Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es24 p. 108-118
  • Nobyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nobyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
  • Subtitulo
  • Biyernes, Nobyembre 1
  • Sabado, Nobyembre 2
  • Linggo, Nobyembre 3
  • Lunes, Nobyembre 4
  • Martes, Nobyembre 5
  • Miyerkules, Nobyembre 6
  • Huwebes, Nobyembre 7
  • Biyernes, Nobyembre 8
  • Sabado, Nobyembre 9
  • Linggo, Nobyembre 10
  • Lunes, Nobyembre 11
  • Martes, Nobyembre 12
  • Miyerkules, Nobyembre 13
  • Huwebes, Nobyembre 14
  • Biyernes, Nobyembre 15
  • Sabado, Nobyembre 16
  • Linggo, Nobyembre 17
  • Lunes, Nobyembre 18
  • Martes, Nobyembre 19
  • Miyerkules, Nobyembre 20
  • Huwebes, Nobyembre 21
  • Biyernes, Nobyembre 22
  • Sabado, Nobyembre 23
  • Linggo, Nobyembre 24
  • Lunes, Nobyembre 25
  • Martes, Nobyembre 26
  • Miyerkules, Nobyembre 27
  • Huwebes, Nobyembre 28
  • Biyernes, Nobyembre 29
  • Sabado, Nobyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2024
es24 p. 108-118

Nobyembre

Biyernes, Nobyembre 1

Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita. Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay.​—Efe. 4:29.

Hindi dapat gumamit ng masasamang salita ang isang Kristiyano. Pero may mapang-abusong pananalita na hindi natin mahahalata na masama na pala at kailangan din nating mag-ingat. Halimbawa, hindi tayo dapat magsalita ng masama tungkol sa mga tao na iba ang kultura, tribo, o lahi. Hindi rin natin dapat insultuhin ang iba. Magsalita nang nakapagpapatibay. Laging magbigay ng komendasyon sa halip na mamuna o magreklamo. Napakaraming dapat ipagpasalamat ng mga Israelita, pero naging mareklamo sila, at nakakahawa iyon. Tandaan na dahil sa di-magagandang ulat ng 10 espiya, ‘lahat ng Israelita ay nagbulong-bulungan laban kay Moises.’ (Bil. 13:31–14:4) Pero ang pagbibigay ng komendasyon ay nakapagpapatibay. Kaya humanap ng mga pagkakataong magbigay ng komendasyon. w22.04 8 ¶16-17

Sabado, Nobyembre 2

Ipinagkatiwala ako sa iyo mula nang isilang ako; mula pa sa sinapupunan ng aking ina, ikaw na ang aking Diyos.​—Awit 22:10.

Mula pa noong panahon ng Bibliya, marami nang kabataan ang natulungan ni Jehova na maging kaibigan niya. Matutulungan din niya ang mga anak mo na sumulong sa espirituwal, kung gusto nila. (1 Cor. 3:6, 7) Kahit parang naliligaw ang mga anak mo, patuloy silang babantayan ni Jehova. (Awit 11:4) Kapag nagpakita sila ng kahit kaunting senyales na sila ay “nakaayon sa buhay na walang hanggan,” handa si Jehova na tulungan sila na maging kaibigan niya. (Gawa 13:48; 2 Cro. 16:9) Matutulungan ka ni Jehova na sabihin ang mga tamang salita sa tamang panahon—sa panahong kailangang-kailangan ng mga anak mo na marinig iyon. (Kaw. 15:23) O puwede niyang pakilusin ang isang mapagmalasakit na kapatid sa kongregasyon na magpakita ng interes sa kanila at tulungan sila. At kahit mga adulto na sila, puwedeng ipaalala ni Jehova sa kanila ang mga itinuro mo noon. (Juan 14:26) Kapag patuloy mo silang tinuturuan sa salita at sa gawa, binibigyan mo si Jehova ng dahilan na pagpalain ka. w22.04 21 ¶18

Linggo, Nobyembre 3

Galit na galit ang dragon.​—Apoc. 12:17.

Dahil hindi na makakaakyat si Satanas sa langit, ibinuhos niya ang galit niya sa natitirang mga pinahiran, ang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa na “may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (2 Cor. 5:20; Efe. 6:19, 20) Noong 1918, walong kilalang kapatid ang inakusahan, hinatulang may-sala, at sinentensiyahang mabilanggo nang maraming taon. Para bang napahinto na ang gawain ng mga pinahirang ito. (Apoc. 11:3, 7-11) Pero noong mga unang buwan ng 1919, pinalaya ang mga pinahirang kapatid na ito at di-nagtagal, iniurong ang mga demanda laban sa kanila. Agad nilang ipinagpatuloy ang pangunguna sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Pero hindi pa rin huminto si Satanas sa pagsalakay sa bayan ng Diyos. Mula noon, ibinubuhos ni Satanas ang “ilog” ng pag-uusig sa lahat ng lingkod ng Diyos. (Apoc. 12:15) Talagang “kailangan ng [bawat isa sa atin] ng pagtitiis at pananampalataya.”​—Apoc. 13:10. w22.05 5-6 ¶14-16

Lunes, Nobyembre 4

Narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000.​—Apoc. 7:4.

Sa pangitain ni apostol Juan, may nakita siyang dalawang grupo na sumusuporta sa pamamahala ni Jehova at tumatanggap sila ng pagpapalang buhay na walang hanggan. Ang unang grupo ay may bilang na 144,000. Kinuha sila mula sa lupa para makasama ni Jesus sa Kaharian sa langit, at mamamahala sila sa buong lupa. (Apoc. 5:9, 10; 14:3, 4) Sa pangitaing iyon, nakita sila ni Juan sa langit kasama ni Jesus na nakatayo sa Bundok Sion. (Apoc. 14:1) Mula pa nang panahon ng mga apostol hanggang ngayon, libo-libo na ang pinili para maging bahagi ng 144,000. (Luc. 12:32; Roma 8:17) Pero sinabi kay Juan na kaunting bilang na lang ng natitirang mga pinahiran ang nabubuhay sa lupa sa mga huling araw. Pagkatapos, sa panahon ng malaking kapighatian, titipunin tungo sa langit ang mga natitirang ito para makasama ng iba pang kabilang sa 144,000 na namatay nang tapat. Makakasama sila ni Jesus bilang tagapamahala sa Kaharian ng Diyos.​—Mat. 24:31; Apoc. 5:9, 10. w22.05 16 ¶4-5

Martes, Nobyembre 5

Magbigay-pansin ka lang sa mga utos ko.​—Isa. 48:18.

Tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na magkaroon ng tamang pananaw sa sarili. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Biláng niya [ng Diyos] kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.” (Mat. 10:30) Talagang nakakapagpatibay iyan, lalo na kung negatibo ang tingin natin sa ating sarili. Talagang interesado sa atin ang ating Ama sa langit at mahalaga tayo sa kaniya. Kung pinili tayo ni Jehova na maging mananamba niya at binigyan niya tayo ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan, hindi natin dapat kuwestiyunin iyan. Mga 15 taon na ang nakakaraan, ganito ang sinabi ng Bantayan tungkol sa pagkakaroon ng balanseng pananaw sa sarili: “Mangyari pa, hindi natin iisipin na masyado na tayong mataas anupat nagiging hambog na tayo; ni nanaisin ang kabaligtaran nito at isipin na wala tayong halaga. Sa halip, tunguhin nating maglinang ng makatuwirang pangmalas sa ating sarili, na isinasaalang-alang ang ating kalakasan at mga limitasyon.” w22.05 24-25 ¶14-16

Miyerkules, Nobyembre 6

Nakikiusap ako . . . para silang lahat ay maging isa.​—Juan 17:20, 21.

Paano makakatulong ang bawat isa sa atin sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa kongregasyon? Kailangan nating maging mapagpayapa. (Mat. 5:9; Roma 12:18) Sa tuwing sinisikap nating magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa iba sa kongregasyon, nakakatulong tayo sa pagpapaganda ng espirituwal na paraiso. Tandaan natin na inilapit ni Jehova sa dalisay na pagsamba ang bawat kapatid na nasa espirituwal na paraiso. (Juan 6:44) Tiyak na masaya si Jehova kapag nakikita niya tayong nagsisikap para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga lingkod niya na minamahal niya! (Isa. 26:3; Hag. 2:7) Paano tayo lubos na makikinabang sa mga pagpapalang tinatanggap natin bilang lingkod ng Diyos? Bulay-bulayin ang mga pinag-aaralan natin sa Salita ng Diyos. Kapag ginawa natin iyan, magkakaroon tayo ng mga katangiang Kristiyano na tutulong sa atin na magpakita ng ‘pagmamahal sa mga kapatid’ at “maging magiliw sa isa’t isa” sa loob ng kongregasyon.​—Roma 12:10. w22.11 12-13 ¶16-18

Huwebes, Nobyembre 7

Patatawarin ko ang pagkakamali nila, at hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.​—Jer. 31:34.

Kapag tinanggap natin na pinatawad na tayo ni Jehova, nararanasan natin ang “mga panahon ng pagpapaginhawa,” kasama na ang pagkakaroon ng kapayapaan ng isip at malinis na konsensiya. Hindi puwedeng manggaling sa tao ang gayong uri ng pagpapatawad kundi mula “mismo kay Jehova.” (Gawa 3:19) Kapag pinatawad tayo ni Jehova, nagiging kaibigan niya tayo ulit na para bang hindi tayo nagkasala. Kapag pinatawad na tayo ni Jehova, hindi na niya iyon isusumbat sa atin o hindi na niya tayo paparusahan ulit dahil sa kasalanang iyon. (Isa. 43:25) Inilalayo ni Jehova ang mga kasalanan natin na ‘kasinlayo ng sikatan ng araw sa lubugan ng araw.’ (Awit 103:12) Kapag pinag-iisipan natin kung gaano kalaki ang pagpapatawad ni Jehova, talagang humahanga tayo at nagpapasalamat. (Awit 130:4) Hindi nakadepende sa laki o liit ng kasalanan ang pagpapatawad ni Jehova. Kapag nagpapatawad si Jehova, ginagamit niya ang kaalaman niya bilang Maylalang, Tagapagbigay-Batas, at Hukom. w22.06 5 ¶12-14

Biyernes, Nobyembre 8

Ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.​—Heb. 11:6.

Napakaganda ng pag-asang ibinibigay ni Jehova sa lahat ng nagmamahal sa kaniya. Malapit na niyang alisin ang sakit, kalungkutan, at kamatayan. (Apoc. 21:3, 4) Tutulungan niya ang “maaamo” na umaasa sa kaniya na gawing paraiso ang lupang ito. (Awit 37:9-11) At gagawin din niyang posible na magkaroon ang bawat isa sa atin ng mas malapít na kaugnayan sa kaniya kaysa sa nararanasan natin ngayon. Napakaganda ngang pag-asa! Pero bakit tayo makakapagtiwala na matutupad ang mga pangako ng Diyos? Kasi lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. Kaya tama lang na “umasa [tayo] kay Jehova.” (Awit 27:14) Maipapakita natin ito kung patuloy tayong magtitiis at magiging masaya habang hinihintay nating matupad ang mga pangako niya. (Isa. 55:10, 11) Manatili sana tayong tapat kay Jehova at magtiwalang gagantimpalaan niya ang “mga humahanap sa kaniya nang buong puso.” w22.06 20 ¶1; 25 ¶18

Sabado, Nobyembre 9

Alam ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa ninyo hingin iyon sa kaniya.​—Mat. 6:8.

Si Jehova ang Ulo ng pamilya, at siguradong gagawin niya ang ipinapagawa niya sa lahat ng ulo ng pamilya sa 1 Timoteo 5:8. Kung kumbinsido tayo na mahal tayo ni Jehova at ang pamilya natin, hindi tayo magdududa na ilalaan niya ang lahat ng pangangailangan natin. (Mat. 6:31-33) At gusto niyang gawin iyan. Si Jehova ay isang mapagmahal at bukas-palad na Tagapaglaan! Nang lalangin niya ang lupa, hindi lang mga pangunahing pangangailangan natin para mabuhay ang ibinigay niya. Pinunô niya rin ang lupa ng mga bagay na magpapasaya sa atin. (Gen. 2:9) Kahit sapat na sapat lang ang pangangailangan natin, ang mahalaga ay nakakaraos tayo. Kahit kailan, hindi pa pumalya si Jehova sa paglalaan sa atin. (Mat. 6:11) Tandaan na anumang materyal na bagay ang isakripisyo natin, walang-wala iyon sa kayang ibigay sa atin ng Diyos ngayon at sa hinaharap.​—Isa. 65:21, 22. w22.06 15 ¶7-8

Linggo, Nobyembre 10

Ang matigas na pagkain ay para sa mga maygulang.​—Heb. 5:14.

Hindi lang ang mga interesadong tao ang nangangailangan ng matigas na espirituwal na pagkain, kundi lahat tayo. Sinabi ni apostol Pablo na kung susundin natin ang mga natututuhan natin mula sa Bibliya, tutulong ito sa atin na “makilala ang tama at mali.” Sa panahong ito na napakababa ng moral ng mga tao, napakahirap sundin ng mga pamantayan ni Jehova. Pero tinitiyak ni Jesus na may makukuha tayong espirituwal na pagkain na magpapatibay ng ating pananampalataya. Ang pinagmumulan ng espirituwal na pagkain na ito ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Gaya ni Jesus, ibinibigay natin sa Diyos ang karangalang karapat-dapat sa pangalan niya. (Juan 17:6, 26) Halimbawa, noong 1931, tinanggap natin ang pangalang Saksi ni Jehova, na nakasalig sa Bibliya. Dahil diyan, ipinapakita natin na napakahalaga sa atin ng pangalan ng Diyos at na gusto nating makilala sa pangalan niya. (Isa. 43:10-12) Ibinalik din ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ang pangalan ng Diyos sa tamang lugar nito sa Bibliya. w22.07 11 ¶11-12

Lunes, Nobyembre 11

Ang salita mo ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.​—Awit 119:105.

Kasama rin sa mga katotohanan mula sa Bibliya ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang nakatagong kayamanan. Sinabi ni Jesus sa Mateo 13:44: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng kayamanang nakabaon sa bukid, na nakita ng isang tao at ibinaon ulit; dahil sa saya, umalis siya at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.” Pansinin na hindi naman hinahanap ng lalaki ang kayamanang iyon. Pero nang makita niya ito, marami siyang isinakripisyo para makuha ito. Ipinagbili niya ang lahat ng ari-arian niya. Bakit? Dahil alam niya kung gaano kahalaga ang kayamanang iyon. Hindi matutumbasan ng anumang maiaalok ng mundong ito ang kagalakang paglingkuran si Jehova ngayon at ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Sulit ang anumang sakripisyong kailangan nating gawin para maging kaibigan ni Jehova. Napakasaya natin kapag ‘lubusan natin siyang napalulugdan.’—Col. 1:10. w22.08 15 ¶8-9; 17 ¶12

Martes, Nobyembre 12

Paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?​—Gen. 39:9.

Paano nalaman ni Jose na “napakasamang bagay” para sa Diyos ang pangangalunya? Mga dalawang daang taon pa ang lumipas bago ibigay sa mga Israelita ang Kautusang Mosaiko na nagsasabi, “Huwag kang mangangalunya.” (Ex. 20:14) Pero kilala ni Jose si Jehova at alam niyang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pangangalunya. Halimbawa, siguradong alam ni Jose na ang kaayusan ni Jehova sa pag-aasawa ay para lang sa isang lalaki at isang babae. At malamang na nalaman din ni Jose ang dalawang pagkakataon na pinrotektahan ni Jehova ang lola niya sa tuhod na si Sara nang muntik na itong kunin ng iba bilang asawa. (Gen. 2:24; 12:14-20; 20:2-7) Dahil pinag-isipan ni Jose ang mga pangyayaring ito, naging malinaw sa kaniya kung ano ang tama at mali sa paningin ng Diyos. Mahal ni Jose ang Diyos, kaya mahal din niya ang pamantayan ni Jehova ng katuwiran, at determinado siyang sundin iyon. w22.08 26 ¶1-2

Miyerkules, Nobyembre 13

Marami . . . ang magigising, ang ilan tungo sa buhay na walang hanggan.​—Dan. 12:2.

Ang hulang ito ay hindi tumutukoy sa isang makasagisag o espirituwal na pagkabuhay-muli ng mga lingkod ng Diyos na mangyayari sa mga huling araw, gaya ng pagkaunawa natin dati. Sa halip, ang tinutukoy rito ay ang pagkabuhay-muli ng mga patay na mangyayari sa bagong sanlibutan. Bakit natin nasabi iyan? Ang salitang “alabok” ay ginamit din sa Job 17:16 bilang katumbas ng salitang “Libingan.” Ipinapakita nito na ang tinutukoy sa Daniel 12:2 ay literal na pagkabuhay-muli na mangyayari pagkatapos ng mga huling araw at ng digmaan ng Armagedon. Sinabi ng Daniel 12:2 na ang ilan ay bubuhaying muli “tungo sa buhay na walang hanggan.” Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na ang mga bubuhaying muli at kikilala, o patuloy na kikilala, at susunod kay Jehova at kay Jesus sa loob ng 1,000 taon ay siguradong tatanggap ng buhay na walang hanggan.​—Juan 17:3. w22.09 21-22 ¶6-7

Huwebes, Nobyembre 14

Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.​—1 Cor. 13:7.

Hindi naman ibig sabihin nito na gusto ni Jehova na magtiwala tayo sa mga kapatid nang walang dahilan, kundi inaasahan niya na magtitiwala tayo sa kanila dahil karapat-dapat silang pagkatiwalaan. Ang pagtitiwala ay kagaya ng paggalang. Kailangan mong magsikap para makuha ito, at nangangailangan iyon ng panahon. Paano ka magkakaroon ng tiwala sa mga kapatid? Kilalanin silang mabuti. Makipagkuwentuhan sa kanila bago at pagkatapos ng pulong. Samahan sila sa ministeryo. Maging mapagpasensiya sa kanila. Bigyan sila ng pagkakataon na maipakitang mapagkakatiwalaan sila. Sa umpisa, baka piliin mo lang ang mga gusto mong sabihin tungkol sa iyo sa isa na hindi mo pa masyadong kilala. Pero habang mas nakikilala mo siya, mas nagiging palagay ka na sabihin sa kaniya ang mga niloloob mo. (Luc. 16:10) Pero paano kung masira ng isang kapatid ang tiwala mo sa kaniya? Huwag mo agad siyang ayawan. Bigyan mo siya ng panahon at pagkakataon. At huwag mong hayaang masira ang pagtitiwala mo sa mga kapatid dahil lang sa pagkakamali ng isang tao. w22.09 4 ¶7-8

Biyernes, Nobyembre 15

Ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa.​—2 Cro. 16:9.

Pakiramdam ng elder na si Miqueas na hindi siya pinakitunguhan ng maganda ng ilang kapatid na may pananagutan sa organisasyon. Pero ginamit niya ang kaniyang kakayahang mag-isip at sinikap na kontrolin ang nararamdaman niya. Nanalangin siya nang madalas kay Jehova para humingi ng banal na espiritu at ng lakas para makayanan iyon. Naghanap din siya sa mga publikasyon natin ng mga impormasyon na makakatulong sa kaniya. Ano ang aral? Kung pakiramdam mo ay ginawan ka ng hindi maganda ng isang kapatid, manatiling kalmado at sikaping kontrolin ang anumang negatibong mararamdaman mo. Hindi mo alam ang dahilan kung bakit niya iyon nasabi o nagawa. Kaya manalangin kay Jehova, at hilingin na tulungan kang makita ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw niya. Isipin mo na hindi ka naman sinasadyang saktan ng kapatid at palampasin mo ang pagkukulang niya. (Kaw. 19:11) Tandaan, alam na alam ni Jehova ang nangyayari sa iyo at bibigyan ka niya ng lakas para makayanan iyon.​—Ecles. 5:8. w22.11 21 ¶5

Sabado, Nobyembre 16

Iniiwasan ko ang mga mapagkunwari.​—Awit 26:4.

Pumili ng mga kaibigan na mahal si Jehova. May malaking epekto sa pagsulong mo bilang Kristiyano ang mga pinipili mong kaibigan. (Kaw. 13:20) Sinabi ni Julien, na naglilingkod ngayon bilang elder: “Noong mas bata pa ako, naging kaibigan ko ang mga nakakasama ko sa ministeryo. Masisigasig sila, at tinulungan nila akong makita kung gaano kasaya ang ministeryo. . . . Na-realize ko na sa mga kaedad ko lang ako nakikipagkaibigan. Napapalampas ko tuloy ang mga pagkakataon na magkaroon ng mas marami pang mabubuting kaibigan.” Paano kung makakasira sa kaugnayan mo kay Jehova ang pakikisama sa isang kakongregasyon mo? Alam ni Pablo na hindi kumikilos o nag-iisip bilang Kristiyano ang ilang kapatid sa kongregasyon noong unang siglo. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na iwasan sila. (2 Tim. 2:20-22) Napakahalaga ng pakikipagkaibigan natin kay Jehova, at nagsikap tayo nang husto para mapalapít sa kaniya. Kaya hindi natin dapat hayaan na sirain ng sinuman ang kaugnayan natin sa ating Ama sa langit. w22.08 5-6 ¶13-15

Linggo, Nobyembre 17

Huwag kang lalapit sa mangmang.​—Kaw. 14:7.

Hindi tayo tulad ng mga ayaw sumunod sa payo ng Diyos. Minamahal natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova, kasama na ang mga pamantayan niya sa moral. Mapapatibay natin ang pag-ibig na iyan kung ikukumpara natin ang mga resulta ng pagsunod sa di-pagsunod. Pag-isipan ang mga problemang ibinibigay ng mga tao sa sarili nila dahil lang sa ayaw nilang sumunod sa matatalinong payo ni Jehova. Pagkatapos, isipin kung gaano kaganda ang buhay mo dahil sumusunod ka sa Diyos. (Awit 32:8, 10) Ibinibigay ni Jehova sa lahat ang karunungan, pero hindi niya pinipilit ang sinuman na tanggapin iyon. Pero sinabi niya kung ano ang mangyayari sa mga hindi nakikinig sa karunungan niya. (Kaw. 1:29-32) “Aanihin nila ang bunga ng mga ginagawa nila.” Darating ang panahon, mararanasan nila ang hirap at pagdurusa dahil sa pinili nilang pamumuhay. At bandang huli, pupuksain sila ni Jehova. Pero ipinangako sa mga nakikinig at sumusunod sa matatalinong payo ni Jehova: “Ang nakikinig sa akin ay mamumuhay nang panatag at hindi matatakot sa anumang kapahamakan.”​—Kaw. 1:33. w22.10 20-21 ¶11-13

Lunes, Nobyembre 18

Maligaya ang lahat ng natatakot kay Jehova at lumalakad sa Kaniyang mga daan.​—Awit 128:1.

Kung may takot tayo kay Jehova, talagang igagalang natin siya at iiwasan nating gumawa ng anumang bagay na magpapalungkot sa kaniya. (Kaw. 16:6) Kaya sinisikap nating sundin ang mga pamantayan ng Diyos ng tama at mali gaya ng sinasabi sa Bibliya. (2 Cor. 7:1) Magiging masaya tayo kung gagawin natin ang mga gusto ni Jehova at iiwasan ang mga bagay na kinapopootan niya. (Awit 37:27; 97:10; Roma 12:9) Hindi sapat na alam ng isang tao na si Jehova ang may karapatang magtakda ng tama at mali. Dapat din niyang sundin ang mga pamantayan ng Diyos. (Roma 12:2) Makikita sa paggawi natin kung talagang naniniwala tayo na ang mga pamantayan ni Jehova ang pinakamabuting sundin. (Kaw. 12:28) Ganiyan ang naramdaman ni David. Kaya sinabi niya tungkol kay Jehova: “Ipinaaalam mo sa akin ang daan ng buhay. Sa presensiya mo ay may lubos na kagalakan; may kaligayahan sa iyong kanang kamay magpakailanman.”​—Awit 16:11. w22.10 8 ¶9-10

Martes, Nobyembre 19

Walang anumang magagawa ang Anak sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.​—Juan 5:19.

Balanse ang tingin ni Jesus sa sarili niya at kahit kailan, hindi siya naging mapagmataas. Noong nasa langit pa si Jesus, marami siyang ginawang kahanga-hangang bagay habang naglilingkod kay Jehova. Sa pamamagitan ni Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa.” (Col. 1:16) Noong bautismuhan siya, naalala ni Jesus ang lahat ng bagay na ginawa niya kasama ng kaniyang Ama. (Mat. 3:16; Juan 17:5) Pero hindi iyon naging dahilan para magmataas si Jesus. Hindi rin niya ipinakita na nakakataas siya sa iba. Sinabi niya sa mga alagad niya na bumaba siya sa lupa, “hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Sinabi rin niya na wala siyang anumang magagawa sa sarili niyang pagkukusa. Talagang mapagpakumbaba si Jesus! Napakagandang halimbawa niya para sa atin. w22.05 24 ¶13

Miyerkules, Nobyembre 20

Manumbalik . . . kay Jehova.​—Isa. 55:7.

Kapag nagpapasiya si Jehova kung magpapatawad siya, tinitingnan niya kung alam ng nagkasala na mali ang ginawa nito. Malinaw na sinabi iyan ni Jesus sa Lucas 12:47, 48. Kapag sinasadya ng isa na gumawa ng masama kahit alam na alam niya na masasaktan si Jehova, nagkakasala siya nang malubha. Posibleng hindi siya patawarin ni Jehova. (Mar. 3:29; Juan 9:41) Pero may pag-asa pa bang mapatawad siya? Oo! Tinitingnan kasi ni Jehova kung talagang nagsisisi ang nagkasala. Ang pagsisisi ay “pagbabago ng isip, saloobin, o layunin.” Nangangahulugan ito na ang isang tao ay nakakadama ng panghihinayang at matinding kalungkutan dahil sa masamang bagay na nagawa niya o sa mabubuting bagay na dapat sana ay ginawa niya. Nalulungkot siya, hindi lang dahil sa nagawa niyang mali, kundi dahil hinayaan din niyang humina ang espirituwalidad niya na naging dahilan kaya nakagawa siya ng kasalanan. w22.06 5-6 ¶15-17

Huwebes, Nobyembre 21

Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.​—2 Tim. 3:12.

Nagkakalat ng kasinungalingan o maling impormasyon ang mga kaaway natin tungkol sa mga kapatid na nangangasiwa sa organisasyon ni Jehova. (Awit 31:13) Ang ilan sa mga kapatid natin ay inaaresto at inaakusahan bilang kriminal. Naranasan din iyan ng mga Kristiyano noong unang siglo nang paratangan at arestuhin si apostol Pablo. Hindi sinuportahan ng ilan si apostol Pablo nang mabilanggo ito sa Roma. (2 Tim. 1:8, 15; 2:8, 9) Isipin na lang ang naramdaman ni Pablo. Dumanas siya ng maraming paghihirap at isinapanganib pa nga ang buhay niya para sa kanila. (Gawa 20:18-21; 2 Cor. 1:8) Huwag sana nating tularan ang mga nang-iwan kay Pablo! Kaya hindi natin dapat ikagulat na pinupuntirya ni Satanas ang mga kapatid na nangangasiwa. Gusto niyang sirain ang katapatan nila at takutin tayo. (1 Ped. 5:8) Patuloy na suportahan ang mga kapatid at huwag silang iwan.​—2 Tim. 1:16-18. w22.11 16-17 ¶8-11

Biyernes, Nobyembre 22

Wala ka na ba talagang takot sa Diyos?—Luc. 23:40.

Posibleng Judio ang nagsising kriminal na nakabayubay sa tabi ni Jesus bago siya namatay. Iisang Diyos lang ang sinasamba ng mga Judio, pero naniniwala sa maraming diyos ang ibang mga bansa. (Ex. 20:2, 3; 1 Cor. 8:5, 6) Kung hindi Judio ang kriminal na iyon, ang itinanong sana niya ay ang pananalita sa teksto sa araw na ito, “Wala ka na ba talagang takot sa mga diyos?” Isa pa, isinugo si Jesus, hindi para sa mga tao ng ibang mga bansa, kundi para sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat. 15:24) Ipinaalam din ng Diyos sa mga Israelita na bubuhaying muli ang mga patay. Baka alam ng nagsising kriminal ang tungkol dito. At gaya ng makikita sa sinabi niya, iniisip niya na bubuhaying muli ni Jehova si Jesus para mamahala sa Kaharian ng Diyos. Maliwanag na umaasa ang lalaki na bubuhayin rin siyang muli ng Diyos. Bilang Judio, malamang na alam ng nagsising kriminal ang tungkol kina Adan at Eva at ang Paraiso na ginawa ni Jehova para sa kanila. Kaya nang banggitin ni Jesus sa kaniya ang tungkol sa Paraiso na nasa Lucas 23:43, malamang na naisip niya na isa itong magandang hardin dito sa lupa.​—Gen. 2:15. w22.12 8-9 ¶2-3

Sabado, Nobyembre 23

Silang lahat ay paulit-ulit na nanalangin nang may iisang kaisipan.​—Gawa 1:14.

Magagawa lang din nating mangaral ngayon sa tulong ng espiritu ng Diyos. Bakit? Kasi nakikipagdigma sa atin si Satanas para patigilin tayo sa pangangaral. (Apoc. 12:17) Sa paningin ng tao, wala tayong kalaban-laban kay Satanas. Pero kapag nangangaral tayo, nagtatagumpay tayo laban sa kaniya! (Apoc. 12:9-11) Paano? Kapag nangangaral tayo, ipinapakita natin na hindi tayo natatakot sa mga banta ni Satanas. At sa bawat pangangaral natin, natatalo natin siya. Kaya itinuturo nito sa atin na pinapalakas tayo ng banal na espiritu at na sinasang-ayunan tayo ni Jehova. (Mat. 5:10-12; 1 Ped. 4:14) Itinuturo nito sa atin na kaya tayong palakasin ng espiritu ng Diyos para maharap ang anumang hamon sa ministeryo natin. (2 Cor. 4:7-9) Kaya ano ang puwede nating gawin para patuloy tayong tumanggap ng espiritu ng Diyos? Kailangan natin itong laging hingin sa panalangin at magtiwalang pakikinggan tayo ni Jehova. w22.11 5 ¶10-11

Linggo, Nobyembre 24

Hinihimok din namin kayo, mga kapatid, na babalaan ang mga masuwayin, patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob, alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.​—1 Tes. 5:14.

Maipapakita nating mahal natin ang mga kapatid kung sisikapin nating makipagpayapaan sa kanila. Gusto nating tularan ang pagpapatawad ni Jehova. Hinayaan ni Jehova na mamatay ang kaniyang Anak para matubos ang mga kasalanan natin, kaya dapat na handa rin tayong magpatawad sa mga kapatid kapag nagkasala sila sa atin. Ayaw nating maging katulad ng masamang alipin na binanggit sa isang ilustrasyon ni Jesus. Kinansela ng hari ang napakalaking utang ng alipin, pero hindi nito nagawang patawarin ang kapuwa alipin niya na may mas maliit na utang sa kaniya. (Mat. 18:23-35) Kung may nakatampuhan ka sa kongregasyon ninyo, puwede ka bang maunang makipagpayapaan bago dumating ang araw ng Memoryal? (Mat. 5:23, 24) Kapag ginawa mo iyan, maipapakita mo na talagang mahal mo si Jehova at si Jesus. w23.01 29 ¶8-9

Lunes, Nobyembre 25

Ang tumutulong sa dukha ay nagpapautang kay Jehova.​—Kaw. 19:17.

Ano ang isang paraan para malaman mo ang kailangan ng mga kapatid? Puwede mo silang tanungin sa paraang hindi sila mapapahiya. (Kaw. 20:5) Mayroon ba silang sapat na pagkain, gamot, at ibang pangangailangan? Posible bang mawalan sila ng trabaho o pambayad sa upa ng bahay? Kailangan ba nila ng tulong para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno? Lahat tayo ay inaanyayahan ni Jehova na patibayin at tulungan ang iba. (Gal. 6:10) Kahit simpleng bagay lang ang gawin natin para tulungan ang isang may sakit, malaking pampatibay iyon sa kaniya. Puwedeng magbigay ng isang card o drawing ang isang bata para patibayin ang isang kapatid. Puwede namang tulungan ng isang kabataan ang isang sister sa pamimili. Puwede mo ring ipagluto ang isang kapatid na may sakit. May mga kapatid na nagbibigay ng thank-you note sa mga elder, kasi mas marami silang ginagawa kapag may kumakalat na sakit. Napakasaya nga kapag ginagawa natin ang bahagi natin para “patuloy [na] pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa”!—1 Tes. 5:11. w22.12 22 ¶2; 23 ¶5, 6

Martes, Nobyembre 26

Maling-mali kayo.​—Mar. 12:27.

Alam na alam ng mga Saduceo ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan, pero hindi nila tinanggap ang mahahalagang katotohanan sa mga aklat na iyon. Halimbawa, pansinin kung paano sumagot si Jesus nang subukin ng mga Saduceo ang kaalaman niya tungkol sa pagkabuhay-muli. Tinanong niya sila: “Hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman, na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’?” (Mar. 12:18, 26) Tiyak na maraming beses na itong nabasa ng mga Saduceo, pero ipinakita ng tanong ni Jesus na hindi nila tinanggap ang mahalagang katotohanan sa Kasulatan—ang turo tungkol sa pagkabuhay-muli. (Luc. 20:38) Ano ang matututuhan natin dito? Kapag nagbabasa, gusto nating magbigay-pansin sa mga aral na itinuturo sa atin ng isang teksto o ulat sa Bibliya. Hindi lang mga pangunahing turo ang gusto nating malaman kundi pati na ang malalalim na katotohanan at mga prinsipyo. w23.02 11 ¶9-10

Miyerkules, Nobyembre 27

Napapalibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi.​—Heb. 12:1.

Lahat ng saksi na tinutukoy sa teksto sa araw na ito ay dumanas ng matitinding pagsubok; pero nanatili silang tapat kay Jehova. (Heb. 11:36-40) Nasayang ba ang mga pagtitiis at pagsisikap nila? Hinding-hindi! Hindi man nila nakita ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos noong nabubuhay sila, patuloy pa rin silang umasa kay Jehova. At dahil kumbinsido silang sinasang-ayunan sila ni Jehova, nagtitiwala silang makikita nila ang katuparan ng mga pangako niya. (Heb. 11:4, 5) Mapapatibay ng mga halimbawa nila ang determinasyon natin na patuloy na umasa kay Jehova. Sa ngayon, nabubuhay tayo sa isang mundo na lalo pang sásamâ. (2 Tim. 3:13) Hindi pa tapos si Satanas. Patuloy pa rin niyang sinusubok ang mga lingkod ng Diyos. Anuman ang mangyari sa hinaharap, magsikap sana tayo nang husto para kay Jehova dahil “umaasa tayo sa isang buháy na Diyos.”​—1 Tim. 4:10. w22.06 25 ¶17-18

Huwebes, Nobyembre 28

Ano ang pakinabang sa kamatayan ko . . . ? Pupurihin ka ba ng alabok?—Awit 30:9.

Ang isang dahilan kung bakit dapat nating ingatan ang kalusugan natin ay para mapaglingkuran natin nang husto si Jehova. (Mar. 12:30) Kaya iniiwasan natin ang mga bagay na makakasamâ sa atin. (Roma 12:1) Siyempre, hindi natin laging maiiwasang magkasakit. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat para maipakita na pinapahalagahan natin ang buhay na regalo ng ating Ama sa langit. Nalilimitahan ng sakit at katandaan ang mga nagagawa natin. Baka malungkot tayo at masiraan ng loob dahil dito. Pero hindi pa rin natin dapat pabayaan ang kalusugan natin. Bakit? Kasi kahit matanda na tayo o may sakit, mapapapurihan pa rin natin si Jehova, gaya ni Haring David. Talagang nakakatuwang isipin na mahalaga tayo sa Diyos kahit hindi tayo perpekto! (Mat. 10:29-31) At kahit mamatay tayo, sabik siyang buhayin tayong muli. (Job 14:14, 15) Kaya habang nabubuhay tayo, sikapin nating ingatan ang sarili natin. w23.02 21 ¶3-5

Biyernes, Nobyembre 29

Ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay hindi kailanman mapatatawad.​—Mar. 3:29.

Mananatili ba ang pangalan ng malaking pulutong ng ibang mga tupa sa aklat ng buhay pagkatapos nilang makaligtas sa Armagedon? Oo. (Apoc. 7:14) Sinabi ni Jesus na ang mga tulad-tupang ito ay “tatanggap ng buhay na walang hanggan.” (Mat. 25:46) Pero hindi nila agad tatanggapin ang buhay na walang hanggan pagkatapos ng Armagedon. Sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus, “magpapastol [siya] sa kanila at aakay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay.” Mapapasulat nang permanente sa aklat ng buhay ang pangalan ng mga susunod sa patnubay ni Kristo at mapapatunayang tapat kay Jehova. (Apoc. 7:16, 17) Pero ang mga kambing ay pupuksain sa Armagedon. Sinabi ni Jesus na sila ay “paparusahan ng walang-hanggang kamatayan.” (Mat. 25:46) Sa patnubay ng Diyos, sinabi ni apostol Pablo na “ang mga ito ay hahatulan ng parusang walang-hanggang pagkapuksa.”​—2 Tes. 1:9; 2 Ped. 2:9. w22.09 16 ¶7-8

Sabado, Nobyembre 30

May takdang panahon para sa lahat ng bagay.​—Ecles. 3:1.

Tumitibay ang ugnayan ng magkakapamilya kapag sama-sama silang nag-e-enjoy sa mga nilalang ni Jehova. Lumikha rin si Jehova ng magagandang lugar at puwede tayong mag-enjoy doon. Maraming pamilya ang gustong-gustong pumunta sa mga park, zoo, bundok, at beach. Siguradong mas mae-enjoy ng bawat pamilya ang mga nilalang ni Jehova sa bagong sanlibutan. Doon, hindi na tayo matatakot sa mga hayop at hindi na rin sila matatakot sa atin. (Isa. 11:6-9) Mas marami tayong panahon para mag-enjoy sa mga nilikha ni Jehova. (Awit 22:26) Pero mga magulang, ngayon pa lang, tulungan na ang mga anak ninyo na ma-enjoy ang mga nilalang ni Jehova para matuto sila sa mga ito. Siguradong mararamdaman nila ang naramdaman ni Haring David nang sabihin niya: “O Jehova, walang katulad ang mga gawa mo.”​—Awit 86:8. w23.03 25 ¶16-17

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share