Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 67-77
  • Hulyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hulyo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Lunes, Hulyo 1
  • Martes, Hulyo 2
  • Miyerkules, Hulyo 3
  • Huwebes, Hulyo 4
  • Biyernes, Hulyo 5
  • Sabado, Hulyo 6
  • Linggo, Hulyo 7
  • Lunes, Hulyo 8
  • Martes, Hulyo 9
  • Miyerkules, Hulyo 10
  • Huwebes, Hulyo 11
  • Biyernes, Hulyo 12
  • Sabado, Hulyo 13
  • Linggo, Hulyo 14
  • Lunes, Hulyo 15
  • Martes, Hulyo 16
  • Miyerkules, Hulyo 17
  • Huwebes, Hulyo 18
  • Biyernes, Hulyo 19
  • Sabado, Hulyo 20
  • Linggo, Hulyo 21
  • Lunes, Hulyo 22
  • Martes, Hulyo 23
  • Miyerkules, Hulyo 24
  • Huwebes, Hulyo 25
  • Biyernes, Hulyo 26
  • Sabado, Hulyo 27
  • Linggo, Hulyo 28
  • Lunes, Hulyo 29
  • Martes, Hulyo 30
  • Miyerkules, Hulyo 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 67-77

Hulyo

Lunes, Hulyo 1

Maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita.​—1 Tim. 4:12.

Ang kakayahan nating magsalita ay regalo ng ating mapagmahal na Diyos. Pero ginamit sa maling paraan ang kakayahang magsalita. Nagsinungaling si Satanas na Diyablo kay Eva, kaya nagkasala ang tao at naging di-perpekto. (Gen. 3:​1-4) Ginamit ni Adan sa maling paraan ang kaniyang dila nang sisihin niya si Eva—pati na si Jehova—sa sarili niyang pagkakamali. (Gen. 3:12) Nagsinungaling din si Cain kay Jehova pagkatapos niyang patayin ang kapatid niyang si Abel. (Gen. 4:9) Karamihan sa mga pelikula ngayon ay naglalaman ng masamang pananalita. Nakakarinig ang mga estudyante ng masasamang salita sa paaralan, at laganap ito kahit sa lugar ng trabaho. Kung hindi tayo mag-iingat, baka makapagsalita rin tayo nang masama dahil lagi natin itong naririnig. Bilang mga Kristiyano, gusto nating mapasaya si Jehova, kaya hinding-hindi tayo gagamit ng masasamang salita. Gusto nating gamitin ang napakagandang regalong ito sa tamang paraan—para purihin ang ating Diyos. w22.04 4-5 ¶1-3

Martes, Hulyo 2

Hindi kayo puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.​—Mat. 6:24.

Balanse ang pananaw ni Jesus sa materyal na mga bagay. Nasiyahan siya sa pagkain at sa pag-inom. (Luc. 19:​2, 6, 7) Sa isang pagkakataon, gumawa siya ng mainam na alak—ang pinakaunang himala na ginawa niya. (Juan 2:​10, 11) At noong araw na mamatay siya, nakasuot siya ng mamahaling kasuotan. (Juan 19:​23, 24) Pero hindi inuna ni Jesus sa buhay niya ang materyal na mga bagay. Sinabi ni Jesus na kung uunahin natin ang Kaharian, titiyakin sa atin ni Jehova na ilalaan niya ang pangangailangan natin. (Mat. 6:​31-33) Marami ang nakinabang dahil sinunod nila ang makadiyos na karunungan tungkol sa pera. Tingnan ang halimbawa ng brother na si Daniel. Sinabi niya: “Noong kabataan ako, desidido na ako na unahin sa buhay ko ang paglilingkod kay Jehova.” Dahil pinanatili niyang simple ang buhay niya, nagamit ni Daniel ang panahon at mga kasanayan niya sa maraming teokratikong proyekto. Sinabi pa niya: “Hindi matutumbasan ng pera ang mga pagpapalang tinatanggap ko mula kay Jehova.” w22.05 21-22 ¶6-7

Miyerkules, Hulyo 3

[Si Jehova ang] tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.​—1 Ped. 2:9.

Maipapakita nating mahal natin ang katotohanan kung regular nating pag-aaralan ang Bibliya at ang ating mga salig-Bibliyang publikasyon. Kahit matagal na tayo sa katotohanan, marami pa rin tayong puwedeng matutuhan. Kailangan ang pagsisikap sa pag-aaral, pero sulit ito. Hindi lahat ay mahilig magbasa at mag-aral. Pero gusto ni Jehova na ‘patuloy nating hanapin at hukayin’ ang katotohanan para mas maintindihan natin ito. (Kaw. 2:​4-6) Kapag ginawa natin iyan, makikinabang tayo. Sinabi ni Corey na kapag nagbabasa siya ng Bibliya, pinag-aaralan niya ang bawat talata. Ipinaliwanag niya: “Binabasa ko ang lahat ng talababa at cross-reference, at nagsasaliksik pa. . . . Marami akong natututuhan sa ganitong paraan!” Ganiyan man ang ginagawa natin o may iba pa tayong paraan, maipapakita natin ang pagpapahalaga natin sa katotohanan kapag naglalaan tayo ng panahon at nagsisikap na pag-aralan ito.​—Awit 1:​1-3. w22.08 17 ¶13; 18-19 ¶15-16

Huwebes, Hulyo 4

Nasa tabi niya ako noon bilang isang dalubhasang manggagawa. Gustong-gusto niya akong kasama sa araw-araw; masayang-masaya ako sa piling niya sa lahat ng panahon.​—Kaw. 8:30.

Noong nasa lupa si Jesus, ginamit niya ang mga nilalang para turuan ang mga alagad niya tungkol sa kaniyang Ama. Tingnan ang ilang halimbawa. Mahal ni Jehova ang lahat ng tao. Sa Sermon sa Bundok, binanggit ni Jesus sa mga alagad niya ang tungkol sa ulan at pagsikat ng araw, na madalas bale-walain ng mga tao pero napakahalaga para mabuhay tayo. Puwede sanang ipagkait ni Jehova ang mga ito sa mga hindi naglilingkod sa kaniya. Pero dahil mapagmahal siya, nakikinabang ang lahat sa araw at ulan. (Mat. 5:​43-45) Itinuro iyan ni Jesus sa mga alagad niya para ipakitang gusto ni Jehova na mahalin natin ang lahat ng tao. Kaya kapag nakakakita tayo ng magandang sunset o ng nakakarepreskong ulan, tandaan natin ang di-nagtatanging pag-ibig ni Jehova. Mapapakilos tayo nito na mahalin ang lahat ng tao at mangaral sa kanila. w23.03 17 ¶9-10

Biyernes, Hulyo 5

Gulat na gulat ako.​—Apoc. 17:6.

Ano ang ikinagulat ni apostol Juan? Isang babaeng nakasakay sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Inilarawan siya bilang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” at tinawag na “Babilonyang Dakila.” Nagkasala siya ng “seksuwal na imoralidad kasama ang mga hari sa lupa.” (Apoc. 17:​1-5) Sino ang “Babilonyang Dakila”? Hindi puwedeng tumukoy ang babaeng ito sa isang politikal na organisasyon dahil nagkasala siya ng imoralidad kasama ang mga tagapamahala sa buong mundo. (Apoc. 18:9) Ang totoo, kinokontrol pa nga niya ang mga tagapamahalang ito na para bang nakasakay siya sa kanila. Hindi rin siya puwedeng tumukoy sa sakim na komersiyo ng sanlibutan ni Satanas dahil inilarawan ito sa ibang bahagi ng Apocalipsis bilang “mga negosyante sa lupa.” (Apoc. 18:​11, 15, 16) Sentro ng huwad na pagsamba ang sinaunang Babilonya. Kaya ang Babilonyang Dakila ay lumalarawan sa lahat ng uri ng huwad na pagsamba. Ang totoo, siya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.​—Apoc. 17:​5, 18. w22.05 11 ¶14-16

Sabado, Hulyo 6

Ang kalaban ninyo, ang Diyablo, ay gumagala-gala gaya ng isang umuungal na leon, na naghahanap ng malalapa.​—1 Ped. 5:8.

Normal lang sa isang nanay kung minsan na mag-alala kung pipiliin ng mga anak niya na paglingkuran si Jehova. Siyempre, alam ng mga magulang kung gaano katindi ang panggigipit na nararanasan ng mga anak nila sa sanlibutang ito ni Satanas. Isa pa, nahihirapan ang maraming nanay sa pagpapalaki sa mga anak nila dahil wala silang asawa o may asawa nga, hindi naman sumasamba kay Jehova. Hindi lang ang mga magulang na may asawang hindi lingkod ni Jehova ang nahihirapang tulungan ang mga anak nila na mahalin si Jehova. Kahit ang mga magulang na parehong nasa katotohanan ay baka mahirapan pa ring maabot ang puso ng mga anak nila para patuloy na maglingkod ang mga ito kay Jehova. Sa ganitong kalagayan, huwag masyadong mag-alala. Tutulungan ka ni Jehova. Puwede kang magpatulong sa ibang makaranasang magulang kung paano nila ginagamit ang mga tool na ito sa pampamilyang pagsamba nila. (Kaw. 11:14) Matutulungan ka rin ni Jehova sa pakikipag-usap mo sa iyong mga anak. Puwede mong ipanalangin na tulungan kang malaman kung ano ang nasa isip at puso nila.​—Kaw. 20:5. w22.04 17 ¶4, 7; 18 ¶9

Linggo, Hulyo 7

Lagi kong ipinapanalangin na patuloy na sumagana ang inyong pag-ibig, kasama ang tumpak na kaalaman at malalim na unawa.​—Fil. 1:9.

Mapapalalim pa natin ang pag-ibig natin kay Jehova kung mas kikilalanin natin ang Anak niya, na perpektong natularan ang mga katangian ng kaniyang Ama. (Heb. 1:3) Para mas makilala natin si Jesus, kailangan nating pag-aralan ang apat na Ebanghelyo. Kung hindi ka pa nagbabasa ng Bibliya araw-araw, puwede mong simulan ang pagbasa sa mga ulat na ito tungkol kay Jesus. Puwede mong pag-isipang mabuti ang mga katangian niya. Madali siyang lapitan; kinalong pa nga niya ang mga bata. (Mar. 10:​13-16) Mabait si Jesus at palakaibigan, at hindi natatakot ang mga alagad niya na sabihin sa kaniya ang niloloob nila. (Mat. 16:22) Talagang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit. Madali ring lapitan si Jehova. Makakalapit tayo sa kaniya sa panalangin. Puwede nating sabihin sa kaniya ang lahat ng nasa puso natin. Nagtitiwala tayo na hindi niya tayo huhusgahan. Mahal niya tayo at nagmamalasakit siya sa atin.​—1 Ped. 5:7. w22.08 3 ¶4-5

Lunes, Hulyo 8

Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.​—Awit 86:5.

Alam ni Jehova ang lahat tungkol sa atin dahil nilalang niya tayo. Alam pa nga niya ang lahat ng detalye tungkol sa bawat tao sa lupang ito. (Awit 139:​15-17) Kaya nakikita niya ang lahat ng di-kasakdalan na minana natin sa mga magulang natin. Bukod diyan, alam din niya ang lahat ng naranasan natin sa buhay na humubog sa ating pagkatao. Dahil kilalang-kilala ni Jehova ang mga tao, ano ang ginagawa niya? Nagpapakita siya ng awa sa atin. (Awit 78:39; 103:​13, 14) Pinatunayan ni Jehova na gustong-gusto niya tayong patawarin. Alam niya na dahil sa unang taong si Adan, lahat tayo ay naging makasalanan at namamatay. (Roma 5:12) Wala tayong magagawa para palayain ang sarili natin o ang ibang tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Awit 49:​7-9) Pero nagpakita ng awa ang ating mapagmahal na Diyos at gumawa siya ng paraan para mapalaya tayo. Ayon sa Juan 3:​16, ibinigay ni Jehova ang kaisa-isa niyang Anak para mamatay alang-alang sa atin.​—Mat. 20:28; Roma 5:19. w22.06 3 ¶5-6

Martes, Hulyo 9

Kapag mabait ang isang tao, siya mismo ang nakikinabang.​—Kaw. 11:17.

Sa pamamagitan ng ipinagawa ni Jehova sa lingkod niyang si Job, idiniin ng Diyos na ang mga nagpapatawad ay patatawarin. Talagang nasaktan ang tapat na lalaking ito sa masasakit na salitang sinabi nina Elipaz, Bildad, at Zopar. Sinabi ni Jehova kay Job na ipanalangin niya sila. Nang gawin iyon ni Job, pinagpala siya ni Jehova. (Job 42:​8-10) Nakakasamâ ang pagkikimkim ng sama ng loob. Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay parang mabigat na pasanin. Gusto ni Jehova na alisin natin iyon para gumaan ang loob natin. (Efe. 4:​31, 32) Pinapayuhan niya tayo na ‘alisin ang galit at huwag nang magngalit.’ (Awit 37:8) Makakatulong sa atin ang pagsunod sa payong iyan. Kung magkikimkim tayo ng sama ng loob, makakaapekto iyan sa ating pisikal at mental na kalusugan. (Kaw. 14:30) Hindi ang nakasakit sa atin ang maaapektuhan. Para itong pag-inom ng lason. Kapag ikaw ang uminom nito, hindi siya ang mapapahamak. Pero kung magpapatawad tayo, binibigyan natin ang sarili natin ng regalo. Nagkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at puso, at patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova. w22.06 10 ¶9-10

Miyerkules, Hulyo 10

Isuot natin ang pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti at ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet.​—1 Tes. 5:8.

Gaya ng helmet, pinoprotektahan ng pag-asa ang isip natin at tinutulungan tayo nito na hindi mabuhay para lang sa sarili, kasi makakasira ito sa kaugnayan natin kay Jehova. (1 Cor. 15:​33, 34) Gaya ng helmet, pinoprotektahan din tayo ng pag-asa na huwag isipin na hindi natin mapapasaya si Jehova kahit ano ang gawin natin. Tandaan na ganiyan din ang pangangatuwiran ng huwad na kaibigan ni Job na si Elipaz. Sinabi niya: “Puwede bang maging malinis ang taong mortal?” Pagkatapos, sinabi niya tungkol sa Diyos: “Tingnan mo! Wala siyang tiwala sa mga banal niya, at kahit ang langit ay hindi malinis sa paningin niya.” (Job 15:​14, 15, tlb.) Kasinungalingan nga ang mga iyan! Tandaan na iyan ang gusto ni Satanas na isipin mo. Alam niya na kapag ganiyan ang inisip mo, mawawalan ka ng pag-asa. Kaya huwag maniwala sa mga kasinungalingang iyan. Huwag pagdudahan na gusto ni Jehova na mabuhay ka magpakailanman at na tutulungan ka niya na magawa iyon.​—1 Tim. 2:​3, 4. w22.10 25-26 ¶8-10

Huwebes, Hulyo 11

Hindi . . . nagsalita [si Job] ng masama.​—Job 2:10.

Gusto ni Satanas na isipin ni Job na galit si Jehova kay Job kaya ito nagdurusa. Kaya naman, isang malakas na hangin ang ginamit ni Satanas para bumagsak ang bahay kung saan sama-samang kumakain ang lahat ng 10 anak ni Job. (Job 1:​18, 19) Isang apoy rin ang pinababa niya mula sa langit para tupukin ang mga kawan ni Job pati na ang mga nag-aalaga sa mga iyon. (Job 1:16) Sa langit nanggaling ang hangin at apoy, kaya inisip ni Job na ang Diyos na Jehova ang may gawa nito. Dahil dito, napaniwala si Job na posibleng nagalit sa kaniya si Jehova. Pero hindi isinumpa ni Job ang Ama niya sa langit. Kinilala ni Job na maraming taon na siyang tumatanggap ng mabubuting bagay mula kay Jehova. Kaya inisip niya na puwede rin siyang tumanggap ng masasamang bagay. Sinabi niya: “Patuloy nawang purihin ang pangalan ni Jehova.”​—Job 1:​20, 21. w22.06 21 ¶7

Biyernes, Hulyo 12

Kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko. Pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.​—Mar. 13:13.

Ganiyan din ang babalang ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya na nakaulat sa Juan 17:14. Kitang-kita natin ang katuparan ng hulang iyan, lalo na nitong nakaraang 100 taon. Bakit natin nasabi iyan? Matapos iluklok si Jesus bilang Mesiyanikong Hari noong 1914, pinalayas si Satanas sa langit. Nandito na siya ngayon sa lupa, at naghihintay ng kaniyang pagkapuksa. (Apoc. 12:​9, 12) Pero hindi siya naghihintay nang walang ginagawa. Galit na galit si Satanas kaya ibinubuhos niya ang galit niya sa bayan ng Diyos. (Apoc. 12:​13, 17) Dahil dito, lalo pang tumindi ang galit ng sanlibutan ni Satanas sa bayan ng Diyos. Pero wala tayong dahilan para matakot kay Satanas at sa mga tagasunod niya. Nagtitiwala tayo kagaya ni apostol Pablo. Isinulat niya: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang lalaban sa atin?” (Roma 8:31) Lubos tayong makakapagtiwala kay Jehova. w22.07 18 ¶14-15

Sabado, Hulyo 13

Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa.​—Mat. 24:14.

Hindi nag-aalala si Jesus na magkukulang ng manggagawa sa katapusan ng sistemang ito. Alam niya na matutupad ang inihula ng salmista: “Kusang-loob na ihahandog ng bayan mo ang kanilang sarili sa araw na pangunahan mo ang iyong hukbo.” (Awit 110:3) Kung nangangaral ka ng mabuting balita, sinusuportahan mo si Jesus at ang tapat na alipin, at isa ka sa tumutupad sa hulang iyon. Nagpapatuloy ang gawain, pero may mga hamon. Pagsalansang ang isa sa mga hamon na napapaharap sa mga mángangarál ng Kaharian. Maraming sinasabing kasinungalingan ang mga apostata, lider ng relihiyon, at politiko tungkol sa gawain natin. Kaya kapag naniniwala ang mga kamag-anak natin, kakilala, at katrabaho sa mga kasinungalingang ito, baka pilitin nila tayong huminto sa paglilingkod kay Jehova at sa pangangaral. Sa ilang bansa, tinatakot, pinagbabantaan, inaaresto, at ibinibilanggo pa nga ang mga kapatid. w22.07 8 ¶1; 9 ¶5-6

Linggo, Hulyo 14

Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.​—Gawa 14:22.

Inaasahan ni Jehova na maglalaan tayo ng panahon para regular na pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito. Kapag isinasabuhay natin ang mga natututuhan natin, lalong titibay ang pananampalataya natin at mas mapapalapít tayo sa ating Ama sa langit. Bilang resulta, magkakaroon tayo ng lakas para matiis ang mga pagsubok. Ibinibigay rin ni Jehova ang banal na espiritu niya sa mga umaasa sa kaniyang Salita. At mabibigyan tayo ng espiritung iyon ng “lakas na higit sa karaniwan” para matiis ang anumang pagsubok. (2 Cor. 4:​7-10) Sa tulong ni Jehova, naglalaan ang “tapat at matalinong alipin” ng maraming artikulo, video, at musika na tutulong sa atin na magkaroon ng matibay na pananampalataya at manatiling gising sa espirituwal. (Mat. 24:45) Tinuruan ni Jehova ang bayan niya na mahalin at patibayin ang isa’t isa sa mahihirap na panahon. (2 Cor. 1:​3, 4; 1 Tes. 4:9) Handa tayong tulungan ng mga kapatid natin na manatiling tapat kapag nakakaranas tayo ng mga problema. w22.08 12-13 ¶12-14

Lunes, Hulyo 15

[Pagsikapang] mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.​—Efe. 4:3.

Kung magsasabi tayo ng magagandang katangian ng mga kapatid natin, mapapatibay natin ang ating pagkakaibigan at pag-ibig sa isa’t isa sa loob ng kongregasyon. Kung minsan, puwede ring magkaroon ng di-pagkakaunawaan o pagtatalo kahit pa nga ang may-gulang na mga Kristiyano. Nangyari iyan kay apostol Pablo at sa malapít niyang kaibigang si Bernabe. Hindi nila mapagkasunduan kung isasama nila si Marcos o hindi sa susunod nilang paglalakbay bilang misyonero. Nagkaroon sila ng “mainitang pagtatalo” at naghiwalay ng landas. (Gawa 15:​37-39) Pero nakipagpayapaan sa isa’t isa sina Pablo, Bernabe, at Marcos. Maganda pa nga ang sinabi ni Pablo tungkol kina Bernabe at Marcos. (1 Cor. 9:6; Col. 4:10) Kung mayroon tayong di-pagkakaunawaan sa isang kapatid sa kongregasyon, kailangan natin itong ayusin at patuloy na tingnan ang magagandang katangian niya. Kapag ginawa natin iyan, maitataguyod natin ang kapayapaan at pagkakaisa. w22.08 23 ¶10-11

Martes, Hulyo 16

Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.​—Mat. 7:1.

Habang sinisikap nating mamuhay ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova, dapat nating iwasang hatulan ang iba at maging mapagmatuwid sa sarili. Dapat nating tandaan na si Jehova ang “Hukom ng buong lupa.” (Gen. 18:25) Hindi ibinigay sa atin ni Jehova ang karapatang humatol. Tingnan ang halimbawa ng matuwid na si Jose. Hindi siya humatol sa iba kahit sa mga gumawa ng masama sa kaniya. Sinaktan siya ng mga kapatid niya, ipinagbili sa pagkaalipin, at kinumbinsi nila ang tatay nila na patay na si Jose. Pagkalipas ng maraming taon, nagkita ulit si Jose at ang mga kapamilya niya. Isa na ngayong makapangyarihang tagapamahala si Jose, kaya puwede na sana niyang parusahan ang mga kapatid niya at maghiganti. Natakot ang mga kapatid ni Jose na baka ganoon nga ang gawin niya, kahit talagang pinagsisihan na nila ang ginawa nila. Pero tiniyak sa kanila ni Jose: “Huwag kayong matakot. Diyos ba ako?” (Gen. 37:​18-20, 27, 28, 31-35; 50:​15-21) Mapagpakumbabang ipinaubaya ni Jose kay Jehova ang paghatol. w22.08 30 ¶18-19

Miyerkules, Hulyo 17

Huwag mong ipagkait ang mabuti sa mga nangangailangan ng tulong kung kaya mo namang gawin ito.​—Kaw. 3:27.

Puwede kang gamitin ni Jehova para sagutin ang marubdob na panalangin ng iba. Makakatulong ka, elder ka man, ministeryal na lingkod, payunir, o isang mamamahayag. Makakatulong ka rin kahit bata ka pa o may-edad na, brother ka man o sister. Kapag may isang nananalangin kay Jehova para humingi ng tulong, madalas na ginagamit ng ating Diyos ang mga elder at ang ibang tapat na mga lingkod niya para ‘palakasin’ ang taong iyon. (Col. 4:11) Isa ngang pribilehiyo na paglingkuran si Jehova at ang mga kapatid sa ganiyang paraan! Magagawa natin iyan kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, o pag-uusig. Gusto nating tumulong sa iba, pero baka hindi madali iyon kung may pinagdaraanan din ang pamilya natin. Kahit ganiyan ang sitwasyon natin, gusto pa rin nating tulungan ang mga kapatid, at natutuwa si Jehova kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para tumulong.​—Kaw. 19:17. w22.12 22 ¶1-2

Huwebes, Hulyo 18

Ito ang utos ko: Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.​—Juan 15:12.

Pag-ibig ang pundasyon ng pagtitiwala. Sinabi ni Jesus na ang dalawang pinakamahalagang utos ay ang mahalin si Jehova at ang ating kapuwa. (Mat. 22:​37-39) Dahil mahal natin si Jehova, mapapakilos tayo na tularan ang pagiging mapagkakatiwalaan niya. Halimbawa, mahal natin ang mga kapatid kaya hindi tayo manghihimasok sa personal na buhay nila. Hindi tayo magsasabi ng anumang bagay na makakasira, makakasakit, o ikapapahiya nila. Makakatulong din ang kapakumbabaan para pagkatiwalaan tayo. Kung mapagpakumbaba ang isang Kristiyano, hindi niya gugustuhing mauna sa pagsasabi ng isang bagay para lang pahangain ang iba. (Fil. 2:3) Hindi niya papalabasin na may alam siyang impormasyon na hindi niya puwedeng sabihin para lang ipakitang mahalaga siya. Kung mapagpakumbaba rin tayo, hindi tayo magkakalat ng sariling opinyon tungkol sa mga bagay na hindi naman tinalakay sa Bibliya o sa mga publikasyong salig sa Bibliya. w22.09 12 ¶12-13

Biyernes, Hulyo 19

Sasagana ang tunay na kaalaman.​—Dan. 12:4.

Sinabi ng isang anghel kay Daniel na ang hulang iyan sa aklat ng Daniel ay mas maiintindihan ng bayan ng Diyos pero “walang isa man sa masasama ang makauunawa.” Ngayon na ang panahon para patunayan na hindi tayo kabilang sa masasama. (Mal. 3:​16-18) Tinitipon na ni Jehova ang mga itinuturing niya bilang “espesyal na pag-aari,” o ang mga minamahal niya. Siguradong gusto nating mapasama sa kanila. Talagang kapana-panabik ang panahong kinabubuhayan natin. Pero marami pang kahanga-hangang bagay ang malapit nang mangyari. Malapit na nating makita ang pagpuksa sa lahat ng masama. Pagkatapos, makikita natin ang katuparan ng pangako ni Jehova kay Daniel: “Sa wakas ng mga araw, babangon ka para tanggapin ang iyong bahagi.” (Dan. 12:13) Nasasabik ka na bang makita ang araw na “babangon” si Daniel at ang mga mahal mo sa buhay? Kung oo, gawin mo ang lahat ng magagawa mo ngayon para maging tapat, at makakatiyak ka na mananatiling nakasulat ang pangalan mo sa aklat ng buhay ni Jehova. w22.09 24 ¶17; 25 ¶19-20

Sabado, Hulyo 20

Isusugo kita.​—Ezek. 2:3.

Siguradong napatibay si Ezekiel ng mga salitang ito. Bakit? Dahil naalala niya na ganito rin ang sinabi ni Jehova kina Moises at Isaias nang atasan Niya sila bilang mga propeta Niya. (Ex. 3:10; Isa. 6:8) Alam din ni Ezekiel kung paano tinulungan ni Jehova ang dalawang propetang ito na magawa ang atas nila kahit may mga hamon. Kaya nang dalawang beses na sabihin ni Jehova kay Ezekiel: “Isusugo kita,” nagtitiwala siya na tutulungan siya ni Jehova. Maraming beses ding isinulat ni Ezekiel: “Dumating sa akin ang salita ni Jehova.” (Ezek. 3:16) Isa pa, paulit-ulit niyang isinulat: “Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova.” (Ezek. 6:1) Maliwanag na kumbinsido si Ezekiel na isinugo siya ni Jehova. Bukod diyan, saserdote ang tatay ni Ezekiel, kaya posible na itinuro nito sa kaniya na laging tinutulungan ni Jehova ang mga propeta Niya. Halimbawa, sinabi ni Jehova kina Isaac at Jacob: “Ako ay sumasaiyo.” Sinabi naman niya kay Jeremias: “Kasama mo ako.”​—Gen. 26:24; 28:15; Jer. 1:8. w22.11 2 ¶3

Linggo, Hulyo 21

[Nangangahulugan ito] ng buhay na walang hanggan.​—Juan 17:3.

Kahit nagkasala sina Adan at Eva na naging dahilan ng kamatayan ng mga anak nila, hindi pa rin nagbago ang layunin ni Jehova. (Isa. 55:11) Layunin pa rin niyang mabuhay magpakailanman ang magiging tapat sa kaniya. Tingnan ang mga ginawa ni Jehova para tuparin ang layunin niya. Nangako si Jehova na bubuhayin niyang muli ang mga patay at bibigyan sila ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. (Gawa 24:15; Tito 1:​1, 2) Sigurado ang tapat na si Job na gustong-gusto na ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay. (Job 14:​14, 15) Alam ni propeta Daniel na bubuhaying muli ang mga tao at may pagkakataon silang mabuhay magpakailanman. (Awit 37:29; Dan. 12:​2, 13) Alam din ng mga Judio noong panahon ni Jesus na bibigyan ni Jehova ng “buhay na walang hanggan” ang mga tapat na lingkod niya. (Luc. 10:25; 18:18) Maraming beses na binanggit ni Jesus ang pangakong ito, at siya mismo ay binuhay-muli ng kaniyang Ama.​—Mat. 19:29; 22:​31, 32; Luc. 18:30; Juan 11:25. w22.12 4-5 ¶8-9

Lunes, Hulyo 22

Nagtitiwala ako sa iyo, O Jehova.​—Awit 31:14.

Gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya. (Sant. 4:8) Gusto niya na maging Diyos natin siya, Ama, at Kaibigan. Sinasagot niya ang mga panalangin natin at tinutulungan tayo sa mahihirap na panahon. Ginagamit din niya ang organisasyon niya para turuan at protektahan tayo. Magiging malapít tayo kay Jehova kung mananalangin tayo sa kaniya, babasahin ang kaniyang Salita, at bubulay-bulayin iyon. Kapag ginawa natin iyan, lalo natin siyang mamahalin at papahalagahan. Mapapakilos tayo na sundin siya at purihin dahil karapat-dapat siya para dito. (Apoc. 4:11) Habang nakikilala natin si Jehova, lalo tayong magtitiwala sa kaniya at sa organisasyon na ibinigay niya para tulungan tayo. Pero sinisikap ng Diyablo na unti-unting pahinain ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Pero kaya nating protektahan ang sarili natin mula sa mga pag-atake niya. Kung matibay ang pananampalataya at pagtitiwala natin kay Jehova, hindi natin siya iiwan at ang organisasyon niya.​—Awit 31:​13, 14. w22.11 14 ¶1-3

Martes, Hulyo 23

Handa pa [nga silang] mamatay sa halip na maglingkod o sumamba sa ibang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.​—Dan. 3:28.

Isinasapanganib ng maraming tunay na Kristiyano ang kanilang kalayaan pati na ang buhay nila dahil sa pagmamahal nila kay Jehova, ang kanilang Kataas-taasang Tagapamahala. Nananatili silang tapat gaya ng tatlong Hebreo na iniligtas ng Kadaki-dakilaan sa nagniningas na hurno dahil nanatili silang tapat sa kaniya. Isinulat ng salmistang si David kung gaano kahalagang manatiling tapat sa Diyos: “Maglalapat si Jehova ng hatol sa mga bayan. Hatulan mo ako, O Jehova, ayon sa matuwid kong mga gawa at ayon sa katapatan ko.” (Awit 7:8) Isinulat din niya: “Ingatan nawa ako ng aking katapatan at pagiging matuwid.” (Awit 25:21) Manatiling tapat kay Jehova, dahil iyan ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay! Kapag ginawa mo iyan, mararamdaman mo rin ang isinulat ng salmista: “Maligaya ang mga nananatiling tapat . . . at lumalakad ayon sa kautusan ni Jehova.”​—Awit 119:​1, tlb. w22.10 17 ¶18-19

Miyerkules, Hulyo 24

Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian . . . ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya.​—Roma 1:20.

Sa buong buhay ni Job, siguradong hindi niya nakalimutan ang pag-uusap nila ng Diyos na Jehova. Binanggit ni Jehova kay Job ang ilan sa mga kahanga-hangang nilalang Niya. Dahil doon, mas nakita ni Job ang karunungan ni Jehova at ang kakayahan Niyang pangalagaan ang mga lingkod Niya. Halimbawa, ipinaalala ng Diyos kay Job na naglalaan Siya para sa mga hayop, kaya lalong hindi Niya pababayaan si Job. (Job 38:​39-41; 39:​1, 5, 13-16) Mas nakilala ni Job ang Diyos dahil sa mga nilalang Niya. Mas makikilala rin natin ang ating Diyos kung pag-aaralan natin ang mga nilalang niya. Pero hindi laging madaling gawin iyan. Kung nakatira tayo sa siyudad, baka bihira tayong makakita ng mga bagay sa kalikasan. At kahit nakatira tayo sa nayon, baka wala naman tayong oras na pag-aralan ang mga nilalang ni Jehova, pero magsikap at maglaan ng panahon para gawin iyon. w23.03 15 ¶1-2

Huwebes, Hulyo 25

Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago.​—Kaw. 22:3.

Sinabi ni Jesus na magkakaroon ng “malalakas na lindol” at iba pang mga sakuna bago dumating ang wakas. (Luc. 21:11) Sinabi rin niya ang “paglaganap ng kasamaan,” na kitang-kita sa mga krimen, karahasan, at terorismo. (Mat. 24:12) Hindi sinabi ni Jesus na ang makakaranas lang ng mga trahedyang ito ay ang mga di-lingkod ni Jehova. Ang totoo, maraming tapat na lingkod ni Jehova ang naging biktima ng mga sakuna. (Isa. 57:1; 2 Cor. 11:25) Hindi man tayo makahimalang protektahan ni Jehova mula sa mga sakuna, pero bibigyan niya tayo ng kailangan natin para manatiling kalmado at payapa. Magiging mas madali ito sa atin kung napaghandaan na natin ang mga gagawin natin bago pa ito mangyari. Pero hindi ibig sabihin na dahil naghanda tayo, wala na tayong pananampalataya kay Jehova. Ang totoo, kapag pinaghahandaan natin ang isang sakuna, ipinapakita natin na nagtitiwala tayo na kaya tayong ingatan ni Jehova. Paano? Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na paghandaan ang mga sakunang puwede nating maranasan. w22.12 18 ¶9-10

Biyernes, Hulyo 26

Isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para magligtas ng buhay.​—Gen. 45:5.

Habang nakabilanggo si Jose, binigyan ni Jehova ang hari ng Ehipto ng dalawang panaginip. Nang malaman ng hari na kayang bigyan ng kahulugan ni Jose ang mga panaginip, ipinatawag niya ito. Sa tulong ni Jehova, naipaliwanag ni Jose ang mga panaginip at humanga ang Paraon sa praktikal na payo na ibinigay nito. Alam ng Paraon na ginagabayan ni Jehova si Jose, kaya inatasan siya ng Paraon na maging tagapangasiwa ng pagkain sa buong Ehipto. (Gen. 41:​38, 41-44) Nang maglaon, nagkaroon ng matinding taggutom hindi lang sa Ehipto kundi pati na rin sa Canaan, ang lupaing tinitirhan ng pamilya ni Jose. Nasa kalagayan na ngayon si Jose na iligtas ang pamilya niya para maingatan ang linya ng angkan na pagmumulan ng Mesiyas. Maliwanag na dahil iyon kay Jehova. Pinagtagumpay niya ang lahat ng ginawa ni Jose. Nang bandang huli, ang masamang balak ng mga kapatid ni Jose ang naging daan para matupad ang kalooban ni Jehova. w23.01 16-17 ¶11-12

Sabado, Hulyo 27

Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili.​—Luc. 21:34.

Kapag binibigyang-pansin ng isang tao ang sarili niya, alisto siya sa mga puwedeng makasira sa kaugnayan niya kay Jehova, at gumagawa siya ng paraan para maiwasan ang mga iyon. Dahil dito, napapanatili niya ang sarili niya sa pag-ibig ng Diyos. (Kaw. 22:3; Jud. 20, 21) Ipinaalala ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na bigyang-pansin ang sarili nila. Halimbawa, sinabi niya sa mga Kristiyano sa Efeso: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong.” (Efe. 5:​15, 16) Laging gumagawa ng paraan si Satanas para sirain ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova, kaya pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘patuloy na alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.’ Kapag ginawa natin iyan, maiingatan natin ang sarili natin. (Efe. 5:17) Para makagawa ng mga tamang desisyon, kailangan nating alamin ang “kalooban ni Jehova.” Magagawa natin iyan kung regular tayong mag-aaral ng Salita ng Diyos at bubulay-bulayin ito. Kapag mas naiintindihan natin ang kalooban ni Jehova at sinisikap nating magkaroon ng “pag-iisip ni Kristo,” mas malamang na makagawa tayo ng mga tamang desisyon kahit na walang espesipikong batas tungkol doon.​—1 Cor. 2:​14-16. w23.02 16-17 ¶7-9

Linggo, Hulyo 28

Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.​—Roma 12:2.

Gaano mo kadalas linisin ang bahay mo? Siguradong nilinis mong mabuti iyon bago ka lumipat doon. Pero ano ang mangyayari kung hindi mo na iyon lilinisin ulit? Siyempre, dudumi ulit iyon. Para manatiling presentable ang bahay mo, kailangan mo itong palaging linisin. Ganiyan din ang kailangan nating gawin sa pag-iisip at personalidad natin. Siyempre, bago tayo nagpabautismo, gumawa na tayo ng mga pagbabago sa buhay natin para “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu.” (2 Cor. 7:1) Pero ngayon, kailangan nating sundin ang payo ni apostol Pablo na ‘patuloy na magbago.’ (Efe. 4:23) Puwede pa rin tayong marumihan ng sanlibutang ito. Para maiwasan natin iyan at manatiling malinis sa harap ni Jehova, dapat nating regular na suriin ang ating pag-iisip, personalidad, at mga pagnanasa. w23.01 8 ¶1-2

Lunes, Hulyo 29

Nakita [niya] ang espiritu ng Diyos na parang kalapati na bumababa kay Jesus.​—Mat. 3:16.

Nai-imagine mo ba na nakikinig ka sa mga turo ni Jesus? Napakaraming beses siyang sumipi sa Banal na Kasulatan. At lahat ng iyon, kabisado niya! Noong bautismuhan si Jesus at pahiran siya ng banal na espiritu, bumalik sa alaala niya ang kaniyang buhay sa langit. Sinipi ni Jesus mula sa Kasulatan ang unang mga salitang binanggit niya pagkatapos ng bautismo niya at ang ilan sa mga sinabi niya bago siya mamatay. (Deut. 8:3; Awit 31:5; Luc. 4:4; 23:46) At sa loob ng tatlo at kalahating taon ng buhay ni Jesus, madalas niyang binabasa sa publiko ang Kasulatan at sinisipi niya at ipinapaliwanag ito sa kanila. (Mat. 5:​17, 18, 21, 22, 27, 28; Luc. 4:​16-20) Maraming taon bago simulan ni Jesus ang ministeryo niya, paulit-ulit niyang binasa at narinig ang Salita ng Diyos. Sa bahay, siguradong naririnig ni Jesus sina Maria at Jose na sinisipi ang Kasulatan. (Deut. 6:​6, 7) Pumupunta rin si Jesus sa sinagoga tuwing Sabbath kasama ng pamilya niya. (Luc. 4:16) At doon, siguradong nakinig siyang mabuti habang binabasa ang Kasulatan. w23.02 8 ¶1-2

Martes, Hulyo 30

Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos.​—Mar. 12:30.

Napakaraming dahilan para mahalin si Jehova. Halimbawa, siya ang “bukal ng buhay” at sa kaniya nagmula “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat perpektong regalo.” (Awit 36:9; Sant. 1:17) Galing sa ating mapagbigay at mapagmahal na Diyos ang lahat ng mabubuting bagay na nagpapasaya sa atin. May napakagandang regalo pa na ibinigay sa atin si Jehova—ang pantubos. Bakit natin nasabi iyan? Isipin na lang kung gaano kalapít si Jehova at si Jesus sa isa’t isa. Sinabi ni Jesus: “Mahal ako ng Ama” at “iniibig ko ang Ama.” (Juan 10:17; 14:31) Bilyon-bilyong taon silang magkasama kaya lalo silang napalapit sa isa’t isa. (Kaw. 8:​22, 23, 30) Kaya isipin na lang kung gaano kasakit para sa Diyos na pahintulutang magdusa at mamatay ang kaniyang Anak. Mahal na mahal ni Jehova ang mga tao—kasama ka na—kaya inihandog niya ang kaniyang minamahal na Anak para mabuhay tayo magpakailanman. (Juan 3:16; Gal. 2:20) Ito ang pinakamahalagang dahilan para mahalin ang Diyos! w23.03 4-5 ¶11-13

Miyerkules, Hulyo 31

Manghawakan kayo sa taglay ninyo.​—Apoc. 2:25.

Dapat nating itakwil ang turo ng mga apostata. Sinaway ni Jesus ang ilan sa mga taga-Pergamo dahil nagiging dahilan sila ng pagkakabaha-bahagi. (Apoc. 2:​14-16) Kinomendahan niya ang mga nasa Tiatira na nagsikap umiwas sa “malalalim na bagay ni Satanas,” at pinayuhan niya sila na “manghawakan” sa katotohanan. (Apoc. 2:​24-26) Pero hinayaan ng ilang Kristiyano noon na madaya sila ng maling mga turo at kinailangan nilang magsisi. Kumusta naman tayo ngayon? Dapat nating itakwil ang anumang turo na salungat sa kaisipan ni Jehova. “Mukhang makadiyos” ang mga apostata, pero “iba naman ang paraan ng pamumuhay” nila. (2 Tim. 3:5) Kung masikap tayong estudyante ng Salita ng Diyos, mas madali nating matutukoy at maitatakwil ang maling mga turo. (2 Tim. 3:​14-17; Jud. 3, 4) Kailangan nating tiyakin na katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba natin. Kung may ginagawa tayo na nagiging dahilan para hindi maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin, kailangan nating kumilos agad para makuha ang pagsang-ayon ng Diyos.​—Apoc. 2:​5, 16; 3:​3, 16. w22.05 4 ¶9; 5 ¶11

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share