Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 57-67
  • Hunyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hunyo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Sabado, Hunyo 1
  • Linggo, Hunyo 2
  • Lunes, Hunyo 3
  • Martes, Hunyo 4
  • Miyerkules, Hunyo 5
  • Huwebes, Hunyo 6
  • Biyernes, Hunyo 7
  • Sabado, Hunyo 8
  • Linggo, Hunyo 9
  • Lunes, Hunyo 10
  • Martes, Hunyo 11
  • Miyerkules, Hunyo 12
  • Huwebes, Hunyo 13
  • Biyernes, Hunyo 14
  • Sabado, Hunyo 15
  • Linggo, Hunyo 16
  • Lunes, Hunyo 17
  • Martes, Hunyo 18
  • Miyerkules, Hunyo 19
  • Huwebes, Hunyo 20
  • Biyernes, Hunyo 21
  • Sabado, Hunyo 22
  • Linggo, Hunyo 23
  • Lunes, Hunyo 24
  • Martes, Hunyo 25
  • Miyerkules, Hunyo 26
  • Huwebes, Hunyo 27
  • Biyernes, Hunyo 28
  • Sabado, Hunyo 29
  • Linggo, Hunyo 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 57-67

Hunyo

Sabado, Hunyo 1

Ang laman ko ay nababalot ng uod at dumi; ang balat ko ay punô ng langib at nana.​—Job 7:5.

May malapít na kaugnayan si Job kay Jehova. Malaki at masaya ang pamilya niya, at napakayaman niya. (Job 1:1-5) Pero sa loob lang ng isang araw, halos nawala ang lahat sa kaniya. Una, nawala ang kayamanan ni Job. (Job 1:13-17) Pagkatapos, namatay ang lahat ng anak niya. Isipin na lang ang naramdaman ni Job at ng asawa niya nang malaman nilang namatay ang lahat ng 10 anak nila. Siguradong napakasakit nito! Kaya hindi nakakapagtakang pinunit ni Job ang damit niya dahil sa pagdadalamhati at sumubsob sa lupa. (Job 1:18-20) Pagkatapos, pinuntirya naman ni Satanas ang kalusugan ni Job at halos mawalan siya ng dignidad. (Job 2:6-8) Mataas ang respeto kay Job ng mga tao sa paligid niya. Sa kaniya pa nga sila humihingi ng payo. (Job 31:18) Ngayon, iniiwasan na nila siya. Tinalikuran si Job ng mga kapatid niya, kasamahan, at kahit ng mga lingkod niya.​—Job 19:13, 14, 16. w22.06 21 ¶5-6

Linggo, Hunyo 2

Magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay.​—Efe. 4:15.

Pagkatapos ng ating bautismo, kailangan nating sundin ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso. Pinasigla niya sila na maging ‘adultong’ Kristiyano. (Efe. 4:13) Sa ibang salita, ‘patuloy na sumulong sa pagkamaygulang.’ Mahal na mahal mo na si Jehova. Pero puwede mo pang mapalalim ang pagmamahal mo sa kaniya. Paano? Binanggit ni apostol Pablo ang isang paraan sa Filipos 1:9. Ipinanalangin ni Pablo na “patuloy na sumagana” ang pag-ibig ng mga taga-Filipos. Kaya puwede ring lumalim ang pag-ibig natin kay Jehova. Magagawa natin iyan kung magkakaroon tayo ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa.” Habang mas nakikilala natin si Jehova, mas minamahal natin siya at pinapahalagahan ang mga ginagawa niya at ang mga katangian niya. Lalo natin siyang gustong pasayahin, at hinding-hindi tayo gagawa ng anumang magpapalungkot sa kaniya. Sisikapin nating maunawaan kung ano ang kalooban niya at kung paano natin iyon magagawa. w22.08 2-3 ¶3-4

Lunes, Hunyo 3

Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, para ipakita sa mga alipin niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.​—Apoc. 1:1.

Ang mga nakasulat sa aklat ng Apocalipsis ay hindi para sa lahat, kundi para sa atin na mga nakaalay na lingkod ng Diyos. Bilang bayan ng Diyos, hindi na tayo dapat pang magulat na may bahagi tayo sa katuparan ng mga hula na nasa magandang aklat na ito. Tinukoy ng may-edad nang si apostol Juan ang panahon kung kailan matutupad ang mga hulang ito. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nakarating ako sa araw ng Panginoon.” (Apoc. 1:10) Nang isulat ni Juan ang mga salitang iyon noong mga 96 C.E., malayo pa ang “araw ng Panginoon.” (Mat. 25:14, 19; Luc. 19:12) Pero ayon sa hula ng Bibliya, nagsimula na iyon noong 1914 nang maging Hari sa langit si Jesus. Mula nang taóng iyon patuloy, ang mga hula sa Apocalipsis may kinalaman sa bayan ng Diyos ay nagsimula nang matupad. Oo, nabubuhay na tayo sa “araw ng Panginoon”!—Apoc. 1:3. w22.05 2 ¶2-3

Martes, Hunyo 4

Sinunggaban ang mabangis na hayop, at kasama nito ang huwad na propeta.​—Apoc. 19:20.

Habang buháy pa, ang mabangis na hayop at ang huwad na propeta ay inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre. Habang namamahala pa ang mga gobyernong ito na kaaway ng Diyos, pupuksain niya sila at hindi na iiral pa. Ano ang kahulugan nito para sa atin? Bilang mga Kristiyano, dapat tayong maging tapat sa Diyos at sa Kaharian niya. (Juan 18:36) Kailangan nating manatiling neutral at hindi tayo papanig sa anumang isyu sa politika. Pero napakahirap maging neutral ngayon, dahil ginigipit tayo ng mga gobyerno na ibigay sa kanila ang buong suporta natin sa salita at gawa. Ang sinumang susuporta sa kanila ay tatanggap ng marka ng mabangis na hayop. (Apoc. 13:16, 17) Pero maiwawala ng sinumang tatanggap ng marka ang pagsang-ayon ni Jehova pati na ang pag-asang mabuhay magpakailanman. (Apoc. 14:9, 10; 20:4) Kaya gaano man katindi ang panggigipit sa atin ng mga gobyerno na suportahan sila, napakahalaga na manatili tayong neutral! w22.05 10-11 ¶12-13

Miyerkules, Hunyo 5

Nakakita ka na ba ng taong mahusay sa gawain niya? Tatayo siya sa harap ng mga hari; hindi siya tatayo sa harap ng karaniwang mga tao.​—Kaw. 22:29.

Puwede mong maging tunguhin na matuto ng isang kapaki-pakinabang na kasanayan. Kung matututo tayo ng mga kasanayan, magiging mas kuwalipikado tayo sa karagdagang mga atas. Isipin kung gaano karaming manggagawa ang kailangan sa pagtatayo ng mga pasilidad ng Bethel, Assembly Hall, at Kingdom Hall. Marami sa kanila ang natuto ng mga kasanayan dahil sa pagsama sa makaranasang mga kapatid. Ngayon, natututo ang mga kapatid ng kasanayan na kailangan para makatulong sa pagmamantini ng mga Assembly Hall at Kingdom Hall. Kaya talagang ginagamit ng Diyos na Jehova, ang “Haring walang hanggan,” at ni Kristo Jesus, ang “Hari ng mga hari,” ang mga kapatid na may kasanayan para magawa ang dakilang mga bagay. (1 Tim. 1:17; 6:15) Gusto nating magsikap at gamitin ang ating mga kakayahan para purihin si Jehova, hindi ang sarili natin.​—Juan 8:54. w22.04 24 ¶7; 25¶ 11

Huwebes, Hunyo 6

Ang pera ay proteksiyon.​—Ecles. 7:12.

Napakayaman ni Solomon, at marangya ang buhay niya. (1 Hari 10:7, 14, 15) Si Jesus naman, kakaunti ang pag-aari at walang permanenteng tirahan. (Mat. 8:20) Pero pareho silang may balanseng pananaw sa materyal na mga bagay dahil iisa lang ang Pinagmulan ng kanilang karunungan—ang Diyos na Jehova. Sinabi ni Solomon na kapag may pera tayo, nabibili natin ang mga pangangailangan natin at ang ilang gusto natin. Pero kahit napakayaman ni Solomon, alam niya na may mas mahalagang bagay kaysa sa pera. Halimbawa, isinulat niya: “Ang magandang pangalan [o, “ang magandang reputasyon,” tlb.] ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.” (Kaw. 22:1) Nakita rin ni Solomon na ang mga taong umiibig sa pera ay hindi masaya sa kung ano ang mayroon sila. (Ecles. 5:10, 12) Sinabi rin niya na hindi natin dapat isipin na ang pera ang pinakamahalaga dahil puwede itong mawala sa isang iglap.​—Kaw. 23:4, 5. w22.05 21 ¶4-5

Biyernes, Hunyo 7

Si Jehova ay matiyagang naghihintay para magpakita ng kabutihan sa inyo, at kikilos siya para magpakita sa inyo ng awa. Dahil si Jehova ay Diyos ng katarungan. Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.​—Isa. 30:18.

Kapag binubulay-bulay natin ang mga pagpapalang tinatanggap natin ngayon, tumitibay ang kaugnayan natin kay Jehova. At kapag pinag-iisipan nating mabuti ang mga pagpapalang ibibigay sa atin ni Jehova sa hinaharap, mas nagiging totoo sa atin ang pag-asang paglingkuran siya magpakailanman. Tutulong ang lahat ng iyan para mapaglingkuran natin si Jehova nang may kagalakan ngayon. “Kikilos” si Jehova alang-alang sa atin kapag pinuksa na niya ang masamang sanlibutang ito. Makakapagtiwala tayo na hindi hahayaan ni Jehova—ang “Diyos ng katarungan”—na magtagal pa ang sanlibutan ni Satanas kahit ng isang araw kaysa sa hinihiling ng katarungan. (Isa. 25:9) Matiyaga nating hinihintay ang araw na iyon kung kailan ililigtas tayo ni Jehova. Pero sa ngayon, determinado tayong patuloy na pahalagahan ang pribilehiyong manalangin, pag-aralan at sundin ang Salita ng Diyos, at bulay-bulayin ang mga pagpapala natin. Kapag ginawa natin iyan, tutulungan tayo ni Jehova na makapagtiis nang may kagalakan habang sinasamba natin siya. w22.11 13 ¶18-19

Sabado, Hunyo 8

Huwag mong kalimutan ang tagubilin ng iyong ina.​—Kaw. 1:8.

Hindi inilarawan ng Bibliya ang bautismo ni Timoteo. Pero hindi mahirap ma-imagine ang saya ng nanay niyang si Eunice nang araw na iyon. (Kaw. 23:25) Tinuruan ni Eunice ang anak niya na mahalin si Jehova at si Jesu-Kristo. Magkaiba ang relihiyon ng mga magulang ni Timoteo. Griego ang tatay niya, Judio naman ang nanay at lola niya. (Gawa 16:1) Malamang na tin-edyer na si Timoteo nang maging Kristiyano sina Eunice at Loida. Pero hindi naging Kristiyano ang tatay niya. Ano kayang relihiyon ang pipiliin ni Timoteo? Mahal din ng mga nanay na Kristiyano ngayon ang pamilya nila. Napakahalaga sa kanila na matulungan ang mga anak nila na magkaroon ng malapít na pakikipagkaibigan kay Jehova. At talagang pinapahalagahan ng ating Diyos ang pagsisikap nila. (Kaw. 1:8, 9) Marami nang nanay ang natulungan ni Jehova na turuan ang mga anak nila para tanggapin ang katotohanan. w22.04 16 ¶1-3

Linggo, Hunyo 9

Inilagay ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya.​—Apoc. 17:17.

Malapit nang ilagay ni Jehova sa puso ng politikal na mga kapangyarihan na “gawin ang nasa isip niya.” Ano ang resulta? Babaling ang politikal na mga kapangyarihang iyon, o ang “10 hari,” sa huwad na mga relihiyosong organisasyon at pupuksain sila. (Apoc. 17:1, 2, 12, 16) Paano natin nalaman na malapit nang mapuksa ang Babilonyang Dakila? Para masagot ang tanong na iyan, tandaan natin na ang ilang bahagi ng sinaunang lunsod ng Babilonya ay napoprotektahan ng tubig ng malaking Ilog Eufrates. Sa aklat ng Apocalipsis, ang milyon-milyong tagasuporta ng Babilonyang Dakila ay ikinumpara sa “mga tubig” na pandepensa. (Apoc. 17:15) Sinasabi rin nito na ang mga tubig ay ‘matutuyo.’ Ibig sabihin, mawawalan ng maraming tagasuporta ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 16:12) Sa ngayon, natutupad na ang hulang ito. Iniiwan ng maraming tao ang huwad na relihiyon at humahanap ng ibang makakapagbigay ng solusyon sa mga problema nila. w22.07 5-6 ¶14-15

Lunes, Hunyo 10

Ang hindi nagpapakita ng awa ay hahatulan nang walang awa. Mas dakila ang awa kaysa sa paghatol.​—Sant. 2:13.

Kapag nagpapatawad tayo, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang awa ni Jehova. Sa isang ilustrasyon, inihalintulad ni Jesus si Jehova sa isang panginoon na kinansela ang napakalaking utang ng alipin niya dahil wala itong kakayahang magbayad. Pero hindi nagpakita ng awa ang aliping iyon sa isang alipin na may maliit na utang sa kaniya. (Mat. 18:23-35) Ano ang itinuturo sa atin ni Jesus? Kung talagang pinapahalagahan natin ang dakilang awa ni Jehova sa atin, mapapakilos tayo na patawarin ang iba. (Awit 103:9) Ganito ang sinabi ng The Watchtower maraming taon na ang nakakaraan: “Gaano man karaming beses nating patawarin ang kapuwa natin, hindi natin mapapantayan ang laki ng pagpapatawad at awa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Kristo.” Papatawarin ang mga nagpapatawad. Nagpapakita ng awa si Jehova sa mga maawain. (Mat. 5:7) Nilinaw iyan ni Jesus nang turuan niya ang mga alagad niya kung paano mananalangin.​—Mat. 6:14, 15. w22.06 10 ¶8-9

Martes, Hunyo 11

Sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila.​—Gen. 22:18.

Bumaba si Jesus sa lupa bilang tao. Natularan niya nang eksaktong-eksakto ang personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Dahil sa kaniya, nakilala natin at minahal ang Diyos na Jehova. Makikinabang din tayo sa mga turo ni Jesus at sa patnubay niya habang pinangungunahan niya ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon. Tinuruan din niya tayo kung paano mamumuhay para mapasaya si Jehova. At dahil namatay si Jesus, lahat tayo ay nakinabang. Nang buhaying muli si Jesus, tinanggap ni Jehova ang dugo ng kaniyang Anak bilang perpektong handog na ‘naglilinis sa lahat ng kasalanan’ natin. (1 Juan 1:7) At ngayon ay isa na siyang makapangyarihan at imortal na Hari. Malapit nang durugin ni Jesus ang ulo ng ahas. (Gen. 3:15) Siguradong magsasaya ang mga lingkod ng Diyos kapag pinuksa na si Satanas! Habang hinihintay nating mangyari iyon, huwag tayong susuko. Makakapagtiwala tayo sa Diyos natin. Ibubuhos niya ang mga pagpapala sa “lahat ng bansa sa lupa.” w22.07 18 ¶13; 19 ¶19

Miyerkules, Hunyo 12

Hindi talaga natin maiiwasang pagdusahan ang mga bagay na ito.​—1 Tes. 3:3.

Kailangan nating maging handang mag-adjust pagdating sa mga tunguhin natin. Bakit? Hindi kasi natin kontrolado ang mga puwedeng mangyari. Halimbawa, tumulong si apostol Pablo na maitatag ang isang bagong kongregasyon sa lunsod ng Tesalonica. Pero dahil sa pag-uusig, napilitan si Pablo na umalis sa lunsod. (Gawa 17:1-5, 10) Kung nanatili si Pablo roon, maisasapanganib niya ang mga kapatid. Kaya kumilos siya ayon sa nagbagong kalagayan para patuloy silang matulungan. Nang maglaon, pinapunta niya si Timoteo para asikasuhin ang espirituwal na pangangailangan ng mga bagong mananampalataya sa Tesalonica. (1 Tes. 3:1, 2) Tiyak na masayang-masaya ang mga taga-Tesalonica. May matututuhan tayo sa nangyari kay Pablo sa Tesalonica. Baka may gusto tayong pribilehiyo ng paglilingkod, pero hindi naman ipinapahintulot ng kalagayan natin. (Ecles. 9:11) Kung ganiyan ang kalagayan mo, pumili ng ibang tunguhin na kaya mong abutin. w22.04 25-26 ¶14-15

Huwebes, Hunyo 13

Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok.​—Sant. 1:12.

Para mapatibay tayo ni Jehova, binigyan niya tayo ng pag-asa sa hinaharap. Pag-isipan ang ilang teksto sa Bibliya na makapagpapatibay sa atin kapag may mga pagsubok. Tinitiyak sa atin ni Jehova na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig [niya]” kahit pa ang matitinding pagsubok. (Roma 8:38, 39) Tinitiyak din niya sa atin na “malapit [siya] sa lahat ng tumatawag sa kaniya” sa panalangin. (Awit 145:18) Sinasabi rin sa atin ni Jehova na kung aasa tayo sa kaniya, matitiis natin ang anumang pagsubok at magiging masaya pa nga kahit may pagdurusa. (1 Cor. 10:13; Sant. 1:2) Ipinapaalala sa atin ng Salita ng Diyos na ang mga pagsubok ay pansamantala at panandalian lang kung ikukumpara sa walang-hanggang pagpapala na ibibigay ni Jehova sa atin. (2 Cor. 4:16-18) Binibigyan tayo ng pag-asa ni Jehova na aalisin niya ang dahilan ng lahat ng ating pagsubok—si Satanas na Diyablo at ang lahat ng tumutulad sa masasamang gawa niya. (Awit 37:10) May mga kabisado ka bang teksto na tutulong sa iyo na matiis ang mga pagsubok sa hinaharap? w22.08 11 ¶11

Biyernes, Hunyo 14

Patuloy na isaisip ang mga ito.​—Fil. 4:8.

Nag-aalala ka ba kung patuloy kang makakapamuhay ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova sa paglipas ng mga araw, o mga taon pa nga? Ipinapangako ni Jehova na ang katuwiran natin ay magiging “gaya ng mga alon sa dagat.” (Isa. 48:18) Isiping nakatayo ka sa dalampasigan, habang pinapanood mo ang walang-tigil na paghampas ng mga alon. Sa magandang tanawing iyon, iisipin mo ba na darating ang araw na hihinto ang paghampas ng alon? Hindi! Alam mo na tiyak na hindi iyon mawawala. Ang katuwiran mo ay puwedeng maging gaya ng mga along iyon sa dagat. Paano? Kapag gagawa ka ng desisyon, alamin muna kung ano ang gusto ni Jehova na gawin mo. Pagkatapos, gawin mo iyon. Gaano man kahirap ang desisyong iyon, laging nandiyan ang iyong maibiging Ama para tulungan ka at bigyan ng lakas na mamuhay araw-araw ayon sa kaniyang matuwid na pamantayan.​—Isa. 40:29-31. w22.08 30 ¶15-17

Sabado, Hunyo 15

Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan agad si Satanas mula sa bilangguan niya.​—Apoc. 20:7.

Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa bilangguan. Sisikapin niyang iligaw ang perpektong mga tao. Sa panahong iyon ng pagsubok, magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng perpektong tao sa lupa na ipakita kung paparangalan nila ang pangalan ng Diyos at susuportahan ang pamamahala niya. (Apoc. 20:8-10) Nakadepende sa gagawin ng bawat isa sa panahong iyon kung mapapasulat nang permanente ang pangalan nila sa aklat ng buhay. Sinasabi ng Bibliya na may mga hindi magiging tapat gaya nina Adan at Eva, at tatanggi sa pamamahala ni Jehova. Ano ang mangyayari sa kanila? Sinasabi ng Apocalipsis 20:15: “Ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.” Oo, ang mga magrerebelde ay lubusang pupuksain. Pero makakapasa sa huling pagsubok ang karamihan sa perpektong mga tao. w22.09 23-24 ¶15-16

Linggo, Hunyo 16

Maliligtas lang kayo kung tutuliin kayo ayon sa Kautusan ni Moises.​—Gawa 15:1.

Ipinipilit ng ilan sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo na dapat magpatuli ang mga Gentil na naging Kristiyano, siguro ay para hindi sila punahin ng mga Judio. (Gal. 6:12) Hindi sang-ayon si apostol Pablo sa ideyang iyon. Pero imbes na ipilit ang opinyon niya sa iba, mapagpakumbaba siyang humingi ng payo sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. (Gawa 15:2) Dahil sa ginawa ni Pablo, napanatili ng mga Kristiyanong iyon ang kagalakan at kapayapaan sa kongregasyon. (Gawa 15:30, 31) Kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, maitataguyod natin ang kapayapaan kung hihingi tayo ng payo sa mga inatasan ni Jehova na mangalaga sa kongregasyon. Madalas na nakakakuha tayo ng payo mula sa ating mga salig-Bibliyang publikasyon o sa mga tagubiling inilalaan ng organisasyon. Kung susundin natin iyon imbes na ang sarili nating opinyon, maitataguyod natin ang kapayapaan sa kongregasyon. w22.08 22 ¶8-9

Lunes, Hunyo 17

Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.​—Kaw. 17:17.

May mga pagkakataon na kailangan nating sabihin sa isang malapít na kaibigan ang nararamdaman natin. Kung minsan, mahirap gawin iyon. Baka hindi madali para sa atin na sabihin sa iba ang niloloob natin. At baka masaktan tayo nang husto kapag nalaman natin na ikinuwento ng kaibigan natin sa iba ang sinabi natin sa kaniya. Pero nagpapasalamat tayo sa isang kaibigan na mapagkakatiwalaan ng kompidensiyal na mga bagay! Ang mga elder na marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay ay gaya ng “taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan” para sa mga kapatid. (Isa. 32:2) Alam natin na puwede nating ipakipag-usap sa kanila ang anumang bagay, at nagtitiwala tayo na hindi nila sasabihin sa iba ang sinabi natin sa kanila. Hindi rin natin sila pipilitin na sabihin sa atin ang mga bagay na pribado. Pinapahalagahan din natin ang asawa ng mga elder dahil hindi nila kinukulit ang mga asawa nila para sabihin ang mga bagay na kompidensiyal. Ang totoo, ipinagpapasalamat ng asawa ng mga elder na hindi sinasabi sa kanila ang impormasyon tungkol sa mga kapatid. w22.09 11 ¶10-11

Martes, Hunyo 18

Ako ang Diyos. Dadakilain ako sa gitna ng mga bansa.​—Awit 46:10.

Makapagtitiwala tayo na ililigtas ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; Dan. 12:1) Gagawin ito ni Jehova kapag sinalakay na ng koalisyon ng mga bansa, na tinatawag na Gog ng Magog, ang tapat na mga lingkod niya sa buong mundo. Kahit na magsama-sama pa ang lahat ng 193 miyembro ng United Nations, wala pa rin silang kalaban-laban sa Kadaki-dakilaan at sa makalangit na hukbo niya! Ipinangako ni Jehova: “Dadakilain ko at pababanalin ang sarili ko, at ipapakilala ko ang sarili ko sa harap ng maraming bansa; at malalaman nila na ako si Jehova.” (Ezek. 38:14-16, 23) Kapag sumalakay na si Gog, magsisimula na ang huling digmaan ni Jehova, ang Armagedon. Pupuksain Niya ang “mga hari ng buong lupa.” (Apoc. 16:14, 16; 19:19-21) “Ang mga matuwid lang ang maninirahan sa lupa, at ang mga nananatiling tapat ang mananatili rito.”​—Kaw. 2:21, tlb. w22.10 16-17 ¶16-17

Miyerkules, Hunyo 19

[Gusto ng Diyos na] maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.​—1 Tim. 2:4.

Hindi tayo nakakabasa ng puso; si Jehova lang ang ‘sumusuri ng mga motibo.’ (Kaw. 16:2) Mahal ni Jehova ang lahat ng tao anuman ang pinagmulan at kultura nila. At pinapasigla tayo ni Jehova na ‘buksang mabuti ang ating puso.’ (2 Cor. 6:13) Mahal natin ang ating mga kapatid, at hindi natin sila hinahatulan. Hindi rin natin hinahatulan ang mga hindi natin kapananampalataya. Tiyak na hindi natin hahatulan ang isang kamag-anak na hindi natin kapananampalataya. At hindi natin sasabihin, “Hindi iyan magiging Saksi.” Kapangahasan iyan at pagmamatuwid sa sarili. Binibigyan pa rin ni Jehova ng pagkakataon ang “lahat ng tao” na magsisi. (Gawa 17:30) Tandaan na ang pagmamatuwid sa sarili ay isang uri ng pagiging di-matuwid. Magpapasaya sa atin ang pagmamahal natin sa pamantayan ni Jehova ng katuwiran. Magiging halimbawa rin tayo sa iba para mas mahalin nila tayo at ang Diyos. w22.08 31 ¶20-22

Huwebes, Hunyo 20

Tiyak na malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.​—Ezek. 2:5.

Inaasahan nating makakaranas tayo ng mga pagsalansang sa pangangaral natin. At titindi pa iyan sa hinaharap. (Dan. 11:44; 2 Tim. 3:12; Apoc. 16:21) Pero makakatiyak tayo na ibibigay ni Jehova ang tulong na kailangan natin. Bakit? Lagi kasing tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na magawa ang atas nila—gaano man ito kahirap. Tingnan si propeta Ezekiel na nangaral sa mga Judiong tapon sa Babilonya. Anong klaseng mga tao ang papangaralan ni Ezekiel? Sinabi ni Jehova na sila ay “palaban,” “matigas ang ulo,” at ‘mapagrebelde.’ Mapanganib silang gaya ng mga tinik at alakdan. Kaya hindi kataka-taka na paulit-ulit na sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Huwag kang matakot”! (Ezek. 2:3-6) Nagawa ni Ezekiel ang atas niya na mangaral dahil (1) isinugo siya ni Jehova, (2) pinalakas siya ng espiritu ng Diyos, at (3) pinatibay siya ng salita ng Diyos. w22.11 2 ¶1-2

Biyernes, Hunyo 21

Sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.​—Gen. 2:17.

May hangganan ang buhay ng lahat ng bagay na nilalang ni Jehova dito sa lupa, maliban sa tao. Ang tao lang ang binigyan niya ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Nilalang din tayo ni Jehova na may matinding pagnanais na patuloy na mabuhay. Sinasabi ng Bibliya na “inilagay [ng Diyos] sa puso [ng tao] ang magpakailanman.” (Ecles. 3:11) Iyan ang dahilan kung bakit kaaway ang tingin natin sa kamatayan. (1 Cor. 15:26) Kung magkasakit tayo nang malubha, hinahayaan na lang ba natin ito at naghihintay na mamatay? Hindi. Madalas, nagpapagamot tayo sa doktor. Ang totoo, ginagawa natin ang lahat para lang mabuhay. At kapag namatay ang mahal natin sa buhay, bata man siya o matanda, hindi ba’t sobrang sakit nito para sa atin? (Juan 11:32, 33) Tiyak na hindi tayo bibigyan ng ating mapagmahal na Maylalang ng pagnanais at kakayahang mabuhay kung hindi niya layunin na patuloy na mabuhay ang mga tao. w22.12 3 ¶5; 4 ¶7

Sabado, Hunyo 22

Ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid ninyo sa buong mundo.​—1 Ped. 5:9.

Baka may sakit, natatakot, o nag-iisa ang marami sa ating mga kapananampalataya sa mahihirap na panahong ito. Sikaping makipag-ugnayan sa mga kapatid. Kapag may kumakalat na sakit, baka kailangan nating panatilihin ang physical distancing, kahit sa mga kapananampalataya natin. Sa mga pagkakataong iyan, baka maramdaman mo rin ang naramdaman ni apostol Juan. Gusto niya sanang makita nang personal ang kaibigan niyang si Gayo. (3 Juan 13, 14) Pero noong panahong iyon, alam ni Juan na hindi iyon posible. Kaya ginawa ni Juan ang magagawa niya; sinulatan niya si Gayo. Kung hindi palaging posible para sa iyo na puntahan ang mga kapatid, kontakin sila sa ibang paraan. Kapag lagi kang nakikipag-ugnayan sa mga kapatid, mababawasan ang lungkot mo at mapapanatag ka. Kontakin ang mga elder kapag sobra kang nag-aalala, at tanggapin ang pampatibay-loob nila.​—Isa. 32:1, 2. w22.12 17-18 ¶6-7

Linggo, Hunyo 23

Si Jose ay kinuha ng panginoon niya at dinala sa bilangguan, kung saan ikinukulong ang mga bilanggo ng hari.​—Gen. 39:20.

Sinabi ng Bibliya na may panahong ikinadena ang mga paa ni Jose at iginapos sa bakal ang leeg niya. (Awit 105:17, 18) Mas humirap ang sitwasyon ni Jose. Mula sa pagiging pinagkakatiwalaang alipin, naging hamak na bilanggo siya. Naranasan mo na rin ba ang isang mahirap na sitwasyon na lalo pang humirap kahit taimtim ka nang nananalangin? Nangyayari iyan. Hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova mula sa mga pagsubok sa mundong ito na kontrolado ni Satanas. (1 Juan 5:19) Pero makakatiyak kang alam na alam ni Jehova ang pinagdaraanan mo, at nagmamalasakit siya sa iyo. (Mat. 10:29-31; 1 Ped. 5:6, 7) Bukod diyan, nangako rin siya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” (Heb. 13:5) Tutulungan ka ni Jehova na makapagtiis kahit parang wala nang pag-asa ang sitwasyon mo. w23.01 15-16 ¶7-8

Lunes, Hunyo 24

[Ang ating Diyos ay] magpapatawad . . . nang lubusan.​—Isa. 55:7.

Tinitiyak ng Kasulatan na hindi tayo iiwan ng ating Diyos kapag nagkamali tayo. Nagkasala nang paulit-ulit ang mga Israelita kay Jehova. Pero noong taos-puso silang nagsisi, pinatawad sila ng Diyos. Alam din ng mga Kristiyano noong unang siglo na mahal sila ng Diyos. Ginamit ng Diyos si apostol Pablo para pasiglahin ang mga kapatid na “patawarin . . . at aliwin” ang isang lalaking namihasa sa paggawa ng malubhang kasalanan pero nagsisi. (2 Cor. 2:6, 7; 1 Cor. 5:1-5) Talagang nakakapagpatibay na hindi itinatakwil ni Jehova ang mga mananamba niya dahil lang sa nagkasala sila! Sa halip, maibigin niya silang tinutulungan, itinutuwid, at hinihimok na manumbalik sa kaniya. Ganiyan din ang ipinapangako niya sa lahat ng nagsisising nagkasala ngayon. (Sant. 4:8-10) Makikita sa Bibliya ang karunungan, katarungan, at pag-ibig ng Diyos. Pinapatunayan ng aklat na ito na gusto ni Jehova na makilala natin siya. Gusto niya tayong maging kaibigan. w23.02 7 ¶16-17

Martes, Hunyo 25

Mabuti ang ginagawa ninyong pagbibigay-pansin dito.​—2 Ped. 1:19.

May magaganda tayong dahilan kung bakit interesado tayong makita kung paano natutupad sa ngayon ang mga hula sa Bibliya. Sinabi pa nga ni Jesus ang mga mangyayari para malaman natin kapag malapit nang magwakas ang sistema ni Satanas. (Mat. 24:3-14) Sinabi ni apostol Pedro na bigyang-pansin ang natutupad na mga hula para manatiling matibay ang pananampalataya natin. (2 Ped. 1:20, 21) Gusto niya na magkaroon tayo ng tamang pananaw kapag pinag-aaralan ang mga hula sa Bibliya. Sinasabi niya sa atin na ‘isaisip ang pagdating ng araw ni Jehova.’ (2 Ped. 3:11-13) Bakit? Hindi naman dahil gusto nating alamin ang “araw at oras” kung kailan darating ang Armagedon, kundi dahil gusto nating gamitin ang natitirang panahon para magpakita ng “banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (Mat. 24:36; Luc. 12:40) Gusto nating mapanatili ang mabuting paggawi at matiyak na ginagawa natin ang lahat para kay Jehova dahil mahal natin siya. Para magawa iyan, dapat nating bigyang-pansin ang sarili natin. w23.02 16 ¶4, 6

Miyerkules, Hunyo 26

Mayroon akong ibang mga tupa . . . kailangan ko rin silang akayin.​—Juan 10:16.

May kailangang gawin ang “ibang mga tupa” para maging karapat-dapat mabuhay sa Paraiso. Kailangang ipakita natin ang pagpapahalaga natin kay Jesus. Halimbawa, maipapakita nating mahal natin siya sa paraan ng pakikitungo natin sa mga pinahirang kapatid ni Kristo. Sinabi ni Jesus na hahatulan niya ang mga tupa base sa pakikitungo nila sa mga kapatid niya. (Mat. 25:31-40) Masusuportahan natin sila kung masigasig tayong mangangaral at gagawa ng mga alagad. (Mat. 28:18-20) Hindi na natin kailangang hintayin ang Paraiso para ituring tayo ni Jehova na karapat-dapat na tumira doon. Ngayon pa lang, magagawa na nating maging tapat sa ating pananalita at paggawi at magkaroon ng balanseng pamumuhay. At puwede tayong maging tapat kay Jehova, sa ating asawa, at sa mga kapananampalataya natin. Kung sinusunod na natin si Jehova ngayon sa masamang mundong ito, magiging mas madali sa ating sumunod sa kaniya sa Paraiso. Puwede rin tayong magsikap na magkaroon ng mga kasanayan at katangian na nagpapakitang naghahanda na tayo na mamuhay roon. w22.12 11-12 ¶14-16

Huwebes, Hunyo 27

Ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng Ama ko.​—Juan 14:21.

Mahal natin si Jesus bilang Hari dahil siya ang pinakamahusay na Tagapamahala. Si Jehova mismo ang nagsanay sa Anak niya at nag-atas sa kaniya na mamahala. (Isa. 50:4, 5) Pag-isipan din ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Jesus. (Juan 13:1) Dahil si Jesus ang iyong Hari, dapat lang na mahalin mo siya. Sinabi niya sa mga totoong nagmamahal sa kaniya—na tinatawag niyang mga kaibigan—na maipapakita nilang mahal nila siya kung susundin nila ang mga utos niya. (Juan 14:15; 15:14, 15) Isa ngang karangalan na maging kaibigan ng Anak ni Jehova! Alam mong mapagpakumbaba si Jesus at perpekto niyang tinutularan ang kaniyang Ama. Natutuhan mo rin na pinakain niya ang mga nagugutom, pinatibay ang mga pinanghihinaan ng loob, at pinagaling pa nga ang mga maysakit. (Mat. 14:14-21) Nakita mo rin kung paano niya pinapangunahan ang kongregasyon ngayon. (Mat. 23:10) At alam mong higit pa ang gagawin niya sa hinaharap bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Paano mo maipapakita na mahal mo siya? Tularan mo ang halimbawa niya. Magagawa mo iyan kung iaalay mo ang sarili mo kay Jehova at magpapabautismo ka. w23.03 4 ¶8, 10

Biyernes, Hunyo 28

Tumingala kayo sa langit at tingnan ninyo. Sino ang lumalang sa mga ito?—Isa. 40:26.

Punong-puno ng magagandang nilalang ni Jehova ang langit, pati ang lupa at dagat, at marami tayong matututuhan sa mga iyon. (Awit 104:24, 25) Pag-isipan din ang pagkakalikha ng Diyos sa atin. Binigyan niya tayo ng kakayahan na mapahalagahan ang magagandang bagay sa kalikasan. At para masiyahan tayo sa iba’t ibang nilalang niya, binigyan din niya tayo ng limang pandamdam—paningin, pandinig, pandama, panlasa, at pang-amoy. May sinasabi pa ang Bibliya na isang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang mga nilalang—nakikita sa mga ito ang mga katangian ni Jehova. (Roma 1:20) Halimbawa, napakaganda ng pagkakadisenyo ng mga bagay sa kalikasan. Kitang-kita sa mga ito ang karunungan ng Diyos. Isipin din ang sari-saring pagkain na ibinigay niya sa atin. Patunay iyan na mahal ni Jehova ang mga tao. Dahil sa mga nilalang ni Jehova, mas nakikilala natin siya at mas napapalapit tayo sa kaniya. w23.03 16 ¶4-5

Sabado, Hunyo 29

Katotohanan ang diwa ng salita mo.​—Awit 119:160.

Habang pasama nang pasama ang mundo, masusubok ang pagtitiwala natin sa katotohanan. Baka magtanim ng pagdududa ang mga tao sa isip natin gaya ng pagdududa tungkol sa katotohanan ng Bibliya o kung talaga bang ginagamit ni Jehova ang tapat at matalinong alipin para patnubayan ang mga mananamba niya ngayon. Pero kung kumbinsido tayo na laging totoo ang Salita ni Jehova, magagawa nating paglabanan ang gayong mga pag-atake sa pananampalataya natin. Magiging “buo ang pasiya [nating] sundin ang mga tuntunin [ni Jehova] sa lahat ng panahon, hanggang sa wakas.” (Awit 119:112) ‘Hindi tayo mahihiyang’ sabihin sa iba ang katotohanan at tulungan silang mamuhay ayon dito. (Awit 119:46) At puwede tayong maging “masaya habang tinitiis” ang pag-uusig at ang iba pang mahihirap na sitwasyon. (Col. 1:11; Awit 119:143, 157) Tinutulungan tayo ng katotohanan na maging kalmado at panatag, at itinuturo nito sa atin kung paano tayo mamumuhay sa isang mundong napakagulo. Nagbibigay rin ito sa atin ng magandang kinabukasan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. w23.01 7 ¶16-17

Linggo, Hunyo 30

Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.​—Juan 13:34.

Noong gabi bago mamatay si Jesus, nanalangin siya nang mahaba para sa mga alagad niya. Hiniling niya sa kaniyang Ama na “bantayan . . . sila dahil sa isa na masama.” (Juan 17:15) Talagang napakamapagmahal ni Jesus! Kahit alam niya na malapit na siyang dumanas ng paghihirap, inalala pa rin niya ang kapakanan ng mga apostol niya. Tinutularan natin si Jesus kung hindi tayo magpopokus sa sarili lang nating pangangailangan. Regular nating ipinapanalangin ang mga kapatid natin. Kapag ginagawa natin iyan, sinusunod natin ang utos ni Jesus na ibigin ang isa’t isa at ipinapakita natin kay Jehova kung gaano natin sila kamahal. Hindi pag-aaksaya ng oras ang pananalangin para sa mga kapatid. Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.” (Sant. 5:16) Kailangan ng mga kapatid ang mga panalangin natin dahil dumaranas sila ng maraming problema. w22.07 23-24 ¶13-15

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share