“Pagkain sa Tamang Panahon”
1. Paano nakatulong sa iyo at sa iba pa ang programa ng araw ng pantanging asamblea?
1 Pagkatapos dumalo sa araw ng pantanging asamblea, kadalasang sinasabi natin, “Ito ang talagang kailangan natin!” Iniulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito na pagkatapos ng asamblea, ipinahayag ng ilan sa kaniyang sirkito ang kanilang pagnanais na maging mas masigasig sa ministeryo. Sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, “Natutulungan tayong malaman kung saan na tayo sa agos ng panahon habang pinag-iisipan natin ang mga pagpipilian sa buhay.” Sabi naman ng isa pa, “Ang ilang mamamahayag ay nagsasabing panggising ito sa kanila upang tiyaking nakapokus sila sa pinakamahalagang bagay, ang ministeryo.” Paano ka natulungan ng araw ng pantanging asamblea?
2. Ano ang tatalakayin sa programa ng araw ng pantanging asamblea?
2 Ang programa para sa taóng ito ay talagang kailangan din natin. Ang tema ay “Manganlong kay Jehova,” batay sa Awit 118:8, 9. Narito ang ilang paksang tatalakayin: “Kung Paanong si Jehova ay Isang Tanggulan sa Panahon ng Kabagabagan,” “Tulungan ang Iba na Manganlong sa Ilalim ng mga Pakpak ni Jehova,” “Tularan si Jehova sa Paglalaan ng Kanlungan,” “Mga Kabataan, Magtiwala kay Jehova!” at “Ang Ating Espirituwal na Paraiso—Kanlungang Inilaan ni Jehova.”
3. Paano tayo lubusang makikinabang sa pagdalo?
3 Upang Makinabang: Kapag naipatalastas na ang petsa, gumawa ng tiyak na plano upang makadalo, at imbitahan ang iyong mga estudyante sa Bibliya na sumama. Upang ‘magbunga nang may pagbabata,’ dapat nating tandaan ang ating napakinggan. (Luc. 8:15) Kaya makinig nang mabuti sa programa, at kumuha ng maiikling nota ng mahahalagang punto pati na ang mga tagubilin na plano mong ikapit sa iyong buhay at ministeryo. Pagkatapos ng asamblea, talakayin ng pamilya ang programa, at pag-usapan ang espesipikong paraan kung paano maikakapit ng bawat isa ang impormasyong napakinggan.
4. Bakit dapat nating panabikan ang susunod na araw ng pantanging asamblea?
4 Tulad ng isang masarap at masustansiyang pagkain, ang araw ng pantanging asamblea sa taóng ito ay inihanda nang may pag-ibig at patiunang pagpaplano. Nawa’y pagpalain ni Jehova ang inyong pagsisikap na dumalo at makinabang sa ganitong “pagkain sa tamang panahon” na magpapalusog sa espirituwalidad ng mga ministrong Kristiyano.—Mat. 24:45.