Isang Arkeologo na Nagpahalaga sa Katotohanan ng Bibliya
“NAPAWI na ang kahuli-huligang saligan sa pag-aalinlangan kung baga nakarating sa atin ang mga Kasulatan na gaya ng unang pagkasulat nito.” Ang mga salitang ito ni Sir Frederic Kenyon, kinuha sa pahina 289 ng kaniyang aklat na The Bible and Archæology (1940), ay sinipi sa pahina 53 ng lathalang aklat ng Watchtower Society na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Bakit nanghinuha ng ganito si Kenyon? Sapagkat ang bagong katutuklas na mga manuskritong papiro ay may petsang lubhang malapit sa panahon ng pagkasulat ng mga ito kung kaya’t kaniyang nasabi na “bale-wala” ang pagitan. Gayunman ang mga papirong ito ay hindi makikitaan ng malaking pagkakaiba sa mga manuskrito na lalong malapit sa ngayon. Pinatutunayan nito “ang pagiging tunay at ang pangkalahatang kadalisayan” ng mga nahuhuling teksto na ginamit sa pagsasalin ng Bibliya.
Kapuna-puna, isa sa mga Saksi ni Jehova ay sumulat tungkol sa tanyag na arkeologong ito: “Si Sir Frederic Kenyon ay mayroong mga lathalain ng Samahan, sapagkat noong nakalipas na mga taon naging pribilehiyo ko na mapag-iwanan siya ng iba’t ibang aklat at makipagtalastasan sa kaniya. Siya’y nakilala ko noong mga dakong pasimula ng 1936. . . . Isang aklat ni Dr. Kenyon ang nagbigay-liwanag sa akin tungkol sa pinagmulan ng Bibliya. Sinulatan ko siya tungkol sa gayong karanasan ko. Tumanggap ako ng kaniyang aklat na The Story of the Bible na doo’y isinulat niya ang ganito, ‘Taglay ang pinakamagagaling na hangarin ng awtor, F. G. Kenyon, Mayo 1, 1937.’
“Nang matanggap niya ang aklat na ‘The Truth Shall Make You Free,’ na lathala ng aming Samahan, siya’y sumulat sa akin: ‘Ang layon mo ay katulad din ng sa akin, ang himukin ang mga tao na magbasa at maniwala sa Bibliya; ngunit sa lalong maraming tao nananawagan ka. Ang aking mga aklat ay nakadirekta lalung-lalo na sa mga taong naguguluhan dahil sa kanilang napapag-alaman tungkol sa resulta ng modernong criticism at panunuklas, samantalang ang inyong mga aklat ay lahat ng klase at uri ng mga mambabasa ang kinakausap. Harinawang lubusang magtagumpay kayo sa inyong gawain.’
“Siya’y sumulat tungkol sa dalawa pa sa mga lathalain ng aming Samahan, at dito’y binanggit na naman niya ang aming iisang tunguhin, ‘ang himukin ang mga tao na basahin ang Bibliya, at basahin ito nang may katalinuhan,’ at kaniyang isinusog pa: ‘Nagagalak akong mabalitaan na ang inyong mga aklat ay totoong malaganap ang sirkulasyon sa maraming bansa. . . . ’
“Noong 1948 si Sir Frederic ay naglathala ng aklat na The Bible and Modern Scholarship, upang salungatin ang isang aklat ni Dr. Barnes, Obispo ng Birmingham, na naglahad tungkol sa mga bahagi ng Bibliya, kasali na yaong may kinalaman sa ginawa ni Kristo Jesus na pagtubos, bilang ‘kuwento.’ Sa kaniyang introduksiyon ay sinasabi ni Dr. Kenyon: ‘Nang suriin kong mabuti ang aklat ng Obispo ay nakumbinse ako na ito’y hindi isang napapanahong representasyon ng mga resulta ng modernong scholarship, kundi, sa kabaligtaran, binuhay-muli nito ang isang paaralan ng kritisismo na uso noong mga pitumpung taon na ang lumipas, at hindi pinansin ang halos buong resulta ng nakalipas na limampung taon.’ Tungkol sa kaniyang sariling aklat, sinabi ni Kenyon: ‘Ako’y naniniwala na sumapit na ang panahon . . . upang ipanumbalik ang pagtitiwala sa Bibliya bilang isang giya sa katotohanan at saligan ng pamumuhay. . . . Umaasa ako na [ang aklat na ito] ay makatutulong sa mga taong tumitingin sa Kristiyanismo bilang ang kaisa-isang pag-asa ng ating magulong daigdig, at umaasang ang Bibliya ang matatag na saligan ng paniwalang Kristiyano.’
“Ang tanyag na iskolar na ito ng Bibliya, na sumulat nang may kagandahang-loob tungkol sa gawain at mga lathalain ng mga Saksi ni Jehova, ay isang taong mapagpakumbaba, na may tunay na kabaitan. . . . Noong 1889, pagkatapos maging isang mahusay na estudyante sa Oxford, siya’y nagtrabaho sa British Museum bilang isang katulong sa Department of Manuscripts. Nang malaunan ay itinaas siya upang maging isang katulong na tagapag-ingat ng mga manuskrito at noong 1909 ay naging Direktor at Principal Librarian ng British Museum. Noong unang bahagi ng kaniyang mahabang panunungkulan, ang pangunahing binigyang-pansin niya ay ang mga manuskrito ng Bibliya at ang pagtuklas sa mga papiro; nang magtagal, siya ang may pananagutan bilang Direktor tungkol sa mga ekspidisiyon ng mga arkeologo sa Carchemish at Ur. Nang siya’y rumetiro na ay tumulong siya upang makuha ang Codex Sinaiticus at mailathala ang mga papiro ng Chester Beatty na ginamit upang patunayan ang kadalisayan ng Kasulatang Griego.
“Bilang pagtatapos, angkop na sumipi sa kaniyang aklat na The Story of the Bible: ‘Ang Bibliya ay may kasaysayan ng tao at gayundin kinasihan ng Diyos. Ito’y isang kawili-wiling kasaysayan, at dapat na maalaman ng lahat ng nagpapahalaga sa kanilang Bibliya. . . . Nakapagpapatibay-loob sa dakong huli na mapag-alaman na ang pangkalahatang resulta ng lahat ng mga natuklasang ito at lahat ng pag-aaral na ito ay ang patibayin ang patotoo ng pagiging tunay ng Kasulatan, at ang ating paniwala na taglay natin, at matibay ang ating paniwala, na ito ang tunay na salita ng Diyos.’”