Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/1 p. 19-24
  • Kumilos Kaagad Pagkakita Mo sa “Tanda”!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kumilos Kaagad Pagkakita Mo sa “Tanda”!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinagbubukud-bukod Ngayon ang “mga Tupa” at “mga Kambing”
  • Ginanti ang Napapanahong Pagkilos Pagkakita sa “Tanda”
  • Ano ang Kinabukasan sa mga Tupa at mga Kambing?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Pinalawak na mga Gawain sa Pagkanaririto ni Kristo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagdating ni Kristo sa Kapangyarihan ng Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Pagdating ni Kristo, Hahatulan Niya ang mga Tupa at Kambing
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/1 p. 19-24

Kumilos Kaagad Pagkakita Mo sa “Tanda”!

“Manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man.”​—MATEO 25:13, Byington.

1. Bakit kamangmangan na tumulad sa mga dalagang mangmang sa talinghaga ni Jesus?

DAHILAN sa napipintong gintong panahon para sa sanlibutan ng natubos na sangkatauhan, anong laking kamangmangan ang tumulad sa limang mangmang na dalaga na binanggit sa talinghaga ni Jesus! Sila’y kumilos na napakahuli na at hindi sila nakarating sa “kaharian ng langit.” Ang mga mangmang na ito ay hindi nagsilbing mga tagapagbigay-liwanag sa panahong kinakailangan iyon. (Mateo 25:1-12) Pagka “ang mabuting balitang ito ng kaharian” ay naipangaral na “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo” at “ang wakas” ay narito na, sa panahong iyon ay naiwala nila ang kanilang pagkakataon na makibahagi sa pribilehiyong ito ng paglilingkod na hindi na kailanman mauulit.​—Mateo 24:14.

2, 3. (a) Sa anong payo tinapos ni Jesus ang talinghaga ng sampung dalaga? (b) Bakit napapanahon pa rin ang payong iyan, at ano samakatuwid ang kailangang laging taglay ng uring ‘matatalinong dalaga’?

2 Kaya naman sinarhan ni Jesu-Kristo ang kaniyang talinghaga ng ganitong payo: “Manatiling nagbabantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man.”​—Mateo 25:1-13.

3 Ang mga salitang iyan ng Nobyong si Jesu-Kristo ay lubhang napapanahon, lalo na ngayon, na may 71 taon na ang nalalakaran sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kahit sa atrasadong petsang ito ang nalabi ng uring ‘matatalinong dalaga’ ay walang alam tungkol sa araw o oras na sasarhan “ang pinto” para matapos ang pagkakataon na makapasok pa ang iba sa makalangit na Kaharian upang makasama ng Nobyo na kanilang katipan. Kailangang laging patunayan niyaong mga naghahangad na mapabilang sa matatalinong dalaga na sila’y laging may taglay ng espirituwal na langis. Sa paggawa ng gayon kanilang pinasisikat ang liwanag sa pamamagitan ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buong lupa, bilang pandaigdig na pagpapatotoo hanggang sa sumapit “ang wakas.”​—Mateo 24:14; Marcos 13:10; Apocalipsis 14:6, 7.

Pinagbubukud-bukod Ngayon ang “mga Tupa” at “mga Kambing”

4. Sang-ayon sa ulat ni Mateo, anong katapusang talinghaga ni Jesus ang kailangang matupad bilang bahagi ng “tanda” ng Kaniyang “pagkanaririto”?

4 Bago sumapit “ang wakas” sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” isa pang gawain ng pagbubukud-bukod sa mga tao ang kailangang maganap at magsilbing bahagi ng “tanda” na nagpapakilalang tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Ito ang katuparan ng talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing, at dito tinatapos ni Mateo ang kaniyang pag-uulat ng dakilang hula ni Kristo tungkol sa “tanda” ng Kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto” at ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”

5. Kailan magaganap ang pagbubukud-bukod sa mga tao sa mga tupa at mga kambing?

5 Pansinin ngayon ang inihula ni Jesus tungkol dito, na nasusulat sa Mateo 25:31-46. Kaniyang sinimulan ang kaniyang talinghaga sa pagsasabing: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya, gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.” Ano ang kasunod nito? Si Jesus ay nagpatuloy pa:

6. Ano ang sinasabi ng Haring-Pastol sa mga tao sa kaniyang kanan?

6 “At saka sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanan, ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at binigyan ninyo ako ng makakain; ako’y nauhaw at binigyan ninyo ako ng maiinom. Ako’y tagaibang bayan at pinatuloy ninyo ako nang may kabaitan; hubad, at dinamtan ninyo ako. Ako’y nagkasakit at inyong inalagaan ako. Ako’y nabilanggo at dinalaw ninyo ako.’

7. Ano ang itatanong ng matuwid at tulad-tupang mga tao, at paano sasagot ang Hari?

7 “Saka naman sasagutin siya ng mga matuwid, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin, o nauhaw, at binigyan ka ng maiinom? Kailan ka namin nakitang isang tagaibang bayan at pinatuloy ka namin nang may kabaitan, o hubad, at pinaramtan ka namin? Kailan ka namin nakitang may sakit o nasa bilangguan at dinalaw ka?’ At tutugon sa kanila ang hari, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Nang gawin ninyo ito sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ginawa.’”

8. (a) Ang tulad-kambing na mga tao ay hindi kaagad kumilos upang gawin ang ano? (b) Kaya’t saan sila pinapupunta ng Hari, na iba sa pinuntahan ng matuwid at tulad-tupang mga tao?

8 “Ang mga kambing” ay hindi kaagad kumikilos pagkakita nila sa “tanda.” Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ginagawa ng uring “mga tupa.” Sa ganoo’y mababasa natin: “Kung magkagayo’y sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa-apoy na walang hanggan na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel. Sapagkat ako’y nagutom, ngunit hindi ninyo ako pinakain, at ako’y nauhaw, ngunit hindi ninyo ako pinainom. Ako’y naging tagaibang bayan, ngunit hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, ngunit hindi ninyo ako pinaramtan; may sakit at nasa bilangguan, ngunit hindi ninyo ako dinalaw.’ Kung magkagayo’y sila man ay sasagot, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom o nauuhaw o tagaibang bayan o hubad o may sakit o nasa bilangguan at hindi ka namin pinaglingkuran?’ At kaniyang sasagutin sila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung sa isa sa mga kaliit-liitang ito’y hindi ninyo ginawa iyon, hindi rin naman ninyo ginawa iyon sa akin.’ At ang mga ito ay tutungo sa walang hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.”

9. Maikagagalak mo na ano ang nagawa mo sa panahong ito ng katuparan ng talinghaga ni Jesus ng “mga tupa” at “mga kambing”?

9 Malamang na ikaw ay nakikibahagi sa katuparan ng makahulang ilustrasyon na ito. Napansin mo ba ang mabubuting bagay na binanggit ni Jesus? Ginawa mo na ba ang ganiyang mga bagay sa kaniyang “mga kapatid”? Magagalak ka kung ikaw ay kumilos bilang isang “tupa” ng pakikitungo sa kanila!

10. Paano ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng kaniyang “mga kapatid” at niyaong inilalarawan ng “mga tupa” at “mga kambing,” at ano ang batayan nito sa Bibliya?

10 Ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng kaniyang espirituwal na “mga kapatid” at niyaong mga taong tulad-tupa o tulad-kambing. Sa panahon ng katuparan ng talinghagang ito, ang kaniyang “mga kapatid” ay yaong mga tumutulad sa kaniya sa pamamagitan ng walang-pasubaling paglilingkod sa Diyos. Tulad ni Jesus, sila’y gumawa ng pangmadlang pagpapahayag nito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Gayundin, si Jehova, ang Ama ng Haring si Jesu-Kristo, ay naging kanilang makalangit na Ama nang sila’y iyanak sa pamamagitan ng Kaniyang banal na espiritu at sa ganoon sila’y nagiging espirituwal na “mga kapatid” ng kaniyang Anak. Kaya naman sila ay napapahanay para magmana ng makalangit na Kaharian kasama ng kanilang Nakatatandang Kapatid, si Jesu-Kristo, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16) Tungkol dito ay nasusulat may kinalaman sa kaniya: “Sapagkat ang nagpapaging banal at ang mga pinapaging banal ay pawang sa isa, na dahil dito’y hindi siya nahihiyang tawagin silang ‘mga kapatid,’ gaya ng sinasabi niya: ‘Ibabalita ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay aawitin ko ang kapurihan mo.’” (Hebreo 2:11, 12) Dito ang Awit 22:22 ay ikinakapit sa niluwalhating Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo.

11. Marami ba ngayon sa lupa ang espirituwal na “mga kapatid” ni Jesus, at sila’y bumubuo ng anong pangkat, o “kongregasyon”?

11 Mayroon pa sa lupa ngayong isang nalabi ng espirituwal na “mga kapatid” ng nagpupunong Haring si Jesu-Kristo. Bilang isang pangkat o uri, o “kongregasyon,” sila ang bumubuo ng “tapat at maingat na alipin” na inihula ni Jesus sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi niya: “Sino nga baga ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang sambahayan, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kaniyang hihirangin siya na mangasiwa sa lahat ng kaniyang pag-aari.”​—Mateo 24:45-47.

12. (a) Sapol noong 1919 ang uring “alipin” na ito ay napatanyag sa pagsasagawa ng ano? (b) Sa anong mga pag-aari inilagay na tagapangasiwa ang “alipin”? (c) Ang kumikilos ngayon na “alipin” ay bahagi ng ano?

12 Ang mga pangyayari sa kasaysayan ay sumasagot sa tanong ni Jesus tungkol sa kung sino nga ang “alipin” na ito. “Ang kongregasyon” na nagsisilbing “alipin” ay binubuo ng kaniyang bigay-Diyos na “mga kapatid” na naririto pa sa lupa. Sila rin ang uring ‘matatalinong dalaga.’ Sapol noong 1919 ang “alipin” na ito ang nakilala na naglilingkod at nagbibigay ng sariwang espirituwal na pagkain buhat sa Bibliya sa mga “magkakasambahay” ng sambahayan ng Panginoon, at ginagawa iyan sa panahong “tamang” tama para gawin iyon. Sa gayon, ang di-nakikitang Panginoon ang humirang sa maaasahang uring “alipin” na ito “upang mangasiwa sa lahat ng kaniyang pag-aari” na may kinalaman sa espirituwalidad. At lalo nang totoong-totoo ito may kaugnayan sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buong lupa, na pinaghaharian niya. Hanggang sa ngayon ang patotoong ito sa Kaharian ay sumusulong! “Ang tapat at maingat na alipin” sa kaniyang pagkilos ay isang tanyag na bahagi ng “tanda” na nagpapakita sa atin kung anong panahon na ito.

13. Magbuhat pa kailan natitipon na sa harap ng Hari ang “lahat ng bansa,” at kailan pinasimulan ng “alipin” na tipunin sa Kaniyang kanan ang “mga tupa”?

13 Ang mga kabilang sa uring “alipin” ang ginawan ng mabuti ng matuwid na “mga tupa.” Ang simbolikong mga tupa at mga kambing ay yaong mga tao sa lahat ng bansa na doo’y nagpapatotoo ang mga saksi tungkol sa Kaharian. Samakatuwid, gaya ng isinasagisag ng gayong mga tupa at mga kambing, “lahat ng bansa” ay tinipon sa harap ng Hari na nakaupo sa kaniyang makalangit na luklukan sapol nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914. Kasuwato ng inihulang pagtitipon, kapuna-puna ang taóng 1935. Ang Watch Tower Bible and Tract Society, na ginagamit ng uring “alipin,” noon ay nagkaroon ng 49 mga tanggapang sangay sa buong daigdig. Nang taon ding iyon ang pansin ng “alipin” ay idinirekta lalung-lalo na sa mga taong tulad-tupa sa lupa, upang tipunin sila sa kanan ng nagpupunong Haring si Jesu-Kristo. Sa gayon, yaong mga kinuha sa lahat ng bansa ay naging lalong malapit sa uring “alipin.”

14. Sa liwanag ng Juan 10:16, ano ang bagong pagkakilala sa matuwid at tulad-tupang mga tao, at ilang mga tanggapang sangay ng Watch Tower ang naglilingkod ngayon sa kanila?

14 Ang mga taong iyon na matuwid at tulad-tupa ay hindi na ngayon isang pangkalahatang uri lamang na tinatawag na “mga taong may mabubuting loob.” (Lucas 2:14, Douay Version) Ang pagkakilala sa kanila ngayon ay hindi na isang grupo ng di-organisadong mga taong may takot sa Diyos sa lahat ng bansa​—mga tupang nawaglit, wika nga. Sinabi ni Jesus na kaniyang titipunin ang “mga ibang tupa” at gagawin silang “isang kawan” kasama ng nalabi ng uring “alipin.” (Juan 10:16) Ang pagtitipon sa gayong “mga ibang tupa” magmula noon ay isang litaw na bahagi ng “tanda” na nagpapakilala na tayo’y nasa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” At upang mapaglingkuran sila ang Watch Tower Society ay mayroon na ngayong 95 mga tanggapang sangay.

Ginanti ang Napapanahong Pagkilos Pagkakita sa “Tanda”

15. Upang “manahin ang kaharian,” ano ang mga kahilingan sa “mga tupa”?

15 Sang-ayon sa talinghaga ni Jesus, ang matuwid na “mga tupa” ay kailangang makatugon sa mga kahilingan sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kailangang kilalanin nila ang espirituwal na “mga kapatid” ni Kristo na bumubuo ng uring “tapat at maingat na alipin.” “Ang mga tupa” ay kailangan ding gumawa ng mabubuting bagay sa uring “alipin,” kailangang dalawin nila ang mga ito pagka nakabilanggo sa piitan bagama’t sila’y walang kasalanan. Ito’y dapat gawin ng “mga tupa” upang tamasahin nila ang pagpapala ng makalangit na Ama at sila’y anyayahan ng Haring si Jesu-Kristo na “manahin ang kaharian na inihanda para [sa kanila] mula nang pagkatatag ng sanlibutan.”​—Mateo 25:34.

16. Sa pananalitang “manahin ninyo ang kaharian,” sa ano inaanyayahan ng Hari na pumasok ang “mga tupa,” na nangakaligtas sa anong “digmaan”?

16 Yamang ang “mga tupa” na ito ay hindi espirituwal na “mga kapatid” ng Hari, hindi niya inaanyayahan sila na umupo sa makalangit na mga trono at magharing kasama niya sa loob ng isang libong taon ng kaniyang paghahari. Sa pamamagitan ng kaniyang mga salitang “manahin ang kaharian,” kaniyang inaanyayahan sila na pumasok sa panahon na naghahari na ang Kaharian pagkatapos na kaniyang malipol ang lahat ng balakyot na mga kaharian ng sanlibutang ito sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har-Magedon. (Apocalipsis 16:13-16) Marami sa mga taong tulad-tupa na nabubuhay ngayon ang makakaligtas sa digmaang iyan ng lahat ng mga digmaan at papasok sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo nang hindi sila namamatay.

17. Paano nagsasalita sa “mga tupa” ang Hari, at paano niya nakamit ang isang bagay na maipamamana niya sa kanila?

17 Kaya’t ang Haring si Jesu-Kristo ay nagsasalita sa “mga tupa” na ito na gaya ng kaniyang mga anak na ang panahon ay dumating na upang tanggapin ang pamana niya sa kanila. Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan bilang isang sakdal na tao ay naglaan siya ng haing pantubos para sa buong sangkatauhan, tinalikuran niya ang lahat ng pag-asang magtamasa ng buhay sa makalupang Paraiso. (Lucas 23:39-43) Sa bagay na ito si Jesus, “ang huling Adan,” ay di-tulad ng “unang taong si Adan” na nagkasala at iniwala ang makalupang Paraiso para sa lahat ng kaniyang supling. Sa gayon ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, na naging ang “Walang-hanggang Ama” ng buong natubos na sanlibutan ng sangkatauhan, ay mayroong isang bagay na maipamamana sa mga taong tulad-tupa dito sa lupa. (1 Corinto 15:45; Isaias 9:6, 7) Ang sambahayan ng tao ay napatatag sa “unang taong si Adan,” taglay ang lahat ng kaniyang mga pag-asa at pagkakataon sa Paraiso. Subalit ang nawalang Paraisong iyon ay isasauli sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ng “huling Adan,” si Jesu-Kristo.

18. Sa anong pangangahulugan ang lupaing sakop ng Kaharian ay “inihanda para sa [mga tupa] mula nang pagkatatag ng sanlibutan”?

18 Pagkatapos lamang na sila’y mapalabas na sa unang Paraiso saka nagsimulang nagkaroon ng mga anak sina Adan at Eva. Ang kanilang ikalawang anak, ang matuwid na si Abel, ay pinaslang ng kanilang panganay na anak, si Cain. Kaya’t ang kanilang anak na si Seth ay itinuturing na humalili kay Abel. Nang ipanganak ang gayong supling, napatatag ang sanlibutan ng sangkatauhan. Subalit bago nito, nang ang mga magulang ng sanlibutan ng sangkatauhan ay palabasin sa Paraiso, ang Diyos na Jehova ay nangako ng isang “binhi” na dudurog sa ulo ng simbolikong Ahas, si Satanas na Diyablo. Ang “binhi” na iyon ay isang maharlikang Binhi, at may kinalaman ito sa isang Kaharian, ayon sa layunin at pangitain ng Diyos. (Genesis 3:15) Pagka si Satanas na Ahas at ang kaniyang mga binhi ay nailigpit na, kung gayon, ang mga natubos sa sangkatauhan ay papasok sa isang lupaing nasasakop ng Kaharian, sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ng nagtagumpay na Binhi na dumudurog sa Ahas at sa kaniyang binhi. Sa ganitong paraan “ang kaharian” na ‘minamana’ ng mga taong tulad-tupa buhat sa kanilang Walang-hanggang Ama, si Jesu-Kristo, ay ang lupaing sakop ng Kaharian na “inihanda para [sa kanila] mula nang pagkatatag ng sanlibutan.”

19. Magkakaroon ng anong uri ng pasimula ang sistema ng mga bagay sa lupa pagkatapos ng Armagedon?

19 Pagkatapos na ang simbolikong mga kambing ay malipol sa Armagedon, ang nakaligtas na “mga tupa” ay magpapasimula pagkatapos ng Armagedon ng isang matuwid na sistema ng mga bagay sa isang lupang Paraiso. Tungkol dito, sinabi ni Jesus: “Ang mga ito [mga taong tulad-kambing] ay tutungo sa walang hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.”​—Mateo 25:46.

20. Paano natin maiiwasan na bigyan ng maling pagpapakahulugan ang mga bahagi ng “tanda”?

20 Sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” sapol nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914, ang “mga tupa” at ang “mga kambing” ay nagkakaiba sa paraan ng pagpapakahulugan nila sa “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus. Yamang tayo ay tiyakang nasa panahon na nga ng paghuhukom, mahalaga ang tanong na ito: Ano ba ang kahulugan sa atin ng “tanda”? Kung sa ganang sarili lamang natin, baka bigyan natin ng maling pagpapakahulugan ang mga bahagi ng “tanda” na iyan. Kaya’t makabubuting itanong natin: Ano ba ang sinasabi ni Jesu-Kristo na dapat ipakilala sa atin ng maraming-bahaging “tanda” na ito? Sang-ayon sa kaniya, dapat nangangahulugan ito na ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay matatapos di na magtatagal at magwawakas sa “malaking kapighatian” na pupuksa sa higit na marami kaysa napuksa sa pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe.​—Mateo 24:21.

21. (a) Bagaman ang “malaking kapighatian” ay malapit na, bakit tayo dapat magalak? (b) Anong pagkakataon at posibilidad ang nakaharap sa uring “mga tupa” sa ngayon?

21 Gayunman, mangagalak kayo, sapagkat ang “tanda” na ito ay nangangahulugan din na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo ay malapit na, handa na itong magsimula pagkatapos na mapuksa ang sistema ng mga bagay sa lupa ni Satanas. (Lucas 21:28) Samakatuwid, sa ilalim ng proteksiyon ng Diyos mayroon ka ng walang katulad na pagkakataong makaligtas sa “malaking kapighatian” na iyon dito mismo sa lupa tungo sa bagong sistema ng mga bagay, na tatahanan ng katuwiran. Oo, nakaharap sa iyo ang posibilidad na ikaw ay hindi na mamatay kailanman kundi mabuhay magpakailanman at magtamasa ng kaligayahan sa isang lupang paraiso sa ilalim ng pansansinukob na kapamahalaan ng Diyos na Jehova!

22. (a) Kung tayo’y wastong kikilos kaagad pagkakita natin sa “tanda,” ano ang gagawin natin? (b) May kaugnayan sa “tanda,” papaano maipagbabangong-puri si Jesu-Kristo?

22 Tayo man ay kabilang sa espirituwal na “mga kapatid” ni Kristo o sa matuwid na “mga tupa,” wastong kumilos tayo kaagad pagkakita natin ng “tanda.” Magkaroon tayo ng malaking bahagi sa katuparan ng utos na ito: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” At kung magkagayon wala tayong dapat ikatakot pagka “ang wakas” ay dumating. Sa halip, ang kagalakan natin ay mag-uumapaw! At, si Jesu-Kristo ay maipagbabangong-puri sa kaniyang mapanghahawakang paghula tungkol sa maraming-bahaging “tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 24:3–25:46.

Masasagot Mo Ba?

◻ Kailan pagbubukdin-bukdin ang mga tao gaya ng mga tupa at mga kambing?

◻ Magagalak ka sa paggawa ng ano sa panahon ng katuparan ng talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing?

◻ Sino ang “mga kapatid” ng Hari at “ang tapat at maingat na alipin”?

◻ Upang “manahin ang kaharian,” anong mga kahilingan sa mga tulad-tupa ang kailangang matugunan?

◻ Ano ang gagawin natin kung tayo ay wastong kikilos kaagad pagkakita natin sa “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus?

[Blurb sa pahina 23]

Kumilos kaagad pagkakita sa “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus. Buhay na walang hanggan sa Paraiso ang dulot nito

[Larawan sa pahina 20]

Tulad ng pastol na nagbubukud-bukod ng mga tupa sa mga kambing, ganiyan pinagbubukud-bukod ni Jesu-Kristo ang mga tao ngayon. Ikaw ba’y tulad-tupa?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share