Ang Espiritu ng Pagpapayunir ang Nagpapabilis ng Pag-aani sa Pilipinas
KUNG ikaw ay nasa Maynila noong 1935 at ibig mong makiugnay sa mga Saksi ni Jehova, kailangang pumunta ka sa isang maliit na apartment sa 1134 Rizal Avenue. Doon, mga 20 katao ang palagiang nagtitipon upang mag-aral ng Bibliya. Ang apartment na iyon ang unang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Pilipinas.
Sa ngayon, sa kalakhang Maynila, mayroong 103 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na kinauugnayan ng mahigit na 9,000 mga tagapagbalita ng Kaharian! Gayundin, 50 mga taon na ngayon ang nakalipas ay walang mga Saksi sa siyudad ng Davao, sa dulong timog ng Pilipinas. Ngayon ay mayroon doon na mahigit 2,800 na mga Saksi sa 41 mga kongregasyon sa siyudad na iyan.
Ang pagdami nila sa dalawang pangunahing siyudad na ito ay bahagi ng ebidensiya na ang mga unang Saksing iyon ay namuhay nang ayon sa kanilang pangalan. (Isaias 43:10-12) Kanilang pinalawak ang kanilang pangangaral at pagtuturo sa lahat ng panig ng Pilipinas. Kung susuriin ang kalakip na tsart, makikita mo ang ibinunga ng paggawa ng mga alagad Kristiyano noong nakalipas na kalahating siglo. Ano ba ang nagpapabilis ng paglago sa larangang ito sa Pilipinas?
Ang Espiritu ng Pagpapayunir ay Tumutulong sa Paglago
Kung hindi dahil sa masigasig na espiritu ng pagpapayunir ng mga unang Saksing Pilipino, ang daan-daang mga tinatahanang isla ay hindi sana narating ng mabuting balita. Ang espiritung iyan ay buháy na buháy pa rin hanggang ngayon. Halimbawa, ang ulat para sa Pebrero 1986 ay nagpapakita na, bukod sa 758 mga espesyal payunir, mayroong 9,090 mga regular payunir na ministro na naglilingkod sa buong Pilipinas. Ito’y mahigit na doble ng bilang ng nag-uulat dalawang taon lamang ang kaunahan! Noong Abril 1985, 26,630—isang katlo ng lahat ng mga Saksi sa bansa—ang nasa buong-panahong pangangaral.
Oo, ang mga lingkod ni Jehova sa Pilipinas ay nakadarama ng pagkaapurahan ng panahon. Kaya naman sila’y gumugugol ng pinakamalaking panahon hangga’t maaari sa pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos sa kanilang kapuwa. Marahil, interesado kang malaman kung paanong naisaayos ng mga iba ang kanilang pamumuhay upang makabahagi sa buong-panahong paglilingkod at ibig mong malaman ang kanilang magagandang karanasan.
Pagsasaayos ng Pamumuhay Upang Makapagpayunir
Si Felipe Ventura ng Binalonan, Pangasinan, ay gumugol ng 13 taon ng kaniyang kabataan sa buong-panahong paglilingkod bago nagpamilya. Habang lumalaki ang kaniyang pamilya, ibig niyang bumalik sa pagpapayunir, ngunit dahil sa pagkakasakit niya ng diabetes ay nabulag ang isang mata niya. Mga apat na taon lamang ngayon ang nakalilipas siya ay lubusang nabulag. Sa kabila nito, nakapagpapatuloy si Felipe sa isang maliit na negosyo upang matustusan ang kaniyang pamilya at, sa tulong ng kaniyang maybahay at mga anak, naisaayos niya ang kaniyang panahon upang makapagpayunir uli noong Abril 1, 1985. Bagaman siya’y bulag, siya’y nakapangangaral sa bahay-bahay sa tulong ng kaniyang anak na lalaki, na tagabasa niya ng mga teksto sa Bibliya. Si Brother Ventura ay nagdaraos din ng maraming pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya at isang hinirang na matanda sa kongregasyon. Isa sa kaniyang mga anak na lalaki ay isang regular payunir na katulad niya, at ang kaniyang anak na babae ay isang auxiliary payunir paminsan-minsan.
Si Clodualdo Quiohilag, isang elder sa Biñan, Laguna, ay isang payunir at naglalakbay na tagapangasiwa noong 1960’s hanggang sa siya at ang kaniyang maybahay ay magkaanak. Ngunit, gaya ng sabi niya, “Minsang matikman mo ang kagalakan ng buong-panahong paglilingkod sa tuwina’y hinahanap-hanap mo ito.” Kaya bagamat siya’y may maunlad na negosyo at may maginhawang buhay sa piling ng kaniyang maybahay at anak na babae, hindi niya itinuring na ito ang tunay na layunin niya sa buhay. Sinabi niya: “Lahat ng ari-arian ko ay mawawalang-kabuluhan kung ang aking malaon nang pangarap na makabalik sa buong-panahong paglilingkod ay hindi matutupad.” Upang maging isang payunir, siya’y nagbawas ng trabaho bilang isang negosyante at ginawa iyon na kalahating araw lamang, samantalang ang umaga ay ginagamit niya sa paglilingkod sa larangan. Ang kaniyang pangarap ay natupad noong Oktubre 1, 1984, nang siya’y magsimulang maglingkod bilang isang regular payunir. Bagaman ang kaniyang kinikita ay halos kalahati lamang ng dating kita niya, nabawasan din ang kaniyang gastos. Ngayon ang kaniyang maybahay ay kasama na niya sa pagreregular payunir, at ang kaniyang anak na babae ay naglilingkod bilang isang auxiliary payunir manaka-naka.
Paglilingkod Nang Buong-Panahon Bagaman Bulag
Dahilan sa pagkakasakit ng tigdas (German measles), si Pantaleon Tatoy ay nabulag magmula pa noong siya’y tatlong taóng gulang. Noong 1972 kaniyang unang narinig ang katotohanan at siya’y nagsimulang nag-aral ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Hindi nagtagal at ito ang tumulong sa kaniya upang madaig ang kaniyang bisyong paninigarilyo at pag-inom ng alak, at kaniyang sinagisagan ang pag-aalay ng kaniyang sarili kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo noong Hulyo 29, 1973.
Nang unang mangaral si Pantaleon sa kaniyang mga kalapit-bahay, siya’y tinuya ng kaniyang ate: “Paano ka nga magiging isang ministro gayong ikaw ay bulag at may iisa lamang pantalon?” Subalit ito’y hindi nakasira ng kaniyang loob. Yamang alam na alam niya ang palibot ng kaniyang tahanan, siya’y lumalabas na mag-isa at ipinangangaral ang katotohanan sa kaniyang mga kapitbahay. Noong 1984, natulungan niya ang kaniyang pinsan at pamangkin upang makaalam ng katotohanan, at sila’y nabautismuhan noong Setyembre ng taóng iyan.
Si Pantaleon ay nakapagdaos din ng pag-aaral sa Bibiya sa kaniyang magkakambal na pamangking babae, si Lorna at si Luz na kapuwa binging-pipi. Paano nga nakikipag-aral ang isang bulag na payunir sa ganiyang mga tao? Mayroong isang tumutulong sa kaniya, samantalang ginagamit niya ang mga larawan sa mga publikasyon. Pagka ipinaliliwanag niya ang katotohanan, ang kaniyang pinsang si Roquina ang nagsasalin ng kaniyang sinasabi sa wikang pasenyas para maintindihan ng kambal. Si Lorna at si Luz ay nabautismuhan noong Abril 20, 1985, bagamat sila’y may malubhang kapansanan. Si Pantaleon naman, pagkatapos maging isang auxiliary payunir ng may isang taon, ay inatasan na isang regular payunir noong Marso 1, 1985.
Buong-Panahong Paglilingkod Bilang Isang Karera
Sa isang graduwasyon sa high school isang estudyante ang nagsabi sa isang kaklase na Saksi: “Pagka itinatanong ko sa inyong mga kasamahan kung anong kurso ang kanilang kukunin pagkatapos ng graduwasyon, silang lahat ay nagsasabi: ‘Payuniring.’ Ano bang klase ng kurso iyan?” Ipinaliwanag ng kabataang Saksi kung ano ang payuniring. Ang kaniyang kamag-aral ay naging interesado at pumayag na siya’y aralan ng Bibliya at siya man, hindi nagtagal, ay nagkaroon ng tunguhin na maging isang payunir.
Natuklasan ng iba na ang mga kurso sa kolehiyo ay hindi nagtatakip sa espirituwal na mga pangangailangan ng isang tao. Sa Bohol, napatunayan ng isang kabataang sister na nasa huling taon na ng pag-aaral sa kolehiyo na siya’y may panahon sa pagpapayunir habang tinatapos ang kaniyang pag-aaral. Nang malaunan, siya’y nag-aral sa Pioneer Service School at sinabi niya na ang kolehiyo ay hindi maihahambing sa natutuhan sa nasabing paaralan at sa kagalakan na tinatamasa niya sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova. Siya ngayon ay naglilingkod bilang isang payunir kung saan malaki ang pangangailangan ng mga mangangaral.
Bata at Matanda ay Nakikibahagi Nang May Kagalakan
Sa aklat ng Mga Awit nagsasaad ang hula na sa mga araw ng kapangyarihan ng Kaharian ang bayan ng Diyos ay “kusang maghahandog ng kanilang sarili.” Sinabi rin dito na ‘ang mga binata, dalaga, matatandang lalake at mga batang lalake’ ay magpupuri sa pangalan ni Jehova. (Awit 110:3; 148:12, 13) Tunay na ito’y natupad sa bayan ng Diyos sa Pilipinas.
Sa huling pagbilang, 1,159, o 13 porsiyento, ng mga regular payunir sa Pilipinas ang wala pang 20 anyos ang edad. Anong laking kagalakan na makitang ang mga kabataang gaya nito ay malugod na ‘gumugunita sa kanilang Maylikha sa mga araw ng kanilang kabataan’ sa halip na sayangin iyon sa mapag-imbot o makasanlibutang mga tunguhin!—Eclesiastes 12:1.
Ang mga iba na nagsimulang maglingkod nang buong-panahon nang sila’y nasa kabataan ay matatanda na ngayon ngunit naglilingkod pa rin nang may katapatan. Si Brother Leodegario Barlaan at ang kaniyang maybahay na si Natividad ay nagsimulang magpayunir noong Abril 1, 1938, Sila’y nakaranas ng kahirapan noong mga taon ng giyera at naglingkod sa maraming bahagi ng gawain, kasali na ang pagiging naglalakbay na tagapangasiwa. Ngayon si Brother Barlaan ay 72 taóng gulang at masigasig pa ring naglikingkod bilang isang espesyal payunir sa San Carlos, Pangasinan, kasama ang kaniyang maybahay.
Ang mga iba ay nagsimula sa buong-panahong paglilingkod nang sila’y may edad na at nagpatuloy hanggang sa katandaan. Halimbawa, si Leoncio Sabandal ay nagsimula ng pagpapayunir sa edad na 52 at ngayon ay isang espesyal payunir pa rin sa edad na 92. Siya at ang kaniyang maybahay ay nakatulong sa 118 katao upang mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Gayundin, si Cipriano Sepulveda, Sr., ay nagsimulang magpayunir nang siya’y 72 at patuloy na naging isang regular payunir hanggang sa kaniyang kamatayan sa edad na 88 noong 1985. Si Paula Mariano ay nagsimulang magpayunir sa edad na 71 at nagpapayunir pa rin sa kabila ng pagiging masakitin sa edad na 88. Anong gandang mga halimbawa ng pananampalataya at debosyon ang ipinakikita ng mga ito at ng mga iba pang matatanda!
Kagalakan Dahil sa Nagawang Pagsulong
Kung tutunghayan natin ang nakalipas na kalahating siglo, makikita ang pagpapala ni Jehova sa masigasig na pagsisikap ng kaniyang mga Saksi. Buhat sa iilan-ilan noong 1935, anong laking kagalakan na makitang 88,113 ang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan noong Pebrero 1986. Ang iisa-isang munting kongregasyon sa Rizal Avenue sa Maynila ay umabot na ngayon sa 2,454 na mga kongregasyon sa buong bansa, na organisado sa 120 sirkito.
At ano ang maasahan natin sa hinaharap? Ang isa’y ang pambihirang dami na 268,526—mahigit na tatlong beses ng dami ng mga Saksi sa bansa—sa selebrasyon ng Memorial noong Abril 4, 1985. Isa pa, noong Pebrero 1986, 63,248 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa mga taong interesado. At tiyak na patuloy na pagsulong ang masasaksihan samantalang pinagpapala at sinasang-ayunan ni Jehova ang gawain.
Ating ikinagagalak na saganang pinabunga ni Jehova ang gawain na sinimulan ng kaniyang unang pinahirang mga saksi sa mga islang ito mahigit na 50 taon na ngayon. Dahil sa kaniyang pagpapala at patnubay, tunguhin ng kaniyang mga lingkod sa Pilipinas na ipagpatuloy ang pagpapalawak ng kanilang pangangaral at pagtuturo sa mga araw na darating.
[Chart sa pahina 29]
Limampung taon ng pagsulong sa Pilipinas
1935 20
1940 222
1950 10,055
1960 31,608
1970 54,789
1980 61,164
1986 88,113
[Mapa sa pahina 28]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Pilipinas
San Carlos
Manila
Biñan
Zamboanga
Davao