Oktubre
Miyerkules, Oktubre 1
Ang karunungan mula sa itaas ay . . . handang sumunod.—Sant. 3:17.
Kung minsan ba, nahihirapan kang sumunod? Naranasan din iyan ni Haring David, kaya nanalangin siya sa Diyos: “Bigyan mo ako ng pagnanais na sundin ka.” (Awit 51:12) Mahal ni David si Jehova. Pero may mga pagkakataong nahirapan siyang sumunod. Ganiyan din tayo. Bakit? Una, dahil minana natin ang pagiging masuwayin. Ikalawa, laging sinisikap ni Satanas na impluwensiyahan tayo na magrebelde kay Jehova, gaya ng ginawa niya. (2 Cor. 11:3) Ikatlo, napakarami nang rebelyoso sa mundo, at ang ugali nila ang “umiimpluwensiya ngayon sa mga masuwayin.” (Efe. 2:2) Kaya para masunod natin si Jehova at ang mga binigyan niya ng awtoridad, dapat tayong magsikap na labanan ang tendensiya nating makagawa ng kasalanan, pati na ang impluwensiya ng Diyablo at ng mundong ito. w23.10 6 ¶1
Huwebes, Oktubre 2
Pero ngayon mo inilabas ang mainam na alak.—Juan 2:10.
Ano ang matututuhan natin sa himala ni Jesus? Mapagpakumbaba siya. Kahit kailan, hindi niya ipinagyabang ang himalang iyon o ang iba pang mga nagawa niya. Lagi niyang ibinibigay ang kaluwalhatian at papuri sa kaniyang Ama. (Juan 5:19, 30; 8:28) Kung mapagpakumbaba tayo gaya ni Jesus, hindi natin ipagyayabang ang mga nagagawa natin. Ipagmalaki natin, hindi ang sarili natin, kundi ang kahanga-hangang Diyos na pinaglilingkuran natin. (Jer. 9:23, 24) Si Jehova ang dapat purihin, kasi wala tayong anumang magagawa kung hindi niya tayo tutulungan. (1 Cor. 1:26-31) Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo aasa ng papuri sa mga ginagawa natin para sa iba. Masaya na tayo na alam iyon at pinapahalagahan ni Jehova. (Ihambing ang Mateo 6:2-4; Heb. 13:16) Natutuwa si Jehova kapag mapagpakumbaba tayo gaya ni Jesus.—1 Ped. 5:6. w23.04 4 ¶9; 5 ¶11-12
Biyernes, Oktubre 3
[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.—Fil. 2:4.
Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na isipin ang kapakanan ng iba. Paano natin masusunod iyan sa mga pulong? Tandaan na gusto rin ng iba na magkomento, gaya natin. Pag-isipan ito: Kapag kakuwentuhan mo ang mga kaibigan mo, gusto mo ba na ikaw na lang lagi ang salita nang salita? Siyempre, hindi. Gusto mo ring marinig ang mga kuwento nila. Ganiyan din sa mga pulong. Gusto nating marami ang makapagkomento. Ang totoo, isa sa pinakamagandang paraan para mapatibay natin ang mga kapatid ay bigyan sila ng pagkakataon na ipahayag ang pananampalataya nila. (1 Cor. 10:24) Kaya iklian ang komento mo para mas marami ang makasagot. Huwag bumanggit ng maraming punto. Kung kokomentuhan mo ang buong parapo, wala nang maisasagot ang iba. w23.04 22-23 ¶11-13
Sabado, Oktubre 4
Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita para maibahagi ko ito sa iba.—1 Cor. 9:23.
Dapat nating tandaan kung gaano kahalaga ang pagtulong sa iba, lalo na sa ministeryo. Sa ministeryo, kailangan na flexible tayo, o marunong makibagay. Iba-iba ang paniniwala at pinagmulan ng mga nakakausap natin. Marunong makibagay si apostol Pablo, kaya matututo tayo sa kaniya. Inatasan ni Jesus si Pablo na maging “apostol para sa ibang mga bansa.” (Roma 11:13) Kaya nangaral siya sa mga Judio, Griego, edukado, ordinaryong tao, matataas na opisyal, at mga hari. Para maabot ang puso nila, si Pablo ay “naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Cor. 9:19-22) Pinag-isipan niyang mabuti ang paniniwala at pinagmulan ng mga tao, at ibinagay niya doon ang paksa at paraan ng pakikipag-usap niya. Magiging mas epektibo rin tayo sa ministeryo kung marunong tayong makibagay at iisipin natin ang pinakamagandang paraan para matulungan ang kausap natin. w23.07 23 ¶11-12
Linggo, Oktubre 5
Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat.—2 Tim. 2:24.
Hindi kahinaan ang pagiging mahinahon. Kailangan ng tibay ng loob para manatiling kalmado sa mahirap na sitwasyon. Ang kahinahunan ay isang “katangian na bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Ang salitang Griego na isinaling “kahinahunan” ay ginagamit din kung minsan para ilarawan ang isang mailap na kabayo na napaamo. Maamo ito, pero malakas pa rin. Kaya paano tayo magiging mahinahon, pero malakas? Hindi sapat na gusto lang nating maging mahinahon. Dapat din nating hilingin sa panalangin ang espiritu ng Diyos para magkaroon tayo ng katangiang ito. Pinapatunayan ng mga karanasan na kaya nating maging mahinahon. Maraming kapatid ang sumasagot nang mahinahon kahit may kumokompronta sa kanila. Dahil dito, nagiging maganda ang impresyon ng iba sa mga Saksi.—2 Tim. 2:24, 25. w23.09 15 ¶3
Lunes, Oktubre 6
Hiniling ko sa panalangin, at ibinigay ni Jehova ang hiningi ko sa kaniya.—1 Sam. 1:27.
Sa isang pangitain ni apostol Juan, nakita niya ang 24 na matatanda sa langit na sumasamba kay Jehova. Pinupuri nila ang Diyos at sinasabing karapat-dapat siya sa “kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan.” (Apoc. 4:10, 11) Marami ring dahilan ang tapat na mga anghel para purihin si Jehova. Dahil kasama nila siya sa langit, kilalang-kilala nila siya. Nakikita nila ang mga katangian niya sa mga ginagawa niya. Dahil dito, napapakilos sila na purihin siya. (Job 38:4-7) Gusto rin nating purihin si Jehova sa mga panalangin natin. Halimbawa, puwede nating sabihin kung bakit mahal natin siya. Hanapin ang mga katangian ni Jehova kapag nagbabasa ka at nag-aaral ng Bibliya. (Job 37:23; Roma 11:33) Pagkatapos, sabihin sa kaniya kung gaano kahalaga sa iyo ang mga katangian niyang ito. Puwede rin nating purihin si Jehova dahil tinutulungan niya tayo at ang lahat ng kapatid.—1 Sam. 2:1, 2. w23.05 3-4 ¶6-7
Martes, Oktubre 7
[Mamuhay] kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova.—Col. 1:10.
Noong 1919, napalaya ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila. Nang taon ding iyon, inatasan ang “tapat at matalinong alipin” at nabuksan na ang “Daan ng Kabanalan.” (Mat. 24:45-47; Isa. 35:8) Tamang-tama kasi tutulungan ng aliping ito ang mga tapat-puso na maglakbay sa daang iyon! Buti na lang, may mga naghanda na ng daan noon, kaya mas madali na para sa mga maglalakbay doon na matuto pa tungkol kay Jehova at sa layunin niya. (Kaw. 4:18) Makakapamuhay na rin sila ayon sa mga kahilingan niya. Hindi inaasahan ni Jehova na magagawa agad ng bayan niya ang lahat ng kinakailangang pagbabago. Unti-unti niya silang dinadalisay. Siguradong magiging masaya tayo kapag napapasaya na natin si Jehova sa lahat ng ginagawa natin! Ang mga literal na daan ay kailangang panatilihing maayos. Ganiyan din ang “Daan ng Kabanalan.” Mula 1919, patuloy itong inaayos para mas maraming tao ang makalabas sa Babilonyang Dakila. w23.05 17 ¶15; 19 ¶16
Miyerkules, Oktubre 8
Hinding-hindi kita iiwan.—Heb. 13:5.
Personal na nagsasanay ang Lupong Tagapamahala ng mga helper o ng mga makakatulong nila sa iba’t ibang committee ng Lupong Tagapamahala. Tapat na ginagampanan ng mga katulong na ito ang mabigat na pananagutan nila sa ngayon. Handang-handa silang ipagpatuloy ang pangangalaga sa mga tupa ni Kristo. Sa bandang dulo ng malaking kapighatian, kapag umakyat na sa langit ang lahat ng natitirang pinahiran, magpapatuloy ang dalisay na pagsamba sa lupa. Sa pangunguna ni Jesu-Kristo, hindi titigil sa pagsamba kay Jehova ang mga lingkod Niya. Totoo, sa panahong iyon, aatakihin tayo ni Gog ng Magog, isang koalisyon ng mga bansa. (Ezek. 38:18-20) Pero hindi ito magtatagumpay; hindi nito mapapahinto ang mga lingkod ni Jehova sa pagsamba sa kaniya. Siguradong ililigtas niya sila! Nakita ni apostol Juan sa isang pangitain ang “malaking pulutong” ng ibang mga tupa ni Kristo. Sinabi kay Juan na ang “malaking pulutong” ay “lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apoc. 7:9, 14) Kaya sigurado tayong ililigtas sila ni Jehova. w24.02 5-6 ¶13-14
Huwebes, Oktubre 9
Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.—1 Tes. 5:19.
Paano tayo makakatanggap ng banal na espiritu? Hingin natin ito sa panalangin, pag-aralan natin ang Salita ng Diyos, at sumama tayo sa organisasyon na pinapatnubayan ng espiritu niya. Makakatulong iyan para magkaroon tayo ng “mga katangian na bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Ibibigay lang ito sa atin ng Diyos kung papanatilihin nating malinis ang pag-iisip at paggawi natin. Pero aalisin niya ito sa atin kung laging marumi ang laman ng isip natin at nakikita iyon sa pagkilos natin. (1 Tes. 4:7, 8) Para patuloy tayong makatanggap ng banal na espiritu, hindi rin natin dapat “hamakin ang mga hula.” (1 Tes. 5:20) Dito, tumutukoy ang “mga hula” sa mga mensaheng ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu niya, gaya ng tungkol sa araw ni Jehova at kung gaano na kaikli ang panahong natitira. Hindi natin iniisip na malayo pa ang Armagedon. Ang totoo, isinasaisip natin ang pagdating ng araw ni Jehova, kung laging mabuti ang paggawi natin at abala tayo sa “mga gawa ng makadiyos na debosyon.”—2 Ped. 3:11, 12. w23.06 12 ¶13-14
Biyernes, Oktubre 10
Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.—Kaw. 9:10.
Ano ang dapat nating gawin kapag may biglang lumitaw na pornograpikong larawan sa gadget natin? Alisin natin agad ang tingin doon. Madali nating magagawa iyan kung iisipin natin na ang kaugnayan natin kay Jehova ang pinakamahalaga. May mga larawan din na hindi itinuturing na pornograpya, pero puwedeng makapukaw ng maling pagnanasa. Bakit dapat nating iwasan ang mga iyon? Kasi ayaw nating pumasok sa isip natin ang anumang bagay na puwedeng maging dahilan para magkasala tayo ng pangangalunya sa puso natin. (Mat. 5:28, 29) Sinabi ni David, isang elder sa Thailand: “Sinasabi ko sa sarili ko, ‘Kahit hindi pornograpya ang mga larawan, matutuwa kaya si Jehova kung patuloy kong titingnan ang mga iyon?’ Nakakatulong ito sa akin na magawa ang tama.” Magagawa natin ang tama at magiging marunong tayo kung takot tayong mapalungkot si Jehova. Ang pagkatakot sa Diyos ang “pasimula ng karunungan.” w23.06 23 ¶12-13
Sabado, Oktubre 11
Pumasok kayo, bayan ko, sa inyong mga kaloob-loobang silid.—Isa. 26:20.
Posibleng tumutukoy ang “mga kaloob-loobang silid” sa mga kongregasyon natin. Sa malaking kapighatian, ipinapangako ni Jehova na poprotektahan niya tayo kung mananatili tayong kasama at kaisa ng mga kapatid. Kaya ngayon pa lang, huwag lang natin sila basta pagtiisan, mahalin din natin sila. Posibleng kaligtasan natin ang nakasalalay dito! Magiging mahirap na panahon para sa mga tao ang “dakilang araw ni Jehova.” (Zef. 1:14, 15) Kahit mga lingkod ni Jehova, mahihirapan din. Pero kung maghahanda na tayo ngayon, makakapanatili tayong kalmado at matutulungan natin ang iba. Matitiis natin ang anumang problema. Kapag nangailangan ang mga kapatid, gagawin natin ang lahat para tulungan sila, dahil nagmamalasakit tayo sa kanila. Hindi rin natin sila iiwan, kasi may pag-ibig tayo sa kanila. Dahil diyan, gagantimpalaan tayo ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa isang mundo na wala nang sakuna at kapighatian.—Isa. 65:17. w23.07 7 ¶16-17
Linggo, Oktubre 12
Patatatagin . . . kayo [ni Jehova], palalakasin niya kayo, gagawin niya kayong matibay.—1 Ped. 5:10.
Sa Salita ng Diyos, madalas na inilalarawan na malakas ang mga tapat. Pero hindi nila laging nararamdaman na malakas sila. Halimbawa, pakiramdam ni Haring David kung minsan, “sintatag [siya] ng bundok.” Pero may mga pagkakataon din na “natakot” siya. (Awit 30:7) Naging napakalakas ni Samson dahil sa espiritu ng Diyos. Pero alam niya na kung hindi siya tutulungan ng Diyos, “mawawala ang lakas [niya] at magiging kasinghina [siya] ng pangkaraniwang tao.” (Huk. 14:5, 6; 16:17) Naging malakas ang tapat na mga lalaking ito dahil kay Jehova. Alam ni apostol Pablo na kailangan niya ng lakas mula kay Jehova. (2 Cor. 12:9, 10) May mga problema siya sa kalusugan. (Gal. 4:13, 14) Kung minsan, nahihirapan din siyang gawin ang tama. (Roma 7:18, 19) May mga pagkakataon ding nag-aalala siya at natatakot sa posibleng mangyari sa kaniya. (2 Cor. 1:8, 9) Pero kung kailan mahina si Pablo, saka naman siya naging malakas. Ibinigay kasi ni Jehova kay Pablo ang lakas na kailangan niya para makayanan ang mga problema. w23.10 12 ¶1-2
Lunes, Oktubre 13
Si Jehova ay tumitingin sa puso.—1 Sam. 16:7.
Kahit nararamdaman natin kung minsan na wala tayong halaga, tandaan na si Jehova mismo ang naglapit sa atin sa kaniya. (Juan 6:44) Nakikita niya ang magagandang katangian natin na baka hindi natin nakikita, at alam niya ang nasa puso natin. (2 Cro. 6:30) Kaya makakapagtiwala tayo sa sinabi niya na mahalaga tayo sa kaniya. (1 Juan 3:19, 20) Bago natin nalaman ang katotohanan, baka may ilan sa atin na nakagawa ng kasalanan at nakokonsensiya pa rin hanggang ngayon. (1 Ped. 4:3) Kahit ang ilang tapat na Kristiyano, may pinaglalabanan pa ring mga kahinaan. Pakiramdam mo ba kung minsan, hindi ka kayang patawarin ni Jehova? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Naramdaman din iyan ng ibang tapat na lingkod ni Jehova. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo na miserable siya kapag naiisip niya ang mga kahinaan at nagawa niyang kasalanan. (Roma 7:24) Siyempre, pinagsisihan na ni Pablo ang mga kasalanan niya at nabautismuhan na siya. Pero tinukoy pa rin niya ang sarili niya na “pinakamababa sa mga apostol” at ang “pinakamakasalanan” sa lahat.—1 Cor. 15:9; 1 Tim. 1:15. w24.03 27 ¶5-6
Martes, Oktubre 14
Iniwan nila ang bahay ni Jehova.—2 Cro. 24:18.
Natutuhan natin sa maling desisyon ni Haring Jehoas na kailangan nating pumili ng mga kaibigan na may mabuting impluwensiya sa atin—mga kaibigan na nagmamahal kay Jehova at gusto siyang mapasaya. Puwede rin tayong makipagkaibigan sa mga hindi natin kaedaran. Malaki ang agwat ng edad ni Jehoas at ng kaibigan niyang si Jehoiada. Ngayon, isipin ang mga kaibigan mo at tanungin ang sarili: ‘Napapatibay ba nila ang pananampalataya ko kay Jehova? Tinutulungan ba nila akong masunod ang mga pamantayan niya? Bukambibig ba nila si Jehova at ang katotohanan sa Bibliya? Iginagalang ba nila ang mga pamantayan ng Diyos? Sinasabi lang ba nila ang gusto kong marinig, o pinapayuhan nila ako kung kailangan?’ (Kaw. 27:5, 6, 17) Sa totoo lang, kung hindi mahal ng mga kaibigan mo si Jehova, hindi mo sila kailangan. Pero kung mahal nila si Jehova, pahalagahan mo sila—mabuting impluwensiya sila sa iyo.—Kaw. 13:20. w23.09 9-10 ¶6-7
Miyerkules, Oktubre 15
Ako ang Alpha at ang Omega.—Apoc. 1:8.
Sa alpabetong Griego, ang alpha ang unang letra at omega naman ang huli. Kaya nang sabihin ni Jehova na siya “ang Alpha at ang Omega,” tinutulungan niya tayong maintindihan na kapag may sinimulan siya, tatapusin niya iyon. Nang lalangin ni Jehova sina Adan at Eva, sinabi Niya sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon.” (Gen. 1:28) Nang pagkakataong iyon na sabihin ni Jehova ang layunin niya, para bang sinasabi niya, “Alpha.” Darating ang panahon na mapupuno ang lupa ng perpekto at masunuring mga inapo nina Adan at Eva at gagawin nilang paraiso ang lupa. Sa pagkakataong iyon, kapag natupad na ang layunin ni Jehova, para bang sinasabi niya, “Omega.” Nang matapos lalangin ni Jehova “ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroon,” may ginawa siya para ipakita na talagang matutupad ang layunin niya. Inilaan niya ang ikapitong araw sa pagsasagawa ng layunin niya para sa mga tao at sa lupa. Kaya nang gawing banal ni Jehova ang ikapitong araw, para bang sinasabi niya na lubusang matutupad ang layunin niya sa pagtatapos ng araw na iyon.—Gen. 2:1-3. w23.11 5 ¶13-14
Huwebes, Oktubre 16
Hawanin ninyo ang dadaanan ni Jehova! Gumawa kayo para sa ating Diyos ng patag na lansangang-bayan sa disyerto.—Isa. 40:3.
Mahirap ang paglalakbay mula Babilonya hanggang Israel, at aabot ito nang mga apat na buwan. Pero nangako si Jehova na aalisin niya ang mga sagabal sa paglalakbay ng mga Judio. Para sa tapat na mga Judio na gustong bumalik sa Israel, mas marami ang pagpapalang tatanggapin nila kaysa sa isasakripisyo nila. Gagawin nila iyon, pangunahin na, para sa pagsamba kay Jehova. Walang templo si Jehova sa Babilonya. Wala ring altar na mapaghahandugan ang mga Israelita ayon sa kahilingan ng Kautusang Mosaiko, at wala ring kaayusan sa paghahandog ang mga saserdote. Isa pa, napapaligiran ang bayan ni Jehova ng mga pagano, na walang pakialam kay Jehova at sa mga pamantayan niya. Kaya sabik na sabik ang libo-libong tapat na Judio na makabalik sa lupain nila para sa dalisay na pagsamba. w23.05 14-15 ¶3-4
Biyernes, Oktubre 17
Patuloy kayong lumakad bilang mga anak ng liwanag.—Efe. 5:8.
Kailangan natin ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos para patuloy tayong makapamuhay “bilang mga anak ng liwanag.” Bakit? Dahil mahirap manatiling malinis sa imoral na mundong ito. (1 Tes. 4:3-5, 7, 8) Matutulungan tayo ng banal na espiritu na malabanan ang kaisipan ng mundo, kasama na ang mga pilosopiya at pananaw na kontra sa kaisipan ng Diyos. Matutulungan din tayo ng banal na espiritu na maipakita ang “bawat uri ng kabutihan [at] katuwiran.” (Efe. 5:9) Ang isang paraan para makatanggap tayo ng banal na espiritu ay ang pananalangin. Sinabi ni Jesus na magbibigay si Jehova ng banal na espiritu “sa mga humihingi sa kaniya.” (Luc. 11:13) Nakakatanggap din tayo ng banal na espiritu kapag sama-sama nating pinupuri si Jehova sa mga pulong natin. (Efe. 5:19, 20) Dahil sa magandang impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos, makakapamuhay tayo sa paraang gusto niya. w24.03 23-24 ¶13-15
Sabado, Oktubre 18
Patuloy na humingi at bibigyan kayo, patuloy na maghanap at makakakita kayo, patuloy na kumatok at pagbubuksan kayo.—Luc. 11:9.
Kailangan mo bang maging mas matiisin? Kung oo, ipanalangin na maging mas matiisin ka. Ang pagtitiis ay isa sa mga katangian na bunga ng espiritu. (Gal. 5:22, 23) Kaya puwede nating hilingin kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu para mapasulong ang katangiang iyon. Kapag nasusubok ang pagtitiis natin, ‘patuloy tayong humihingi’ ng banal na espiritu para tulungan tayo. (Luc. 11:13) Puwede rin nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong maunawaan ang pananaw niya. Pagkatapos manalangin, gawin natin ang buong makakaya natin na maging matiisin araw-araw. Kung patuloy nating ipapanalangin na maging matiisin tayo at magsisikap tayong ipakita ito, tutulungan tayo ni Jehova na maging mas matiisin kahit hindi tayo ganoon dati. Pag-isipan ding mabuti ang mga halimbawa sa Bibliya. Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga taong matiisin. Kung pag-iisipan nating mabuti ang mga ginawa nila, may matututuhan tayo kung paano magiging matiisin. w23.08 22-23 ¶10-11
Linggo, Oktubre 19
Ibaba ninyo ang inyong mga lambat para makahuli.—Luc. 5:4.
Tiniyak ni Jesus kay apostol Pedro na ilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan nito. Nang buhaying muli si Jesus, gumawa siya ng himala nang tulungan niya si Pedro at ang iba pang apostol na makahuli ulit ng maraming isda. (Juan 21:4-6) Tiniyak ng himalang ito kay Pedro na kayang-kayang ilaan ni Jehova ang materyal na mga pangangailangan niya. Malamang na naalala ng apostol na ito ang sinabi ni Jesus na ilalaan ni Jehova ang pangangailangan nila kung ‘patuloy nilang uunahin ang Kaharian.’ (Mat. 6:33) Nakatulong kay Pedro ang lahat ng ito na unahin ang pangangaral imbes na ang negosyo niyang pangingisda. Nangaral siya nang may lakas ng loob noong araw ng Pentecostes 33 C.E., at nakatulong iyon sa libo-libo na tanggapin ang mabuting balita. (Gawa 2:14, 37-41) Tinulungan niya rin ang mga Samaritano at Gentil na matuto tungkol kay Kristo. (Gawa 8:14-17; 10:44-48) Talagang ginamit ni Jehova si Pedro para ilapit ang lahat ng uri ng tao sa kongregasyon. w23.09 20 ¶1; 23 ¶11
Lunes, Oktubre 20
Kung hindi ninyo maipaaalam sa akin ang napanaginipan ko, pati ang ibig sabihin nito, pagpuputol-putulin ang katawan ninyo.—Dan. 2:5.
Mga dalawang taon pagkatapos wasakin ng Babilonya ang Jerusalem, nagkaroon ng nakakatakot na panaginip si Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Tungkol iyon sa isang pagkalaki-laking imahen. Sinabi niya na kung hindi maipapaalam sa kaniya ng matatalinong tao, kasama na si Daniel, ang napanaginipan niya at ang ibig sabihin nito, papatayin silang lahat. (Dan. 2:3-5) Kung hindi agad kikilos si Daniel, marami ang mamamatay. “Kaya pumunta sa hari si Daniel at humiling na bigyan siya ng panahon para ipaliwanag sa hari ang ibig sabihin ng panaginip.” (Dan. 2:16) Kailangan diyan ang lakas ng loob at pananampalataya. Walang ulat sa Bibliya na dati nang nakapagpaliwanag si Daniel ng panaginip. Nakisuyo siya sa mga kaibigan niya na “manalangin para maawa ang Diyos ng langit at ipaalám sa kanila ang lihim na ito.” (Dan. 2:18) Sinagot ni Jehova ang panalanging iyon. Sa tulong ng Diyos, naipaliwanag ni Daniel ang panaginip ni Nabucodonosor. Naligtas si Daniel at ang mga kaibigan niya. w23.08 2 ¶4
Martes, Oktubre 21
Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.—Mat. 24:13.
Pag-isipan ang mga pagpapala ng pagiging matiisin. Kapag matiisin tayo, mas masaya tayo at kalmado. Kaya may magandang epekto ito sa mental at pisikal na kalusugan natin. Kapag matiisin tayo sa iba, mas malapít tayo sa kanila. Mas nagkakaisa rin ang kongregasyon. Kapag may nang-iinis sa atin, hindi tayo madaling magalit kaya maiiwasan nating lumala ang sitwasyon. (Awit 37:8, tlb.; Kaw. 14:29) Pero higit sa lahat, natutularan natin ang ating Ama sa langit at mas mapapalapit tayo sa kaniya. Napakagandang katangian ng pagiging matiisin! Hindi laging madali na magtiis. Pero sa tulong ni Jehova, patuloy nating mapapasulong ang katangiang ito. Habang hinihintay natin ang bagong sanlibutan, makakapagtiwala tayo na “ang mata ni Jehova ay nagbabantay sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 33:18) Maging determinado sana tayong lahat na maging matiisin. w23.08 22 ¶7; 25 ¶16-17
Miyerkules, Oktubre 22
Ganoon din ang pananampalataya; kung wala itong kasamang gawa, ito ay patay.—Sant. 2:17.
Sinabi ni Santiago na kahit sabihin ng isang tao na may pananampalataya siya, makikita ba iyon sa ginagawa niya? (Sant. 2:1-5, 9) Binanggit din ni Santiago ang isang Kristiyano na nakita ang isang ‘kapatid na walang maisuot o makain’ pero hindi niya ito tinulungan. Kahit sabihin ng taong iyon na may pananampalataya siya, wala itong saysay kasi wala itong kasamang gawa. (Sant. 2:14-16) Binanggit ni Santiago na magandang halimbawa si Rahab ng pananampalataya na may kasamang gawa. (Sant. 2:25, 26) Dahil sa mga nabalitaan ni Rahab, naunawaan niya na sinusuportahan ni Jehova ang mga Israelita. (Jos. 2:9-11) Makikita ang pananampalataya niya sa ginawa niya—pinrotektahan niya ang dalawang espiyang Israelita nang manganib ang buhay ng mga ito. Kaya kahit hindi siya perpekto at hindi siya Israelita, itinuring siyang matuwid, gaya ni Abraham. Natutuhan natin sa halimbawa ni Rahab na napakahalagang makita sa ginagawa natin ang pananampalataya natin. w23.12 5 ¶12-13
Huwebes, Oktubre 23
Maging matibay sana ang pagkakaugat ninyo at pagkakatatag sa pundasyon.—Efe. 3:17.
Bilang mga Kristiyano, hindi tayo kontento sa mga pangunahing turo ng Bibliya. Gustong-gusto nating malaman “maging ang malalalim na bagay ng Diyos” sa tulong ng banal na espiritu niya. (1 Cor. 2:9, 10) Kaya mag-isip ng isang study project na mas magpapalapit sa iyo kay Jehova. Halimbawa, puwede mong pag-aralan kung paano siya nagpakita ng pag-ibig sa mga lingkod niya noon at kung paano nito pinapatunayan na mahal ka rin niya. Puwede mo ring alamin kung paano sinasamba ng mga Israelita noon si Jehova at ikumpara ito sa kaayusan ng mga Kristiyano ngayon. O baka puwede mong suriin ang mga hulang natupad kay Jesus noong nasa lupa siya. Mag-e-enjoy kang pag-aralan ang mga ito gamit ang Watch Tower Publications Index o ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Kung pag-aaralan mong mabuti ang Bibliya, titibay ang pananampalataya mo at “matatagpuan mo ang kaalaman tungkol sa Diyos.”—Kaw. 2:4, 5. w23.10 19 ¶3-5
Biyernes, Oktubre 24
Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.—1 Ped. 4:8.
Ang salitang ginamit ni apostol Pedro para sa ‘masidhi’ ay literal na nangangahulugang “banat na banat.” Sa ikalawang bahagi naman ng talata, binanggit ang epekto ng masidhing pag-ibig natin—matatakpan nito ang mga kasalanan ng mga kapatid. Isipin na ang pag-ibig natin ay gaya ng isang nababanat na tela. Binabanat natin ito nang binabanat hanggang sa kaya na nitong takpan, hindi lang isa o dalawa, kundi “maraming kasalanan.” Ang ibig sabihin dito ng takpan ay patawarin. Gaya ng isang tela na kayang takpan ang mantsa, kaya ring takpan ng pag-ibig ang mga kahinaan at pagkakamali ng iba. Dapat na mahal na mahal natin ang mga kapatid para mapatawad natin ang mga pagkakamali nila—kahit napakahirap nitong gawin kung minsan. (Col. 3:13) Kapag nagpapatawad tayo, naipapakita nating masidhi ang pag-ibig natin at na gusto nating mapasaya si Jehova. w23.11 10-12 ¶13-15
Sabado, Oktubre 25
Binasa iyon ni Sapan sa harap ng hari.—2 Cro. 34:18.
Noong 26 na si Haring Josias, ipinaayos niya ang templo. Habang ginagawa ito, natagpuan ang “aklat ng Kautusan ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.” Nang basahin ito sa harap ng hari, kumilos siya agad para masunod ito. (2 Cro. 34:14, 19-21) Regular mo bang binabasa ang Bibliya? Kung oo, nae-enjoy mo ba ito? Tinatandaan mo ba ang mga teksto na makakatulong sa iyo? Noong mga 39 na si Josias, may nagawa siyang pagkakamali na naging dahilan ng kamatayan niya. Nagtiwala siya sa sarili niya imbes na humingi ng patnubay kay Jehova. (2 Cro. 35:20-25) Ang aral? Anuman ang edad natin o kahit gaano na tayo katagal na nag-aaral ng Bibliya, dapat na patuloy pa rin nating hanapin si Jehova. Kaya lagi tayong manalangin para sa patnubay niya, mag-aral ng Salita niya, at makinig sa payo ng mga kapatid na mahusay sa espirituwal. Kung gagawin natin iyan, malamang na maiwasan nating makagawa ng malaking pagkakamali at magiging mas masaya tayo.—Sant. 1:25. w23.09 12 ¶15-16
Linggo, Oktubre 26
Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.—Sant. 4:6.
Maraming halimbawa sa Bibliya ng mahuhusay na babae. Mahal nila si Jehova, at naglingkod sila sa kaniya. “May kontrol [sila] sa kanilang paggawi” at “tapat [sila] sa lahat ng bagay.” (1 Tim. 3:11) Bukod sa kanila, may mga sister din sa kongregasyon na magandang tularan. Mga kabataang sister, may kilala ba kayong mga may-gulang na sister na gusto ninyong tularan? Isipin ang magagandang katangian nila at kung paano mo rin maipapakita ang mga iyon. Para maging may-gulang na Kristiyano, mahalaga ang kapakumbabaan. Kung mapagpakumbaba ang isang sister, magiging malapít siya kay Jehova at sa iba. Halimbawa, dahil mahal ng isang sister si Jehova, magiging mapagpakumbaba siya at susuportahan niya ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo. (1 Cor. 11:3) Kailangang sundin ang kaayusang iyan sa kongregasyon at sa pamilya. w23.12 19 ¶3-5
Lunes, Oktubre 27
Dapat mahalin ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae na gaya ng sarili nilang katawan.—Efe. 5:28.
Inaasahan ni Jehova sa isang brother na mahalin ang asawa niya at ilaan ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan nito. Makakatulong sa iyo ang kakayahang mag-isip, respeto sa mga babae, at pagiging maaasahan, para maging mabuting asawa. Kapag nag-asawa ka na, puwede kang magkaroon ng anak. Ano ang matututuhan mo kay Jehova sa pagiging mabuting ama? (Efe. 6:4) Hayagang sinabi ni Jehova sa Anak niyang si Jesus na mahal Niya siya at sinasang-ayunan. (Mat. 3:17) Kung sakaling magkaroon ka ng mga anak, lagi mong sabihin at ipadama sa kanila na mahal mo sila. Lagi mo silang purihin sa magagandang bagay na nagagawa nila. Kung tutularan ng mga tatay si Jehova, matutulungan nila ang mga anak nila na maging mahuhusay na Kristiyano. Magiging handa ka sa pananagutang ito kung ngayon pa lang, mamahalin mo na ang mga kapamilya at kakongregasyon mo at sasabihin mo sa kanila na mahal mo sila at pinapahalagahan.—Juan 15:9. w23.12 28-29 ¶17-18
Martes, Oktubre 28
[Si Jehova] ang magpapatatag sa iyo.—Isa. 33:6.
Kahit tapat na lingkod tayo ni Jehova, nagkakasakit din tayo at nagkakaroon ng mga problema gaya ng ibang tao. Baka sinasalansang din tayo o pinag-uusig ng mga taong galit sa bayan ng Diyos. Kahit pinapahintulutan ni Jehova ang mga ito, nangangako siya na tutulungan niya tayo. (Isa. 41:10) Dahil diyan, nakakagawa tayo ng tamang mga desisyon at nakakapanatili tayong masaya at tapat kahit mahirap ang sitwasyon. Ipinapangako ni Jehova na bibigyan niya tayo ng “kapayapaan ng Diyos.” (Fil. 4:6, 7) Tumutukoy ito sa kapayapaan ng isip at pagiging panatag natin dahil sa magandang kaugnayan natin sa kaniya. “Nakahihigit [ito] sa lahat ng kaisipan”; mas kahanga-hanga ito kaysa sa anumang maiisip natin. Nanalangin ka na ba nang marubdob kay Jehova at pagkatapos, naging kalmado ka na? Iyon ang “kapayapaan ng Diyos.” w24.01 20 ¶2; 21 ¶4
Miyerkules, Oktubre 29
Pupurihin ko si Jehova; pupurihin ng buong pagkatao ko ang kaniyang banal na pangalan.—Awit 103:1.
Gusto ng mga taong nagmamahal kay Jehova na purihin ang pangalan niya nang buong puso. Alam ni Haring David na kapag pinupuri niya ang pangalan ni Jehova, si Jehova mismo ang pinupuri niya. Kapag naririnig natin ang pangalan ni Jehova, naiisip natin ang magaganda niyang katangian at mga ginawa. Gusto ni David na purihin at pabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama. Gusto niyang gawin iyon nang “buong pagkatao” niya—ibig sabihin, nang buong puso. Nanguna rin ang mga Levita sa pagpuri kay Jehova. Mapagpakumbaba sila, at inamin nila na hindi sapat ang mga salitang sinabi nila para mapapurihan ang banal na pangalan niya. (Neh. 9:5) Dahil sa ganiyang mga papuri, siguradong napasaya nila si Jehova. w24.02 9 ¶6
Huwebes, Oktubre 30
Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.—Fil. 3:16.
Hindi iisipin ni Jehova na bigo ka dahil hindi mo naabot ang goal na hindi posible para sa iyo. (2 Cor. 8:12) Tingnan ang puwedeng matutuhan. Isipin ang mga naabot mo na. Sinasabi ng Bibliya na “matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa [mo].” (Heb. 6:10) Kaya huwag mo ring kalimutan ang mga iyon. Isipin ang mga goal na naabot mo na—maging mas malapít kay Jehova, sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya, o pagpapabautismo. Kung nakagawa ka na noon ng pagsulong at nakaabot ng mga goal, makakaya mo ring abutin ang goal mo ngayon. Sa tulong ni Jehova, maaabot mo ang goal mo. Kaya mag-e-enjoy ka rin habang nakikita mo kung paano ka tinutulungan at pinagpapala ni Jehova habang inaabot mo ang goal mo. (2 Cor. 4:7) Kung hindi ka susuko, marami kang tatanggaping pagpapala.—Gal. 6:9. w23.05 31 ¶16-18
Biyernes, Oktubre 31
Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako at naniwala kayo na dumating ako bilang kinatawan ng Diyos.—Juan 16:27.
Gustong-gustong ipakita ni Jehova sa mga lingkod niya na mahal niya sila at natutuwa siya sa kanila. Sa Bibliya, dalawang beses sinabi ni Jehova kay Jesus na siya ang Kaniyang anak na minamahal at kinalulugdan. (Mat. 3:17; 17:5) Gusto mo bang marinig na sinasabi rin iyan ni Jehova sa iyo? Hindi direktang nakikipag-usap sa atin si Jehova mula sa langit; ginagamit niya ang Bibliya. Kapag binasa natin ang sinabi ni Jesus sa mga Ebanghelyo, para na rin nating naririnig na sinasabi sa atin iyon ni Jehova. Perpektong natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Kaya kapag nabasa natin na sinabi ni Jesus sa di-perpekto pero tapat na mga tagasunod niya na natutuwa siya sa kanila, puwede nating isipin na sinasabi sa atin iyon ni Jehova. (Juan 15:9, 15) Kapag nakakaranas tayo ng mga problema, ibig bang sabihin nito, ayaw na sa atin ng Diyos? Hindi. Ang totoo, pagkakataon ito para mapatunayan natin kay Jehova kung gaano natin siya kamahal at na talagang nagtitiwala tayo sa kaniya.—Sant. 1:12. w24.03 28 ¶10-11