Pananalangin sa Bundok Hiei—Pagsulong ba Tungo sa Pandaigdig na Kapayapaan?
ANG panalangin kaya ay magdadala ng pandaigdig na kapayapaan? “Hindi darating ang kapayapaan sa pamamagitan lamang ng pananalangin. Hindi iyan kasingpayak na gaya niyan,” ang sabi ni Gijun Sugitani, isang tagapag-organisa ng isang miting sa pananalangin na ginanap noong Agosto 1987 sa Hapón. “Pero inaakala kong hindi rin makakamit ang kapayapaan nang walang panalangin.” Ang kaniyang paniwalang iyan ay nakakatulad ng paniwala ng humigit-kumulang 500 mga Hapones at 24 na mga dayuhang delegado sa 1987 Religious Summit na ginanap sa Kyoto, Hapón.
Ang sektang Budhista na Tendai ang nagmungkahi ng miting na ito sa pananalangin upang pasundan yaong isa na ginanap noong 1986 sa Assisi (Italya) at ineskedyul upang makasabay ng ika-1,200 anibersaryo ng pagbubukas ng Enryakuji Temple sa Bundok Hiei. Mga taong ang relihiyo’y Budhista, naturingang mga Kristiyano, Confucianista, Hindu, Islamiko, Judio, Sikh, at Shinto ang naghali-halili ng paghandog ng mga panalangin sa bundok. Ang miting na iyon kaya ay tunay na isang pagsulong tungo sa pandaigdig na kapayapaan?
Miting na “Kaayusan ng Bulaklak”
“Ang summit meeting ay isang relihiyosong kaayusan ng bulaklak,” ang sabi ni Etai Yamada, ang pinakamataas na pari sa sektang Tendai at siyang pandangal na chairman. “Wala sa mga bulaklak ang nawawalan ng kaniyang sariling korte at halimuyak.” Ang ibig niyang sabihin ay habang ang mga relihiyon ay nagkakaisa sa kanilang paghahangad ng pandaigdig na kapayapaan, ang bawat isa ay maaaring manghawakan sa kaniyang nagkakasalungatang mga paniniwala, tulad ng isa-isang mga bulaklak sa isang kaayusan.
Kabilang na sa prominenteng mga “bulaklak” sa miting ay ang Iglesia Katolika, na kinakatawan ni Francis Cardinal Arinze ng Secretariat ng Vaticano ukol sa mga di-Kristiyano. Binasa ni Arinze ang mensahe ng papa, na nagsasabi na “ang kapayapaan ay hindi maaaring matamo kung walang panalangin at bagama’t maaaring pasimulan ng isang limitadong dami ng mga tao ang mga digmaan, sa kapayapaan naman ay nangangailangan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat.”—Mainichi Daily News, Agosto 5, 1987, pahina 12.
Kung ang pag-asa ukol sa pandaigdig na kapayapaan ay “nangangailangan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat,” gaano ang kapangyarihan ng Diyos na kanilang hinahandugan ng panalangin? Ang mga delegado ay nanalangin ukol sa kapayapaan, ngunit sila’y naniniwala na ang mga pagsisikap ng tao ang magdudulot nito. Tulad ng isang panggayak na kaayusan ng mga bulaklak, ang miting na ito sa pananalangin ay nilayon na maging isang magandang displey ng kanilang sariling mga pagsisikap.
Ang isang kaayusan ng mga bulaklak ay magandang tingnan, subalit minsang matapos na ang espesyal na okasyon, ang mga bulaklak na wala namang ugat ay nalalanta at napapawi na ang kanilang halimuyak. Ang angking kagandahan ng bawat bulaklak at ang kaakit-akit na kaayusan nito ay napapawi. At ang mga bulaklak ay hindi naman nilayon na magbunga. Ang summit meeting na ito ba ay natapos din bilang isang “kaayusan ng bulaklak” na hindi nagbubunga?
Ang nakibahaging mga lider relihiyoso mismo ay hindi nasiyahan sa resulta. “Sana’y ibig nilang maging lalong higit na espisipiko tungkol sa mga hakbang na gagawin ng mga relihiyon sa hinaharap, subalit sabi nila na wala nang sapat na panahon para sa diskusyon,” ayon sa ulat ng Asahi Evening News. Gayunman, ang ganoong kinalabasan ay inaasahan na siyang mangyayari. “Ang layunin namin,” sabi ni Takaaki Kobayashi, isa sa mga nag-organisa ng summit meeting, “ay ang mapakinggan ang mga mungkahi ng bawat relihiyon tungkol sa pinakamagaling na paraan ng pagkakamit ng kapayapaan. Ang pinaka-susing tuntunin ay na kailangang bawat naroon ay makinig sa mga kuru-kuro ng iba nang hindi gumagawa ng anumang pagkukomento o tumutugon o nakikipagdebate.” Ang kanilang ginawa sa miting na iyon sa pananalangin ay wala kundi makinig sa iba, hindi sila kumilos. Kaya naman, ang miting ay “hindi nakapagbigay ng isang malinaw na talaan ng dapat pag-usapan para matupad ang mga layunin ng summit.”
Iyon ba ay Para sa mga Tunay na Kristiyano?
Ang mga taong nagsisikap na sumunod kay Jesu-Kristo ay marahil magtatanong: ‘Ang isang Kristiyano ba ay dapat ba sumali sa gayong miting sa pananalangin?’ Ang bagay na iyon ay iniharap sa Bundok Hiei, ang banal na bundok ng isang sektang Budhista, ay nagbibigay ng palaisipan. Maguguniguni mo kaya si Jesu-Kristo na umaakyat sa isang banal na bundok ng Budhista upang maghandog ng panalangin ukol sa kapayapaan?
Si apostol Pablo ay nagbabala sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo: “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya? At anong pakikiisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? . . . ‘Kaya nga magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag nang humipo ng maruming bagay’; ‘at kayo’y aking tatanggapin.’”—2 Corinto 6:14-17.
Hindi ba ang paghahandog ng mga panalangin sa isang miting ng mga pinagsama-samang relihiyon sa isang banal na bundok ng mga Budhista ay katumbas na rin ng ‘pakikipamatok nang kabilan ng isang Kristiyano’? Kung gayon, ang ibig bang sabihin nito ay na dapat maging sunud-sunuran na lamang ang mga tunay na Kristiyano tungkol sa pananalangin ukol sa kapayapaan? Hindi naman!
Panalangin Ukol sa Kapayapaan
Sa kaniyang hula tungkol sa “huling bahagi ng mga araw,” binanggit ni propeta Isaias ang marami na magsasabi: “Halikayo, kayong mga tao, at tayo’y umakyat sa bundok ni Jehova,” hindi sa Budhistang Bundok Hiei. “Ang bundok ni Jehova” ay sumasagisag sa tunay na pagsamba sa Diyos ng Bibliya. Ano ba ang resulta ng ‘pag-akyat’ sa bundok na iyan? Aba, “tayo’y tuturuan [ni Jehova] tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas,” ang sabi ni Isaias! “Siya [si Jehova] ay tunay na hahatol sa gitna ng mga bansa,” ang isinusog pa ng propeta. Kaya naman, magkakaroon ng pandaigdig na kapayapaan sapagkat inihula ni Isaias na “papandayin [ng mga tunay na mananamba] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”—Isaias 2:2-4.
Ang kalagayang ito ay umiiral na sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, at sa malapit na hinaharap ay lalaganap ito sa buong lupa. Subalit paano? Ang Diyos na Jehova, hindi ang mga tao, ang magdadala rito ng permanenteng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Papalisin nito sa lupa ang lahat ng mga sumisira ng kapayapaan at pagkatapos ay isasauli ang isang lupang paraiso. (Apocalipsis 11:15, 18) Di tulad ng mga pananalitang binigkas sa isang relihiyosong summit na katulad ng isang hinahangaan ngunit walang bunga na “kaayusan ng bulaklak,” ang mga salita ni Jehova ay hindi kailanman bumabalik sa kaniya nang walang bunga.—Isaias 55:11.
Kung gayon, bakit dapat tayong manalangin ukol sa kapayapaan kung ang Diyos ang magdadala nito kahit na hindi sa pagsisikap ng mga tao? Sa ating pananalangin na dumating na ang Kaharian ng Diyos, ating ipinapahayag ang ating sariling pagnanasa ng kapayapaan at ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa paraan ng Diyos ng pagdadala niyaon sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Sa ating “pag-asa kay Jehova” depende kung makikita natin o hindi ang kapayapaan na nanggagaling sa Diyos. Kaya pumaroon kayo sa “bundok ni Jehova” at makisali sa pananalangin ukol sa tunay na kapayapaan na kaniyang ipinangako.—Awit 37:9, 11.
[Larawan sa pahina 8]
Ang isang kaayusan ng bulaklak ay kaakit-akit na pagmasdan, subalit hindi ito nilayon na magbunga
[Larawan sa pahina 9]
Ang Bundok Hiei, ang banal na bundok ng sektang Budhista na Tendai, na kung saan ginanap ang miting sa pananalangin