Maaari Bang “Makakita” ang Isang Taong Bulag?
Ibinida ni Bernardo de Santana
“SAYANG, Bernardo,” ang sabi ni Germiro. “Dati’y kasa-kasama ka namin sa trabaho; noon ay nakakakita ka pa, pero ngayon . . . ganiyan lang ang buhay. Kalooban ng Diyos ang magkaganiyan ka, di ba?”
“Tama iyan, Germiro,” ang sagot ko naman. “Kalooban ng Diyos, kaya’t wala tayong magagawa.”
Talagang ang paniwala ko noon ay kalooban ng Diyos na ako’y mabulag, subalit sa aking puso ay may mga tanong na hindi pa nasasagot. Narito ako—32 anyos, binata, isang saradong Katoliko, at di-matatag ang pamumuhay. Tinanong ko sa aking sarili: ‘Bakit nga “niloob” ng Diyos na ako’y mabulag? Paano ko mapaglilingkuran ang aking mga magulang?’ Nang unang mapansin kong pumapanaw ang aking paningin, nagdasal ako nang buong taimtim kay Santa Luzia, ang “santa” ng paningin, lumuhod ako sa harap ng kaniyang imahen sa ospital na may ganiyang pangalan. ‘Bakit niya ako hindi pinakinggan sa aking dalangin?’ ang tanong ko sa aking sarili.
Dati ang hanapbuhay ko ay pagtitinda ng mga gulay sa tinatawag na Palengke na Pitong Pintuan sa Salvador, Brazil. Hindi malaki ang kita, pero sigurado naman. Nang ako’y sampung taon pa lamang ay nagtatrabaho na ako sa isang taniman sa Sergipe State. Kaya’t nang kami’y lumipat sa Salvador natural lamang na ang maging hanapbuhay ko ay pagtitinda ng mga gulay.
Isang araw napansin ko na ang aking paningin ay pumapanaw. Isang espesyalista ang tumingin sa akin at natuklasan na ako’y may mga katarata. Subalit umaasa siya noon na sa pamamagitan ng operasyon ay maibabalik ang paningin ko. Inopera ang aking kanang mata noong 1960 at bumuti nang kaunti ang aking paningin, ngunit ang ikalawang operasyon sa kaliwang mata, makalipas ang apat na taon, ay hindi naging matagumpay. Mula na noon panahon lamang ang kinailangan hanggang sa tuluyang mabulag na nga ako. Bagama’t alam ko na sa dakong huli ay mabubulag na nga akong tuluyan, masaklap na ipahayag ang nadarama ko nang ako’y tuluyang mabulag na.
Patuloy na nagtrabaho ako sa palengke subalit may ilang mga kaayusan. Bago ako pumunta sa trabaho, pinagbubukud-bukod na ng pamilya ko ang pera, ayon sa halaga, at inilalagay sa bukud-bukod na bulsa ko. Kaya naman ako ay nakapagsusukli. Subalit kinakailangan na ako’y palaging alisto para hindi ako magkamali. Ang aking mga kamanggagawa ay madamayin naman, at ang kanilang ipinakita sa aking kabaitan ang tumulong upang huwag akong masiraan ng loob. Subalit dahilan sa mga ilang bukang-bibig nila, tulad ng binanggit na si Germiro sa may pasimula ng paglalahad na ito, ang gayon ay pumukaw lamang ng mga tanong sa aking isip.
“Nakakita” Ako
Sa yugtong ito ng aking buhay isa sa aking mga kakilala, isang Saksi ni Jehova na nagngangalang Clovis, ang nagbalita sa akin tungkol sa mga pangakong nakasulat sa Bibliya. Sinabi niya sa akin na ang Diyos ay gagawa ng isang Bagong Kaayusan na doo’y makakakita na ang bulag at makakarinig muli ang bingi. (Isaias 35:5) Nagalak ako sa ganoong narinig ko. Sabik akong matuto pa nang higit, kaya palagi ko siyang kinakausap at tinatanong. Nang mapansin niyang ako’y interesado, ang tanong niya sa akin: “Bernardo, ano kaya kung pumunta ako sa inyong tahanan isang hapon para higit nating mapag-usapan ang Bibliya?” Kaya naman sabik na sumang-ayon ako. Ito ang pasimula ng aming lingguhang mga pag-uusap tungkol sa Bibliya.
Bagama’t ako’y may kapansanan, sabik akong matuto. Sa matiyagang pagtulong sa akin ni Clovis, hindi lamang napag-alaman ko ang pangalan ng Diyos—Jehova—kundi napag-alaman ko rin Kaniyang mga ginawang kababalaghan noong nakaraan. Ang mga ito ay garantiya na ang Kaniyang mga pangako na tungkol sa isang matuwid na lupang Paraiso ay matutupad. At kung magkagayon ang mga depekto ng katawan, tulad ng sa akin, ay mawawala na. Hindi nagtagal at ako ay nagbabalita na sa iba tungkol sa aking bagong pag-asa, at nangangaral na rin ako sa bahay-bahay. Sa wakas, noong Nobyembre 18, 1973, ako’y nabautismuhan. At lalung-lalo na noon nagkaroon ng isang tunay na layunin ang buhay ko, at naging madali sa akin na dalahin ang aking kapansanan.
Sa aking pag-aaral ng Bibliya natalos ko na hindi kalooban ng Diyos na ako’y mabulag. Kundi iyon ay katuparan lamang ng sinasabi ng Bibliya sa Eclesiastes 9:11: “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” Tulad ng lahat ng tao, ako’y anak ng di-sakdal na mga magulang na nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan sa ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. (Roma 5:12) Sa halip na maniwalang kalooban ng Diyos na ako’y mabulag, napag-alaman ko na ang kaniyang kalooban ay na ako’y makakita uli. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Anak ng Diyos at salig sa kaniyang haing pantubos, lahat ng di-kasakdalan at mga depekto ay aalisin sa sumasampalatayang sangkatauhan, at ito’y malapit na malapit na. Nagsimula akong “makakita” ng napakaraming bagay na hindi ko nakita noon nang ako’y nakakakita pa.
Ang mga panalangin ko ngayon ay kay Jehova ko na ipinahahatid imbis na kay Santa Luzia at iba pang “mga santo.” Imbis na manalangin akong pagalingin ako sa makahimalang paraan ngayon, nanalangin ako na ang ‘Kaniyang kalooban ang maganap, kung paano sa langit gayon din sa lupa.’ Kasali sa aking panalangin ang sana balang araw makatagpo ako ng isang “katulong” at “kapupunan,” isang asawa na maaari kong makahati sa aking mga kagalakan at mga kalungkutan.
Isang araw samantalang nag-aalok ako ng mga babasahín tungkol sa Bibliya sa mga tao sa pamilihan ng Salvador, nakarinig ako ng isang tinig ng babae na nagsasabi: “Ako’y isa ring Saksi ni Jehova.” Huminto ako upang kausapin ang babaing ito. Siya pala ang may-ari ng isang maliit na tindahan. Ang tanong ko: “Ang asawa mo ba ay isa ring Saksi ni Jehova?” Ang sagot niya: “Wala akong asawa. Ako’y dalaga.” Ang pagkakataong iyon ang nagbukas ng daan upang kami’y maging magkaibigan at ito ay humantong sa pagliligawan, at noong Hunyo 14, 1975, kaming dalawa ni Ambrosina ay ikinasal. Magpahanggang sa araw na ito siya’y patuloy na isang mainam na katulong at kapupunan ko.—Genesis 2:18.
Naglilingkod Ako Bagaman May Kapansanan
Sapol nang ako’y bautismuhan, ang hangarin ko ay ibalita sa iba ang aking natutuhan buhat sa Bibliya. Ako’y natutuwa at hindi nakahadlang sa akin ang aking depektong ito. Kamangha-mangha nang matuklasan ko na bagaman ako’y bulag ay matalas naman ang aking pandinig at ang aking pakiramdam. Anong laking kagalakan ang aking nadama nang unang sumama ako ng pangangaral sa bahay-bahay na noo’y nag-iisa ako! Inisip ko noon na kung ako kaya ay makapag-uukol ng higit na panahon sa gawaing ito. Isang pahayag ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova ang tumulong na sagutin ang aking tanong. Siya’y sumipi ng mga pananalita ng mga taong may kapansanan na katulad ko rin, ang iba’y mas malubha kaysa sa akin ang depekto, na naging buong panahong mga mangangaral ng mabuting balita, tinatawag na mga payunir. Lumakas ang aking loob kaya sinulatan ko ang isang aplikasyon upang ako ay tanggapin bilang isang auxiliary payunir.
Dahilan sa ako’y bulag nga, nagkaroon ako ng mga ilang problema sa pagpapayunir, subalit sa tulong ng mapagmahal na mga kapatid sa kongregasyon, nalutas na lahat ito. Halimbawa, kung mga araw na umuulan ay kailangan ko ang tatlong kamay. Sa aking isang kamay ay dala ko ang aking portpolyo at sa kabilang kamay naman ay ang aking baston. Subalit ang payong? Anong laki ng aking pagpapasalamat at mayroong “ikatlong kamay” na ito’y yaong aking mga kapatid na Kristiyano na kasama ko sa ministeryo! Ngayon may mga kahirapan nga sa paggawa ng mga teritoryo na kung saan hindi ko alam ang mga kalye, subalit nariyan na naman ang mababait na mga kapatid na tumulong sa akin.
Papaano ako nakakagawa sa teritoryong pinangangaralan ko? Pangkaraniwan, wala akong problema, yamang kumuha ako ng isang pantanging kurso na tumutulong sa bulag na makalakad sa palibot. Natutuhan ko kung papaano gagamitin ang aking baston, pati aking pandinig at sintido na pandama, kung paano aakyat at bababa sa mga bus, at aakyat at bababa sa hagdan. Ang kursong ito ang tumutulong sa akin na matutuhan ang maraming maliliit na bagay na ipinagwalang-bahala ko lang noong una. Aking isinasaulo ang mga pangalan ng mga kalye at pagkatapos ay binibilang ko samantalang tinatawid namin ang mga kalyeng ito. Natutuhan ko rin na itala sa aking isip ang numero ng bawat bahay sa kalyeng aming dinadaanan, at sa ganitong paraan ako ay nakagagawa ng mga pagdalaw-muli sa mga taong interesado sa pag-aaral sa Bibliya. Gayundin, bagama’t kami’y naninirahan sa layong mga dalawa at kalahating kilometro (1.5 mi) buhat sa Kingdom Hall, wala akong problema sa pagpunta roon nang nag-iisa.
Kaya naman isang dumadalaw na tagapangasiwa ang nagsabi ng ganito: “Pagka ako’y dumadalaw sa kongregasyon talagang hanga ako pagka ang kasama ko’y si Bernardo. Alam na alam niya ang mga kalye at maging ang mga bahay, siya’y nakakaakyat sa mga hagdan at akyat at pababa sa mga burol. Nagtataka ako kung paano niya nakakabisado ang mga tahanan ng mga taong pinagdarausan niya ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kami’y nagpunta sa isang pag-aaral niya sa ikaapat na palapag ng isang apartment, at sinamahan niya kami roon nang walang kahirap-hirap.”
Ang Paghahanda at Pagpapagal ay Ginanti
Nangangailangan ng pantanging paghahanda ang aking paglilingkod sa bahay-bahay. Patiunang isinasaulo ko ang mga teksto sa Bibliya na aking gagamitin, pati na ang mga pahina sa Bibliya kung saan matatagpuan ang mga ito. Pagka ako’y nasa bahay na ay hinihiling ko sa maybahay na basahin niya ang mga teksto, pagkatapos na sabihin ko sa kaniya kung ano ang numero ng pahina, subalit kung ang maybahay ay ayaw na bumasa, ang ginagawa ko ay sinisipi ko na lamang ang mga tekstong nasasaulo ko.
Pagka ako’y nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, hinihimok ko ang taong interesado na maghandang mainam. Pagkatapos, ipinababasa ko sa kaniya ang tanong para marinig ko muna, pagkatapos ay ipinababasa ko ang parapo, at pagkatapos ay ang tanong uli. Kaya naman nasasabi ko kung kaniyang nasasagot nang tama ang tanong. Sa paggamit ko ng ganitong paraan ay natulungan ang dalawang katao na mag-alay at pabautismo. Gayundin, ako’y nagdaraos ng mga pag-aaral sa tatlo pang pamilya.
Kung mga ilang taon na nakikibahagi ako sa Teokratikong Paaralan sa Pagmiministro sa aming kongregasyon. Sa paghahanda ko ng aking mga pahayag mayroon akong isang katulong na nagbabasa ng materyal nang malakas, at inirerekord ko iyon sa tape. Pagkatapos ay pinakikinggan ko ang rekording at binabalangkas ko sa aking kaisipan ang aking pahayag, isinasaulo ko rin ang mga teksto sa Bibliya na kasali roon. Ngayon ay handa na akong magbigay ng aking pahayag. At kailanman ay hindi ako binibigyan ng payo tungkol sa pagiging masyadong depende sa mga nota! Sa pagsunod sa ganiyang paraan ay nakakapagkomento rin akong palagian sa pag-aaral sa The Watchtower sa kongregasyon.
Noong taóng 1977 ay may nangyaring pambihira sa aking buhay bilang isang nag-alay na Kristiyano. Ako’y inatasan na maging isang regular payunir, isang ministeryal na lingkod, at konduktor sa Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon, at ang mga pribilehiyong ito ay patuloy na ginaganap ko. Ang paraan na sinusunod ko sa Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon ay kagaya ng paraan na ginagamit ko sa aking mga inaaralan ng Bibliya.
Bilang pangwakas: Maaari bang “makakita” ang isang taong bulag? Nakikita ko ang katuparan ng napakaraming mga hula sa Bibliya sa ating kaarawan at sa gayo’y natatanto ko na kailangang tulungan ang iba na matuto ng katotohanan na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Sa espirituwal na paraan ay nasaksihan ko ang katuparan ng Isaias 35:5: “Sa panahong iyan ang mga mata ng mga bulag ay makakakita.” Lubus-lubusan ang aking pagtitiwala na sa takdang panahon ni Jehova ang hulang ito ay magkakaroon din ng literal na katuparan sa libu-libong mga tao na, katulad ko, ay nawalan ng kanilang paningin. Samantala, ang hangarin ko ay patuloy na gawin ang kaniyang kalooban sa pinakamagaling na magagawa ko upang ako’y masumpungang karapat-dapat mabuhay sa kaniyang Bagong Kaayusan ng katuwiran.
[Blurb sa pahina 27]
“Sinabi niya sa akin na ang Diyos ay gagawa ng isang Bagong Kaayusan na doo’y makakakita na ang bulag at makakarinig uli ang bingi”
[Larawan sa pahina 28]
Sa aking pagbabahay-bahay ay saulado ko ang mga teksto sa Bibliya na aking ginagamit, pati ang pahina sa Bibliya kung saan matatagpuan ang mga ito