Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 98-108
  • Oktubre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Oktubre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Martes, Oktubre 1
  • Miyerkules, Oktubre 2
  • Huwebes, Oktubre 3
  • Biyernes, Oktubre 4
  • Sabado, Oktubre 5
  • Linggo, Oktubre 6
  • Lunes, Oktubre 7
  • Martes, Oktubre 8
  • Miyerkules, Oktubre 9
  • Huwebes, Oktubre 10
  • Biyernes, Oktubre 11
  • Sabado, Oktubre 12
  • Linggo, Oktubre 13
  • Lunes, Oktubre 14
  • Martes, Oktubre 15
  • Miyerkules, Oktubre 16
  • Huwebes, Oktubre 17
  • Biyernes, Oktubre 18
  • Sabado, Oktubre 19
  • Linggo, Oktubre 20
  • Lunes, Oktubre 21
  • Martes, Oktubre 22
  • Miyerkules, Oktubre 23
  • Huwebes, Oktubre 24
  • Biyernes, Oktubre 25
  • Sabado, Oktubre 26
  • Linggo, Oktubre 27
  • Lunes, Oktubre 28
  • Martes, Oktubre 29
  • Miyerkules, Oktubre 30
  • Huwebes, Oktubre 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 98-108

Oktubre

Martes, Oktubre 1

Sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita.​—Awit 22:22.

Tayong lahat ay puwedeng makibahagi sa pulong kung makikisabay tayo sa pagkanta at magbibigay ng pinaghandaang mga komento. Nahihiyang kumanta o magkomento ang ilan kapag nasa pulong. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, tingnan kung ano ang ginawa ng ilan para mapaglabanan ito. Kung tungkol sa pagkanta, nasumpungan ng ilan na nakakatulong na kumanta nang mula sa puso. Ang pinakamahalagang dahilan kaya tayo kumakanta sa mga pulong ay para purihin si Jehova. Kaya kapag naghahanda para sa pulong, praktisin na rin ang mga kakantahin at pag-isipan kung ano ang kaugnayan ng mga awit sa mga tatalakayin sa pulong. Mas magpokus rin sa mensahe ng kanta kaysa sa pagkanta. Hirap na hirap magkomento ang ilan. Ano ang makakatulong? Sikaping laging magkomento. Tandaan, okey lang kung maikli ang sagot mo, at kung ano lang ang sagot sa tanong. Tuwang-tuwa si Jehova kapag nagsisikap tayong magkomento sa pulong. w22.04 7-8 ¶12-15

Miyerkules, Oktubre 2

Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.​—Heb. 13:6.

Ang salitang “tumutulong” ay tumutukoy sa isang tao na nagbibigay agad ng tulong sa isa na nangangailangan nito. Para mo bang nakikita si Jehova na nagmamadaling iligtas ang isa na nangangailangan ng tulong? Tiyak na sasang-ayon ka na makikita sa paglalarawang ito na gustong-gusto ni Jehova na tulungan tayo. Makakapagtiis tayo nang may kagalakan dahil kasama natin si Jehova. Ano ang ilang paraang ginagawa ni Jehova para tulungan tayo? Tingnan natin ang sinasabi ng aklat ng Isaias. Bakit? Dahil marami sa mga inihula ni Isaias ang makakatulong sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Madalas ding gumamit si Isaias ng mga salitang madali nating maintindihan para ilarawan si Jehova. Tingnan ang halimbawa sa Isaias kabanata 30. Sa kabanatang iyan, gumamit si Isaias ng magagandang ilustrasyon para ilarawan kung paano tinutulungan ni Jehova ang bayan niya. Isinulat niya na tinutulungan tayo ni Jehova sa tatlong paraan: (1) nakikinig siya at sinasagot ang mga panalangin natin, (2) pinapatnubayan niya tayo, at (3) pinagpapala niya tayo ngayon at pagpapalain pa sa hinaharap. w22.11 8 ¶2-3

Huwebes, Oktubre 3

Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. . . . Patunayan mong tapat ka maging hanggang kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.​—Apoc. 2:10.

Sa mensahe ni Jesus sa mga kongregasyon sa Smirna at Filadelfia, sinabi niya sa mga Kristiyano roon na huwag matakot sa pag-uusig, kasi gagantimpalaan ang kanilang katapatan. (Apoc. 3:10) Dapat nating asahan ang pag-uusig at maging handang magtiis. (Mat. 24:9, 13; 2 Cor. 12:10) Sinasabi ng aklat ng Apocalipsis na pag-uusigin ang bayan ng Diyos sa panahon natin—ang “araw ng Panginoon.” (Apoc. 1:10) Sa Apocalipsis kabanata 12, binanggit na agad na sumiklab ang digmaan sa langit matapos iluklok si Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Si Miguel—ang niluwalhating si Jesu-Kristo—at ang hukbo niya ay nakipagdigma kay Satanas at sa mga demonyo. (Apoc. 12:7, 8) Bilang resulta, natalo ang mga kaaway na iyon ng Diyos at inihagis sila sa lupa. Nagdulot ito ng matinding pagdurusa sa mga tao.​—Apoc. 12:9, 12. w22.05 5 ¶12-13

Biyernes, Oktubre 4

Ang Diyos nating si Jehova ay laging makatarungan.​—2 Cro. 19:7.

Laging makatarungan at patas ang hatol ni Jehova. Hindi siya nagtatangi. Kapag nagpapatawad siya, hindi siya naiimpluwensiyahan ng hitsura, kayamanan, abilidad, o pagiging tanyag ng isang tao. (1 Sam. 16:7; Sant. 2:1-4) Hindi siya puwedeng pilitin o suhulan. Ang mga desisyon niya ay hindi naaapektuhan ng pagkainis o dahil lang sa emosyon. (Ex. 34:7) Kaya si Jehova ang pinakamahusay na Hukom dahil alam na alam niya ang lahat tungkol sa atin at sa ating kalagayan. (Deut. 32:4) Alam ng mga manunulat ng Hebreong Kasulatan na naiiba ang pagpapatawad ni Jehova. Sa ilang sitwasyon, gumamit sila ng Hebreong salita na ayon sa isang reperensiya ay “ginagamit lang para ilarawan ang paraan ng pagpapatawad ng Diyos sa mga makasalanan. Hindi kailanman ginamit ang salitang iyon para ilarawan ang limitadong paraan ng pagpapatawad ng isang tao sa kaniyang kapuwa.” Tanging si Jehova lang ang makapagpapatawad nang lubusan sa isang nagsisising nagkasala. w22.06 4 ¶10-11

Sabado, Oktubre 5

Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.​—Kaw. 22:6.

Kung hindi Saksi ang asawa mo o mag-isa kang nagpapalaki ng mga anak mo, tiyak na maraming napapatibay sa pananampalataya at halimbawa mo. Paano kung parang hindi tumutugon ang anak mo sa pagsisikap mo na turuan siya? Tandaan na kailangan ang panahon sa pagsasanay sa anak mo. Kapag nagtanim ka, baka iniisip mo kung minsan kung lálakí ba iyon at mamumunga. Hindi mo man kontrolado ang kalalabasan, patuloy mo pa ring dinidiligan iyon para mas may pagkakataon iyon na lumago. (Mar. 4:26-29) Bilang isang nanay, baka iniisip mo rin kung minsan kung naaabot mo ang puso ng anak mo. Hindi mo kontrolado ang kalalabasan. Pero kung patuloy mong ginagawa ang lahat para turuan sila, mas binibigyan mo sila ng pagkakataon na sumulong sa espirituwal. w22.04 20 ¶16-17

Linggo, Oktubre 6

Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak, at ang kayabangan ay humahantong sa pagkadapa.​—Kaw. 16:18.

Noong tapat pa si Solomon kay Jehova, balanse ang pananaw niya sa sarili niya. Noong kabataan siya, inamin niya na may mga limitasyon siya at hiningi niya ang tulong ni Jehova. (1 Hari 3:7-9) Noong unang mga taon ng pamamahala niya, alam din ni Solomon ang panganib ng pagiging mapagmataas. Nang maglaon, hindi nasunod ni Solomon ang sarili niyang payo. Dumating pa nga ang panahon na naging mapagmataas siya at hindi sinunod ang mga utos ng Diyos. Halimbawa, isa sa mga utos sa isang haring Hebreo ang nagsasabing huwag siyang “kukuha ng maraming asawa para hindi malihis ang puso niya.” (Deut. 17:17) Binale-wala ni Solomon ang utos na iyon at kumuha ng 700 asawa at 300 pangalawahing asawa! (1 Hari 11:1-3) Iniisip siguro ni Solomon na “kontrolado niya ang lahat ng bagay.” Nang maglaon, napalayo siya kay Jehova at pinagdusahan ang resulta ng mga ginawa niya.​—1 Hari 11:9-13. w22.05 23 ¶12

Lunes, Oktubre 7

“Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya,” at “kung uurong siya, hindi ako malulugod sa kaniya.”​—Heb. 10:38.

May mahalagang desisyong kailangang gawin ang mga tao sa ngayon. Sino ang susuportahan nila? Ang Diyos na Jehova na karapat-dapat na Tagapamahala sa uniberso, o ang malupit niyang kaaway, si Satanas na Diyablo? Hindi puwedeng maging neutral ang bawat isa. Kailangan nilang pumili ng papanigan. May epekto kasi ang gagawin nilang desisyon sa magiging kinabukasan nila. (Mat. 25:31-33, 46) Sa “malaking kapighatian,” mamarkahan sila para sa kaligtasan o para sa pagkapuksa. (Apoc. 7:14; 14:9-11; Ezek. 9:4, 6) Kung pinili mong suportahan ang pamamahala ni Jehova, tama ang desisyon mo. Ngayon, gusto mo ring tulungan ang iba na gumawa ng tamang desisyon. Ang mga pagpapala ay tatanggapin ng mga tapat na sumusuporta sa pamamahala ni Jehova. Dapat nating pag-aralan ang mahahalagang katotohanang iyan para patuloy nating mapaglingkuran si Jehova. Magagamit naman natin ang mga natutuhan natin para tulungan ang iba na magpasiyang maglingkod din kay Jehova at patuloy na gawin iyon. w22.05 15 ¶1-2

Martes, Oktubre 8

Maligaya kayo kapag . . . pinaparatangan [kayo] ng kung ano-anong masasamang bagay.​—Mat. 5:11.

Kay Jehova tayo dapat makinig, hindi sa mga kaaway natin. Nakinig na mabuti si Job nang kausapin siya ni Jehova. Para ipakitang nagmamalasakit siya kay Job, parang ganito ang sinasabi ni Jehova: ‘Alam ko ang lahat ng nangyayari sa iyo. Sa tingin mo ba, hindi kita kayang pangalagaan?’ Mapagpakumbabang sumagot si Job at nagpakita ng pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova. “Narinig ng mga tainga ko ang tungkol sa iyo,” ang sabi niya, “pero ngayon ay nakikita ka na ng aking mga mata.” (Job 42:5) Malamang na nakaupo pa rin si Job sa abo at tadtad ng sugat ang katawan niya nang sabihin niya ang mga salitang iyon. Pero tiniyak pa rin ni Jehova na mahal niya si Job at na sinasang-ayunan niya siya. (Job 42:7, 8) Sa ngayon, puwede rin tayong insultuhin ng mga tao at tratuhin na walang halaga. Baka subukan pa nga nilang sirain ang reputasyon natin bilang indibidwal o bilang isang organisasyon. Natutuhan natin sa mga nangyari kay Job na nagtitiwala si Jehova na mananatili tayong tapat sa kaniya kahit may mga pagsubok. w22.06 23-24 ¶15-16

Miyerkules, Oktubre 9

Ang kasal ng Kordero ay sumapit na.​—Apoc. 19:7.

Magiging napakasaya sa langit kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, pero may magbibigay pa ng higit na kagalakan. (Apoc. 19:1-3) Ang totoo, ito ang pinakamahalagang pangyayari sa aklat ng Apocalipsis—“ang kasal ng Kordero.” Bago ang digmaan ng Armagedon, nasa langit na ang lahat ng kabilang sa 144,000. Pero hindi pa iyan ang panahon ng kasal ng Kordero. (Apoc. 21:1, 2) Mangyayari ito pagkatapos ng digmaan ng Armagedon kapag wala na ang lahat ng kaaway ng Diyos. (Awit 45:3, 4, 13-17) Ano ang mangyayari sa kasal ng Kordero? Pinagsasama ng kasal ang isang lalaki at babae. Ganiyan din ang mangyayari sa makasagisag na kasal ng Hari, si Jesu-Kristo, at ng “babaeng ikakasal,” ang 144,000. Iyan ang magiging pasimula ng bagong gobyerno na mamamahala sa lupa sa loob ng 1,000 taon.​—Apoc. 20:6. w22.05 17 ¶11-13

Huwebes, Oktubre 10

Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa!—Mat. 24:46.

Inihula ni Jesus na sa panahon ng wakas, mag-aatas siya ng “tapat at matalinong alipin” na maglalaan ng espirituwal na pagkain. (Mat. 24:45) At ganiyan nga ang nangyayari. Ginagamit ni Jesus ang maliit na grupo ng mga pinahiran para maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” sa bayan ng Diyos at sa mga interesado. Hindi itinuturing ng grupong ito ang kanilang sarili na panginoon ng pananampalataya ng iba. (2 Cor. 1:24) Sa halip, kinikilala nila si Jesu-Kristo bilang “lider at kumandante” ng bayan niya. (Isa. 55:4) Mula noong 1919, naghahanda na ang tapat na alipin ng iba’t ibang publikasyon para maging katakam-takam sa mga baguhan ang masustansiyang espirituwal na pagkain. Noong 1921, inihanda ng aliping iyon ang aklat na The Harp of God para malaman ng mga interesado ang mga pangunahing turo ng Bibliya. Sa paglipas ng mga taon, naglaan sila ng iba pang publikasyon. Aling publikasyon ang nakatulong sa iyo na makilala at mahalin ang ating Ama sa langit? w22.07 10 ¶9-10

Biyernes, Oktubre 11

Pananatilihin mo ako sa harap mo magpakailanman.​—Awit 41:12.

Napakamapagbigay ni Jehova. Anuman ang ibigay mo sa kaniya, laging higit doon ang kaya niyang ibigay sa iyo. (Mar. 10:29, 30) Kahit nabubuhay tayo ngayon sa masamang mundong ito, ibibigay niya sa iyo ang pinakamasaya at pinakamakabuluhang buhay. Pero hindi lang iyan. Magpapatuloy ito magpakailanman, at lalo ka pang mapapalapit sa iyong minamahal na Ama. Mabubuhay ka hangga’t buhay si Jehova! Kapag nag-alay ka at nagpabautismo, may ibinibigay kang mahalagang bagay sa iyong Ama. Ibinigay niya ang lahat ng mabubuting bagay at magagandang karanasan na nagpapasaya sa iyo. Pero may maibibigay ka rin sa May-ari ng langit at lupa na wala pa sa kaniya—ang iyong kusang-loob at tapat na paglilingkod. (Job 1:8; 41:11; Kaw. 27:11) Kapag ginawa mo iyan, magagamit mo sa pinakamabuting paraan ang buhay mo. w23.03 6 ¶16-17

Sabado, Oktubre 12

Paano mapananatiling malinis ng isang kabataan ang landas niya? Dapat na lagi niyang sundin ang iyong salita.​—Awit 119:9.

Kapag tin-edyer ka, tumitindi ang seksuwal na mga pagnanasa, at baka tuksuhin ka ng iba na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Iyan ang gusto ni Satanas na gawin mo. Ano ang makakatulong sa iyo na manatiling malinis sa moral? (1 Tes. 4:3, 4) Manalangin kay Jehova. Sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo, at hilingin mo sa kaniya na tulungan ka. (Mat. 6:13) Tandaan na hindi ka huhusgahan ni Jehova. Gusto ka niyang tulungan. (Awit 103:13, 14) Huwag mong solohin ang mga problema mo. Ipakipag-usap ito sa mga magulang mo. Siyempre, hindi madaling ipakipag-usap ang tungkol sa personal na mga bagay, pero mahalagang gawin iyon. Kapag binasa mo ang Bibliya at binulay-bulay ang mga prinsipyo nito, mas magiging madali sa iyo na gumawa ng mga desisyon na magpapasaya kay Jehova. Makikita mo na hindi mo kailangan ng alituntunin sa bawat sitwasyon dahil naiintindihan mo ang pag-iisip ni Jehova sa mga bagay-bagay. w22.08 5 ¶10-12

Linggo, Oktubre 13

Kung ang sinuman ay hindi naglalaan sa mga nasa pangangalaga niya, . . . itinakwil na niya ang pananampalataya.​—1 Tim. 5:8.

Bilang ulo ng pamilya, sineseryoso ng isang Kristiyano ang pananagutan niya na maglaan ng materyal na pangangailangan ng pamilya niya. Kung ulo ka ng pamilya, nag-aalala ka ba na baka wala kang maipakain sa pamilya mo o maipambayad sa renta ng bahay? Natatakot ka ba na kung mawalan ka ng trabaho, hindi ka na makakahanap ulit? O baka nag-aalangan kang pasimplehin ang buhay mo? Marami nang nabiktima si Satanas gamit ang mga takot na iyan. Gusto ni Satanas na maniwala tayo na hindi tayo mahalaga kay Jehova at na hindi Niya tayo tutulungan na paglaanan ang pamilya natin. Kapag nangyari iyan, baka isipin natin na hindi natin dapat iwan ang kasalukuyang trabaho natin kahit na may malabag tayong mga prinsipyo sa Bibliya. w22.06 15 ¶5-6

Lunes, Oktubre 14

Ang pag-asa nating ito ay nagsisilbing angkla ng buhay natin; ito ay tiyak at matatag.​—Heb. 6:19.

Alam natin na ang ating Diyos ay “maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.” (Ex. 34:6) Iniibig ni Jehova ang katarungan. (Isa. 61:8) Nasasaktan siya kapag nakikita niya tayong nagdurusa, at gustong-gusto niyang alisin ang lahat ng pagdurusa sa kaniyang itinakdang panahon. (Jer. 29:11) Gustong-gusto na rin nating mangyari iyan! Kaya mahal na mahal natin si Jehova! Ano ang isa pang dahilan kung bakit mahal natin ang katotohanan? Malaki ang naitutulong sa atin ng katotohanan. Halimbawa, kasama sa mga katotohanan mula sa Bibliya ang tungkol sa pag-asa natin sa hinaharap. Kung paanong makakatulong ang angkla para hindi tangayin ng alon ang isang bangka, makakatulong ang pag-asa mula sa Bibliya para maging matatag tayo kahit may mga pagsubok. Sa teksto sa araw na ito, tinatalakay ni Pablo ang makalangit na pag-asa na inaasam-asam ng mga pinahirang Kristiyano. Pero para din ito sa mga Kristiyanong gustong-gustong mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. (Juan 3:16) Talagang naging makabuluhan ang buhay natin nang malaman natin ang tungkol sa pag-asang ito. w22.08 14-15 ¶3-5

Martes, Oktubre 15

Huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo.​—Efe. 4:26.

Ang pag-ibig ang pundasyon ng pagtitiwala. Inilalarawan ng 1 Corinto kabanata 13 ang maraming katangian ng pag-ibig na makakatulong sa atin na magtiwala o maibalik ang tiwala natin sa iba. (1 Cor. 13:4-8) Halimbawa, sinasabi sa talata 4 na ang “pag-ibig ay matiisin at mabait.” Pinagtitiisan o pinagpapasensiyahan tayo ni Jehova kahit nakakagawa tayo ng kasalanan sa kaniya. Kaya dapat tayong maging mapagpasensiya sa mga kapatid kahit makapagsalita o makagawa sila ng mga bagay na nakakainis o nakakasakit sa atin. Sinabi pa ng talata 5: “[Ang pag-ibig ay] hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.” Ayaw nating ‘magkimkim ng sama ng loob’ sa isang kapatid, na para bang inililista ang nagawa niya sa atin para maisumbat iyon sa kaniya sa hinaharap. Sinasabi rin ng Eclesiastes 7:9 na “huwag [tayong] maghinanakit agad.” Sikaping tingnan ang inyong mga kapatid ayon sa pananaw ni Jehova. Mahal sila ng Diyos at hindi niya inililista ang mga kasalanan nila. Ganiyan din ang dapat nating gawin. (Awit 130:3) Imbes na magpokus sa mga pagkakamali nila, hanapin ang magagandang katangian nila.​—Mat. 7:1-5. w22.09 3-4 ¶6-7

Miyerkules, Oktubre 16

Mararanasan ang isang panahon ng kapighatian.​—Dan. 12:1.

Ipinapakita sa aklat ng Daniel ang pagkakasunod-sunod ng kapana-panabik na mga pangyayari na magaganap sa panahon ng wakas. Halimbawa, sinasabi ng Daniel 12:1 na si Miguel, o si Jesu-Kristo, ay ‘nakatayo alang-alang sa bayan’ ng Diyos. Natupad ang bahaging iyan ng hula noong 1914 nang atasan si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos sa langit. Pero sinabi rin kay Daniel na “tatayo” si Jesus sa “isang panahon ng kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.” Ang ‘panahong ito ng kapighatian’ ay ang “malaking kapighatian” na binanggit sa Mateo 24:21. Tatayo si Jesus, o kikilos para ipagtanggol ang bayan ng Diyos, sa pagtatapos ng panahong ito ng kapighatian, ang Armagedon. Tinukoy sila ng aklat ng Apocalipsis bilang “malaking pulutong” na “lumabas mula sa malaking kapighatian.”​—Apoc. 7:9, 14. w22.09 21 ¶4-5

Huwebes, Oktubre 17

Buburahin ko sa aking aklat kung sino ang nagkasala sa akin.​—Ex. 32:33.

Puwedeng alisin o burahin ang pangalan na nakasulat sa aklat ng buhay. Para bang lapis muna ang ipinansulat ni Jehova sa mga pangalang iyon. (Apoc. 3:5) Dapat nating tiyakin na manatiling nakasulat ang pangalan natin sa aklat na iyon hanggang sa isulat ito ni Jehova nang permanente gamit ang tinta, wika nga. Ang isang grupo na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ay binubuo ng mga napiling mamahala kasama ni Jesus sa langit. Sinabi ni apostol Pablo sa mga “kamanggagawa” niya sa Filipos na ang pangalan ng mga pinahiran, na inanyayahang mamahala kasama ni Jesus, ay nakasulat na sa aklat ng buhay. (Fil. 4:3) Pero para manatiling nakasulat ang pangalan nila sa aklat na iyon, dapat silang maging tapat. Pagkatapos, kapag natanggap na nila ang pangwakas na pagtatatak, bago man sila mamatay o bago magsimula ang malaking kapighatian, permanente nang mapapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay.​—Apoc. 7:3. w22.09 14 ¶3; 15 ¶5-6

Biyernes, Oktubre 18

Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!—Luc. 11:28.

Naranasan mo na ba ito? Ipinagluto ka ng paborito mong pagkain. Pero dahil nagmamadali ka o may iniisip kang iba, subo ka lang nang subo kaya hindi mo nalalasahan ang kinakain mo. Pagkatapos mong kumain, naisip mo na masyado ka palang nagmamadali kaya hindi mo na-enjoy ang pagkain. Naranasan mo na rin bang magmadali sa pagbabasa ng Bibliya kaya hindi mo na na-enjoy ang binabasa mo? Huwag magmadali sa pagbabasa ng Salita ng Diyos; ilarawan sa isip ang mga eksena, isiping naririnig mo sila, at bulay-bulayin ang mga nababasa mo. Kapag ginawa mo iyan, magiging mas masaya ka. Inatasan ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon, kaya busog na busog tayo sa espirituwal. (Mat. 24:45) Sa Bibliya nanggagaling ang lahat ng pagkaing ibinibigay ng tapat na alipin.​—1 Tes. 2:13. w22.10 7-8 ¶6-8

Sabado, Oktubre 19

Labis-labis na kaming inaalipusta ng mga hambog.​—Awit 123:4.

Nagbabala ang Bibliya na sa mga huling araw, marami ang magiging manunuya. (2 Ped. 3:3, 4) Ginagawa nila ito kasi sumusunod sila sa “sarili nilang pagnanasa sa di-makadiyos na mga bagay.” (Jud. 7, 17, 18) Paano natin matitiyak na hindi tayo magiging gaya ng mga manunuya? Iwasang makisama sa mga mapamuna. (Awit 1:1) Ibig sabihin, hindi tayo makikinig o magbabasa ng anumang mula sa mga apostata. Alam natin na kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maging mapamuna at magsimulang magduda kay Jehova at sa mga tagubiling ibinibigay ng organisasyon niya. Para maiwasan iyan, tanungin ang sarili: ‘Lagi ba akong may nasasabing negatibo kapag may mga bagong tagubilin o paliwanag? Lagi ba akong naghahanap ng mali sa mga nangunguna?’ Kapag itinutuwid natin agad ang sarili natin, natutuwa si Jehova.​—Kaw. 3:34, 35. w22.10 20 ¶9-10

Linggo, Oktubre 20

Hindi makikinig sa iyo ang sambahayan ng Israel.​—Ezek. 3:7.

Pinalakas si Ezekiel ng espiritu ng Diyos para sa atas niya na pangangaral sa mga taong “matitigas ang ulo at puso.” Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Ginawa kong sintigas ng mukha nila ang iyong mukha at sintigas ng noo nila ang iyong noo. Ginawa kong gaya ng diamante ang iyong noo, mas matigas pa kaysa sa bato. Huwag kang matakot sa kanila o sa mga tingin nila.” (Ezek. 3:8, 9) Para bang sinasabi ni Jehova kay Ezekiel: ‘Huwag kang panghinaan ng loob dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao. Papalakasin kita.’ Pagkatapos nito, inalalayan ng espiritu ng Diyos si Ezekiel sa pangangaral niya. “Talagang napakilos ako ng kapangyarihan ni Jehova,” ang isinulat ni Ezekiel. Isang linggong pinag-aralan ng propeta ang kaniyang mensahe para maunawaan niya ito. (Ezek. 3:14, 15) Pagkatapos, inutusan siya ni Jehova na pumunta sa isang kapatagan kung saan ‘sumakaniya ang espiritu.’ (Ezek. 3:23, 24) Handa na ngayong mangaral si Ezekiel. w22.11 4 ¶8-9

Lunes, Oktubre 21

O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng saklolo at hindi mo diringgin? . . . Bakit mo hinahayaan ang pang-aapi?—Hab. 1:2, 3.

Maraming naging problema ang propetang si Habakuk. May panahon pa nga na parang pinagdudahan niya kung talagang nagmamalasakit si Jehova sa kaniya. Kaya sa panalangin, ibinuhos niya ang nararamdaman niya kay Jehova. Sinagot ni Jehova ang taos-pusong panalanging iyon ng tapat na lingkod niya. (Hab. 2:2, 3) Pagkatapos bulay-bulayin ang mga pagliligtas ni Jehova sa bayan niya, naging masaya siya uli. Nakumbinsi siya na nagmamalasakit si Jehova sa kaniya at na tutulungan siya ni Jehova na matiis ang anumang pagsubok. (Hab. 3:17-19) Ano ang matututuhan natin? Kapag may mga problema ka, manalangin kay Jehova at sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo. Pagkatapos, umasa kang tutulungan ka niya. Kapag ginawa mo iyan, makakapagtiwala ka na bibigyan ka ni Jehova ng lakas para makapagtiis. At kapag naramdaman mong tinutulungan ka niya, lalong titibay ang pananampalataya mo sa kaniya. Kung pananatilihin mo ang espirituwal na rutin mo, walang problema o pagdududa ang makapaghihiwalay sa iyo mula kay Jehova.​—1 Tim. 6:6-8. w22.11 15 ¶6-7

Martes, Oktubre 22

Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.​—Luc. 23:43.

Hirap na hirap si Jesus at ang dalawang kriminal na nasa tabi niya habang nalalapit ang kamatayan nila. (Luc. 23:32, 33) Ininsulto nila si Jesus. (Mat. 27:44; Mar. 15:32) Pero nagbago ang isa sa kanila. Sinabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.” Makikita ang sagot ni Jesus sa pananalita sa teksto sa araw na ito. (Luc. 23:39-43) Ang mga sinabing ito ni Jesus sa kriminal ay dapat na magpakilos sa atin na pag-isipan kung ano ang magiging buhay natin sa Paraiso. Ang totoo, may matututuhan tayo tungkol sa Paraiso mula sa mapayapang pamamahala ni Haring Solomon. Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay higit pa kay Solomon. Kaya maaasahan natin na kikilos si Jesus, pati na ang kasama niyang mamamahala, para gawing paraiso ang lupa. (Mat. 12:42) Maliwanag, dapat na maging interesado ang “ibang mga tupa” sa kailangan nilang gawin para maging karapat-dapat silang mabuhay magpakailanman sa Paraiso.​—Juan 10:16. w22.12 8 ¶1; 9 ¶4

Miyerkules, Oktubre 23

Kapag humingi ka ng tulong, pagpapakitaan ka niya ng awa.​—Isa. 30:19.

Tinitiyak sa atin ni Isaias na pakikinggan tayo ni Jehova kapag humingi tayo ng tulong sa Kaniya at agad Niyang sasagutin ang mga panalangin natin. Sinabi pa niya: “Sa sandaling marinig ka niya, sasagutin ka niya.” Tinitiyak sa atin ng mga salitang ito na gustong-gusto ng Ama natin na tulungan tayo kapag lumapit tayo sa kaniya. Nakakatulong sa atin iyan para makapagtiis nang may kagalakan. Pinapakinggan ni Jehova ang panalangin ng bawat isa sa atin. Paano natin nasabi iyan? Sa unang bahagi ng Isaias kabanata 30, ginamit ang panghalip na pangmaramihan, gaya ng “inyo,” dahil kinakausap ni Jehova ang bayan niya bilang grupo. Pero sa talata 19, ginamit ang “ka” para tukuyin ang mga indibidwal. Isinulat ni Isaias: “Hindi ka na iiyak pa”; “pagpapakitaan ka niya ang awa”; “sasagutin ka niya.” Bilang isang maibiging Ama, nagmamalasakit siya sa atin at binibigyan niya ng atensiyon ang panalangin ng bawat isa sa atin.​—Awit 116:1; Isa. 57:15. w22.11 9 ¶5-6

Huwebes, Oktubre 24

Maging maingat kayong gaya ng ahas pero walang muwang na gaya ng kalapati.​—Mat. 10:16.

Nagiging masaya tayo at panatag kapag nangangaral tayo at nagtuturo kahit sinasalansang tayo. Nang utusan ng mga Judiong lider ng relihiyon noong unang siglo ang mga apostol na tumigil sa pangangaral, mas pinili ng mga tapat na lalaking ito na sundin ang Diyos. Patuloy silang nangaral, kaya naging masaya sila. (Gawa 5:27-29, 41, 42) Siyempre, kapag may restriksiyon sa gawain natin, dapat tayong maging maingat habang nangangaral. Pero kung gagawin natin ang buong makakaya natin, magkakaroon tayo ng kapayapaan dahil alam nating napapasaya natin si Jehova at naibabahagi natin sa iba ang nagliligtas-buhay na mensahe. Makakapagtiwala tayo na kahit sa pinakamahihirap na panahon, puwede tayong magkaroon ng kapayapaan. Sa gayong mga sitwasyon, dapat nating tandaan na ang kailangan natin ay ang kapayapaan na si Jehova lang ang makakapagbigay. Umasa sa kaniya kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, o pag-uusig. Maging malapít sa organisasyon niya. Isip-isipin ang napakagandang kinabukasang naghihintay sa iyo. Kung gagawin mo ang mga iyan, ‘sasaiyo ang Diyos ng kapayapaan.’—Fil. 4:9. w22.12 21 ¶17-18

Biyernes, Oktubre 25

Isuot ang bagong personalidad.​—Efe. 4:24.

Talagang dapat natin itong pagsikapang gawin. Kailangan nating magsikap na alisin ang mga damdaming gaya ng matinding hinanakit, galit, at poot. (Efe. 4:31, 32) Bakit hindi madaling gawin iyan? Kasi may mga pangit na ugali na mahirap alisin. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na may mga taong “magagalitin” at “madaling magalit.” (Kaw. 29:22) Baka mahirapang magbago ang ganitong mga tao kahit nabautismuhan na sila. (Roma 7:21-23) Ipanalangin kay Jehova ang pangit na ugali na gusto mong maalis, at magtiwala na papakinggan at tutulungan ka niya. (1 Juan 5:14, 15) Hindi makahimalang aalisin ni Jehova ang ugaling iyon, pero papatibayin ka niya na huwag sumuko. (1 Ped. 5:10) At gaya ng ipinanalangin mo, iwasan ang mga bagay na puwedeng maging dahilan para bumalik ang lumang personalidad mo. At alisin mo sa isip mo ang maling mga pagnanasa.​—Fil. 4:8; Col. 3:2. w23.01 10 ¶7, 9-10

Sabado, Oktubre 26

Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.​—1 Juan 4:21.

Maipapakita natin ang pag-ibig na iyan kung masigasig tayong mangangaral. Kinakausap natin ang lahat ng tao. Hindi tayo namimili ng kakausapin dahil sa kanilang lahi, tribo, katayuan sa buhay, o pinag-aralan. Sa ganitong paraan, nagagawa natin ang kalooban ni Jehova dahil gusto niyang “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Maipapakita rin natin ang pag-ibig sa Diyos at kay Kristo kung mamahalin natin ang mga kapatid. Talagang nagmamalasakit tayo at tinutulungan natin sila kapag may mga problema sila. Dinadamayan natin sila kapag namatayan sila ng mahal sa buhay, dinadalaw kapag may sakit sila, at ginagawa ang makakaya natin para mapatibay sila kapag nasisiraan sila ng loob. (2 Cor. 1:3-7; 1 Tes. 5:11, 14) Lagi natin silang ipinapanalangin, dahil alam natin na “napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.”​—Sant. 5:16. w23.01 28-29 ¶7-8

Linggo, Oktubre 27

Patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.​—1 Tes. 5:11.

Kung paanong humuhusay ang isang construction worker sa paglipas ng panahon, puwede rin tayong maging mas epektibo sa pagpapatibay sa iba. Mapapatibay natin ang iba na makapagtiis ng mga pagsubok kung ibabahagi natin sa kanila ang halimbawa ng mga taong nakapagtiis din. (Heb. 11:32-35; 12:1) Maitataguyod natin ang kapayapaan kung babanggitin natin ang magagandang katangian ng iba. Dapat din nating panatilihin ang kapayapaan kapag may mga pagkakaiba ng opinyon o di-pagkakaunawaan. (Efe. 4:3) At patuloy nating mapapatibay ang pananampalataya ng mga kapatid kung ibabahagi natin sa kanila ang mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya, magbibigay ng praktikal na tulong, at kung aalalayan natin ang mga nanghihina sa espirituwal. Magiging masaya at kontento rin tayo kung papatibayin natin ang pananampalataya ng mga kapatid. Ang mga itinayong gusali ay masisira, pero ang resulta ng pagpapatibay natin sa mga kapatid ay mananatili magpakailanman! w22.08 22 ¶6; 25 ¶17-18

Lunes, Oktubre 28

Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa bibig niya nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.​—Kaw. 2:6.

Sinabi ni Jesus ang mahalagang katangian na kailangan natin para maintindihan ang binabasa natin sa Salita ng Diyos—ang kaunawaan. (Mat. 24:15) Ano ang kaunawaan? Ito ang kakayahang makita kung paano nauugnay ang isang ideya sa isa pang ideya at kung paano ito nagkakaiba. Ito rin ang kakayahang maintindihan ang isang bagay na hindi ganoon kalinaw. Isa pa, sinabi rin ni Jesus na kailangan natin ang kaunawaan para matukoy ang mga pangyayaring tumutupad sa mga hula sa Bibliya. Kailangan din natin ang katangiang ito para lubusan tayong makinabang sa lahat ng binabasa natin sa Bibliya. Binibigyan ni Jehova ng kaunawaan ang mga lingkod niya. Kaya manalangin sa kaniya at hilinging tulungan ka na magkaroon ng katangiang ito. Paano ka kikilos ayon sa ipinanalangin mo? Pag-isipang mabuti ang binabasa mo, at pansinin kung paano ito nauugnay sa dati mo nang alam. Unawain ang mga ulat sa Bibliya at tingnan kung paano mo ito magagamit sa buhay mo. (Heb. 5:14) Kapag ginawa mo iyan, mas lalalim ang kaunawaan mo sa Kasulatan. w23.02 10 ¶7-8

Martes, Oktubre 29

Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.​—Gawa 17:28.

Isiping binigyan ka ng kaibigan mo ng isang painting na lumang-luma na pero napakamahal. Kahit medyo kupas na ito at may kaunting mantsa, milyon-milyon pa rin ang halaga nito. Siguradong papahalagahan mo at iingatan ang obra maestrang ito! Binigyan din tayo ni Jehova ng isang napakahalagang regalo—ang buhay natin. Ang totoo, ipinakita ni Jehova kung gaano kahalaga ang buhay natin sa kaniya nang ibigay niya ang kaniyang Anak bilang pantubos. (Juan 3:16) Si Jehova ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Sinabi ni apostol Pablo: “Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:25, 28) Kaya talagang regalo ng Diyos ang buhay natin. Dahil mahal niya tayo, inilalaan niya ang mga kailangan natin para mabuhay. (Gawa 14:15-17) Pero hindi gumagawa ng himala ngayon si Jehova para protektahan tayo. Inaasahan niya na magsisikap tayong ingatan ang pisikal at espirituwal na kalusugan natin.​—2 Cor. 7:1. w23.02 20 ¶1-2

Miyerkules, Oktubre 30

Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sasabihin ko sa iyo.​—Jer. 30:2.

Talagang ipinagpapasalamat natin sa Diyos na Jehova ang Bibliya! Sa pamamagitan nito, binibigyan niya tayo ng magagandang payo na tutulong sa atin kapag may mga problema tayo. Binibigyan din niya tayo ng magandang pag-asa sa hinaharap. Higit sa lahat, ginagamit ni Jehova ang Bibliya para ipakita sa atin ang mga katangian niya. Habang pinag-iisipan natin ang magagandang katangian niya, naaantig nito ang puso natin at napapakilos tayo na lumapit sa ating Diyos para maging kaibigan niya. (Awit 25:14) Gusto ni Jehova na makilala siya ng mga tao. Noon, ginagamit ni Jehova ang mga panaginip, pangitain, at kahit ang mga anghel para ipakilala ang sarili niya. (Bil. 12:6; Gawa 10:3, 4) Pero paano natin malalaman ang tungkol sa mga panaginip, pangitain, o mensahe mula sa mga anghel kung hindi ito isusulat? Kaya naman, gumamit si Jehova ng mga lalaki para ‘isulat sa isang aklat’ ang mga gusto niyang malaman natin. Makakatiyak tayo na ito ang pinakamahusay na paraan para makilala siya at matuto sa kaniya, dahil “ang daan ng tunay na Diyos ay perpekto.”​—Awit 18:30. w23.02 2 ¶1-2

Huwebes, Oktubre 31

May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.​—Gawa 20:35.

Magtakda ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin. Pumili ng mga tunguhin na magpapatibay ng pananampalataya mo at tutulong sa iyo na maging may-gulang na Kristiyano. (Efe. 3:16) Halimbawa, baka gusto mong maging mas regular ang personal na pag-aaral mo at pagbabasa ng Bibliya. (Awit 1:2, 3) O baka puwede mong sikapin na manalangin nang mas madalas at mula sa puso. Baka kailangan mo pang maipakita ang pagpipigil sa sarili pagdating sa pagpili ng libangan at sa panahong ginagamit mo rito. (Efe. 5:15, 16) Nagiging mas may-gulang kang Kristiyano kapag tumutulong ka sa iba. Halimbawa, puwede mong maging tunguhin na tulungan ang mga may-edad at mahina ang kalusugan sa inyong kongregasyon. Baka puwede mo silang ipamili o tulungan sa paggamit ng mga gadyet nila. Maipapakita mo ring mahal mo ang ibang tao kung ipapangaral mo sa kanila ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Mat. 9:36, 37) Kung posible, gawing tunguhin na maglingkod nang buong panahon. w22.08 6 ¶16-17

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share