Bakit Napakaraming Lumalayas na mga Anak?
Ang Bibliya at ang Buhay Pampamilya—Ang temang ito ay tatalakayin sa apat na sunud-sunod na labas ng Ang Bantayan
“Maguguniguni mo ba kung gaano ang pagdurusa ng isang ina pagka naglayas ang kaniyang anak na babae? Iyon ay isang masaklap na karanasan. Bakit kaya siya umalis? Hindi ko maintindihan. Siya’y isang napakabait at masayahing bata at musmos na musmos pa.
“Nasaan kaya siya ngayong gabi? Siya kaya’y komportable? Siya kaya’y nagugutom? Siya kaya’y nalulungkot? Mahal na mahal ko siya. Wala akong makausap na sinuman. Wala akong magagawa kundi ang maghintay.
Tuwing tutunog ang telepono ay nagagalak ang puso ko. Ngunit siya’y hindi tumatawag at walang balita. Idinadalangin ko na siya’y maging ligtas at nawa’y magkaroon ako ng lakas ng loob na makatiis. Laging naguguniguni ko na anumang oras ay darating siya.
“ . . . Napakaraming kabaliwan ang sumisilid sa aking isip samantalang pinagsisikapan kong maibsan ang kirot. Oh, mahal na Diyos, iuwi mo po rito ang aking munting si nene.”
ANG liham sa itaas ay ipinadala sa isang kilalang kolumnista na tagapayo noong mga unang taon ng 1970’s. Panahon iyon na ang mga naglalayas ay inaakalang umaalis sa mga dahilang may kaugnayan sa kalayawan: naghahanap ng pambihirang karanasan, sinusubok kung sila’y maaari nang magsarili, ang hindi pakikipagkasundo dahil sa isang curfew, kawalang pag-asa dahilan sa isang nasiphayong pag-iibigan. Bagama’t ang iba ay naglalayas nang dahil sa kaparehong mga kadahilan, ang mga bagay-bagay ay nagbago sa nakalipas na 15 taon.
Ang kabataan sa ngayon ay kadalasang umaalis ng tahanan dahilan sa mga kalagayan na lalong higit na malulubha—ang matitinding kalagayan sa isang pamilyang lubhang nagkakawatak-watak na kung saan nadarama nilang sila’y kalabisan na at walang nagmamahal; maaari pa ngang sila’y inaabuso. At sa halip na sila’y tumakbo patungo sa isang bagay—ang isang lalong kaakit-akit at nakabibighaning istilo ng pamumuhay—sila’y lumalayo mula sa isang bagay, isang patungo sa pagkabulok at di-maligayang buhay sa tahanan. “Ang mga lumalayas ay ibang-iba ngayon kung ihahambing noong panahon na maraming naisulat tungkol sa kanila” noong mga unang taon ng 1970’s, ang sabi ni Dr. Douglas Huenergardt, superbisor ng isang ampunan sa Florida ng mga naglayas. “Noong panahong iyon tayo ay mayroong mga bata na humahanap ng naiibang istilo ng pamumuhay na maihahali. Hindi ganiyan ang nangyayari sa ngayon. Ang bata na lumalayas ay isa lamang na hindi makatiis sa mga kalagayan sa tahanan.”
Ang mga pag-aaral kamakailan ang nagpapatunay niyan. Gayunman ay nagpapakita rin iyan ng isang bagay na nakapagtataka. Maraming mga anak ang lumalayas hindi lamang upang makaiwas sa isang hindi nila mapagtiisang buhay pampamilya kundi sa ngayon halos kalahati ng mga lumalayas sa Estados Unidos ang umaalis sa tahanan nang hindi nila kagustuhan—sila’y itinutulak o hinihimok ng kanilang sariling mga magulang na umalis sa tahanan! “Para sa maraming mga bagong sibol ang gayong paglalayas ay isang pagtugon sa isang di kanais-nais na kalagayan ng pamilya, ng trabaho o ng situwasyon sa paaralan,” ang banggit ng lathalaing Family Relations. “Maraming mga lumalayas ang, sa aktuwal, mga itinatapon, itinatakwil, o sapilitang pinaaalis. Ang mga kabataang ito ay sinasabihan na umalis o dili kaya ay abandonado sila ng kani-kanilang mga magulang. Ang iba ay buong lupit at paulit-ulit na inaabuso at wala silang makitang anumang dahilan kundi ang umalis na.”
Anong lungkot! Kaawa-awang mga anak! Sapagkat, minsang sila’y nariyan na sa kalye, may kaunting pera at walang paraan na ikabuhay, ang mga kabataang iyon ay kadalasang nagpapalimos na lamang, napapasangkot sa mga gawain na may kinalaman sa droga, sa prostitusyon, at pagnanakaw, o dili kaya naman sila ay nagiging biktima ng iba. “Hindi ang mga social worker at mga sikologo ang naroroon sa mga istasyon ng bus upang sumalubong sa mga naglayas, kundi mga bugaw, mga tagabenta ng droga at mga tagapagbenta ng malalaswang babasahín,” ang sabi ng magasing Psychology Today. “Sang-ayon sa walumpu’t anim na porsiyento ng mga eksperto na nakasali sa surbey na bahagya ang ginagawa o hindi gumagawa ng anuman upang ang mga naglayas ay huwag maging biktima ng mga taong ito na mapagsamantala. Hindi naman kataka-taka, nahuhulog ang pangangatawan ng mga naglayas mientras sila’y nagtatagal sa ganoong pamumuhay sa kalye.”
Totoo, parami nang paraming mga tirahan ang itinatayo upang ang mga batang walang tahanan ay magkaroon ng matitirhan, pagkain, at giya. Subalit ang pagdadala roon ng mga naglayas at ang aktuwal na pagtulong sa kanila ay iba pa ring bagay. “Ang aming trabaho ay upang turuan sila na magkaroon ng pagpapakundangan-sa-sarili, upang kanilang mapangalagaan ang kanilang sarili,” ang sabi ng isang tagapayo. “At ito ang pinakamahirap na trabahong naranasan ko kailanman.” Pagdating doon ng mga kabataan, sila ay kadalasang mapaghinala at walang pagtitiwala sa mga adulto, sila’y nasaktan na, nagagalit, o wala nang bahagyang pag-asa, at maaari pa ngang sila’y magtangkang magpatiwakal.
Maaari kayang malutas ang mga problema sa mismong pinag-uugatan nito? “Sabihin pa, ang pinakamaraming mga episodyo ng mga naglayas ay nag-uugat sa mga suliranin ng pamilya,” ang sabi ng Search, isang rehistro ng mga nawawala na doon nakahimpil sa New Jersey. “Ang isang talagang maligayang tao ay hindi maglalayas.” Kung gayon, ano ang tutulong ukol sa ikaliligaya ng pamilya? Maaari bang patibayin ang buklod na nasa pagitan ng magulang at ng anak?