Agosto
Huwebes, Agosto 1
Isang aklat ng alaala ang isinulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga nagbubulay-bulay sa pangalan niya.—Mal. 3:16.
Naiisip mo ba kung bakit nakasulat sa “aklat ng alaala” ni Jehova ang pangalan ng mga taong ginamit ang pananalita nila para ipakitang natatakot sila sa kaniya at nagbubulay-bulay sa pangalan niya? Makikita sa sinasabi natin kung ano ang laman ng puso natin. Sinabi ni Jesus: “Lumalabas sa bibig kung ano ang laman ng puso.” (Mat. 12:34) Gusto ni Jehova na mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ang mga nagmamahal sa kaniya. May epekto sa pagsamba natin kay Jehova ang mga sinasabi natin. (Sant. 1:26) Ang ilan na hindi nagmamahal sa Diyos ay pagalit kung magsalita, laging nakasigaw, at nagyayabang. (2 Tim. 3:1-5) Ayaw nating maging gaya nila. Gustong-gusto nating mapasaya si Jehova sa mga sinasabi natin. Matutuwa kaya si Jehova kung mabait tayong makipag-usap kapag nasa pulong o ministeryo pero masakit naman tayong magsalita kapag mga kapamilya na lang natin ang kasama natin?—1 Ped. 3:7. w22.04 5 ¶4-5
Biyernes, Agosto 2
Ang mga ito ay mapopoot sa babaeng bayaran at gagawin nila siyang wasak at hubad, at uubusin nila ang laman niya at lubusan siyang susunugin.—Apoc. 17:16.
Inilagay ng Diyos sa puso ng 10 sungay at ng mabangis na hayop na gawin ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila. Oo, uudyukan ni Jehova ang mga bansa na gamitin ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ang United Nations, para salakayin ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon at lubusan itong puksain. (Apoc. 18:21-24) Ano ang kahulugan nito para sa atin? Kailangan nating panatilihin “ang uri ng pagsamba na malinis at walang dungis sa paningin ng ating Diyos.” (Sant. 1:27) Hinding-hindi natin hahayaang maimpluwensiyahan tayo ng huwad na mga turo, mga paganong selebrasyon, mababang moralidad, at ng espiritistikong mga gawain ng Babilonyang Dakila! At patuloy nating sasabihin sa mga tao na “lumabas . . . sa kaniya” para hindi sila madamay sa kasalanan niya sa harap ng Diyos.—Apoc. 18:4. w22.05 11 ¶17; 14 ¶18
Sabado, Agosto 3
Sasabihin ko ang tungkol sa ipinakitang tapat na pag-ibig ni Jehova.—Isa. 63:7.
Mga magulang, humanap ng mga pagkakataon na maturuan ang mga anak mo tungkol kay Jehova at sabihin sa kanila ang maraming bagay na ginawa niya para sa iyo. (Deut. 6:6, 7) Lalo itong kailangan kapag magkaiba ang relihiyon ng mga magulang at hindi kayo regular na nakakapag-aral ng Bibliya ng mga anak mo sa bahay. Sinabi ng sister na ni Christine: “Kakaunti lang ang pagkakataon ko na ipakipag-usap sa mga anak ko ang espirituwal na mga bagay. Kaya sinasamantala ko ang mga pagkakataong mayroon ako.” Isa pa, kapag nagkukuwento ka tungkol sa organisasyon ni Jehova at sa mga kapatid, positibong bagay ang sabihin mo. Huwag mong punahin ang mga elder. Makakatulong sa mga anak mo ang mga sasabihin mo sa kanila tungkol sa mga elder para lumapit sila sa mga elder kapag kailangan nila ng tulong. Itaguyod ang kapayapaan sa tahanan. Laging ipadama sa asawa at mga anak mo na mahal mo sila. Kapag nagkukuwento ka tungkol sa asawa mo, ipakita na iginagalang mo siya at turuan ang mga anak mo na ganoon din ang gawin. Kaya magkakaroon ng kapayapaan sa tahanan ninyo at magiging madali sa mga anak mo na tanggapin ang itinuturo mo tungkol kay Jehova.—Sant. 3:18. w22.04 18 ¶10-11
Linggo, Agosto 4
Alam ko ang mga ginagawa mo.—Apoc. 3:1.
Ipinakita ng mensahe ni Jesus sa kongregasyon sa Efeso na matiisin sila at patuloy silang naglingkod kay Jehova kahit sa mahihirap na sitwasyon. Pero naiwala nila ang pag-ibig na taglay nila noong una. Kailangan nilang maibalik ang pag-ibig na iyon—dahil kung hindi, hindi magiging katanggap-tanggap ang pagsamba nila. Sa ngayon, hindi lang pagtitiis ang kailangan natin. Kailangan nating magtiis nang may tamang dahilan. Interesado ang ating Diyos hindi lang sa kung ano ang ginagawa natin kundi kung bakit din natin ito ginagawa. Mahalaga sa kaniya ang motibo natin. Gusto niyang sambahin natin siya dahil mahal na mahal natin siya at pinapahalagahan. (Kaw. 16:2; Mar. 12:29, 30) Dapat na patuloy tayong maging gising at mapagbantay. Iba naman ang problema ng kongregasyon sa Sardis. Noong una, masigasig sila sa espirituwal. Pero nang bandang huli, pinabayaan nila ang paglilingkod nila sa Diyos. Sinabihan sila ni Jesus na kailangan nilang ‘gumising.’ Siyempre, hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginawa natin para sa kaniya.—Heb. 6:10; Apoc. 3:1-3. w22.05 3 ¶6-7
Lunes, Agosto 5
May pakinabang sa bawat pagsisikap.—Kaw. 14:23.
Sinabi ni Solomon na ang sayang nakukuha sa pagtatrabaho nang husto ay “regalo . . . ng Diyos.” (Ecles. 5:18, 19) Totoong-totoo kay Solomon ang mga salitang iyon. Isa siyang masikap na manggagawa. Nagtayo siya ng mga bahay, gumawa ng mga ubasan, hardin, at imbakan ng tubig. Nagtayo rin siya ng mga lunsod. (1 Hari 9:19; Ecles. 2:4-6) Mabibigat na trabaho iyon, at tiyak na naging masaya siya. Pero alam ni Solomon na para maging tunay na masaya, may kailangan pa siyang gawin. Marami rin siyang ginawa para kay Jehova. Halimbawa, pinangunahan niya ang pagtatayo ng napakagandang templo para sa pagsamba kay Jehova—isang pitong-taóng proyekto! (1 Hari 6:38; 9:1) Matapos magawa ni Solomon ang maraming bagay na ito, nakita niya na ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng isang tao ay ang paglilingkod kay Jehova. Isinulat niya: “Pagkatapos kong masabi ang lahat ng ito, ito ang punto: Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang mga utos niya.”—Ecles. 12:13. w22.05 22 ¶8
Martes, Agosto 6
Ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusan [na] nagpatawad sa inyo.—Efe. 4:32.
Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga tao na lubusang pinatawad ni Jehova. Sino ang naiisip mo? Pumasok siguro sa isip mo si Haring Manases. Grabe ang naging kasalanan kay Jehova ng napakasamang taong ito. Sumamba siya sa huwad na mga diyos at inimpluwensiyahan pa nga ang iba na gawin din iyon. Inihandog niya ang sarili niyang mga anak bilang hain sa huwad na mga diyos. At mas masama pa, naglagay siya ng diyos-diyusan sa banal na templo ni Jehova. Ganito ang sinabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Napakarami niyang ginawang masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.” (2 Cro. 33:2-7) Pero nang taos-pusong magsisi si Manases, lubusan siyang pinatawad ni Jehova. (2 Cro. 33:12, 13) Siguro naisip mo rin si Haring David. Nagkasala siya nang malubha kay Jehova kasi nangalunya siya at pumatay. Pero nang talagang magsisi si David at inamin ang pagkakamali niya, pinatawad din siya ni Jehova. (2 Sam. 12:9, 10, 13, 14) Kaya talagang gustong-gusto ni Jehova na magpatawad. w22.06 3 ¶7
Miyerkules, Agosto 7
Maging matiisin . . . kayo; patatagin ninyo ang puso ninyo.—Sant. 5:8.
Hindi laging madali na panatilihing matibay ang pag-asa natin. Baka mainip tayo habang naghihintay sa Diyos. Pero walang pasimula at wakas si Jehova, kaya ang maikling panahon sa kaniya ay mahabang panahon na para sa atin. (2 Ped. 3:8, 9) Tiyak na tutuparin niya ang ipinangako niya, pero baka hindi sa panahong inaasahan natin. Paano natin patuloy na papatibayin ang pag-asa natin habang naghihintay tayo na tuparin ng Diyos ang mga pangako niya? (Sant. 5:7, 8) Mananatili tayong malapít kay Jehova, ang tumitiyak na matutupad ang pag-asa natin. Sa Bibliya, magkaugnay ang pag-asa at ang pananampalatayang umiiral si Jehova at na siya ang “nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.” (Heb. 11:1, 6) Habang mas nagiging totoo sa atin si Jehova, mas tumitibay ang pagtitiwala natin na tutuparin niya ang mga ipinangako niya. Para mapanatiling matibay ang pag-asa natin dapat tayong manalangin kay Jehova, at basahin ang Salita niya. Kahit hindi natin nakikita si Jehova, puwede tayong maging malapít sa kaniya. Puwede natin siyang kausapin sa panalangin, at alam natin na pinapakinggan niya tayo.—Jer. 29:11, 12. w22.10 26-27 ¶11-13
Huwebes, Agosto 8
Nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na ipinanganak siya.—Job 3:1.
Naiisip ba ninyo ang kalagayan ni Job? Habang nakaupo siya sa abo, iniinda niya ang sakit niya. (Job 2:8) Pagkatapos, patuloy na pinapalabas ng mga kasamahan niya na masamang tao siya at walang halaga ang mga nagawa niya. Napakabigat ng pinagdadaanan ni Job. At nagdadalamhati pa siya sa pagkamatay ng mga anak niya. Noong una, nananahimik lang si Job. (Job 2:13) Baka iniisip ng mga kasamahan ni Job na malapit na niyang talikuran si Jehova, pero nagkamali sila. Sinabi ni Job: “Mananatili akong tapat hanggang kamatayan!” (Job 27:5) Posibleng tumingala si Job at tiningnan ang mga di-tunay na kaibigan niya nang sabihin niya ito. Saan humugot si Job ng lakas at tibay ng loob sa kabila ng mga pagdurusa niya? Kahit lugmok na lugmok na si Job, hindi siya nawalan ng pag-asa na darating ang panahon na tatapusin din ng Diyos ang lahat ng pagdurusa niya. Alam niya na kahit mamatay siya, bubuhayin siyang muli ni Jehova.—Job 14:13-15. w22.06 22 ¶9
Biyernes, Agosto 9
Manalangin kayo sa ganitong paraan: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo.”—Mat. 6:9, 10.
Napakagandang pribilehiyo ang ibinigay sa atin ng Maylalang ng langit at lupa—ang lumapit sa kaniya sa panalangin. Isipin ito: Puwede nating sabihin ang nilalaman ng puso natin kay Jehova anumang oras at anumang wika. Puwede tayong manalangin sa kaniya kahit nasa ospital tayo o nasa bilangguan, at nagtitiwala tayo na pakikinggan tayo ng ating mapagmahal na Ama. Talagang pinapahalagahan natin ang pribilehiyong ito. Pinahalagahan ni Haring David ang pribilehiyong manalangin. Umawit siya kay Jehova: “Ang panalangin ko nawa ay maging gaya ng inihandang insenso sa harap mo.” (Awit 141:1, 2) Noong panahon ni David, maingat na inihahanda ng mga saserdote ang sagradong insenso na ginagamit sa tunay na pagsamba. (Ex. 30:34, 35) Nang banggitin ni David ang tungkol sa insenso, ipinapakita niya na gusto niyang pag-isipang mabuti ang mga sasabihin niya sa kaniyang Ama sa langit. Iyan din ang gustong-gusto nating gawin. Gusto nating mapasaya si Jehova sa mga panalangin natin. w22.07 20 ¶1-2; 21 ¶4
Sabado, Agosto 10
“Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,” sabi ni Jehova.—Roma 12:19.
Kay Jehova ang paghihiganti. Hindi tayo binigyan ni Jehova ng awtoridad na maghiganti kapag may nagkakasala sa atin. (Roma 12:20, 21) Dahil hindi tayo perpekto at limitado lang ang nalalaman natin, wala tayong kakayahang humatol nang tama, di-gaya ng Diyos. (Heb. 4:13) At kung minsan, dahil sa emosyon natin, nahihirapan tayong makagawa ng tamang paghatol. Ipinasulat ni Jehova kay Santiago: “Ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.” (Sant. 1:20) Talagang makakatiyak tayo na gagawin ni Jehova ang tama at ilalapat niya ang katarungan. Kapag nagpapatawad tayo, ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa katarungan ni Jehova. Kung ipapaubaya natin kay Jehova ang mga bagay-bagay, ipinapakita nating nagtitiwala tayo na kayang ayusin ni Jehova ang lahat ng problemang idinulot ng kasalanan. Sa ipinangako niyang bagong sanlibutan, “hindi na maaalaala pa” ang masasakit na alaalang naranasan natin, at “mawawala na ang mga ito sa puso” natin nang lubusan.—Isa. 65:17. w22.06 10-11 ¶11-12
Linggo, Agosto 11
Kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.—Mat. 24:9.
Ang totoo, kapag kinapopootan tayo ng mga tao, patunay iyan na sinasang-ayunan tayo ni Jehova. (Mat. 5:11, 12) Si Satanas ang nasa likod ng mga pagsalansang na ito. Pero walang-wala siya kung ikukumpara kay Jesus! Sa tulong ni Jesus, naririnig ng mga tao sa lahat ng bansa ang mabuting balita. Tingnan natin ang ebidensiya. Isang hamon para sa mga mángangarál ng Kaharian ang pagkakaiba-iba ng wika. Sa pangitain na ibinigay kay apostol Juan, inihula ni Jesus na sa panahon natin, maipapangaral pa rin ang mabuting balita sa kabila ng hadlang na iyan. (Apoc. 14:6, 7) Paano? Binibigyan natin ang maraming tao hangga’t posible ng pagkakataon na tumugon sa mensahe ng Kaharian. Ngayon, nababasa ng mga tao sa buong mundo ang mga impormasyon mula sa Bibliya sa jw.org sa mahigit 1,000 wika! Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na isalin sa mahigit 700 wika ang Masayang Buhay Magpakailanman, ang aklat na ginagamit natin sa paggawa ng alagad. w22.07 9 ¶6-7
Lunes, Agosto 12
May tagumpay kapag marami ang tagapayo.—Kaw. 11:14.
Naawa si Jesus sa mga tao. Sinabi ng apostol na si Mateo: “Pagkakita sa napakaraming tao, naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Ano naman ang naramdaman ni Jehova? Sinabi ni Jesus: “Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.” (Mat. 18:14) Ipinapakita nito na mahal na mahal tayo ni Jehova! Habang mas nakikilala natin si Jesus, lalong lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova. Mas magiging mapagmahal ka at may-gulang na Kristiyano kung makikisama ka sa mga may-gulang na kapatid sa inyong kongregasyon. Napakasaya nila at hindi sila nagsisisi sa desisyon nilang paglingkuran si Jehova. Pagkuwentuhin mo sila ng mga karanasan nila sa paglilingkod. Kung may gagawin kang mahalagang desisyon, hingan mo sila ng payo. Tandaan na “may tagumpay kapag marami ang tagapayo.” w22.08 3 ¶6-7
Martes, Agosto 13
Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid.—1 Ped. 3:12.
Lahat tayo ay dumaranas ng pagsubok. Pero hindi natin kailangang solohin ang mga pagsubok. Gaya ng isang maibiging ama, lagi tayong binabantayan ni Jehova. Lagi natin siyang kasama, handang makinig kapag humihingi tayo ng tulong, at gustong-gusto niya tayong tulungan. (Isa. 43:2) Kumbinsido tayo na makakayanan natin ang mga pagsubok dahil ibinibigay niya ang lahat ng kailangan natin para makapagtiis. Ibinigay niya sa atin ang Bibliya, ang pribilehiyong manalangin, ang saganang espirituwal na pagkain, at ang maibiging mga kapatid para tulungan tayo sa panahon ng pangangailangan. Laking pasasalamat natin na binabantayan tayo ng ating Ama sa langit! “Nagsasaya ang puso natin dahil sa kaniya.” (Awit 33:21) Maipapakita natin kay Jehova na pinapahalagahan natin ang maibiging pangangalaga niya kung sasamantalahin natin ang lahat ng paglalaan niya para tulungan tayo. Kailangan din nating gawin ang bahagi natin para manatili sa pangangalaga ng Diyos. Sa ibang salita, kung gagawin natin ang lahat para sundin siya at gagawin ang tama sa paningin niya, babantayan niya tayo magpakailanman! w22.08 13 ¶15-16
Miyerkules, Agosto 14
Katotohanan ang diwa ng salita mo.—Awit 119:160.
Marami sa ngayon ang nahihirapang magtiwala sa iba. Hindi nila alam kung kanino sila magtitiwala. Hindi sila sigurado kung talagang iniisip ng mga taong pinagkakatiwalaan nila, gaya ng mga politiko, siyentipiko, at negosyante ang kapakanan nila. Wala rin silang tiwala sa mga lider ng relihiyon na nagsasabing mga Kristiyano sila pero hindi naman nila sinusunod ang Bibliya. Kaya hindi na nakakapagtakang nahihirapang maniwala sa Bibliya ang mga tao. Bilang mga lingkod ni Jehova, kumbinsido tayo na siya ang “Diyos ng katotohanan” at laging pinakamabuti ang gusto niya para sa atin. (Awit 31:5; Isa. 48:17) Alam nating makakapagtiwala tayo sa mga nababasa natin sa Bibliya. Sang-ayon tayo sa isinulat ng isang iskolar ng Bibliya: “Walang sinabi ang Diyos na mali o hindi matutupad. Makakapagtiwala ang bayan ng Diyos sa sinasabi niya dahil nagtitiwala sila sa Diyos na nagsabi nito.” w23.01 2 ¶1-2
Huwebes, Agosto 15
Isipin natin ang isa’t isa.—Heb. 10:24.
Kailangan din nating patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid kay Jehova. Tinutuya ang ilan ng mga di-mánanampalatayá. Ang iba ay may malalang sakit o nasaktan ng iba ang damdamin nila. Ang iba naman ay matagal nang naghihintay na matapos ang sistemang ito. Sa ganitong mga sitwasyon, nasusubok ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Ganiyan din ang naranasan ng mga kapatid noong unang siglo. Ginamit ni apostol Pablo ang Kasulatan para patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid. Halimbawa, baka hindi alam ng mga Kristiyanong Judio ang isasagot nila sa mga di-sumasampalatayang kapamilya nila na nagsasabing nakahihigit ang Judaismo sa Kristiyanismo. Tiyak na napatibay nang husto ang mga Kristiyanong iyon sa liham ni Pablo sa mga Hebreo. (Heb. 1:5, 6; 2:2, 3; 9:24, 25) Nakatulong ang mapuwersang mga pangangatuwiran niya para malaman nila ang sasabihin sa mga sumasalansang sa kanila. w22.08 23-24 ¶12-14
Biyernes, Agosto 16
Pinagpala ang taong kay Jehova nagtitiwala.—Jer. 17:7.
Hindi alam ng mga tao sa sanlibutan ni Satanas kung kanino magtitiwala. Lagi kasi silang nadidismaya sa ginagawa ng mga negosyante, politiko, at lider ng relihiyon. Marami rin ang nahihirapang magtiwala sa mga kaibigan nila, kapuwa, at kahit kapamilya pa nga. Hindi iyan nakakapagtaka. Inihula ng Bibliya: “Sa mga huling araw, . . . ang mga tao ay magiging . . . di-tapat, . . . maninirang-puri, . . . taksil.” Ibig sabihin, ang mga tao ay magiging gaya ng diyos ng sistemang ito na hindi mapagkakatiwalaan. (2 Tim. 3:1-4; 2 Cor. 4:4) Bilang mga Kristiyano, alam natin na makakapagtiwala tayo nang lubos kay Jehova. Sigurado tayo na mahal niya tayo at na “hindi [niya] kailanman iiwan” ang mga kaibigan niya. (Awit 9:10) Makakapagtiwala rin tayo kay Kristo Jesus dahil ibinigay niya ang buhay niya para sa atin. (1 Ped. 3:18) Personal din nating naranasan ang tulong ng mga payo ng Bibliya.—2 Tim. 3:16, 17. w22.09 2 ¶1-2
Sabado, Agosto 17
Maligaya ang lahat ng natatakot kay Jehova at lumalakad sa Kaniyang mga daan.—Awit 128:1.
Ang pagiging tunay na maligaya ay hindi lang basta masayang pakiramdam na madaling mawala. Puwede tayong maging masaya habambuhay. Paano? Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” (Mat. 5:3) Alam ni Jesus na nilalang ang mga tao na may matinding pagnanais na makilala at sambahin ang kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova. At dahil “maligayang Diyos” si Jehova, puwede ring maging masaya ang mga sumasamba sa kaniya. (1 Tim. 1:11) Magiging masaya lang ba tayo kung wala tayong problema? Hindi. Sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok na kahit ang “mga nagdadalamhati” ay puwedeng maging maligaya. Sinabi pa ni Jesus na puwede ring maging maligaya ang “mga pinag-uusig sa paggawa ng tama.” (Mat. 5:4, 10, 11) Itinuturo sa atin ni Jesus na ang pagiging maligaya ay hindi nakadepende sa pagkakaroon ng magandang kalagayan kundi sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos.—Sant. 4:8. w22.10 6 ¶1-3
Linggo, Agosto 18
Ang taong may malawak na kaunawaan ay nananatiling tahimik.—Kaw. 11:12.
Kapag may kaunawaan ang isang Kristiyano, alam niya kung kailan ‘tatahimik’ at ‘magsasalita.’ (Ecles. 3:7) Sa ilang kultura, may kasabihan na “kung ang pagsasalita ay pilak, ginto naman ang pagtahimik.” Ibig sabihin, may panahon na mas mabuting manahimik kaysa sa magsalita. Tingnan ang isang halimbawa. Isang makaranasang elder ang madalas na hinihilingang tumulong sa paghawak sa mga problema ng ibang kongregasyon. Ganito ang sinabi ng isang elder tungkol sa kaniya: “Wala kang maririnig sa kaniya tungkol sa kompidensiyal na mga bagay ng ibang kongregasyon.” Dahil may kaunawaan ang elder na ito, iginagalang siya ng ibang elder sa kanilang kongregasyon. Sigurado silang hindi niya sasabihin sa iba ang kanilang kompidensiyal na mga bagay. Makakatulong din ang pagiging tapat para pagtiwalaan tayo. Nagtitiwala tayo sa isang taong tapat kasi alam natin na lagi siyang nagsasabi ng totoo.—Efe. 4:25; Heb. 13:18. w22.09 12 ¶14-15
Lunes, Agosto 19
Walang karunungan, kaunawaan, o payo na makalalaban kay Jehova.—Kaw. 21:30.
Marami ang nagbibingi-bingihan kapag “sumisigaw sa lansangan” ang tunay na karunungan. Ayon sa Bibliya, may tatlong grupo ng mga tao na tumatanggi sa karunungan: “walang karanasan,” “manunuya,” at “mangmang.” (Kaw. 1:22-25) Ang mga “walang karanasan” ay mapaniwalain at madaling dayain. (Kaw. 14:15) Halimbawa, milyon-milyon ang nadadaya ng mga lider ng relihiyon o politiko. Nagugulat ang ilan kapag nalaman nila na nadaya sila ng mga ito. Pero pinili ng mga walang karanasan na binanggit sa Kawikaan 1:22 na manatiling ganoon. (Jer. 5:31) Ayaw nilang malaman ang sinasabi ng Bibliya o sundin ang mga utos nito. Siguradong ayaw nating matulad sa mga gustong maging walang alam!—Kaw. 1:32; 27:12. w22.10 19 ¶5-7
Martes, Agosto 20
Magpasakop kayo sa bawat gawa ng tao.—1 Ped. 2:13.
Nagbibigay sa atin ang organisasyon ng Diyos ng mga tagubilin para manatili tayong ligtas. Palagi tayong pinapaalalahanan na ibigay ang ating contact information sa mga elder para matawagan nila tayo sa panahon ng emergency. Baka makatanggap din tayo ng tagubilin na manatili sa bahay, mag-evacuate, kumuha ng suplay o kung paano at kailan puwedeng tumulong sa iba. Kung hindi tayo susunod, baka manganib ang buhay natin at ng mga elder na nagbabantay sa atin. (Heb. 13:17) Marami sa mga kapatid na lumikas dahil sa sakuna o kaguluhan sa lipunan ang mabilis na nakapag-adjust sa bago nilang kalagayan at agad na nakibahagi sa espirituwal na mga gawain. Gaya ng sinaunang mga Kristiyano na nangalat dahil sa pag-uusig, patuloy nilang “inihayag . . . ang mabuting balita ng salita ng Diyos.” (Gawa 8:4) Nakatulong ang pangangaral para makapagpokus sila sa Kaharian hindi sa mahihirap nilang sitwasyon. Dahil diyan, nanatili silang masaya at payapa. w22.12 19 ¶12-13
Miyerkules, Agosto 21
Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot.—Awit 118:6.
Mahalaga kay Jehova ang bawat isa sa atin. Bago isugo ni Jesus ang mga apostol niya para mangaral, tinulungan niya silang madaig ang takot nila sa pag-uusig. (Mat. 10:29-31) Paano? Binanggit niya ang isang karaniwang ibon sa Israel: ang maya. Napakaliit ng halaga ng mga ibong ito noong panahon ni Jesus. Pero sinabi niya sa mga alagad niya: “Walang isa man sa mga ito ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.” Pagkatapos, sinabi niya: “Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” Sinisigurado ni Jesus sa mga alagad niya na mahalaga kay Jehova ang bawat isa sa kanila. Kaya wala silang dahilan para matakot sa pag-uusig. Habang nangangaral ang mga alagad, siguradong naaalala nila ang itinuro ni Jesus kapag nakakakita sila ng mga maya. Kaya kapag nakakakita ka ng maliit na ibon, tandaan na mahal na mahal ka ni Jehova kasi ‘mas mahalaga ka kaysa sa maraming maya.’ Hindi ka dapat matakot sa pag-uusig kasi tutulungan ka niya. w23.03 18 ¶12
Huwebes, Agosto 22
Dahil sa inyo, namuhi sa amin ang Paraon at ang mga lingkod niya, at naglagay kayo ng espada sa kamay nila para patayin kami.—Ex. 5:21.
Kung minsan, nagkakaroon tayo ng mga problema—posibleng sinasalansang tayo ng kapamilya o nawalan tayo ng trabaho. Kapag nagtatagal ang problema natin, baka mawalan tayo ng pag-asa at panghinaan ng loob. Sinasamantala ni Satanas ang ganitong mga pagkakataon para isipin nating hindi tayo mahal ni Jehova. Gusto ng Diyablo na isipin nating si Jehova o ang organisasyon Niya ang dahilan kung bakit tayo nagdurusa. Ganiyan ang nangyari sa ilang Israelita sa Ehipto. Noong una, naniwala sila na inatasan ni Jehova sina Moises at Aaron para iligtas sila mula sa pagkaalipin. (Ex. 4:29-31) Pero nang pahirapan sila ng Paraon, isinisi nila kina Moises at Aaron ang problema nila. (Ex. 5:19, 20) Sinisi nila ang tapat na mga lingkod ng Diyos. Napakalungkot nga! Kung matagal ka nang nagdurusa dahil sa mga problema, ibuhos kay Jehova ang laman ng puso mo sa panalangin at umasa sa tulong niya. w22.11 15 ¶5-6
Biyernes, Agosto 23
Sinasabi ko sa inyo, nagsisimula na ang panahon kung kailan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nagbigay-pansin ay mabubuhay.—Juan 5:25.
Si Jehova ang Tagapagbigay-Buhay at may kapangyarihan siyang buhaying muli ang mga namatay. Binigyan niya ng kapangyarihan si propeta Elias para buhaying muli ang anak na lalaki ng biyuda sa Zarepat. (1 Hari 17:21-23) Nang maglaon, sa tulong ng Diyos, binuhay-muli ni propeta Eliseo ang anak na lalaki ng babaeng Sunamita. (2 Hari 4:18-20, 34-37) Ipinapakita ng mga ulat na iyan at ng iba pang pagkabuhay-muli na may kapangyarihan si Jehova na bumuhay ng mga patay. Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya na binigyan siya ng ganiyang kapangyarihan ng kaniyang Ama. (Juan 11:23-25, 43, 44) Nasa langit na si Jesus ngayon at ibinigay na sa kaniya ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” Kaya may kakayahan siyang tuparin ang pangako ng Diyos na ang “lahat ng nasa mga libingan” ay bubuhaying muli at may pag-asa silang mabuhay magpakailanman.—Mat. 28:18; Juan 5:26-29. w22.12 5 ¶10
Sabado, Agosto 24
Hindi makikinig sa iyo ang sambahayan ng Israel, dahil ayaw nilang makinig sa akin.—Ezek. 3:7.
Hindi lang si Ezekiel ang tinanggihan ng mga tao, kundi tinanggihan din nila si Jehova. Tiyak na napatibay si Ezekiel sa pananalita ng teksto sa araw na ito kasi nangangahulugan ito na hindi siya nabigo bilang propeta. Tiniyak din ni Jehova kay Ezekiel na kapag nangyari na ang mga hatol niya sa mga tao, “malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.” (Ezek. 2:5; 33:33) Siguradong napatibay si Ezekiel at napalakas siya para magawa ang ministeryo niya. Napapatibay rin tayo dahil alam nating isinugo tayo ni Jehova. Binigyan niya tayo ng dangal nang tawagin niya tayo na “mga saksi” niya. (Isa. 43:10) Napakalaki ngang pribilehiyo iyan! Gaya ng sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Huwag kang matakot,” sinasabi rin sa atin ni Jehova: “Huwag kayong matakot.” (Ezek. 2:6) Bakit hindi tayo dapat matakot sa mga sumasalansang sa atin? Dahil gaya ni Ezekiel, isinugo tayo ni Jehova at kasama natin Siya.—Isa. 44:8. w22.11 3 ¶4-5
Linggo, Agosto 25
Ang mapagkakatiwalaan ay marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay.—Kaw. 11:13.
Pinapahalagahan natin ngayon ang mapagkakatiwalaang mga elder at ministeryal na lingkod. Talagang pinangangalagaan tayo ng tapat na mga brother na ito, at ipinagpapasalamat natin ito kay Jehova! Pero paano naman natin patutunayan na mapagkakatiwalaan tayo? Mahal natin ang mga kapatid at interesado tayo sa kapakanan nila. Pero dapat tayong maging balanse at igalang ang personal na buhay nila. May ilan sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo na ‘mga tsismosa, mapanghimasok sa buhay ng iba, at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin.’ (1 Tim. 5:13) Tiyak na ayaw nating maging katulad nila. Pero paano kung may magsabi sa atin ng personal na mga bagay at sabihan tayong huwag itong sabihin sa iba? Halimbawa, baka sinabi sa atin ng isang sister ang tungkol sa kalusugan niya o ang mga pinagdadaanan niya, at sinabing huwag natin itong sabihin sa iba. Dapat nating igalang ang kahilingan niya. w22.09 10 ¶7-8
Lunes, Agosto 26
Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.—Roma 12:2.
Ang ‘pagbabago ng pag-iisip’ ay hindi lang basta paggawa ng ilang mabubuting bagay sa buhay natin. Sa halip, dapat nating suriin kung sino talaga tayo at gumawa ng kinakailangang pagbabago sa abot ng makakaya natin para makapamuhay tayo ayon sa mga pamantayan ni Jehova. At dapat natin itong patuloy na gawin, hindi lang minsan. Kapag perpekto na tayo, lagi na nating mapapasaya si Jehova sa lahat ng ginagawa natin. Pero hangga’t hindi pa nangyayari iyan, kailangan nating patuloy na magsikap para mapasaya si Jehova. Sa Roma 12:2, pansinin na sinabi ni Pablo na kailangan nating baguhin ang pag-iisip natin para malaman kung ano ang gusto ng Diyos na gawin natin. Imbes na basta na lang magpaimpluwensiya sa masamang sanlibutang ito, dapat nating suriin ang sarili natin kung talagang nagpapaimpluwensiya tayo sa kaisipan ng Diyos—hindi sa kaisipan ng sanlibutan—pagdating sa mga tunguhin at desisyon natin. w23.01 8-9 ¶3-4
Martes, Agosto 27
Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya. Hindi niya kailanman hahayaang mabuwal ang matuwid.—Awit 55:22.
Nakikialam ba si Jehova sa lahat ng nangyayari sa atin? Minamaniobra ba niya ang bawat pangyayari sa buhay natin para magkaroon ng magagandang resulta ang masasamang bagay na nangyayari? Hindi, walang sinasabing ganiyan sa Bibliya. (Ecles. 8:9; 9:11) Pero alam natin na kapag may pinagdaraanan tayo, alam iyon ni Jehova at naririnig niya ang paghingi natin ng tulong. (Awit 34:15; Isa. 59:1) Higit pa riyan, tinutulungan tayo ni Jehova na makayanan ang mga problemang iyon. Paano? Inaaliw tayo at pinapatibay ni Jehova, at madalas na ibinibigay niya ang mga tulong na ito sa tamang panahon. (2 Cor. 1:3, 4) May panahon ba sa buhay mo na binigyan ka ni Jehova ng kaaliwan at pampatibay noong kailangang-kailangan mo ito? Kadalasan nang nakikita lang natin ang tulong ni Jehova kapag natapos na ang problema. w23.01 17-18 ¶13-15
Miyerkules, Agosto 28
Ang mabangis na hayop na umiral pero wala na . . . ay patungo sa pagkapuksa.—Apoc. 17:11.
Ang mabangis na hayop na ito ay halos katulad ng mabangis na hayop na may pitong ulo pero kulay-iskarlata ito. Tinawag itong “estatuwa ng mabangis na hayop” at inilarawan bilang “ikawalong hari.” (Apoc. 13:14, 15; 17:3, 8) Ang ‘haring’ ito ay sinasabing umiral, nawala, at babalik. Tamang-tama ang paglalarawang iyan sa United Nations, isang organisasyon na nagtataguyod sa lahat ng gobyerno ng tao! Noon, tinawag itong Liga ng mga Bansa. Pagkatapos, nawala ito noong Digmaang Pandaigdig II. At nang maglaon, bumalik ito bilang United Nations. Gamit ang kanilang propaganda, iniimpluwensiyahan ng mababangis na hayop o mga gobyerno ang mga tao na salansangin si Jehova at ang kaniyang bayan. Sinabi ni Juan na para bang tinitipon nila ang “mga hari ng buong lupa” sa digmaan ng Armagedon, ang “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.”—Apoc. 16:13, 14, 16. w22.05 10 ¶10-11
Huwebes, Agosto 29
Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?—Luc. 10:26.
Dumating ang panahon na si Jesus na mismo ang nagbabasa ng Banal na mga Kasulatan. Hindi lang naging bihasa si Jesus sa Kasulatan kundi minahal niya rin ito at hinayaan niyang maimpluwensiyahan nito ang buhay niya. Halimbawa, tingnan ang nangyari sa templo noong 12 taóng gulang pa lang si Jesus. “Hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot” ang mga guro na bihasa sa Kautusang Mosaiko. (Luc. 2:46, 47, 52) Habang regular nating binabasa ang Salita ng Diyos, matututo rin tayo at mamahalin natin ito. May matututuhan tayo sa mga sinabi ni Jesus sa mga taong pamilyar sa Kautusan, gaya ng mga eskriba, Pariseo, at Saduceo. Madalas nilang binabasa ang Kasulatan, pero hindi sila nakinabang sa binabasa nila. Sinabi ni Jesus ang tatlong bagay na dapat ginawa ng mga lalaking ito para nakinabang sana sila nang lubusan sa Kasulatan. Makakatulong sa atin ang mga sinabi niya sa kanila para (1) mas maunawaan ang binabasa natin, (2) mas makahanap ng mahahalagang aral, at (3) mas magpaimpluwensiya sa Salita ng Diyos. w23.02 8-9 ¶2-3
Biyernes, Agosto 30
Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago.—Kaw. 22:3.
Kasama sa mga dapat nating iwasan ang flirting, sobrang pag-inom at pagkain, at pagsasabi ng masasakit na salita, pati na ang mararahas na libangan, pornograpya, at iba pang katulad nito. (Awit 101:3) Palaging naghahanap ang Diyablo ng mga pagkakataon para sirain ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova. (1 Ped. 5:8) Kapag hindi tayo naging mapagbantay, puwedeng itanim ni Satanas sa isip at puso natin ang inggit, kawalang-katapatan, kasakiman, galit, pride, at hinanakit. (Gal. 5:19-21) Kung hindi natin agad aalisin ang mga iyon, lalala iyon at mapapahamak tayo. (Sant. 1:14, 15) Ang isang panganib na baka hindi agad natin mapansin ay ang masasamang kasama. Dapat nating tandaan na malakas ang impluwensiya sa atin ng mga kasama natin. (1 Cor. 15:33) Kung bibigyang-pansin natin ang sarili natin, iiwasan natin ang di-kinakailangang pakikipagsamahan sa mga hindi sumusunod sa pamantayan ni Jehova. (Luc. 21:34; 2 Cor. 6:15) Makikita rin natin ang panganib at maiiwasan ito. w23.02 16 ¶7; 17 ¶10-11
Sabado, Agosto 31
Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya.—1 Juan 5:3.
Lalo mong minamahal si Jehova habang mas nakikilala mo siya. Siguradong gusto mong mas mapalapit sa kaniya, ngayon at magpakailanman. At posible iyan! Gusto niya na pasayahin mo ang puso niya. (Kaw. 23:15, 16) Magagawa mo iyan hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Makikita sa pamumuhay mo na talagang mahal mo si Jehova. Iyan ang pinakamagandang tunguhin na puwede mong abutin. Paano mo maipapakitang mahal mo si Jehova? Una, manalangin ka para ialay ang buhay mo sa kaniya. (Awit 40:8) Pagkatapos, magpabautismo ka para malaman ng iba na nakaalay ka na sa kaniya. Napakasaya at napakaespesyal na araw ang bautismo mo. Magbabago na ang buhay mo—mamumuhay ka na para kay Jehova at hindi na para sa sarili mo. (Roma 14:8; 1 Ped. 4:1, 2) Mukhang napakaseryosong desisyon niyan, at totoo naman. Pero iyan ang magbibigay sa iyo ng pinakamasayang buhay. w23.03 5-6 ¶14-15