Marso
Biyernes, Marso 1
Bakit ka nagmamalaki?—1 Cor. 4:7.
Pinasigla ni apostol Pedro ang mga kapatid na gamitin ang kanilang kaloob at kakayahan para patibayin ang kanilang kapananampalataya. Isinulat niya: “Ang kaloob na tinanggap ng bawat isa sa inyo ay gamitin ninyo sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” (1 Ped. 4:10) Hindi tayo dapat mag-atubili na gamitin nang lubusan ang mga kaloob natin dahil lang sa nag-aalala tayo na baka mainggit o panghinaan ng loob ang iba. Pero mag-ingat tayo na hindi natin ipagyabang ang mga ito. (1 Cor. 4:6) Tandaan na kaloob ng Diyos ang anumang kakayahan natin. Dapat nating gamitin iyon para patibayin ang kongregasyon, hindi para magyabang. (Fil. 2:3) Kapag ginagamit natin ang lakas at mga kakayahan natin para gawin ang kalooban ng Diyos, magkakaroon tayo ng dahilan para maging masaya—hindi para sapawan ang iba o ipakitang mas mataas tayo kaysa sa kanila, kundi para purihin si Jehova. w22.04 11-12 ¶7-9
Sabado, Marso 2
Buksan mo ang mga mata ko para makita ko nang malinaw ang kamangha-manghang mga bagay sa kautusan mo.—Awit 119:18.
Mahal ni Jesus ang Banal na Kasulatan. Makikita iyan sa hula na nasa Awit 40:8: “O aking Diyos, kaligayahan kong gawin ang kalooban mo, at ang kautusan mo ay nasa puso ko.” Dahil diyan, naging masaya siya at patuloy na nakapaglingkod kay Jehova. Magiging masaya rin tayo at patuloy na makakapaglingkod kay Jehova kung hahayaan nating makaabot sa puso natin ang Salita ng Diyos. (Awit 1:1-3) Gaya ng makikita natin sa mga sinabi at halimbawa ni Jesus, pasulungin natin ang kakayahan nating magbasa ng Bibliya. Mas mauunawaan natin ang binabasa natin sa Bibliya kung mananalangin tayo, hindi natin mamadaliin ang pagbabasa, tatanungin natin ang ating sarili, at gagawa ng maiikling nota. Magagamit natin ang kaunawaan natin kung pag-iisipan nating mabuti ang binabasa natin sa tulong ng mga salig-Bibliyang publikasyon. At nagpapaimpluwensiya tayo sa Salita ng Diyos kung mayroon tayong tamang saloobin kapag nagbabasa. Kung sisikapin nating gawin ang mga ito, mas makikinabang tayo sa pagbabasa natin ng Bibliya at mas mapapalapít tayo kay Jehova.—Awit 119:17; Sant. 4:8. w23.02 13 ¶15-16
Linggo, Marso 3
Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.—Kaw. 21:5.
Magtakda ng espesipikong tunguhin at gumawa ng praktikal na mga hakbang para maabot mo iyon. Paano mo iyan magagawa? Halimbawa, gusto mong mapasulong ang kakayahan mong magturo. Puwede mong pag-aralang mabuti ang brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo. Kapag binigyan ka ng bahagi sa pulong sa gitnang sanlinggo, puwede mong hilingin sa isang kuwalipikadong brother na pakinggan ka habang nagpapraktis at tanungin siya kung ano pa ang puwede mong pasulungin. Paghandaang mabuti ang mga bahagi mo para makita ng mga tao na hindi ka lang mahusay, kundi masikap din at maaasahan. (2 Cor. 8:22) Paano kung nahihirapan kang matutuhan ang isang kasanayan? Huwag kang susuko! Naging napakahusay bang tagapagpahayag o tagapagturo si Timoteo? Walang binabanggit ang Bibliya. Pero tiyak na sumulong si Timoteo at naging mahusay sa pagganap ng mga atas niya dahil sinunod niya ang payo ni Pablo.—2 Tim. 3:10. w22.04 24-25 ¶8-11
Lunes, Marso 4
Nakita ko ang isang mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat, na may 10 sungay at 7 ulo.—Apoc. 13:1.
Saan tumutukoy ang mabangis na hayop na may pitong ulo? Nakita natin na ang mabangis na hayop na ito ay tulad ng leopardo, pero ang mga paa nito ay gaya ng sa oso, at ang bibig nito ay gaya ng bibig ng leon, at mayroon itong 10 sungay. Ganiyan din inilarawan ang apat na hayop na binanggit sa Daniel kabanata 7. Pero sa aklat ng Apocalipsis, ang mga paglalarawang iyan ay makikita sa iisang hayop, hindi sa apat na magkakaibang hayop. Ang mabangis na hayop na ito ay hindi lumalarawan sa iisang gobyerno lang o kapangyarihang pandaigdig. Sinasabi na namamahala ito “sa bawat tribo at bayan at wika at bansa.” Tiyak na nakahihigit ito kaysa sa gobyerno ng isang bansa. (Apoc. 13:7) Kaya lumalarawan ang mabangis na hayop na ito sa lahat ng gobyerno ng tao na namahala sa buong kasaysayan. (Ecles. 8:9) Madalas na ginagamit sa Bibliya ang bilang na 10 para ipakita ang pagiging kumpleto. w22.05 9 ¶6
Martes, Marso 5
Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.—Apoc. 21:4.
Sino ang makikinabang sa mga pagpapalang ito? Una sa lahat, ang malaking pulutong na makakaligtas sa Armagedon, pati na ang magiging mga anak nila sa bagong sanlibutan. Pero nangangako rin ang Apocalipsis kabanata 20 na bubuhaying muli ang mga patay. (Apoc. 20:11-13) Ang mga “matuwid” na namatay nang tapat pati na ang mga “di-matuwid”—ang mga hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova—ay bubuhaying muli dito sa lupa. (Gawa 24:15; Juan 5:28, 29) Ibig bang sabihin, lahat ng namatay ay bubuhaying muli sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari? Hindi. Ang mga sadyang tumangging maglingkod kay Jehova bago sila mamatay ay hindi na bubuhaying muli. Mayroon na sana silang pagkakataon, pero ipinakita nilang hindi sila karapat-dapat mabuhay sa Paraisong lupa.—Mat. 25:46; 2 Tes. 1:9; Apoc. 17:8; 20:15. w22.05 18 ¶16-17
Miyerkules, Marso 6
Kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.—Juan 6:68.
Ginamit ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin” para itatag ang natatanging organisasyon sa lupa. Itinataguyod nito ang dalisay na pagsamba. (Mat. 24:45) Ano ang masasabi mo sa organisasyong ito? Baka masabi mo rin ang sinabi ni apostol Pedro kay Jesus na makikita sa teksto sa araw na ito. Nasaan na kaya tayo ngayon kung wala tayo sa organisasyon ni Jehova? Sa tulong ng organisasyong ito, tinitiyak ni Kristo na nasasapatan ang pangangailangan natin sa espirituwal. Sinasanay rin niya tayo para maisagawa natin nang mahusay ang ministeryo natin. Tinutulungan din niya tayong maisuot ang “bagong personalidad” para mapasaya si Jehova. (Efe. 4:24) Nagbibigay ng mga tagubilin si Jesus sa mahihirap na panahon. Kitang-kita ang malaking tulong ng mga tagubiling iyan nang magsimula ang COVID-19 pandemic. Litong-lito ang maraming tao kung ano ang gagawin nila, pero tiniyak ni Jesus na makakatanggap tayo ng malilinaw na tagubilin para maging ligtas tayo. w22.07 12 ¶13-14
Huwebes, Marso 7
Makita ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.—Fil. 1:10.
Inutusan ni Jehova ang mga Israelita noon na laging turuan ang mga anak nila tungkol sa kaniya. (Deut. 6:6, 7) Sa buong maghapon, maraming pagkakataon ang mga magulang na makipag-usap sa mga anak nila at turuan silang mahalin si Jehova. Halimbawa, maraming oras na magkasama ang tatay at ang anak na lalaki sa pagtatanim o pag-aani. Ang nanay naman at ang anak na babae ay magkasamang nananahi, naghahabi, at gumagawa sa bahay sa buong maghapon. Habang magkasamang gumagawa ang mga magulang at ang mga anak, marami silang mahahalagang bagay na puwedeng pag-usapan. Halimbawa, puwede nilang pag-usapan kung gaano kabuti si Jehova at kung paano niya tinutulungan ang pamilya nila. Sa maraming lupain, halos wala nang panahong magkasama ang mga magulang at mga anak sa buong maghapon. Nasa trabaho ang mga magulang, at nasa paaralan naman ang mga anak. Kaya dapat na humanap ng mga pagkakataon ang mga magulang para kausapin ang mga anak nila.—Efe. 5:15, 16. w22.05 28 ¶10-11
Biyernes, Marso 8
Hindi ba ninyo alam na ang mga di-matuwid ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos?—1 Cor. 6:9.
Ang malulubhang kasalanan ay matinding paglabag sa mga utos ng Diyos. Kapag nagkasala nang malubha ang isang Kristiyano, dapat siyang lumapit sa Diyos na Jehova sa panalangin, at dapat niya itong ipagtapat sa mga elder sa kongregasyon. (Awit 32:5; Sant. 5:14) Ano ang pananagutan ng mga elder? Si Jehova lang ang may awtoridad na lubusang magpatawad sa mga kasalanan. At ginawa niya itong posible sa pamamagitan ng haing pantubos. Pero pinagkatiwalaan ni Jehova ang mga elder ng pananagutan na alamin mula sa Kasulatan kung karapat-dapat manatili sa kongregasyon ang nagkasala. (1 Cor. 5:12) Para magawa iyan, inaalam nila ang sagot sa mga tanong na ito: Sinadya ba ng isa ang paggawa ng kasalanan? Itinago ba niya ito sa iba? Paulit-ulit ba niya itong ginagawa sa loob ng mahabang panahon? Higit sa lahat, may ebidensiya ba na talagang nagsisisi siya? May mga palatandaan ba na pinatawad na siya ni Jehova?—Gawa 3:19. w22.06 9 ¶4
Sabado, Marso 9
Ibigin . . . ang katotohanan.—Zac. 8:19.
Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na itaguyod ang katuwiran. (Mat. 5:6) Ibig sabihin, dapat na gustong-gusto ng isa na gawin ang tama, mabuti, at malinis sa paningin ng Diyos. Mahal mo ba ang katotohanan at katuwiran? Sigurado kaming mahal mo ang mga katangiang iyan. Napopoot ka sa kasinungalingan at sa lahat ng masasamang bagay. (Awit 119:128, 163) Tinutularan ng mga nagsisinungaling si Satanas, ang tagapamahala ng mundong ito. (Juan 8:44; 12:31) Gusto ni Satanas na masira ang banal na pangalan ng Diyos na Jehova. Mula pa noong rebelyon sa Eden, nagkakalat na ng kasinungalingan si Satanas tungkol sa Diyos natin. Pinapalabas niyang makasarili at di-tapat na Tagapamahala si Jehova at na nagkakait Siya ng mabuti sa mga tao. (Gen. 3:1, 4, 5) Dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas, marami ang nagkakaroon ng maling pananaw tungkol kay Jehova. Kapag hindi iniibig ng mga tao ang katotohanan, puwede silang maimpluwensiyahan ni Satanas na gawin ang lahat ng di-matuwid at masasamang bagay.—Roma 1:25-31. w23.03 2 ¶3
Linggo, Marso 10
Ang . . . tapat na pag-ibig [ni Jehova] ay walang hanggan.—Awit 100:5.
Baka paminsan-minsan, nagagawa mo pa rin ang mga pinaglalabanan mong kahinaan. O baka naiinip ka na at nasisiraan ng loob dahil parang ang hirap maabot ng tunguhin mo. Ano ang makakatulong sa iyo? Pag-ibig kay Jehova. Napakahalaga ng pag-ibig mo kay Jehova. (Kaw. 3:3-6) Kung mahal na mahal mo siya, makakayanan mo ang mga problema. Madalas banggitin ng Bibliya na may tapat na pag-ibig si Jehova sa mga lingkod niya. Kaya hinding-hindi niya sila iiwan anuman ang mangyari. Dahil ginawa ka ayon sa larawan ng Diyos, maipapakita mo rin ang ganoong uri ng pag-ibig. (Gen. 1:26) Paano? Maging mapagpasalamat. (1 Tes. 5:18) Sa bawat araw, tanungin ang sarili, ‘Paano ko nakita ang pagmamahal sa akin ni Jehova ngayon?’ Pagkatapos, manalangin at pasalamatan siya sa espesipikong mga bagay na ginawa niya para sa iyo. Isipin kung paano ipinakita sa iyo ni Jehova ang pag-ibig niya bilang indibidwal. w23.03 12 ¶17-19
Lunes, Marso 11
Alam [ni Jesus] kung ano ang nasa puso nila.—Juan 2:25.
Nanatiling mabait si Jesus sa 12 apostol. Ano ang matututuhan natin? Kahit na makagawa ng pagkakamali ang iba, dapat din nating bantayan ang magiging reaksiyon natin. Kaya kapag nainis tayo sa isang kapatid, tanungin ang sarili: ‘Bakit ba masyado akong apektado? May kahinaan ba ako na dapat kong paglabanan? May pinagdadaanan lang kaya siya? Kahit na may dahilan naman akong mainis, puwede bang patawarin ko na lang siya para maipakita ko ang pag-ibig?’ Kapag ipinapakita natin na mahal natin ang isa’t isa, mas pinapatunayan nating mga tunay na tagasunod tayo ni Jesus. Natutuhan din natin sa halimbawa ni Jesus na dapat nating sikapin na unawain ang mga kapatid. (Kaw. 20:5) Hindi tayo nakakabasa ng puso gaya ni Jesus. Pero puwede tayong maging mapagpasensiya sa mga kapatid kapag nagkakamali sila. (Efe. 4:1, 2; 1 Ped. 3:8) Magiging mas madali iyan kung kikilalanin pa natin sila. w23.03 30 ¶14-16
Martes, Marso 12
Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.—Luc. 20:38.
Kapag nasa peligro ang buhay natin, puwede itong samantalahin ni Satanas para makipagkompromiso tayo. Baka pilitin tayo ng mga doktor o ng mga di-Saksing kapamilya na magpasalin ng dugo, na labag sa utos ng Diyos. O baka sabihan tayo ng iba na tumanggap ng paraan ng paggamot na labag sa mga prinsipyo sa Bibliya. Ayaw nating mamatay, pero alam natin na mahal pa rin tayo ni Jehova kahit mangyari iyon. (Roma 8:37-39) Kapag namatay ang mga kaibigan ni Jehova, nasa alaala niya sila, na para bang buháy pa rin sila. (Luc. 20:37) Sabik na sabik siyang buhayin silang muli. (Job 14:15) Malaki ang ibinayad ni Jehova para “magkaroon [tayo] ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Alam natin na mahal na mahal tayo ni Jehova at nagmamalasakit siya sa atin. Kaya hindi niya tayo pababayaan kapag may sakit tayo o nanganganib ang buhay natin. Papatibayin niya tayo at bibigyan ng karunungan at lakas.—Awit 41:3. w22.06 18 ¶16-17
Miyerkules, Marso 13
Ang tunay na karunungan ay sumisigaw sa lansangan.—Kaw. 1:20.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan ay nagbibigay ng unawa.” (Kaw. 9:10) Kaya kapag gumagawa tayo ng mahahalagang desisyon, dapat na ang basehan natin ay ang kaisipan ni Jehova—“ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan.” Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang Bibliya at ang mga salig-Bibliyang publikasyon. Kapag ginawa natin iyan, nagiging tunay na marunong tayo. (Kaw. 2:5-7) Si Jehova lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na karunungan. (Roma 16:27) Bakit siya ang Pinagmumulan ng karunungan? Una, siya ang Maylalang, at alam niya ang lahat tungkol sa kaniyang nilalang. (Awit 104:24) Ikalawa, makikita sa lahat ng ginagawa niya na marunong siya. (Roma 11:33) Ikatlo, laging nakikinabang ang mga sumusunod sa matalinong payo ni Jehova. (Kaw. 2:10-12) Para magkaroon ng tunay na karunungan, kailangan nating tanggapin ang mga katotohanang ito at gawin itong gabay sa paggawi natin at mga desisyon. w22.10 19 ¶3-4
Huwebes, Marso 14
Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang mga anghel niya ay nakipagdigma sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagdigma, pero hindi nagtagumpay ang mga ito, at wala na silang lugar pa sa langit.—Apoc. 12:7, 8.
Gaya ng inihula sa Apocalipsis kabanata 12, natalo si Satanas sa digmaan, kaya siya at ang mga demonyo ay inihagis dito sa lupa. Galit na galit si Satanas, kaya ibinuhos niya ito sa mga tao. Ang resulta? “Kaawa-awa ang lupa.” (Apoc. 12:7-12) Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Ang mga pangyayari sa mundo at ang kapansin-pansing pagbabago sa ugali ng mga tao ay tutulong sa atin na malaman na nagsimula nang maghari si Jesus. Kaya sa halip na madismaya kapag nakikita nating nagiging makasarili at malupit ang mga tao, tandaan natin na katuparan iyon ng hula sa Bibliya. Namamahala na ang Kaharian! (Awit 37:1) At asahan natin na lalo pang sasamâ ang kalagayan sa mundo habang papalapit ang Armagedon. (Mar. 13:8; 2 Tim. 3:13) Nagpapasalamat tayo sa ating mapagmahal na Ama sa langit dahil tinutulungan niya tayong maintindihan kung bakit napakaraming problema sa mundo. w22.07 3-4 ¶7-8
Biyernes, Marso 15
Napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.—Sant. 5:16.
Puwede nating hilingin kay Jehova na tulungan ang ating mga kapananampalataya na makayanan ang pagkakasakit, likas na mga sakuna, digmaan, pag-uusig, o iba pang pagsubok. Puwede rin nating ipanalangin ang mga kapatid natin na nagsasakripisyo para tulungan ang mga nangangailangan. Baka may kakilala kang dumaranas ng ganiyang mga pagsubok. Puwede mo siyang ipanalangin. Ipinapakita natin na talagang mahal natin sila kapag hinihiling natin kay Jehova na tulungan sila na makapagtiis. Talagang pinapahalagahan ng mga nangunguna sa kongregasyon ang mga panalangin ng iba at malaking tulong ito para sa kanila. Totoong-totoo iyan kay apostol Pablo. Isinulat niya: “Ipanalangin din ninyo ako para malaman ko kung ano ang dapat sabihin kapag ibinuka ko ang aking bibig, para lakas-loob kong maihayag ang sagradong lihim ng mabuting balita.” (Efe. 6:19) Marami ring masisipag na brother ang nangunguna sa atin ngayon. Ipinapakita natin na mahal natin sila kapag hinihiling natin kay Jehova na pagpalain ang kanilang gawain. w22.07 23-24 ¶14-16
Sabado, Marso 16
Isuot natin . . . ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet.—1 Tes. 5:8.
Nagsusuot ng helmet ang isang sundalo para protektahan ang ulo niya. Ganiyan din sa espirituwal na pakikipaglaban. Kailangan nating protektahan ang isip natin mula sa mga pag-atake ni Satanas. Gumagamit siya ng mga tukso at ideya para parumihin ang isip natin. Napoprotektahan ng helmet ang ulo ng sundalo. Napoprotektahan din ng pag-asa ang isip natin para makapanatili tayong tapat kay Jehova. Kung unti-unti na tayong nawawalan ng pag-asa at iniisip na natin ang sarili lang nating kagustuhan, baka malimutan natin ang pag-asa natin na mabuhay magpakailanman. Tingnan ang nangyari sa ilang Kristiyano noon sa Corinto. Nawalan sila ng pananampalataya sa isang mahalagang pangako ng Diyos—ang pag-asa na pagkabuhay-muli. (1 Cor. 15:12) Sinabi ni Pablo na ang mga hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ay nabubuhay lang para sa kasalukuyan. (1 Cor. 15:32) Ganiyan din sa ngayon. Marami ang hindi naniniwala sa mga pangako ng Diyos, kaya ginagawa na nila ang lahat para ma-enjoy ang buhay. Pero di-tulad nila, nagtitiwala tayo sa pangako ng Diyos sa hinaharap. w22.10 25-26 ¶8-9
Linggo, Marso 17
Lagi kayong manalangin.—1 Tes. 5:17.
Gusto ni Jehova na manalangin ka sa kaniya. Alam niya ang pinagdaraanan mo, at tinitiyak niya na pakikinggan niya ang panalangin mo anumang oras. Nalulugod siyang pakinggan ang mga mananamba niya. (Kaw. 15:8) Ano ang puwede mong ipanalangin kapag nararamdaman mong nag-iisa ka? Ibuhos kay Jehova ang laman ng puso mo. (Awit 62:8) Sabihin sa kaniya ang mga álalahanín mo at kung ano ang epekto nito sa iyo. Hilingin kay Jehova na tulungan ka niya sa nararamdaman mo at humingi ng lakas ng loob para magawa ito. Puwede mo pa ngang hilingin sa kaniya na bigyan ka ng karunungan para mataktika mong maipaliwanag ang mga paniniwala mo. (Luc. 21:14, 15) Kung nade-depress ka naman o pinanghihinaan ng loob, hilingin kay Jehova na tulungan kang ipakipag-usap ito sa isang may-gulang na Kristiyano. Hilingin kay Jehova na sana ay maintindihan ng lalapitan mo ang nararamdaman mo. Tingnan kung paano niya sasagutin ang panalangin mo, at tanggapin ang tulong ng iba. Kapag ginawa mo iyan, hindi mo na mararamdamang nag-iisa ka. w22.08 10 ¶6
Lunes, Marso 18
Nagrerebelde sila sa mga batas ni Cesar.—Gawa 17:7.
Ang bagong kongregasyon sa Tesalonica ay dumanas ng matinding pag-uusig. Kinaladkad ng mga mang-uumog ang “ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod.” (Gawa 17:6) Isip-isipin na lang ang takot ng mga bagong Kristiyanong iyon. Puwedeng mabawasan ang sigasig nila sa paglilingkod kay Jehova, pero ayaw ni apostol Pablo na mangyari iyon. Tiniyak niya na mapapangalagaan pa ring mabuti ang bagong kongregasyon. Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Isinugo namin sa inyo si Timoteo, ang ating kapatid . . . , para patatagin ang pananampalataya ninyo at aliwin kayo, nang sa gayon, walang sinuman sa inyo ang manghina dahil sa mga paghihirap na ito.” (1 Tes. 3:2, 3) Nakita ni Timoteo kung paano pinatibay ni Pablo ang mga kapatid sa Listra. Dahil nakita ni Timoteo kung paano sila pinagpala ni Jehova sa Listra, matitiyak niya sa mga bagong kapatid sa Tesalonica na magiging maayos din ang kalagayan nila.—Gawa 14:8, 19-22; Heb. 12:2. w22.08 21 ¶4
Martes, Marso 19
[Magkakaroon] tayo ng buhay sa pamamagitan niya.—1 Juan 4:9.
Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, masikap na pinag-aralan ng isang grupo ng mga estudyante ng Bibliya, sa pangunguna ni Charles Taze Russell, ang Kasulatan. Gusto nilang malaman ang katotohanan tungkol sa sakripisyo ni Jesus at kung paano dapat alalahanin ang kamatayan niya. Nakikinabang din tayo sa pag-aaral na ginawa nila. Paano? Sa tulong ni Jehova, naintindihan natin ang kahulugan ng sakripisyo ni Jesus at kung ano ang gagawin nito para sa atin. (1 Juan 2:1, 2) Natutuhan din natin sa Bibliya na may dalawang pag-asang ibinibigay ang Diyos sa mga taong sinasang-ayunan niya—imortal na buhay sa langit para sa ilan at buhay na walang hanggan sa lupa para sa milyon-milyong iba pa. Lalo tayong napapalapit kay Jehova kapag pinag-iisipan natin kung gaano niya tayo kamahal at kung paano tayo personal na makikinabang sa sakripisyo ni Jesus. (1 Ped. 3:18) Kaya gaya ng tapat na mga kapatid natin noon, iniimbitahan din natin ang iba sa pagdiriwang natin ng Memoryal ayon sa halimbawang ibinigay ni Jesus. w23.01 21 ¶6-7
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 9) Marcos 14:3-9
Miyerkules, Marso 20
Namatay siya para sa lahat, nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli.—2 Cor. 5:15.
Noong nasa lupa si Jesus, tinuruan niya ang mga tao tungkol sa mga pagpapala na ibibigay ng Kaharian ng Diyos. Talagang pinapahalagahan natin ang mga katotohanang iyan. Ang laki ng pasasalamat natin sa pantubos kasi nagkaroon tayo ng pagkakataong maging kaibigan ni Jehova at ni Jesus. May pag-asa ring mabuhay magpakailanman ang mga nananampalataya kay Jesus at puwede rin nilang makasamang muli ang mga namatay nilang mahal sa buhay. (Juan 5:28, 29; Roma 6:23) Wala tayong ginawa para maging karapat-dapat sa mga pagpapalang ito, at hindi rin natin kailanman mababayaran ang ginawa ng Diyos at ni Kristo para sa atin. (Roma 5:8, 20, 21) Pero maipapakita naman natin na talagang pinapahalagahan natin ang mga ito. Paano? Kung gagamitin natin ang ating panahon, lakas, at pera para suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Halimbawa, puwede tayong magboluntaryo sa pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling ginagamit natin sa dalisay na pagsamba. w23.01 26 ¶3; 27 ¶5
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Marcos 11:1-11
Huwebes, Marso 21
Nakita ko ang Kordero . . . at may kasama siyang 144,000.—Apoc. 14:1.
Bilyon-bilyon sa buong mundo ang pangangasiwaan ng mga mamamahala sa Kaharian ng Diyos. Talagang napakalaking pribilehiyo ang ibinigay ni Jehova sa 144,000! Gaya ni Jesus, maglilingkod ang 144,000 bilang mga hari at saserdote. (Apoc. 5:10) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga saserdote ang pangunahin nang tumutulong sa bayan para manatili silang malusog sa pisikal at malapít kay Jehova. Ang Kautusan ay “anino ng mabubuting bagay na darating.” Kaya makatuwirang sabihin na tutulong ang mga kasamang tagapamahala ni Jesus para manatiling malusog sa pisikal at espirituwal ang bayan ng Diyos. (Heb. 10:1) Hindi pa natin alam kung paano makikipag-ugnayan ang mga hari at saserdoteng ito sa mga sakop ng Kaharian dito sa lupa. Anuman ang gawing kaayusan ni Jehova, makakatiyak tayo na sa Paraiso, tatanggap ang mga nasa lupa ng mga tagubiling kailangan nila.—Apoc. 21:3, 4. w22.12 11 ¶11-13
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Marcos 11:12-19
Biyernes, Marso 22
Patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.—1 Cor. 11:26.
Nag-iimbita tayo sa Memoryal para malaman ng mga unang beses pa lang makakadalo rito ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa mga tao. (Juan 3:16) Umaasa tayo na mapapakilos sila ng makikita at maririnig nila sa Memoryal para kumuha pa ng higit na impormasyon at maging mga lingkod ni Jehova. Iniimbitahan din natin ang mga huminto sa paglilingkod kay Jehova para ipaalala sa kanila na mahal pa rin sila ng Diyos. Marami sa kanila ang dumalo, at masayang-masaya tayong makita sila. Ipinaalala sa kanila ng Memoryal kung gaano sila kasaya noong naglilingkod pa sila kay Jehova. (Awit 103:1-4) Dumalo man o hindi ang mga inimbitahan natin, sinisikap pa rin nating maimbitahan ang mga tao sa Memoryal kasi alam nating interesado siya sa bawat isa sa atin. (Luc. 15:7; 1 Tim. 2:3, 4) Makakasiguro tayo na ginagamit ni Jehova ang mga imbitasyon para tulungan tayong makita ang tapat-pusong mga tao.—Hag. 2:7. w23.01 20 ¶1; 22-23 ¶9-11
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Marcos 11:20–12:27, 41-44
Sabado, Marso 23
Ang mata ni Jehova ay nagbabantay sa mga may takot sa kaniya.—Awit 33:18.
Noong gabi bago siya mamatay, may hiniling si Jesus sa kaniyang Ama sa langit. Hiniling niya kay Jehova na bantayan ang mga tagasunod niya. (Juan 17:15, 20) Lagi namang binabantayan ni Jehova ang kaniyang bayan—pinapangalagaan at pinoprotektahan niya sila. Pero alam ni Jesus na mapapaharap ang mga tagasunod niya sa matinding pagsalansang ni Satanas. Alam din ni Jesus na kailangan nila ang tulong ni Jehova para malabanan ang pag-atake ng Diyablo. Maraming nararanasang problema ang mga tunay na Kristiyano ngayon dahil sa panggigipit ng sanlibutan ni Satanas. May mga pagsubok na nagpapahina ng loob natin at sumusubok pa nga sa katapatan natin kay Jehova. Pero hindi tayo dapat matakot. Binabantayan tayo ni Jehova. Nakikita niya ang mga problemang pinagdaraanan natin, at gusto niya tayong tulungan. Oo, “nagbabantay [si Jehova] sa mga may takot sa kaniya . . . para iligtas sila.”—Awit 33:18-20. w22.08 8 ¶1-2
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Marcos 14:1, 2, 10, 11; Mateo 26:1-5, 14-16
ARAW NG MEMORYAL
Pagkalubog ng Araw
Linggo, Marso 24
Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.—Luc. 22:19.
Sinusunod natin ang utos na ito ni Jesus dahil mahal na mahal natin siya. (Juan 14:15) Taon-taon sa panahon ng Memoryal, nagbibigay tayo ng panahon para manalangin at pag-isipan ang ibig sabihin ng kamatayan niya para ipakitang pinapahalagahan natin ang ginawa niya. Mas maraming panahon din ang ibinibigay natin sa ministeryo para imbitahan ang mas maraming tao sa espesyal na okasyong ito. At siyempre, hindi natin hahayaang may makahadlang sa pagdalo natin sa Memoryal. Sa Memoryal, nakakapakinig tayo ng isang pahayag mula sa Bibliya at sinasagot nito ang ilang tanong. Nalalaman natin kung bakit kailangan ng mga tao ang pantubos at kung paano mababayaran ng kamatayan ng isang tao ang kasalanan ng marami. Ipinapaalala rin sa atin nito kung ano ang inilalarawan ng tinapay at alak at kung sino lang ang dapat makibahagi sa mga ito. (Luc. 22:19, 20) At binubulay-bulay natin ang mga pagpapalang naghihintay sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman dito sa lupa. (Isa. 35:5, 6; 65:17, 21-23) Mahalaga sa atin ang mga katotohanang ito. w23.01 20 ¶2; 21 ¶4
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Marcos 14:12-16; Mateo 26:17-19 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Marcos 14:17-72
Lunes, Marso 25
Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
Nang ibigay ng Diyos ang Anak niya bilang pantubos para sa mga kasalanan natin, naging posible para sa atin na magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Mat. 20:28) Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang mahalagang bahaging ito ng layunin ng Diyos. Isinulat niya: “Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao. Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay; kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin.” (1 Cor. 15:21, 22) Itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya na ipanalanging dumating ang Kaharian ng Diyos at mangyari ang kalooban ng Diyos dito sa lupa. (Mat. 6:9, 10) Bahagi ng layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman sa lupa ang mga tao. Para mangyari iyan, inatasan ni Jehova ang Anak niya bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian. Tinitipon na ng Diyos ang 144,000 tao mula sa lupa na makakasama ni Jesus para tuparin ang kalooban ng Diyos.—Apoc. 5:9, 10. w22.12 5 ¶11-12
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Marcos 15:1-47
Martes, Marso 26
Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin . . . nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila.—2 Cor. 5:14, 15.
Kapag namatayan tayo ng isang mahal sa buhay, siguradong miss na miss na natin siya! Sa umpisa, baka sobrang nagdadalamhati tayo kapag iniisip natin ang mga huling sandali ng buhay niya, lalo na kung nahirapan talaga siya bago mamatay. Pero sa paglipas ng panahon, nagiging masaya ulit tayo kapag iniisip natin ang mga itinuro niya sa atin o ang mga bagay na ginawa o sinabi niya para patibayin o pasayahin tayo. Nalulungkot din tayo kapag binabasa natin ang tungkol sa pagdurusa at kamatayan ni Jesus. Sa panahon ng Memoryal, talagang naglalaan tayo ng panahon para pag-isipang mabuti kung gaano kahalaga ang haing pantubos ni Jesus. (1 Cor. 11:24, 25) Pero nagiging masaya tayo kapag binubulay-bulay natin ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus noong nasa lupa siya. Napapatibay rin tayo kapag pinag-iisipan natin kung ano ang ginagawa niya ngayon at ang gagawin niya para sa atin sa hinaharap. w23.01 26 ¶1-2
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:62-66 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 16) Marcos 16:1
Miyerkules, Marso 27
Unahin ang Kaharian.—Mat. 6:33.
Lungkot na lungkot ang mga alagad nang mamatay si Jesus. Isipin mong isa ka sa kanila. Namatayan sila ng mahal na kaibigan at posibleng nawalan rin sila ng pag-asa. (Luc. 24:17-21) Pero nang magpakita sa kanila si Jesus, tinulungan niya silang maintindihan kung ano ang papel niya sa pagtupad ng mga hula sa Bibliya. Binigyan din niya sila ng isang mahalagang gawain. (Luc. 24:26, 27, 45-48) Pagkalipas ng 40 araw, pag-akyat ni Jesus sa langit, napalitan ng kagalakan ang kalungkutan ng mga alagad dahil alam nilang buháy ang Panginoon nila at na tutulungan niya sila na magawa ang bago nilang atas. Ang kagalakan nilang iyon ang nagpakilos sa kanila na patuloy na purihin si Jehova. (Luc. 24:52, 53; Gawa 5:42) Para matularan ang mga alagad ni Jesus, kailangan nating unahin ang Kaharian ng Diyos sa buhay natin. Kailangan natin ng pagtitiis para patuloy na mapaglingkuran si Jehova, pero ipinapangako niya sa atin na pagpapalain niya tayo kung uunahin natin ang Kaharian.—Kaw. 10:22. w23.01 30-31 ¶15-16
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Marcos 16:2-8
Huwebes, Marso 28
Sa alabok ka babalik.—Gen. 3:19.
Siguradong ayaw nating matulad kina Adan at Eva. Maiiwasan natin ang pagkakamali nila kung patuloy nating kikilalanin si Jehova, papahalagahan ang mga katangian niya, at sisikapin na maintindihan ang paraan ng pag-iisip niya. Kapag ginawa natin iyan, lalalim ang pag-ibig natin kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Abraham. Talagang mahal niya si Jehova. Kahit hindi niya masyadong maintindihan ang mga desisyon ni Jehova, hindi nagrebelde si Abraham. Sa halip, sinikap niyang mas makilala pa si Jehova. Halimbawa, nang malaman niya na pupuksain ni Jehova ang Sodoma at Gomorra, sa simula, natakot si Abraham na baka puksain ng “Hukom ng buong lupa” ang mga matuwid kasama ng masasama. Hindi lubos-maisip ni Abraham na magagawa iyon ni Jehova, kaya mapagpakumbaba niyang tinanong si Jehova. Sa bawat tanong niya, matiyaga siyang sinagot ni Jehova. Nalaman ni Abraham na nababasa ni Jehova ang puso ng tao at na hindi niya paparusahan ang mga inosente kasama ng masasama.—Gen. 18:20-32. w22.08 28 ¶9-10
Biyernes, Marso 29
Ang mapagkakatiwalaan ay marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay.—Kaw. 11:13.
Noong 455 B.C.E., matapos maitayong muli ni Gobernador Nehemias ang mga pader ng Jerusalem, humanap siya ng mga maaasahang lalaki na mangangalaga sa lunsod. Isa sa mga napili ni Nehemias ang pinuno ng Tanggulan na si Hananias. Inilarawan ng Bibliya si Hananias bilang “talagang mapagkakatiwalaan . . . at kumpara sa maraming iba pa, mas may takot siya sa tunay na Diyos.” (Neh. 7:2) Dahil mahal niya at ayaw niyang mapalungkot si Jehova, nagsikap nang husto si Hananias na gawin ang anumang atas niya. Ang mga katangiang iyon ay tutulong din sa atin na maging maaasahan sa paglilingkod sa Diyos. Pansinin ang halimbawa ni Tiquico, isang mapagkakatiwalaang kasama ni apostol Pablo. Umasa si Pablo kay Tiquico, at inilarawan niya ito bilang “tapat na lingkod.” (Efe. 6:21, 22) Ipinagkatiwala ni Pablo sa kaniya ang pagdadala ng mga liham sa mga kapatid sa Efeso at Colosas pati na ang pagpapatibay sa kanila. Ipinapaalala sa atin ni Tiquico ang mga tapat at maaasahang lalaki na nangangalaga sa espirituwal na pangangailangan natin ngayon.—Col. 4:7-9. w22.09 9-10 ¶5-6
Sabado, Marso 30
Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.—1 Ped. 4:8.
Sa loob ng mga 13 taon, puro mabibigat na pagsubok ang naranasan ni Jose. Puwedeng maisip ni Jose na hindi siya mahal ni Jehova at na pinabayaan na niya siya. Pero hindi naghinanakit si Jose. Nanatili siyang kalmado kasi ginamit niya ang kakayahan niyang mag-isip. May pagkakataon na sana siyang makaganti sa mga kapatid niya. Pero hindi niya iyon ginawa. Sa halip, nagpakita siya ng pag-ibig sa kanila at pinatawad sila. (Gen. 45:4, 5) Nagawa iyan ni Jose dahil nag-isip siyang mabuti. Hindi siya nagpokus sa mga problema niya. Ang inisip niya ay kung ano ang gusto ni Jehova. (Gen. 50:19-21) Ano ang aral? Kung ginawan ka ng masama, huwag maghinanakit kay Jehova o isiping pinabayaan ka na niya. Isipin kung paano ka niya tinutulungan para makayanan mo ang pagsubok na iyon. Sikapin mo ring takpan ng pag-ibig ang mga kahinaan ng iba. w22.11 21 ¶4
Linggo, Marso 31
Ang lahat ng pamahalaan ay maglilingkod at susunod sa kanila.—Dan. 7:27.
Malinaw na ipinapakita ng mga pangitain ni propeta Daniel na si Jehova ang pinakadakila o may pinakamataas na awtoridad. Una, nakita ni Daniel ang apat na dambuhalang hayop na kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig noon at ngayon—ang Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at ang namamahala ngayon, ang Anglo-Amerika. (Dan. 7:1-3, 17) Pagkatapos, nakita ni Daniel ang Diyos na Jehova habang nakaupo sa trono niya sa hukuman sa langit. (Dan. 7:9, 10) Inalis ng Diyos ang lahat ng pamamahala mula sa mga gobyerno ng tao at ibinigay ito sa mas karapat-dapat at mas makapangyarihan. Kanino? Sa “isang gaya ng anak ng tao,” si Jesu-Kristo, at sa “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” ang 144,000 na mamamahala “magpakailanman.” (Dan. 7:13, 14, 18) Maliwanag, si Jehova ang “Kadaki-dakilaan.” Ang nakita ni Daniel sa pangitain ay sumusuporta sa nauna niyang sinabi. “Ang Diyos ng langit,” ang sabi ni Daniel, ay ‘nag-aalis at nagtatalaga ng mga hari.’—Dan. 2:19-21. w22.10 14-15 ¶9-11