Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Simbahan Bilang Tagapagbagsak ng Pamahalaan
Patuloy na nagiging lantaran ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa agresibong pakikilahok sa maseselang na mga isyu sa politika. Sa isang artikulo na pinamagatang “Pagbaba sa Pulpito Tungo sa mga Lansangan,” ang The Toronto Star ng Canada ay nagtuon ng pansin sa “dumaraming kaso ng [politikal] na pakikialam ng mga lider ng simbahan.” Binanggit ng manunulat na si Jack Cahill na ang Iglesia Katolika Romana ay “gumanap ng isang delikadong papel sa pagbabagsak kay Ferdinand Marcos sa Pilipinas” at sa pagbabagsak sa pamamahala ni Jean-Claude Duvalier sa Haiti. Isinusog ni Cahill: “Sa Timog Aprika, ang Anglikanong Arsobispo Desmond Tutu . . . at ang mga iba pang miyembro ng klero ay nagbabala sa gobyerno na kanilang hihimukin ang pakikipagkomprontasyon sa estado” kung tungkol sa isyu ng apartheid o segregasyon ng lahi.
May mga naniniwala na ang gayong komprontasyon ay angkop na aktibidad Kristiyano pagka ang hangarin ay mapalitan ang di-popular na mga pamamahala o mga batas. Bagamat totoo na sinugo sa mga lansangan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod, ang layunin ay hindi upang tumulong sa pagpapasok ng mga politikal na pagbabago. Sa halip, sila’y nagpunta sa mga lugar publiko at sa mga bahay ng mga tao upang magbalita ng isang makalangit na Kaharian na gagamitin sa pagpapala sa sangkatauhan. (Mateo 10:5-7; 24:14) Nang si Jesu-Kristo ay isakdal na umano’y may mga aktibidades na makapolitika—ginagawa raw na hari ang kaniyang sarili—malinaw na sinabi niyang ang gayong mga aktibidades ay hindi niya ginagawa ni ng kaniyang mga tagasunod man. Sinabi niya sa hukom na humahatol na “ang akin ay hindi isang kaharian ng sanlibutang ito.” Kaya naman, ang tunay na mga tagasunod ni Jesus ay sa tuwina walang kinikilingan sa politika, sapagkat sinabi niya tungkol sa kanila: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 18:36, Katolikong Jerusalem Bible; Juan 17:14.
Ibinawal ang Hail Mary
Ang ikinilos kamakailan ng pangulo ng Brazil, si José Sarney, na pagbabawal sa pagpapalabas ng kontrobersiyal na pelikulang Hail Mary (Aba Ginoong Maria) ay naging sanhi ng maraming pagprotesta kapuwa sa loob at sa labas ng Iglesia Katolika. “Ako’y di-sang-ayon,” ang sabi ni Obispo Mauro Morelli, “na ang Iglesia Katolika, gaya ng ginawa nito noong panahon ng Inquisisyon, ay magmamakaawa sa Estado na gumawa ng mga hakbang sa pagtatanggol sa pananampalataya.” At si federal deputy Eduardo Matarazzo Suplicy ay nagreklamo na ang pangulo ng Brazil ay “napadadala sa mga panggigipit ng konserbatibong panig ng Simbahan.” “Tayo’y bumalik sa pagkakaisa ng dambana at ng trono,” ang isinulat ng propesor sa Campinas University na si Roberto Romano sa pahayagang Folha de S. Paulo. “Ito’y naganap nang wala kahit na isang umiiral na malinaw na pakikipagkasunduan, tulad sa kaso ng Lateran Treaty na pakikipagkasunduan kay Mussolini at ng Imperial Concordat na pakikipagkasunduan kay Hitler. Hindi, ito’y pawang nangyari nang palihim sa likod ng saradong mga pinto ng mga opisina ng gobyerno.”
Ang gayong mga taktikang panggigipit ng klero at ng reaksiyon sa mga ito ay nagpapagunita ng paglalarawan ng Bibliya sa isang simbolikong tulad-patutot na babaing relihiyoso na “may kaharian na nagpupuno sa mga hari sa lupa.” Ang mga haring ito, ang sabi nito, ay sa wakas “mapopoot sa patutot at siya’y pababayaan at huhubaran, . . . at lubos na susupukin ng apoy.”—Apocalipsis 17:1, 2, 15-18.
“Mga Dahilan ng Pagkapoot”
Sa kaniyang bagong aklat na Raisons de la colère (Mga Dahilan ng Pagkapoot), ang kilalang Pranses na agronomistang si René Dumont ay naghihinanakit dahilan sa kaniyang tinatawag na “lubusang pagkabigo” ng ating “produksiyong-oryentadong sibilisasyon.” Isang rebista ng aklat sa pahayagan ng Paris na Le Monde ang nagbigay ng sumaryo ng mga ilang halimbawa na binanggit ni Dumont: “Upang matugunan ang malaking pangangailangan ng newsprint, taun-taon sa Canada ay pinuputol ang mas maraming mga punongkahoy kaysa napatutubo nito; sa Union Soviet ay ipinariwara ang dalawang-katlo ng lupain nito na napagtatamnan ng halaman. At maging ang Pransiya man ayon sa balita ay ‘sumisira ng katabaan ng kaniyang lupa, na resulta ng daan-daang taon ng paggamit ng dumi at kumpay bilang abono sa pagsasaka,’ sa pamamagitan ng paggamit ng mga kemikal sa halip na natural na mga abono.”
Sinabi rin ni Dumont na ‘ipinaririwara’ ng mga bansang industriyal ang planeta dahilan sa pag-aaksaya at tiwaling distribusyon ng mga produkto, at sinabi pa: “Napakasama ang ginawa nating pagpapaandar sa ekonomiya ng daigdig na anopat karapatdapat na maiwala natin ang ating kataastaasang kapangyarihan.” Sinabi niya na ang patakaran ng pag-unlad ng Kanluran ay “nagpahamak sa ekonomiya ng Third World” at lansakang inalis ang mga tao sa mga bukid at dinala sa “napakapangit na mga siyudad” na dumami sa mga bansang atrasado.
Kung ang ganiyang mga kalagayan ay nagbibigay ng “mga dahilan ng pagkapoot” sa mga tao na nakadarama ng napipintong panganib, gaanong higit na dahilan ng pagkapoot ang maibibigay nito sa Maylikha ng planetang ito? Gayunman inihula ng Bibliya ang mabilis na dumarating na panahon na ang mga gawain ng sangkatauhan na nagpapahamak sa lupa ay pupukaw ng “sariling pagkapoot” ng Diyos upang kaniyang “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.