Disyembre
Linggo, Disyembre 1
Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?—Gawa 8:36.
Gustong-gusto nang magpabautismo ng opisyal sa palasyo na Etiope, pero handa na ba talaga siya? Pag-isipan ito: “Pumunta [ang Etiope] sa Jerusalem para sumamba.” (Gawa 8:27) Malamang na isa siyang proselita; nakumberte siya sa Judaismo. Siguradong natuto na siya tungkol kay Jehova mula sa Hebreong Kasulatan. Pero gustong-gusto pa niyang matuto. Nang makita siya ni Felipe sa daan, binabasa niya nang mabuti ang balumbon na isinulat ni propeta Isaias. (Gawa 8:28) Gusto pa niyang matuto nang higit. Naglakbay siya mula Etiopia hanggang Jerusalem para sumamba sa templo ni Jehova. Natuto ang Etiope mula kay Felipe ng mga bagong katotohanan, halimbawa, kung sino ang Mesiyas. (Gawa 8:34, 35) Lumalim ang pag-ibig niya kay Jehova at sa Kaniyang Anak. Napakilos siyang gawin ang isang mahalagang desisyon—ang magpabautismo bilang tagasunod ni Jesu-Kristo. Nakita ni Felipe na handa na ang Etiope, kaya binautismuhan niya ito. w23.03 8-9 ¶3-6
Lunes, Disyembre 2
Laging maging mabait sa inyong pananalita.—Col. 4:6.
Hindi natin mapapasaya si Jehova kung magsisinungaling tayo. (Kaw. 6:16, 17) Para sa marami, normal na lang ang pagsisinungaling sa ngayon, pero iniiwasan natin iyon dahil mali iyon para kay Jehova. (Awit 15:1, 2) Totoo, hindi natin sasadyaing magsinungaling, pero iiwasan din nating magtago ng ilang impormasyon para lang magkaroon ng maling konklusyon ang iba. Dapat din nating iwasan ang pagkakalat ng tsismis. (Kaw. 25:23; 2 Tes. 3:11) Kapag nakikita mong nagiging tsismis na ang kuwentuhan, gawing positibo ang usapan. Dahil karaniwan na lang sa mundo ang masamang pananalita, dapat tayong magsikap na mapasaya si Jehova sa pananalita natin. Pagpapalain niya ang pagsisikap nating magsalita nang positibo sa ministeryo, sa mga pulong, at sa pakikipag-usap natin. Kapag pinuksa na ni Jehova ang masamang sanlibutang ito, mas madali na nating mapaparangalan si Jehova sa pananalita natin.—Jud. 15. w22.04 9 ¶18-20
Martes, Disyembre 3
Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.—1 Juan 4:19.
Kapag iniisip natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova at ni Jesus, napapakilos tayo na mahalin din sila. (1 Juan 4:10) At lalo natin silang minamahal kapag naaalala natin na namatay si Jesus para sa bawat isa sa atin. Totoo iyan para kay apostol Pablo at ipinakita niya ang pasasalamat niya nang sumulat siya sa mga taga-Galacia. Sinabi niya: ‘Ang Anak ng Diyos ay nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.’ (Gal. 2:20) Sa bisa ng pantubos, inilapit ka ni Jehova sa kaniya para maging kaibigan niya. (Juan 6:44) Hindi ba’t nakakatuwang malaman na may nakitang mabuti si Jehova sa iyo at na ang laki ng ibinayad niya para maging kaibigan ka niya? Hindi ba’t lalo mong minahal si Jehova at si Jesus? Kaya tanungin ang sarili, ‘Paano ako mapapakilos ng pag-ibig na iyan?’ Napapakilos tayo ng pag-ibig sa Diyos at kay Kristo na magpakita ng pag-ibig sa iba.—2 Cor. 5:14, 15; 6:1, 2. w23.01 28 ¶6-7
Miyerkules, Disyembre 4
Papalitan ko ng dalisay na wika ang wika ng mga tao.—Zef. 3:9.
Napakahalaga ng papel ng Bibliya para matupad ang layunin ni Jehova na “maglingkod sa kaniya nang balikatan” ang mga mananamba niya. Maraming bahagi ng Kasulatan ang isinulat sa paraan na mga taong mapagpakumbaba lang ang makakaunawa. (Luc. 10:21) Nababasa ng maraming tao ang Bibliya. Pero mga mapagpakumbaba lang ang talagang nakakaunawa at sumusunod sa sinasabi ng Bibliya. (2 Cor. 3:15, 16) Makikita natin ang karunungan ni Jehova sa Bibliya. Ginagamit ni Jehova ang Kasulatan, hindi lang para turuan tayo bilang grupo, kundi para turuan tayo at patibayin bilang indibidwal. Kapag binabasa natin ang Salita ni Jehova, makikita natin na interesado siya sa bawat isa sa atin. (Isa. 30:21) Madalas ba na nakakabasa ka ng isang talata sa Bibliya na para bang isinulat para sa iyo? Pero ang totoo, isinulat ang Bibliya para sa milyon-milyong tao. Paano nangyaring hindi naluluma ang impormasyon dito at eksaktong-eksakto sa pangangailangan mo? Naging posible lang ito dahil ang Awtor ng Bibliya ang pinakamarunong sa uniberso.—2 Tim. 3:16, 17. w23.02 4-5 ¶8-10
Huwebes, Disyembre 5
Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo.—1 Tim. 4:15.
Bilang mga tunay na Kristiyano, mahal na mahal natin si Jehova. Gusto nating gawin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. Pero para magawa iyan, kailangan nating magtakda ng mga espirituwal na tunguhin gaya ng pagpapasulong ng Kristiyanong mga katangian, pag-aaral ng kapaki-pakinabang na mga kasanayan, at paghahanap ng mga paraan kung paano pa mapaglilingkuran ang iba. Bakit dapat nating sikapin na sumulong sa espirituwal? Una sa lahat, gusto nating mapasaya ang ating mapagmahal na Ama sa langit. Natutuwa si Jehova kapag nakikita niyang lubusan nating ginagamit ang mga kakayahan natin sa paglilingkod sa kaniya. At gusto rin nating sumulong sa espirituwal para mas makatulong tayo sa mga kapatid. (1 Tes. 4:9, 10) Gaano man tayo katagal sa katotohanan, kailangan pa rin nating lahat na sumulong sa espirituwal. w22.04 22 ¶1-2
Biyernes, Disyembre 6
Uubusin nila ang laman niya at lubusan siyang susunugin.—Apoc. 17:16.
Malapit nang salakayin ng gobyerno ng tao ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Magiging pasimula ito ng malaking kapighatian. Kapag nangyari iyan, magpapasiya kaya ang maraming tao na paglingkuran si Jehova? Hindi. Sa kabaligtaran, ipinapakita sa Apocalipsis kabanata 6 na sa panahong iyon, ang mga hindi naglilingkod kay Jehova ay hihingi ng tulong sa sistema ng politika at komersiyo, na itinulad sa mga bundok. Dahil hindi nila sinusuportahan ang Kaharian ng Diyos, ituturing sila ni Jehova na mga kaaway. (Luc. 11:23; Apoc. 6:15-17) Makikita na ibang-iba ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa napakahirap na panahong iyon ng kapighatian. Sila lang ang kaisa-isang grupo ng mga tao sa lupa na naglilingkod sa Diyos na Jehova at tumatangging sumuporta sa “mabangis na hayop.”—Apoc. 13:14-17. w22.05 16-17 ¶8-9
Sabado, Disyembre 7
Mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita para sa mga nakatira sa lupa, sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.—Apoc. 14:6.
Hindi lang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ ang kailangang ipangaral ng bayan ng Diyos. (Mat. 24:14) Kailangan din nilang suportahan ang gawain ng mga anghel na inilarawan sa Apocalipsis kabanata 8 hanggang 10. Inihahayag ng mga anghel na ito ang sunod-sunod na kapahamakan laban sa mga tumatanggi sa Kaharian ng Diyos. Kaya inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang isang mensahe ng paghatol na gaya ng “yelo at apoy.” Isinisiwalat nila ang hatol ng Diyos laban sa iba’t ibang bahagi ng masamang sanlibutan ni Satanas. (Apoc. 8:7, 13) Kailangang malaman ng mga tao na malapit na ang wakas para makagawa sila ng malalaking pagbabago sa buhay nila at makaligtas sa araw ng galit ni Jehova. (Zef. 2:2, 3) Pero hindi gustong marinig ng mga tao ang mensaheng ito. Kaya kailangan natin ng lakas ng loob para sabihin ito sa iba. Sa malaking kapighatian, mas bibigat pa ang mensahe ng pangwakas na hatol.—Apoc. 16:21. w22.05 6-7 ¶18-19
Linggo, Disyembre 8
Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.—Mat. 22:37.
Isipin ang isang mag-asawang Kristiyano na malapit nang magkaanak. Sa loob ng maraming taon, baka marami na silang narinig na pahayag tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. Pero ngayon, mas magiging makabuluhan para sa kanila ang mga prinsipyong ito. Magkakaroon na sila ng mga anak na palalakihin nila. Isa itong malaking pananagutan! Kaya kapag nagbago ang kalagayan natin, nagiging mas makabuluhan sa atin ang ilang prinsipyo sa Bibliya. Isang dahilan iyan kung bakit binabasa ng mga mananamba ni Jehova ang Kasulatan at, gaya ng iniutos sa mga hari ng Israel noon, binubulay-bulay nila ito sa “bawat araw” ng buhay nila. (Deut. 17:19) Mga magulang, napakalaki ng pribilehiyo ninyo bilang Kristiyano—ang turuan ang inyong mga anak tungkol kay Jehova. Hindi mo lang basta sasabihin sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa Diyos. Gusto mo ring tulungan sila na mahalin si Jehova. w22.05 26 ¶2-3
Lunes, Disyembre 9
Isuot ninyo ang bagong personalidad.—Col. 3:10.
Hindi sapat na malungkot lang tayo sa nagawa nating kasalanan. Dapat na may kasama din itong pagkilos. Mahalaga kay Jehova ang pagkakumberte ng isang tao, o pagtalikod nito sa maling landasin, para mapatawad niya ito. Ibig sabihin, dapat na gumawa ng pagbabago ang nagkasala. Iiwan niya ang masamang gawain at mamumuhay ayon sa pamantayan ni Jehova. (Isa. 55:7) Dapat niyang baguhin ang kaniyang pag-iisip at magpagabay sa pag-iisip ni Jehova. (Roma 12:2; Efe. 4:23) Dapat na determinado siyang iwan ang masasamang gawain at kaisipan. (Col. 3:7-9) Siyempre, kailangan nating manampalataya sa sakripisyo ni Kristo dahil iyon ang basehan ni Jehova para patawarin tayo at linisin mula sa mga kasalanan natin. At kapag nakikita ni Jehova na nagsisikap tayong magbago, papatawarin niya tayo salig sa sakripisyo ni Kristo.—1 Juan 1:7. w22.06 6 ¶16-17
Martes, Disyembre 10
Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan.—Apoc. 2:10.
Matagal nang pinipinsala ng tao ang kapuwa niya. (Ecles. 8:9) Halimbawa, may mga tao na inaabuso ang awtoridad nila, gumagawa ng krimen, nambu-bully sa eskuwelahan, at nananakit pa nga ng kapamilya. Kaya kinakatakutan ng tao ang kapuwa nila! Paano iyan sinasamantala ni Satanas? Ginagamit ni Satanas ang takot sa tao para makipagkompromiso tayo at huminto sa pangangaral. Dahil sa impluwensiya ni Satanas, ipinagbabawal ng ilang gobyerno ang gawain natin at pinag-uusig tayo. (Luc. 21:12) Nagkakalat ang sanlibutan ni Satanas ng mga maling impormasyon at kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Baka tuyain tayo o saktan pa nga ng mga taong naniniwala sa mga iyon. (Mat. 10:36) Hindi na tayo magugulat sa mga taktikang iyan ni Satanas. Ginamit na niya iyan noong unang siglo.—Gawa 5:27, 28, 40. w22.06 16 ¶10-11
Miyerkules, Disyembre 11
Ang mga umaakay sa marami tungo sa katuwiran ay magniningning na gaya ng mga bituin magpakailanman.—Dan. 12:3.
Sino ang kasama sa “marami” na aakayin tungo sa katuwiran? Kasama sa kanila ang mga bubuhaying muli at ang mga makakaligtas sa Armagedon pati na ang magiging anak ng mga ito sa bagong sanlibutan. Sa katapusan ng 1,000 taon, magiging perpekto ang lahat ng nabubuhay sa lupa. Tandaan na ang pagiging perpekto ay hindi nangangahulugang siguradong tatanggap na ang isa ng buhay na walang hanggan. Halimbawa, perpekto sina Adan at Eva. Pero kailangan nilang maging masunurin sa Diyos na Jehova bago sila tumanggap ng buhay na walang hanggan. Nakakalungkot, sumuway sila sa kaniya. (Roma 5:12) Dahil magiging perpekto na ang lahat ng tao sa katapusan ng 1,000 taon, lubos kaya nilang susuportahan ang pamamahala ni Jehova magpakailanman? O tutulad sila kina Adan at Eva na hindi naging tapat kahit perpekto sila? Kailangang masagot ang mga tanong na ito. w22.09 22-23 ¶12-14
Huwebes, Disyembre 12
Ang kaharian ng sanlibutan ay naging Kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.—Apoc. 11:15.
Kapag tiningnan mo ang mga kalagayan sa mundo, nahihirapan ka bang maniwala na gaganda pa ito? Lumalamig ang pag-ibig ng magkakapamilya. Lalong nagiging marahas at makasarili ang mga tao. Marami ang nahihirapang magtiwala sa mga nasa awtoridad. Pero kahit ganito ang nangyayari, makakaasa ka na gaganda pa ang kalagayan. Bakit? Kasi ang ginagawa ng mga tao ngayon ay eksaktong-eksakto sa inihula ng Bibliya na mangyayari sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1-5) Hindi maitatanggi ng sinumang taimtim na tao na natutupad na ang hulang ito. Patunay ito na namamahala na si Kristo Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Pero isa lang iyan sa maraming hula tungkol sa Kaharian. Ang lahat ng hulang ito ay parang mga piraso ng isang jigsaw puzzle na magkakatugma sa isa’t isa. Habang unti-unti itong natutupad o nabubuo, makikita natin kung nasaan na tayo sa talaorasan ni Jehova. w22.07 2 ¶1-2
Biyernes, Disyembre 13
Ang karunungan ay makikita sa gawa.—Mat. 11:19.
Sa panahon ng COVID-19 pandemic, tumatanggap din tayo ng malilinaw na tagubilin kung paano magpupulong at mangangaral. Sa tulong ng mga videoconferencing tool, nakapagdaos tayo agad ng mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Nakakapangaral din tayo sa pamamagitan ng letter writing, telephone witnessing, at iba pa. Pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap natin. Iniulat ng maraming sangay na dumami ang kanilang mamamahayag. Marami pa ngang nakakapagpatibay na karanasan sa panahong iyon. Baka nadarama ng ilan na masyadong mahigpit ang organisasyon pagdating sa pandemic. Pero kitang-kita natin na laging matalinong sundin ang mga tagubilin na tinatanggap natin. Habang pinag-iisipan natin ang maibiging pangunguna ni Jesus sa bayan niya, makakatiyak tayo na anuman ang mangyari sa hinaharap, kasama natin si Jehova at ang minamahal niyang Anak.—Heb. 13:5, 6. w22.07 13 ¶15-16
Sabado, Disyembre 14
Lagi kayong manalangin. Magpasalamat kayo para sa lahat ng bagay. Ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na kaisa ni Kristo Jesus.—1 Tes. 5:17, 18.
Bukod sa pagpuri kay Jehova sa panalangin, dapat din natin siyang pasalamatan dahil sa magagandang bagay na ibinibigay niya sa atin. Halimbawa, puwede natin siyang pasalamatan sa magagandang kulay ng mga bulaklak, sa masasarap na pagkain, at sa masayang pakikipagsamahan sa mga kaibigan. Marami pang ibinibigay sa atin ang ating mapagmahal na Ama para maging masaya tayo. (Awit 104:12-15, 24) Higit sa lahat, pinasasalamatan natin si Jehova sa saganang espirituwal na pagkain na inilalaan niya at sa napakagandang pag-asa natin sa hinaharap. Baka makalimutan nating pasalamatan si Jehova sa lahat ng ginagawa niya para sa atin. Ano ang makakatulong sa iyo para maalala ang mga iyon? Puwede mong ilista ang espesipikong mga ipinanalangin mo at paminsan-minsan, tingnan mo kung paano sinagot ni Jehova ang mga ito. Pagkatapos, pasalamatan mo siya dahil sa tulong niya.—Col. 3:15. w22.07 22 ¶8-9
Linggo, Disyembre 15
Nalulugod siya sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi.—Awit 1:2.
Hindi sapat na basta pag-aralan lang ang katotohanan. Para lubusan tayong makinabang, kailangan nating isabuhay ang katotohanan. Sa ganiyang paraan lang tayo magiging tunay na maligaya. (Sant. 1:25) Paano natin masisiguro na namumuhay tayo ayon sa katotohanan? Sinabi ng isang brother na puwede nating suriin ang sarili natin para makita kung ano na ang nagagawa natin at kung saan pa tayo puwedeng sumulong. Sinabi ni apostol Pablo: “Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.” (Fil. 3:16) Kapag sinisikap nating ‘patuloy na lumakad sa katotohanan,’ siguradong makakatulong ito sa atin! Hindi lang mapapabuti ang buhay natin, mapapasaya rin natin si Jehova at ang mga kapatid natin. (Kaw. 27:11; 3 Juan 4) Napakaganda ngang dahilan para mahalin ang katotohanan at mamuhay ayon dito. w22.08 19 ¶16-18
Lunes, Disyembre 16
Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos.—1 Ped. 5:2.
Paano maipapakita ng mga elder na mahal nila si Jehova at si Jesus? Isang mahalagang paraan ay ang pangangalaga sa mga tupa ni Jesus. (1 Ped. 5:1, 2) Nilinaw iyan ni Jesus kay apostol Pedro. Matapos niyang ikaila si Jesus nang tatlong beses, gustong-gusto ni Pedro na patunayang mahal niya si Jesus. Nang buhaying muli si Jesus, tinanong niya si Pedro: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sigurado tayong gagawin ni Pedro ang lahat para patunayang mahal niya ang kaniyang Panginoon. Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) At sa natitirang buhay ni Pedro, pinangalagaan niya ang mga tupa ng kaniyang Panginoon para patunayang mahal niya si Jesus. Mga elder, paano ninyo mapapatunayan na mahalaga sa inyo ang mga sinabi ni Jesus kay Pedro? Maipapakita ninyong mahal ninyo si Jehova at si Jesus kung regular ninyong papastulan ang kawan ng Diyos at kung magsisikap kayong tulungan ang mga di-aktibo na manumbalik kay Jehova.—Ezek. 34:11, 12. w23.01 29 ¶10-11
Martes, Disyembre 17
Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo.—1 Cor. 10:13.
Iwasang isipin na walang nakakaintindi sa kahinaang pinaglalabanan mo. Kapag iyan ang inisip mo, madarama mong wala ka nang pag-asa at na hindi mo kayang labanan ang maling mga pagnanasa. Pero hindi iyan ang sinasabi ng Bibliya. Sinasabi nito: “Gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.” Kaya kahit napakatindi ng isang pagnanasa, mapaglalabanan mo ito. Sa tulong ni Jehova, mapipigilan tayong gawin ang mga pagnanasang iyon. Tandaan ito: Dahil hindi ka perpekto, lilitaw at lilitaw pa rin ang maling mga pagnanasa. Kapag nangyari iyan, labanan agad ito, gaya ng ginawa ni Jose nang tumakbo siya papalayo mula sa asawa ni Potipar. (Gen. 39:12) Hindi mo kailangang magpadala sa maling mga pagnanasa! w23.01 12-13 ¶16-17
Miyerkules, Disyembre 18
Hindi nagtatangi ang Diyos.—Roma 2:11.
Ang isang katangian ni Jehova ay katarungan. (Deut. 32:4) Iniuugnay ang katarungan sa hindi pagtatangi, at hindi nagtatangi si Jehova. (Gawa 10:34, 35) Ang hindi pagtatangi ni Jehova ay makikita sa mga wikang ginamit para isulat ang Bibliya. Ipinangako ni Jehova na sa panahon ng wakas, “sasagana ang tunay na kaalaman” na nasa Bibliya. At marami ang makakaunawa nito. (Dan. 12:4) Naging posible iyan dahil sa pagsasalin, paglalathala, at pamamahagi ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya. Pero isinalin ng bayan ni Jehova ang buong Bibliya, o ang ilang bahagi nito, sa mahigit 240 wika, at puwede kang magkaroon ng kopya nito nang walang bayad. Kaya naman, matututuhan ng mga tao ng lahat ng bansa ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Dahil mahal na mahal tayo ng ating makatarungang Diyos, gusto niya na bigyan ng pagkakataon ang mas maraming tao na makilala siya. Magagawa nila iyan kung babasahin nila ang kaniyang Salita. w23.02 5 ¶11-12
Huwebes, Disyembre 19
Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.—Roma 12:2.
Mahal mo ba ang katuwiran? Sigurado iyan. Pero hindi tayo perpekto, at kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maimpluwensiyahan ng pananaw ng mundong ito tungkol sa katuwiran. (Isa. 5:20) Iniisip ng marami na kapag ang isang tao ay matuwid, mayabang siya, mapanghusga, at mapagmatuwid sa sarili. Pero ayaw ng Diyos sa mga ugaling iyan. Noong nasa lupa si Jesus, binatikos niya ang mga lider ng relihiyon dahil nagtakda sila ng sarili nilang pamantayan ng katuwiran. (Ecles. 7:16; Luc. 16:15) Ang tunay na pagiging matuwid ay malayong-malayo sa pagiging mapagmatuwid sa sarili. Magandang katangian ang pagiging matuwid. Sa ibang salita, ginagawa ng isang tao ang tama sa paningin ng Diyos na Jehova. Sa Bibliya, ang mga salitang ginamit para sa “katuwiran” ay tumutukoy sa pamumuhay ayon sa pinakamataas na pamantayan—ang pamantayan ni Jehova. w22.08 27 ¶3-5
Biyernes, Disyembre 20
Tinatawag ko kayong mga kaibigan.—Juan 15:15.
May tiwala si Jesus sa mga alagad niya kahit may mga pagkukulang sila. (Juan 15:16) Nang hilingin nina Santiago at Juan kay Jesus ang isang magandang posisyon sa Kaharian, hindi kinuwestiyon ni Jesus ang motibo nila sa paglilingkod kay Jehova o inalis sila bilang mga apostol. (Mar. 10:35-40) Nang maglaon, iniwan si Jesus ng lahat ng alagad niya noong gabing arestuhin siya. (Mat. 26:56) Pero hindi nawala ang tiwala ni Jesus sa kanila. Alam na alam niya ang mga kahinaan nila, pero “inibig [pa rin niya sila] hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Inatasan pa nga ng binuhay-muling si Jesus ang 11 tapat na apostol niya ng mabigat na pananagutan—ang manguna sa paggawa ng mga alagad at ang pangangalaga sa minamahal niyang mga tupa. (Mat. 28:19, 20; Juan 21:15-17) May magagandang dahilan siya para magtiwala sa kanila kahit hindi sila perpekto. Lahat sila ay naglingkod nang tapat hanggang kamatayan. Talagang nagpakita ng magandang halimbawa sa pagtitiwala sa di-perpektong mga tao si Jesus. w22.09 6 ¶12
Sabado, Disyembre 21
Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot.—Awit 118:6.
Malalabanan natin ang mga pagsisikap ni Satanas na takutin tayo kung kumbinsido tayo na mahal tayo ni Jehova at na kakampi natin siya. Halimbawa, nakaranas ng mahihirap na sitwasyon ang manunulat ng Awit 118. Marami siyang naging kaaway, na ang ilan ay prominenteng tao pa nga (talata 9, 10). Nakaranas din siya ng mabibigat na problema (talata 13). Tumanggap din siya ng matinding disiplina mula kay Jehova (talata 18). Pero umawit siya: “Hindi ako matatakot.” Kasi alam niya na kahit dinisiplina siya ni Jehova, mahal siya ng kaniyang Ama sa langit. Kumbinsido ang salmista na anuman ang mangyari sa kaniya, laging handang tumulong sa kaniya ang kaniyang maibiging Diyos. (Awit 118:29) Dapat na kumbinsido tayo na mahal tayo ni Jehova. Makakatulong iyan para madaig natin ang tatlong karaniwang takot: (1) takot na hindi makapaglaan sa pamilya, (2) takot sa tao, at (3) takot sa kamatayan. w22.06 15 ¶3-4
Linggo, Disyembre 22
Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok, dahil kapag kinalugdan siya, tatanggapin niya ang korona ng buhay.—Sant. 1:12.
Tiyaking inuuna ninyo sa buhay ninyo ang pagsamba kay Jehova. Bilang ating Maylalang, karapat-dapat si Jehova sa pagsamba natin. (Apoc. 4:11; 14:6, 7) Kaya kailangang maging pangunahin sa buhay natin ang pagsamba sa kaniya sa paraang gusto niya, “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Kapag sinasamba natin ang Diyos, gusto nating magpagabay sa banal na espiritu para ang pagsamba natin ay maging kaayon ng mga katotohanan na nasa Salita niya. Dapat nating unahin ang pagsamba sa Diyos kahit nakatira tayo sa lugar na may restriksiyon o pagbabawal sa gawain natin. Sa ngayon, mahigit 100 kapatid ang nakabilanggo dahil lang sa Saksi ni Jehova sila. Pero kahit ganoon, masaya pa rin silang gawin ang magagawa nila para manalangin, mag-aral, at sabihin sa iba ang tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Kapag tinutuya o pinag-uusig tayo, masaya pa rin tayo kasi alam natin na kasama natin si Jehova at na pagpapalain niya tayo.—1 Ped. 4:14. w22.10 9 ¶13
Lunes, Disyembre 23
Ang karunungan ay proteksiyon.—Ecles. 7:12.
Sa buong aklat ng Kawikaan, may mga ibinigay si Jehova na napapanahong payo. Kapag sinunod natin ang mga iyon, mapapabuti ang buhay natin. Tingnan natin ang dalawang halimbawa. Una maging kontento sa kung ano ang mayroon ka. Ganito ang payo ng Kawikaan 23:4, 5: “Huwag kang magpakapagod para mag-ipon ng kayamanan. . . . Dahil tiyak na tutubuan iyon ng mga pakpak na gaya ng sa agila at lilipad sa langit.” Pero marami pa ring mayaman at mahirap ang naghahabol sa pera. Dahil dito, madalas na nakakagawa sila ng mga bagay na nakakasira sa reputasyon nila, sa kaugnayan nila sa iba, at kahit sa kalusugan nila. (Kaw. 28:20; 1 Tim. 6:9, 10) Ikalawa, mag-isip muna bago magsalita. Kung hindi tayo maingat, puwedeng makasakit ang mga sinasabi natin. Sinasabi ng Kawikaan 12:18: “Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada, pero ang dila ng marurunong ay nagpapagaling.” Kapag iniiwasan nating itsismis ang pagkakamali ng iba, naiingatan natin ang magandang kaugnayan natin sa kanila.—Kaw. 20:19. w22.10 21 ¶14; 22 ¶16-17
Martes, Disyembre 24
Kainin mo ang balumbong ito, at puntahan mo ang sambahayan ng Israel, at kausapin mo sila.—Ezek. 3:1.
Kailangang maintindihang mabuti ni Ezekiel ang mensahe na dapat niyang sabihin. Kailangan niyang maging kumbinsido sa mensaheng ito para maipangaral niya ito. Pagkatapos, nagulat si Ezekiel kasi nang kainin niya ang balumbon, “sintamis iyon ng pulot-pukyutan.” (Ezek. 3:3) Bakit? Para kay Ezekiel, isang karangalan na maging isang kinatawan ni Jehova. Matamis ito o isang magandang karanasan. (Awit 19:8-11) Laking pasasalamat ni Ezekiel na binigyan siya ni Jehova ng pribilehiyong maglingkod bilang propeta niya. Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Pakinggan mo at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo.” (Ezek. 3:10) Para bang sinasabi ni Jehova kay Ezekiel na tandaan ang mga nakasulat sa balumbon at bulay-bulayin ang mga ito. Sa paggawa nito, napatibay si Ezekiel. Nalaman din niya ang isang mapuwersang mensahe na sasabihin niya sa mga tao. (Ezek. 3:11) Ngayong naunawaan na ni Ezekiel ang mensahe ng Diyos, handa na niyang simulan at tapusin ang atas niya. w22.11 6 ¶12-14
Miyerkules, Disyembre 25
Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain.—1 Sam. 15:22.
Kung nasusubok ang katapatan mo dahil sa mga pagbabago sa organisasyon, ano ang puwede mong gawin? Lubusang suportahan ang mga pagbabago sa organisasyon. Noong naglalakbay ang mga Israelita sa ilang, ang Kohatita ang nagbubuhat ng kaban ng tipan. (Bil. 3:29, 31; 10:33; Jos. 3:2-4) Napakagandang pribilehiyo! Pero noong nasa Lupang Pangako na ang mga Israelita, nagkaroon ng pagbabago. Hindi na kailangang ilipat-lipat ang Kaban. Kaya iba-iba na ang atas ng mga Kohatita. (1 Cro. 6:31-33; 26:1, 24) Walang ulat na nagreklamo o humiling ng mas prominenteng atas ang mga Kohatita dahil sa espesyal na atas nila noon. Ano ang aral? Buong-pusong suportahan ang mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova, kasali na ang anumang pagbabago na nakakaapekto sa atas mo. Masiyahan sa anumang atas na ibinigay sa iyo. Tandaan, mahal ka ni Jehova hindi dahil sa atas mo. Mas mahalaga kay Jehova ang pagsunod mo kaysa sa anumang atas. w22.11 23 ¶10-11
Huwebes, Disyembre 26
Hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako.—2 Tim. 1:16.
Hinanap ni Onesiforo si apostol Pablo. At nang makita niya siya, nagbigay siya ng mga praktikal na tulong para suportahan siya. Nang gawin niya ito, isinapanganib ni Onesiforo ang buhay niya. Ano ang matututuhan natin? Hindi tayo dapat matakot sa tao. Hindi tayo dapat mahadlangan nito para suportahan ang mga kapatid na pinag-uusig. Sa halip, protektahan at tulungan natin sila. (Kaw. 17:17) Kailangan nila ang pagmamahal at suporta natin. Tingnan kung paano tinulungan ng mga kapatid sa Russia ang mga kapananampalataya natin na nabilanggo. Nang litisin ang ilan sa kanila, maraming kapatid natin ang nagpunta sa korte para suportahan sila. Ano ang matututuhan natin? Kapag sinisiraan, inaaresto, o pinag-uusig ang mga kapatid na nangangasiwa, huwag tayong matakot. Ipanalangin natin sila, magmalasakit sa mga kapamilya nila, at humanap ng ibang praktikal na paraan para suportahan sila.—Gawa 12:5; 2 Cor. 1:10, 11. w22.11 17 ¶11-12
Biyernes, Disyembre 27
Talagang napalalakas nila ako.—Col. 4:11.
Kasama sa gawain ng mga elder ang pagbibigay ng espirituwal at emosyonal na tulong sa mga kapatid. (1 Ped. 5:2) Sa panahon ng sakuna, sisiguraduhin muna ng mga elder na ligtas ang mga kapatid at mayroon silang pagkain, damit, at matutuluyan. Sa paglipas ng maraming buwan, malamang na kailangan nila ng espirituwal at emosyonal na tulong. (Juan 21:15) “Kailangan ng panahon para maka-recover,” ang sabi ni Harold, na naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay at marami na rin siyang nakausap na kapatid na naging biktima ng sakuna. “Baka unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay nila, pero hindi nila malimutan ang alaala ng namatay nilang mahal sa buhay, mga bagay na mahalaga sa kanila, o ang pinagdaanan nilang hirap. Kapag naaalala nila ang mga ito, bumabalik ang sakit na naramdaman nila noon. Hindi naman sa wala silang pananampalataya; normal na reaksiyon lang ito ng isang tao.” Isinasapuso ng mga elder ang payo na “makiiyak sa mga umiiyak.”—Roma 12:15. w22.12 22 ¶1; 24-25 ¶10-11
Sabado, Disyembre 28
Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi ninyo kailanman maisasagawa ang inyong makalamang mga pagnanasa.—Gal. 5:16.
Binibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu para tulungan tayong magawa ang tama. Kapag nag-aaral tayo ng Salita ng Diyos, hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng espiritung iyon. Tumatanggap din tayo ng banal na espiritu kapag dumadalo tayo sa mga pulong. Nakakasama natin doon ang mga kapatid na nagsisikap ding gawin ang tama, at nakakapagpatibay iyon. (Heb. 10:24, 25; 13:7) At kapag nilalapitan natin si Jehova sa panalangin at hinihingi ang tulong niya na mapaglabanan natin ang ilang kahinaan, bibigyan niya tayo ng banal na espiritu para patuloy na labanan ito. Malamang na hindi naman maaalis ng espirituwal na mga gawaing ito ang maling mga pagnanasa, pero tutulungan tayo ng mga ito para mapigilan nating gawin ang mga pagnanasang iyon. Kapag mayroon na tayong espirituwal na rutin, mahalagang panatilihin natin iyon at patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa. w23.01 11 ¶13-14
Linggo, Disyembre 29
Hindi ko hahayaang kontrolin ako ng anuman.—1 Cor. 6:12.
Ang Bibliya ay hindi aklat tungkol sa kalusugan at pagkain, pero sinasabi nito ang pananaw ni Jehova tungkol dito. Halimbawa, sinabi niya: “Ilayo mo sa iyong katawan ang anumang nakapipinsala.” (Ecles. 11:10) Nakakamatay ang katakawan at paglalasing, at hinahatulan ito ng Bibliya. (Kaw. 23:20) Kaya kapag nagpapasiya tayo kung ano at gaano karami ang kakainin o iinumin natin, gusto ni Jehova na magkaroon tayo ng pagpipigil sa sarili. (1 Cor. 9:25) Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang buhay na regalo ng Diyos kung gagamitin natin ang kakayahan nating mag-isip kapag nagdedesisyon. (Awit 119:99, 100; Kaw. 2:11) Halimbawa, kahit gustong-gusto natin ang isang pagkain pero makakasamâ naman iyon sa atin, dapat nating iwasan iyon. Dapat din tayong magkaroon ng sapat na tulog at regular na ehersisyo, at dapat nating panatilihing malinis ang ating katawan at bahay. w23.02 21 ¶6-7
Lunes, Disyembre 30
Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?—Luc. 10:26.
Paano mo mahahanap ang mahahalagang aral kapag nagbabasa ka ng Bibliya? Tingnan ang sinasabi ng 2 Timoteo 3:16, 17. Sinasabi nito na “ang buong Kasulatan ay . . . kapaki-pakinabang” sa (1) pagtuturo, (2) pagsaway, (3) pagtutuwid, at (4) pagdidisiplina. Totoo rin iyan kahit sa mga aklat ng Bibliya na hindi mo madalas gamitin. Pag-isipan ang ulat na binabasa mo para makita kung ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova, sa layunin at mga prinsipyo niya. Pag-isipan din kung paano ito makakatulong sa pagsaway. Magagawa mo iyan kung aalamin mo kung paano makakatulong sa iyo ang mga teksto para malaman at matanggihan ang mga maling kaisipan o saloobin at para manatiling tapat kay Jehova. Tingnan kung paano magagamit ang mga iyon para ituwid ang isang maling pananaw, baka ng isa na nakausap mo sa ministeryo. At tingnan kung anong disiplina ang makukuha mo sa mga tekstong iyon para matularan mo ang kaisipan ni Jehova. Kapag isinaisip mo ang apat na ito, mahahanap mo ang mahahalagang aral at mas makikinabang ka sa pagbabasa mo ng Bibliya. w23.02 11 ¶11
Martes, Disyembre 31
Hindi mawawasak ang kaharian niya.—Dan. 7:14.
Sa isang hula sa aklat ng Daniel, sinasabing si Jesus ay nagsimulang mamahala pagkatapos ng isang yugto ng panahon na tinatawag na pitong panahon. Posible bang malaman kung kailan naging Hari si Jesus? (Dan. 4:10-17) Ang “pitong panahon” ay katumbas ng 2,520 taon. Nagsimula ito noong 607 B.C.E. nang alisin ng Babilonya ang huling hari sa Jerusalem na nakaupo sa trono ni Jehova. Nagwakas ito noong 1914 C.E. nang iluklok ni Jehova si Jesus—“ang isa na may legal na karapatan”—bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. (Ezek. 21:25-27) Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Kapag naintindihan natin ang hula tungkol sa “pitong panahon,” makakapagtiwala tayo na talagang tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya sa tamang panahon. Itinakda ni Jehova kung kailan magiging Hari si Jesus, kaya titiyakin din niya na matutupad ang lahat ng iba pang hula ayon sa kaniyang itinakdang panahon. Siguradong “hindi . . . maaantala” ang araw ni Jehova!—Hab. 2:3. w22.07 3 ¶3-5