Ang Pagtitiwala kay Jehova ay Umaakay Tungo sa Pag-aalay at Bautismo
“Tumiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupa, at makitungo ka sa pagtatapat.”—AWIT 37:3.
1. Anong patotoo ng makasanlibutang-marurunong na mga tao ang nagpapakita na walang kabuluhan ang magtiwala sa mga lider na tao?
SA KANINO ba tayo makapagtitiwala? Sa mga lider na tao ba? Ang kanilang mga rekord ay nagpapakita na walang kabuluhan na magtiwala sa di-sakdal na mga tao. Aba, kahit na ang makasanlibutang-marurunong na mga tao ay kumikilala sa bagay na iyan! Sa gayon, sa Europa ang pangkalakal na magasing Vision ay nagsabi minsan na ang “pinakamasama tungkol sa kasalukuyang kalagayan ay na walang sinumang makakita ng paraang makaalpas dito.” At ang historyador sa ekonomiya na si Robert Heilbroner ay nagsabi: “Mayroon pang isang bagay na lumiligalig sa atin. Iyon ay ang paghihinala na walang sinumang nangangasiwa sa mga bagay, na walang sinumang may kakayahan na makitungo sa mga problema na dumadagsa sa atin.”
2. Ano ang masasabi tungkol sa mga pakinabang sa modernong siyensiya?
2 Totoo naman, malaking progreso ang naisulong ng mga tao sa iba’t ibang larangan ng siyensiya. Subalit lahat ba nito ay naging kapaki-pakinabang? Hindi, hindi nga nagkagayon. Gaya ng tinukoy ng awtor na si Lewis Mumford: “Ang paniwala na ang mekanikal at siyentipikong pag-unlad ang garantiya ng katumbas na mga pakinabang sa tao . . . ngayon ay naging lubusang di-makatuwiran.” Ang isang kasong masasabi natin ay ang pag-ulan ng asido, na nagdadala ng polusyon sa mga look at mga ilog at isang sanhi ng pagkamatay ng angaw-angaw na mga punungkahoy. Isa pa, ang nakalulungkot na kalagayan ng daigdig—ang pagdami ng krimen, karahasan, at terorismo, ng mga sugapa sa droga at alak, at sa mga sakit na kumakalat sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, at ang mabuway na kalagayan ng kabuhayan—lahat ito ay nagpapatotoo na walang kabuluhan na ang ating pagtitiwala’y ilagak sa mga lider na tao.
3. Ano ang payo na ibinibigay ng Salita ng Diyos tungkol sa kung saan dapat nating ilagak ang ating pagtitiwala?
3 Ang Salita ng Diyos ay angkop na angkop ang payo sa atin: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Kung hindi sa tao, kanino ngayon natin mailalagak ang ating pagtitiwala? Mailalagak natin ang ating pagtitiwala sa Maylikha ng langit at lupa, gaya ng mababasa natin: “Mapalad ang may malakas-na-katawang tao na tumitiwala kay Jehova, at ang pag-asa ay si Jehova.”—Jeremias 17:7.
Bakit Magtitiwala kay Jehova?
4. Ano ang pinakadakilang mga katangian ni Jehova, at paano nagbibigay ito sa atin ng matitibay na dahilan sa paglalagak sa kaniya ng ating tiwala?
4 Tayo’y makapagtitiwala kay Jehova sa matitibay na dahilan. Una sa lahat, tayo’y makapagtitiwala sa kaniya dahilan sa kaniyang pinakadakilang mga katangian—pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan—at iba pang kahanga-hangang mga katangian. Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita na siya ay omnipotente, at isa sa kaniyang mga titulo ay “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 28:3) Anong tibay na batayan iyan para tayo magtiwala! Walang sinuman na matagumpay na makalalaban kay Jehova, at walang sinumang makahahadlang sa kaniyang mga layunin. Siya rin naman ang Isang Omnisiyente. Alam niya hindi lamang ang una hanggang katapusan, yamang ang hinaharap ay isang bukás na aklat sa kaniya, kundi sa kaniya’y tumatahan din ang lahat ng kaalaman at karunungan, gaya ng makikita sa pamamagitan ng kaniyang kamangha-manghang mga gawang paglalang. Kailanman sa anuman sa kaniyang mga pakikitungo ay hindi siya nakagawa ng kahit isang pagkakamali. (Isaias 46:10; Roma 11:33-35) Higit pa sa riyan, si Jehova ay lubusang mapagkakatiwalaan, isang Diyos ng katuwiran at katapatan. Imposible na siya’y magsinungaling. (Deuteronomio 32:4; Tito 1:2; Hebreo 6:18) Higit sa lahat, yamang ang walang imbot na pag-ibig ang nangingibabaw na katangian niya, angkop naman na sabihin: “Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8, 16.
5. Anong patotoo mayroon ang Salita ng Diyos, na nagpapatunay na siya’y mapagkakatiwalaan?
5 Ang mga pakikitungo ni Jehova sa sangkatauhan ay nagpapatunay pa rin na siya’y isang Diyos na mapagkakatiwalaan dahil sa kaniyang sukdulang kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig. Tiniyak ni Moises sa mga Israelita na si Jehova ay tumutupad ng pakikipagtipan at nagpapakita ng kagandahang-loob sa lahat ng umiibig sa kaniya at sumusunod sa kaniyang mga utos. (Deuteronomio 7:9) Una pa rito, iningatan ni Jehova ang may takot sa Diyos na si Noe at ang kaniyang sambahayan upang makatawid sa malaking Baha. Iniligtas ng Diyos ang matuwid na si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae buhat sa maapoy na pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra. Nang maglaon, ang mga Israelita ay inilabas ng Diyos sa Ehipto at ibinigay sa kanila ang lupain ng Canaan bilang pagtupad ng kaniyang pangako kay Abraham. (Genesis 7:23; 17:8; 19:15-26) At hindi baga iniligtas ni Jehova ang tatlong Hebreo na inihagis sa nag-aapoy na hurno, at pati rin si Daniel buhat sa kulungan ng mga leon?—Daniel 3:27; 6:23.
6. Anong modernong-panahong katibayan mayroon tayo na ang pagtitiwala kay Jehova ay hindi isang pagkakamali?
6 Na si Jehova’y ating mapaglalagakan ng ating pagtitiwala ay pinatutunayan din naman ng mga karanasan ng kaniyang modernong-panahong mga Saksi. Halimbawa, ipinangalandakan ni Adolf Hitler na kaniyang malilipol ang “lahi” ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Subalit sa halip si Hitler at ang kaniyang partidong Nazi ang nalipol, at sa ngayon ang pangkat na iyon ng mga Saksi ay dumami nang maraming beses hanggang sa umabot ng mahigit na 119,000. Isa pa, literal na daan-daang mga talambuhay ng mga Saksi ni Jehova na napalathala sa Ang Bantayan at sa kasama nitong magasing Gumising! ang mariing patotoo sa bagay na si Jehova ay tunay nga na siyang Diyos na ating mapagtitiwalaan.
Kung Bakit ang Iba’y Hindi Nagtitiwala kay Jehova
7. Bakit sinabi ng isang lalaki na siya’y “isang Miron ni Jehova”?
7 Subalit, iilan-ilan lamang sa ngayon ang naglalagak ng kanilang tiwala kay Jehova! Marami rin sa nakakilala sa kaniyang mga katangian at mga ginawa ang hindi naglalagak sa kaniya ng pagtitiwala. Isang artikulo na napalathala sa lathalaing U.S. Catholic (Enero 1979) ang nagsasabi ng ganito tungkol sa isa sa gayong tao: “Nang ang nagsurbey ay magtanong sa lalaki ng tungkol sa gusto niyang relihiyon, ito’y tumugon, ‘Sa palagay ko ako ay isang Miron ni Jehova.’ Nang anyayahan upang magpaliwanag pa, ganito ang sabi niya, ‘Sa kalakhan ay naniniwala ako sa mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova—pero ayaw kong ako’y mapasangkot.’” Ganito ang komento ng magasin, “Ang isang nag-alay na Saksi ni Jehova ay walang mapagpipilian kundi ang siya’y lubhang mapasangkot.”
8. Anong pangunahing katangian ang umuudyok sa isang tao na magnais mapasangkot sa paglilingkod kay Jehova?
8 Bakit nga ba ang iba ay ayaw mapasangkot? Sapagkat wala sila ng tamang kalagayan ng puso. Ang tao ay kailangang “wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan.” (Gawa 13:48) Gaya ng binanggit ni Jesus sa kaniyang talinghaga ng manghahasik, yaong mga nagbubunga ay tumatanggap ng salitang katotohanan sa ‘mga pusong timtiman at mabubuti.’ (Lucas 8:15) Oo, ang katotohanan ay hindi nakahihikayat sa mga taong walang kataimtiman. Ang isang pangunahing kahilingan ay ang pagkakaroon ng matapat na puso. Ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay hindi rin naman nakakaakit sa mga taong hambog. Kailangan ang pagpapakumbaba. (Santiago 4:6) Isa pa, ang katotohanan ay hindi nakakaakit sa mga taong nasisiyahan na sa kanilang sarili at matuwid sa sarili. Subalit ito’y nakakaakit sa mga taong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at nagbubuntong-hininga at dumaraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na nakikita nilang nagaganap sa daigdig sa ngayon.—Mateo 5:3, 6; Ezekiel 9:4.
Ang Pagtitiwala kay Jehova ay Umaakay Tungo sa Pag-aalay
9, 10. (a) Ano ang kailangan bago ang isang tao’y makapaglagak ng pagtitiwala kay Jehova, at paano tumutugon yaong mga may tamang kalagayan ng puso? (b) Kanino nagsasagawa ng pananampalataya ang gayong mga tao?
9 Bago ang isang tao’y makapaglagak ng tiwala kay Jehova, kailangang marinig niya ang mga bagay na tungkol sa Kaniya. Subalit “paano sila magsisitawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano sila sasampalataya sa kaniya na tungkol sa kaniya hindi nila napakinggan? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?” (Roma 10:14) Sa pangangaral ng mga lingkod ni Jehova, yaong mga may tamang kalagayan ng puso ay tumutugon, gaya ng pagtugon ng marami sa mga tagaroon sa sinaunang Tesalonica. Tungkol sa mga ito, si Pablo ay sumulat: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na narinig ninyo sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos, na gumagawa rin sa inyo na nagsisisampalataya.”—1 Tesalonica 2:13.
10 Pagkatapos makilala si Jehova ng gayong mga taong may mabubuting puso, sila’y kailangang magsagawa ng pananampalataya sa kaniya. Ito’y mahalaga, sapagkat “kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam sa kaniya, sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay gamtimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kailangan din ang pagsasagawa ng pananampalataya sa Anak ng Diyos. “Sa kaninumang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas”—oo, walang ibang pangalan kundi yaong kay Jesu-Kristo.—Gawa 4:12.
11. Ang pagtitiwala kay Jehova ay magpapakilos sa isang tao na sundin ang anong payo na ibinigay ni apostol Pedro?
11 Ang pagtitiwala sa Salita ng Diyos, kay Jehova, at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang magpapakilos sa isang tao na sundin ang ipinayo ni apostol Pedro sa mga Judio noong kaniyang kaarawan: “Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang dumating ang mga panahon ng kaginhawahan buhat sa personang si Jehova.” (Gawa 3:19) Sa pamamagitan ng pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga kahilingan, natututuhan ng isang tao na ang kalooban ng Diyos para sa kaniya ay maging isang tagasunod siya ni Jesu-Kristo. Gaya ng pagkasabi ni Pedro: “Sa ganitong pamumuhay kayo tinawag, dahil sa si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng modelo upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.” (1 Pedro 2:21) Nilinaw ni Jesus ang mga bagay na kasangkot nang kaniyang sabihin: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Iyan ay nangangahulugan ng pag-aalay ng sarili ng isa sa Diyos na Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban at sumunod sa mga yapak ni Jesu-Kristo.
Ang Pag-aalay ay Hindi Lamang Isang Pangako
12. Paano malimit ginagamit sa Sangkakristiyanuhan ang salitang “pangako”?
12 Sa Sangkakristiyanuhan ang terminong “pangako” ay paulit-ulit na ginagamit tungkol sa pagiging isang Kristiyano. Sa gayo’y sinasabi sa atin na ang mga Ebangheliko ng Estados Unidos ay “nagdiriin ng isang personal na pangako kay Jesus.” Isang klerigong Romano Katoliko ang bumanggit ng isang “Katolikong pangakong relihiyoso.” Sa pagtatanggol ng kaniyang pulitikal na pagkasangkot, isang paring Katoliko ay nagsabi minsan: “Ang paglahok sa pulitika ay isang karagdagan sa aking pangako (bilang pari).” At ang mga bahay-kalakal ay nag-aanunsiyo ng “Aming Pangako sa Aming mga Parokyano.” Kung gayon, sa aktuwal ay maaaring magkaroon ng napakaraming sabay-sabay na pangako ang isang tao: mga pangako sa negosyo, panlipunang mga pangako, pulitikal na mga pangako, at relihiyosong mga pangako.
13. Ano ang kasangkot sa pag-aalay kay Jehova?
13 Subalit, ang pag-aalay sa Diyos na Jehova ay hindi lamang isa pang pangako. Ang pangako ay isa lamang “kasunduan o pag-akò na gawin ang isang bagay sa hinaharap.” Ngunit ang pag-aalay ay nangangahulugan ng ‘bukod-tanging pagtatalaga ng sarili sa paglilingkod o pagsamba sa isang dibinong persona o sa mga banal na gamit.’ Karamihan ng tao ay kontento na gumawa ng pangako imbis na gumawa ng pag-aalay. Ito ang tiyak na dahilan ng bagay na ang kanilang relihiyon ay katulad lamang ng isang sanligang musika. Kalugud-lugod ngang pakinggan ngunit hindi nakahahadlang sa anumang talagang ibig gawin ng isang tao.
14. Bakit kung isang pangako lamang ay hindi nakalulugod sa Diyos na Jehova?
14 Sa pag-aalay ng sarili sa Diyos ang paggawa ng kaniyang kalooban ang pinakaimportanteng bagay sa buhay. Kailangan na tuparin ng isang tao ang una at pinakadakilang utos, na binanggit ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong isip at ng iyong buong lakas.” Idiniin ni Jesus ang bukod-tanging kaurian ng paglilingkod sa Diyos nang kaniyang sabihin: “Sinuman ay hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magtatapat siya sa isa at pawawalang-halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapagpapaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Marcos 12:30; Mateo 6:24) Maliwanag, kung gayon, na ang basta pangako lamang ay hindi nakalulugod kay Jehova.
Bakit Paglulubog sa Tubig?
15. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus tungkol sa pangmadlang pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos?
15 Bakit sasagisagan ang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabautismo? Kung ibig ng isang tao na maging isa sa mga Saksi ni Jehova, siya’y walang ibang maihahalili rito. Totoo rin iyan kung ibig niyang siya’y makilala na isang Kristiyano, isang tagasunod ni Jesu-Kristo. Ang “Tapat na Saksi” ni Jehova, si Jesus, ang nagpakita ng halimbawa nito, sapagkat siya’y binautismuhan sa Ilog Jordan. Yamang nagsisising mga makasalanan ang binabautismuhan noon ni Juan, hindi niya maunawaan kung bakit ibig ni Jesus na pabautismo, subalit sinabi sa kaniya ni Jesus: “Bayaan mo na ngayon, sapagkat ganiyan ang nararapat sa atin na ganapin ang lahat na matuwid.” (Apocalipsis 1:5; Mateo 3:13-17) Sa gayon ang Anak ng Diyos ay gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpipresenta ng kaniyang sarili kay Jehova, nagpakita ng isang halimbawa para sa lahat ng mga nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos.
16. Tungkol sa bautismo anong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at ano ang nagpapakita na ang kaniyang mga alagad ay sumunod sa utos na iyan?
16 Higit sa riyan, mga ilang saglit bago siya bumalik sa kaniyang Ama sa langit, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang rekord sa aklat ng mga Gawa ay nagpapakita na masigasig na tinupad ng mga alagad ni Jesus ang utos na iyan.—Gawa 2:40, 41; 8:12; 9:17, 18; 19:5.
17. Bakit kung pagwiwisik lamang ay hindi isang tunay na bautismo?
17 Paano nabautismuhan ang mga ito? Sa pamamagitan ba lamang ng pagwiwisik sa kanila ng tubig, gaya ng kinaugalian sa karamihan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan? Hindi, hindi nga! Si Jesus ay ‘umahon sa tubig’ pagkatapos na bautismuhan. Ito’y malinaw na nagpapakita na siya’y inilubog sa tubig. (Marcos 1:9, 10) Ang totoo, maliban dito’y wala nang iba pang bautismo, sapagkat ang salitang Griegong isinaling “bautismuhan” ay nangangahulugan na “ilubog, itubog.”—Gawa 8:36-39.
18. Bakit ang paglulubog ang pinakaangkop na simbolo ng pag-aalay ng isang tao sa Diyos?
18 Ang gayong bautismo ang pinakaangkop na simbolo ng pag-aalay. Ang pagkalubog sa ilalim ng tubig ay hustong lumalarawan sa pagkamatay ng isang tao sa kaniyang dating landas ng pamumuhay. Ang pagbabangon sa kaniya sa tubig ay lumalarawan sa pagbabangon sa kaniya sa isang bagong paraan ng pamumuhay. Kung paanong ang isang seremonya sa kasal ay tumutulong upang ikintal sa isang ikinakasal na nobya at nobyo ang kanilang pagkakasal, gayundin na ang paglulubog sa tubig sa harap ng mga saksi ay malamang na gumawa ng namamalaging impresyon sa magpapabautismo. Walang alinlangan tungkol dito: Sa pamamagitan ng aktong pagbabautismo, ang pag-aalay kay Jehova ng isang tao ay dapat na walang pagkaburang nakakapirmi sa isip at memorya ng isang tao bilang pinakamahalagang pangyayari sa buhay niya. Ito ang palatandaan ng napakalaking pagbabago buhat sa paglilingkod sa sarili tungo sa paglilingkod sa Diyos na Jehova.
19. Ano ang isa pang dahilan upang ang isa’y pabautismo?
19 Huwag nating kaliligtaan na ang bautismo sa tubig ay isang patiunang kahilingan para sa pagkakaroon ng isang mabuting budhi sa harap ni Jehova. Ito’y nilinaw sa 1 Pedro 3:21, na nagsasabi: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid baga, ang bautismo, (hindi ang pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi ang nakikisuyong paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi,) sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu-Kristo.”
Pagbabautismo sa Anong Edad?
20. Bakit ang mga sanggol ay hindi kuwalipikado sa bautismo?
20 Ang mga salita ni Jesus sa Mateo 28:19, 20 ay nagpapakita na yaong mga ginawang alagad niya ang dapat na bautismuhan. Samakatuwid, ipinakikita nito na walang sanggol o maliiit na bata ang makatutupad ng mga kahilingan ng Kasulatan ukol sa bautismo. Ang isang sanggol ay hindi makapagsasagawa ng pananampalataya sa Salita ng Diyos, sa Diyos na Maylikha, at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Hindi nauunawaan ng isang sanggol na ang banal na espiritu ay yaong aktibong puwersa ng Diyos; at hindi rin ito nakapagsisisi sa nakaraang mga kasalanan niya at makagagawa ng isang taimtim na panata na gawin ang kalooban ng Diyos.
21. Angkop ba para sa mga kabataan na pabautismo?
21 Subalit wari nga na mayroong mga iba sa bayan ng Diyos na nasa kabilang dulo naman. Hinahayaan ng maraming mga magulang na Kristiyano na maghintay ang kanilang mga anak hanggang sa ang mga ito ay nasa mga huling taon na ng kanilang pagkatin-edyer bago banggitin sa kanila ang paksa ng bautismo. Malimit, tayo’y nakakabalita ng mga kabataang gumagawa ng tunay na pag-aalay batay lamang sa kanilang sariling pagpapasiya. Halimbawa, ang anak na lalaki ng isang elder na hindi pa isang tin-edyer ay taimtim na nagnanais pabautismo. Kaya ang ginawa ng kaniyang ama ay nakiusap sa tatlong iba pang mga elder na talakayin sa kaniyang anak ang mga tanong na isinaayos para sa mga nagbabalak pabautismo.a Ang kanilang konklusyon ay na, bagaman may kamusmusan pa, siya’y kuwalipikado na pabautismo bilang isang ordinadong ministro ng Diyos na Jehova. Siyanga pala, nag-aral sa Pioneer Service School sa Bahamas kamakailan ang isang sampung-taóng-gulang na bautismadong batang babae, na anak ng dalawang buong-panahong mga ministro!
22. Pagka ang pinaunlad ng mga magulang sa kanilang mga anak ay mga personalidad na Kristiyano, ano ang maaasahan nila sa kanilang mga anak na nasa kabataan?
22 Sa bagay na ito, wari nga na may mga magulang na nagkukulang. Hanggang saan nila ginagamit ang ‘lumalaban sa apoy na mga materyales’ upang magtayo ng mga personalidad na Kristiyano sa kanilang mga anak? (1 Corinto 3:10-15) Una sa lahat, ang paggawa ng gayon ay nangangailangan na ang dalisay na pagsamba kay Jehova ang maging pinakamahalagang bagay sa buhay ng mga magulang. Isa pa, kailangang sundin ng mga magulang ang mainam na payong ibinigay sa Deuteronomio 6:6, 7 at Efeso 6:4. Ang resulta nito ay baka kailanganin ng mga magulang na pigilin ang kanilang mga anak sa pagpapabautismo nang napakaaga, imbis na kailanganin sa bandang huli na udyukan pa sila.
23. Minsang ang isang tao’y sumapit na sa punto ng pag-aalay at bautismo, ano pa ang kailangan?
23 Minsang ipinakilala ng isang tao ang pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aalay at bautismo sa tubig, kailangang patuloy na ipakilala niya ang pagtitiwalang iyon. Ang susunod na artikulo, “Paglilingkod Bilang Nagtitiwala na mga Kamanggagawa ni Jehova,” ang tutulong sa atin na maunawaan kung ano ang kasangkot dito.
[Talababa]
a Ang serye ng mga tanong na sasagutin ng lahat ng ibig pabautismo bilang mga Saksi ni Jehova ay matatagpuan sa aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo. Ang mga naghahanda para sa bautismo ay maaaring magkaroon ng isang kopya nito.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang nagpapatotoo na walang kabuluhan ang ilagak sa mga tao ang ating pagtitiwala?
◻ Bakit ang mga katangian at pakikitungo ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng matibay na mga dahilan ng pagtitiwala sa kaniya?
◻ Bakit ang paglalagak ng pagtitiwala kay Jehova ay nangangailangan ng pag-aalay at hindi lamang pangako?
◻ Paano maitatanim ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pagnanasa na ialay kay Jehova ang kanilang sarili sa maagang edad?
[Larawan sa pahina 10]
Mailalagak natin ang ating pagtitiwala kay Jehova bilang ang Dakilang Tagapagligtas