Maghapon sa Calcutta sa Pagdadala ng Mabuting Balita sa “Lahat ng Uri ng Tao”
ANG Calcutta, India ay isang siyudad na punung-puno ng “lahat ng uring tao.” Sa mahigit na sampung milyong mga tao rito, ang mga Saksi ni Jehova ay abalang-abala ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kailangan ng malaking kasanayan at pagtitiyaga upang marating ang lahat ng mga taong ito na may iba’t ibang lahi, kalagayan sa lipunan, kultura, relihiyon, at kalagayan sa kabuhayan. Subalit katulad ng Kristiyanong apostol na si Pablo, na sa kaniyang mga paglalakbay misyonero ay nakarating sa dulong bahagi ng daigdig noong panahon iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa Calcutta ay katulad din niya na “naging lahat ng bagay sa lahat ng uring tao” upang sila ay “sa lahat ng paraan makapagligtas ng ilan.”—1 Corinto 9:22; Colosas 1:23.
Paano nga ginagawa ng mga Saksi doon ang kanilang pangangaral, at anong uri ng mga tao at mga kalagayan ang napapaharap sa kanila sa kanilang ministeryo? Kamakailan, bilang isang bisita, gumugol ako ng maghapon sa Calcutta kasama ng isang payunir, o buong-panahong mangangaral. Ibig mo bang masulyapan nang sandali ang pambihirang karanasang iyan?
Isang Larangan na Malawak at Sari-sari ang Kalagayan
Nang malapit nang matapos ang gawain sa kaakit-akit na araw na iyan ng pangangaral sa bahay-bahay, kami ng aking kasama ay handa nang umuwi. Samantalang kami’y naghihintay ng bus, pinag-usapan namin ang tungkol sa mga hamon na napapaharap sa kaniya at sa iba pang mga payunir sa malawak na siyudad na ito.
“Bueno,” aniya, “tanungin ang sinuman na nasa buong-panahong gawaing pangangaral dito kung ibig niyang lumipat sa isang madali-daling gawing lugar. Sa palagay ko’y hindi siya gaanong interesado roon.”
Siya’y tama naman. Ang mga payunir sa Calcutta ay may palagay na ang kanilang gawain ang isa sa pinakakawili-wiling karera sa daigdig. Sila’y mayroong larangan na malawak at may sari-saring kalagayan sa lunsod na ito na may maraming pagkakaiba-iba.
Bagama’t ang relihiyong Hindu ang pinakalitaw sa siyudad, marami roon ang mga simbahan at mga bahay-sambahang Muslim, at mayroon ding mga ibang templong Budhista. Sa mga ilang lugar, malapalasyong mga tahanan ang tinitirhan ng ilan sa pinakamayayamang tao sa daigdig. Hindi gaanong kalayuan ang gumigiray nang mga dampa ng palipat-lipat na mga manggagawa na kumikita ng kakarimpot na 150 rupee (mga $12, U.S.) sa buwan-buwan. Kung gaano karami ang kanilang mga relihiyon at kanilang mga kalagayan sa pamumuhay, ganoon din ang kanilang mga kaugalian, wika, at hitsura.
Sa gitna ng lahat ng ito ay naroon ang isang malagong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na mayroong humigit-kumulang isang daang aktibong mga tagapagbalita ng Kaharian. Bagaman ang hamon ay mabigat, taglay ng mga Saksi ang natatanging kagalakan at kasiyahan sa kanilang kakayahan na bumagay upang makatugon sa pangangailangan ng mga tao.
Walang anu-ano, pumara sa harap namin ang Bus No. 45. Iyon ay punong-puno ng mga pasahero kung kaya’t ang agad nasabi ko ay: “Imposible na ako’y makaakyat pa rito!” May nagtulak sa akin buhat sa likod, at walang anu-ano kapuwa kami napatulak na paitaas sa bus sa tulong ng maraming kamay at mga katawan. Mga sampu pang katao ang nakasakay pagkatapos na kami ay makasakay. Sila’y naroon na bibitin-bitin na gaya ng mga bubuyog sa may pintuan. Sa loob ng bus, na para sa 46 katao na makakaupo, ang nabilang ko’y mahigit na isang daang ulo bago ako huminto ng kabibilang upang ipagpatuloy ang aking pakikipag-usap sa aking kaibigan.
“Palagi bang ganito ang mga bus?”
“Kadalasan ay medyo siksikan nga ang mga ito,” ang paliwanag niya, “pero ito’y di naman magastos, na nangangahulugan na kaya nating sumakay kahit na 6 hanggang 9 milya (10 hanggang 15 km) araw-araw sa pagparoon sa lalong malalayong panig ng siyudad upang doon mangaral.”
“Hindi ba lalong mas magaling na ang gawin ng lalong madalas ay itong mga pamayanan na mas malapit sa ating bahay?”
“Oo, subalit ang iba sa amin na mga buong-panahong manggagawa ay nagpasiya na magsikap na marating ang mga tao sa mga ibang lugar. Ang aming rekord ay nagpapakita na marami sa mga pamayanan sa Calcutta ang hindi nadadalhan ng mabuting balita noong nakalipas na 50 taon!”
Datapuwat ang pagparoon sa kaninuman sa isang naturang lugar ay isang tunay na hamon kahit na lamang dahilan sa dami ng mga tao. Minsan sa pamamagitan ng isang surbey ay napag-alaman na ang kapal ng tao sa Calcutta ay tatlong beses ang dami kaysa kapal ng tao sa New York City noon, at ang bilang ay lumaki pa noong nakaraang mga taon.
Mga isang katlo ng mga tao sa Calcutta ang nakatira sa labis na siksikang mga barung-barong na ang tawag doon ay bustee. Karaniwan nang ang mga bustee ay hili-hilirang maliliit na mga dampa, kadalasan ay isang dipa lamang ang layo sa isa’t isa. Bawat dampa ay binubuo ng sahig na lupa at mga dingding na putik at dumi ng baka na ikinulapol sa mga balangkas na kahoy, na binubungan ng tisang-luwad. Bawat dampa, na bahagya na lamang pasukin o di pinapasok ng hangin, ang tulugan ng pito hanggang walo katao. Karaniwan nang mayroong isang poso ng tubig para sa bawat 150 katao, at sa matatagal nang mga bustee, ang gobyerno ay nagtayo ng mga ilang palikurang pambayan.
Sa pagdalaw ng isa sa isang bustee, karaniwan nang nakasunod sa kaniya ang isang lubhang karamihan ng mga tao na hanggang sa isang daang mga mag-uusyoso, ang karamihan nito’y mga bata. Isang Saksi, medyo nayamot dahil sa patu-patuloy na pagsunod sa kaniya ng isang kabataan na nagbabalita ng kaniyang pagdalaw sa bawat tahanan, ang nagtanong sa kabataang yaong kung ibig niyang siya na ang magpatuloy ng pakikipag-usap na iyon. Sa ganitong pag-aanyaya, ang tract ay kinuha sa Saksi ng masayahing kabataan at siya na ang nagbigay ng salita-por-salitang presentasyon, at inialok ang mga magasing Bantayan at Gumising!
Pakikitungo sa Sari-saring Relihiyon
Mga kalahati ng bustee ng siyudad ang tirahan ng mga tagasunod ng Islam. Subalit, dahilan sa pinapayagan naman ang pangangaral sa siyudad, posible na mangaral sa bahay-bahay sa gayong mga lugar, isang pribilehiyo na sa tuwina’y hindi naman pinapayagan sa mga ibang bansa na may malalaking pamayanang Muslim. Itinanong ko kung ang mga payunir sa Calcutta ay may pantanging paraan sa paglapit sa mga taong may ganitong relihiyon.
“Ang ginagamit ng iba’y mga lokal na suliranin upang itawag-pansin ang kawalang-kaya ng tao na lunasan ang mga kahirapan na dumarating sa kaniya,” ang tugon ng aking kaibigan, “samantalang ang mga iba ay nagsisikap na makapanaig sa mga maling paniwala ng relihiyon sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga punto na karaniwang taglay ng karamihan, tulad halimbawa ng paniniwala sa isang Diyos, (hindi sa isang trinidad) o ang ating palasak na paniniwala na ang orihinal na Bibliya ay kinasihan ng Diyos.”
“At ang mga resulta?” ang tanong ko na nagtataka.
“Kakaunti-kaunti ang may sapat na interes upang maghangad ng isang pag-aaral sa Bibliya. Ang paghahanapbuhay at pagpapahusay ng kanilang kalagayan sa buhay ang waring tanging pinag-uukulan ng kanilang pag-iisip. Iyan, lakip ang kaunting pinag-aralan, kung mayroon man, ang dahilan kung kaya’t napakahirap sa kanila na tanggapin ang mabuting balita.”
Ang mga punto-de-vistang Hindu ay karaniwan nang makakasagupa mo sa siyudad. Ang mga Bengali lalung-lalo na ang mahilig na sumipi ng isang kasabihan ni Ramakrishna, na nabuhay at nangaral noong kalagitnaan noong ika-19 na siglo. Ang ibig sabihin ng “Jotto moth, totto poth,” kung isasalin nang may kaluwagan, ay na iba’t ibang daan lamang ang lahat ng relihiyon patungo sa isang pupuntahan.
“Ang ganito bang punto-de-vista ay mahirap na daigin?” ang tanong ko.
“Hindi kung ang taong kausap mo ay tumatanggap ng pangangatuwiran. Mataktikang maipaliliwanag natin ang mga ilang hayag na pagkakaiba, tulad halimbawa ng ating nakasalig sa Bibliyang pag-asa na pamumuhay magpakailanman bilang mga taong sakdal sa lupa. O kaya maaari nating banggitin na imposible na ang magkasalungat na mga paniwala ay maging totoo nang sabay. Halimbawa, alin sa mayroong kaluluwang walang kamatayan o dili kaya’y wala nga nito.”
“Iyan ay matinong pangangatuwiran.”
“Oo, subalit malimit na ang mga tao ay tumatangging maniwala sa ating seryosong sinasabi. Kanilang tinitiyak na alam nila ang ating paniwala at ganoon din ang kanilang paniwala. Ang ganitong saloobin ay isang panghadlang sa anumang may kabuluhang pag-uusap. Kaya’t sinisikap namin na mag-iwan na lamang ng mga ilang babasahin at magtungo na sa susunod na kakausapin namin.”
“Mayroon ba ng sinuman buhat sa pamayanang Hindu na naghahangad ng lalong malalim na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga layunin?”
“Oo, nakilala ng mga payunir ang isang kabataang lalaki na nawalan ng tiwala dahilan sa kaniyang pakikisama sa mga tagasunod ni Ramakrishna,” ang sabi ng aking kaibigan. “Siya’y kumuha ng mga magasin at nabasa na niya ito nang siya’y dalawing muli makalipas ang dalawang araw. Pagkaraan ng mga ilang talakayan, siya’y nagsimulang mag-aral ng pulyetong The Path of Divine Truth Leading to Liberation. Kaniyang isinusulat sa isang notebook ang kaniyang mga sagot at mga komento sa mga tanong sa pag-aaral. Hindi natapos ang limang buwan at ang lalaking ito ay nabautismuhan at naglilingkod bilang isang auxiliary payunir upang ang kaniyang kaalaman ay maibahagi rin niya sa marami pang mga iba.”
“Iyan ay isang pambihirang karanasan! Subalit ano ba ang epekto nito sa kaniyang pamilya?”
“Siya’y namumuhay na kasama ng kaniyang biyudang ina at lola, kapuwa mga saradong Hindu. Sila rin naman ay nagpakita ng interes at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Hindi nagluwat napansin ng mga kapitbahay ang mga pagbabago sa mga babae, at tatlo pang mga iba ang naging interesado bilang resulta. Ang ina ngayon ay bautismado na, at si lola, na medyo mabagal dahilan sa kaniyang edad na 70 taon, ay umaasang mababautismuhan sa lalong madaling panahon.”
Dahil sa katuwaan ng aking kaibigan na maikuwento ito, natatalos ko na ang ganiyang mga karanasan ay tunay na pampasigla sa mga payunir. Kung minsan ay maaaring tila bahagya ang progreso, subalit pagkatapos ay mayroong isa na bukod-tangi ang interes. Kaya naman ang mga payunir ay lumalakas ang loob na magpatuloy ng paghanap sa mga iba pa na maaaring interesado.
Pananaig sa Wika na Humahadlang
Ang mga pasahero sa bus ay medyo kumaunti, at may nakilala akong mga ilang Ingles. “Ticket, apnar ticket,” ang inihihiyaw ng isang pandak na lalaking di nakauniporme, na sa kaniyang kanang kamay ay may hawak na maraming bilyete de bangko na ang pagkaayos ay parang isang sari-saring kulay na abaniko at sa kaniyang tagiliran ay mayroong isang supot na katad ng mga panukli upang ipakita na siya’y isang konduktor. Magbabayad na sana ako, ngunit sinansala ako ng aking kaibigan bilang tanda ng kagandahang-loob ng mga taga-India. Kaniyang pinahawakan sa akin ang kaniyang portfolio at dumukot sa bulsa ng kaniyang kamisadentro para kumuha ng pambayad.
“Ano ba ang mayroon ka rito?” ang bulalas ko. “Tiyak na ito’y may bigat na isang tonelada!”
“Aba, ang mga edisyon ng mga Bibliya sa mga wika ng India ay pagkalalaki. Upang lubusang masangkapan sa Calcutta, talagang ang kailangan namin ay magdala ng Bibliya sa tatlong wika—Bengali, Hindi, at Ingles—bukod pa sa mga literatura sa Bibliya, siyempre pa.”
“Puwede bang magdala ka na lamang isang Bibliyang Ingles at isalin ang mga bersikulo?”
“Sa palagay ko’y puwede naman. Gayunman, maraming tao na ang nababasa lamang ay Bengali o wikang Hindi ang kailanma’y hindi pa nakakakita ng isang buong Bibliya sa kanilang sariling wika. Kami’y lalong higit na natutuwa pagka aming naipapakita sa kanila ang isang kopya at doon namin sila binabasahan. Sulit naman kahit na gugulan mo ito ng karagdagang lakas at kahit na ito’y lalong mabigat na dalhin.”
Upang masapatan ang mga pangangailangan ng mga grupong may iba’t ibang wika rito kailangang magpakasipag ang mga payunir. Ang karamihan sa kanila’y nag-aaral na magpatotoo nang mabisa sa tatlong mga pangunahing wika. Ang mga iba na may pambihirang talino ay natutong magsalita ng lima o anim na mga wika. Ang mga tagaroon ay nagpapahalaga sa pagsisikap ng mga dayuhan doon na makapagsalita sa wika na ginagamit sa pamayanan, at ang kanilang pagbibigay pansin ay sapat na kagantihan na sa maraming oras ng pag-aaral ng wika.
Ang Pagkasumpong ng Kagalakan sa Isang Teritoryo na Nagsisilbing Isang Hamon
Walang anu-ano ay bigla na namang sumagitsit ang preno ng aming bus na gastado na, pumara ito, at ako’y nagitgit na palabas.
“Bakit dito tayo bababa?” ang tanong ko. “Hindi ka naman dito nakatira.”
“Hindi nga, ito’y lugar ng Punjabi. Alam mo, ang mga taong ito ang may pinakamasarap na tsa. Naisip ko na baka ibig mong tikman ang isang tasa ng tsa.” Ang tsa ay masarap.
“Paano mo nalaman ang tungkol sa lugar na ito?” ang tanong ko.
“Sa paggawa namin sa bawat lugar, nalalaman naming mga payunir kung ano ang espesyalidad ng isang lugar at kung saan naroroon ang mga tindahan na mabibilhan ng pinakamagagaling at pinakamurang mga pagkain. Kung matibay-tibay ang iyong sikmura, puwede tayong pumaroon at tikman ang ilang masasarap na pagkain ngayong gabi.”
Natatandaan ko ang payo ng ilan sa aking mga kaibigan na medyo maiingat, kaya tinanggihan ko ang anyaya. Pero nasiyahan naman ako sa tsa. Napatunayan ko na ang mga payunir ay timbang at natuto silang pakibagayan ang anumang mga kalagayan. Kahit na yaong mga kalagayan na sa primero ay waring mga hadlang ay maaaring madaig at masisiyahan ka rin.
“Mayroon bang anuman na hindi kasiya-siya tungkol sa inyong gawain?” ang tanong ko sa wakas.
Pinag-isipan sandali ng aking kaibigan ang tanong na ito. “Sa palagay ko ang lagay ng panahon kung tag-init at tag-ulan ang isang bagay na talagang hindi namin kasasanayan. Subalit isang problema iyan na nakaharap sa iyo nagpapayunir ka man o hindi. Ang init at halumigmig ay tumataas ng napakataas na ang pawis kalimitan ay tumutulo sa iyong Bibliya galing sa dulo ng iyong ilong samantalang bumabasa ka roon. Gayunman, kami’y natututo na pagtagumpayan ito. Aba, kung Mayo, marahil siyang pinakamainit na buwan ng isang taon, ang pinakamaraming bilang ng auxiliary payunir ang makikitang kasa-kasama namin sa pangangaral.”
Pagka ginugunita ang nakalipas na araw na iyon at ang aking pakikipag-usap sa kaibigan kong payunir, ako’y humahanga sa katangian ng mga payunir sa Calcutta na bumagay sa napakaraming iba’t ibang situwasyon at uri ng mga tao upang ang mga ito ay kanilang marating at madalhan ng mabuting balita. Kung sa bagay, batid ko na ang mga payunir sa buong daigdig ay ganiyan din ang ginagawa. Sila’y tunay na masasaya na ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uring tao.’—Isinulat.
[Mapa/Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
INDIA
Calcutta