Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 3/15 p. 22-23
  • Paghahayag ng Katotohanan sa Alpino sa Austria

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahayag ng Katotohanan sa Alpino sa Austria
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Buhat sa Munting Pasimula
  • ‘Pagtatayo ng Aming Bethel’
  • Nasasangkapan Para sa Higit Pang Pagsulong
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 3/15 p. 22-23

Paghahayag ng Katotohanan sa Alpino sa Austria

MAKATUWIRANG mapatanyag ang Austria dahilan sa kaniyang kaparangang alpino, ang Vienna Woods, at ang magandang bughaw na Danube. Ito at ang iba pang kilalang mga tanawin ang nakakaakit sa mga panauhin buhat sa buong daigdig upang magliwaliw sa munting bansang ito na nasa kalagitnaan ng Europa.

Sa kasagsagan ng panahon ng pagdalaw roon ng mga turista noong nakalipas na Agosto, isang grupo ng halos isang daang panauhin buhat sa 17 mga bansang banyaga ang naparoon upang makasaksi ng isang bagay na ibang-iba. Sila’y naparoon sa Vienna upang dumalo sa pag-aalay ng bagong tanggapang sangay sa Austria ng Watch Tower Society, na siyang nangangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa Austria.

Buhat sa Munting Pasimula

Ang unang tanggapang sangay ng Samahan sa Austria ay itinatag sa Vienna noong 1923. Iyon ay wala pang sampung taon pagkatapos ng unang-unang pagdalaw sa apat na mga suskritor ng Bantayan sa siyudad na iyan. Hanggang sa panahong iyon, ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian ay umabot sa humigit-kumulang isang daan. At sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II at naganap ang pananakop ng mga Nazi, sa panahon ng mahigpit na mga pagsubok at kahirapan para sa tapat na mga kapatid. Subalit sila’y nagtiyaga, at nang matapos ang digmaan, ang kanilang bilang ay umabot sa mahigit na 700.

Upang pangasiwaan ang lumalawak na gawain, isang gusali sa Gallgasse 44 ang binili noong 1957. Sa paglakad ng mga taon, gumawa ng maraming mga pagbabago sa gusali upang matugunan ang mabilis na paglago ng gawaing pang-Kaharian sa lupaing iyan. Nang sumapit ang 1973 ang bilang ng mga mamahayag ng Kaharian ay naging mahigit na 10,000. Sa gayon, sa bandang una ng 1980’s, bumuo na ng mga plano para sa pagpapalawak. Ang mga legal na balakid ay nalutas din sa bandang huli, at nakabili ng mga ari-arian karatig ng sangay. Noong Marso 1983 isang kompanya sa labas ang nagsimula ng pagtatayo ng balangkas. Pagkatapos niyan, ang mga kapatid na ang nagpatuloy ng trabaho at tinapos nila ang gusali.

‘Pagtatayo ng Aming Bethel’

Mga Saksi buhat sa lahat ng panig ng Austria ang nagboluntaryo para sa gawain. “Kami ang magtatayo ng aming Bethel” ang naging salawikain. Sila’y nagpupunta roon sakay ng mga kotse at ng mga bus, umaabot sa bilang na 190 sa isang dulo ng sanlinggo. Tinataya noon na isa sa bawat limang mamamahayag sa bansang iyan ang nagkaroon ng bahagi sa pagtatrabaho. Ang iba ay mga propesyonal​—mga arkitekto, tubero, at iba pa. Ang iba naman ay naglaan ng mga materyales o nag-alok ng gamit ng kanilang mga talyer. Mayroong iba na nagsialis sa kanilang mga trabaho at nagpunta roon upang magtrabaho sa buong panahon ng pagtatayo.

Isang kapatid na gumugol ng isang bahagi ng kaniyang bakasyon sa pagtatayo ang sumulat: “Ibig kong pasalamatan uli kayo sa kahanga-hangang isang linggo ng pagbabakasyon. Para bang ako’y nasa isang tahimik na tahimik na isla na napalilibutan ng maligalig na karagatan ng sangkatauhan. Kahanga-hanga na tamasahin mo ang gayong pisikal at espirituwal na kaginhawahan nang walang gastos.” Maging ang mga bata man ay nagkaroon ng bahagi. Isang otso anyos ang sumulat: “Nabalitaan ko na kailangan ninyo ang pera para sa pagtatayo sa Bethel. Ibig kong ipadala sa inyo ang kaunting pera na aking natipon. Ako’y naglakip ng 200 shillings [humigit-kumulang $16, U.S.] kasama ng liham na ito.” Ang iba’y nagluto ng tinapay o nanguha ng berries at gumawa ng juice para sa mga boluntaryo. Mga mamamahayag mula sa 36 na mga kongregasyon sa Vienna ang naghahanda ng mga pampalamig tuwing Sabado sa buong panahon ng pagtatayo.

Nasasangkapan Para sa Higit Pang Pagsulong

Pagkatapos na baguhin at pagandahin ang dating gusali (nasa harap) at maragdagan pa ng nakapalibot na mga bagong gusali, ang pasilidad ng sangay ngayon ay mahigit na tatlong beses ang laki kaysa dati, na ang kabuuang laki ng sahig ay 5,400 metro kuwadrado. Kasali sa pasilidad na ito ang 38 kuwarto, isang bulwagang kainan para sa 80 katao, isang bagong kusina, at isang laundry. Isang bagong Kingdom Hall ang nasa likod na likod ng dating gusali. Ang mga opisina ng pangasiwaan at ang iba’t iba pang mga departamento ay matatagpuan sa nalalabing bahagi ng mga gusali.

Agosto 22, 1987, ang araw ng pag-aalay ng mga bagong pasilidad ng sangay. Kabilang sa 282 mga panauhin ang humigit-kumulang isang daang mga bisita na galing sa 16 na mga sangay sa Europa at ang isa’y galing sa Korea. Naroon din ang humigit-kumulang 100 mga old-timer na Austriano na nakatawid nang buháy sa mga kahirapan na dulot ng Digmaang Pandaigdig II. Ang pinakamatanda sa kanila ay ang 102 anyos na si Maria Hack na taga-Graz. Mayroon pang 6,810 katao sa pitong iba pang mga lugar na nakapakinig din sa programa ng pag-aalay sa pamamagitan ng koneksiyon ng telepono.

Ang mga pangunahing tagapagpahayag sa programa ng pag-aalay ay sina T. Jaracz at si M. G. Henschel ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Nagpahayag si Brother Jaracz sa temang “Mga Sanga na Nagbubunga sa Ikaluluwalhati ni Jehova,” at ginamit niya ang Juan 15:2, 8 upang ipakita na ang ‘mga sanga’ ay ginagamit sa ikaluluwalhati ni Jehova pagka sila’y nabubunga ng marami. Ang bagong pasilidad ng sangay ay nagkakaroon ng malaking bahagi sa pamumunga ng ikaluluwalhati ni Jehova.

Sa pahayag sa pag-aalay, idiniin ni Brother Henschel na si Jehova ay isang Diyos ng layunin. Hindi lamang ipinakilala niya nang patiuna ang kaniyang layunin kundi ipinakita rin naman niya na may kakayahan siya na tuparin iyon. Sa kabila ng pananalansang ni Satanas, tayo’y makapagtitiwala na ang layunin ng Diyos ay matutupad.

Sa pagtatapos ng programa, lahat ng naroroon ay nakadama ng tibay ng loob na ipagpatuloy ang gawaing pangangaral na taglay ang panibagong sigla. Maliwanag, ang napakainam na mga bagong pasilidad ay magsasangkap sa mga Saksi sa Austria na gumawa ng lalong malawakang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa alpinong bansang ito, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dakilang Maylikha, si Jehova.

[Mga larawan sa pahina 23]

Bagong gusali, kung titingnan buhat sa halamanan

Kingdom Hall

Malaking pasukan

Bagong gusali, ang binagong dating gusali ay nasa kanan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share