Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es25 p. 88-97
  • Setyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Setyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
  • Subtitulo
  • Lunes, Setyembre 1
  • Martes, Setyembre 2
  • Miyerkules, Setyembre 3
  • Huwebes, Setyembre 4
  • Biyernes, Setyembre 5
  • Sabado, Setyembre 6
  • Linggo, Setyembre 7
  • Lunes, Setyembre 8
  • Martes, Setyembre 9
  • Miyerkules, Setyembre 10
  • Huwebes, Setyembre 11
  • Biyernes, Setyembre 12
  • Sabado, Setyembre 13
  • Linggo, Setyembre 14
  • Lunes, Setyembre 15
  • Martes, Setyembre 16
  • Miyerkules, Setyembre 17
  • Huwebes, Setyembre 18
  • Biyernes, Setyembre 19
  • Sabado, Setyembre 20
  • Linggo, Setyembre 21
  • Lunes, Setyembre 22
  • Martes, Setyembre 23
  • Miyerkules, Setyembre 24
  • Huwebes, Setyembre 25
  • Biyernes, Setyembre 26
  • Sabado, Setyembre 27
  • Linggo, Setyembre 28
  • Lunes, Setyembre 29
  • Martes, Setyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2025
es25 p. 88-97

Setyembre

Lunes, Setyembre 1

Magiging tulad [ito] ng liwanag na sumisinag sa bukang-liwayway.​—Luc. 1:78.

Binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihan para solusyunan ang lahat ng problema ng tao. Sa mga himala ni Jesus, ipinakita niya na kaya niyang ayusin ang mga problemang hindi natin kayang lutasin. Halimbawa, may kapangyarihan siyang alisin ang ugat ng problema ng tao—ang minana nating kasalanan at ang sakit at kamatayan na epekto nito. (Mat. 9:​1-6; Roma 5:​12, 18, 19) Pinatunayan ng mga himala niya na kaya niyang pagalingin ang “bawat uri ng sakit” at kaya pa nga niyang bumuhay ng mga patay. (Mat. 4:23; Juan 11:​43, 44) Kaya rin niyang pigilan ang malalakas na buhawi at palayain ang mga tao sa impluwensiya ng masasamang espiritu. (Mar. 4:​37-39; Luc. 8:2) Buti na lang, binigyan ni Jehova ang Anak niya ng gayong kapangyarihan! Siguradong magkakatotoo ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Ang mga himalang ginawa ni Jesus noong nasa lupa siya ay patikim pa lang ng mga gagawin niya bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. w23.04 3-4 ¶5-7

Martes, Setyembre 2

Sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.​—1 Cor. 2:10.

Baka nasa malaking kongregasyon ka at bihira kang matawag dahil maraming kapatid ang nagtataas ng kamay kaya baka gustuhin mong makinig na lang sa pulong at hindi na magkomento. Pero huwag sumuko. Maghanda ng maraming komento. Hindi ka man matawag agad, marami ka pang pagkakataon. Kapag naghahanda para sa Pag-aaral sa Bantayan, pag-isipan kung paano konektado sa tema ng artikulo ang bawat parapo. Makakatulong iyon para makapagtaas ka ng kamay sa kahit anong parapo. Isa pa, puwede kang maghanda ng komento sa mahihirap na tanong. Kasi baka kaunti lang ang magtaas ng kamay sa mga tanong na iyon. Paano kung pagkatapos ng ilang pulong, hindi ka pa rin natatawag kahit nasubukan mo na ang mga mungkahing ito? Bago ang pulong, puwede mong sabihin sa konduktor kung anong tanong ang gusto mong sagutin. w23.04 22 ¶9-10

Miyerkules, Setyembre 3

Ginawa [ni Jose] ang iniutos sa kaniya ng anghel ni Jehova; pinakasalan niya si Maria.​—Mat. 1:24.

Sinusunod agad ni Jose ang mga tagubilin ni Jehova, kaya naging mas mabuti siyang asawa. Sa tatlong beses na nagbigay ng tagubilin si Jehova kay Jose para sa pamilya niya, sumunod siya agad kahit hindi ito madali. (Mat. 1:20; 2:​13-15, 19-21) Kaya naprotektahan at napaglaanan niya si Maria. Dahil diyan, siguradong mas minahal siya at iginalang ni Maria! Matutularan ng mga asawang lalaki si Jose kung susundin nila ang mga payo ng Bibliya sa pangangalaga sa pamilya nila kahit hindi ito madali. Kung gagawin nila iyan, maipapakita nilang mahal nila ang asawa nila at titibay ang pagsasama nila. Sinabi ng isang sister sa Vanuatu, na mahigit 20 taon nang may asawa: “Lalo kong nirerespeto ang mister ko kapag inaalam niya at sinusunod ang mga tagubilin ni Jehova. Panatag ako at tiwala sa mga desisyon niya.” w23.05 21 ¶5

Huwebes, Setyembre 4

Magkakaroon doon ng lansangang-bayan, isang daan na tinatawag na Daan ng Kabanalan.​—Isa. 35:8.

Ang mga babalik na Judio mula sa Babilonya ay magiging isang “banal na bayan” para sa kanilang Diyos. (Deut. 7:6) Pero hindi ibig sabihin nito na wala na silang gagawing pagbabago para mapasaya si Jehova. Sa Babilonya na ipinanganak ang karamihan sa mga Judio, at malamang na sanay na sila sa ugali at pamumuhay ng mga tagaroon. Mga ilang dekada matapos makabalik ang mga Judio sa Israel, nagulat si Gobernador Nehemias nang malaman niya na may mga bata sa Israel na hindi marunong magsalita ng wika ng mga Judio. (Deut. 6:​6, 7; Neh. 13:​23, 24) Paano mamahalin at sasambahin ng mga batang iyon si Jehova kung hindi sila nakakaintindi ng Hebreo—ang pangunahing wika na ginamit sa pagsulat ng Salita ng Diyos? (Ezra 10:​3, 44) Malaking pagbabago ang kailangang gawin ng mga Judio na iyon. Pero mas madali nilang magagawa iyon sa Israel. Kasi unti-unti nang ibinabalik doon ang dalisay na pagsamba.​—Neh. 8:​8, 9. w23.05 15 ¶6-7

Biyernes, Setyembre 5

Inaalalayan ni Jehova ang lahat ng nabubuwal at itinatayo ang lahat ng nakayukod.​—Awit 145:14.

Nakakalungkot, gaano man tayo kapursigido o disiplinado, magkakaroon pa rin ng mga hadlang. Halimbawa, dahil sa mga “di-inaasahang pangyayari,” baka mawalan tayo ng panahon para abutin ang goal natin. (Ecles. 9:11) Baka magkaroon tayo ng problema na magpapahina ng loob at uubos ng lakas natin. (Kaw. 24:10) Dahil hindi tayo perpekto, baka makagawa tayo ng mga pagkakamali na makakapigil sa atin. (Roma 7:23) O baka pagod lang tayo. (Mat. 26:43) Kaya ano ang makakatulong sa atin kapag nagkaroon ng mga hadlang? Huwag huminto. Sinasabi ng Bibliya na puwede tayong paulit-ulit na makaranas ng mga problema. Pero sinasabi rin nito na makakabangon tayo ulit. Kung patuloy nating aabutin ang goal natin kahit may mga hadlang, siguradong mapapasaya natin si Jehova! w23.05 30-31 ¶14-15

Sabado, Setyembre 6

[Maging] halimbawa sa kawan.​—1 Ped. 5:3.

Sa pagpapayunir, matututo ang isang kabataang brother na makisama sa iba’t ibang uri ng tao. Matututo rin siyang mag-budget. (Fil. 4:​11-13) Bago pumasok sa buong-panahong paglilingkod, magandang mag-auxiliary pioneer muna para maging handa sila na maging regular pioneer. Kapag payunir ka na, maraming uri ng buong-panahong paglilingkod ang bukás sa iyo, gaya ng pagiging construction servant o Bethelite. Dapat na maging goal ng mga brother na maglingkod bilang elder para makatulong sila sa mga kapatid. Sinasabi ng Bibliya na “magandang tunguhin iyan.” (1 Tim. 3:1) Una, dapat na maging kuwalipikado siya na maging ministeryal na lingkod. Tumutulong ang mga ministeryal na lingkod sa mga elder sa iba’t ibang paraan. Mapagpakumbabang naglilingkod sa mga kapatid ang mga elder at ministeryal na lingkod, at masigasig sila sa ministeryo. w23.12 28 ¶14-16

Linggo, Setyembre 7

Noong bata pa siya, sinimulan niyang hanapin ang Diyos ng ninuno niyang si David.​—2 Cro. 34:3.

Noong 16 si Haring Josias, sinimulan niyang hanapin si Jehova. Gusto niyang makilala si Jehova at gawin ang kalooban Niya. Pero hindi iyon naging madali para sa kaniya. Laganap kasi noon ang huwad na pagsamba. Pero nilakasan niya ang loob niya! Wala pang 20 si Josias nang alisin niya ang huwad na pagsamba sa bansa. (2 Cro. 34:​1, 2) Kahit napakabata mo pa, puwede mong tularan si Josias. Hanapin mo si Jehova at alamin ang mga katangian niya. Kung gagawin mo iyan, gugustuhin mong ialay ang sarili mo sa kaniya. Ano ang magiging epekto nito sa buhay mo? Sinabi ni Luke, na nabautismuhan sa edad na 14, “Mula ngayon, uunahin ko na sa buhay ko ang paglilingkod kay Jehova at sisikapin kong mapasaya siya.” (Mar. 12:30) Siguradong pagpapalain ka kung ganiyan din ang gagawin mo! w23.09 11 ¶12-13

Lunes, Setyembre 8

Igalang ang mga nagpapagal sa gitna ninyo at nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon.​—1 Tes. 5:12.

Nang isulat ni apostol Pablo ang liham na ito, wala pang isang taóng naitatag ang kongregasyon sa Tesalonica. Kaya malamang na baguhan pa ang mga nangunguna sa kongregasyon at nakakagawa sila ng mga pagkakamali. Pero dapat pa rin silang igalang. Habang papalapit ang malaking kapighatian, posibleng mas kailangan nating umasa sa patnubay ng mga elder sa kongregasyon natin. Baka hindi makarating sa atin ang tagubilin ng world headquarters at ng tanggapang pansangay. Kaya dapat na ngayon pa lang, matutuhan na nating mahalin at igalang ang mga elder natin. Anuman ang mangyari, dapat na panatilihin nating matino ang pag-iisip natin. Imbes na magpokus sa mga pagkakamali nila, tandaan natin na pinapatnubayan ni Jehova ang tapat na mga lalaking ito sa pamamagitan ni Kristo. Pinoprotektahan ng helmet ang ulo ng sundalo. Pinoprotektahan naman ng pag-asa nating maligtas ang pag-iisip natin. Alam natin na walang halaga ang anumang iniaalok ng sanlibutan. (Fil. 3:8) Tinutulungan tayo nito na manatiling kalmado at matatag. w23.06 11 ¶11-12

Martes, Setyembre 9

Ang babaeng mangmang ay maingay. Ignorante siya.​—Kaw. 9:13.

Dapat magdesisyon ang mga nakarinig sa imbitasyon ng “babaeng mangmang”: Tatanggapin ba nila ito o hindi? May magagandang dahilan kung bakit dapat nating iwasan ang seksuwal na imoralidad. Sinabi ng “babaeng mangmang” na “matamis ang nakaw na tubig.” (Kaw. 9:17) Ano ang ibig sabihin nito? Inihalintulad ng Bibliya ang seksuwal na ugnayan ng mag-asawa sa nakakarepreskong tubig. (Kaw. 5:​15-18) Puwedeng masiyahan ang isang lalaki at babae sa sex kung mag-asawa sila. Pero hindi ganiyan ang “nakaw na tubig,” na puwedeng tumukoy sa seksuwal na imoralidad. Madalas na ginagawa ito nang palihim, gaya ng pagnanakaw. Mukhang matamis ang “nakaw na tubig” kung iniisip ng mga gumagawa ng seksuwal na imoralidad na walang makakaalam sa kasalanan nila. Pero niloloko lang nila ang sarili nila, kasi nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay. Kapag hindi na tayo sinasang-ayunan ni Jehova, iyon ang pinakamasamang puwedeng mangyari sa atin. Kaya hindi iyon masasabing “matamis”!—1 Cor. 6:​9, 10. w23.06 22 ¶7-9

Miyerkules, Setyembre 10

Kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.​—1 Cor. 9:17.

Paano kung napansin mo na hindi na mula sa puso ang mga panalangin mo o na hindi ka na masyadong nag-e-enjoy sa pangangaral gaya ng dati? Huwag mong isipin na nawala na sa iyo ang espiritu ni Jehova. Hindi ka perpekto, kaya posibleng magbago ang nararamdaman mo paminsan-minsan. Kung nababawasan na ang sigasig mo, pag-isipan ang halimbawa ni apostol Pablo. Kahit sinisikap niyang tularan si Jesus, may mga pagkakataon pa rin na hindi siya ganoon kadesididong gawin ang mga kailangan niyang gawin. Pero determinado pa rin si Pablo na gawin ang ministeryo niya anuman ang nararamdaman niya. Gaya ni Pablo, huwag kang magdesisyon base lang sa nararamdaman mo. Sikapin mong gawin ang tama kahit hindi iyon ang gusto mo. Kung gagawin mo iyan, puwede ring magbago ang nararamdaman mo.​—1 Cor. 9:16. w24.03 11-12 ¶12-13

Huwebes, Setyembre 11

Ipakita ninyo sa kanila na mahal ninyo sila.​—2 Cor. 8:24.

Maipapakita natin ang pag-ibig sa mga kapatid kung kakaibiganin natin sila. (2 Cor. 6:​11-13) Baka nasa isang kongregasyon tayo na iba’t iba ang pinagmulan at personalidad ng mga kapatid. Mas makakapagpakita tayo ng pag-ibig sa lahat kung magpopokus tayo sa magagandang katangian nila. Kapag tinularan natin ang pananaw ni Jehova sa iba, maipapakita nating mahal natin sila. Sa malaking kapighatian, mahalagang may pag-ibig tayo sa mga kapatid. Kapag nagsimula na iyon, saan tayo makakahanap ng proteksiyon? Pag-isipan ang tagubilin ni Jehova sa bayan niya nang salakayin ang Babilonya noon: “Pumasok kayo, bayan ko, sa inyong mga kaloob-loobang silid, at isara ninyo ang mga pinto. Magtago kayo sandali hanggang sa makalampas ang galit.” (Isa. 26:20) Baka kailangan din nating sundin iyan sa malaking kapighatian. w23.07 6-7 ¶14-16

Biyernes, Setyembre 12

Ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago.​—1 Cor. 7:31.

Makilala nawa kayong makatuwiran. Tanungin ang sarili: ‘Kilala ba ako na makatuwiran at mapagparaya? O iniisip ba ng iba na masyado akong istrikto at hindi nagpaparaya? Nakikinig ba ako sa iba at pinagbibigyan sila kung posible?’ Kung magiging mas makatuwiran tayo, mas matutularan natin si Jehova at si Jesus. Makatuwiran din tayo kung handa tayong mag-adjust kapag nagbago ang kalagayan natin. Baka hindi natin inaasahan iyon. Baka bigla tayong magkaroon ng malalang sakit. O baka mahirapan tayo kasi biglang nagbago ang ekonomiya o sitwasyon sa politika sa lugar natin. (Ecles. 9:11) Puwede ring maging hamon kapag nagbago ang atas natin. Makakapag-adjust tayo kung gagawin natin ang mga ito: (1) tanggapin ang sitwasyon natin ngayon, (2) isipin ang mga puwede nating gawin, (3) maging positibo, at (4) tumulong sa iba. w23.07 21-22 ¶7-8

Sabado, Setyembre 13

Isa kang taong talagang kalugod-lugod.​—Dan. 9:23.

Kabataan pa lang si propeta Daniel nang kunin siya at gawing bihag sa Babilonya. Malayo iyon sa Jerusalem. Kahit kabataan pa lang siya, humanga sa kaniya ang mga opisyal sa Babilonya. ‘Tumingin sila sa panlabas na anyo’—nakita nila na si Daniel ay “walang kapintasan, maganda ang hitsura,” at galing sa kilalang angkan. (1 Sam. 16:7) Kaya sinanay nila siya para maglingkod sa palasyo. (Dan. 1:​3, 4, 6) Minahal ni Jehova si Daniel, dahil pinili niyang maging tapat sa Kaniya. Ang totoo, nang sabihin ni Jehova na si Daniel ay gaya nina Noe at Job, mga 20 anyos lang si Daniel. Itinuring siya ni Jehova na matuwid gaya ng mga lalaking ito na maraming taóng naglingkod nang tapat sa Kaniya. (Gen. 5:32; 6:​9, 10; Job 42:​16, 17; Ezek. 14:14) At patuloy na minahal ni Jehova si Daniel sa buong buhay nito.​—Dan. 10:​11, 19. w23.08 2 ¶1-2

Linggo, Setyembre 14

Para lubusan ninyong maintindihan . . . ang lapad at haba at taas at lalim.​—Efe. 3:18.

Kung gusto mong bumili ng bahay, gusto mong makita ang lahat ng detalye tungkol sa bahay bago mo ito bilhin. Ganiyan din tayo kapag nagbabasa at nag-aaral ng Bibliya. Kung babasahin mo lang ito nang mabilis, mga pangunahing katotohanan lang ang malalaman mo—“ang panimulang mga bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Heb. 5:12) Pero gaya ng ilustrasyon tungkol sa bahay, kailangan mo itong “libutin” para mapag-aralan ang mga detalye nito. Ang isang magandang paraan ng pag-aaral sa Bibliya ay ang alamin kung paano naging magkakaugnay ang iba’t ibang bahagi nito. Sikaping maintindihan kung ano ang mga katotohanang pinapaniwalaan mo at kung bakit mo pinapaniwalaan ang mga iyon. Para maintindihan natin ang Bibliya, dapat nating pag-aralan ang malalalim na katotohanan nito. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noon na pag-aralan nilang mabuti ang Salita ng Diyos para lubusan nilang maintindihan ang “lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. Tutulong iyon para ‘maging matibay ang pagkakaugat at pagkakatatag’ ng pananampalataya nila. (Efe. 3:​14-19) Ganiyan din ang kailangan nating gawin. w23.10 18-19 ¶1-3

Lunes, Setyembre 15

Mga kapatid, tularan ninyo ang halimbawa ng mga propetang nagsalita sa pangalan ni Jehova; nagdusa sila at nagtiis.​—Sant. 5:10.

Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga taong naging matiisin. Baka magandang gawin mo itong study project. Halimbawa, kahit bata pa si David nang pahiran siya na maging susunod na hari ng Israel, kinailangan niya munang maghintay nang maraming taon bago siya naging hari. Tapat na naglingkod kay Jehova sina Simeon at Ana habang hinihintay nila ang ipinangakong Mesiyas. (Luc. 2:​25, 36-38) Habang pinag-aaralan mo ang mga ulat na iyan, alamin ang sagot sa mga tanong na ito: Ano kaya ang nakatulong sa taong ito na maging matiisin? Paano siya pinagpala sa pagiging matiisin? Paano ko siya matutularan? May mga aral ka ring makukuha sa mga hindi naging matiisin. (1 Sam. 13:​8-14) Puwede mong pag-isipan: ‘Bakit kaya hindi sila nakapagtiis? Ano ang naging masamang resulta?’ w23.08 25 ¶15

Martes, Setyembre 16

Naniwala kami at alam namin na ikaw ang isinugo ng Diyos.​—Juan 6:69.

Tapat si apostol Pedro; hindi niya hinayaan na may anumang makapigil sa kaniya sa pagsunod kay Jesus. Ipinakita niya ito nang minsang may sabihin si Jesus na hindi naintindihan ng mga alagad. (Juan 6:68) Marami ang huminto sa pagsunod kay Jesus nang hindi man lang naghintay ng paliwanag. Pero iba si Pedro. Tapat siya at sinabi niyang si Jesus lang ang may “mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” Alam ni Jesus na iiwan siya ni Pedro at ng iba pang apostol. Pero sinabi pa rin ni Jesus kay Pedro na nagtitiwala siyang babalik ito at mananatiling tapat. (Luc. 22:​31, 32) Naiintindihan ni Jesus na “gusto ng puso, pero mahina ang laman.” (Mar. 14:38) Kaya kahit na ikinaila siya ni Pedro, hindi sinukuan ni Jesus ang apostol niya. Nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro—malamang na mag-isa lang si Pedro noon. (Mar. 16:7; Luc. 24:34; 1 Cor. 15:5) Siguradong napatibay nito si Pedro, na pinanghihinaan ng loob dahil sa nagawa niya. w23.09 22 ¶9-10

Miyerkules, Setyembre 17

Maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa mga kasalanan nila.​—Roma 4:7.

Pinagpapaumanhinan o pinapatawad ng Diyos ang kasalanan ng mga nananampalataya sa kaniya. Dahil doon, hindi na aalalahanin pa ni Jehova ang mga kasalanan nila. (Awit 32:​1, 2) Itinuturing niya silang matuwid dahil sa pananampalataya nila. Kahit itinuring nang matuwid sina Abraham, David, at iba pang tapat na lingkod ng Diyos, makasalanan pa rin sila at di-perpekto. Pero dahil sa pananampalataya nila, itinuring sila ng Diyos na walang kasalanan, lalo na kung ikukumpara sa mga hindi sumasamba sa kaniya. (Efe. 2:12) Nilinaw ni apostol Pablo sa liham niya na mahalaga ang pananampalataya para maging kaibigan ng Diyos. Naging kaibigan ng Diyos sina Abraham at David dahil nanampalataya sila sa kaniya. Magiging kaibigan din natin ang Diyos dahil sa pananampalataya natin. w23.12 3 ¶6-7

Huwebes, Setyembre 18

Lagi nawa tayong maghandog ng papuri sa Diyos, ang bunga ng mga labi natin na naghahayag sa mga tao ng pangalan niya.​—Heb. 13:15.

Pribilehiyo ng lahat ng Kristiyano ngayon na ihandog kay Jehova ang kanilang panahon, lakas, at mga pag-aari para sa Kaharian niya. Kung gagawin natin ang ating buong makakaya sa paghahandog kay Jehova, maipapakita nating mahalaga sa atin ang pribilehiyo nating sambahin siya. Binanggit ni apostol Pablo ang mga bahagi ng pagsamba natin na hindi natin dapat pabayaan. (Heb. 10:​22-25) Kasama dito ang pananalangin kay Jehova, pangangaral, pagpupulong, at pagpapatibay sa isa’t isa “nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw” ni Jehova. Sa bandang dulo naman ng aklat ng Apocalipsis, sinabi ng anghel ni Jehova: “Ang Diyos ang sambahin mo!” (Apoc. 19:10; 22:9) Dalawang beses itong sinabi ng anghel bilang pagdiriin. Huwag sana nating kalimutan ang malalim na katotohanan tungkol sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova at ang pribilehiyo nating sambahin siya! w23.10 29 ¶17-18

Biyernes, Setyembre 19

Patuloy nating ibigin ang isa’t isa.​—1 Juan 4:7.

Gusto nating lahat na “patuloy [na] ibigin ang isa’t isa.” Pero tandaan natin ang babala ni Jesus na “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mat. 24:12) Hindi naman sinasabi ni Jesus na karamihan sa mga alagad niya ay hihinto sa pagpapakita ng pag-ibig. Pero dapat tayong mag-ingat para hindi tayo maimpluwensiyahan ng mga tao sa sanlibutang ito na hindi nagpapakita ng pag-ibig. May kaugnayan diyan, sasagutin natin ang mahalagang tanong na ito: Paano natin malalaman kung masidhi ang pag-ibig natin sa mga kapatid? Ang isang paraan para malaman kung gaano kasidhi ang pag-ibig natin ay kung aalamin natin ang reaksiyon natin sa iba’t ibang sitwasyon. (2 Cor. 8:8) Sinabi ni apostol Pedro ang isang sitwasyon: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) Kaya susubok sa pag-ibig natin sa mga kapatid ang mga kahinaan at pagkakamali nila. w23.11 10 ¶12-13

Sabado, Setyembre 20

Ibigin ninyo ang isa’t isa.​—Juan 13:34.

Hindi natin masusunod ang utos ni Jesus tungkol sa pag-ibig kung sa ilang kapatid lang tayo nagpapakita ng pag-ibig. Gaya ni Jesus, posible na maging mas malapít tayo sa ilan. (Juan 13:23; 20:2) Pero ipinapaalala sa atin ni apostol Pedro na dapat nating mahalin ang lahat ng kapatid, dahil kapamilya natin sila. (1 Ped. 2:17) Sinabi ni Pedro na “masidhi [nating] ibigin ang isa’t isa mula sa puso.” (1 Ped. 1:22) Ang ibig sabihin dito ng ‘masidhing ibigin’ ay dapat nating mahalin ang isa kahit mahirap itong gawin. Halimbawa, baka nasaktan tayo ng isang kapatid. Imbes na magpakita ng pag-ibig sa kaniya, baka gusto nating gumanti. Pero natutuhan ni Pedro kay Jesus na ayaw ito ng Diyos. (Juan 18:​10, 11) Isinulat ni Pedro: “Huwag kayong gumanti ng pinsala sa pinsala o ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto. Sa halip, gumanti kayo ng pagpapala.” (1 Ped. 3:9) Kung mayroon kang masidhing pag-ibig, magiging mabait at makonsiderasyon ka. w23.09 28-29 ¶9-11

Linggo, Setyembre 21

Ang mga babae ay dapat ding . . . may kontrol sa kanilang paggawi, at tapat sa lahat ng bagay.​—1 Tim. 3:11.

Napakabilis ng paglaki ng mga bata! Alam na nating mangyayari iyan. Pero ang pagiging may-gulang na Kristiyano, hindi awtomatiko. Kailangan dito ang pagsisikap. (1 Cor. 13:11; Heb. 6:1) Para sumulong tayo at maging maygulang, kailangan natin ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Kailangan din natin ang tulong ng banal na espiritu niya para magkaroon tayo ng mga katangian na gusto niya, matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan, at maging handa sa mga responsibilidad. (Kaw. 1:5) Ginawa ni Jehova ang mga tao na lalaki at babae. (Gen. 1:27) Magkaibang-magkaiba ang mga lalaki at babae, hindi lang sa pisikal, kundi sa iba’t ibang paraan din. Halimbawa, binigyan ni Jehova ng magkaibang responsibilidad ang mga lalaki at babae, kaya kailangan nila ng mga katangian at kakayahan na tutulong sa kanila na magawa ang mga iyon.​—Gen. 2:18. w23.12 18 ¶1-2

Lunes, Setyembre 22

Gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak.​—Mat. 28:19.

Gusto ba ni Jesus na gamitin ng iba ang pangalan ng kaniyang Ama? Oo! Baka may ilang lider ng relihiyon na naniniwala na masyadong banal ang pangalan ng Diyos kaya hindi ito dapat gamitin. Pero hindi ginawang dahilan ni Jesus ang ganiyang paniniwala para hindi parangalan ang pangalan ng kaniyang Ama. Tingnan ang nangyari nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking sinasapian ng demonyo sa lupain ng mga Geraseno. Natakot ang mga tao at nakiusap sila kay Jesus na umalis na siya sa lugar nila. (Mar. 5:​16, 17) Pero gusto ni Jesus na malaman ng mga tagaroon ang pangalan ni Jehova. Kaya inutusan niya ang lalaking pinagaling niya na sabihin sa mga tao, hindi ang ginawa niya, kundi ang ginawa ni Jehova. (Mar. 5:19) Sa ngayon, gusto rin ni Jesus na ipaalám natin sa lahat ng tao ang pangalan ng kaniyang Ama. (Mat. 24:14; 28:20) Kapag ginawa natin iyan, mapapasaya natin ang Hari nating si Jesus. w24.02 10 ¶10

Martes, Setyembre 23

Naging matatag ka sa harap ng mga problema alang-alang sa pangalan ko.​—Apoc. 2:3.

Pasama nang pasama ang kalagayan sa mundo sa mga huling araw na ito. Pero marami tayong natatanggap na pagpapala dahil bahagi tayo ng organisasyon ni Jehova. Binigyan niya tayo ng isang nagkakaisang kapatiran. (Awit 133:1) Tinutulungan din niya tayo para maging masaya ang pamilya natin. (Efe. 5:33–6:1) At binibigyan niya tayo ng karunungan para maging payapa ang isip natin. Pero kailangan ang pagsisikap para patuloy tayong makapaglingkod nang tapat kay Jehova. Bakit? Kasi kung minsan, baka nasasaktan tayo dahil sa mga nasasabi o nagagawa ng iba. Baka nalulungkot din tayo dahil sa sarili nating mga pagkakamali, lalo na kung paulit-ulit nating nagagawa iyon. Kailangan nating maging matatag kapag nadismaya tayo (1) sa isang kapatid, (2) sa asawa natin, at (3) sa sarili natin. w24.03 14 ¶1-2

Miyerkules, Setyembre 24

Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.​—Fil. 3:16.

May maririnig kang karanasan ng mga kapatid na gumawa nang higit para kay Jehova. Baka nag-aral sila sa School for Kingdom Evangelizers, o baka lumipat sila sa lugar na malaki ang pangangailangan. Magandang goal iyan kung posible sa sitwasyon mo. Gustong-gusto ng mga lingkod ni Jehova na mapalawak ang ministeryo nila. (Gawa 16:9) Pero paano kung hindi iyan posible sa iyo ngayon? Huwag ikumpara ang sarili mo sa kanila. Ang mahalaga, makapagtiis ka hanggang sa wakas. (Mat. 10:22) Tandaan na napapasaya mo si Jehova kapag ginagawa mo ang buong makakaya mo sa paglilingkod sa kaniya. Mahalagang paraan iyan para patuloy mong masundan si Jesus pagkatapos ng bautismo mo.​—Awit 26:1. w24.03 10 ¶11

Huwebes, Setyembre 25

Buong puso niyang pinatawad ang lahat ng kasalanan natin.​—Col. 2:13.

Nangako ang Ama natin sa langit na papatawarin niya tayo kung nagsisisi tayo. (Awit 86:5) Kaya kung talagang pinagsisihan na natin ang dati nating mga kasalanan, makakapagtiwala tayo sa sinabi ni Jehova—pinatawad na niya tayo. Tandaan na makatuwiran si Jehova. Hindi niya inaasahan na gagawin natin ang higit sa makakaya natin. Natutuwa siya kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para sa kaniya. Pag-isipan din ang mga halimbawa sa Bibliya na naglingkod nang buong puso kay Jehova. Isa na diyan si apostol Pablo. Maraming taon siyang masigasig na naglingkod. Naglakbay siya nang libo-libong kilometro at nagtatag ng maraming kongregasyon. Pero nang magbago ang sitwasyon niya at hindi na siya masyadong makapangaral gaya ng dati, natuwa pa rin ba sa kaniya ang Diyos? Oo. Pinagpala siya ni Jehova kasi patuloy niyang ginawa ang buong makakaya niya. (Gawa 28:​30, 31) Baka maranasan din natin iyan. Posibleng magbago ang nagagawa natin para kay Jehova. Pero ang mahalaga sa kaniya ay kung bakit tayo naglilingkod. w24.03 27 ¶7, 9

Biyernes, Setyembre 26

Kinaumagahan, lumabas [si Jesus] papunta sa isang liblib na lugar; at nagsimula siyang manalangin doon.​—Mar. 1:35.

Magandang halimbawa si Jesus sa pananalangin kay Jehova. Sa buong ministeryo niya, madalas siyang manalangin. Kailangan niyang maglaan ng panahon para manalangin kasi marami siyang ginagawa at madalas siyang puntahan ng mga tao. (Mar. 6:​31, 45, 46) Kaya bumabangon siya nang maaga para makapanalangin nang mag-isa. May pagkakataon din na buong gabi siyang nanalangin bago gumawa ng mahalagang desisyon. (Luc. 6:​12, 13) At noong gabi bago siya mamatay, paulit-ulit siyang nanalangin para makapagpokus sa pinakamahirap na bahagi ng atas niya sa lupa. (Mat. 26:​39, 42, 44) Natutuhan natin kay Jesus na kahit gaano tayo ka-busy, kailangan nating maglaan ng panahon para manalangin. Halimbawa, baka kailangan nating bumangon nang mas maaga o maglaan ng panahon sa gabi para manalangin. Kung gagawin natin iyan, maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang pribilehiyong ito. w23.05 3 ¶4-5

Sabado, Setyembre 27

Ang ating puso ay pinuno ng Diyos ng kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng banal na espiritu na ibinigay niya sa atin.​—Roma 5:5.

Pansinin ang ekspresyon na “pinuno” sa teksto natin. Ayon sa isang reperensiya, ang salitang “pinuno” ay puwedeng mangahulugan na “umaagos sa atin na parang ilog.” Kitang-kita diyan kung gaano kamahal ni Jehova ang mga pinahiran. Alam nila na “iniibig [sila] ng Diyos.” (Jud. 1) Makikita sa isinulat ni apostol Juan ang nararamdaman ng mga pinahiran: “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama at tinawag niya tayong mga anak ng Diyos!” (1 Juan 3:1) Pero mga pinahiran lang ba ang mahal ni Jehova? Hindi. Pinatunayan ni Jehova na mahal niya tayong lahat. Ano ang pinakamatibay na ebidensiya na mahal tayo ni Jehova? Ang pantubos—ito ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig sa buong uniberso!—Juan 3:16; Roma 5:8. w24.01 28 ¶9-10

Linggo, Setyembre 28

Ang mga kaaway ko ay uurong sa araw na humingi ako ng tulong. Ito ang natitiyak ko: ang Diyos ay nasa panig ko.​—Awit 56:9.

Makikita sa talatang ito kung ano ang nakatulong kay David na madaig ang takot niya. Kahit noong nasa panganib ang buhay niya, binulay-bulay niya ang mga gagawin pa ni Jehova para sa kaniya. Alam ni David na ililigtas siya ni Jehova sa tamang panahon. Isa pa, sinabi ni Jehova na si David ang magiging susunod na hari ng Israel. (1 Sam. 16:​1, 13) Para kay David, siguradong matutupad ang lahat ng ipinangako ni Jehova. Ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya para sa iyo? Hindi niya sinabing wala tayong mararanasang problema ngayon. Pero anuman ang mapaharap sa atin sa sistemang ito, aalisin iyon ni Jehova sa bagong sanlibutan. (Isa. 25:​7-9) Siguradong kayang-kaya ng Maylalang natin na buhayin ang mga patay, pagalingin tayo, at alisin ang lahat ng umuusig sa atin.​—1 Juan 4:4. w24.01 6 ¶12-13

Lunes, Setyembre 29

Maligaya ang taong pinagpaumanhinan sa pagkakamali niya, na ang kasalanan ay tinakpan.​—Awit 32:1.

Isipin ang pag-aalay mo at bautismo. Ginawa mo iyan kasi gusto mong pumanig kay Jehova. Alalahanin kung ano ang nakakumbinsi sa iyo na nakita mo na ang katotohanan. Nang makilala mo si Jehova, iginalang mo siya at minahal. Nanampalataya ka at nagsisi. Itinigil mo na ang mga paggawing ayaw ni Jehova, at namuhay ka ayon sa kalooban niya. Naginhawahan ka nang malaman mong pinatawad ka ng Diyos. (Awit 32:2) Dumalo ka sa mga pulong at sinabi sa iba ang magagandang bagay na natutuhan mo. At dahil nag-alay ka na at nagpabautismo, lumalakad ka na ngayon sa daang papunta sa buhay, at gagawin mo ang lahat para makapanatili dito. (Mat. 7:​13, 14) Maging matatag ka sana at di-natitinag para hindi mawala ang pag-ibig mo kay Jehova at patuloy mo siyang masunod. w23.07 17 ¶14; 19 ¶19

Martes, Setyembre 30

Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.​—1 Cor. 10:13.

Kung pag-iisipan mo ang panalangin mo ng pag-aalay kay Jehova, magkakaroon ka ng lakas na labanan ang anumang tukso. Halimbawa, makikipag-flirt ka ba sa asawa ng iba? Siyempre, hindi! Nangako ka na kay Jehova na hindi ka gagawa ng ganiyang mga bagay. Dahil hindi mo hinayaang magkaroon ka ng maling damdamin, wala kang kailangang paglabanan. ‘Makakalayo’ ka sa “landas ng kasamaan.” (Kaw. 4:​14, 15) Makakatulong sa iyo kung pag-iisipan mo ang halimbawa ni Jesus. Determinado siyang mapasaya ang kaniyang Ama. Gaya niya, maging determinado ka rin na tanggihan agad ang anumang ayaw ni Jehova. Sa Kaniya ka nakaalay. (Mat. 4:10; Juan 8:29) Ang totoo, kapag may dumating na mga problema o tukso, pagkakataon iyon para maipakita mo na determinado kang ‘patuloy na sundan’ si Jesus. At makakapagtiwala kang tutulungan ka ni Jehova. w24.03 9-10 ¶8-10

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share