Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 88-98
  • Setyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Setyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Linggo, Setyembre 1
  • Lunes, Setyembre 2
  • Martes, Setyembre 3
  • Miyerkules, Setyembre 4
  • Huwebes, Setyembre 5
  • Biyernes, Setyembre 6
  • Sabado, Setyembre 7
  • Linggo, Setyembre 8
  • Lunes, Setyembre 9
  • Martes, Setyembre 10
  • Miyerkules, Setyembre 11
  • Huwebes, Setyembre 12
  • Biyernes, Setyembre 13
  • Sabado, Setyembre 14
  • Linggo, Setyembre 15
  • Lunes, Setyembre 16
  • Martes, Setyembre 17
  • Miyerkules, Setyembre 18
  • Huwebes, Setyembre 19
  • Biyernes, Setyembre 20
  • Sabado, Setyembre 21
  • Linggo, Setyembre 22
  • Lunes, Setyembre 23
  • Martes, Setyembre 24
  • Miyerkules, Setyembre 25
  • Huwebes, Setyembre 26
  • Biyernes, Setyembre 27
  • Sabado, Setyembre 28
  • Linggo, Setyembre 29
  • Lunes, Setyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 88-98

Setyembre

Linggo, Setyembre 1

Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya.​—Sant. 1:26.

Kapag ginagamit natin nang tama ang kakayahan nating magsalita, ipinapakilala natin na mananamba tayo ni Jehova. Natutulungan natin ang iba na makita ang pagkakaiba ng “naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Ganiyan ang naging karanasan ng sister na si Kimberly. Nakasama niya sa isang project sa paaralan ang isa niyang kaklase. Nang matapos nila ang project, napansin ng kaklase niya na ibang-iba si Kimberly sa ibang mga estudyante. Hindi niya sinisiraan ang iba, lagi siyang mabait makipag-usap, at hindi siya nagmumura. Humanga ang kaklase ni Kimberly sa kaniya at pumayag itong mag-aral ng Bibliya. Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova kapag naaakay natin sa katotohanan ang iba dahil sa paraan natin ng pagsasalita! Gusto nating magsalita sa paraang magbibigay ng kapurihan kay Jehova. w22.04 5-6 ¶5-7

Lunes, Setyembre 2

Ginagamit ng mga babaeng ito ang sarili nilang pag-aari para maglingkod sa kanila.​—Luc. 8:3.

Pinalayas ni Jesus kay Maria Magdalena ang pitong demonyo na sumapi sa katawan niya! Sa laki ng pasasalamat niya, naging tagasunod siya ni Jesus at sinuportahan niya siya sa ministeryo. (Luc. 8:​1-3) Ganoon na lang ang pagpapahalaga ni Maria sa ginawa ni Jesus para sa kaniya kahit hindi niya alam na higit pa roon ang gagawin ni Jesus. Ibibigay ni Jesus ang buhay niya “para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya” ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Sa pananatiling tapat ni Maria, ipinakita niyang nagpapasalamat siya kay Jesus. Noong nasa pahirapang tulos si Jesus, naroon si Maria para damayan siya at ang iba. (Juan 19:25) Nang mamatay si Jesus, nagpunta si Maria at ang dalawa pang babae sa libingan ni Jesus at nagdala ng mababangong sangkap para ipahid sa katawan niya. (Mar. 16:​1, 2) Tuwang-tuwa si Maria nang makita niya at makausap ang binuhay-muling si Jesus—isang pribilehiyo na hindi naranasan ng maraming alagad.​—Juan 20:​11-18. w23.01 27 ¶4

Martes, Setyembre 3

Ang gusto ko sana ay malamig ka o kaya ay mainit.​—Apoc. 3:15.

Hindi natin dapat isipin na dahil naglingkod na tayo kay Jehova noon, hindi na tayo kailangang maglingkod sa kaniya ngayon. Kahit mas marami tayong limitasyon ngayon, kailangan na lagi tayong maraming “ginagawa para sa Panginoon,” na nananatiling gising at mapagbantay hanggang sa wakas. (1 Cor. 15:58; Mat. 24:13; Mar. 13:33) Dapat na maging masigasig tayo sa ating pagsamba kay Jehova at gawin ito nang buong puso. Makikita sa mensahe ni Jesus na may problema rin ang mga taga-Laodicea. “Maligamgam” ang pagsamba nila. Dahil dito, sinabi ni Jesus na “miserable at kaawa-awa” ang kalagayan nila. Kailangan nilang maging masigasig sa pagsamba nila kay Jehova. (Apoc. 3:​16, 17, 19) Ano ang aral para sa atin? Kapag nababawasan ang sigasig natin, kailangan nating maging mas mapagpahalaga sa lahat ng mabubuting bagay na inilalaan sa atin ni Jehova at ng organisasyon niya. (Apoc. 3:18) Hindi natin dapat hayaan na maging pangalawahin sa buhay natin ang pagsamba kay Jehova dahil lang sa kagustuhan nating magkaroon ng magandang buhay. w22.05 3-4 ¶7-8

Miyerkules, Setyembre 4

Isang aklat ng alaala ang isinulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova.​—Mal. 3:16.

Libo-libong taon nang may isinusulat na isang espesyal na aklat si Jehova. Listahan ito ng mga pangalan, at ang unang nakasulat dito ay ang pangalan ng tapat na saksing si Abel. (Luc. 11:​50, 51) Mula noon, naglalagay na si Jehova ng mga pangalan sa aklat na ito, at sa ngayon, milyon-milyon na ang nakasulat dito. Ang aklat na iyan ay tinatawag ng Bibliya na “aklat ng alaala,” “aklat ng buhay,” at “balumbon ng buhay.” (Mal. 3:16; Apoc. 3:5; 17:8) Nakasulat sa espesyal na aklat na ito ang pangalan ng lahat ng sumasamba kay Jehova nang may takot, o matinding paggalang, at nagpapahalaga sa pangalan niya. May pagkakataon silang mabuhay nang walang hanggan. Puwedeng mapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyan kung magkakaroon tayo ng malapít na kaugnayan kay Jehova salig sa haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 3:​16, 36) Gusto nating lahat na mapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyan—sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin. w22.09 14 ¶1-2

Huwebes, Setyembre 5

Ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre.​—Apoc. 20:10.

May sinasabi ang aklat ng Apocalipsis tungkol sa “isang malaki at kulay-apoy na dragon.” (Apoc. 12:3) Nakipaglaban ang dragon na ito kay Jesus at sa kaniyang mga anghel. (Apoc. 12:​7-9) Sinasalakay nito ang bayan ng Diyos, at binibigyan nito ng kapangyarihan ang mababangis na hayop o ang mga gobyerno. (Apoc. 12:17; 13:4) Sino ang dragon na ito? Siya “ang orihinal na ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apoc. 12:9; 20:2) Siya ang kumokontrol sa lahat ng iba pang kaaway ni Jehova. Ano ang mangyayari sa dragon? Sinasabi ng Apocalipsis 20:​1-3 na ihahagis ng isang anghel si Satanas sa kalaliman. Katulad ito ng isang bilangguan para sa kaniya. Habang nasa kalaliman si Satanas, ‘hindi na niya maililigaw ang mga bansa hanggang sa matapos ang 1,000 taon.’ Pagkatapos, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ihahagis sa “lawa ng apoy at asupre.” Ibig sabihin, lubusan silang pupuksain. Isip-isipin na lang kapag wala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Napakasaya ngang panahon iyon! w22.05 14 ¶19-20

Biyernes, Setyembre 6

Magtrabaho siya nang husto at nang marangal para may maibahagi siya sa nangangailangan.​—Efe. 4:28.

Masikap na manggagawa si Jesus. Noong nasa kabataan pa siya, nagtrabaho siya bilang karpintero. (Mar. 6:3) Malaki ang pamilya nila at siguradong pinahalagahan ng mga magulang niya ang tulong niya sa paglalaan ng pangangailangan nila. Perpekto si Jesus kaya perpekto rin ang mga gawa niya. At malamang na nagustuhan iyon ng maraming tao. Posibleng masayang-masaya si Jesus sa trabaho niya. Pero kahit masikap na manggagawa siya, lagi niyang tinitiyak na mayroon siyang panahon para paglingkuran si Jehova. (Juan 7:15) Nang maglaon, bilang buong-panahong mángangarál, sinabi niya sa mga nakikinig sa kaniya: “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:27) Sinabi rin ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.” (Mat. 6:20) Tinutulungan tayo ng makadiyos na karunungan na magkaroon ng balanseng pananaw sa ating trabaho. Bilang mga Kristiyano, itinuro sa atin na “magtrabaho . . . nang husto.” w22.05 22 ¶9-10

Sabado, Setyembre 7

Ang iyong . . . ina ay magsasaya.​—Kaw. 23:25.

Magandang halimbawa si Eunice kay Timoteo. Tiyak na nakita niya sa mga ginagawa ng nanay niya na mahal na mahal niya si Jehova at na masaya ang nanay niya sa paglilingkod kay Jehova. Naabot din ng maraming nanay sa ngayon ang puso ng mga kapamilya nila “nang walang salita.” (1 Ped. 3:​1, 2) Magagawa mo rin iyan. Paano? Gawing priyoridad ang kaugnayan mo kay Jehova. (Deut. 6:​5, 6) Gaya ng maraming nanay, marami ka ring isinasakripisyo. Baka kasama riyan ang panahon, pera, tulog, at iba pang bagay para mailaan ang pangangailangan ng mga anak mo. Pero hindi iyon dahilan para mapabayaan mo ang kaugnayan mo kay Jehova. Laging maglaan ng panahon sa panalangin, personal na pag-aaral ng Bibliya, at pagdalo sa mga pulong. Kung gagawin mo iyan, mas mapapalapit ka kay Jehova at magiging mabuting halimbawa ka sa pamilya mo at sa iba. w22.04 16 ¶1; 19 ¶12-13

Linggo, Setyembre 8

Humatol [ka] sa iyong mga lingkod. Hatulan mo ang masama at parusahan mo siya dahil sa masamang ginawa niya, at pawalang-sala mo ang matuwid at gantimpalaan mo siya.​—1 Hari 8:32.

Mabuti na lang at hindi ibinigay sa atin ni Jehova ang awtoridad para hatulan ang iba! Si Jehova ang bahala sa mahalagang gawaing ito dahil siya ang Kataas-taasang Hukom. (Roma 14:​10-12) Talagang makakapagtiwala tayo na lagi siyang hahatol kaayon ng perpektong pamantayan niya ng tama at mali. (Gen. 18:25) Laging matuwid ang hatol niya! Nasasabik na tayo sa panahon kapag inayos na ni Jehova ang masasamang resulta ng kasalanan at pagiging di-perpekto ng tao. Sa panahong iyon, ang lahat ng sakit na nararamdaman natin sa pisikal at emosyonal ay lubusan nang mawawala. (Awit 72:​12-14; Apoc. 21:​3, 4) Ang mga ito ay hindi na maaalaala pa. Habang hinihintay natin ang napakagandang panahong iyon, talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil binigyan niya tayo ng kakayahang tularan ang pagiging mapagpatawad niya. w22.06 13 ¶18-19

Lunes, Setyembre 9

Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?​—Gen. 18:25.

Alam na alam ng isang mahusay na hukom ang batas. Talagang nalalaman niya ang tama at mali. Ano pa ang kailangan para maging mahusay na hukom? Kailangang alam niya ang lahat ng detalye ng isang kaso bago siya humatol. Kaya si Jehova ang pinakamahusay na Hukom dahil alam niya ang lahat ng bagay. Di-gaya ng mga hukom na tao, alam na alam ni Jehova ang lahat ng detalye sa anumang kaso. (Gen. 18:​20, 21; Awit 90:8) Hindi siya kagaya ng mga tao na limitado lang ang nakikita o naririnig. Lubusan niyang naiintindihan na ang ikinikilos ng isang tao ay apektado ng minanang mga ugali nito, kinalakhan, at pinag-aralan, pati na ng emosyonal at mental na kalusugan nito. Nababasa rin ni Jehova ang puso natin. Alam na alam niya kung ano ang nagtulak sa isang tao na gawin ang isang bagay. Walang maitatago kay Jehova. (Heb. 4:13) Kaya kapag nagpatawad si Jehova, tiyak na alam niya ang buong pangyayari. w22.06 4 ¶8-9

Martes, Setyembre 10

Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.​—Job 2:4.

Dapat din nating tandaan kung ano ang mga ginawa ni Satanas para sirain ang katapatan ni Job kasi iyan din ang ginagawa niya sa atin ngayon. Pinapalitaw ni Satanas na hindi naman talaga natin mahal ang Diyos na Jehova at na tatalikuran natin Siya maisalba lang ang buhay natin. Pinapalitaw rin ni Satanas na hindi tayo mahal ng Diyos at na bale-wala sa Kaniya ang mga pagsisikap natin na mapasaya Siya. Dahil alam na natin ang mga ginagawa ni Satanas, hindi na niya madadaya ang mga tulad natin na umaasa kay Jehova. Dapat nating ituring ang pagsubok na pagkakataon para makilala pa ang sarili natin. Nakatulong kay Job ang mga pagsubok para makita niya ang mga kahinaan niya at maitama ang mga iyon. Halimbawa, nalaman niya na kailangan pa pala niyang maging mas mapagpakumbaba. (Job 42:3) Marami pa rin tayong puwedeng malaman tungkol sa sarili natin kapag may pagsubok. Kapag nakita natin ang mga kahinaan natin, maitatama natin ang mga iyon. w22.06 23 ¶13-14

Miyerkules, Setyembre 11

“Kayo ang mga saksi ko,” ang sabi ni Jehova, “Oo, ang lingkod ko na aking pinili.”​—Isa. 43:10.

Tinitiyak sa atin ni Jehova na tutulungan niya tayo. Halimbawa, bago sabihin ni Jehova: “Kayo ang mga saksi ko,” sinabi muna niya: “Kapag dumaan ka sa tubig, kasama mo ako, at kapag tumawid ka sa mga ilog, hindi ka maaanod. Kapag lumakad ka sa apoy, hindi ka mapapaso, hindi ka masusunog kahit bahagya.” (Isa. 43:2) Kapag nangangaral tayo, nakakaranas tayo minsan ng tulad-bahang mga hadlang at tulad-apoy na mga pagsubok. Pero sa tulong ni Jehova, patuloy tayong nangangaral. (Isa. 41:13) Maraming tao sa ngayon ang hindi nakikinig sa mensahe natin. Tandaan, hindi porke’t tinatanggihan tayo ng mga tao, bigo na tayo bilang mga Saksi ng Diyos. Napapatibay tayo dahil alam natin na napapasaya natin si Jehova kapag patuloy tayong nangangaral. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang bawat isa ay gagantimpalaan ayon sa sarili niyang gawa.”​—1 Cor. 3:8; 4:​1, 2. w22.11 3-4 ¶5-6

Huwebes, Setyembre 12

Panatilihin ninyo ang inyong mabuting paggawi sa mga bansa.​—1 Ped. 2:12.

Ngayon, nakikita nating natutupad ang mga hula sa Bibliya. Ang mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay natututong magsalita ng “dalisay na wika,” ang mga katotohanan sa Bibliya. (Zac. 8:23; Zef. 3:9) Mayroon nang mahigit 8,000,000 tao mula sa 240 lupain ang kasama sa organisasyon ni Jehova. At taon-taon, libo-libo ang nababautismuhan! Pero ang mas mahalaga ay ang pagkakaroon ng espirituwal na mga katangian, ang “bagong personalidad,” ng bagong mga alagad. (Col. 3:​8-10) Marami ang huminto na sa pagiging imoral, marahas, at pagiging makabayan. Hindi na rin sila nagtatangi ng lahi. Natutupad ang Isaias 2:4: ‘Hindi na sila nag-aaral ng pakikipagdigma.’ Dahil sinisikap nating isuot ang bagong personalidad, nailalapit natin ang mga tao sa organisasyon ng Diyos, at pinapatunayan natin na sinusunod natin ang ating tagapangasiwa, si Kristo Jesus. (Juan 13:35) Hindi iyan nagkataon lang. Ibinibigay ni Jesus ang tulong na kailangan natin. w22.07 9 ¶7-8

Biyernes, Setyembre 13

Ang panalangin ko nawa ay maging gaya ng inihandang insenso sa harap mo.​—Awit 141:2.

Kapag nananalangin tayo kay Jehova, hindi tayo dapat maging masyadong pamilyar na para bang nawawalan na tayo ng paggalang sa kaniya. Sa halip, dapat tayong manalangin nang may matinding paggalang. Pag-isipan ang mga kahanga-hangang pangitain na nakita nina Isaias, Ezekiel, Daniel, at Juan. Inilarawan nila si Jehova sa mga pangitaing ito bilang maringal na Hari. “Nakita [ni Isaias] si Jehova na nakaupo sa isang matayog at mataas na trono.” (Isa. 6:​1-3) Nakita ni Ezekiel si Jehova na nakaupo sa kaniyang makalangit na karo at “nagniningning ang palibot niya gaya ng bahaghari.” (Ezek. 1:​26-28) Nakita naman ni Daniel ang “Sinauna sa mga Araw” na nakasuot ng puting damit, at may mga liyab ng apoy na nanggagaling sa trono Niya. (Dan. 7:​9, 10) At nakita ni Juan si Jehova na nakaupo sa trono na napapalibutan ng isang bahagharing kumikinang na gaya ng esmeralda. (Apoc. 4:​2-4) Kapag pinag-iisipan natin ang walang-kapantay na kaluwalhatian ni Jehova, ipinapaalala nito sa atin ang napakalaking pribilehiyo na lumapit sa kaniya sa panalangin at na mahalagang gawin ito nang may matinding paggalang. w22.07 20 ¶3

Sabado, Setyembre 14

[Mag-ingat sa] mga taong nandaraya.​—Efe. 4:14.

Mga kabataan, sisikapin ni Satanas na hadlangan kang sumulong sa espirituwal. Baka magtanim siya ng pagdududa sa isip mo tungkol sa ilang turo ng Bibliya. Halimbawa, baka kumbinsihin ka ng ilang tao na hindi tayo nilalang ng Diyos at na umiral lang tayo dahil sa ebolusyon. Baka hindi mo pa naiisip iyan noong mas bata ka pa. Pero ngayon, baka iyan na ang itinuturo sa iyo sa paaralan. Baka magmukhang lohikal at nakakakumbinsi ang itinuturo ng mga guro mo na sumusuporta sa ebolusyon. Pero baka hindi man lang nila sinubukan na suriin ang mga ebidensiya na talagang may lumalang. Tandaan ang prinsipyo sa Kawikaan 18:17: “Mukhang tama ang unang nagdulog ng kaso hanggang sa dumating ang kabilang panig at pagtatanungin siya.” Imbes na paniwalaan ang lahat ng itinuturo sa iyo sa paaralan, dapat mong pag-aralang mabuti ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ang sinasabi sa mga publikasyon natin. w22.08 2 ¶2; 4 ¶8

Linggo, Setyembre 15

[Sundin] mong mabuti ang lahat ng nakasulat dito; sa gayon ay magtatagumpay ka at magiging marunong ka sa mga gagawin mo.​—Jos. 1:8.

Gusto nating maunawaan ang ibig sabihin ng mga binabasa natin sa Salita ng Diyos. Kung hindi, baka hindi tayo lubusang makinabang dito. Halimbawa, pansinin ang pag-uusap ni Jesus at ng “isang lalaki na eksperto sa Kautusan.” (Luc. 10:​25-29) Nang magtanong ang lalaki kung paano siya magkakaroon ng buhay na walang hanggan, tinulungan siya ni Jesus na makita ang sagot sa Salita ng Diyos. Nagtanong si Jesus: “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?” Tama ang isinagot ng lalaki. Sumipi siya sa Kasulatan at sinabing dapat ibigin ang Diyos at ang kapuwa. (Lev. 19:18; Deut. 6:5) Pero pansinin ang sumunod niyang sinabi: “Sino ba talaga ang kapuwa ko?” Makikita sa sinabi ng lalaki na hindi niya talaga naintindihan ang mga binasa niya sa Kasulatan, kaya hindi niya alam kung paano isasabuhay ito. Kailangan natin ang tulong ni Jehova para maintindihan ang Kasulatan. Kaya hingin ang banal na espiritu niya para makapagpokus, at hilingin na tulungan ka niyang maisabuhay ang binasa mo. w23.02 9 ¶4-5

Lunes, Setyembre 16

Patuloy na [lumakad] sa katotohanan.​—3 Juan 4.

“Paano mo nalaman ang katotohanan?” Siguradong maraming beses mo nang nasagot iyan. Isa iyan sa mga unang itinatanong natin sa isang kapatid kapag gusto natin siyang mas makilala. Gusto nating malaman kung paano nakilala at minahal ng mga kapatid si Jehova. Gusto rin nating sabihin sa kanila kung gaano kahalaga sa atin ang katotohanan. (Roma 1:11) Ipinapaalala ng ganitong mga pag-uusap na napakahalaga ng katotohanan. Mas nagiging determinado rin tayo na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’—ang pamumuhay sa paraang pagpapalain tayo ni Jehova at makukuha ang pagsang-ayon niya. Maraming dahilan kung bakit mahal natin ang katotohanan. Unang-una, mahal natin ang Diyos na Jehova, ang Pinagmumulan ng katotohanan. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, nakilala natin siya bilang ang pinakamakapangyarihang Maylalang ng langit at lupa. Pero hindi lang iyon. Nakilala rin natin siya bilang ating maibiging Ama sa langit, na nagmamalasakit sa atin.​—1 Ped. 5:7. w22.08 14 ¶1, 3

Martes, Setyembre 17

[Laging] isaisip ang mahihirap.​—Gal. 2:10.

Pinasigla ni apostol Pablo ang mga kapatid na magpakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng ‘paggawa ng mabuti.’ (Heb. 10:24) Tinulungan niya ang mga kapatid hindi lang sa salita, kundi pati sa gawa. Halimbawa, nang makaranas ng taggutom ang mga kapatid sa Judea, tumulong si Pablo sa pamamahagi ng pangangailangan nila. (Gawa 11:​27-30) Ang totoo, abala si Pablo sa pangangaral at pagtuturo. Pero lagi pa rin siyang humahanap ng pagkakataon para tulungan ang mga nangangailangan sa materyal. Dahil diyan, napatibay ni Pablo ang pagtitiwala ng mga kapatid na pangangalagaan sila ni Jehova. Sa ngayon, napapatibay rin natin ang pananampalataya ng mga kapatid kapag ginagamit natin ang ating panahon, lakas, at mga kasanayan para tumulong sa mga naapektuhan ng sakuna at kapag regular tayong nagbibigay ng donasyon sa pambuong-daigdig na gawain. Sa paggawa nito, natutulungan natin ang mga kapatid na magtiwala na hinding-hindi sila pababayaan ni Jehova. w22.08 24 ¶14

Miyerkules, Setyembre 18

Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.​—2 Ped. 1:21.

Maraming hula sa Bibliya ang natupad na. Ang ilan ay isinulat daan-daang taon bago pa ito mangyari. Pinapatunayan ng kasaysayan na ang mga hulang ito ay natupad. Hindi na ito nakakapagtaka dahil ang Awtor ng mga hula sa Bibliya ay si Jehova. Isipin ang hula tungkol sa pagbagsak ng sinaunang lunsod ng Babilonya. Noong ikawalong siglo B.C.E., pinatnubayan ng Diyos si propeta Isaias na ihula na masasakop ang makapangyarihang lunsod ng Babilonya noon. Inihula pa nga niyang Ciro ang pangalan ng sasakop sa lunsod na ito at kung paano ito masasakop. (Isa. 44:27–45:2) Inihula rin ni Isaias na mawawasak ang Babilonya at na hindi na ito titirhan. (Isa. 13:​19, 20) Sinakop ng mga Medo at mga Persiano ang Babilonya noong 539 B.C.E. Kaya ang dating dakilang lunsod na ito ay isa na lang tambak ng mga guho ngayon. w23.01 4 ¶10

Huwebes, Setyembre 19

Patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa.​—1 Tes. 5:11.

Pinili tayo ni Jehova na maging bahagi ng pambuong-daigdig na pamilya ng mga mananamba niya. Isang pribilehiyo at pagpapala iyan para sa atin! (Mar. 10:​29, 30) Sa buong mundo, may mga kapatid tayo na nagmamahal kay Jehova gaya natin at nagsisikap na mamuhay kaayon ng mga pamantayan niya. Iba man ang wika, kultura, at paraan ng pananamit natin sa kanila, mahal natin sila, kahit unang beses pa lang natin silang makita. Gustong-gusto natin silang makasama sa pagpuri at pagsamba sa ating mapagmahal na Ama sa langit, at kailangan nating makisama sa kanila. (Awit 133:1) May mga panahong tinutulungan nila tayo na dalhin ang mga pasanin natin. (Roma 15:1; Gal. 6:2) Pinapatibay rin nila tayo na laging maglingkod kay Jehova at manatiling malakas sa espirituwal. (Heb. 10:​23-25) Isipin na lang kung ano ang mangyayari sa atin kung wala ang proteksiyon ng kongregasyon. Baka hindi natin makayang labanan ang mga kaaway natin—si Satanas na Diyablo at ang masamang sanlibutang ito. w22.09 2-3 ¶3-4

Biyernes, Setyembre 20

Ang nagpipigil ng kaniyang dila ay matalino.​—Kaw. 10:19.

Baka masubok ang ating pagpipigil sa sarili kapag gumagamit tayo ng social media. Kung hindi tayo maingat, baka hindi sinasadyang makapag-post tayo ng kompidensiyal na mga bagay na makikita ng maraming tao. At kapag kumalat na iyon sa social media, hindi na natin kontrolado kung paano ito gagamitin ng iba o kung gaano kalaki ang magiging pinsala nito. Tutulong din ang pagpipigil sa sarili na manatiling tahimik kapag sinusubukan tayo ng mga mananalansang na sabihin sa kanila ang ilang bagay na magsasapanganib sa mga kapatid. Puwede itong mangyari kapag pinagtatatanong tayo ng mga pulis sa isang bansa na ipinagbabawal ang gawain natin. Sa ganito at sa iba pang sitwasyon, puwede nating sundin ang prinsipyo na ‘lagyan ng busal ang bibig natin.’ (Awit 39:1) Kailangan nating ipakita na mapagkakatiwalaan tayo ng pamilya natin, mga kaibigan, mga kapatid, o ng ibang tao. Para magawa iyan, kailangan natin ang pagpipigil sa sarili. w22.09 13 ¶16

Sabado, Setyembre 21

Maligaya ang taong . . . nalulugod . . . sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi.​—Awit 1:​1, 2.

Dapat tayong kumain ng espirituwal na pagkain para maging tunay na maligaya. At mahalaga iyan sa atin. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.” (Mat. 4:4) Kaya dapat nating basahin araw-araw ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa Bibliya, nagbigay si Jehova ng mahalagang impormasyon kung paano magiging maligaya. Nalaman natin kung ano ang layunin niya para sa atin. Natutuhan din natin kung paano tayo mapapalapít sa kaniya at kung ano ang kailangan nating gawin para mapatawad ang mga kasalanan natin. At nalaman natin ang magandang kinabukasan na ipinangako niya para sa mga tao. (Jer. 29:11) Talagang napakasaya natin dahil nalaman natin ang mga katotohanang ito sa pag-aaral natin ng Bibliya! Kapag pinanghihinaan ka ng loob dahil sa mga problema, lalo kang magbigay ng panahon sa pagbabasa ng Salita ni Jehova at sa pagbubulay-bulay rito. w22.10 7 ¶4-6

Linggo, Setyembre 22

Maging nasa hustong-gulang pagdating sa pang-unawa.​—1 Cor. 14:20.

May mabuting dahilan kung bakit pinapayuhan tayo ng Bibliya na huwag manatiling walang karanasan. Magiging makaranasan tayo kung susundin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kung gagawin natin iyan, makikita natin kung paano tayo tinutulungan ng Bibliya na makaiwas sa mga problema at makagawa ng matatalinong desisyon. Makakabuting pag-isipan ang mga nagawa na nating desisyon. Kung nag-aaral na tayo ng Bibliya at dumadalo na sa mga pulong, tanungin ang sarili kung bakit hindi pa tayo nag-aalay kay Jehova at nagpapabautismo. Kung bautisado na tayo, sumusulong ba tayo bilang mángangarál at guro ng mabuting balita? Makikita ba sa mga desisyon natin na nagpapagabay tayo sa mga prinsipyo sa Bibliya? Nagpapakita ba tayo ng mga katangiang Kristiyano kapag nakikitungo sa iba? Kung mayroon pa tayong mga dapat pasulungin, pag-isipan ang mga paalaala ni Jehova, na “nagpaparunong sa walang karanasan.”​—Awit 19:7. w22.10 20 ¶8

Lunes, Setyembre 23

Pumupunta sila kung saan sila akayin ng espiritu.​—Ezek. 1:20.

Nakita ni Ezekiel kung gaano kalakas ang espiritu ng Diyos. Sa pangitain, nakita niya kung paano tinutulungan ng banal na espiritu ang makapangyarihang mga anghel at kung paano nito pinapakilos ang napakalaking mga gulong ng makalangit na karo. (Ezek. 1:21) Ano ang naging reaksiyon ni Ezekiel? Isinulat niya. “Nang makita ko iyon, sumubsob ako.” Dahil sa sobrang pagkamangha ni Ezekiel, sumubsob siya sa lupa. (Ezek. 1:28) Kaya sa tuwing naaalala ni Ezekiel ang kahanga-hangang pangitaing iyon, mas nagtitiwala siya na sa tulong ng espiritu ng Diyos, magagawa niya ang ministeryo niya. Iniutos ni Jehova kay Ezekiel: “Anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” Dahil sa utos na iyan at sa espiritu ng Diyos, napalakas si Ezekiel na tumayo. (Ezek. 2:​1, 2) Sa buong panahon ng ministeryo ni Ezekiel, ginabayan siya ng “kapangyarihan” ng Diyos—ang banal na espiritu ng Diyos.​—Ezek. 3:22; 8:1; 33:22; 37:1; 40:1. w22.11 4 ¶7-8

Martes, Setyembre 24

May maririnig kang tinig sa likuran mo.​—Isa. 30:21.

Dito, inilalarawan ni propeta Isaias si Jehova bilang isang tagapagturo na naglalakad sa likuran ng mga estudyante niya at itinuturo sa kanila ang daan na dapat nilang lakaran. Sa ngayon, naririnig din natin ang tinig ng Diyos sa likuran natin. Paano? Isinulat ang salita ng Diyos sa Bibliya maraming taon na ang nakakalipas. Dahil diyan, masasabing nakaraan na o nasa likuran natin ito. Kaya kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, para bang naririnig natin ang tinig ng Diyos sa likuran natin. (Isa. 51:4) Paano tayo makikinabang nang lubos sa patnubay na ibinibigay ni Jehova? Pansinin ang dalawang bagay na sinabi ni Isaias. Una, “ito ang daan.” Ikalawa, “lumakad kayo rito.” Hindi sapat na alam lang natin “ang daan.” Kailangan din nating “lumakad” sa daang ito. Natutuhan natin sa Salita ni Jehova at sa mga paliwanag ng organisasyon niya ang mga hinihiling niya sa atin. Natututuhan din natin kung paano ito susundin. Kailangan nating gawin ang mga ito para makapagtiis tayo nang may kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Kapag ginawa natin iyan, makakatiyak tayo sa pagpapala ni Jehova. w22.11 11 ¶10-11

Miyerkules, Setyembre 25

Pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang malulupit na lobo.​—Gawa 20:29.

Nang mamatay ang halos lahat ng apostol ni Jesus, nakapasok sa loob ng kongregasyon ang mga huwad na Kristiyano. (Mat. 13:​24-27, 37-39) ‘Pinipilipit nila ang katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.’ (Gawa 20:30) Halimbawa, ginawa nila ito nang ituro nila na hindi inihandog ni Jesus ang katawan niya “nang minsanan para dalhin ang kasalanan ng marami,” gaya ng sinasabi ng Bibliya. (Heb. 9:​27, 28) Sa halip, sinasabi nilang dapat itong gawin nang paulit-ulit. Sa ngayon, maraming tao ang naniniwala sa maling turong ito. Regular silang nagsisimba—araw-araw pa nga kung minsan—para isagawa ang tinatawag nilang “Banal na Komunyon.” May ilang relihiyon naman na bihirang ipagdiwang ang kamatayan ni Jesus, at hindi naman talaga naiintindihan ng karamihan ng miyembro nila ang kahulugan ng sakripisyo ni Jesus. w23.01 21 ¶5

Huwebes, Setyembre 26

Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo.​—Heb. 13:16.

Sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus, bubuhaying muli ang mga patay at tutulungang maging perpekto ang masunuring mga tao. Ang mga matuwid sa paningin ni Jehova ay “magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:​10, 11, 29) Oo, “ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.” (1 Cor. 15:26) Ang pag-asa nating mabuhay magpakailanman ay matibay na nakabase sa Salita ng Diyos. Matutulungan tayo ng pag-asang iyan na manatiling tapat sa mahihirap na panahong ito ng mga huling araw. Pero hindi lang ang pagnanais na mabuhay magpakailanman ang magpapakilos sa atin na pasayahin si Jehova. Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nananatiling tapat kay Jehova at kay Jesus ay dahil mahal na mahal natin sila. (2 Cor. 5:​14, 15) Iyan ang magpapakilos sa atin na tularan sila at ibahagi sa iba ang pag-asa natin. (Roma 10:​13-15) Kapag nagiging bukas-palad tayo at di-makasarili, ituturing tayo ni Jehova na mga kaibigan niya magpakailanman. w22.12 7 ¶15-16

Biyernes, Setyembre 27

Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.​—2 Tim. 3:12.

Kapag pinag-uusig tayo, nawawala sa atin ang maraming bagay na nagbibigay sa atin ng kapayapaan. Puwede tayong mag-alala at matakot sa mga susunod na mangyayari. Normal lang na maramdaman iyan. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat. Sinabi ni Jesus na puwedeng matisod ang mga tagasunod niya dahil sa pag-uusig. (Juan 16:​1, 2) Sinabi ni Jesus na puwede rin tayong pag-usigin, pero tinitiyak niya sa atin na kaya nating manatiling tapat. (Juan 15:20; 16:33) Kapag may pagbabawal o restriksiyon sa gawain natin, nakakatanggap tayo ng mga tagubilin mula sa tanggapang pansangay at sa mga elder. Layunin nito na protektahan tayo, tiyaking patuloy tayong makakatanggap ng espirituwal na pagkain, at tulungan tayong patuloy na makapangaral hangga’t posible. Sikaping sundin ang mga tagubiling iyon. (Sant. 3:17) At huwag mong ibigay ang mga impormasyon tungkol sa ating mga kapatid sa mga taong hindi naman dapat makaalam nito.​—Ecles. 3:7. w22.12 20 ¶14-16

Sabado, Setyembre 28

Magpakita ng gayon ding kasipagan.​—Heb. 6:11.

Sa ngayon, patuloy na tinutulungan ni Jesus ang mga alagad niya habang ipinapangaral nila ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa. Tinupad ni Jesus ang pangako niya. Sa tulong ng organisasyon ni Jehova, sinasanay tayo ni Jesus sa pangangaral at ibinibigay ang mga tool na kailangan natin. (Mat. 28:​18-20) Magagawa naman natin ang inaasahan sa atin ni Jesus kung magiging masipag tayo sa pangangaral at pagtuturo at kung magiging mapagbantay tayo habang hinihintay nating wakasan ni Jehova ang sistemang ito. Kapag sinunod natin ang payo sa Hebreo 6:​11, 12, makakapanghawakan tayo sa pag-asa natin “hanggang sa wakas.” Nakapagdesisyon na si Jehova kung anong araw at oras niya wawakasan ang sistema ni Satanas. Kapag dumating ang araw na iyon, siguradong tutuparin ni Jehova ang lahat ng hula na nasa Salita niya. Pero minsan, baka nagtataka tayo kung bakit hindi pa dumarating ang wakas. Tandaan, ‘hindi maaantala’ ang araw ni Jehova! (Hab. 2:3) Kaya maging determinado tayong ‘patuloy na maghintay kay Jehova.’ Matiyaga tayong ‘maghintay sa Diyos na ating tagapagligtas.’—Mik. 7:7. w23.02 19 ¶15-16

Linggo, Setyembre 29

Walang maikukumpara sa iyo.​—Awit 40:5.

Tunguhin ng isang mountain climber na makarating sa pinakatuktok ng bundok. Pero sa pag-akyat niya, may mga lugar na puwede siyang huminto muna at pagmasdan ang magagandang tanawin. Sa katulad na paraan, mahalagang huminto muna at bulay-bulayin kung paano ka pinagtatagumpay ni Jehova kahit sa panahong may pinagdaraanan ka. Sa pagtatapos ng bawat araw, tanungin ang sarili: ‘Sa anong pagkakataon ko nakitang pinagpala ako ni Jehova sa araw na ito? Kahit na may problema pa rin ako, paano ako tinutulungan ni Jehova na makapagtiis?’ Puwede kang mag-isip ng kahit isang pagpapala mula kay Jehova na nakatulong para magtagumpay ka. Baka ipinapanalangin mong matapos na ang mga problema mo. (Fil. 4:6) Pero dapat din nating isipin ang mga pagpapalang tinatanggap natin sa ngayon. Hindi ba’t nangako si Jehova na papatibayin niya tayo at tutulungang makapagtiis? Kaya huwag na huwag mong kakalimutang pasalamatan si Jehova sa mga tulong niya. Kapag ginawa mo iyan, makikita mo kung paano ka pinagtatagumpay ni Jehova, kahit sa panahon ng mga pagsubok.​—Gen. 41:​51, 52. w23.01 19 ¶17-18

Lunes, Setyembre 30

[Isaisip] ang pagdating ng araw ni Jehova.​—2 Ped. 3:12.

Tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa pamumuhay ko na naiintindihan ko na malapit na ang wakas ng sistemang ito? Makikita ba sa mga desisyon ko tungkol sa edukasyon at trabaho na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalaga sa buhay ko? Nagtitiwala ba ako na paglalaanan ako ni Jehova pati na ang pamilya ko?’ Siguradong masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin ang kalooban niya. (Mat. 6:​25-27, 33; Fil. 4:​12, 13) Kailangan nating regular na suriin ang pag-iisip natin at gumawa ng kinakailangang pagbabago. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Kaya patuloy nating mababago ang pag-iisip natin kung babasahin natin ang Salita ng Diyos, iaayon ang pag-iisip natin sa pag-iisip niya, at gagawin ang anumang kailangan para magawa natin ang kalooban ni Jehova.​—1 Cor. 2:​14-16. w23.01 9-10 ¶5-6

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share