Baog na Kapaligiran Para sa mga Anak
UNTI-UNTING binago ng modernong lipunan ang kapaligiran para sa malusog na paglaki ng bata at ginawa itong baog, ani Propesor Edward A. Wynne, ng Unibersidad ng Illinois. Ang masisisi raw ay ang labis na pagkamaka-ako, kasaganaan, at pagkukulang ng relihiyon. “Kaya naman inaakala ng mga ibang magulang na sila’y ginigipit,” ani Propesor Wynne sa The Wall Street Journal. “Ang iba’y sumusuko at mayroong mga mag-asawa na nagbabalak ipagpaliban o iwasan pa nga ang pagpapalaki ng anak.” Mayroon siyang mga ipinayo, tulad baga ng pamamanata ng mag-asawa na palakihin ang kanilang anak sa wastong paraan, at bahagi nito ang pakikisama sa isang relihiyon na nagtataguyod ng pagkakaisa ng pamilya at ang mga miyembro ay may bahagi rito, pinagsasama ang pag-ibig at disiplina, at isinasakripisyo ang hangaring mapatanyag.
Ang Bibliya ay nagdiin na sa ganitong pangangailangan libu-libong taon na ngayon. Ipinapayo sa mga magulang: “Palakihin sila [ang mga anak] sa turong Kristiyano sa pagdisiplina sa kanila bilang Kristiyano.” (Efeso 6:4, Phillips) Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo pa rin: “Pisanin ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang mga bata . . . upang sila’y makinig at upang sila man ay matuto.” (Deuteronomio 31:12) Ang magkakatugmang pagkakapit ng mga simulaing ito ay tutulong sa mga pamilya na malabanan ang mga bagay na nagpapahamak sa modernong lipunan.