Programa Para sa Araw ng Pantanging Asamblea sa 2010
1. (a) Ano ang mga maka-Kasulatang tema ng mga nakaraang araw ng pantanging asamblea? (b) May natatandaan ka bang punto mula sa mga nakaraang pantanging asamblea na nakatulong sa iyo sa ministeryo?
1 “Tiyakin ang mga Bagay na Higit na Mahalaga,” “Nakatayong Matatag Bilang Isang Kawan,” “Patuloy na Magpatotoo sa Katotohanan,” at “Tayo ang Luwad—Si Jehova ang Ating Magpapalayok.” (Fil. 1:9, 10, 27; Juan 18:37; Isa. 64:8) Ilan lamang ito sa mga tema ng nakaraan nating mga pantanging asamblea. Inaabangan mo na ba ang pantanging asamblea para sa 2010? Ito ay may temang: “Ang Panahong Natitira ay Maikli Na,” batay sa 1 Corinto 7:29.
2. Ano ang maaari nating gawin para panabikan ang pantanging asamblea?
2 Kapag ipinatalastas na sa kongregasyon ang petsa ng inyong pantanging asamblea, magplano na kaagad. Minamarkahan ng ilang magulang ang kalendaryo nila para panabikan ng kanilang mga anak ang pagdating ng araw ng asamblea. Inililista nila ang mga bagay na kailangan nilang dalhin at binibilang din kung ilang tulog na lang bago ang araw ng asamblea. Sa gabi ng Pampamilyang Pagsamba, puwede ninyong repasuhin ang inyong mga nota sa nakalipas na mga pantanging asamblea. Maihahanda rin ninyo ang inyong puso para sa okasyong ito sa pamamagitan ng pagrerepaso sa aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralan Ukol sa Ministeryo, pahina 13-16, para ikaw at ang iyong pamilya ay matulungang ‘magbigay-pansin kung paano kayo nakikinig.’—Luc. 8:18.
3. Paano tayo lubusang makikinabang sa mga mapapakinggan natin sa asamblea?
3 Ikapit ang Iyong Natutuhan: Pagkatapos ng asamblea, karaniwan nang sinasabi, “Ang ganda ng programa!” Totoo iyan, kasi isang mayamang paglalaan ito ni Jehova. (Kaw. 10:22) Para magbunga ang mga napakinggan sa programa, kailangang bulay-bulayin at tandaan ang mga ito. (Luc. 8:15) Sa pag-uwi galing sa asamblea, magandang pag-usapan ng pamilya o ng magkakasama sa sasakyan ang mga napakinggan sa programa. Puwede ninyong pag-usapan ang inyong mga tunguhin at mga puntong makakatulong sa inyo sa ministeryo. Sa ganitong paraan, higit kayong makikinabang sa mga napakinggan ninyo sa asamblea kahit matagal na itong natapos.—Sant. 1:25.
4. Bakit natin pinananabikan ang darating na pantanging asamblea?
4 Ang sarap ng pakiramdam kapag nakatanggap tayo ng regalo na talagang mapapakinabangan natin. Hindi ba’t sabik na tayong malaman kung ano ang inihanda ni Jehova para sa atin sa susunod na pantanging asamblea? Siguradong malaking tulong ito sa atin. Makakaasa tayong ibibigay ng ating makalangit na Ama, si Jehova, ang mismong regalong kailangan natin—pampatibay-loob at pagsasanay para magampanan ang gawaing iniatas niya sa atin.—2 Tim. 4:2; Sant. 1:17.