Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/1 p. 29-30
  • Desididong Magkatipong Sama-sama

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Desididong Magkatipong Sama-sama
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Programa Para sa Araw ng Pantanging Asamblea sa 2010
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/1 p. 29-30

Desididong Magkatipong Sama-sama

“ANG pinakamalakas na ulan sa 80 taon ay pumatay ng 28,” ganiyan ang mga paulong-balita kinabukasan. Sa loob lamang ng anim na oras, mula alas-2 n.u. hanggang alas-8 n.u., lahat-lahat ay mga 10 pulgada (25 cm) ang naiulan sa Taiwan sa gawing norte. Ang apektadong mabuti ay ang Taipei City. Sa loob ng mga ilang oras lamang na iyan, ang naiulan ay yaong dating iniulan sa loob ng isang buwan, kaya naman ang tubig ay tumaas nang hanggang 13 talampakan (4 m) sa mga ibang lugar. Subalit ang gawing norte ng Taiwan ang siyang lugar na panggagalingan ng mga Saksi ni Jehova na magtitipon nang araw na iyon, at ang Taipei ang lunsod na pagdarausan ng kanilang asamblea! Sila kaya ay makapagtitipon pa rin nang ikalawang araw na ito ng kanilang asambleang pansirkito?

Nang kami’y magising nang araw na iyon, Hunyo 3, 1984, kaming mag-asawa ay walang kamalay-malay na malakas pala ang bagyong iyon. Karaniwan na ang gayong kalakas na pag-ulan kung panahon ng tag-ulan, at hindi namin gaanong pansin iyon. Subalit, napansin namin ang unti-unting pagtahimik. Ang mga bus na nagbibiyahe sa siyudad, na karaniwang humihinto tuwing ilang minuto sa harap ng tinitirhan naming apartment, ay hindi na tumatakbo. At noong alas-7:30 n.u., ay naputol na ang koryente, kaya’t napag-unawa namin na ito’y hindi isang karaniwang pag-ulan. Ganiyan na lamang ang aming pagkabahala dahilan sa asamblea na nakatakdang magsimula sa alas-9:55 n.u., kaya tinawagan ko ang isang nangangasiwa ng programa sa asamblea upang tiyakin na mayroong mga amplipayer na de-baterya at mga plaslait sakaling mawala ang koryente sa panahon ng programa.

Halos kasabay nito, nakabalita na kami sa aming mga kapitbahay at mga kaibigan tungkol sa malubhang baha sa aming siyudad. Disidido kaming makarating sa asamblea nang nasa oras para sa sesyon sa umaga, kaya lumisan kami ng mga alas-8 n.u. sakay ng aming motorsiklo na sa karaniwan ay gugugol lamang ng 20-minuto na pagbibiyahe patungo sa Assembly Hall. Sa sandaling umalis kami buhat sa aming kalye, natalos namin na magkakaroon ng mga problema sa pagbibiyahe. Ang apat na iba’t ibang daan na sinubok namin ay hindi madaanan pagdating na namin sa mas mababang lugar. Noong mga nakaraan ay tumatawid kami sa taas ng tubig na 12-16 pulgada (30-40 cm) samantalang dumadalaw sa mga kongregasyon kung panahon ng tag-ulan. Subalit ngayon, kahit ang mga bus at mga trak ay sumasadsad at hindi makaandar sa tubig na hanggang baywang. Kaya’t ibinalik na uli namin sa bahay ang motorsiklo at kami’y naglakad na lamang. Disidido pa rin kaming makipag-asamblea sa aming espirituwal na mga kapatid nang araw na iyon.

Mahirap din pala na maglakad. Bagama’t huminto na ang ulan, patuloy na tumaas ang tubig. Maruming tubig ang lumabas na parang mga bukal sa mga imburnal at sa mga alulod habang kami’y palapit sa Ching Mei River, sapagkat ang tubig na nasa mga pilapil ay mas mataas na kaysa palibot na lugar. Kami’y magkakapit na tumawid sa mabilis na agos​—nagpapakaingat sa aming bawat hakbang sapagkat baka kami mahulog sa anumang hukay. Nang kami’y nasa dulo na ng tulay saka namin lubusang nakita ang kalubhaan ng kalagayang iyon. Ang dati-rati’y isang munting ilog na pagka tag-araw ay pinagtatamnan ng mga gulay at pinag-aalagaan ng mga baboy, mga 49 piye (15 m) sa ibaba ng tulay, ay isa na ngayong pagkabilis-bilis na agos at ang taas ng tubig ay lampas sa mga pilapil​—at mga 3 piye (1 m) lamang ang taas sa tulay!

Ang baha sa kabilang ibayo ng tulay ay lalong grabe. Subalit ayon sa mga ilang taong nakatawid ang mga kalagayan daw sa kalye sa ibaba ay hindi naman kasinsama at ang mga bus at mga taksi ay nagbibiyahe sa mga kalye roon. Kaya’t kami’y nagsimula na para pumaroon sa lugar na iyon. Mentras kami’y lumalayo, animo’y lalong lumalakas ang agos. Ang aking maybahay, na mas pandak kaysa akin, ay kailangang humawak nang mahigpit sa akin upang huwag mabaligtad. Kami’y dumating sa isang lugar na parang hindi madaraanan. Buhat sa isang iskinita, natanaw namin ang malakas na pag-agos ng tubig. Mabuti naman at may dalawang lubid na ginagamit sa lugar na ito, kaya’t kinapitan namin upang kami ay makatawid. At habang kami ay paakyat sa mas mataas na lugar ang tubig naman ay umuurong at sa wakas ay huminto kami, inalisan namin ng tubig ang aming mga bota at sa gayo’y gumaang ang dala ng aming mga paa.

Nang kami’y dumating sa unang kalye na walang baha, isa pang problema ang napaharap sa amin ngayong papunta na kami sa Assembly Hall: Ang mga ilang bus na tumatakbo ay totoong siksikan at karamihan ng taksi ay ayaw nang magsakay. Subalit sa wakas ang isa, na may pasahero na ay huminto para isakay kami. Pagkaraan ng maraming pagliku-liko narating namin ang Assembly Hall nang halos mag-aalas-10 n.u.

Tuwang-tuwa kami nang makita naming karamihan ng mga Saksi ay naroroon na at naghihintay na magsimula ang asamblea. Lahat ay nahirapan nang pagpunta roon, lumusong sa tubig yamang ang mga bus at mga motorsiklo​—na karaniwang ginagamit ng karamihan​—ay hindi makapagbiyahe patungo roon. Anong laki ng aming tuwa nang makita namin ang pagpapahalaga nila sa programa ng asamblea! Mayroon lamang 417 mga Saksi sa lugar na ito, subalit maraming interesado ang nagsakripisyo rin na tumawid sa baha upang makipagtipon na kasama nila at makinabang sa espirituwal na mga katotohanan ng Bibliya. Ang dumalo na 629 sa sesyong pang-umaga ay umabot sa 764 sa tampok na pahayag noong hapon! Mahigit na 30 katao ang namatay nang sila’y malunod sa makapal na putik sa mga bahang iyon sa Taiwan sa gawing norte, subalit walang isa man sa mga nakipagtipon sa asamblea ang napinsala. Salamat sa Diyos na Jehova sa kaniyang proteksiyon, kanilang pinakinabangan ang mahusay na palatuntunan.

Oo, kami’y nagtitiwala na iningatan ni Jehova ang lahat sa amin dahil sa aming determinasyon na makadalo sa asamblea​—hindi namin gaanong ikinabahala ang kaligtasan ng aming mga tahanan at ang mga ari-ariang naroon. At totoo naman, walang sinumang dumalo ang dumanas ng anumang malubhang pagkapinsala. Kundi lahat kami ay nakinabang dahilan sa kasiya-siyang pakikisama sa aming mga kapuwa Kristiyano at sa nakapagpapatibay na palatuntunan. Pinatunayan nito sa amin na bagama’t ang madali’y huwag nang dumalo sa mga pulong o asambleang Kristiyano pagka mayroong ilang kahirapan, yaong mga nagsisikap nang buong kaya na makadalo ay ginaganti nang sagana.​—Isinulat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share