Ang Salita ng Diyos ay May Lakas
1. Ano ang tema ng ating araw ng pantanging asamblea para sa 2014?
1 Ibang-iba ang Bibliya kumpara sa anumang bagay na gawa ng di-sakdal na mga tao. May kapangyarihan ito na baguhin tayo at iayon ang ating mga kaisipan at pagkilos sa kalooban ni Jehova. Gaano nga ba kalakas ang Salita ng Diyos? Paano natin lubusang magagamit ang kapangyarihan nito sa ating buhay? Paano natin ito mas mabisang magagamit para tulungan ang iba? Tiyak na mapatitibay ang ating pananampalataya habang tinatalakay ang mga puntong ito sa programa ng araw ng pantanging asamblea para sa taóng 2014. May tema itong “Ang Salita ng Diyos ay May Lakas,” batay sa Hebreo 4:12.
2. Anong mga tanong ang aabangan nating masagot?
2 Abangan ang Sagot sa mga Tanong na Ito: Habang nakikinig sa programa, isulat sa iyong nota ang sagot sa mga tanong sa ibaba.
• Bakit tayo dapat magtiwala sa salita ni Jehova? (Awit 29:4)
• Paano natin mararanasan ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa ating buhay? (Awit 34:8)
• Paano mo magagamit ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa iyong ministeryo? (2 Tim. 3:16, 17)
• Paano natin maiiwasang mabiktima ng mapanlinlang na kapangyarihan ng sanlibutan ni Satanas? (1 Juan 5:19)
• Bilang kabataan, paano kayo magiging isang matagumpay na lingkod ng Diyos? (Jer. 17:7)
• Paano tayo magiging malakas kahit na mahina tayo? (2 Cor. 12:10)
• Ano ang susi sa patuloy na pagbabago, kahit na mayroon tayong di-maalis-alis na negatibong mga saloobin at nakagawian? (Efe. 4:23)
3. Bukod sa programa, paano pa tayo makikinabang sa araw ng pantanging asamblea?
3 Talagang makikinabang tayo nang husto sa mahahalagang impormasyong ito! Bukod diyan, ang araw ng pantanging asamblea, gaya rin ng pansirkitong asamblea at pandistritong kombensiyon, ay magbibigay sa atin ng oportunidad na magpalawak at masiyahan sa pakikipagsamahan sa mga kapatid mula sa ibang mga kongregasyon. (Awit 133:1-3; 2 Cor. 6:11-13) Kaya maglaan ng panahon sa pakikipagsamahan sa mga dati nang kaibigan, at makipagkaibigan din sa iba. Kung may dumadalaw na tagapagsalita sa inyong asamblea, gaya ng tagapangasiwa ng distrito o Bethelite, bakit hindi samantalahin ang pagkakataong ito para malugod siyang tanggapin at ang kaniyang asawa? Tunay ngang marami tayong dahilan para manabik sa ating araw ng pantanging asamblea!