Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 5/15 p. 28-31
  • Pangangaral ng Mabuting Balita sa Donegal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pangangaral ng Mabuting Balita sa Donegal
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Ang Pagtanggap sa Kanila ng mga Tagaroon
  • Sa Lahat ng Uri ng Tao
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 5/15 p. 28-31

Pangangaral ng Mabuting Balita sa Donegal

“DI KAPANI-PANIWALA!” “Pambihira.” Ganiyan ang narinig sa isang grupo ng 120 katao na nanggaling sa Britanya at nagtungo sa Donegal, isang county sa hilagang-kanlurang Ireland. Hindi, sila’y hindi mga turista na nagbabalita ng kanilang nakita. Sila’y mga lalake, mga babae, at mga bata na sa sariling gastos ay naparoon sa West Donegal upang ipamahagi sa mga tagaroon ang kanilang pag-asa tungkol sa hinaharap.

Dahil sa 19 lamang ang mga Saksi ni Jehova sa gitna ng 120,000 naninirahan sa Donegal, karamihan sa mga tao sa lugar na iyon ay marami nang taon na hindi nadadalaw ng mga Saksi. Kaya, ang malaking grupong ito ng mga bisita ay kusang naparoon upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa magandang baybayin ng Donegal sa Atlantiko.

Ang mga Saksing tagaroon ay naghanda na ng puspusan para sa pagtanggap sa grupo. Ilan sa kanila ang naglakbay ng daang-daang milya upang makagawa ng mapa ng buong lugar na iyon, iniayon nila sa mga pagbabago ng mga mapa, at bawat kalye ay binigyan ng takdang numero para madaling makita. Pagkatapos, ang teritoryo ay pinaghati-hati sa maliliit na bahagi, na mayroong mga 400 mga tahanan. Samantala sa Britanya, yaong mga magbibiyahe ay abala ng paghahanda​—tinitiyak ang mga kaayusan sa transportasyon, matutuluyan, at kung sila’y may sapat na magagamit na literatura sa Bibliya.

Sabado, Hunyo 8, 1985 ang araw ng pag-alis nila sa Britanya. Sa umagang-umaga, lahat ay nagtipon na at naparoon sila sa airport. Sa ilang saglit, sila ay lumalapag na sa Belfast, Northern Ireland. Pagkatapos ay nagkani-kaniya na sila sa sampung mini bus na gagamitin nilang sasakyan sa susunod na dalawang linggo. Pagkatapos na makatawid sila sa Northern Ireland at tamasahin ang kagandahang-loob ng mapagpatuloy na Londonderry Congregation, sila’y tumawid sa hangganan at nagbukud-bukod, pumunta sila sa kani-kanilang atas sa tatlong iba’t-ibang panig ng Donegal. Kumusta naman ang pagtanggap sa kanila?

Ang Pagtanggap sa Kanila ng mga Tagaroon

Ang mga taga-Donegal ay palakaibigan at mapagpatuloy, kaya naman sila madaling kausapin. Marami sa kanila ang may mga katanungan, at nakatutuwang magbukas ka ng Bibliya at ipaliwanag ang mga kasagutan. Mabuti rin na makapag-iwan ng mga babasahín sa Bibliya sa mga nagtatanong upang mapalawak nila ang kanilang unawa pagka wala na ang mga bisita.

Isang babae na nakatira sa isang liblib na kabukiran ang nag-anyaya sa dalawang Saksi sa kaniyang tahanan. Agad sinabi niya na patuloy na lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig at maraming tagaroon ang marahil nag-aatubili na patuluyin sa kanilang tahanan ang mga di-kilala dahilan sa dumaraming krimen sa isang dating tahimik at mapayapang sulok ng Ireland. Maraming matatanda ang ginulpi at ninakawan ng barkadahan ng mga kriminal na gumagala sa lugar na iyon. Kayat bakit niya inanyayahan ang mga Saksi upang tumuloy sa kaniyang bahay? Sapagkat sila’y “tunay na tunay” kung pagmamasdan.

Nang makita ng babaing ito na ang hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw ay natutupad, sumaya ang kaniyang mukha, at siya’y napaluha nang marinig niya ang tungkol sa pagkabuhay-muli. (Mateo, kabanata 24; Lucas, kabanata 21) Ang kaniyang asawa ay namatay may 20 taon na ang lumipas. May kagalakang tinanggap niya ang aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth at hiniling niya na dalawin siya uli.

Ang ganitong karanasan ay naulit nang malimit. Isang kabataang lalake ang hindi naniniwala na may Diyos. “Kung may Diyos,” aniya, “bakit ganito na lamang ang kasamaan?” Ipinakita ng mga Saksi na hindi na magtatagal at ang Diyos ay makikialam sa pamamalakad ng tao at lulunasan ang maraming suliranin na gumugulo ng isip ng lalaking iyon. Kaniyang hiniling sa kanila na dumalaw uli upang makilala ang kaniyang mga magulang. Nang muling dumalaw ang mga Saksi, sila’y nag-iwan ng aklat na Live Forever upang mahanap ng pamilya ang kasagutan sa marami pang mga tanong nila.

Isang babae naman ang nagdadalamhati, sapagkat ang kaniyang 4-anyos na anak ay namatay mga ilang linggo na ang nakalipas. Siya’y lubhang pinatibay-loob ng impormasyon na nasa aklat na Live Forever lalo na ng paliwanag tungkol sa pagkabuhay-muli. Dahilan sa kalungkutan na likha ng pagkamatay ng kaniyang anak, siya’y nag-alinlangan kung mayroon ngang Diyos. Subalit nang basahin sa kaniya ang mga teksto na nagpapakita ng kalagayan at pag-asa ng mga patay, nabago ang kaniyang mukha. Bakit? Sapagkat kaniyang naunawaan na namamayapa pala ang kaniyang anak, natutulog sa kamatayan at posible na mabuhay muli.​—Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29.

Dalawa sa dumadalaw na Saksi ang pumaroon sa isang paaralan, at sila’y inanyayahan ng guro sa kaniyang klase na may 30 mga batang mag-aarál. Tinanggap ng guro ang aklat na My Book of Bible Stories at ang sabi niya sa klase: “Tayo’y babasa ng istorya sa aklat na ito sa hapong ito.” Nang magtagal, samantalang ang grupo ng mga Saksi ay nanananghalian sa malapit, ang ilan sa mga mag-aarál ay naparoon upang bumati sa kanila. Dalawang guro ang dumating din upang alamin kung ano ang nangyayari, at sila man ay masayang tumanggap ng aklat.

Nang araw ding iyon, isa sa mga Saksi ang nagtanong sa isang 11-anyos na batang lalake: “May nakikilala ka bang mga Saksi ni Jehova?” “Opo,” ang sabi ng bata, “kanina po sa paaralan.” Pagkatapos ay humingi siya ng aklat na Bible Stories. Gayundin, sa isang tahanan na kung saan hindi tinanggap ng ina ang aklat na Live Forever, binanggit ng batang anak na nakakita siya sa paaralan ng aklat na Bible Stories kayat kumuha na rin ang ina ng aklat na iyan.

Sa Lahat ng Uri ng Tao

Sa isang tahanan, ang mga larawan sa aklat na Live Forever ay ipinakita ng dumadalaw na mga Saksi sa isang matandang babae. Sinabi ng babae na ang talagang kailangan niya ay isang Bibliya. Kayat dinalhan siya ng mga Saksi ng isang kopya ng New World Translation of the Holy Scriptures. Nang siya’y mayroon nang Bibliya, tinanggap na rin ng babaing ito ang isang aklat sa pag-aaral ng Bibliya. Sinabi niya sa kaniyang mga bisita na nabalitaan niya na may mga Saksi sa lugar na iyon at siya’y nanalangin na mayroon sanang makapunta roon sa kaniya at magdala ng isang Bibliya. Ngayon ay inaakala niya na sinagot ang kaniyang panalangin.

Isang lalake na mahigit nang 30 anyos ang nag-anyaya ng dalawang Saksi sa kaniyang tahanan. Pagkatapos ng maiksing pag-uusap tungkol sa Kasulatan, sinabi niya: “Baka hindi ninyo magustuhan pagka nalaman ninyo kung sino ako. Ako’y isang pari.” Sinabi ng mga Saksi na sila’y nagagalak na makipag-usap sa kaniya, kaya naman ang pari ay nagtanong ng marami tungkol sa kanilang paniniwala. Nang ito’y magtanong tungkol sa paggamit sa pangalang Jehova, binigyan siya ng mga bisita ng brochure na The Divine Name That Will Endure Forever. Tumanggap din siya ng aklat na Live Forever na sasagot sa kaniyang maraming tanong.

Minsan naman, isa sa mga Saksi ang nilapitan ng isang lalake na nakarinig ng kaniyang pagpapaliwanag ng Bibliya sa isang receptionist sa otel. Ang lalaking ito’y nagtanong, “Bakit ba ganito kagulo ang daigdig?” Ang Saksi ay galak na galak na ibahagi ang kaniyang natutuhan sa Bibliya tungkol dito at sa iba pang mga paksa. At sino ang lalaking iyon? Isang pari na nagbabakasyon sa lugar na iyon.

Bukod sa regular na pagbabahay-bahay, sinamantala ang mga iba pang pagkakataon upang makausap ang lahat ng uri ng tao. Sa isang lugar sa kabundukan, isa sa mga mini bus ang huminto sa tabi ng daan upang ang mga ibang pasahero ay maghubad ng kanilang mga sapatos upang palitan iyon ng mga botang de goma para makatawid sila sa isang lugar na may makapal na lumot at makausap ang isang pangkat ng mga lalake na nagtatabas at nagbubunton ng lumot para gamiting panggatong sa taglamig. Isang grupo naman ang huminto sa isang kaakit-akit na lugar sa tabi ng isang loók sa bundok sa gubat. Natutulog sa isang karatig na sasakyan ang isang manggagawa sa isang planta ng koryente at tinatamasa ang tahimik na pag-iisa pagkatapos na makapananghalian. Ang kaniyang katahimikan at pag-iisa ay nagambala, ngunit nasiyahan naman siya sa isang masiglang usapan at siya’y dumalo sa isang pulong na isinaayos para sa grupo sa gabing iyon.

Isa namang lalake ang nagmamaneho sa daan ng kaniyang traktor nang siya’y pahintuin ng isang Saksi at tanungin kung maaari siyang makausap ng mga ilang minuto. Siya’y sabik na nakipag-usap tungkol sa Bibliya, lalo na tungkol sa “mapanganib na mga panahon” na kinabubuhayan natin. (2 Timoteo 3:1-5) Lalo siyang naging interesado nang ipakita sa kaniya ang mga larawan sa aklat na Live Forever. Ganiyan na lang ang tuwa ng taong iyon nang sabihin sa kaniya na ang aklat na ito ay maaaring magamit para sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya at sinabi niya na agad na pasisimulan niyang gamitin iyon sa pagtuturo sa kaniyang anim na anak.

Ang masisiglang mga bisitang ministro na may sari-saring edad, kasama ang munting grupo ng mga Saksi sa Donegal ay may mabuting dahilan na magalak sa kanilang pagsisikap. Sa dalawang linggo na naroroon ang mga bisita, sila’y gumugol ng 5,767 oras sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya. Sila’y namahagi ng 1,613 mga aklat at mga Bibliya, at 2,611 mga sipi ng magasing Watchtower at Awake! Ang lalong higit na pinahalagahan ng mga ibang maybahay ay ang wikang-Irlandes na salin ng aklat na My Book of Bible Stories.

Hindi dahil sa ipinagmamalaking doktrina o pagkadama ng pagkamatuwid sa sarili kung kaya nagpunta sa Donegal ang mga Saksi. Sa halip, ibig nilang ang mabuting balita ay ibahagi sa mga ibang tao na, dahil sa naninirahan sa isang malayong lugar, ay walang maraming pagkakataon na makarinig nito. Sa pagbanggit tungkol sa naunang paglalakbay na nakakatulad din nito, ayon sa isang lokal na pahayagan ang mga nakikibahagi ay mga “langay-langayan.” Marahil, ito’y nagpapahiwatig na sila’y magpupunta lamang doon kung tag-araw at pagkatapos ay lilipad na sila para tumungo sa ibang lugar. Subalit ang “mga langay-langayan” na ito, o iba pang katulad nila, ay magbabalik upang tulungan ang tapat-pusong mga tao na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa kahanga-hangang mga pangako ng Bibliya. Ang totoo, ang iba na nakibahagi sa naunang mga paglalakbay para magpatotoo roon ay doon na ngayon permanenteng naninirahan sa Donegal.

“Ito ang pinakamagaling na paglalakbay hanggang sa ngayon.” Iyan ang isa sa mga pagpapahayag ng pagpapahalaga at kagalakan na narinig sa iba na nakibahagi sa proyektong iyon. Kanilang nadama ang katuparan ng kawikaan sa Bibliya: “Ang kaluluwang mapagbigay ay sa kaniyang sarili tataba, at siyang saganang dumidilig sa iba sa ganang sarili ay saganang didiligin din.” (Kawikaan 11:25) Oo, isang malaking pagpapala ang makibahagi sa pantanging pagsisikap na ipangaral ang mabuting balita sa Donegal. Kayo ba ay maaaring makibahagi sa katulad na mga paglilingkod kay Jehova sa inyong panig ng bukid ng daigdig na hinog na ngayon para sa saganang pag-aani?

[Mga mapa/Larawan sa pahina 29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DONEGAL

NORTHERN IRELAND

Londonderry

Belfast

IRELAND

[Mapa]

EUROPE

ATLANTIC OCEAN

[Larawan]

Sila’y nagagalak na ipangaral ang mabuting balita sa Donegal

[Larawan sa pahina 30]

Pagpapatotoo sa bahay-bahay sa hilagang-kanlurang Ireland

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share