Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit isinapanganib ni David ang buhay ni Ahimelech na mataas na saserdote, na humantong sa kamatayan ng saserdote, gaya ng inamin ni David sa 1 Samuel 22:22?
Sa aktuwal, ang 1 Samuel 22:22 ay hindi nagpapakita na patiunang alam ni David na ang kaniyang gagawin ay hahantong sa kamatayan ni Ahimelech. Ganito ang sabi ng talata: “At sinabi ni David kay Abiathar [anak ni Ahimelech]: ‘Talastas ko nang araw na yaon, sapagkat si Doeg na Edomita ay naroon, na siya [si Doeg] ang walang pagsalang magsasabi kay Saul. Ako mismo ang nagkasala sa sambahayan ng iyong ama [si Ahimelech].’”
Si David, na tumatakas noon sa napopoot na si Haring Saul, ay naparoon sa Nob, na kinaroroonan ng mataas na saserdoteng si Ahimelech. Marahil dahilan sa iniisip niya na aakalain ng mataas na saserdote na siya’y obligado na ireport sa hari ang pinagtataguan ni David, hindi isiniwalat ni David ang talagang dahilan ng pagiging naroroon niya sa labas ng Jerusalem. Gayunman ay napansin na siya’y naroroon sa Nob. Ang Edomita na nagngangalang Doeg ang nakakita kay David at pagkatapos ay nag-ulat ng bagay na iyon sa nagagalit na si Saul.
Subalit, walang anuman sa pagsasalaysay na nagpapakitang patiunang alam ni David na naroon si Doeg. Si Doeg ay “naroon nang araw na iyon, na pinigil sa harap ni Jehova.” (1 Samuel 21:7) Malamang na si David ay nagtaka, nagitla pa man din, dahil sa nakita ng walang prinsipyong si Doeg na magkasama sila ni Ahimelech. Datapuwa’t, minsang nangyari iyon ay nangyari na. Hindi na mababago iyon ni David, ni mahahadlangan man niya ang kakila-kilabot na ibinunga ng galit ni Saul sa mataas na saserdote at sa marami pang mga ibang saserdote, pati na sa mga babae, mga bata, at mga hayop sa Nob.—1 Samuel 22:9-19.
Isaisip ito at muling pansinin ang malungkot na sabi ni David kay Abiathar, na nakaligtas sa patayang iyon: “Talastas ko nang araw na yaon, sapagkat si Doeg na Edomita ay naroon . . . ” Mauunawaan natin ang punto ni David, ‘Talastas ko nang araw na iyan, nang mga sandaling makita ko na nakita ni Doeg na kasama ako ni Ahimelech . . . ’ Subalit huli na ang lahat. Sa di-inaasahan ay naroon si Doeg at napansin ang pakikipag-alam ni David sa mataas na saserdote. Kaya agad nahinuha ni David na irereport ni Doeg kay Saul ang bagay na iyon. Kaya naman noong bandang huli ay inamin ni David kay Abiathar na siya’y nagkasala, kahit na si David ay hindi tuwirang nakibahagi sa naganap na pagpatay. Kaniyang sinabi kay Abiathar na ito’y matira roon kasama niya, sapagkat si David ay nagtitiwala sa patnubay at proteksiyon ni Jehova.—1 Samuel 22:22, 23.
◼ Wasto ba na makibahagi ang isa o dalawang kapatid na lalaki sa paglulubog sa isang tao kapag ginaganap ang Kristiyanong bautismo?
Sa normal na paraan isa lamang lalaking ministro ang kailangan upang magbautismo sa kaninuman.
Bagama’t hindi nasasabi sa Bibliya ang mga alituntuning dapat sundin tungkol sa bautismong Kristiyano, maaari tayong matuto buhat sa ulat ng Bibliya. Ang bautismo ni Jesus sa tubig ang lalo nang nakapagtuturo.
Ang Bibliya ay nag-uulat: “Nang magkagayo’y nanggaling si Jesus sa Galilea at naparoon sa Jordan kay Juan [ang Tagapagbautismo], upang pabautismo sa kaniya.” (Mateo 3:13) Pansinin na sinasabi nito na “sa kaniya,” hindi sa kanila. Hindi nasasabi sa mga ulat ng Ebanghelyo na mayroong kasama si Juan sa pagbabautismo kay Jesus. Sa katunayan, maliwanag na walang mga tagapagmasid sa bautismong iyan, sapagkat si Juan lamang ang sa pasimula pa lang ay nakakilala na kay Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29, 33, 34) Kung gayon, ang bautismo ni Jesus ang nagsisilbing parisan ng lubusang paglulubog sa tubig, ngunit nagpapahiwatig din ito na isa lamang lalaking lingkod ng Diyos ang dapat gumanap ng pagbabautismo.
Baka mayroong isa o higit pang mga Saksi nang bautismuhan ni Felipe ang bating na Etiope sa “isang dakong may tubig,” subalit si Felipe ay nag-iisa sa pagbabautismo. (Gawa 8:36-39) Ang mga ibang ulat din naman ng Bibliya tungkol sa bautismo ay hindi nagpapakita na dalawa o tatlong mga kapatid na lalaki ang nagtulung-tulong ng paglulubog ng isang tao sa ilalim ng tubig at pagkatapos ay pag-aahon doon sa ngayo’y bagong kapatid na. Datapuwa’t, sa maraming pangyayari ay mayroong mga tagapagmasid o mga saksi sa bautismo.
Kung sa bagay, noong lumipas na mga taon ay nagkaroon ng natatanging mga situwasyon na kinakailangang pagbigyan pagka ginaganap ang mga ilang bautismo. Halimbawa, pagka walang ibang lugar na may tubig kundi isang mabilis ang agos at mapanganib na ilog, maaaring irekomenda na dalawang kapatid na lalaki ang magtulong sa paglulubog. O dahil sa kapansanan ng babautismuhan, tulad kung siya’y paralitiko o totoong mahina, baka kailangan ang higit pa sa isang kapatid na lalaki upang magsagawa ng bautismo. Gayunman, ito ay pambihirang mga kaso na dapat pakitunguhan ng may katalinuhan. Ang karaniwan sa mga Saksi ni Jehova ay isa lamang lalaki ang maglulubog sa babautismuhan.