Ikinagagalak ng Panama ang Kaniyang Gawang Pagtatayo
ANG mga proyekto ng pagtatayo ay hindi bago sa Panama. Sa may pasimula ng siglong ito, nagsimula ang trabaho sa napakalaking kanal na bumabagtas sa gitna ng makitid na bansang ito, na nagkakatnig sa karagatang Atlantiko at Pasipiko. Dahil sa kahanga-hangang proyektong ito ng pagtatayo nakamit ng munting Panama ang taguring “ang sangandaan ng daigdig.”
Noong Enero 18, 1986, sumapit sa tugatog ang isa pang uri ng gawang pagtatayo. Nang araw na iyon ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos ng isang programa ng pag-aalay para sa kanilang bagong katatayong mga pasilidad ng tanggapang sangay. Bagama’t 211 lamang ang nakadalo sa programa ng pag-aalay, libu-libo naman ang nakapakinig sa pamamagitan ng isang sistema ng telepono. Naroon sa bagong gusali ang mga manggagawa ng punung-tanggapan, ang mga misyonero, at ang isang palimbagan.
Gayunman, ang pagtatayo ng mga pasilidad na ito ay isang bahagi lamang ng isang espirituwal na programa sa pagtatayo na nagaganap sa Panama sapol ng katapusan ng ika-19 na siglo. Nang panahon na iyon ay naghasik dito ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian. Hanggang sa sumapit ang taong 1957, mayroon noong isang libo o higit pang mga mamamahayag ng “mabuting balita” sa Panama. (Mateo 24:14) Ang munting tanggapang sangay at tahanang misyonero na itinayo noong taon na iyon ay sapat na. Subalit sa loob ng 20 taon ang bilang ng mga Saksi ay nadoble ng makaitlo! Kaya noong Setyembre 1982 inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pagtatayo ng isang bagong tanggapang sangay.
Ang lokasyon? Mga 12 milya (19 km) sa labas ng Lunsod ng Panama sa isang magandang lugar na nakapanunghay sa isang look.
Ang Hamon ng Pagtatayo
Subalit sino ang magdidisenyo ng gusali? Paano iyon itatayo at sino ang magtatayo? Samantalang isinasaisip ang mga salita ng Awit 127:1, ang mga kapatid ay kumilos na, sa pagkaalam na tutulungan sila ni Jehova upang mapagtagumpayan ang wari’y di-mapagtatagumpayang mga balakid.
Gumawa ng balangkas ng mga plano na nagpapakita ng laki ng espasyong kinakailangan para sa isang opisina, isang library o aklatan, bodega ng literatura, isang munting palimbagan, at mga tirahan para sa mga manggagawa sa punung-tanggapan. Kasali na rito ang isang malaking Kingdom Hall. Ang mga nasa kawanihan ng arkitektura sa punung-tanggapan ng Watch Tower Society sa Brooklyn, New York, ay tumulong sa pamamagitan ng pagdidisenyo ng isang gusali na tutugon sa mga pangangailangang ito.
Kasunod nito na dumating ang hamon ng aktuwal na pagtatayo. Daan-daang mga Saksi na tagaroon ang nagboluntaryo. Ang mga kapatid sa Estados Unidos ay naghandog din ng kanilang kabihasnan sa paggawa at serbisyo. Sa loob ng anim na linggo lamang, mayroong 230 mga katulong ang nagsidating, kasali na yaong mga naggaling sa iba pang mga bansa sa Sentral Amerika.
Ang mga kapatid na tagaroon ay nalulugod naman na buksan ang kanilang mga tahanan. Isang pamilya ang pansamantalang lumipat sa isang tolda upang mapatuloy ang 11 mga boluntaryo. Ang mga iba na mayroong maliliit na bus na pampaaralan ay naglaan ng transportasyon para sa mga manggagawang ito. Ang mga iba naman ay nagkaroon ng bahagi sa paglalaan ng 30,000 libreng mga komida na isinilbi doon mismo sa lugar ng konstruksiyon. Nakarirepreskong mga inumin na gawa sa pinya, dalanghita, papaya, mangga, pati na tubig ng buko, ay isinilbi bilang pamatid-uhaw ng mga nagtatrabaho sa ilalim ng init ng araw.
Hindi Isang Tore ng Babel
Mabilis ang progreso ng trabaho. Sa loob ng dalawang linggo, lahat ng dingding ay naitayo hanggang sa taas ng ikalawang palapag, ang iba sa mga barakilang bakal ay nasa kani-kaniyang lugar na, at ang sahig ng Kingdom Hall sa ikalawang palapag ay nailatag na. Ang trabaho ng mga tubero at mga elektrisista ay isinabay sa paglalatag ng mga bloke, pagpapalitada, at sa instalasyon ng mga bintana at mga pinto. Sa wala pang isang buwan ay naikabit ang bubong, tiyempung-tiyempo sa pagbibigay-proteksiyon buhat sa isang malakas na ulan—na di sukat akalain para sa panahong ito ng isang taon.
Nagkaroon ng mga ilang problema. Kung minsan, hanggang 800 boluntaryo ang naroroon, at kailangan ang maraming pag-oorganisa upang silang lahat ay mabigyan ng gawain. Isa pa, karamihan sa bisitang mga kapatid ay hindi marunong ng Kastila. Imbis na ito’y maging dahilan upang mapahinto ang pagtatayong iyon, gaya ng nangyari sa kasumpa-sumpang Tore ng Babel, nagpakita ang mga kapatid ng mga bunga ng espiritu—at nagsilbing interpreter naman ang iba.—Galacia 5:22, 23.
Samantalang isinasagawa ang proyekto, ang espirituwalidad naman ay pinangangalagaan. Regular na ginaganap ang mga pulong ng kongregasyon sa lugar ng konstruksiyon, at may panahon din para sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Mayroon din namang mga panahon ng paglilibang, pagliliwaliw, at mga kasayahang sosyal. Subalit ang mga kapatid ay naroroon upang unang-una ay magtrabaho, at ang mga itinatayo roon ay natapos nang madali!
Sa kaniyang pahayag sa pag-aalay, si John Booth ng Lupong Tagapamahala ay nagbigay ng magandang sumaryo, na ang sabi: “Ano ba ang manggagaling sa lahat ng itinayong ito na ginawa natin? Aba, tayo’y nagtatayo para sa walang hanggang kinabukasan. Hindi sa bagay na ang itinayo ay nananatili magpakailanman, kundi ang resulta ng pagtatayong ito at ang gawain ng mga kapatid sa buong bansa at sa buong daigdig ay mga tao na mabubuhay ng walang hanggan.” Hindi nga kataka-taka na ikagalak ng mga Saksi sa Panama ang kanilang patuloy na lumalawak na gawaing pagtatayo!
[Mga mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Panama
Panama City