DIAMANTE
Isang makinang na mahalagang bato, ang pinakamatigas na likas na mineral na natuklasan at isa sa pinakamamahaling mga hiyas. Bagaman karaniwa’y walang kulay, ang ilang diamante ay may bahid ng dilaw, berde, pula, kayumanggi, asul, at itim. Ang karamihan sa di-tabas na mga diamante ay mga kristal na walo ang gilid, malilinaw, at halos purong karbon. Ipinapalagay na nabuo ang mga diamante noong sinaunang panahon nang sumailalim sa matinding presyon at init ang karbon ng lupa. Ang sinaunang mga diamante ay natagpuan sa mga sahig ng batis, ngunit sa ngayon, ang mga ito’y kadalasang minimina sa mga batong nasa ilalim ng lupa.
Maliwanag na ang salitang Hebreo na sha·mirʹ (makalawang ulit na isinalin sa NW bilang “diamante” at minsan bilang “batong esmeril”) ay nauugnay sa salitang Akkadiano na ashmur, na nangangahulugang “esmeril.” Iminumungkahi ng ilan na maaaring ang sha·mirʹ ay tumutukoy sa isang napakatigas na mineral na karaniwang tinatawag na “adamant” (mula sa Gr. na a·daʹmas, nangangahulugang “di-malupig”), na maaaring tumutukoy sa diamante o sa ilang napakatigas na substansiya, gaya ng corundum at esmeril.
Binanggit ni Jehova ang paggamit sa mga diamante bilang pang-ukit o panlilok ng matitigas na bagay nang sabihin niya: “Ang kasalanan ng Juda ay nakasulat sa pamamagitan ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng tulis na diamante ay nakalilok iyon sa tapyas ng kanilang puso, at sa mga sungay ng kanilang mga altar.” (Jer 17:1, 2) Naging matitigas din ang ulo at puso ng sambahayan ng Israel. Kaya naman sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Narito! Ang iyong mukha ay ginawa kong sintigas mismo ng kanilang mga mukha at ang iyong noo ay sintigas mismo ng kanilang mga noo. Ang iyong noo ay ginawa kong gaya ng diamante, mas matigas pa kaysa sa batong pingkian.” (Eze 3:7-9) Sa katulad na paraan, dahil sa pagkasutil ng mga Judio, ganito ang ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan ni Zacarias: “Ang kanilang puso ay ginawa nilang gaya ng batong esmeril [sa Heb., sha·mirʹ; sa Ingles, emery stone] upang huwag sundin ang kautusan at ang mga salita na ipinarating ni Jehova ng mga hukbo sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, sa pamamagitan ng mga propeta noong una.”—Zac 7:12; tingnan ang HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO.