Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 47-57
  • Mayo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mayo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Mayo 1
  • Huwebes, Mayo 2
  • Biyernes, Mayo 3
  • Sabado, Mayo 4
  • Linggo, Mayo 5
  • Lunes, Mayo 6
  • Martes, Mayo 7
  • Miyerkules, Mayo 8
  • Huwebes, Mayo 9
  • Biyernes, Mayo 10
  • Sabado, Mayo 11
  • Linggo, Mayo 12
  • Lunes, Mayo 13
  • Martes, Mayo 14
  • Miyerkules, Mayo 15
  • Huwebes, Mayo 16
  • Biyernes, Mayo 17
  • Sabado, Mayo 18
  • Linggo, Mayo 19
  • Lunes, Mayo 20
  • Martes, Mayo 21
  • Miyerkules, Mayo 22
  • Huwebes, Mayo 23
  • Biyernes, Mayo 24
  • Sabado, Mayo 25
  • Linggo, Mayo 26
  • Lunes, Mayo 27
  • Martes, Mayo 28
  • Miyerkules, Mayo 29
  • Huwebes, Mayo 30
  • Biyernes, Mayo 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 47-57

Mayo

Miyerkules, Mayo 1

Pagkatapos nito ay nakita ko ang isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.​—Apoc. 7:9.

Matapos makita ni Juan ang makalangit na grupo, nakita naman niya ang isang “malaking pulutong.” Di-gaya ng 144,000, hindi mabilang ang malaking pulutong. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kanila? Sinabi kay Juan: “Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apoc. 7:14) Matapos makaligtas sa malaking kapighatian, ang “malaking pulutong” na ito ay mabubuhay sa lupa at tatanggap ng maraming pagpapala. (Awit 37:​9-11, 27-29; Kaw. 2:​21, 22; Apoc. 7:​16, 17) Siguradong nakikita natin ang sarili natin sa mga paglalarawang ito sa Apocalipsis kabanata 7, sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin. Napakasaya ngang panahon iyon para sa dalawang grupo ng mga lingkod ng Diyos! Masayang-masaya tayo na pinili nating suportahan ang pamamahala ni Jehova. w22.05 16 ¶6-7   

Huwebes, Mayo 2

Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan.​—Kaw. 2:6.

Kung gagawa ka ng isang mahalagang desisyon, tiyak na mananalangin ka para sa karunungan—dahil alam mo na kailangan mo iyon. (Sant. 1:5) Isinulat ni Haring Solomon: “Karunungan ang pinakamahalagang bagay.” (Kaw. 4:7) Siyempre, hindi lang basta karunungan ang tinutukoy ni Solomon. Ang tinutukoy niya ay ang karunungang nagmumula sa Diyos na Jehova. (Kaw. 2:6) Pero makakatulong kaya ang makadiyos na karunungan para maharap natin ang mga problema ngayon? Oo. Ang isa sa mga paraan para talagang maging marunong ay kung pag-aaralan at isasabuhay natin ang mga turo ng dalawang lalaki na kilala sa karunungan nila. Una, si Solomon. Sinasabi ng Bibliya na “binigyan ng Diyos si Solomon ng pambihirang karunungan at kaunawaan.” (1 Hari 4:29) Ikalawa, si Jesus na ang karunungan ay walang katulad. (Mat. 12:42) Inihula tungkol kay Jesus: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan.”​—Isa. 11:2. w22.05 20 ¶1-2

Biyernes, Mayo 3

Hayaan mong sabihin ko sa susunod na henerasyon ang tungkol sa kapangyarihan mo.​—Awit 71:18.

Hindi hadlang ang edad para magtakda ng mga espirituwal na tunguhin at abutin ang mga iyon. Tingnan ang halimbawa ni Beverley na edad 75. Mayroon siyang malubhang sakit kaya hiráp siyang maglakad. Pero gusto niyang lubusang makibahagi sa kampanya sa Memoryal. Kaya nagtakda siya ng mga espesipikong tunguhin. Nang maabot niya ang mga tunguhing iyon, masayang-masaya siya. At napasigla niya ang iba na mas magsikap sa ministeryo. Pinapahalagahan ni Jehova ang pagsisikap ng mga may-edad nating kapatid kahit limitado lang ang nagagawa nila dahil sa kanilang kalagayan. (Awit 71:17) Magtakda ng mga tunguhin na kaya mong abutin. Pasulungin ang mga katangian na gusto ni Jehova. Matuto ng mga kasanayan na tutulong sa iyo para mas magamit ka ng ating Diyos at ng kaniyang organisasyon. Humanap ng mga paraan para lubusan mong mapaglingkuran ang mga kapatid. Gaya ni Timoteo, sa tulong ni Jehova, ‘makikita ng lahat ang pagsulong mo.’—1 Tim. 4:15. w22.04 27 ¶18-19

Sabado, Mayo 4

Mula pa noong sanggol ka ay alam mo na ang banal na mga kasulatan.​—2 Tim. 3:15.

Paano kung sa kabila ng mga pagsisikap mo, sinabi ng isa sa mga anak mo na ayaw niyang maglingkod kay Jehova? Huwag mong isipin na bigo ka na bilang isang magulang. Lahat tayo—kasama na ang anak mo—ay binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya, ang kakayahang pumili kung maglilingkod tayo sa Diyos o hindi. Huwag mawalan ng pag-asa na balang-araw, manunumbalik din siya. Tandaan ang ilustrasyon tungkol sa nawawalang anak. (Luc. 15:​11-19, 22-24) Naligaw ng landas at gumawa ng masasamang bagay ang kabataang iyon, pero bandang huli, nanumbalik siya. Mga magulang, napakaganda ng pribilehiyo ninyo—ang magpalaki ng mga anak na isang bagong henerasyon ng mga mananamba ni Jehova. (Awit 78:​4-6) Hindi iyan madaling gawin, kaya talagang kinokomendahan namin kayo sa mga pagsisikap ninyo na tulungan ang mga anak ninyo na mahalin si Jehova at palakihin sila sa disiplina at patnubay niya. Makatitiyak kayo na mapapasaya ninyo ang mapagmahal nating Ama sa langit.​—Efe. 6:4. w22.05 30-31 ¶16-18

Linggo, Mayo 5

Ang lahat ng bahagi ng katawan ay nagkakabuklod.​—Efe. 4:16.

Para maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon, kailangan ng bawat isa sa atin na ibigay ang lahat ng magagawa niya para kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ng mga Kristiyano noong unang siglo. Iba-iba ang kaloob nila at mga atas. (1 Cor. 12:​4, 7-11) Pero hindi iyon naging dahilan para magkabaha-bahagi sila at magkaroon ng kompetisyon sa pagitan nila. Pinatibay pa nga ni Pablo ang bawat isa sa kanila na gawin ang kailangan “para patibayin ang katawan ng Kristo.” Isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso: “Kapag ginagawang mabuti ng bawat bahagi ang papel nito, nakatutulong ito para lumakas ang buong katawan habang tumitibay ito dahil sa pag-ibig.” (Efe. 4:​1-3, 11, 12) Naitaguyod ng mga sumunod sa sinabi ni Pablo ang kapayapaan at pagkakaisa—mga katangian na makikita ngayon sa mga kongregasyon. Huwag na huwag ikumpara ang sarili mo sa iba. Matuto kay Jesus at sikaping tularan ang mga katangian niya. Magtiwala ka na “matuwid [si Jehova] kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa” mo. (Heb. 6:10) Napapasaya natin siya habang nakikita niya na ginagawa natin ang lahat para sa kaniya. w22.04 14 ¶15-16

Lunes, Mayo 6

Si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.​—1 Tim. 1:15.

Mabuti na lang at nalaman natin na hindi tayo ang magpapasiya kung papatawarin ni Jehova ang isang nagkasala! Pero may isang bagay na kailangan nating pagpasiyahan. Ano iyon? Baka may mga pagkakataon na nagawan tayo ng mali ng isang tao—baka mabigat pa nga ang naging kasalanan niya—pero humingi siya ng tawad. May pagkakataon naman na hindi siya humingi ng tawad. Kung ganiyan ang sitwasyon, puwede tayong magpasiya na patawarin siya. Ibig sabihin, hindi na tayo magkikimkim ng sama ng loob at magagalit sa kaniya. Ang totoo, baka kailangan natin ng panahon at pagsisikap, lalo na kapag sobra tayong nasaktan. Ganito ang sinabi ng Bantayan ng Setyembre 15, 1994: “Kapag pinatawad mo ang isang nagkasala, hindi ito nangangahulugan na pinalalampas mo ang kasalanan. Para sa isang Kristiyano, ang pagpapatawad ay nangangahulugan ng may-tiwalang paglalagay niyaon sa mga kamay ni Jehova. Siya ang matuwid na Hukom sa buong sansinukob, at ilalapat niya ang katarungan sa tamang panahon.” w22.06 9 ¶6-7

Martes, Mayo 7

Umasa ka kay Jehova.​—Awit 27:14.

Ipinangako ni Jehova na sa panahon natin, pagsasama-samahin niya ang mga tao mula sa lahat ng bansa, tribo, at wika, at pagkakaisahin niya sila sa pagsamba sa kaniya. Sa ngayon, ang grupong ito ng mga tao ay tinatawag na “malaking pulutong.” (Apoc. 7:​9, 10) Binubuo sila ng mga lalaki, babae, at mga bata na iba-iba ang pinagmulan. Pero mapayapa sila at nagkakaisa na gaya ng isang pamilya. (Awit 133:1; Juan 10:16) Lagi rin silang handa na sabihin sa mga gustong makinig ang pag-asa nila na magkakaroon ng mas magandang mundo sa hinaharap. (Mat. 28:​19, 20; Apoc. 14:​6, 7; 22:17) Kung kasama ka sa malaking pulutong, siguradong napakahalaga sa iyo ng pag-asang ito. Ayaw ng Diyablo na magkaroon ka ng pag-asa. Gusto niyang maniwala ka na hindi tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Kapag nangyari iyan, manghihina tayo, at baka tumigil pa nga tayo sa paglilingkod kay Jehova. w22.06 20-21 ¶2-3

Miyerkules, Mayo 8

Ang pag-asa nating ito ay nagsisilbing angkla ng buhay natin; ito ay tiyak at matatag.​—Heb. 6:19.

Tinutulungan tayo ng pag-asa na manatiling kalmado kahit may mga problema dahil alam natin na bubuti rin ang kalagayan. Tandaan, nagbabala si Jesus na pag-uusigin tayo. (Juan 15:20) Kaya kung bubulay-bulayin natin ang pag-asa natin sa hinaharap, patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova. Tingnan kung paano nakatulong kay Jesus ang pag-asa na manatiling tapat kahit alam niya na malapit na siyang dumanas ng masakit na kamatayan. Noong Pentecostes 33 C.E., sinipi ni apostol Pedro ang isang hula na nasa aklat ng Mga Awit. Doon, inilarawan ang pagtitiwala at pagiging kalmado ni Jesus: “Mabubuhay akong may pag-asa; dahil hindi mo ako iiwan sa Libingan, at ang katawan ng tapat sa iyo ay hindi mo hahayaang mabulok. . . . Pasasayahin mo ako nang husto sa iyong presensiya.” (Gawa 2:​25-28; Awit 16:​8-11) Talagang umaasa si Jesus na bubuhayin siyang muli ng Diyos at na makakasama niya ulit ang Ama niya sa langit.​—Heb. 12:​2, 3. w22.10 25 ¶4-5

Huwebes, Mayo 9

Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.​—Sant. 3:2.

Halimbawa, hiniling ng mga apostol na sina Santiago at Juan sa nanay nila na kausapin si Jesus para bigyan sila ng prominenteng posisyon sa Kaharian. (Mat. 20:​20, 21) Makikita kina Santiago at Juan na mataas ang tingin nila sa sarili at naging ambisyoso sila. (Kaw. 16:18) Hindi lang sina Santiago at Juan ang nagpakita ng di-magandang ugali nang pagkakataong iyon. Pansinin kung ano ang naging reaksiyon ng ibang apostol: “Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila sa magkapatid.” (Mat. 20:24) Nai-imagine mo ba ang sagutan nina Santiago, Juan, at ng iba pang mga apostol? Ano ang ginawa ni Jesus nang pagkakataong iyon? Hindi siya nagalit. Hindi niya sinabing maghahanap na lang siya ng mas mahuhusay na apostol, na mas mapagpakumbaba at laging nagpapakita ng pag-ibig. Sa halip, kinausap sila ni Jesus sa mabait na paraan dahil alam niyang gusto ng mga lalaking ito na gawin kung ano ang tama. (Mat. 20:​25-28) Laging mabait ang pakikitungo ni Jesus sa mga apostol. w23.03 28-29 ¶10-13

Biyernes, Mayo 10

Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang puso ko para may maisagot ako sa tumutuya sa akin.​—Kaw. 27:11.

Marami ka nang nagawa. Masikap mong pinag-aralan ang Bibliya, baka sa loob pa nga ng ilang taon. Dahil diyan, nakumbinsi ka na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Pero ang mas mahalaga, nakilala mo at minahal ang Awtor ng aklat na ito. Lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova kaya inialay mo ang buhay mo sa kaniya at nagpabautismo. Tama ang naging desisyon mo! Bago ka nagpabautismo, tiyak na nakaranas ka ng mga problema na sumubok sa katapatan mo kay Jehova. Pero habang sumusulong ka sa espirituwal, may mga pagsubok ka pa na haharapin. Sisikapin ni Satanas na patigilin ka sa paglilingkod kay Jehova at gusto niyang maiwala mo ang pag-ibig mo sa Diyos. (Efe. 4:14) Huwag mong hayaang mangyari iyan. Ano ang makakatulong sa iyo na manatiling tapat kay Jehova at tuparin ang pangako mo sa kaniya? Kailangan mong patuloy na “sumulong” sa pagiging may-gulang na Kristiyano.​—Heb. 6:1. w22.08 2 ¶1-2   

Sabado, Mayo 11

Parangalan mo ang iyong ama at ina, gaya ng iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, para mabuhay ka nang mahaba at mapabuti ka.​—Deut. 5:16.

Sa pamilya, pananagutan ng bawat miyembro na panatilihing pribado ang ilang bagay tungkol sa pamilya. Halimbawa, baka may nakasanayan ang isang asawang babae na nakakatawa para sa asawa niya. Ikukuwento ba ito ng asawang lalaki sa iba na posibleng ikapahiya ng asawa niya? Siyempre, hindi! Mahal niya ang asawa niya, at hindi niya ito gustong saktan. (Efe. 5:33) Gusto rin ng mga tin-edyer na igalang sila. Mahalagang tandaan ito ng mga magulang. Hindi nila ikukuwento ang pagkakamali ng mga anak nila na ikapapahiya ng mga ito. (Col. 3:21) Kailangan ding maging maingat ng mga anak, at hindi nila sasabihin sa iba ang mga bagay na ikapapahiya ng ibang miyembro ng pamilya. Kapag ginagawa ng bawat miyembro ng pamilya ang bahagi nila para mapanatiling pribado ang personal na mga bagay ng pamilya, titibay ang samahan nila. w22.09 10 ¶9   

Linggo, Mayo 12

Pakinggan mo ito, Job; huminto ka sandali at pag-isipan.​—Job 37:14.

Nang kausapin ni Jehova si Job, ipinaalala niya rito ang kaniyang walang-hanggang karunungan at ang pag-ibig niya sa mga nilalang niya. Bumanggit siya ng maraming kahanga-hangang hayop. (Job 38:​1, 2; 39:​9, 13, 19, 27; 40:15; 41:​1, 2) Ginamit din ni Jehova ang tapat na kabataang si Elihu para patibayin si Job. Tiniyak ni Elihu sa kaniya na laging pinagpapala ni Jehova ang mga mananamba Niya dahil sa pagtitiis nila. Pero pinakilos din ni Jehova si Elihu na maibiging payuhan si Job. Tinulungan ni Elihu si Job na huwag masyadong magpokus sa sarili niya. Ipinaalala niya kay Job na napakaliit natin kumpara kay Jehova, ang Maylalang ng uniberso. Binigyan din ni Jehova si Job ng isang atas—ang ipanalangin ang tatlong kasamahan niya na nagkasala. (Job 42:​8-10) Paano tayo tinutulungan ni Jehova ngayon kapag nakakaranas tayo ng mahihirap na pagsubok? Hindi direktang nakikipag-usap sa atin si Jehova, gaya ng ginawa niya kay Job. Pero nakikipag-usap Siya sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, ang Bibliya.​—Roma 15:4. w22.08 11 ¶10-11

Lunes, Mayo 13

Mas mabuting huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na makakatisod sa iyong kapatid.​—Roma 14:21.

Ang kongregasyon sa Roma ay binubuo ng mga Kristiyanong Judio at Gentil. Nang mapawalang-bisa ang Kautusang Mosaiko, hindi na kailangang sundin ng mga mananamba ni Jehova ang mga batas tungkol sa pagbabawal sa ilang pagkain. (Mar. 7:19) Mula noon, para sa ilang Kristiyanong Judio, puwede na nilang kainin ang lahat ng uri ng pagkain. Pero para sa ibang Judio, mali pa ring kainin ang mga pagkaing iyon. Dahil sa isyung ito, nabahagi ang kongregasyon. Idiniin ni apostol Pablo na mahalagang panatilihin ang kapayapaan. Tinulungan ni Pablo ang mga kapatid na makita na makakasira sa bawat indibidwal at sa buong kongregasyon ang gayong mga di-pagkakaunawaan. (Roma 14:​19, 20) Handa rin niyang baguhin ang paggawi niya para hindi makatisod sa iba. (1 Cor. 9:​19-22) Kung hindi rin natin ipipilit ang personal na opinyon natin sa iba, mapapatibay natin ang mga kapatid at mapapanatili natin ang kapayapaan. w22.08 22 ¶7

Martes, Mayo 14

Mahal [ni Jehova] ang nagsisikap na maging matuwid.​—Kaw. 15:9.

Kung mayroon tayong espesipikong tunguhin sa paglilingkod kay Jehova, nagsisikap tayo para maabot iyon. Ganiyan din kapag sinisikap nating maging matuwid. At matiyaga tayong tutulungan ni Jehova na patuloy na sumulong. (Awit 84:​5, 7) Ipinapaalala sa atin ni Jehova na ang pagiging matuwid ay hindi pabigat. (1 Juan 5:3) Isa pa nga itong proteksiyon na kailangan natin araw-araw. Tandaan ang espirituwal na kasuotang pandigma na binanggit ni apostol Pablo. (Efe. 6:​14-18) Aling bahagi ang nagbibigay ng proteksiyon sa puso ng sundalo? Ito ang “baluti ng katuwiran” na lumalarawan sa matuwid na pamantayan ni Jehova. Pinoprotektahan ng baluti ang literal na puso. Pinoprotektahan naman ng matuwid na pamantayan ni Jehova ang makasagisag na puso mo, ang buong pagkatao mo. Kaya gawin mo ang lahat para maisuot ang kasuotang pandigma, kasama na ang baluti ng katuwiran!—Kaw. 4:23. w22.08 29 ¶13-14   

Miyerkules, Mayo 15

Ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.​—Isa. 40:8.

Libo-libong taon nang nagbibigay ng mahuhusay na payo ang Salita ng Diyos sa tapat na mga lalaki at babae. Paano iyan naging posible? Tiniyak ni Jehova na makakagawa ng mga kopya nito. Kahit hindi perpekto ang mga tagakopya, naging sobrang ingat nila sa pagkopya. Halimbawa, tungkol sa Hebreong Kasulatan, isang iskolar ang sumulat: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.” Kaya makakapagtiwala pa rin tayo na ang mga nababasa natin sa Bibliya ay ang kaisipan ni Jehova, ang Awtor nito. Si Jehova ang Pinagmumulan ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat perpektong regalo.’ (Sant. 1:17) Ang Bibliya ang isa sa pinakamagandang regalo ni Jehova sa atin. Ang isang regalo ay may sinasabi tungkol sa nagbigay nito—na kilala niya tayo at alam niya ang mga pangangailangan natin. Totoo rin iyan sa nagbigay sa atin ng Bibliya. Kapag sinuri nating mabuti ang regalong ito, marami tayong matututuhan tungkol kay Jehova. Malalaman natin na kilalang-kilala niya tayo at alam niya ang mga pangangailangan natin. w23.02 2-3 ¶3-4

Huwebes, Mayo 16

Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova.​—Isa. 11:9.

Isa ngang kapana-panabik na panahon kapag nagsimula na ang pagkabuhay-muli sa lupa sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo! Gustong-gusto nating makitang bubuhaying muli ang mga mahal natin sa buhay. At ganiyan din ang nararamdaman ni Jehova. (Job 14:15) Siguradong masayang-masaya ang lahat sa panahong iyon. Tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay” ang mga “matuwid,” na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay. (Juan 5:29; Gawa 24:15) Malamang na marami sa mga mahal natin sa buhay ang agad na bubuhaying muli dito sa lupa pagkatapos ng Armagedon. Tatanggap naman ng pagkabuhay-muli “sa paghatol” ang mga “di-matuwid,” gaya ng mga hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova o makapaglingkod sa kaniya bago sila namatay. Kailangang maturuan ang lahat ng bubuhaying muli. (Isa. 26:9; 61:11) Kaya kailangang isagawa ang pinakamalawak na programa ng pagtuturo sa buong kasaysayan.​—Isa. 11:10. w22.09 20-21 ¶1-2

Biyernes, Mayo 17

Siya ang Diyos na buháy.​—Dan. 6:26.

Ipinakita ni Jehova na siya ang pinakamataas. Tinalo niya ang mga bansang nagkampi-kampi laban sa Israel at sinakop ang malaking bahagi ng Lupang Pangako. (Jos. 11:​4-6, 20; 12:​1, 7, 24) Maraming beses na pinatunayan ni Jehova na siya ang Kadaki-dakilaan! Nang ipagyabang ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ang sarili niyang ‘lakas at kapangyarihan at maluwalhating karingalan’ sa halip na mapagpakumbabang kilalanin na si Jehova ang dapat purihin, inalis ng Diyos ang katinuan niya. Nang bumalik siya sa katinuan, “pinuri [niya] ang Kataas-taasan” at kinilala niya na “ang pamamahala [ni Jehova] ay walang hanggan.” Sinabi pa niya: “Walang makapipigil sa [Diyos].” (Dan. 4:​30, 33-35) Sinabi ng salmista: “Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayang pinili niya bilang pag-aari niya.” (Awit 33:12) Napakaganda ngang dahilan iyan para manatiling tapat kay Jehova! w22.10 15-16 ¶13-15

Sabado, Mayo 18

Katotohanan ang . . . salita mo.​—Awit 119:160.

Maraming hula sa Bibliya ang natupad na at tumutulong ito sa atin na magtiwala na matutupad ang mga pangako ng Diyos sa hinaharap. Sasang-ayon tayo sa panalangin ng salmista kay Jehova: “Nananabik ako sa pagliligtas mo, dahil ang salita mo ang pag-asa ko.” (Awit 119:81) Sinabi ng Bibliya na bibigyan tayo ni Jehova ng “magandang kinabukasan at pag-asa.” (Jer. 29:11) Hindi nakadepende sa pagsisikap ng tao ang pag-asa natin sa hinaharap, kundi sa mga pangako ni Jehova. Kung patuloy nating pag-aaralan ang mga hula sa Bibliya, titibay ang pagtitiwala natin sa Salita ng Diyos. May isa pang dahilan kung bakit tayo makakapagtiwala sa Bibliya. Pansinin ang magagandang resulta kapag sinusunod ng mga tao ang mga payo nito. (Awit 119:​66, 138) Halimbawa, may mga mag-asawang muntik nang maghiwalay pero masaya na ulit ang pagsasama nila ngayon kasi sinunod nila ang mga payo ng Bibliya. Dahil lumaki ang mga anak nila sa isang pamilyang Kristiyano, nakadarama ang mga ito ng pangangalaga at pagmamahal.​—Efe. 5:​22-29. w23.01 5 ¶12-13

Linggo, Mayo 19

Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo.​—Roma 12:12.

Isipin kung paano ka natulungan ng katuparan ng mga pangako na nasa Salita ng Diyos. Halimbawa, nangako si Jesus na ilalaan ng kaniyang Ama ang mga pangangailangan mo. (Mat. 6:​32, 33) Tiniyak din ni Jesus na kapag humingi ka ng banal na espiritu, ibibigay iyon sa iyo ni Jehova. (Luc. 11:13) Tinutupad ni Jehova ang mga pangako niyang iyan. Baka may naiisip ka pang ibang mga pangako na tinupad niya para sa iyo. Halimbawa, nangangako siya na papatawarin ka niya, papatibayin, at papakainin sa espirituwal. (Mat. 6:14; 24:45; 2 Cor. 1:3) Kapag binubulay-bulay mo ang mga ginawa na ng Diyos para sa iyo, titibay ang pagtitiwala mo na tutuparin niya ang mga ipinangako niya para sa iyo sa hinaharap. Sigurado tayong tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Isinulat ng salmista na “maligaya ang . . . umaasa kay Jehova na kaniyang Diyos, . . . ang Diyos na laging tapat.”​—Awit 146:​5, 6. w22.10 28 ¶15, 17

Lunes, Mayo 20

Sisikat sa iyo si Jehova.​—Isa. 60:2.

Natutupad din ba sa atin ang hula tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba? Oo! Paano? Mula noong 1919 C.E., milyon-milyon ang lumaya mula sa pagkakabihag sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Inakay sila sa isang lugar, ang espirituwal na paraiso na mas maganda pa kaysa sa lupaing ipinangako sa mga Israelita. (Isa. 51:3; 66:8) Mula noong 1919 C.E., nasa espirituwal na paraiso na ang mga pinahiran. Sa paglipas ng panahon, ang mga may pag-asa sa lupa, ang “ibang mga tupa,” ay pumasok na rin sa espirituwal na paraiso at tumanggap ng maraming pagpapala mula kay Jehova. (Juan 10:16; Isa. 25:6; 65:13) Ang espirituwal na paraiso ay nasa buong mundo. Saanman tayo nakatira ngayon, puwede tayong maging bahagi ng espirituwal na paraiso hangga’t sinusuportahan natin ang tunay na pagsamba. w22.11 11-12 ¶12-15   

Martes, Mayo 21

Hindi ba ikaw ay mula sa walang hanggan, O Jehova? O aking Diyos, aking Banal na Diyos, hindi ka namamatay.​—Hab. 1:12.

Nahihirapan ka bang maintindihan ang ideya na si Jehova ay umiiral “magpakailanman”? (Isa. 40:28) Normal lang iyan. Sinabi ni Elihu tungkol sa Diyos: “Ang dami ng mga taon niya ay hindi abót ng isip natin.” (Job 36:26) Kung hindi natin naiintindihan ang isang bagay, ibig bang sabihin, hindi ito totoo? Halimbawa, kahit hindi natin naiintindihan kung paano nagkakaroon ng liwanag, alam natin na may liwanag. Ganiyan din ang pag-iral ni Jehova. Hindi lubusang maiintindihan ng tao na laging umiiral si Jehova. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na nga siya umiiral at iiral magpakailanman. Ang katotohanan tungkol sa Maylalang ay hindi nakadepende sa kaya o hindi natin kayang maintindihan. (Roma 11:​33-36) Umiiral na siya bago pa magkaroon ng uniberso, pati na ng pinagmumulan ng liwanag gaya ng araw. At umiiral na siya bago pa niya ‘ilatag ang langit.’—Jer. 51:15. w22.12 2-3 ¶3-4

Miyerkules, Mayo 22

Ang panalangin ko nawa ay maging gaya ng inihandang insenso sa harap mo.​—Awit 141:2.

Kung minsan, hinihilingan tayong manguna sa panalangin. Halimbawa, baka hilingan ng isang sister na nagdaraos ng Bible study ang kapartner niyang sister na manguna sa panalangin. Baka hindi pa nito masyadong kakilala ang estudyante, kaya baka puwedeng pagkatapos na lang ng pag-aaral ito manguna sa panalangin. Sa ganitong paraan, mas madali niyang maibabagay ang panalangin niya sa pangangailangan ng estudyante. Baka hilingan naman ang isang brother na manguna sa panalangin para sa paglilingkod sa larangan o sa pulong ng kongregasyon. Dapat niyang tandaan ang layunin ng pulong. Hindi dapat gamitin ang panalangin para payuhan ang kongregasyon o magsabi ng mga patalastas. Sa karamihan ng mga pulong ng kongregasyon, limang minuto lang ang itinakda para sa awit at panalangin. Kaya hindi dapat gumamit ng “maraming salita” ang brother na nangunguna sa panalangin, lalo na sa pambukas na panalangin.​—Mat. 6:7. w22.07 24 ¶17-18

Huwebes, Mayo 23

Makaririnig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan. Huwag kayong matakot, dahil kailangang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang wakas.​—Mat. 24:6.

Inihula ni Jesus na sa mga huling araw, magkakaroon ng epidemya, o pagkalat ng mga sakit, “sa iba’t ibang lugar.” (Luc. 21:11) Bakit may kapayapaan tayo kung alam natin ito? Hindi na tayo nabibigla kapag may kumakalat na sakit. Nakikita nating natutupad na ang sinabi ni Jesus. Kaya may dahilan tayo na sundin ang payong ibinigay niya para sa mga nabubuhay sa panahon ng wakas: “Huwag kayong matakot.” Dahil sa kumakalat na sakit, baka hindi na natin magawa ang mga bagay na nagagawa natin noon. Pero huwag mong hayaan na makaapekto ito sa personal na pag-aaral mo o pagdalo sa mga pulong. Ipapaalala sa iyo ng karanasan ng mga kapatid sa mga publikasyon at video natin na nananatili silang tapat kahit dumaranas sila ng mga problema na tulad ng sa iyo. w22.12 17 ¶4, 6

Biyernes, Mayo 24

Puwedeng dumanas ng masasamang bagay ang kahit sino.​—Ecles. 9:​11, “Holy Bible—Easy-to-Read Version.”

Kitang-kita na mahal na mahal ng patriyarkang si Jacob ang anak niyang si Jose. (Gen. 37:​3, 4) Dahil diyan, nainggit kay Jose ang mga kuya niya. At nang magkaroon sila ng pagkakataon, ipinagbili nila si Jose sa mga negosyanteng Midianita. Dinala ng mga negosyanteng ito si Jose sa Ehipto, na daan-daang kilometro ang layo. Pagkatapos, ipinagbili naman nila siya kay Potipar, ang pinuno ng mga bantay ng Paraon. Biglang nagbago ang buhay ni Jose. Mula sa pagiging minamahal na anak, naging alipin siya ng isang Ehipsiyo! (Gen. 39:1) Kung minsan, dumaranas tayo ng mga problemang “nararanasan din ng ibang tao.” (1 Cor. 10:13) O baka magdusa tayo dahil sa pagiging alagad ni Jesus. Halimbawa, baka tuyain tayo, salansangin, o pag-usigin pa nga dahil sa pananampalataya natin. (2 Tim. 3:12) Anuman ang dinaranas mong pagsubok, pagtatagumpayin ka ni Jehova. w23.01 14-15 ¶3-4

Sabado, Mayo 25

Kapag walang kahoy, namamatay ang apoy.​—Kaw. 26:20.

Baka minsan, gusto nating kausapin ang kapatid na nakasakit sa atin. Pero bago natin gawin iyan, tanungin ang sarili: ‘Alam ko ba talaga ang buong pangyayari?’ (Kaw. 18:13) ‘Posible kayang hindi naman niya sinasadyang gawin iyon?’ (Ecles. 7:20) ‘Nagawa ko na rin ba iyon sa iba?’ (Ecles. 7:​21, 22) ‘Kapag kinausap ko siya, maaayos ba ang sitwasyon o lálaki lang ang isyu?’ Kung pag-iisipan natin ang mga tanong na iyan, puwede tayong mapakilos ng pag-ibig na palampasin na lang ang pagkakamali ng kapatid. Pinapatunayan ng mga Saksi ni Jehova na mga tunay na tagasunod sila ni Jesus. Mapapatunayan ng bawat isa sa atin na mga tunay tayong tagasunod ni Jesus kung ipapakita natin ang di-makasariling pag-ibig sa mga kapatid kahit nagkakamali sila. Dahil diyan, puwede nating matulungan ang iba na makita ang tunay na relihiyon at maglingkod din sila kay Jehova. Kaya maging determinado tayong patuloy na magpakita ng pag-ibig, dahil dito makikilala ang mga tunay na Kristiyano. w23.03 31 ¶18-19   

Linggo, Mayo 26

Ang Diyos ay pag-ibig.​—1 Juan 4:8.

Sa Bibliya, makikita natin ang pinakamagandang katangian ng Awtor nito—ang pag-ibig. Dahil mahal tayo ni Jehova, hindi niya tayo binigyan ng pagkarami-raming impormasyon na hindi naman natin kailangan. (Juan 21:25) Ipinapakita ni Jehova na mahal niya tayo sa paraan ng pakikipag-usap niya sa atin; binibigyan niya tayo ng dangal. Sa Bibliya, hindi siya nagbigay ng napakaraming batas na para bang idinidikta kahit ang kaliit-liitang bagay sa buhay natin. Sa halip, hinahayaan niya tayong gamitin ang kakayahan nating mag-isip sa pamamagitan ng mga karanasan, hula, at mga praktikal na payo. Dahil diyan, napapakilos tayo ng Salita ng Diyos na mahalin at sundin siya mula sa puso. Makikita sa Bibliya na talagang nagmamalasakit sa atin si Jehova. Paano natin nasabi iyan? Makikita sa maraming ulat sa Bibliya ang damdamin ng mga tao. Maiintindihan natin ang mga karakter sa Bibliya dahil sila rin ay “may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Higit sa lahat, kapag pinag-isipan natin kung paano sila pinakitunguhan ni Jehova, mas mauunawaan natin na “si Jehova ay napakamapagmahal at maawain.”​—Sant. 5:11. w23.02 6-7 ¶13-15   

Lunes, Mayo 27

Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay!​—1 Ped. 5:8.

Sinasabi sa pasimula ng Apocalipsis: “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, para ipakita sa mga alipin niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.” (Apoc. 1:1) Kaya talagang interesado tayo sa mga nangyayari sa mundo ngayon at kung paano posibleng tinutupad ng mga ito ang mga hula sa Bibliya. At baka nga gusto pa nating pag-usapan ang mga iyon. Kapag pinag-uusapan ang mga hula sa Bibliya, iwasang gumawa ng sariling konklusyon. Bakit? Kasi ayaw nating may masabi tayo na makakasira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Halimbawa, baka marinig natin na pinag-uusapan ng mga lider ng bansa kung paano nila aayusin ang problema sa pagitan nila at na magdadala iyon ng kapayapaan at katiwasayan. Imbes na gumawa ng konklusyon na tinutupad nito ang hula sa 1 Tesalonica 5:​3, dapat tayong maging updated sa pinakabagong paliwanag. Kapag nakabase sa ating mga publikasyon ang mga pag-uusap natin, matutulungan nating manatiling lubos na nagkakaisa ang “takbo ng pag-iisip” ng kongregasyon.​—1 Cor. 1:​10, tlb.; 4:6. w23.02 16 ¶4-5

Martes, Mayo 28

Sakay ng iyong kabayo ay ipakipaglaban mo ang katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran, at ang kanang kamay mo ay makagagawa ng kamangha-manghang mga bagay.​—Awit 45:4.

Bakit mahal mo si Jesu-Kristo? Mahal ni Jesus ang katotohanan, kapakumbabaan, at katuwiran. Kung mahal mo ang katotohanan at katuwiran, siguradong mahal mo rin si Jesu-Kristo. Lakas-loob niyang ipinagtanggol ang tama at matuwid. (Juan 18:37) Paano naman itinaguyod ni Jesus ang kapakumbabaan? Nagpakita mismo si Jesus ng kapakumbabaan. Halimbawa, ibinibigay niya ang lahat ng papuri sa kaniyang Ama, hindi sa sarili niya. (Mar. 10:​17, 18; Juan 5:19) Ano ang epekto sa iyo ng kapakumbabaan ni Jesus? Siguradong napakilos ka nito na mahalin ang Anak ng Diyos at sundan siya. Bakit mapagpakumbaba si Jesus? Kasi mahal niya at tinutularan ang kaniyang Ama, na mapagpakumbaba rin. (Awit 18:35; Heb. 1:3) Hindi ba napapamahal ka kay Jesus dahil dito? w23.03 3-4 ¶6-7

Miyerkules, Mayo 29

Bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.​—Gawa 24:15.

Sinasabi ng Bibliya na may dalawang grupo ng mga tao na bubuhaying muli para bigyan ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa—ang mga “matuwid” at “di-matuwid.” Ang mga “matuwid” ay ang mga tapat na naglingkod kay Jehova noong nabubuhay pa sila. Ang mga “di-matuwid” naman ay hindi. Dahil bubuhaying muli ang dalawang grupong ito, masasabi bang nasa aklat ng buhay ang mga pangalan nila? Nakasulat na sa aklat ng buhay ang mga pangalan ng mga “matuwid” bago sila namatay. Inalis ba sa aklat ang mga pangalan nila nang mamatay sila? Hindi, kasi “buháy” pa rin sila sa alaala ni Jehova. Si Jehova ay “Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, dahil silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Luc. 20:38) Ibig sabihin, kapag binuhay-muli sa lupa ang mga matuwid, makikita ang pangalan nila sa aklat ng buhay, pero hindi pa permanente.​—Luc. 14:14. w22.09 16 ¶9-10

Huwebes, Mayo 30

Inilagay ng Diyos na Jehova ang tao sa hardin ng Eden para sakahin iyon at alagaan.​—Gen. 2:15.

Gusto ni Jehova na masiyahan si Adan sa mga nilalang Niya. Nang likhain ng Diyos si Adan, pinatira Niya siya sa isang magandang paraiso at inatasan siyang alagaan at palawakin iyon. (Gen. 2:​8, 9) Siguradong natutuwa si Adan habang nakikita niyang tumutubo at namumulaklak ang mga halaman. Napakagandang pribilehiyo para kay Adan na pangalagaan ang hardin ng Eden! Inatasan din ni Jehova si Adan na pangalanan ang mga hayop, kahit puwede naman sanang siya na lang ang gumawa noon. (Gen. 2:​19, 20) Bago pangalanan ni Adan ang mga hayop, siguradong inobserbahan muna niya ang hitsura at katangian ng mga ito. Tiyak na nag-enjoy si Adan sa paggawa nito. Dahil dito, nagkaroon siya ng pagkakataon na mas pahalagahan ang karunungan at pagiging malikhain ng kaniyang Ama. w23.03 15 ¶3

Biyernes, Mayo 31

Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon, at ito lang ang mananatili magpakailanman.​—Dan. 2:44.

Gaya ng inilalarawan ng mga paa ng pagkalaki-laking imahen, ang Anglo-Amerika ang huling kapangyarihang pandaigdig na inihula sa Bibliya. (Dan. 2:​31-33) Pupuksain ito ng Kaharian ng Diyos sa Armagedon, pati na ang lahat ng iba pang gobyerno ng tao, kaya wala nang susunod na mamamahalang gobyerno ng tao. (Apoc. 16:​13, 14, 16; 19:​19, 20) Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Nagbibigay pa ang hula ni Daniel ng karagdagang ebidensiya na nabubuhay na tayo sa panahon ng wakas. Mahigit 2,500 taon na ang nakakaraan, inihula ni Daniel na pagkatapos mamahala ng Babilonya, apat pang kapangyarihang pandaigdig ang magkakaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos. Sinabi rin niya na ang huli sa mga ito ay ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Nagpapatibay ito sa atin at nagbibigay ng pag-asa na malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao at ito na ang mamamahala sa buong lupa. w22.07 4 ¶9; 5 ¶11-12

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share