Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Nagkakaisa-isa ang mga Lahi sa Timog Aprika!
ANG Imbali ay isang bayan ng mga negro sa labas ng Pietermaritzburg, Natal, sa Timog Aprika. Nang ang dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Imbali ay pagkalooban ng isang lote, ang hinirang na matatanda sa mga kongregasyon ng mga puti at ng mga Coloured sa Pietermaritzburg ay kaagad nagpulong upang isaplano kung paano nila tutulungan ang kanilang mga kapatid na itim upang magtayo ng isang Kingdom Hall sa pinakamaikling panahong posible. Bagaman ang pagtatayo ay tumagal ng mahigit na siyam na buwan, sa aktuwal ay gumugol lamang ng 48 mga araw ng pagtatrabaho para matapos ang gawain, na ang karamihan ay kung mga araw ng Sabado ginagawa.
Sa mga tagaroon sa Imbali, ang pagtatayo ng Kingdom Hall na ito ay nagpakita ng isang bagay na inaakala nila noon na imposible. Gunigunihin lamang ang maraming mga Saksing puti, Coloured, at Indian na dumadagsa noon sa bayang iyon galing sa Pietermaritzburg at Durban at gumagawang kaisa ng mga kongregasyon sa Aprika! (Ihambing ang Zefanias 3:9.) Mga lalaki, mga babae, at mga bata ay pawang nagpapasa-pasa ng materyales at gamit, at nagsasalu-salo ng pagkain. Ang ganiyang pagkakaisa ng lahi ay hindi mababalitaan na nangyayari sa anumang bayan ng Aprika, lalo na sa panahong ito ng kaligaligan! Tunay, ito’y isang di-matututulang ebidensiya na ang mga Saksi ni Jehova ay isang bayang nagkakaisa na talagang may malasakit sa isa’t isa.
Tungkol sa pagkakaisang ito, isang kapitbahay ang nagsabi: “Sa pagkakita namin ng mga puti, mga itim, Coloureds, at mga Indian na gumagawang nagkakaisa kami ay manghang-mangha. Wala kaming nakikitang ganiyang pagtutulungan sa aming mga simbahan.” Nang ialay ang bulwagan noong Nobyembre 10, 1985, ang alkalde ng Imbali, si Mr. Pakkies, ay dumalo at nagpahayag siya ng panggigilalas sa pagkakaisa at sa determinasyon ng mga Saksi na tapusin sa ganang sarili nila ng gayong kalaking proyekto. Sinabi niya kung paano nila nagawa iyon, “Sa pamamagitan lamang ng pag-ibig tanging magagawa ito.” Anong pagkatotoo nga! At hindi baga si Jesus mismo ay nagsabi: “Sa pamamagitan ng pag-ibig na ito na taglay ninyo sa isa’t isa, bawat isa’y makakaalam na kayo’y aking mga alagad”?—Juan 13:35, The Jerusalem Bible.
Ngayon ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay ay mabilis na dumarating, batid ng mga Saksi ni Jehova sa buong Timog Aprika na kailangang magtayo ng mga Kingdom Hall sa mga bayan ng mga itim at sa mga dakong kabukiran nang buong bilis hangga’t maaari. Ang unang Kingdom Hall sa Soweto ay inialay noong Pebrero 1985. Marami pang mga iba ang kasalukuyang itinatayo. Ngayon na 700 ang mga kongregasyon sa mga bayang sakop ng mga itim at mga 70 ang mayroon ng kanilang sariling mga Kingdom Hall, totoong marami pa ang kailangan. Ang isa na tumutulong sa pangangailangang iyan ay ang Imbali hall. Ito’y may upuan para sa 400 katao, na maalwang makauupo upang makinabang sa mahalagang espirituwal na pagkain na isinisilbi roon. Oo, sa gayong mga sentro ng pag-aaral ng Bibliya, ang mga umiibig sa katuwiran ay natututo kung papaano sila makaliligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay upang magkamit ng buhay sa bagong sistema ng Diyos kung saan lahat ng mga lahi ng tao ay mamumuhay magpakailanman bilang isang nagkakaisang pamilya!