Ang Bibliya, at ang Moralidad ng Tin-edyer
“Tila nga namana ng mga tin-edyer ang pinakamasama sa lahat ng posibleng mga sanlibutan tungkol sa kanilang pagkalantad sa mga mensahe na may kaugnayan sa sekso: Sine, musika, radyo at TV ang nagsasabi sa kanila na ang sekso ay romantiko, nakasasabik, nakakikilog . . . Gayunman, kasabay nito, ang mga kabataan ay nagtatamo ng mensahe na dapat magsabi ng hindi ang mabubuting mga babae.”—The Alan Guttmacher Institute.
ANG mga kabataan sa ngayon ay lumaki sa isang panahon ng alanganing moral. Subalit, ang Bibliya ay nagbibigay ng malinaw, di-alanganing patnubay tungkol sa seksuwal na moralidad. Samantalang ang mga programa sa pagtuturo ng sekso ay nakahilig na pagtutok ng pansin sa pag-iwas sa pagdadalantao, ipinakikita ng Bibliya na ang pakikipagtalik bago pakasal ay siyang bagay na dapat iwasan. “Lubusang matitiyak mo na walang sinumang aktuwal na namimihasa sa pakikiapid [na dito’y kasali ang pakikipagtalik bago pakasal] o karumihan o kaluwagan sa moral . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos,” ang sabi ng Bibliya. (Efeso 5:5, The Jerusalem Bible) Maliwanag, ang seksuwal na pagtatalik ay walang may karapatang magsagawa kundi ang mag-asawa lamang.
Ang sagot sa suliranin ng pagbubuntis ng tin-edyer ay, hindi ang pagtuturo sa mga kabataan ng paggamit ng kontraseptibo, kundi pagbibigay sa kanila ng patnubay sa moral at sa espirituwal. Nililiwanag ng Bibliya kung kaninong pananagutan ang magbigay ng patnubay na ito: “Kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Sa isang surbey, gayumpaman, ang mga kabataan ay hiningan na “tasahan ang kanilang mga magulang ayon sa antas na buhat sa di kasiya-siya hanggang sa kasiya-siya bilang mga pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa sekso. Ang mga pagtasa ng mga adolesente sa kani-kanilang mga ina ay karamihang nasa antas na mababa ang pagiging kasiya-siya. Ang pagtasa naman sa mga ama ay lubhang di kasiya-siya.” Kung gayon, makatotohanan ba na asahang ang mga magulang ay magiging pinaka-patnubay ng kanilang mga anak kung tungkol sa sekso?
Ang Moral na Pagpatnubay sa Kabataan
Sa Kawikaan 4:1-4, hinihimok ni Haring Solomon ang mga kabataan: “Makinig kayo, oh mga anak, sa disiplina ng isang ama . . . Sapagkat ako’y nagpatunay na isang talagang anak sa aking ama, malumanay at ang bugtong na isa sa paningin ng aking ina. At kaniya akong tinuturuan at sinasabi sa akin: ‘Pigilan sana ng iyong puso ang aking mga salita.’” Maliwanag na si Solomon ay nakipag-usap sa kaniyang ama kahit na sa mga bagay na para sa mga magkakapalagayang-loob lamang; ang seksuwal na imoralidad ay tinatalakay ni Solomon mismo sa isang paraang totoong prangkahan.—Kawikaan 5:1-19.
Sa mga Saksi ni Jehova, maraming pamilya ang nagkakaroon din ng palagiang pakikipag-usap sa kanilang mga anak—at nagiging matagumpay naman! Higit pa ang ginagawa nila kaysa pagsasabi lang sa kanilang mga anak na “Huwag!” kung tungkol sa seksuwal na relasyon. Tinutulungan sila ng Bibliya na bigyan ang kanilang mga anak ng matitibay na mga dahilan sa pag-iwas sa pagkahandalapak. Pag-isipan, uli, ang mga salita ni Solomon. Sa Kawikaan 5:3, 4, kaniyang hinihimok ang mga binata na umiwas sa seksuwal na relasyon sa isang patutot. “Buhat sa mga labi ng masamang babae [patutot] ay patuloy na tumutulo ang pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kaysa langis.” Oo, ang paggawa ng imoralidad ay maaaring magtingin na totoong kaakit-akit. Gayunman, ang babala ni Solomon: “Ang kaniyang huling wakas ay mapait kaysa ahenho; matalas na parang tabak na may talim na magkabila.”
Tulad ni Solomon, ang mga magulang ay maaaring makipagkatuwiranan sa kanilang mga anak tungkol sa wakas na resulta ng seksuwal na relasyon. Isang budhing nababagabag, pag-aanak sa pagkadalaga, mga sakit na bunga ng seksuwal na pagtatalik tulad baga ng AIDS—ito ay mapapait na mga resulta ng mga ilang sandali ng nakabibighaning kaligayahan. Pinapayuhan pa ni Solomon ang mga kabataan na huwag “ibigay sa iba ang [kanilang] dangal.” (Kawikaan 5:9) Hindi baga nagpapakita ng kawalan ng respeto sa sarili kung ang isang kabataan ay magbibigay ng kaniyang sarili sa sinuman sa hindi interesado sa pagpapakasal? Hindi ba totoong napakaaba na ang sinuman ay gamitin upang busugin lamang ang kaniyang sariling silakbo ng pita o ng sa iba? Ang mga magulang ay makatutulong sa kanilang mga anak upang masakyan ang mga bagay na ito.
Si Solomon ay nagbigay ng higit pang payo tungkol sa pakikitungo sa isang taong imoral: “Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay.” (Kawikaan 5:8) Gayundin naman, ang mga magulang ay makapagbibigay sa mga kabataan ng praktikal na payo sa pag-iwas sa mga pakikipagkompromiso. Maaari nilang payuhan ang mga ito na huwag makipag-date sa mga taong walang prinsipyo. At pagka sila’y sumapit na sa panahon na sila’y kuwalipikado nang manligaw, sila’y maaaring himukin na gumawa ng praktikal na mga hakbang upang maiwasan ang asal na hahantong sa kasalanan. Halimbawa, ang dalawang nagliligawan ay maaaring magsaayos na mayroon silang palaging kasama kung sila’y namamasyal. Matandang uso baga ito? Baka nga. Subalit mas mabuti ang gumawa ng makatuwirang mga pag-iingat kaysa “ikaw ay manangis sa iyong huling wakas pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw. At iyong sabihin: ‘kinapootan ko ang disiplina . . . At hindi ako nakinig sa tinig ng aking mga tagapagturo.’”—Kawikaan 5:11-13.
Pagtulong sa mga Kabataan na Matakot kay Jehova
Tinataya na mayroong mahigit na 12 milyong kabataan na aktibo sa sekso sa Estados Unidos lamang. Kahit na ang salot ng AIDS ay walang gaanong nagawa upang pigilin ang daluyong na ito ng imoralidad. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na ituro sa kanilang mga anak ang isang bagay na higit na maimpluwensiya kaysa takot sa AIDS o sa pagbubuntis: ang mabuting pagkatakot sa Diyos na Jehova. Sa Kawikaan 5:21 ay ipinaaalaala ni Solomon sa kabataan: “Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ni Jehova, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas.” Si John, isa sa mga Saksi ni Jehova at may apat na anak, ay nagpapayo ng ganito: ‘Ang tumutulong ay ang pagkakaroon ng mga anak ng maibiging pagkatakot kay Jehova. Huwag matakot na ipaalam sa inyong anak na si Jehova’y maaaring malungkot dahil sa ating mapag-imbot na mga pagkilos.’—Ihambing ang Kawikaan 27:11.
Mangyari pa, upang ang pagkatakot sa Diyos ay maging epektibong panghadlang sa imoralidad, ang Diyos ay kailangang maging tunay na tunay sa isang kabataan. (Ihambing ang Hebreo 11:27.) Ang mga magulang ay makatutulong sa kanilang mga anak upang pagyamanin ang isang tunay na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, araw-araw na panalangin, at karanasan sa tunay na buhay. Pagka nasakyan ng isang tao na ang Diyos ay may malasakit sa kaniya, siya ay magsisikap na iwasan ang asal na hindi makalulugod sa Kaniya.—1 Pedro 5:7.
Kapuna-puna, ang relasyon ng isang kabataan sa Diyos ay maaari ring makatulong upang masapatan ang mga ilang pangangailangan na malimit hindi natutupad sa marami pang kabataan. Halimbawa, ang mga dalubhasa ay nagsasabi na ang pagkahandalapak ang siyang karaniwan nang paraan ng isang kabataan upang madaig ang damdamin ng kawalang-kapangyarihan o ng kakulangan ng pagpapahalaga sa sarili. Subalit, ang gayong mga damdamin ay hindi dapat lumigalig sa isa na may pakipagkaibigan kay Jehova! Ang gayong kabataan ay maaaring magsabi: “Ang Diyos ang tagatulong sa akin; si Jehova ay kabilang sa mga umaalalay sa aking kaluluwa.”—Awit 54:4.
Isang Timbang na Pagkamalas sa Sekso at sa Pag-aasawa
Mangyari pa, hindi ibig ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay tubuan ng isang maling kahinhinan o negatibong pagkakilala tungkol sa seksuwal na pakikipagtalik. Bagaman minamasama ng Bibliya ang pakikiapid, ipinakikita rin nito na maaaring magtinging maganda ang seksuwal na pakikipagtalik—kung ang dalawa’y mag-asawa. Sa pamamagitan ng wikang patula, isinusog pa ni Solomon: “Pagpalain ang iyong bukal, at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan . . . Bigyan ka ng kaligayahan ng kaniyang sariling dibdib sa lahat ng panahon. Laging maligayahan ka sana ng di-kawasa sa kaniyang pag-ibig.”—Kawikaan 5:18, 19.
Sa pagsasaalang-alang ng matayog na pagkakilalang ito sa relasyong pangmag-asawa, walang dahilan na ang mga magulang ay mag-isip na hindi marapat ang makipag-usap tungkol sa maseselang na bagay na ito. Ganito ang sabi ni John (binanggit na sa bandang unahan): “Laging nakikipag-usap kami sa kanila ng puso sa puso, kaya’t hindi na lihim ang tungkol sa sekso. Aming itinatampok na ito’y isang regalo ng Maylikha, si Jehova, na ligaya ang idudulot sa mag-asawa sa tamang panahon.” Ganito ang sabi ng isa pang ama ng dalawang binatilyo: “Sa kanilang maagang mga taon, aming ipinakipag-usap sa kanila nang prangkahan ang tungkol sa sekso. Sinikap naming turuan sila ng isang magalang, matayog na pagkakilala sa pag-ibig at sa sekso. Kami’y patuloy na nakikipag-usap sa kanila.” Mahalagang sabihin, ang kanilang mga anak ay nanatiling may kalinisang-asal.
‘Pagpapadunong sa Ikaliligtas’ ng Kabataan
“Ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasamâ nang sasamâ,” ayon sa inihula ni apostol Pablo. (2 Timoteo 3:13) Ang mga pamantayang-moral ay patuloy na uurong. Patuloy na magsisilbing salot sa lipunan ang handalapak na kabataan at ang pagbubuntis ng mga tin-edyer.
Ang maka-Diyos na mga magulang ay babaling sa Bibliya upang ang kanilang mga anak ay tulungan upang “dumunong sa ikaliligtas.” (2 Timoteo 3:15) Kung natatalos mong ikaw mismo ay nangangailangan ng turo sa Bibliya, malayang makipag-alam ka sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Sila’y malulugod na isaayos para sa iyo na tumanggap ka ng gayong turo ng walang bayad. Ang mga Saksi ni Jehova ay makapagbibigay rin sa iyo ng mga lathalain na tulad baga ng aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito.a Ito’y may impormasyon buhat sa Kasulatan na tumulong sa libu-libong kabataan upang makaiwas sa imoral na mga patibong ng sanlibutan.
Datapuwat, kumusta naman yaong mga babae na nakaranas na ng kasawian ng pagdadalangtao sa pagkadalaga? Ang gayong mga situwasyon ay hindi naman walang pag-asa. Ang Diyos ay ‘nagpapatawad sa malawakang paraan’ sa isa na talagang nalulungkot sa kaniyang nagawang pagkakasala. (Isaias 55:7) Bagaman hindi madali ang pagiging isang nagsosolong magulang, maaaring magtagumpay rito ang isa sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga prinsipyo ng Bibliya. Isang kabataang babae na may tatlong anak sa pagkadalaga bago naging isang Kristiyano ang ganoong-ganoon ang ginawa. Kaniyang sinikap na ikapit ang Salita ng Diyos sa kaniyang pamilya. Sa pamamagitan ng malapitang pakikiugnay sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, siya’y nagtamo ng malaking kaaliwan at alalay. Ganito ang sabi niya: “Tunay na kahanga-hangang maglingkod sa isang Diyos na totoong mapagpatawad at magkaroon ng mga kapatid na lubhang maunawain. Unang-unang pagkakataon sa aking buhay, ako’y nakadarama na ako’y malinis at nasa mabuting kalagayan, sa espirituwal at sa pisikal.”
Mangyari pa, unang-una ay pinakamagaling na iwasan ang mga suliranin ng pakikipagtalik bago pakasal. Nakatutuwang malaman, libu-libong kabataan sa ngayon ang gumagawa ng ganiyan dahil sa kanilang sinusunod ang napapanahong payo ng Bibliya.
[Talababa]
a Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 6]
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na ituro sa kanilang mga anak ang isang bagay na higit na maimpluwensiya kaysa takot sa AIDS o sa pagbubuntis: ang mabuting pagkatakot sa Diyos na Jehova
[Blurb sa pahina 6]
Tinataya na mayroong mahigit na 12 milyong kabataan na aktibo sa sekso sa Estados Unidos lamang
[Mga larawan sa pahina 5]
Ang mga magulang ay maaaring patuloy na makipag-usap sa kanilang mga anak kung tungkol sa sekso
[Mga larawan sa pahina 7]
Iiwasan ng mga kabataang Kristiyano ang asal na maaaring sumira ng kanilang kaugnayan sa Diyos