Enero
Miyerkules, Enero 1
May inilalabas na lalaking patay, ang kaisa-isang anak ng isang babae. At biyuda na ang babae.—Luc. 7:12.
Pansinin na “nang makita” ni Jesus ang nagdadalamhating nanay, “naawa siya rito.” (Luc. 7:13) Pero hindi lang basta naawa si Jesus; nagpakita rin siya ng malasakit. Kinausap niya ang babae sa mabait na paraan at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Pagkatapos, may ginawa si Jesus para sa kaniya—binuhay niyang muli ang anak at “ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.” (Luc. 7:14, 15) Ano ang matututuhan natin sa himala ni Jesus? Dapat tayong magpakita ng malasakit sa mga namatayan. Matutularan natin ang malasakit ni Jesus sa mga namatayan kung aalamin natin ang sitwasyon nila. Madarama nilang nagmamalasakit tayo kung papatibayin natin sila at tutulong tayo sa abot ng makakaya natin. (Kaw. 17:17; 2 Cor. 1:3, 4; 1 Ped. 3:8) Malaki ang maitutulong kahit ng mga simpleng salita at kabaitan sa kanila. w23.04 5-6 ¶13-15
Huwebes, Enero 2
Ang sakit na ito ay hindi magwawakas sa kamatayan; ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos.—Juan 11:4.
Kahit na alam ni Jesus na namatay na ang kaibigan niyang si Lazaro, nanatili pa rin siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya bago naglakbay papunta sa Betania. Kaya pagdating doon ni Jesus, apat na araw nang patay si Lazaro. Pero may gagawin si Jesus na makakatulong sa mga kaibigan niya at luluwalhati sa Diyos. (Juan 11:6, 11, 17) Sa ulat na ito, may matututuhan tayo tungkol sa pagkakaibigan. Nang magpadala ng balita sina Maria at Marta kay Jesus, hindi naman nila sinabi na pumunta siya sa Betania. Ipinasabi lang nila na may sakit ang mahal niyang kaibigan. (Juan 11:3) Nang mamatay si Lazaro, puwede naman siyang buhaying muli ni Jesus kahit nasa malayo pa siya. Pero pumunta pa rin si Jesus sa Betania para sa mga kaibigan niyang sina Maria at Marta. Mayroon ka bang kaibigan na laging nagkukusang tumulong? Siguradong maaasahan mo siya “kapag may problema” ka. (Kaw. 17:17) Maging ganiyan sana tayong kaibigan, gaya ni Jesus! w23.04 10 ¶10-11
Biyernes, Enero 3
Ang nangako ay tapat.—Heb. 10:23.
Kapag namomroblema tayo, baka pakiramdam natin, hindi na darating ang bagong sanlibutan. Ibig bang sabihin nito, mahina ang pananampalataya natin? Hindi naman. Halimbawa, kapag summer at sobrang init ng panahon, baka pakiramdam natin, hindi na matatapos iyon. Pero lumalamig din naman ang panahon. Ganiyan din kapag sobra tayong problemado; baka maramdaman natin na hindi na darating ang bagong sanlibutan. Pero kung matibay ang pananampalataya natin, sigurado tayong matutupad ang mga pangako ng Diyos. (Awit 94:3, 14, 15; Heb. 6:17-19) Kaya anuman ang problema natin, patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova. Kailangan din ang matibay na pananampalataya sa pangangaral. Iniisip ng maraming tao na imposibleng mangyari ang mabuting balita tungkol sa bagong sanlibutan. (Mat. 24:14; Ezek. 33:32) Hinding-hindi natin hahayaang mahawa sa kaisipan nila, kaya dapat nating patuloy na patibayin ang pananampalataya natin. w23.04 27 ¶6-7; 30 ¶14
Sabado, Enero 4
Alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiniling natin, dahil hiniling natin ang mga iyon sa kaniya.—1 Juan 5:15.
Naisip mo na ba kung talagang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo? Naitanong na rin iyan ng maraming kapatid, lalo na noong mga panahong may pinagdadaanan sila. Kapag may mga problema tayo, baka mahirapan tayong makita ang sagot ni Jehova sa mga panalangin natin. Bakit tayo makakapagtiwala na sinasagot ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya? Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na mahal na mahal tayo ni Jehova at mahalaga tayo sa kaniya. (Hag. 2:7; 1 Juan 4:10) Kaya gusto niya na humingi tayo ng tulong sa kaniya sa panalangin. (1 Ped. 5:6, 7) Gusto niya tayong tulungan na manatiling malapít sa kaniya at maharap ang mga problema natin. Mula pa noong panahon ng Bibliya, sinasagot na ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya. May naiisip ka bang halimbawa? w23.05 8 ¶1-4
Linggo, Enero 5
Sinabi ni Maria: “Dinadakila ko si Jehova.”—Luc. 1:46.
Matibay ang kaugnayan ni Maria kay Jehova; hindi ito nakadepende kay Jose. Kabisado niya ang Kasulatan. Lagi rin siyang nagbubulay-bulay. (Luc. 2:19, 51) Dahil mahusay ang espirituwalidad ni Maria, naging mahusay rin siyang asawa. Tinutularan ng maraming asawang babae ngayon si Maria. Halimbawa, sinabi ng sister na si Emiko: “Noong single pa ako, may sarili akong espirituwal na rutin. Pero nang may asawa na ako, mister ko na ang nangunguna sa panalangin at pagsamba namin. Kaya parang nakadepende na ako sa kaniya. Nakita ko na kailangan kong patibayin ang sarili kong kaugnayan kay Jehova. Kaya naglalaan na ako ng panahon ngayon para manalangin nang mag-isa sa aking Diyos, magbasa ng Bibliya, at magbulay-bulay.” (Gal. 6:5) Kung patuloy na papatibayin ng mga asawang babae ang kaugnayan nila kay Jehova, mas mamahalin sila at pupurihin ng asawa nila.—Kaw. 31:30. w23.05 21 ¶6
Lunes, Enero 6
Ituturo ko sa inyo ang pagkatakot kay Jehova.—Awit 34:11.
Hindi tayo ipinanganak na may pagkatakot kay Jehova; dapat natin itong matutuhan. Paano? Ang isang paraan ay pag-aralan ang mga nilalang ng Diyos. Habang mas nakikita natin sa “mga bagay na ginawa niya” ang kaniyang karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig sa atin, lalo natin siyang iginagalang at minamahal. (Roma 1:20) Ang isa pang paraan para matuto tayong matakot sa Diyos ay ang regular na pananalangin. Kapag lagi tayong nananalangin, mas nagiging totoo sa atin si Jehova. Sa tuwing humihingi tayo sa kaniya ng lakas para makapagtiis, naaalala natin na talagang makapangyarihan siya. Sa tuwing pinapasalamatan natin si Jehova dahil ibinigay niya ang Anak niya, naaalala natin ang pag-ibig niya sa atin. At sa tuwing nagsusumamo tayo kay Jehova na tulungan tayo sa problema natin, naaalala natin kung gaano siya karunong. Dahil sa ganitong mga panalangin, lalo nating iginagalang si Jehova. Mas nagiging determinado rin tayong iwasan ang anumang makakasira sa pakikipagkaibigan natin sa kaniya. w23.06 15 ¶6-7
Martes, Enero 7
Si Jehova ang ating Tagapagbigay-Batas.—Isa. 33:22.
Laging malinaw ang mga utos ni Jehova sa mga lingkod niya. Halimbawa, sinabi ng lupong tagapamahala noong unang siglo na dapat maging matatag ang mga Kristiyano sa (1) pagtanggi sa idolatriya kasi si Jehova lang ang dapat sambahin, (2) paggalang sa kabanalan ng dugo, at (3) pagsunod sa utos ng Bibliya na umiwas sa seksuwal na imoralidad. (Gawa 15:28, 29) Paano makakapanatiling matatag ang mga Kristiyano ngayon sa tatlong bagay na ito? Magagawa natin iyan kung sasambahin at susundin natin si Jehova. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na sa kaniya lang ibigay ang bukod-tanging debosyon nila. (Deut. 5:6-10) Nang tuksuhin naman si Jesus ng Diyablo, malinaw niyang sinabi na si Jehova lang ang dapat sambahin. (Mat. 4:8-10) Kaya hindi tayo sumasamba sa mga idolo. Hindi rin natin iniidolo ang mga tao—mga lider man sila ng relihiyon, politiko, atleta, o artista—na para bang itinuturing silang mga diyos. Sinasamba lang natin ang Diyos na ‘lumalang sa lahat ng bagay.’—Apoc. 4:11. w23.07 14-15 ¶3-4
Miyerkules, Enero 8
Lumalayo ang tao sa kasamaan dahil sa pagkatakot kay Jehova.—Kaw. 16:6.
Mahilig sa seksuwal na imoralidad at pornograpya ang sanlibutan ni Satanas. (Efe. 4:19) Kaya dapat lumayo tayo sa kasamaan at linangin ang pagkatakot sa Diyos. Sa Kawikaan kabanata 9, mababasa natin ang tungkol sa dalawang babae na kumakatawan sa karunungan at kamangmangan. Pareho silang nag-iimbita sa mga walang karanasan—ang “mga kulang sa unawa.” Parang sinasabi nila, ‘Halikayo, kumain kayo sa bahay ko.’ (Kaw. 9:1, 4-6) Pero magkaibang-magkaiba ang nangyari sa mga tumanggap sa imbitasyon ng dalawang babae. Pag-isipan ang imbitasyon ng “babaeng mangmang.” (Kaw. 9:13-18) Hindi siya nahihiyang yayaing kumain sa bahay niya ang mga kulang sa unawa. Pero ano ang mangyayari sa kanila? “Ang mga bisita niya ay nasa kailaliman na ng Libingan.” May binanggit na “imoral” at “masamang babae,” at sinabing “palubog sa kamatayan ang bahay niya.” (Kaw. 2:11-19) Sa Kawikaan 5:3-10, may binanggit din na “masamang babae,” at “ang mga paa niya ay papunta sa kamatayan.” w23.06 22 ¶6-7
Huwebes, Enero 9
Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.—Fil. 4:5.
Dapat magpakita ng magandang halimbawa ang mga elder sa pagiging makatuwiran. (1 Tim. 3:2, 3) Halimbawa, hindi dapat asahan ng isang elder na laging tatanggapin o masusunod ang iniisip niya dahil lang sa mas matanda siya sa ibang elder. Alam niya na puwedeng pakilusin ng espiritu ni Jehova ang sinuman sa lupon para makapagbigay ng komento na tutulong para makagawa ng magandang desisyon. At kung sang-ayon ang nakakaraming elder sa isang desisyon at hindi naman ito labag sa mga prinsipyo sa Bibliya, susuportahan ito ng isang makatuwirang elder, kahit iba sana ang gusto niyang maging desisyon. Marami tayong tatanggaping pagpapala kung makatuwiran tayo. Magiging mas malapít tayo sa mga kapatid, at magiging payapa ang kongregasyon. Mag-e-enjoy tayong makasama ang mga kapatid na may iba’t ibang kultura at katangian na nagkakaisang sumasamba kay Jehova. At higit sa lahat, magiging masaya tayo kasi natutularan natin ang makatuwiran nating Diyos, si Jehova. w23.07 25 ¶16-17
Biyernes, Enero 10
Maiintindihan ito ng mga may kaunawaan.—Dan. 12:10.
Pinag-aralan ni Daniel ang mga hula nang may tamang motibo para malaman ang katotohanan. Isa pa, mapagpakumbaba si Daniel. Alam niyang tutulungan siya ni Jehova na maintindihan ang mga hula kung mananatili siyang malapít sa Kaniya at kung malinis ang pamumuhay niya. (Dan. 2:27, 28) Napatunayan ni Daniel na mapagpakumbaba siya dahil umasa siya sa tulong ni Jehova. (Dan. 2:18) Bukod diyan, nag-aral nang mabuti si Daniel. Sinaliksik niya ang mga bahagi ng Kasulatan na naisulat na noon. (Jer. 25:11, 12; Dan. 9:2) Paano mo matutularan si Daniel? Magkaroon ng tamang motibo. Bakit mo gustong pag-aralan ang mga hula sa Bibliya? Dahil ba gusto mong malaman ang katotohanan? Kung oo, tutulungan ka ni Jehova. (Juan 4:23, 24; 14:16, 17) Baka gusto ng ilan na makakita ng ebidensiya na hindi galing sa Diyos ang Bibliya. Kasi kung mapapatunayan nila iyon, puwede na daw silang magdesisyon para sa sarili nila kung ano ang tama at mali. Kaya mahalaga na tama ang motibo natin sa pag-aaral. w23.08 9 ¶7-8
Sabado, Enero 11
Kapag nanghihina ang loob mo . . . , mababawasan din ang lakas mo.—Kaw. 24:10.
Mapapabigatan tayo kung ikukumpara natin ang sarili natin sa iba. (Gal. 6:4) Kung gagawin natin iyan, baka maging mainggitin tayo at makipagkompetensiya. (Gal. 5:26) Kung pipilitin nating gawin ang nagagawa ng iba, baka subukan nating gawin ang hindi naman talaga natin kaya. At kung “ang inaasahan na hindi [pa] nangyayari ay nagpapalungkot sa puso,” lalo na ang mga inaasahan na hindi talaga mangyayari! (Kaw. 13:12) Mapapagod lang tayo at babagal sa takbuhan para sa buhay. Hindi umaasa si Jehova ng higit sa magagawa mo. Kaya maging makatuwiran sa inaasahan mo sa sarili mo. (2 Cor. 8:12) Hindi ka ikinukumpara ni Jehova sa iba. (Mat. 25:20-23) Pinapahalagahan niya ang buong makakaya mo, ang katapatan mo, at ang pagtitiis mo. w23.08 29 ¶10-11
Linggo, Enero 12
Mamamatay [ba] ako sa uhaw?—Huk. 15:18.
Sinagot ni Jehova ang paghingi ng tulong ni Samson. Makahimala Siyang naglaan ng bukal ng tubig. Nang uminom dito si Samson, “bumalik ang lakas niya at sumigla siya ulit.” (Huk. 15:19) Lumilitaw na nandoon pa rin ang bukal na iyon makalipas ang maraming taon nang isulat ni propeta Samuel ang aklat ng Mga Hukom. Malamang na naipaalala ng bukal na iyon sa mga Israelita na puwede silang umasa kay Jehova; hindi niya sila iiwan sa panahong kailangan nila ng tulong. Kailangan din nating umasa sa tulong ni Jehova anuman ang kakayahan natin o nagawa sa paglilingkod sa kaniya. Dapat tayong maging mapagpakumbaba at tanggapin na magagawa lang natin ang mga atas natin kung aasa tayo kay Jehova. Lumakas si Samson nang inumin niya ang tubig na inilaan ni Jehova. Lalakas din tayo sa espirituwal kung gagamitin natin ang lahat ng inilalaan ni Jehova sa atin.—Mat. 11:28. w23.09 4 ¶8-10
Lunes, Enero 13
Ang mahinahong sagot ay nakapapawi ng galit, pero ang masakit na salita ay nakagagalit.—Kaw. 15:1.
Ano ang puwede nating gawin kapag tensiyonado ang sitwasyon, halimbawa, may nagsalita ng masama tungkol sa pangalan ng Diyos o sa Bibliya? Dapat nating hilingin kay Jehova ang espiritu at karunungan niya para makasagot tayo nang mahinahon. Pero paano kung hindi natin iyon nagawa? Puwede rin nating ipanalangin ang reaksiyon natin at pag-isipan kung paano tayo magiging mas mahinahon sa susunod. Siguradong bibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu niya para makapagtimpi tayo at maging mahinahon. May mga teksto sa Bibliya na tutulong sa atin na maging mahinahon kahit tensiyonado ang sitwasyon. Puwedeng ipaalala sa atin ng espiritu ng Diyos ang mga tekstong iyon. (Juan 14:26) Halimbawa, may mga prinsipyo sa aklat ng Mga Kawikaan tungkol dito. (Kaw. 15:18) Makikita rin sa aklat na ito ang magagandang resulta kapag nagpigil tayo sa sarili sa mahihirap na sitwasyon.—Kaw. 10:19; 17:27; 21:23; 25:15. w23.09 15 ¶6-7
Martes, Enero 14
Gusto kong laging ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito.—2 Ped. 1:12.
Maraming taon na naglingkod nang tapat si apostol Pedro kay Jehova. Sumama siya kay Jesus sa pangangaral, pinasimulan niya ang pangangaral sa mga di-Judio, at naging miyembro siya ng lupong tagapamahala. At kahit malapit na siyang mamatay, may mga ipinagawa pa rin sa kaniya si Jehova. Noong mga 62-64 C.E., ginamit siya ni Jehova para isulat ang dalawang liham—ang aklat ng 1 at 2 Pedro. (2 Ped. 1:13-15) Nang isulat ni Pedro ang mga liham niya, dumaranas noon ng “iba’t ibang pagsubok” ang mga kapatid. (1 Ped. 1:6) May nagpapasok ng huwad na mga turo at maruming paggawi sa kongregasyon. (2 Ped. 2:1, 2, 14) Malapit nang maranasan ng mga Kristiyano sa Jerusalem “ang wakas ng lahat ng bagay”—ang pagwasak ng hukbo ng Roma sa lunsod na iyon at sa Judiong sistema. (1 Ped. 4:7) Siguradong nakatulong ang mga liham ni Pedro sa mga Kristiyano na makapanatiling tapat kahit mahirap ang sitwasyon. Naihanda rin sila nito sa mga mangyayari sa hinaharap. w23.09 26 ¶1-2
Miyerkules, Enero 15
Natuto [ang Kristo na] maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya.—Heb. 5:8.
Gaya ni Jesus, madalas na natututo tayong maging masunurin sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, noong nagsisimula pa lang ang COVID-19 pandemic, ipinahinto muna ang pagpupulong sa mga Kingdom Hall at ang pagbabahay-bahay. Nahirapan ka bang sundin iyon? Pero sumunod ka pa rin. Kaya naprotektahan ka, napanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon, at napasaya mo si Jehova. Dahil diyan, mas handa na tayong sumunod ngayon sa mga tagubiling matatanggap natin sa malaking kapighatian. Puwede tayong maligtas dahil doon! (Job 36:11) Sinusunod natin si Jehova dahil mahal natin siya at gusto natin siyang mapasaya. (1 Juan 5:3) Hindi natin masusuklian ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin. (Awit 116:12) Pero puwede natin siyang sundin at ang mga binigyan niya ng awtoridad. Kung magiging masunurin tayo, pinapatunayan nating marunong tayo. At napapasaya natin si Jehova dahil diyan.—Kaw. 27:11. w23.10 11 ¶18-19
Huwebes, Enero 16
Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa.—Apoc. 14:7.
Kung kakausapin ka ng isang anghel, papakinggan mo ba siya? Ang totoo, may sinasabi ngayon ang isang anghel “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Ano iyon? “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian . . . Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at lupa.” (Apoc. 14:6, 7) Si Jehova lang ang tunay na Diyos na dapat sambahin ng lahat. Kaya dapat nating ipagpasalamat na nasasamba natin siya sa dakilang espirituwal na templo niya. Ano ba ang espirituwal na templo, at saan natin makikita ang mga detalye na nagpapaliwanag tungkol dito? Hindi ito literal na gusali. Ang espirituwal na templo ay ang kaayusan ni Jehova sa tamang pagsamba na salig sa haing pantubos ni Jesus. Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang kaayusang ito sa liham niya sa mga Hebreong Kristiyano sa Judea noong unang siglo. w23.10 24 ¶1-2
Biyernes, Enero 17
“Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” ang sabi ni Jehova.—Zac. 4:6.
Noong 522 B.C.E., nakumbinsi ng mga kaaway ng mga Judio ang mga namamahala sa Persia na ipatigil ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova. Pero tiniyak ni Zacarias sa mga Judio na gagamitin ni Jehova ang espiritu Niya para alisin ang mga hadlang. Noong 520 B.C.E., pinayagan na ulit sila ni Haring Dario na ipagpatuloy ang pagtatayo at binigyan pa sila ng pondo. (Ezra 6:1, 6-10) Nangako si Jehova sa bayan niya na susuportahan niya sila kung uunahin nila ang muling pagtatayo ng templo. (Hag. 1:8, 13, 14; Zac. 1:3, 16) Napatibay ang mga Judio, kaya itinuloy nila ang pagtatayo noong 520 B.C.E., at natapos nila ito nang wala pang limang taon. Dahil inuna nila ang gawain ni Jehova sa kabila ng mga problema, sinuportahan Niya sila. Ano ang resulta? Naging masaya sila sa pagsamba kay Jehova.—Ezra 6:14-16, 22. w23.11 15 ¶6-7
Sabado, Enero 18
[Magkaroon ng] pananampalatayang gaya ng sa ama nating si Abraham.—Roma 4:12.
Kahit marami ang pamilyar kay Abraham, kaunti lang ang alam nila tungkol sa kaniya. Pero ikaw, marami kang alam tungkol kay Abraham. Halimbawa, alam mong tinawag siyang “ama . . . ng lahat ng may pananampalataya.” (Roma 4:11) Pero baka maitanong mo, ‘Kaya ko bang tularan ang pananampalataya ni Abraham?’ Oo naman! Matutularan natin ang pananampalataya ni Abraham kung pag-aaralan natin ang halimbawa niya. Sa utos ng Diyos, naglakbay siya papunta sa malayong lugar at tumira sa tolda nang maraming taon. Handa pa nga siyang ihandog ang minamahal niyang anak na si Isaac. Bakit? Dahil matibay ang pananampalataya niya. Napasaya ni Abraham si Jehova at naging kaibigan niya Siya dahil sa pananampalataya at mga gawa niya. (Sant. 2:22, 23) Gusto ka ring maging kaibigan ni Jehova, kaya ipinasulat niya kina Pablo at Santiago ang tungkol sa halimbawa ni Abraham. w23.12 2 ¶1-2
Linggo, Enero 19
Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.—Sant. 1:19.
Mga sister, maging mahusay sa pakikipag-usap. Kailangan iyan ng mga Kristiyano. Maganda ang payo sa atin ng alagad na si Santiago, gaya ng makikita natin sa mga salita sa itaas. Kapag nakikinig kang mabuti habang nagsasalita ang iba, naipapakita mong may empatiya ka sa kanila. (1 Ped. 3:8) Kung hindi mo naiintindihan ang sinasabi o nararamdaman ng kausap mo, puwede kang magtanong. Pagkatapos, mag-isip ka muna bago magsalita. (Kaw. 15:28) Tanungin ang sarili: ‘Totoo ba at nakakapagpatibay ang sasabihin ko? Magiging mabait ba ako at makakapagpakita ng paggalang kapag sinabi ko ito?’ Matuto sa mahuhusay na sister. Obserbahan ang paraan ng pakikipag-usap nila. (Kaw. 31:26) Kung magiging mahusay ka sa pakikipag-usap, magiging mas madali sa iyo na makipagkaibigan. w23.12 21 ¶12
Lunes, Enero 20
Ang nagbubukod ng sarili ay . . . [nagtatakwil ng] lahat ng karunungan.—Kaw. 18:1.
Puwede ring gamitin ni Jehova ang mga kapamilya at kaibigan natin at ang mga elder para alalayan tayo. Pero kapag nade-depress tayo, baka layuan natin sila kasi gusto nating mapag-isa. Normal lang na maramdaman mo iyan. Pero ano ang puwede nating gawin para maalalayan tayo ni Jehova? Sikaping huwag ibukod ang sarili mo. Kung gagawin natin iyan, baka magpokus lang tayo sa sarili natin at sa mga problema natin. Makakaapekto iyan sa mga desisyon natin. Siyempre, may mga pagkakataong kailangan nating mapag-isa, lalo na kapag may mabigat tayong pinagdadaanan. Pero paano natin matatanggap ang pag-alalay ni Jehova kung matagal nating ibubukod ang ating sarili? Kaya tanggapin ang tulong ng mga kapamilya at kaibigan mo at ng mga elder. Sila ang ginagamit ni Jehova para alalayan ka.—Kaw. 17:17; Isa. 32:1, 2. w24.01 24 ¶12-13
Martes, Enero 21
Hindi siya puwedeng putulan ng buhok sa ulo.—Bil. 6:5.
Kasama sa panata ng mga Nazareo na hindi magpagupit ng buhok. Tanda iyon na lubusan silang nagpapasakop kay Jehova. Pero may panahon noon sa Israel na hindi pinapahalagahan o sinusuportahan ang mga Nazareo. Hindi laging madaling mapaiba, kaya kailangan ng isang Nazareo ng lakas ng loob para matupad ang panata niya. (Amos 2:12) Dahil din sa pagsunod natin kay Jehova, napapansin ng mga tao na naiiba tayo. Kailangan natin ng lakas ng loob kapag nagpapakilala tayo bilang Saksi ni Jehova sa trabaho o sa school. Dahil pasamâ nang pasamâ ang ugali ng mga tao at bumabagsak ang pamantayan nila, mas mahihirapan pa tayong sumunod sa Bibliya at ibahagi sa iba ang mabuting balita. (2 Tim. 1:8; 3:13) Pero lagi sana nating tandaan na ‘napapasaya natin ang puso ni Jehova’ kapag hindi tayo natatakot na mapaiba sa mga hindi naglilingkod sa kaniya.—Kaw. 27:11; Mal. 3:18. w24.02 16 ¶7; 17 ¶9
Miyerkules, Enero 22
Malugod ninyong tanggapin ang isa’t isa.—Roma 15:7.
Tingnan ang kongregasyon sa Roma. Magkakaiba ang pinagmulan at kalagayan nila. May mga Judio na pinalaki sa Kautusang Mosaiko. May mga Gentil na ibang-iba ang nakasanayang pamumuhay. Malamang na ang ilang Kristiyano ay alipin. Baka amo naman ang iba. Sa kabila ng mga pagkakaibang iyon, paano naipakita ng mga Kristiyano ang pag-ibig sa isa’t isa? Sinabi sa kanila ni apostol Pablo: “Malugod ninyong tanggapin ang isa’t isa.” Ano ang ibig niyang sabihin? Ang salitang isinaling ‘malugod na tanggapin’ ay tumutukoy sa mainit na pagtanggap sa isang tao, gaya ng pagpapatuloy sa kaniya sa bahay o pagtanggap sa kaniya sa grupo ng mga kaibigan ng isa. Halimbawa, sinabi ni Pablo kay Filemon tungkol sa tumakas nitong alipin na si Onesimo: “Malugod mo siyang tanggapin.” (Flm. 17) Kahit kulang ang kaalaman ni Apolos sa Kristiyanismo, ‘isinama siya’ nina Priscila at Aquila. (Gawa 18:26) Hindi hinayaan ng mga Kristiyanong ito na magkabaha-bahagi sila dahil sa mga pagkakaiba nila. Tinanggap nila ang isa’t isa. w23.07 6 ¶13
Huwebes, Enero 23
Tutuparin ko ang mga panata ko kay Jehova.—Awit 116:14.
Pag-ibig kay Jehova ang pinakadahilan kung bakit mo iaalay ang sarili mo sa kaniya. Hindi lang iyan dahil sa nararamdaman mo. Minahal mo si Jehova dahil kumuha ka ng “tumpak na kaalaman” tungkol sa kaniya at sa layunin niya. (Col. 1:9) Dahil sa pag-aaral mo ng Bibliya, naging kumbinsido ka na (1) totoo si Jehova, (2) galing sa kaniya ang Bibliya, at (3) ginagamit niya ang kaniyang organisasyon para matupad ang kalooban niya. Dapat na alam na ng mga nag-alay kay Jehova ang mga pangunahing turo sa Bibliya at sinusunod nila ang mga pamantayan niya. Ginagawa nila ang buong makakaya nila para masabi sa iba ang mga natutuhan nila. (Mat. 28:19, 20) Mahal na mahal nila si Jehova, at siya lang ang gusto nilang sambahin. Nararamdaman mo rin ba iyan? w24.03 4-5 ¶6-8
Biyernes, Enero 24
Sila ay magiging isang laman.—Gen. 2:24.
Asawa ni Abigail si Nabal. Sinasabi ng Bibliya na mabagsik ito at masama ang ugali. (1 Sam. 25:3) Dahil ganoon ang asawa ni Abigail, siguradong mahirap iyon para sa kaniya. May paraan ba para matakasan ni Abigail ang sitwasyon niya? Oo. Noong hindi pa hari ng Israel si David, gusto niyang patayin si Nabal dahil ininsulto siya nito at ang mga tauhan niya. (1 Sam. 25:9-13) Puwede sanang tumakas na lang si Abigail at hayaan si David na gawin ang plano niya. Pero hindi niya ginawa iyon. Sa halip, kinumbinsi niya si David na huwag patayin si Nabal. (1 Sam. 25:23-27) Bakit? Mahal ni Abigail si Jehova, at iginalang niya ang pamantayan Niya sa pag-aasawa. Alam niya na para kay Jehova, sagrado ang pag-aasawa. Gusto niyang mapasaya ang Diyos, kaya sinikap niyang iligtas ang sambahayan niya, pati na ang asawa niya. Kumilos siya agad para pigilan si David sa pagpatay kay Nabal. w24.03 16 ¶9-10
Sabado, Enero 25
Papatibayin ko kayo ng aking mga salita.—Job 16:5.
Mayroon ba sa kongregasyon ninyo na nagpapasimple ng buhay para mas makapaglingkod? May kilala ka bang mga kabataan na naninindigan sa paaralan kahit hindi madali sa kanila na mapaiba? Baka may kilala ka na inuusig ng pamilya nila pero nananatiling tapat. Lagi sana tayong humanap ng pagkakataon na makausap sila para malaman nilang pinapahalagahan natin ang pagsasakripisyo nila at lakas ng loob. (Flm. 4, 5, 7) Nagtitiwala si Jehova na gusto talaga natin siyang mapasaya at na handa tayong magsakripisyo para matupad natin ang panata natin nang mag-alay tayo sa kaniya. Binibigyang-dangal tayo ni Jehova, dahil imbes na idikta ang lahat ng bagay, binigyan niya tayo ng pagkakataong magpasiya kung paano natin ipapakita ang pagmamahal natin sa kaniya. (Kaw. 23:15, 16) Kaya maging determinado sana tayong patuloy na paglingkuran si Jehova at buong pusong ibigay sa kaniya ang pinakamabuti natin. w24.02 18 ¶14; 19 ¶16
Linggo, Enero 26
Lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat.—Gawa 10:38.
Nang simulan ni Jesus ang ministeryo niya noong 29 C.E., inanyayahan siya at ang nanay niyang si Maria sa isang handaan sa kasal sa Cana. Posibleng tumutulong si Maria sa pag-aasikaso sa mga bisita. Pero nagkaroon ng problema sa okasyong iyon—naubusan sila ng alak. Agad na lumapit si Maria sa anak niya at sinabi: “Wala na silang alak.” (Juan 2:1-3) Ano ang ginawa ni Jesus? Isang himala—ginawa niyang “mainam na alak” ang tubig. (Juan 2:9, 10) Sa buong ministeryo ni Jesus, marami pa siyang ibang himala na ginawa. Ginamit niya ang kapangyarihan niya para tulungan ang libo-libong tao. Halimbawa, sa isang himala, pinakain niya ang 5,000 lalaki, at sa isa pa, 4,000 lalaki naman. Posibleng umabot nang mahigit 27,000 ang pinakain niya kung isasama sa bilang ang mga babae at bata na nandoon. (Mat. 14:15-21; 15:32-38) Sa dalawang pagkakataon ding iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit.—Mat. 14:14; 15:30, 31. w23.04 2 ¶1-2
Lunes, Enero 27
Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa kanang kamay mo, ang nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot. Tutulungan kita.”—Isa. 41:13.
Kapag may nangyaring hindi maganda sa atin, may mga panahong nanghihina tayo. Gaya ni Elias, parang ang hirap bumangon. Baka gusto na lang nating matulog. (1 Hari 19:5-7) Baka kailangan natin ng tulong para patuloy nating mapaglingkuran si Jehova. Tinitiyak sa atin ni Jehova na tutulungan niya tayo gaya ng binabanggit sa teksto sa araw na ito. Naranasan iyan ni Haring David. Nang mapaharap siya sa mga pagsubok at banta ng mga kaaway, sinabi niya kay Jehova: “Inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.” (Awit 18:35) Kadalasan na, ginagamit ni Jehova ang iba para alalayan tayo. Halimbawa, nang manghina si David, pinuntahan siya ng kaibigan niyang si Jonatan para patibayin siya. (1 Sam. 23:16, 17) Ginamit din ni Jehova si Eliseo para tulungan si Elias.—1 Hari 19:16, 21; 2 Hari 2:2. w24.01 23-24 ¶10-12
Martes, Enero 28
Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa bibig niya nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.—Kaw. 2:6.
Mapagbigay si Jehova, at sagana niya tayong pinaglalaanan. Makikita natin iyan sa makasagisag na babae sa Kawikaan kabanata 9, na kumakatawan sa “tunay na karunungan.” Mababasa natin na naihanda na ng babae ang karne, natimplahan na niya ang alak, at naayos na rin niya ang mesa. (Kaw. 9:2) At ayon sa talata 4 at 5: “Sinasabi [ng tunay na karunungan] sa kulang sa unawa: ‘Halika, kumain ka ng tinapay ko.’” Bakit dapat tayong pumunta sa bahay ng “tunay na karunungan” at kainin ang inihanda niya? Gusto ni Jehova na maging marunong at ligtas ang mga anak niya. Ayaw niya na makagawa tayo ng mga pagkakamali na makakasakit sa atin at pagsisisihan natin. Kaya “nag-iimbak siya ng karunungan para sa mga matuwid.” (Kaw. 2:7) Kapag may takot tayo kay Jehova, gusto natin siyang mapasaya. Gusto rin nating marinig at sundin ang mga payo niya.—Sant. 1:25. w23.06 23-24 ¶14-15
Miyerkules, Enero 29
Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo.—Heb. 6:10.
Kahit hindi na natin magawa ang lahat ng gusto nating gawin para kay Jehova, makakapagtiwala tayong pinapahalagahan niya ang lahat ng pagsisikap natin. Bakit natin nasabi iyan? Noong panahon ni Zacarias, inutusan siya ni Jehova na gumawa ng isang koronang gawa sa ginto at pilak na ipinadala ng mga tapon sa Babilonya. (Zac. 6:11) Dahil sa “maringal na korona” na ito, maaalala ang maraming kontribusyon nila. (Zac. 6:14, tlb.) Makakapagtiwala tayo na hindi makakalimutan ni Jehova ang mga pagsisikap natin na paglingkuran siya sa mahihirap na sitwasyon. Siguradong may mararanasan pa tayong mahihirap na sitwasyon sa mga huling araw na ito, at baka lumala pa nga ang mga iyon. (2 Tim. 3:1, 13) Pero hindi tayo dapat sobrang mag-alala. Tandaan ang sinabi ni Jehova sa bayan niya noong panahon ni Hagai: “Ako ay sumasainyo . . . Huwag kayong matakot.” (Hag. 2:4, 5) Makakatiyak din tayo na tutulungan tayo ni Jehova kung lagi nating sisikaping gawin ang kalooban niya. w23.11 19 ¶20-21
Huwebes, Enero 30
Makasalanan ako.—Luc. 5:8.
Puwede sanang hindi na lang iniulat sa Bibliya ang mga pagkakamali ni apostol Pedro. Pero ipinasulat ang mga iyon para matuto tayo. (2 Tim. 3:16, 17) Kapag nalaman natin ang mga pinagdaanan ni Pedro, tutulong iyon sa atin na maunawaan na hindi inaasahan ni Jehova na maging perpekto tayo. Gusto niya na huwag tayong sumuko—na patuloy tayong maglingkod—kahit may mga kahinaan tayo. Bakit hindi tayo dapat sumuko? Kahit nadaig na natin ang isang kahinaan, baka magawa ulit natin iyon. Pero patuloy pa rin tayong nagsisikap na sumulong. Nakakapagsalita tayo o nakakagawa ng mga bagay na pinagsisisihan natin. Pero kung hindi tayo susuko, tutulungan tayo ni Jehova na patuloy na sumulong. (1 Ped. 5:10) Kahit maraming pagkakamali si Pedro, nagpakita pa rin si Jesus ng malasakit sa kaniya. Tutulong iyan sa atin na huwag sumuko sa paglilingkod kay Jehova. w23.09 20 ¶2-3
Biyernes, Enero 31
Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.—Juan 11:21.
Puwede sanang pinagaling na agad ni Jesus si Lazaro gaya ng sinabi ni Marta sa teksto sa araw na ito. Pero may gustong gawin si Jesus na mas kamangha-mangha. Nangako siya: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi din niya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:23, 25) Binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan na bumuhay-muli ng mga patay. Bago iyon, binuhay niyang muli ang isang batang babae na kakamatay lang. Binuhay rin niya ang isang lalaki, lumilitaw na sa mismong araw na namatay ito. (Luc. 7:11-15; 8:49-55) Pero magagawa kaya niyang buhaying muli ang isa na apat na araw nang patay at nagsisimula nang mabulok ang katawan? Pumunta rin si Maria, ang isa pang kapatid ni Lazaro, kay Jesus. Inulit niya ang sinabi ni Marta: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” (Juan 11:32) Nang makita at marinig ni Jesus na umiiyak si Maria at ang mga kasama nito, sobra din siyang nalungkot. Dahil sa matinding awa sa mga kaibigan niya, naluha siya. Naiintindihan niya kung gaano kasakit mamatayan ng mahal sa buhay, kaya talagang gustong-gusto niyang alisin ang dahilan ng pagluha nila! w23.04 10-11 ¶12-13