Pebrero
Sabado, Pebrero 1
Pakikinggan ko kayo.—Jer. 29:12.
Nang magkaroon ng malalang sakit si Haring Hezekias, nakiusap siya kay Jehova na pagalingin siya. At pinagaling nga siya ni Jehova! (2 Hari 20:1-6) Pero nang makiusap si apostol Pablo kay Jehova na alisin ang “tinik [niya] sa laman,” hindi iyon inalis ni Jehova. (2 Cor. 12:7-9) Parehong gustong patayin ni Haring Herodes ang mga apostol na sina Santiago at Pedro. Namatay si Santiago, pero iniligtas ng anghel si Pedro. (Gawa 12:1-11) Baka maisip natin, ‘Bakit si Pedro lang ang iniligtas ni Jehova?’ Hindi sinasabi ng Bibliya ang dahilan. Pero makakasigurado tayo na ang “lahat ng ginagawa [ni Jehova] ay makatarungan.” (Deut. 32:4) Kung minsan, hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin. Pero dahil nagtitiwala tayo na mapagmahal at makatarungan si Jehova, hindi natin kinukuwestiyon ang paraan ng pagsagot niya.—Job 33:13. w23.11 21 ¶6
Linggo, Pebrero 2
Ang karunungan mula sa itaas ay . . . handang sumunod.—Sant. 3:17.
Sinabi ng manunulat na si Santiago na ang mga taong marunong ay “handang sumunod.” Ibig sabihin, dapat na gustong-gusto natin at handa tayong sumunod sa mga pinagkatiwalaan ni Jehova ng awtoridad. Pero siyempre, inaasahan ni Jehova na hindi tayo susunod kapag labag sa utos niya ang ipinapagawa sa atin. (Gawa 4:18-20) Baka mas madali sa atin na sumunod kay Jehova kaysa sa mga tao, kasi laging perpekto ang mga tagubilin niya. (Awit 19:7) Hindi ganiyan ang mga tao. Pero binigyan pa rin ng awtoridad ng ating Ama sa langit ang mga magulang, mga opisyal ng gobyerno, at mga elder. (Kaw. 6:20; 1 Tes. 5:12; 1 Ped. 2:13, 14) Kapag sinusunod natin sila, sinusunod din natin si Jehova. w23.10 6 ¶2-3
Lunes, Pebrero 3
Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.—Apoc. 21:5.
Mapapatibay rin natin ang pananampalataya natin kung iisipin natin ang kapangyarihan ni Jehova. Kaya niyang tuparin ang anumang ipangako niya dahil si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. (Job 42:2; Mar. 10:27; Efe. 3:20) Sinabi niya kina Abraham at Sara na magkakaroon sila ng anak kahit matanda na sila. (Gen. 17:15-17) Sinabi rin niya kay Abraham na ibibigay sa mga inapo niya ang Canaan. Pero maraming taóng naging alipin sa Ehipto ang mga Israelita na inapo ni Abraham. Kaya parang imposibleng matupad ang pangako ng Diyos. Pero nangyari iyon! Sinabi Niya kay Maria, na isang birhen, na isisilang niya ang Anak ng Diyos. Magiging katuparan ito ng pangako ni Jehova sa hardin ng Eden libo-libong taon na ang nakakaraan! (Gen. 3:15) Kung pag-iisipan natin ang mga pangako ni Jehova noon at kung paano niya tinupad ang lahat ng iyon, mas titibay ang pananampalataya natin na may kapangyarihan siya na tuparin ang pangako niya na bagong sanlibutan.—Jos. 23:14; Isa. 55:10, 11. w23.04 28 ¶10-12
Martes, Pebrero 4
O Jehova, dinggin mo ang panalangin ko; pakinggan mo ang paghingi ko ng tulong.—Awit 143:1.
Sinagot ni Jehova ang mga paghingi ng tulong ni David at iniligtas siya. (1 Sam. 19:10, 18-20; 2 Sam. 5:17-25) Makakapagtiwala rin tayo diyan. (Awit 145:18) Hindi laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin. Hiniling ni Pablo sa Diyos na alisin ang “isang tinik sa laman.” Tatlong beses niya itong ipinanalangin nang espesipiko. Sinagot ba ni Jehova ang mga iyon? Oo, pero hindi sa paraang inaasahan ni Pablo. Hindi inalis ni Jehova ang problema niya, pero binigyan Niya siya ng lakas na kailangan para patuloy na makapaglingkod nang tapat. (2 Cor. 12:7-10) May mga pagkakataon bang sinagot ni Jehova ang mga panalangin mo sa paraang hindi mo inaasahan? Sigurado tayong alam niya ang pinakamagandang paraan para tulungan tayo. May kakayahan pa nga siyang gawin “ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.” (Efe. 3:20) Kaya posibleng sagutin niya ang mga panalangin natin sa panahon at paraan na hindi natin inaasahan. w23.05 8-9 ¶4-6
Miyerkules, Pebrero 5
Darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya at mabubuhay silang muli.—Juan 5:28, 29.
Makakatulong sa atin kung iisipin natin ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli sa hinaharap. Bakit? Kasi anumang oras, puwede tayong magkaroon ng malubhang sakit o mamatayan ng mahal sa buhay. (Ecles. 9:11; Sant. 4:13, 14) Tutulong ang pag-asang pagkabuhay-muli para makayanan natin ang mga iyon. (1 Tes. 4:13) Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na kilalang-kilala tayo ng Ama natin sa langit at na mahal na mahal niya tayo. (Luc. 12:7) Ganoon tayo kakilala ng Diyos na Jehova, kaya kapag binuhay niya tayong muli, maibabalik niya ang mga katangian natin at memorya. At dahil mahal na mahal niya tayo, binigyan niya tayo ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman. Kahit mamatay tayo, bubuhayin niya tayong muli! Bakit tayo makakapagtiwala na magkakatotoo ang pangakong pagkabuhay-muli? Kasi kumbinsido tayo na gusto at may kapangyarihan ang nangako, o may kakayahan siya, na tuparin iyon. w23.04 8-9 ¶2-4
Huwebes, Pebrero 6
Nakaugalian na [nina Jose at Maria] na pumunta sa Jerusalem taon-taon para sa kapistahan ng Paskuwa.—Luc. 2:41.
Magkasamang pinatibay nina Jose at Maria ang kaugnayan nila kay Jehova. Alam nila na mahalagang sambahin si Jehova bilang pamilya. (Luc. 2:22-24; 4:16) Napakagandang halimbawa nila para sa mga mag-asawa ngayon! Kung may mga anak kayo, gaya nina Jose at Maria, baka hindi madali para sa inyo na dumalo sa mga pulong o mag-schedule ng panahon para sa family worship. Baka nahihirapan din kayong maghanap ng panahon para mag-aral at manalanging magkasama bilang mag-asawa. Pero tandaan, kapag magkasama ninyong sinasamba si Jehova, mas mapapalapit kayo sa kaniya at sa isa’t isa. Kaya gawin ninyong priyoridad ang pagsamba. Kung naiilang kayong mag-family worship dahil may problema sa pagsasama ninyo, puwede kayong maghanap ng paksa na pareho ninyong mae-enjoy. Mapapatatag nito ang pagsasama ninyo at lalo ninyong gugustuhin na sambahin si Jehova nang magkasama. w23.05 22 ¶7-8
Biyernes, Pebrero 7
Malaki ang takot ni Obadias kay Jehova.—1 Hari 18:3.
Paano nakatulong kay Obadias ang takot niya sa Diyos? Naging tapat siya at mapagkakatiwalaan. Dahil dito, ipinagkatiwala sa kaniya ng hari ang pamamahala sa sambahayan nito. (Ihambing ang Nehemias 7:2.) Nagkaroon din si Obadias ng lakas ng loob dahil sa takot niya sa Diyos. Kailangang-kailangan niya iyon. Nabuhay siya noong namamahala ang masamang haring si Ahab. (1 Hari 16:30) Isa pa, galit na galit kay Jehova si Jezebel, ang asawa ni Ahab na sumasamba kay Baal. Sinikap ni Jezebel na alisin ang tunay na pagsamba sa hilagang kaharian. Marami pa nga siyang ipinapatay na propeta ng Diyos. (1 Hari 18:4) Noong tinutugis ni Jezebel ang mga propeta ng Diyos para patayin, itinago ni Obadias ang 100 sa kanila, “50 sa isang kuweba, at pinaglaanan sila ng tinapay at tubig.” (1 Hari 18:13, 14) Kung mahuhuli si Obadias, siguradong papatayin siya! Tao lang si Obadias, at siguradong ayaw niyang mamatay. Pero mas mahal niya si Jehova at ang mga lingkod Niya kaysa sa sarili niyang buhay. w23.06 16 ¶9-10
Sabado, Pebrero 8
Ako, si Jehova, . . . ang pumapatnubay sa iyo.—Isa. 48:17.
Patuloy na pinapatnubayan ni Jehova ang bayan niya ngayon gaya ng ginawa niya noon. Ginagamit niya ang kaniyang Salita at ang Anak niya, ang ulo ng kongregasyon. Pero may nakikita ba tayong ebidensiya na gumagamit pa rin ang Diyos ng mga tao bilang kinatawan niya? Oo. Tingnan ang ilang pangyayari na naganap noong huling mga taon ng 1800’s. Unti-unting naintindihan ni Charles Taze Russell at ng mga kasama niya na mahalagang taon ang 1914 sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos. (Dan. 4:25, 26) Paano nila nalaman iyon? Pinag-aralan nila ang mga hula sa Bibliya at nagtiwalang matutupad ang mga iyon. Malinaw na ginagabayan ni Jehova ang mga pag-aaral nila. Ipinapakita ng mga nangyari sa buong mundo noong 1914 na nagsimula nang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, na sinundan ng mga epidemya, lindol, at taggutom. (Luc. 21:10, 11) Maliwanag na ginagabayan ni Jehova ang tapat-pusong mga lalaking ito para tulungan ang bayan niya. w24.02 22 ¶11
Linggo, Pebrero 9
Maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.—Awit 34:19.
Mga lingkod tayo ni Jehova, kaya kumbinsido tayong mahal niya tayo at gusto niya na magkaroon tayo ng napakasayang buhay. (Roma 8:35-39) Alam din natin na lagi tayong mapapabuti kung susundin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Isa. 48:17, 18) Pero ano ang gagawin natin kapag may dumating na di-inaasahang mga problema? Halimbawa, baka may nagawa ang kapamilya natin na ikinadismaya natin. Baka nagkaroon tayo ng malubhang sakit at limitado na lang ang nagagawa natin para kay Jehova. Baka naapektuhan tayo ng isang likas na sakuna. O baka pinag-uusig tayo dahil sa paniniwala natin. Sa ganiyang mga sitwasyon, baka maitanong natin: ‘Bakit nangyayari ito sa akin? May nagawa ba akong mali? Ibig bang sabihin nito, hindi ako pinagpapala ni Jehova?’ Naramdaman mo na rin ba iyan? Kung oo, huwag masiraan ng loob. Naramdaman din iyan ng maraming tapat na lingkod ni Jehova.—Awit 22:1, 2; Hab. 1:2, 3. w23.04 14 ¶1-2
Lunes, Pebrero 10
Buo ang pasiya kong sundin ang mga tuntunin mo sa lahat ng panahon.—Awit 119:112.
Kapag may tukso, tinatanggihan agad natin iyon para hindi na tayo makapag-isip o makagawa ng anumang makakasira sa pakikipagkaibigan natin sa Diyos. Inaasahan ni Jehova na magiging “masunurin [tayo] mula sa puso.” (Roma 6:17) Hindi natin puwedeng baguhin ang mga utos niya, pero dapat nating tandaan na lagi itong makakabuti sa atin. (Isa. 48:17, 18; 1 Cor. 6:9, 10) Inuusig tayo sa pisikal at emosyonal na paraan, at ginagamit iyon ng Diyablo para pahinain ang determinasyon natin. Gusto niya tayong ‘lapain,’ o sirain ang kaugnayan natin kay Jehova. (1 Ped. 5:8) Dahil determinado ang mga Kristiyano noong unang siglo na manatiling tapat, pinagbantaan sila, binugbog, at pinatay. (Gawa 5:27, 28, 40; 7:54-60) Ginagamit pa rin ngayon ni Satanas ang pag-uusig. Kitang-kita natin iyan sa malupit na pagtrato sa mga kapatid natin sa Russia at sa iba pang bansa. Bukod sa direktang pag-uusig, gumagamit din si Satanas ng “tusong mga pakana.”—Efe. 6:11. w23.07 15-16 ¶6-9
Martes, Pebrero 11
Magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay.—Efe. 4:15.
Habang mas pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos, mas lalalim ang pag-ibig mo kay Jehova. Dahil diyan, napapakilos ka na isabuhay ang mga natutuhan mo. Nakakagawa ka ng magagandang desisyon base sa mga prinsipyo sa Bibliya. Sinisikap mo ring mag-isip at kumilos nang tama kasi gusto mong mapasaya ang Diyos. Sinisikap mong tularan ang iyong Ama sa langit kung paanong tinutularan ng isang bata ang mapagmahal na magulang. (Efe. 5:1, 2) Puwede nating itanong sa sarili: ‘Mas lumalim ba ang pag-ibig ko kay Jehova ngayon kaysa noong bago pa lang akong Saksi? Mula nang mabautismuhan ako, mas natutularan ko na ba ang paraan ng pag-iisip at pagkilos ni Jehova, lalo na sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga kapatid?’ Kung nakita mo na medyo nanlamig na ang “pag-ibig na taglay mo noong una,” huwag kang masiraan ng loob. Ganiyan din ang nangyari sa mga Kristiyano noong unang siglo. Pero hindi sumuko si Jesus sa kanila—hindi rin siya susuko sa atin. (Apoc. 2:4, 7) Alam niya na kaya nating ibalik ang pag-ibig na mayroon tayo nang malaman natin ang katotohanan. w23.07 8 ¶2-3
Miyerkules, Pebrero 12
Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.—Awit 86:5.
Nakagawa si apostol Pedro ng sunod-sunod na pagkakamali. Una, dahil sa sobrang tiwala sa sarili, ipinagyabang ni Pedro na mananatili siyang tapat kahit iwan ng ibang mga apostol si Jesus. (Mar. 14:27-29) Sumunod, paulit-ulit namang nakatulog si Pedro at hindi siya nakapagbantay. (Mar. 14:32, 37-41) Pagkatapos, iniwan ni Pedro si Jesus sa mga taong umaresto sa Kaniya. (Mar. 14:50) Bandang huli, tatlong beses na ikinaila ni Pedro si Jesus. Sumumpa pa nga siya na nagsasabi siya ng totoo kahit na nagsisinungaling siya. (Mar. 14:66-71) Ano ang reaksiyon ni Pedro matapos siyang magkasala nang malubha? Nanlupaypay siya at humagulgol. (Mar. 14:72) Imbes na pagsabihan ni Jesus si Pedro dahil sa mga pagkakamali niya, pinagkatiwalaan siya ni Jesus ng mas mabigat na pananagutan. (Juan 21:15-17) Alam ni Pedro na nakagawa siya ng malubhang kasalanan, pero hindi siya sumuko. Bakit? Kasi kumbinsido siya na hindi siya sinukuan ng Panginoon niya, si Jesus. Ang aral? Gusto ni Jehova na maging kumbinsido tayo na mahal niya tayo at handa niya tayong patawarin.—Roma 8:38, 39. w24.03 18-19 ¶13-15
Huwebes, Pebrero 13
Marami na siyang napatay.—Kaw. 7:26.
Ang seksuwal na imoralidad ay puwedeng mauwi sa kahihiyan, pagkadama ng kawalan ng halaga, di-inaasahang pagbubuntis, at pagkasira ng pamilya. Kaya talagang dapat nating tanggihan ang imbitasyon ng “babaeng mangmang.” Bukod sa maiwawala ng mga taong imoral ang pakikipagkaibigan nila kay Jehova, puwede rin silang magkaroon ng nakakamatay na mga sakit. (Kaw. 7:23) Gaya nga ng sinasabi ng Kawikaan kabanata 9, talata 18: “Ang mga bisita niya ay nasa kailaliman na ng Libingan.” Pero bakit marami pa rin ang tumatanggap sa imbitasyon niya? (Kaw. 9:13-18) Marami ang nabibitag sa pornograpya. Iniisip nila na walang masama dito. Pero ang totoo, mapanganib ito, nakakawala ng paggalang sa sarili, at nakakaadik. Mahirap burahin sa isip ang malalaswang larawan. Hindi rin nito pinapatay ang mga maling pagnanasa, kundi pinapatindi pa ito. (Col. 3:5; Sant. 1:14, 15) Kaya marami sa mga tumitingin sa pornograpya ang nakakagawa ng seksuwal na imoralidad. w23.06 23 ¶10-11
Biyernes, Pebrero 14
Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon, at ito lang ang mananatili magpakailanman.—Dan. 2:44.
Kahit may mga bansang kumakalaban kung minsan sa Anglo-Amerika, hindi nila mapapalitan ang kapangyarihang pandaigdig na ito. Alam natin iyan, kasi ang dudurugin ng “bato,” na lumalarawan sa Kaharian ng Diyos, ay ang mga paa—ang bahagi ng imahen na lumalarawan sa alyansa ng Anglo-Amerika. (Dan. 2:34, 35, 44, 45) Kumbinsido ka ba na totoo ang hula ni Daniel tungkol sa mga paa na gawa sa bakal at putik? Kung oo, may epekto ito sa buhay mo. Hindi ka magpopokus sa pagpapayaman sa isang mundo na malapit nang mapuksa. (Luc. 12:16-21; 1 Juan 2:15-17) Makikita mo rin dito na napakahalaga ng pangangaral at pagtuturo natin. (Mat. 6:33; 28:18-20) Pagkatapos pag-aralan ang hulang ito, tanungin ang sarili, ‘Makikita ba sa mga desisyon ko na kumbinsido ako na malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao?’ w23.08 11 ¶13-14
Sabado, Pebrero 15
Ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.—Roma 14:12.
Tanggapin na puwedeng malimitahan ng edad mo, kalusugan, at sitwasyon ang magagawa mo ngayon. Gaya ni Barzilai, tanggihan ang isang pribilehiyo kung hindi ito kakayanin ng kalusugan mo. (2 Sam. 19:35, 36) Gaya ni Moises, magpatulong at iatas sa iba ang pananagutan kung kailangan. (Ex. 18:21, 22) Kung alam mo ang mga limitasyon mo, magiging makatuwiran ka sa inaasahan mo sa sarili mo para hindi ka mapagod. Hindi mo kasalanan ang maling desisyon ng iba. Hindi tayo puwedeng magdesisyon para sa iba. Hindi rin natin sila laging mapoprotektahan sa di-magagandang resulta ng mga desisyon nila. Halimbawa, kapag nagdesisyon ang isang anak na huminto sa paglilingkod kay Jehova, baka malungkot nang sobra ang mga magulang niya. Pero kung sisisihin ng mga magulang ang sarili nila dahil sa ginawa ng anak nila, mapapabigatan lang sila. Ayaw ni Jehova na maramdaman nila iyon. w23.08 29 ¶11-12
Linggo, Pebrero 16
Umibig [si Samson] sa isang babaeng nagngangalang Delaila.—Huk. 16:4.
Gaya natin, hindi perpekto si Samson, kaya nakagawa siya ng maling mga desisyon. Napahamak siya dahil sa isang maling desisyon. Nang matagal-tagal nang hukom si Samson, “umibig siya sa isang babaeng nagngangalang Delaila na nakatira sa Lambak ng Sorek.” Bago nito, may nagustuhan si Samson na isang babaeng Filisteo. Pero “paraan ito ni Jehova” para ‘makahanap ng pagkakataon na labanan ang mga Filisteo.’ Minsan naman, nagpunta si Samson sa Gaza, isang lunsod ng mga Filisteo, at tumuloy sa bahay ng isang babaeng bayaran. Doon, pinalakas ng Diyos si Samson para baklasin at buhatin palayo ang mga pinto ng pintuang-daan ng lunsod, kaya humina ang depensa ng lunsod. (Huk. 14:1-4; 16:1-3) Pero iba ang sitwasyon kay Delaila, kasi malamang na Israelita ito. Binigyan ng mga Filisteo si Delaila ng malaking halaga para pagtaksilan si Samson. w23.09 5 ¶12-13
Lunes, Pebrero 17
Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad.—Kaw. 19:11.
Makakatulong sa atin ang kaunawaan na maging mahinahon. Kung may kaunawaan tayo, magpipigil tayo sa sarili kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala natin. Ang ilang tanong ng mga tao ay parang iceberg, kasi nakatago sa tubig ang malaking bahagi nito. Kung minsan, nakatago rin ang dahilan o motibo ng kausap natin. Kaya bago sumagot, tandaan na posibleng hindi natin alam kung bakit siya nagtanong. (Kaw. 16:23) Tingnan kung paano sumagot si Gideon sa mga lalaki ng Efraim. Galít sila sa kaniya kasi hindi raw niya sila agad tinawag nang makipaglaban ang Israel sa mga kaaway. Pakiramdam ba nila, natapakan ang pride nila? Anuman ang dahilan nila, nirespeto ni Gideon ang nararamdaman nila at sumagot siya sa mabait na paraan. Ang resulta? “Huminahon sila.”—Huk. 8:1-3. w23.09 16 ¶8-9
Martes, Pebrero 18
Gustong-gusto niya akong kasama sa araw-araw.—Kaw. 8:30.
Sa lahat ng mag-ama, si Jehova at si Jesus ang pinakamalapít sa isa’t isa. Siguradong napakasakit para kay Jehova na makita ang Anak niya na pinagmamalupitan, itinatakwil, at nagdurusa. Siguradong alam ng isang magulang na namatayan ng anak kung gaano iyon kahirap at kasakit. Naniniwala tayo sa pagkabuhay-muli, pero masakit pa rin sa atin kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Makakatulong sa atin iyan para maintindihan ang naramdaman ni Jehova nang makita niyang nagdusa at namatay ang minamahal niyang Anak noong 33 C.E. (Mat. 3:17) Mula ngayon hanggang bago mag-Memoryal, puwede ninyong gawing study project o isama sa Family Worship ang tungkol sa pantubos. Sa araw ng Memoryal, siguraduhin mo ring mapapanood mo ang espesyal na Pang-umagang Pagsamba. Kapag inihanda natin ang puso natin para sa Memoryal, matutulungan natin ang iba na makinabang din dito.—Ezra 7:10. w24.01 11 ¶10-12
Miyerkules, Pebrero 19
Palalakasin niya kayo.—1 Ped. 5:10.
Mapapalakas tayo ni Jehova kung mananalangin tayo sa kaniya. Puwede niya tayong bigyan ng “lakas na higit sa karaniwan” bilang sagot sa mga panalangin natin. (2 Cor. 4:7) Mapapalakas din tayo kung babasahin natin ang Salita niya at bubulay-bulayin ito. (Awit 86:11) Ang mensahe ni Jehova sa atin na nasa Bibliya ay “malakas.” (Heb. 4:12) Kung mananalangin ka kay Jehova at magbabasa ng Salita niya, magkakaroon ka ng lakas na kailangan mo para makapagtiis, manatiling masaya, o magawa ang isang mahirap na atas. Tingnan kung paano pinalakas ni Jehova si propeta Jonas. Tinakasan ni Jonas ang isang mahirap na atas na ibinigay sa kaniya ni Jehova. Dahil dito, muntik nang mamatay sa bagyo si Jonas at ang mga kasama niya sa barko. Nang ihagis siya sa dagat, nilulon siya ng isang malaking isda at napunta sa tiyan nito. Noong nag-iisa si Jonas sa tiyan ng isda, ano ang ginawa niya para magkaroon siya ng lakas? Nanalangin siya.—Jon. 2:1, 2, 7. w23.10 13 ¶4-6
Huwebes, Pebrero 20
Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.—1 Ped. 4:7.
Kahit para sa mga Kristiyano noong unang siglo ang mga liham ni apostol Pedro, isinama ito ni Jehova sa Salita Niya. Kaya matututo rin tayo sa mga liham na ito. (Roma 15:4) Marami sa ngayon ang hindi naniniwala sa mga hula sa Bibliya. Baka pagtawanan tayo ng iba dahil maraming taon na nating hinihintay ang pagdating ng wakas. May mga nagsasabi pa nga na hindi talaga ito darating. (2 Ped. 3:3, 4) Kapag narinig natin iyan sa kausap natin sa ministeryo o sa katrabaho o kapamilya natin, baka manghina ang pananampalataya natin. Sinabi ni Pedro kung ano ang makakatulong sa atin. Baka iniisip ng ilan na mabagal si Jehova kasi hindi pa niya winawakasan ang masamang sistemang ito. Ipinapaalala sa atin ng mga sinabi ni Pedro na ibang-iba ang pananaw ni Jehova sa panahon. (2 Ped. 3:8, 9) Ang isang libong taon sa mga tao ay gaya lang ng isang araw kay Jehova. Matiisin si Jehova, at ayaw niyang mapuksa ang sinuman. Pero kapag dumating ang araw niya, siguradong magwawakas ang sistemang ito. w23.09 26-27 ¶2-5
Biyernes, Pebrero 21
Kailangan nating magbigay ng higit sa karaniwang pansin sa mga narinig natin, para hindi tayo maanod palayo kailanman.—Heb. 2:1.
Bakit sinulatan ni apostol Pablo ang mga Hebreong Kristiyano sa Judea? Malamang na may dalawang pangunahing dahilan. Una, para patibayin sila. Lumaki sa Judaismo ang karamihan sa kanila. Nang maging Kristiyano sila, posibleng hinamak sila ng mga dating Judiong lider nila. Wala kasing templo ang mga Kristiyano para sa pagsamba, wala silang altar para sa paghahandog sa Diyos, at wala silang mga saserdote na maglilingkod sa kanila. Dahil doon, posibleng nasiraan ng loob at nanghina ang pananampalataya ng ilang alagad ni Kristo. (Heb. 3:12, 14) Baka naisip pa nga nila na bumalik na lang sa Judaismo. Ikalawa, sinabi ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na hindi sila nagsisikap na maintindihan ang mga bago o malalalim na turo, ang “matigas na pagkain” na nasa Salita ng Diyos. (Heb. 5:11-14) Lumilitaw na ayaw pa ring iwan ng ilan sa kanila ang Kautusang Mosaiko. w23.10 24-25 ¶3-4
Sabado, Pebrero 22
[Pakitunguhan ang] mga nakababatang babae na gaya ng sa kapatid mong babae nang may malinis na puso.—1 Tim. 5:2.
May mga sister na nagdesisyong huwag mag-asawa. (Mat. 19:10-12) Makakasigurado ka na mahalaga kay Jehova at kay Jesus ang mga Kristiyanong walang asawa. Sa buong mundo, malaking tulong sa kongregasyon ang mga single na sister. Dahil sa pag-ibig at malasakit nila sa iba, naging gaya sila ng espirituwal na kapatid at nanay sa marami. (Mar. 10:29, 30) Ang ilan ay naglingkod nang buong panahon. Sa buong mundo, malaking tulong ang mga sister sa gawaing pangangaral. (Awit 68:11) Puwede ka bang magplano ngayon para makapaglingkod nang buong panahon? Baka puwede kang magpayunir o mag-volunteer sa construction o sa Bethel. Ipanalangin mo ang goal mo. Makipagkuwentuhan sa mga nakaabot na sa mga goal na iyan, at alamin ang mga kailangan mong gawin. Pagkatapos, gumawa ng plano para maabot mo iyon. Kapag buong-panahong lingkod ka na, marami pang ibang pribilehiyo na naghihintay sa iyo. w23.12 22 ¶16-17
Linggo, Pebrero 23
Kailangan munang ipangaral ang mabuting balita.—Mar. 13:10.
Napakalapit na ng malaking kapighatian, kaya mahalaga na sundin natin ang utos na mangaral. Pero baka mahirapan tayong magpokus sa ministeryo kung may problema tayo sa pinansiyal o ipinagbabawal ang pangangaral sa lugar natin. Kaya ano ang tutulong sa atin na unahin ang Kaharian? Dapat tayong magtiwala na kasama natin si “Jehova ng mga hukbo.” Susuportahan niya tayo kung patuloy nating uunahin ang Kaharian imbes na ang sariling kapakanan natin. Kaya wala tayong dapat ikatakot. (Hag. 2:4) Gusto ni Jehova na magpokus tayo sa nagliligtas-buhay na gawain, ang paggawa ng mga alagad. Pinatibay ni Hagai ang bayan ni Jehova na maging masigasig ulit sa paglilingkod sa kaniya, na para bang ngayon lang nila itatayo ang pundasyon ng templo. Kung gagawin nila iyon, nangako si Jehova na “pagpapalain” niya sila. (Hag. 2:18, 19) Makakapagtiwala rin tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap natin kung uunahin natin ang atas na ibinigay niya sa atin. w23.11 16 ¶8; 17 ¶11
Lunes, Pebrero 24
Ang lahat ay nagkakasala.—Roma 3:23.
Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma, sinabi niya na makasalanan ang lahat ng tao. Kaya paano tayo maituturing ng Diyos na matuwid o walang kasalanan? Ginamit ni Pablo ang halimbawa ni Abraham para sagutin ang tanong na iyan. Itinuring ni Jehova na matuwid si Abraham noong nakatira ito sa lupain ng Canaan. Bakit? Dahil ba perpektong nasunod ni Abraham ang Kautusang Mosaiko? Siyempre, hindi. (Roma 4:13) Wala pa ang Kautusang Mosaiko noong panahon ni Abraham. Lumipas pa ang mahigit 400 taon bago ibigay ni Jehova ang kautusang iyon sa bansang Israel. Kaya bakit itinuring ng Diyos na matuwid si Abraham? Nagpakita ng walang-kapantay na kabaitan si Jehova kay Abraham at itinuring siyang matuwid dahil sa pananampalataya niya.—Roma 4:2-4. w23.12 3 ¶4-5
Martes, Pebrero 25
Gawin mo kung ano ang nasa puso mo.—1 Cro. 17:2.
Nang gabi ring iyon, nang sabihin ito ni propeta Natan kay Haring David, sinabi ni Jehova kay Natan na hindi si David ang magtatayo ng templo. (1 Cro. 17:3, 4, 11, 12) Nakakadismaya iyon para kay David. Pero ano ang ginawa niya? Nagpokus siya sa paghahanda ng mga pera at materyales na kakailanganin ng anak niyang si Solomon para sa proyektong ito. (1 Cro. 29:1-5) Kahit hindi si David ang magtatayo ng templo, nakipagtipan si Jehova sa kaniya. Nangako si Jehova na isa sa mga inapo niya ang mamamahala magpakailanman. (2 Sam. 7:16) Sa bagong sanlibutan, sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus, isipin kung gaano kasaya si David kapag nalaman niya na ang Hari ay isa sa mga inapo niya! Natutuhan natin sa ulat na ito na hindi man natin magawa ang lahat ng gusto sana nating gawin para kay Jehova, puwede niya tayong pagpalain sa paraang hindi natin inaasahan. w23.04 16 ¶8-10
Miyerkules, Pebrero 26
Hindi pababayaan ni Jehova ang bayan niya.—Awit 94:14.
Kapag natatakot ka, baka may mga partikular na bahagi ng Bibliya na makakapagpatibay sa iyo, gaya ng mga aklat ng Job, Awit, at Kawikaan at ng mga sinabi ni Jesus sa Mateo kabanata 6. Mapapalakas ni Jehova ang loob mo kung mananalangin ka sa kaniya at babasahin mo ang Salita niya. Makakasigurado tayo na tutulungan tayo ni Jehova sa mahihirap na panahon. Hinding-hindi niya tayo iiwan. (Awit 23:4) Nangako siya na babantayan niya tayo, patatatagin, aalalayan, at palalakasin ang loob natin. Sinasabi ng Isaias 26:3 tungkol kay Jehova: “Iingatan mo ang mga lubos na umaasa sa iyo; patuloy mo silang bibigyan ng kapayapaan, dahil sa iyo sila nagtitiwala.” Kaya magtiwala kay Jehova at tanggapin ang tulong na ibinibigay niya. Mapapalakas ka nito kahit sa mahihirap na panahon. w24.01 25 ¶16-17
Huwebes, Pebrero 27
Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay.—Isa. 54:17.
Natutupad na iyan ngayon, pati na ang mga salitang ito: “Ang lahat ng anak mo ay tuturuan ni Jehova, at magkakaroon sila ng saganang kapayapaan. Katuwiran ang magiging pundasyon mo. . . . Wala kang anumang katatakutan at kasisindakan, dahil hindi ito lalapit sa iyo.” (Isa. 54:13, 14) Kahit si Satanas—ang “diyos ng sistemang ito”—ay walang magagawa para patigilin ang gawaing pagtuturo ng mga lingkod ni Jehova. (2 Cor. 4:4) Naibalik na ang dalisay na pagsamba, at hindi na ito madudungisan pang muli. Mananatili ito magpakailanman. Hindi magtatagumpay ang anumang sandata na ipanlalaban sa atin! w24.02 4 ¶10
Biyernes, Pebrero 28
Kung mas mahal ng isa ang kaniyang ama o ina kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.—Mat. 10:37.
Bilang nakaalay na mga Kristiyano, napakahalagang tuparin natin ang panata natin kay Jehova. At makakaapekto iyan sa desisyon natin sa mga usaping pampamilya at sa pakikitungo natin sa kanila. Hindi natin pinapabayaan ang mga responsibilidad natin sa pamilya, pero mas inuuna natin ang gusto ni Jehova imbes na ang sa pamilya natin. (Mat. 10:35, 36; 1 Tim. 5:8) At kung minsan, para mapasaya natin si Jehova, baka kailangan nating gumawa ng mga desisyon na ikakagalit ng pamilya natin. Siya ang nagpasimula ng pamilya, at gusto niyang maging masaya ang lahat ng pamilya. (Efe. 3:14, 15) Kaya kung gusto talaga nating maging masaya, kailangan nating sundin si Jehova. Lagi sana nating tandaan na pinapahalagahan ni Jehova ang mga sakripisyo natin para mapaglingkuran siya habang inaalagaan natin ang ating pamilya at pinapakitunguhan sila nang may pag-ibig at paggalang.—Roma 12:10. w24.02 17 ¶11; 18 ¶13