Pagka Naanakan ang mga Bata
“PARA bang siya’y mistulang isang bagay na galing sa isang kuwentong engkantada,” ang mapait na gunita ng isang may kabataang babae na tatawagin nating Sharon. “Dati’y lagi niyang sinasabi sa akin na iniibig niya ako at kung sakaling mabuntis ang kaniyang nobya, hindi niya ito iiwan kailanman.”
Isang araw si Sharon ay naparoon sa kaniyang doktor upang pasuri dahil sa naiisip niya na baka ang nararamdaman niya ay apendisitis; siya pala’y tatlong buwan nang nasa kabuntisan. “Agad na tinawag ko ang aking nobyo,” ang gunita pa ni Sharon. Ano ang kaniyang tugon? “Kailangang magpalaglag ka! Basta ipalaglag mo!” Ang kuwentong engkantada ay naging isang kakila-kilabot na karanasan.
Halos isang milyong tin-edyer na babae sa Estados Unidos lamang ang nabubuntis taun-taon. Ang Estados Unidos ang may kahina-hinalang katanyagan ng pagkakaroon ng pinakamataas na bilang ng mga tin-edyer na nagbubuntis sa mga bansang industriyalisado—ang tanging bansa na kung saan bumilis ang dami ng mga nabubuntis noong mga ilang taóng lumipas. Subalit, isang 37-bansang pag-aaral na ginawa ng The Alan Guttmacher Institute ang nagsisiwalat na isang pangglobong problema ang pagdadalantao ng mga tin-edyer na walang asawa.
Ganito ang isinulat ng mga mananaliksik na sina Black at DeBlassie sa lathalaing Adolescence: “Ang mga batang babaing nasa edad ng pag-aaral na nagbuntis ay nanggagaling sa lahat ng antas ng lipunan at kabuhayan at galing sa kapuwa mga paaralang publiko at pribado. Lahat ng lahi, lahat ng relihiyon, at lahat ng panig ng bansa, lalawigan at siyudad, ay may kinatawan.” Kung tungkol sa dahilan kung bakit mas marami ang nagbubuntis na mga batang babae na galing sa maralita o minoridad na mga pamilya, ganito ang sinasabi ng Journal of Marriage and the Family: “Mga babaing puti at nakatataas sa K[alagayan] sa L[ipunan] at K[abuhayan] ang kadalasan nagpapalaglag.”
Sa Estados Unidos, mga babaing wala pang 20 anyos ang edad ang isang katlo ng lahat ng legal na pagpapalaglag. Kung iwawaksi ang moralidad, ang disisyon na magpalaglag ay kalimitang mahirap na makayanan habang nabubuhay ka. “Maniwala ka,” ang gunita ng isang babae na nagpalaglag noong siya’y isang tin-edyer pa lamang, “masakit sa akin na malaman na ako ang sanhi ng isang kamatayan, isang kamatayan ng isang biktima na hindi kailanman makakaalam ng aking malaking pagsisisi.”
Paghahanap ng Lunas
Ang pandidiri ng lipunan, walang kapanatagang pag-aasawa, karalitaan—ito ang karaniwang ibinubunga ng pagbubuntis ng isang tin-edyer. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na ang bagay na ito ay lubhang ikinababahala ng mga guro, mga doktor, pulitiko, at mga magulang. Ang iba’y nagmumungkahi ng mga programa sa pagtuturo ng sekso, sinasabi pa mandin nila na ang mga kontraseptibo at mga serbisyong may kinalaman sa aborsiyon ay gawing madaling makamit ng mga kabataan.
Gayumpaman, ang mga kabataan ay may mga pangangailangang emosyonal na hindi maaaring matugunan ng pagtuturo ng sekso. Halimbawa, may mga batang babae na aktuwal na ibig na sila’y mabuntis! Gaya ng pagkasabi ng isang dalagita: “Ang ginawa ko’y isubo ko ang sarili ko sa malaking suliranin upang matawag ang pansin ng aking mga magulang. Inaakala kong ang [sanggol] na ito ay magiging akin—walang sinumang makakakuha nito at ako’y magkakaroon ng nalalabing munting bahagi ko na magbibigay ng dahilan sa akin para mabuhay.”
At, ang mga programa sa pagtuturo ng sekso ay hindi nagbibigay sa mga kabataan ng moral na patnubay. Ang mga bansang tulad halimbawa ng Sweden at ng Netherlands, na kung saan karaniwang umiiral ang gayong mga programa, ay marahil may kakaunting mga tin-edyer na nagbubuntis subalit palasak doon ang kawalang-disiplina sa sekso. Maaari nga kaya, bukod sa mga pagbubuntis, na ang mahihita sa kawalang-disiplina sa sekso ay malulubhang panganib na emosyonal, moral, at espirituwal? Kung gayon, may makatuwirang dahilan ba sa paghimok na sundin, hindi ang paggamit ng kontraseptibo, kundi ang pananatiling may kalinisang puri? Bilang sagot, tingnan natin kung ano ang sinasabi tungkol dito ng pinakamatandang aklat na umiiral—ang Bibliya.
[Blurb sa pahina 3]
“Ang mga batang babaing nasa edad ng pag-aaral na nagbuntis ay nanggaling sa lahat ng antas ng lipunan at kabuhayan at galing sa kapuwa mga paaralang publiko at pribado. Lahat ng lahi, lahat ng relihiyon, at lahat ng panig ng bansa, lalawigan at siyudad, ay may kinatawan.”—Ang babasahing Adolescence.