto niya na magtiwala tayo sa kaniya. Kapag lagi tayong umaasa kay Jehova, matitiis natin ang mga pagsubok at magiging masaya tayo at magkakaroon ng lakas ng loob, anuman ang mangyari. w22.10 24 ¶1-3

Martes, Pebrero 20

Sila ay mapaghimagsik na bayan, . . . na ayaw makinig sa kautusan ni Jehova.​—Isa. 30:9.

Dahil hindi nakinig ang bayan, inihula ni Isaias na pahihintulutan ni Jehova na dumanas sila ng kapahamakan. (Isa. 30:5, 17; Jer. 25:8-11) At nangyari iyon nang bihagin sila ng mga taga-Babilonya. Pero may mga tapat na Judio pa rin, at sinabi ni Isaias sa kanila na balang-araw, ipapakita ulit ni Jehova sa kanila ang kabutihan niya. (Isa. 30:18, 19) At iyon nga ang nangyari. Pinalaya sila ni Jehova mula sa Babilonya. Pero hindi sila agad pinalaya ni Jehova. Ipinapakita ng mga salitang “si Jehova ay matiyagang naghihintay para magpakita ng kabutihan sa inyo” na lilipas pa ang ilang taon bago iligtas ang mga tapat. Sa katunayan, 70 taon pang naging tapon ang mga Israelita sa Babilonya bago makabalik ang tapat na mga ito sa Jerusalem. (Isa. 10:21; Jer. 29:10) Nang makabalik na ang bayan sa lupain nila, ang mga luha nila ay napalitan ng luha ng kagalakan. w22.11 9 ¶4

Miyerkules, Pebrero 21

Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama.​—Mat. 5:10.

Ngayon, sa maraming lupain, nararanasan ng mga kapatid natin ang pag-uusig na dinanas ng mga apostol noong unang siglo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus. Paulit-ulit silang inutusan ng mataas na hukuman ng mga Judio na “huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus.” (Gawa 4:18-20; 5:27, 28, 40) Pero alam nilang may mas mataas na awtoridad na ‘nag-utos sa kanilang mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo’ tungkol kay Kristo. (Gawa 10:42) Kaya buong tapang na sinabi ng mga tagapagsalita nila na sina Pedro at Juan na Diyos ang susundin nila at hindi ang mga hukom na iyon. Sinabi rin nila na hindi sila titigil sa pagsasalita tungkol kay Jesus. (Gawa 5:29) Matapos bugbugin ang mga apostol dahil sa pananatili nilang tapat, umalis sila sa harap ng mataas na hukuman ng mga Judio na “masayang-masaya dahil sa karangalang magdusa alang-alang sa pangalan [ni Jesus],” at patuloy silang nangaral!—Gawa 5:41, 42. w22.10 12-13 ¶2-4

Huwebes, Pebrero 22

Nakakabuti [sa akin] ang paglapit sa Diyos.​—Awit 73:28.

Nang magsimula tayong mag-aral tungkol kay Jehova, una nating natutuhan ang mga pangunahing turo. Sa liham ni apostol Pablo sa mga Hebreo, tinukoy niya ang mga ito na “panimulang mga bagay.” Hindi naman niya sinasabing hindi mahalaga ang “unang mga doktrina”; ikinumpara nga niya ito sa gatas na nagpapalusog sa isang sanggol. (Heb. 5:12; 6:1) Pero pinasigla niya ang lahat ng Kristiyano na patuloy na pag-aralan, hindi lang ang mga pangunahing turo, kundi pati ang malalalim na katotohanan sa Salita ng Diyos. Nag-e-enjoy ka bang pag-aralan ang malalalim na turo ng Bibliya? Gusto mo bang patuloy na sumulong at matuto pa tungkol kay Jehova at sa layunin niya? Para sa marami, mahirap mag-aral. Ganoon ka rin ba? Sa school, tinuruan kang magbasa at mag-aral. Nag-enjoy ka ba at maraming natutuhan? O nakita mo na hindi ka talaga palaaral at palabasa? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Matutulungan ka ni Jehova. Perpekto siya, at siya ang pinakamahusay na Guro. w23.03 9-10 ¶8-10

Biyernes, Pebrero 23

Tanggapin nang may kahinahunan ang salitang itinatanim sa puso ninyo na makapagliligtas sa inyo.​—Sant. 1:21.

Kung mahinahon tayo at mapagpakumbaba, hahayaan nating baguhin tayo ng Salita ng Diyos. Maisasabuhay lang natin ang mga aral sa Bibliya tungkol sa awa, habag, at pag-ibig kung hindi tayo magiging mapagmataas o mapamintas. Makikita sa pakikitungo natin sa iba kung hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng Salita ng Diyos. Dahil hindi nakaabot sa puso ng mga Pariseo ang Salita ng Diyos, “hinatulan [nila] ang mga walang-sala.” (Mat. 12:7) Makikita rin sa pakikitungo at pananaw natin sa iba kung nagpapaimpluwensiya tayo sa Salita ng Diyos. Halimbawa, madalas ba nating sabihin ang magagandang katangian ng iba, o lagi nating binabanggit ang mga kahinaan nila? Maawain ba tayo at handang magpatawad, o mapamintas tayo at madaling maghinanakit? Makikita sa mga sagot natin sa mga tanong na iyan kung naiimpluwensiyahan ng mga binabasa natin ang ating kaisipan, damdamin, at pagkilos.​—1 Tim. 4:12, 15; Heb. 4:12. w23.02 12 ¶13-14

Sabado, Pebrero 24

Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa kanang kamay mo, ang nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot. Tutulungan kita.”​—Isa. 41:13.

Tingnan ang halimbawa ni Jose ng Arimatea. Talagang iginagalang siya ng mga Judio dahil isa siyang miyembro ng Sanedrin, ang korte suprema ng mga Judio. Pero noong panahon ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa, wala siyang lakas ng loob na magpakilalang alagad siya ni Jesus. Sinabi ni Juan na si Jose ay “alagad … ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.” (Juan 19:38) Kahit interesado si Jose sa mensahe ng Kaharian, hindi niya sinabi sa iba na nananampalataya siya kay Jesus. Natakot siya na baka mawala ang paggalang sa kaniya ng mga Judio kapag nalaman nila ito. Pero nang mamatay si Jesus, sinasabi ng Bibliya na si Jose ay “naglakas-loob [na] pumunta kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus.” (Mar. 15:42, 43) Sa wakas, hindi na inilihim ni Jose sa mga tao na alagad siya ni Jesus. Naranasan mo na rin bang matakot sa tao, gaya ni Jose? w23.01 30 ¶13-14

Linggo, Pebrero 25

Maligaya ang mga tauhan mo, at maligaya ang mga lingkod mong palaging humaharap sa iyo at nakikinig sa karunungan mo!—1 Hari 10:8.

Nabalitaan ng reyna ng Sheba ang kapayapaan at kasaganaan na nararanasan ng mga Israelita sa ilalim ng pamamahala ni Solomon. Naglakbay siya nang malayo papunta sa Jerusalem para makita niya ito mismo. (1 Hari 10:1) Nang makita niya ang kaharian ni Solomon, sinabi niya ang mga salita sa itaas. Pero ang mga kalagayan sa ilalim ng pamamahala ni Solomon ay patikim lang ng mga gagawin ni Jehova para sa mga tao sa ilalim ng pamamahala ng Kaniyang Anak, si Jesus. Si Jesus ay nakahihigit kay Solomon sa lahat ng bagay. Hindi perpekto si Solomon at nakagawa siya ng malulubhang kasalanan na nagpahirap sa bayan ng Diyos. Pero perpektong tagapamahala si Jesus at hindi siya nagkakamali. (Luc. 1:32; Heb. 4:14, 15) Pinatunayan ni Kristo na hindi siya gagawa ng kasalanan o ng anumang bagay na makakasamâ sa mga tapat na sakop niya. Talagang isang pribilehiyo na maging Hari natin siya! w22.12 11 ¶9-10

Lunes, Pebrero 26

Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, dahil patuloy nila kayong binabantayan.​—Heb. 13:17.

Paano kung may nakakahawang sakit na kumakalat sa lugar natin? Dapat nating sundin ang mga protocol ng gobyerno, gaya ng paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng mask, at pagku-quarantine. Kapag masunurin tayo, ipinapakita natin na mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos. Kapag may sakuna, baka may marinig tayong maling impormasyon mula sa ating mga kaibigan, kapitbahay, at sa media. Imbes na paniwalaan ang “lahat ng naririnig” natin, makikinig lang tayo sa mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa gobyerno at mga doktor. (Kaw. 14:15) Sinisikap ng Lupong Tagapamahala at ng mga tanggapang pansangay na makakuha ng tamang impormasyon bago magbigay ng tagubilin tungkol sa mga pulong at pangangaral natin. Kung susundin natin ang mga kaayusan, maiingatan natin hindi lang ang sarili natin kundi pati na ang iba. Magiging maganda rin ang tingin ng ibang tao sa mga Saksi ni Jehova.​—1 Ped. 2:12. w23.02 23 ¶11-12

Martes, Pebrero 27

[Matuto] na matakot sa Diyos ninyong si Jehova.​—Deut. 31:13.

Nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, tumira sila sa iba’t ibang bahagi ng lupain. Kaya posibleng ang mga Israelita lang na naninirahan sa isang lugar ang magtulungan at makalimutan na nila ang iba pang Israelita na nasa ibang bahagi ng bansa. Pero isinaayos ni Jehova na magtipong sama-sama ang mga Israelita sa iba’t ibang kapistahan para marinig nila na binabasa at ipinapaliwanag ang kaniyang nasusulat na Salita. (Deut. 31:10-12; Neh. 8:2, 8, 18) Isip-isipin ang mararamdaman ng isang tapat na Israelita pagdating niya sa Jerusalem at makita ang milyon-milyong kapuwa mananamba niya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa! Sa ganitong paraan, tinutulungan sila ni Jehova na manatiling nagkakaisa. Nang maglaon, nabuo ang kongregasyong Kristiyano. Magkakaiba ang wika ng mga Kristiyanong ito, pati na ang kalagayan nila sa buhay. May mga prominente, at ang iba naman ay ordinaryong tao lang. Pero nagkakaisa sila sa pagsamba sa tunay na Diyos. Maiintindihan lang ng mga bagong mananampalataya ang Salita ng Diyos sa tulong ng ibang mga kapatid at kapag nakikipagsamahan sila sa kanila.​—Gawa 2:42; 8:30, 31. w23.02 3 ¶7

Miyerkules, Pebrero 28

[Nangangahulugan ito] ng buhay na walang hanggan.​—Juan 17:3.

Nangangako si Jehova na bibigyan niya ng “buhay na walang hanggan” ang mga sumusunod sa kaniya. (Roma 6:23) Kapag pinag-iisipan natin ang gustong ibigay sa atin ni Jehova, lalo natin siyang mamahalin. Isipin ito: Mahal na mahal tayo ng ating Ama sa langit kaya ibinigay niya sa atin ang regalong ito para hindi tayo mahiwalay sa kaniya. Dahil sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan, nakakayanan natin ang mga pagsubok ngayon. Kahit pagbantaan ng mga kaaway ang buhay natin, hindi tayo makikipagkompromiso. Bakit? Kasi alam natin na kung mamamatay tayong tapat kay Jehova, bubuhayin niya tayong muli at posibleng hindi na tayo mamatay. (Juan 5:28, 29; 1 Cor. 15:55-58; Heb. 2:15) Alam natin na kaya tayong bigyan ni Jehova ng buhay na walang hanggan kasi siya ang Bukal ng buhay at walang hanggan ang pag-iral niya. (Awit 36:9) Pinatutunayan ng Bibliya na laging umiiral si Jehova.​—Awit 90:2; 102:12, 24, 27. w22.12 2 ¶1-3

Huwebes, Pebrero 29

Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo? Kapighatian ba, pagdurusa, [o] pag-uusig?​—Roma 8:35.

Bilang bayan ni Jehova, hindi na tayo nagugulat kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, alam natin na “kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.” (Gawa 14:22) Alam din natin na mawawala lang ang mga problema natin kapag dumating na ang bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan “mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.” (Apoc. 21:4) Hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova mula sa mga pagsubok. Pero tinutulungan niya tayong makapagtiis. Pansinin ang sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. Binanggit muna niya ang maraming problemang nararanasan niya at ng mga kapatid. Pagkatapos, sinabi niya: “Sa tulong ng isa na umiibig sa atin, lubos tayong nagtatagumpay.” (Roma 8:36-37) Ibig sabihin, kaya kang tulungan ni Jehova na magtagumpay kahit kasalukuyan kang dumaranas ng mga pagsubok. w23.01 14 ¶1-2

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share