Bagong Kaayusan sa Pagrerepaso ng mga Programa sa Asamblea
Habang patuloy na sumasamâ ang sanlibutan ni Satanas, pinatitibay tayo ni Jehova na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:12) Kabilang sa mga kaayusan na ginagawa niya sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” ay ang mga programa ng taunang pansirkitong asamblea at araw ng pantanging asamblea. (Mat. 24:45) Talaga ngang nakapagpapatibay ang espirituwal na mga pagtitipong ito!
Upang tulungan tayong matandaan at maikapit ang tagubiling ibinigay, isang bagong kaayusan sa pagrerepaso ng mga programa sa asamblea ang gagamitin sa 2005 taon ng paglilingkod. Ang pahina 5-6 ng insert na ito ay may mga artikulong naglalaan ng pahapyaw na pagtalakay kung ano ang ihaharap sa mga programa at ng mga tanong para sa repaso sa bawat programa ng asamblea. Tatalakayin ng mga kongregasyon ang impormasyong ito sa Pulong sa Paglilingkod mga ilang linggo lamang bago at pagkatapos dumalo sa kanilang asamblea. Paano ito isasaayos?
Isa o dalawang linggo bago dumalo ang kongregasyon sa pansirkitong asamblea, isang sampung-minutong pahayag salig sa artikulong “Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea” ang ihaharap sa Pulong sa Paglilingkod upang pukawin ang pananabik sa programa. Itatawag-pansin din ng tagapagsalita ang mga tanong sa repaso at pasisiglahin ang lahat na kumuha ng nota bilang paghahanda sa repaso na gaganapin ilang linggo pagkatapos ng asamblea.
Mga ilang linggo pagkatapos ng asamblea, isang 15-minutong repaso ng unang araw ng programa ng asamblea ang ilalakip sa Pulong sa Paglilingkod. Sa susunod na linggo, 15 minuto ang ilalaan sa pagrerepaso sa ikalawang araw ng programa. Ang mga tanong para sa repaso na nasa insert na ito ang magsisilbing saligan ng mga talakayang iyon. Ang repaso ay dapat magtuon ng pansin sa praktikal na kahalagahan ng impormasyon. Maaaring isaayos ng mga elder na paikliin, alisin, o ilipat ng iskedyul ang ibang mga bahagi sa Pulong sa Paglilingkod upang bigyang-daan ang mga sesyong ito ng pagrerepaso.
Ganito ring kaayusan ang susundin may kinalaman sa programa ng araw ng pantanging asamblea, ngunit isang 15-minutong bahagi lamang ang gugugulin upang repasuhin ang buong programa. Nanaisin nating lahat na ingatan at gamitin ang insert na ito upang makinabang nang lubusan sa mainam na tagubiling ibinibigay ni Jehova.—Isa. 48:17, 18.