Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es25 p. 26-36
  • Marso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Marso
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
  • Subtitulo
  • Sabado, Marso 1
  • Linggo, Marso 2
  • Lunes, Marso 3
  • Martes, Marso 4
  • Miyerkules, Marso 5
  • Huwebes, Marso 6
  • Biyernes, Marso 7
  • Sabado, Marso 8
  • Linggo, Marso 9
  • Lunes, Marso 10
  • Martes, Marso 11
  • Miyerkules, Marso 12
  • Huwebes, Marso 13
  • Biyernes, Marso 14
  • Sabado, Marso 15
  • Linggo, Marso 16
  • Lunes, Marso 17
  • Martes, Marso 18
  • Miyerkules, Marso 19
  • Huwebes, Marso 20
  • Biyernes, Marso 21
  • Sabado, Marso 22
  • Linggo, Marso 23
  • Lunes, Marso 24
  • Martes, Marso 25
  • Miyerkules, Marso 26
  • Huwebes, Marso 27
  • Biyernes, Marso 28
  • Sabado, Marso 29
  • Linggo, Marso 30
  • Lunes, Marso 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
es25 p. 26-36

Marso

Sabado, Marso 1

Hindi mabibigo ang pag-asa natin.​—Roma 5:5.

Hindi pa dumarating ang bagong sanlibutan. Pero isipin ang mga bituin, puno, hayop, at iba pang mga tao. Hindi tayo nagdududa na totoo sila. Pero may panahon na wala pa ang lahat ng ito. Umiral lang sila dahil nilikha sila ni Jehova. (Gen. 1:​1, 26, 27) Nangako rin si Jehova na magkakaroon ng bagong sanlibutan. Matutupad iyon! Sa panahong iyon, magiging perpekto na ang kalusugan ng mga tao at mabubuhay sila nang walang hanggan. Siguradong mangyayari iyan sa itinakdang panahon ng Diyos. (Isa. 65:17; Apoc. 21:​3, 4) Habang naghihintay, gawin ang lahat para tumibay ang pananampalataya mo. Laging pahalagahan ang pantubos. Isipin ang kapangyarihan ni Jehova. Maging abala sa espirituwal na mga gawain. Kung gagawin natin ang mga iyan, puwede tayong makasama sa “mga [magmamana] ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.”​—Heb. 6:​11, 12. w23.04 31 ¶18-19

Linggo, Marso 2

Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?​—Juan 11:40.

Tumingala si Jesus at nanalangin nang malakas. Gusto niyang kay Jehova mapunta ang kapurihan para sa susunod na mangyayari. Pagkatapos, sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” (Juan 11:43) At lumabas nga si Lazaro sa libingan! Nagawa ni Jesus ang iniisip ng ilan na imposible. Pinapatibay ng ulat na ito ang pagtitiwala natin na talagang magkakaroon ng pagkabuhay-muli. Bakit natin nasabi iyan? Alalahanin ang pangako ni Jesus kay Marta: “Babangon ang kapatid mo.” (Juan 11:23) Gaya ng kaniyang Ama, gusto ni Jesus at may kapangyarihan siyang tuparin ang pangakong iyon. Makikita sa pagluha niya na gustong-gusto niyang alisin ang kamatayan at ang napakasakit na epekto nito sa mga namatayan. At nang lumabas si Lazaro sa libingan, pinatunayan ni Jesus na may kapangyarihan siyang bumuhay ng mga patay. Pag-isipan din ang sinabi ni Jesus kay Marta gaya ng binabanggit sa teksto sa araw na ito. Kaya talagang may matibay na dahilan tayo para maniwala na magkakatotoo ang pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli. w23.04 11-12 ¶15-16

Lunes, Marso 3

Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya nang may katapatan.​—Awit 145:18.

Kung minsan, baka kailangan nating baguhin ang ipinapanalangin natin habang mas naiintindihan natin ang kalooban ni Jehova. Tandaan na tutuparin ni Jehova ang layunin niya sa panahong itinakda niya. Kasama sa layunin niya na permanenteng alisin ang lahat ng problema na dahilan ng pagdurusa natin ngayon, gaya ng mga sakuna, sakit, at kamatayan. Gagamitin ni Jehova ang kaniyang Kaharian para tuparin ang layunin niya. (Dan. 2:44; Apoc. 21:​3, 4) Pero habang hindi pa nangyayari iyan, pinapahintulutan muna ni Jehova si Satanas na mamahala sa mundo. (Juan 12:31; Apoc. 12:9) Kung aalisin na ngayon ni Jehova ang mga problema natin, magmumukhang nagtatagumpay si Satanas sa pamamahala niya. Pero habang hinihintay natin na tuparin ni Jehova ang mga pangako niya, makakaasa tayo sa tulong niya. Tutulungan tayo ni Jehova. w23.05 8 ¶4; 9-10 ¶7-8

Martes, Marso 4

[Alamin] ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.​—Col. 4:6.

Paano natin matutulungan ang iba na makinabang sa Memoryal? Siyempre, ang una nating dapat gawin, imbitahan sila. Bukod sa mga nakakausap natin sa ministeryo, puwede nating ilista ang mga gusto nating imbitahan. Kasama dito ang mga kamag-anak natin, katrabaho, kaeskuwela, at iba pa. Kung kulang ang inimprentang imbitasyon, puwede tayong mag-share ng link nito sa website natin. Malay mo, marami ang makadalo! (Ecles. 11:6) Tandaan na baka may mga tanong ang mga inimbitahan natin—lalo na kung hindi pa sila nakadalo sa mga pulong. Kaya pag-isipan natin ang mga puwede nilang itanong at maging handa na sagutin ang mga iyon. Pagkatapos ng Memoryal, baka may mga tanong pa ang mga inimbitahan natin. Gusto nating gawin ang lahat—bago, habang, at pagkatapos ng Memoryal—para tulungan ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan” na makinabang sa pagdiriwang na ito.​—Gawa 13:48. w24.01 12 ¶13, 15; 13 ¶16

Miyerkules, Marso 5

Kayo ay isang singaw na lumilitaw nang sandali at pagkatapos ay naglalaho.​—Sant. 4:14.

Sa Bibliya, may walong tao na binuhay-muli sa lupa—mga lalaki, babae, at bata. Pag-aralan mong mabuti ang mga ulat tungkol sa kanila, at alamin ang mga aral dito. Pag-isipan kung paano ipinapakita ng bawat ulat na gusto ng Diyos at may kapangyarihan siya na bumuhay ng mga patay. Pero ang pinakamahalaga na dapat mong pag-aralan ay ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Tandaan na napakaraming nakakita sa binuhay-muling si Jesus. Napakatibay na ebidensiya niyan! (1 Cor. 15:​3-6, 20-22) Laking pasasalamat natin sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli! Sigurado tayo na magkakatotoo ito, dahil gusto ni Jehova at may kapangyarihan siyang tuparin ang pangako niya. Maging determinado sana tayong patuloy na patibayin ang pagtitiwala natin sa pag-asang ito. Kung gagawin natin iyan, mas mapapalapit tayo sa Diyos na nangangako sa bawat isa sa atin na bubuhayin niyang muli ang mga namatay nating mahal sa buhay.​—Juan 11:23. w23.04 8 ¶2; 12 ¶17; 13 ¶20

Huwebes, Marso 6

Maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng iyong Diyos!—Mik. 6:8.

Mapagpakumbaba tayo kung tama ang pananaw natin sa sarili at kung alam natin ang mga limitasyon natin. Iginagalang din natin ang iba at itinuturing silang nakakataas sa atin. (Fil. 2:3) Mapagpakumbaba si Gideon. Nang sabihin ng anghel ni Jehova kay Gideon na siya ang pinili na magligtas sa Israel mula sa mga makapangyarihang Midianita, sinabi niya: “Ang angkan ko ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.” (Huk. 6:15) Pakiramdam niya, hindi siya kuwalipikado sa atas na iyon. Pero alam ni Jehova na kaya niya. At nagtagumpay nga si Gideon sa tulong ni Jehova! Sinisikap ng mga elder na laging maging mapagpakumbaba. (Gawa 20:​18, 19) Hindi nila ipinagyayabang kung ano ang nagagawa nila at ang kaya nilang gawin. Pero hindi rin nila iniisip na wala silang halaga dahil sa mga pagkakamali o kahinaan nila. w23.06 3 ¶4-5

Biyernes, Marso 7

Dudurugin ng supling niya ang ulo mo.​—Gen. 3:15.

Maghihintay pa tayo nang mahigit 1,000 taon bago matupad ang pagdurog sa ulo ni Satanas. (Apoc. 20:​7-10) Bago mangyari iyan, inihula sa Bibliya ang malalaking pangyayaring ito. Una, magdedeklara ang mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan!” (1 Tes. 5:​2, 3) “Biglang” magsisimula ang malaking kapighatian kapag inatake na ng mga bansa ang lahat ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:16) Pagkatapos nito, hahatulan ni Jesus ang mga tao, at ibubukod niya ang mga tupa mula sa mga kambing. (Mat. 25:​31-33, 46) Pero hindi pa rin titigil si Satanas. Sa galit niya, iimpluwensiyahan niya ang isang koalisyon ng mga bansa, na tinatawag sa Bibliya na Gog ng lupain ng Magog, para salakayin ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:​2, 10, 11) Sa panahong iyon, titipunin sa langit ang mga natitirang pinahiran at makakasama sila ni Kristo at ng mga hukbo niya sa langit para makipaglaban sa digmaan ng Armagedon, ang wakas ng malaking kapighatian. (Mat. 24:31; Apoc. 16:​14, 16) Pagkatapos, magsisimula na ang Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo sa lupa.​—Apoc. 20:6. w23.10 20-21 ¶9-10

Sabado, Marso 8

May takot ako kay Jehova mula pa sa pagkabata.​—1 Hari 18:12.

Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang nakatira sa mga bansang ipinagbabawal ang gawain natin. Iginagalang nila ang mga awtoridad. Pero gaya ni Obadias, kay Jehova lang nila ibinibigay ang bukod-tanging debosyon nila. (Mat. 22:21) Dahil may takot sila sa Diyos, siya ang sinusunod nila sa halip na mga tao. (Gawa 5:29) Kaya patuloy silang nangangaral at nagpupulong nang palihim. (Mat. 10:​16, 28) Sinisigurado nila na nakakatanggap din ng espirituwal na pagkain ang ibang mga kapatid. Halimbawa, nakatira si Henri sa isang bansa sa Africa kung saan ipinagbabawal noon ang gawain natin. Nagboluntaryo si Henri na maghatid ng espirituwal na pagkain sa mga kapatid. Isinulat niya: “Mahiyain ako. . . . Nagkaroon lang ako ng lakas ng loob dahil sa matinding paggalang ko kay Jehova.” Matutularan mo ba ang lakas ng loob ni Henri? Magagawa mo iyan kung mayroon kang takot sa Diyos. w23.06 16 ¶9, 11

Linggo, Marso 9

Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan.​—Roma 5:12.

Nang magrebelde sina Adan at Eva, parang imposible nang mapuno ang lupa ng perpekto at masunuring mga tao. Posibleng naisip ni Satanas na hindi na iyon matutupad ni Jehova. Baka naisip niya na papatayin ng Diyos sina Adan at Eva at gagawa Siya ng panibagong perpektong mag-asawa para matupad ang layunin Niya para sa mga tao. Pero kapag ginawa iyon ng Diyos, sasabihin ng Diyablo na sinungaling Siya. Bakit? Kasi sa Genesis 1:​28, sinabi ni Jehova kina Adan at Eva na pupunuin ng mga inapo nila ang lupa. O baka naisip niya na papayagan ni Jehova na magkaroon ng mga inapo sina Adan at Eva, pero kahit kailan, hindi magiging perpekto ang mga ito. (Ecles. 7:20; Roma 3:23) Kung mangyayari iyan, siguradong sasabihin ni Satanas na bigo si Jehova na tuparin ang layunin Niya, kasi hindi mapupuno ang lupa ng perpektong mga tao. Siguradong hindi naisip ni Satanas ang gagawin ni Jehova. w23.11 6 ¶15-16

Lunes, Marso 10

Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat.​—1 Cor. 4:6.

Binibigyan na tayo ni Jehova ng malinaw na tagubilin gamit ang kaniyang Salita at organisasyon. Hindi na natin kailangang dagdagan iyon. (Kaw. 3:​5-7) Iyan ang dahilan kung bakit hindi natin hinihigitan ang mga nakasulat sa Bibliya o gumagawa ng sariling mga batas. Ginagamit ni Satanas ang “mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya” at “pananaw ng sanlibutan” para iligaw ang mga tao at magkabaha-bahagi sila. (Col. 2:8) Noong unang siglo, kasama sa mga ito ang mga pilosopiya na batay sa kaisipan ng tao, sa di-makakasulatang turo ng mga Judio, at sa turo na dapat sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko. Panlilinlang ang mga ito kasi nailayo nito ang mga tao sa Pinagmumulan ng tunay na karunungan, si Jehova. Ginagamit ngayon ni Satanas ang media at mga social network para magkalat ng mga conspiracy theory at di-totoong report. Sinasamantala naman ito ng mga politiko. w23.07 16 ¶11-12

Martes, Marso 11

Kay dakila ng iyong mga gawa, O Jehova! Napakalalim ng iyong mga kaisipan!—Awit 92:5.

Alam ni Jehova ang pinakamagandang solusyon para matupad ang layunin niya kahit nagrebelde sa kaniya si Satanas at ang unang mga tao. Pinahintulutan ni Jehova na magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva, kaya hindi siya sinungaling. At ipinakita ni Jehova na kapag may sinabi siyang gagawin niya, walang makakapigil sa kaniya. Tiniyak niya na matutupad ang layunin niya. Naglaan siya ng “supling” na magliligtas sa masunuring mga inapo nina Adan at Eva. (Gen. 3:15; 22:18) Siguradong hindi inasahan ni Satanas ang kaayusan ng pantubos! Bakit? Kasi ang pantubos ay nakabase sa di-makasariling pag-ibig. (Mat. 20:28; Juan 3:16) Wala si Satanas ng ganiyang katangian kasi makasarili siya. Kaya ano ang mangyayari dahil sa kaayusan ng pantubos? Pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Pamamahala ni Kristo, titira sa Paraisong lupa ang perpekto at masunuring mga inapo nina Adan at Eva—gaya ng orihinal na layunin ni Jehova. w23.11 6 ¶17

Miyerkules, Marso 12

Hahatulan [sila] ng Diyos.​—Heb. 13:4.

Sinusunod natin ang utos ni Jehova may kinalaman sa kabanalan ng buhay at dugo. Bakit? Sinabi ni Jehova na ang dugo ay kumakatawan sa buhay, na isang mahalagang regalo mula sa kaniya. (Lev. 17:14) Nang pahintulutan ni Jehova ang mga tao na kumain ng karne, ipinagbawal niyang kainin ang dugo nito. (Gen. 9:4) Inulit niya ang utos na ito nang ibigay niya sa Israel ang Kautusang Mosaiko. (Lev. 17:10) Tinagubilinan din niya ang lupong tagapamahala noong unang siglo na iutos sa lahat ng Kristiyano: “Patuloy na umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:​28, 29) Mahigpit nating sinusunod ang utos na ito kapag pumipili tayo ng paraan ng paggamot. Mahigpit din nating sinusunod ang utos ni Jehova na umiwas sa seksuwal na imoralidad. Pinayuhan tayo ni apostol Pablo na “patayin” ang mga bahagi ng katawan natin. Ibig sabihin, kailangan nating gawin ang lahat para maalis ang maling mga pagnanasa. Iniiwasan nating tingnan o gawin ang anuman na puwedeng mauwi sa seksuwal na imoralidad.​—Col. 3:5; Job 31:1. w23.07 15 ¶5-6

Huwebes, Marso 13

Bandang huli, sinabi na rin niya ang lahat.​—Huk. 16:17.

Mahal na mahal ba ni Samson si Delaila kaya hindi niya nahalata ang totoong intensiyon nito? Anuman ang dahilan, paulit-ulit na pinilit ni Delaila si Samson na sabihin sa kaniya kung saan nanggagaling ang lakas nito. Nang bandang huli, sinabi rin ito ni Samson. Dahil dito, nawala ang lakas niya at pansamantala niyang naiwala ang pagsang-ayon ni Jehova. (Huk. 16:​16-20) Nagdusa si Samson dahil nagtiwala siya kay Delaila imbes na kay Jehova. Hinuli siya at binulag ng mga Filisteo. Ikinulong siya at ginawang tagagiling ng butil sa Gaza. Pagkatapos, dinala ng mga Filisteo si Samson sa pagdiriwang nila para gawin siyang katatawanan. Nag-alay sila ng maraming handog sa diyos nilang si Dagon, dahil iniisip nila na tinulungan sila nito na mahuli si Samson. Inilabas nila si Samson mula sa bilangguan “para may mapagkatuwaan” sila—para gawin siyang katatawanan.​—Huk. 16:​21-25. w23.09 5-6 ¶13-14

Biyernes, Marso 14

Gawin kung ano ang mabuti sa pananaw ng lahat ng tao.​—Roma 12:17.

Paano kung magtanong ang isang katrabaho o kaeskuwela natin kung bakit natin sinusunod ang mga pamantayan ng Bibliya? Siyempre, ipagtatanggol natin ang paniniwala natin, pero irerespeto rin natin ang pananaw ng kausap natin. (1 Ped. 3:15) Huwag isipin na atake sa paniniwala natin ang tanong niya. Ituring ito na paraan para malaman kung ano ang mahalaga sa kaniya. Anuman ang motibo niya sa pagtatanong, dapat tayong sumagot sa mabait na paraan. Baka makapag-isip-isip siya dahil dito. Halimbawa, kung magtanong ang isang katrabaho mo kung bakit hindi tayo nagse-celebrate ng birthday, pag-isipan: Akala ba niya, bawal tayong mag-enjoy? Puwedeng mapanatag ang loob niya kung sasabihin mo na pinapahalagahan mo ang malasakit niya sa mga katrabaho ninyo. Puwedeng magbukas iyon ng magandang pagkakataon para maipaliwanag mo sa kaniya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa birthday. w23.09 17 ¶10-11

Sabado, Marso 15

Mag-ingat kayo para hindi kayo maligaw kasama nila dahil sa mga pagkakasala ng mga taong walang sinusunod na batas at hindi ninyo maiwala ang katatagan ninyo.​—2 Ped. 3:17.

Pribilehiyo nating gamitin ang natitirang panahon para mangaral sa mga tao sa buong mundo. Sinabi ni apostol Pedro na ‘isaisip’ natin ang araw ni Jehova. (2 Ped. 3:​11, 12) Paano? Araw-araw, puwede nating pag-isipan ang magiging buhay natin sa bagong sanlibutan. Isipin na lumalanghap ka ng malinis na hangin, kumakain ng masustansiyang pagkain, sinasalubong ang mga mahal mo sa buhay na binuhay-muli, at itinuturo sa mga taong nabuhay daan-daang taon na ang nakakalipas kung paano natupad ang mga hula sa Bibliya. Tutulong iyan sa atin na patuloy na maghintay at maging kumbinsido na malapit na ang wakas. ‘Dahil alam na natin ang mga ito, hindi tayo maililigaw’ ng huwad na mga guro. w23.09 27 ¶5-6

Linggo, Marso 16

Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang, ayon sa kalooban ng Panginoon, dahil ito ay matuwid.​—Efe. 6:1.

Nakakasama ngayon ng mga kabataang Kristiyano ang ibang kabataan na “masuwayin sa magulang.” (2 Tim. 3:​1, 2) Bakit marami ang masuwayin? Nakikita kasi ng ilan na hindi naman ginagawa ng mga magulang nila ang ipinapayo ng mga ito. Iniisip naman ng iba na makaluma na, hindi praktikal, o masyadong mahigpit ang mga utos sa kanila. Kung isa kang kabataan, naiisip mo rin ba iyan? Marami ang nahihirapang sundin ang utos ni Jehova sa teksto sa araw na ito. Ano ang makakatulong sa iyo? Si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng pagiging masunurin. Matututo ka sa kaniya. (1 Ped. 2:​21-24) Perpekto siya, pero hindi ganiyan ang mga magulang niya. Kahit nagkakamali sila at may mga pagkakataong hindi nila siya naiintindihan, pinarangalan pa rin sila ni Jesus.​—Ex. 20:12. w23.10 7 ¶4-5

Lunes, Marso 17

Ang naunang kautusan ay inalis dahil ito ay mahina at hindi mabisa.​—Heb. 7:18.

Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang mga handog na hinihiling ng Kautusan ay hindi lubusang makakapaglinis ng kasalanan. Dahil dito, “inalis” ang Kautusan. Kaya tinuruan sila ni Pablo ng ilang malalalim na katotohanan. Ipinaalala niya sa kanila na mayroon silang “mas magandang pag-asa” salig sa hain ni Jesus. At iyon ang talagang tutulong sa kanila na ‘makalapit sa Diyos.’ (Heb. 7:19) Ipinaliwanag ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano kung bakit nakakahigit ang paraan ng pagsamba nila ngayon kaysa sa dati. Ang paraan ng pagsamba ng mga Judio noon ay “anino lang ng mga bagay na darating, anino ng Kristo.” (Col. 2:17) Ang anino ng isang bagay ay kahugis lang nito; hindi ang mismong bagay na iyon. Ganiyan din ang paraan ng pagsamba ng mga Judio noon. Anino lang ito ng mas magandang paraan ng pagsamba na darating. Kailangan nating maintindihan ang kaayusang ginawa ni Jehova para mapatawad ang mga kasalanan natin at masamba natin siya sa tamang paraan. w23.10 25 ¶4-5

Martes, Marso 18

Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan sa kaniya ang hari ng timog, at sasalakayin naman ito ng hari ng hilaga na gaya ng bagyo.​—Dan. 11:40.

Sa Daniel kabanata 11, may binabanggit na dalawang hari, o politikal na kapangyarihan, na naglalabanan dahil pareho nilang gusto na maging pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Kung ikukumpara natin ang hulang ito sa ibang hula sa Bibliya, masasabi natin na ang “hari ng hilaga” ay ang Russia at mga kaalyado nito at na ang “hari ng timog” ay ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerika. Direktang pinag-uusig ng “hari ng hilaga” ang mga lingkod ng Diyos na nakatira sa teritoryo nito. May mga Saksi na binugbog at ikinulong dahil sa pananampalataya nila. Pero imbes na matakot ang mga kapatid sa mga ginagawa sa kanila ng “hari ng hilaga,” lalo pang tumibay ang pananampalataya nila. Bakit? Dahil alam nila na ang pag-uusig na nararanasan nila ay katuparan ng hula ni Daniel. (Dan. 11:41) Gaya nila, tutulong din iyan sa atin para manatili tayong tapat at maging malinaw sa ating isip ang pag-asa natin. w23.08 11 ¶15-16

Miyerkules, Marso 19

Sinumang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.​—Zac. 2:8.

Dahil mahal tayo ni Jehova, naiintindihan niya ang nararamdaman natin at gustong-gusto niya tayong protektahan. Nasasaktan din siya kapag nasasaktan tayo. Kaya puwede nating ipanalangin: “Ingatan mo akong gaya ng itim ng iyong mata.” (Awit 17:8) Sensitibo ang mata, at mahalagang bahagi ito ng katawan natin. Kaya nang itulad tayo ni Jehova sa itim ng mata niya, para bang sinasabi niya, ‘Kapag sinasaktan kayo ng sinuman, sinasaktan din niya kung ano ang mahalaga sa akin.’ Gusto ni Jehova na maging kumbinsido tayo na mahal niya ang bawat isa sa atin. Pero alam niya na dahil sa di-magagandang nangyari sa iyo o dahil sa mga pinagdadaanan mo ngayon, baka magduda ka kung talagang mahal ka niya. Kapag nalaman mo kung paano nagpakita ng pag-ibig si Jehova kay Jesus, sa mga pinahiran, at sa ating lahat, titibay ang pagtitiwala mo na mahal ka niya. w24.01 27 ¶6-7

Huwebes, Marso 20

Ang aming Diyos ay sumaamin at pinrotektahan niya kami mula sa mga kaaway.​—Ezra 8:31.

Nakita ni Ezra kung paano sinuportahan ni Jehova ang bayan Niya sa mahihirap na sitwasyon. Noong 484 B.C.E., maraming taon bago pumunta si Ezra sa Jerusalem, malamang na nakatira siya sa Babilonya. Ipinag-utos noon ni Haring Ahasuero na patayin ang lahat ng Judio na nasa Imperyo ng Persia. (Es. 3:​7, 13-15) Nalagay sa panganib ang buhay ni Ezra! Dahil sa bantang ito, nag-ayuno at nagdalamhati ang mga Judio “sa bawat nasasakupang distrito” ng Persia at siguradong humingi sila ng tulong kay Jehova sa panalangin. (Es. 4:3) Isipin na lang ang naramdaman ni Ezra at ng ibang mga Judio nang mabaligtad ang sitwasyon—ang mga kaaway nila ang napatay! (Es. 9:​1, 2) Siguradong naihanda si Ezra ng karanasan niyang ito para sa iba pang mahihirap na sitwasyon at napatibay nito ang pagtitiwala niya sa kakayahan ni Jehova na protektahan ang bayan Niya. w23.11 17 ¶12-13

Biyernes, Marso 21

Itinuturing na matuwid ng Diyos [ang isang tao] pero hindi dahil sa mga gawa.​—Roma 4:6.

Ang pangunahing tinutukoy ni apostol Pablo ay ang “pagsasagawa ng kautusan,” ang kautusan ni Moises, na ibinigay sa Bundok Sinai. (Roma 3:​21, 28) Lumilitaw na noong panahon ni Pablo, hindi matanggap ng ilang Judiong Kristiyano na hindi na nila kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko. Kaya ginamit ni Pablo ang halimbawa ni Abraham para patunayan na hindi ituturing ng Diyos na matuwid ang isang tao dahil sa “pagsasagawa ng kautusan.” Ipinaliwanag ni Pablo na kailangan nating magkaroon ng pananampalataya. Nakakapagpatibay ito kasi nalaman natin na puwede tayong ituring na matuwid kung may pananampalataya tayo sa Diyos at kay Kristo. Pero ang “mga gawa” na tinalakay sa Santiago kabanata 2 ay hindi ang “pagsasagawa ng kautusan” na binanggit ni Pablo. Ang tinutukoy ni Santiago ay ang ginagawa ng mga Kristiyano sa araw-araw. (Sant. 2:24) Makikita sa mga ginagawa nila kung tunay ang pananampalataya nila sa Diyos o hindi. w23.12 3 ¶8; 4-5 ¶10-11

Sabado, Marso 22

Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae.​—Efe. 5:23.

Dapat na piliing mabuti ng mga sister ang mapapangasawa nila. Tandaan, kailangan mong magpasakop sa magiging asawa mo. (Roma 7:2; Efe. 5:33) Kaya tanungin ang sarili: ‘May-gulang na Kristiyano ba siya? Inuuna ba niya si Jehova sa buhay niya? Kumusta ang mga desisyon niya? Inaamin ba niya ang mga pagkakamali niya? Nirerespeto ba niya ang mga babae? Kaya ba niya akong suportahan sa espirituwal, materyal, at emosyonal na paraan?’ Siyempre, kung gusto mong makahanap ng mahusay na asawang lalaki, kailangan mo ring maghanda para maging mahusay kang asawang babae. Ang mahusay na asawang babae ay “isang katulong na makakatuwang” ng asawa niya. (Gen. 2:18) At dahil mahal niya si Jehova, ginagawa niya ang magagawa niya para maging maganda ang reputasyon ng asawa niya. (Kaw. 31:​11, 12; 1 Tim. 3:11) Ngayon pa lang, makakapaghanda ka na sa pagiging asawang babae kung papatibayin mo ang kaugnayan mo kay Jehova at kung tutulungan mo ang mga kapamilya mo at ang mga kapatid. w23.12 22-23 ¶18-19

Linggo, Marso 23

Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos.​—Sant. 1:5.

Nangangako si Jehova na gagawin niya iyan para makagawa tayo ng mga tamang desisyon. Kailangan natin ng karunungan lalo na kapag gagawa tayo ng desisyon na makakaapekto sa buong buhay natin. Binibigyan din niya tayo ng lakas para makapagtiis. Gaya ni apostol Pablo, bibigyan din tayo ni Jehova ng lakas na kailangan natin para matiis ang mga problema. (Fil. 4:13) Ginagamit niya ang mga kapatid. Noong gabi bago mamatay si Jesus, marubdob siyang nanalangin. Hiniling niya kay Jehova na huwag hayaang mahatulan siya bilang mamumusong. Hindi iyon ang ginawa ni Jehova. Pero nagsugo siya ng isang anghel para palakasin si Jesus. (Luc. 22:​42, 43) Puwede ring gamitin ni Jehova ang mga kapatid para tulungan tayo. Puwede nila tayong tawagan o bisitahin para patibayin tayo. At lahat tayo, puwedeng maghanap ng mga pagkakataon para magbigay ng “positibong salita” sa mga kapatid.​—Kaw. 12:25. w23.05 10-11 ¶9-11

Lunes, Marso 24

Patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.​—1 Tes. 5:11.

Posibleng natatakot sa sasabihin ng mga kapatid ang mga inactive na dumadalo sa Memoryal. Kaya huwag magtanong ng puwede nilang ikapahiya o magsalita nang makakasakit sa kanila. Mga kapatid natin sila. At masaya tayong makasama ulit sila sa pagsamba! (Awit 119:176; Gawa 20:35) Talagang nagpapasalamat tayo na iniutos ni Jesus na alalahanin natin ang kamatayan niya taon-taon. Alam natin kung bakit napakahalaga nito. Kapag dumadalo tayo sa Memoryal, nakikinabang tayo at ang iba sa maraming paraan. (Isa. 48:​17, 18) Lalong lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at kay Jesus. Naipapakita natin na talagang pinapahalagahan natin ang ginawa nila para sa atin. Mas napapalapit tayo sa mga kapatid. At baka matulungan natin ang iba na malaman kung paano rin sila makikinabang sa pantubos. Kaya gawin natin ang lahat para maging handa tayo sa Memoryal—ang pinakamahalagang araw ng taon! w24.01 14 ¶18-19

Martes, Marso 25

Ako, si Jehova, . . . ang pumapatnubay sa iyo.​—Isa. 48:17.

Paano tayo pinapatnubayan ni Jehova? Pangunahin na, ginagamit niya ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Pero gumagamit din siya ng mga tao bilang kinatawan niya. Halimbawa, inatasan niya ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng espirituwal na pagkain na tutulong sa atin na makagawa ng tamang mga desisyon. (Mat. 24:45) Ginagamit din ni Jehova ang ilang mahuhusay na lalaki para patnubayan tayo, gaya ng mga tagapangasiwa ng sirkito at elder sa kongregasyon. Nagbibigay sila ng pampatibay at tagubilin na makakatulong sa atin na makayanan ang mahihirap na sitwasyon. Nagpapasalamat tayo na talagang pinapatnubayan tayo ni Jehova sa mga huling araw na ito. Matutulungan tayo nito na manatiling kaibigan niya at patuloy na makalakad sa daan ng buhay. Pero minsan, baka nahihirapan tayong sundin ang patnubay ni Jehova, lalo na kung galing ito sa di-perpektong mga tao. Sa ganitong mga sitwasyon, mas lalo nating kailangang magtiwala na si Jehova ang pumapatnubay sa bayan niya at na pagpapalain niya tayo kapag sumunod tayo sa kaniya. w24.02 20 ¶2-3

Miyerkules, Marso 26

Umibig tayo, hindi sa salita o sa pamamagitan ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at katotohanan.​—1 Juan 3:18.

Mapapalalim natin ang pag-ibig sa Diyos kung pag-aaralan nating mabuti ang Salita niya. Habang binabasa mo ang Bibliya, sikaping makita kung ano ang itinuturo ng bawat teksto tungkol kay Jehova. Tanungin ang sarili: ‘Paano ipinapakita ng ulat na ito na mahal ako ni Jehova? Paano ako tinutulungan nito na mas mahalin si Jehova?’ Mapapalalim din natin ang pag-ibig kay Jehova kung regular tayong mananalangin sa kaniya nang mula sa puso. (Awit 25:​4, 5) Siguradong sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin. (1 Juan 3:​21, 22) Dapat din nating palalimin ang pag-ibig natin sa iba. Ilang taon mula nang maging Kristiyano si apostol Pablo, nakilala niya ang kabataang si Timoteo. Mahal ni Timoteo si Jehova at ang mga tao. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos: “Wala na akong ibang maisusugo na may saloobing gaya ng [kay Timoteo], na talagang magmamalasakit sa inyo.” (Fil. 2:20) Humanga si Pablo sa lalim ng pag-ibig ni Timoteo sa mga kapatid. Siguradong gustong-gusto ng mga kapatid kapag dumadalaw si Timoteo sa kongregasyon nila.​—1 Cor. 4:17. w23.07 9 ¶7-10

Huwebes, Marso 27

Hinding-hindi kita pababayaan.​—Heb. 13:5.

Namatay si Moises bago pa makapasok ang Israel sa Lupang Pangako. Pinabayaan na ba ang bayan ng Diyos? Hindi. Hangga’t tapat sila, pinaglalaanan sila ni Jehova. Bago mamatay si Moises, sinabi sa kaniya ni Jehova na atasan si Josue para manguna sa bayan. Maraming taóng sinanay ni Moises si Josue. (Ex. 33:11; Deut. 34:9) Isa pa, maraming iba pang may-kakayahang lalaki noon na nangunguna—mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu. (Deut. 1:15) Talagang napangalagaan ang bayan ng Diyos! Ganiyan din ang nangyari noong panahon ni Elias. Sa loob ng maraming taon, nagsikap siyang tulungan ang mga Israelita na sambahin si Jehova. Pero nang bandang huli, inatasan siya ni Jehova na maglingkod sa Juda. (2 Hari 2:1; 2 Cro. 21:12) Napabayaan ba ang mga tapat na nasa 10-tribong kaharian ng Israel? Hindi. Maraming taóng sinanay ni Elias si Eliseo. Habang patuloy na isinasagawa ni Jehova ang layunin niya, patuloy rin niyang pinapangalagaan ang tapat na mga mananamba niya. w24.02 5 ¶12

Biyernes, Marso 28

Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag.​—Efe. 5:8.

Tinanggap ng mga Kristiyano sa Efeso ang katotohanan mula sa Kasulatan, na parang liwanag na gumabay sa kanila. (Awit 119:105) Iniwan na nila ang huwad na pagsamba at imoralidad. ‘Tinularan nila ang Diyos’ at ginawa ang buong makakaya nila para sambahin at pasayahin siya. (Efe. 5:1) Marami sa atin ang nagsagawa rin ng huwad na pagsamba at imoralidad bago natin nalaman ang katotohanan. Ang ilan sa atin, nag-celebrate ng mga kapistahan ng dati nating relihiyon. Ang iba naman, namuhay nang imoral. Pero nang malaman natin ang pamantayan ni Jehova ng tama at mali, nagbago tayo. Namuhay na tayo sa paraang gusto niya. Dahil diyan, marami tayong tinanggap na pagpapala. (Isa. 48:17) Kaya kahit mahirap, patuloy tayong umiiwas sa kadilimang iniwan na natin at ‘lumalakad bilang mga anak ng liwanag.’ w24.03 21 ¶6-7

Sabado, Marso 29

Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.​—Fil. 3:16.

Baka pakiramdam mo, hindi ka pa handang mag-alay at magpabautismo. Baka may mga kailangan ka pang baguhin para masunod mo ang mga pamantayan ni Jehova, o baka kailangan mo pa ng panahon para mapatibay ang pananampalataya mo. (Col. 2:​6, 7) Hindi sabay-sabay ang pagsulong ng lahat ng Bible study, at hindi magkakapareho ng edad ang mga kabataang nag-aalay at nagpapabautismo. Kaya tingnan ang mga kailangan mo pang pasulungin at gawin ang magagawa mo. Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa iba. (Gal. 6:​4, 5) Kahit sa tingin mo, hindi ka pa handang mag-alay kay Jehova, gawin mo pa ring goal iyon. Hilingin kay Jehova na tulungan kang magawa ang mga kinakailangang pagbabago sa buhay mo. (Fil. 2:13) Siguradong papakinggan niya ang panalangin mo at tutulungan ka niya.​—1 Juan 5:14. w24.03 5 ¶9-10

Linggo, Marso 30

Mga asawang lalaki, patuloy kayong mamuhay kasama ng inyong asawa at makitungo sa kanila ayon sa kaalaman.​—1 Ped. 3:7.

Minsan, inis na inis si Sara at ibinunton niya iyon sa asawa niya. Alam ni Abraham na mapagpasakop na asawa si Sara. Pinakinggan niya siya at inayos ang problema. (Gen. 16:​5, 6) Ano ang aral para sa asawang lalaki? Totoo, siya ang may awtoridad na magdesisyon para sa pamilya. (1 Cor. 11:3) Pero kung pakikinggan niyang mabuti at aalamin muna niya ang opinyon ng asawa niya bago magdesisyon, maipapakita niya ang pag-ibig niya, lalo na kung makakaapekto ito sa asawa niya. (1 Cor. 13:​4, 5) Minsan, may dumating na di-inaasahang mga bisita at pinatuloy sila ni Abraham. Inapura niya si Sara na maghanda ng maraming pagkain. (Gen. 18:6) Agad na itinigil ni Sara ang ginagawa niya at sinunod si Abraham. Matutularan ng isang asawang babae si Sara kung susuportahan niya ang mga desisyon ng asawa niya. Kung gagawin niya ito, titibay ang pagsasama nila.​—1 Ped. 3:​5, 6. w23.05 24-25 ¶16-17

Lunes, Marso 31

Ang karunungan mula sa itaas ay . . . handang sumunod.​—Sant. 3:17.

Nang maging hukom si Gideon, nasubok ang lakas ng loob niya at pagiging masunurin. Inatasan siyang wasakin ang altar ni Baal na pag-aari ng kaniyang ama. Mapanganib iyon! (Huk. 6:​25, 26) Minsan naman, pagkatapos niyang magtipon ng mga mandirigma, dalawang beses siyang inutusan na bawasan ang bilang nila. (Huk. 7:​2-7) Pagkatapos, inutusan siyang sumalakay bago maghatinggabi. (Huk. 7:​9-11) Dapat na “handang sumunod” ang mga elder. Ang isang mahusay na elder ay sumusunod agad sa sinasabi ng Kasulatan at sa tagubilin ng organisasyon ng Diyos. Kaya magandang halimbawa siya sa iba. Pero puwede pa ring masubok ang pagiging masunurin niya. Halimbawa, baka mahirapan siya kapag sunod-sunod ang mga tagubilin o nagkaroon ng mga pagbabago sa mga ito. Baka may mga pagkakataon na maisip niya kung praktikal ba talaga ang isang tagubilin. O baka bigyan siya ng atas na puwedeng maging dahilan para maaresto siya. Sa ganiyang mga sitwasyon, paano matutularan ng mga elder ang pagiging masunurin ni Gideon? Makinig na mabuti sa tagubilin at sundin iyon. w23.06 4-5 ¶9-11

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share