Pagharap sa Hamon
ANG pagsalakay sa seksuwal na moralidad ay nagsisimulang maaga sa buhay dahil sa telebisyon, mga aklat, magasin, pelikula, at musika na nagtatampok ng sekso. Ang mga kabataan ay nauudyukang itaguyod ang mga parisan sa seksuwal na asal ng mga nasa hustong gulang nang walang pananggalang ng emosyonal na katatagan. Dinaragdagan pa nga ng ilang magulang ang seksuwal na panggigipit sa pamamagitan ng pagpapahintulot na makipag-date sa murang gulang. Pinasisigla ng panggigipit ng mga kasama ang pakikipag-date, at di-nagtatagal maraming kabataan na may kasintahang-lalaki o kasintahang-babae ang hindi nag-iingat at nagiging aktibo sa sekso. “Karaniwan na . . . sa isang tin-edyer na babae na nakadaramang siya’y hindi mahal ng kaniyang mga magulang . . . na mahulog sa yapos ng kaniyang kasintahang-lalaki sa maling paniniwala na ito’y magdadala ng pag-ibig at malapit na kaugnayan,” sabi ni Luther Baker, isang propesor ng mga pag-aaral sa pamilya.
Ang mga kabataan ay may hilig na ipamuhay ang kanilang mga taon ng pagbibinata o pagdadalaga bilang ang kanilang huling pagpapalayaw-sa-sarili sa halip na bilang isang paghahanda sa buhay. “Palibhasa’y nabighani sa kanilang bagong kakayahan at nakumbinsi ng mga kasamahan na ang kagalingan sa sekso ang paraan upang maging lalaki, maraming kabataan ang nagiging mga oportunista sa sekso” sa kanilang pagbibinata, sabi ni Propesor Baker. Mga 30 taon na ang nakalipas, idinaing ng mananalaysay na si Arnold Toynbee ang panlilinlang na ito na isinasagawa sa ating kabataan, yamang naniniwala siyang ipinakita ng kasaysayan na bahagi ng mapanlikhang talino ng makabagong Kanluran ay mula sa kakayahang iantala ang ‘seksuwal na gawain’ ng mga nagbibinata upang pagtuunan nila ng pansin ang pagkuha ng kaalaman.
Mga Magulang na Positibo ang Impluwensiya
Ang mga magulang na hindi pinapayagan ang mga nagbibinata’t nagdadalaga na makipag-date para lamang malibang ay nagpapakita ng tunay na pagkabahala sa kalusugan at kaligayahan ng kanilang mga anak sa hinaharap. Sa pagkakaroon ng mataas na mga pamantayang moral at pagpapanatili ng mabuting komunikasyon, makaiimpluwensiya sila sa buhay ng kanilang mga anak. Ipinakikita ng pananaliksik sa seksuwal na asal ng mga kabataan na “ang impluwensiyang ito ay maaaring umakay sa mga bata na iantala ang seksuwal na gawain,” ayon sa Journal of Marriage and the Family.
Ang mga magulang na nagkikintal sa kanilang mga anak ng malakas na disiplina-sa-sarili at pananagutan ay nakakakuha ng pinakamabuting mga resulta. “Kapag ang mga nagbibinata’t nagdadalaga at ang kanilang mga magulang ay nanghahawakan sa mga pamantayan na nagdiriin ng pananagutan, lubhang nababawasan ang tsansa ng mga nagbibinata’t nagdadalaga na makaranas ng pagkakaroon ng anak nang walang asawa,” sabi ng isang pagsusuri. Ito’y humihiling ng madamaying pagkasangkot sa mga gawain ng mga anak—sinusubaybayan ang kanilang takdang-aralin; inaalam kung nasaan sila at kung sino ang kanilang mga kasama; nagtatakda ng makatotohanang mga tunguhing pang-edukasyon; at ibinabahagi ang espirituwal na mga pamantayan. Mas mabuti ang pakiramdam ng mga batang lumalaki na may ganitong malapit na kaugnayan sa magulang at hindi sila maaasiwa sa kanilang seksuwalidad.
Ang pinakamabuting payo para sa mga magulang at mga anak ay ang karunungang masusumpungan sa Bibliya. Ang mga magulang sa Israel ay pinag-utusan na magturo ng wastong moral na mga pamantayan sa kanilang mga anak. Tinanong sila ni Jehova: “Anong dakilang bansa nga ang may matuwid na mga tuntunin at panghukumang mga desisyon na gaya ng lahat ng batas na ito na aking inilalagay sa harap ninyo sa araw na ito?” Ang “matuwid na mga tuntunin” na ito ang ituturo nila sa kanilang mga anak sa masigla at matalik na kaugnayan sa loob ng pamilya. “Dapat mong itimo sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Ang mga anak ay pinayuhan: “Sundin mo . . . ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalilimutan ang kautusan ng iyong ina.” Ang gayong masigla, matalik na komunikasyon at turo mula sa ama at ina ay gumagawa ng timbang na saloobin tungkol sa buhay at seksuwalidad, na “magbabantay sa” isang kabataan sa buong buhay niya.—Deuteronomio 4:8; 6:7; Kawikaan 6:20, 22.
Mga kabataan, bakit ninyo sisirain ang inyong kinabukasan sa pamamagitan ng pagpapadala sa seksuwal na mga impulso? Ang mga taon ng pagiging tin-edyer ay halos pito. Ito’y dapat gamitin upang lumaki sa mental, emosyonal, at espirituwal at magkaroon ng timbang na saloobin tungkol sa seksuwalidad, bilang paghahanda para sa susunod na 50 o 60 taon ng buhay. Mga magulang, dibdibin ang inyong bigay-Diyos na pananagutan, at ingatan ang inyong mga anak mula sa paghihirap ng loob dahil sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik at di-naiibigang pagbubuntis. (Eclesiastes 11:10) Hayaang makita ng inyong mga anak sa inyong pang-araw-araw na buhay kung paanong ang pag-ibig at konsiderasyon sa iba ay nagtatatag ng nagtatagal na mga kaugnayan.
Matagumpay na Hinaharap ang Hamon
Huwag hayaang pilipitin ng pagkahumaling sa sekso ngayon ang iyong pangmalas sa buhay at sirain ang iyong pagkakataon para sa isang kasiya-siya at maligayang kinabukasan. Bulay-bulayin ang maraming halimbawa ng mga ugnayan ng tao sa Bibliya. Makatitiyak ka na ang buhay at pag-ibig ay mananatiling masigla at makabuluhan kahit na pagkatapos ng mga taon ng pagiging tin-edyer. Kapag ang katotohanang ito ay seryosong pinag-iisipan kasuwato ng kalooban ng Diyos para sa Kristiyanong mga lalaki’t babae, kung gayon ang pundasyon ay nailatag na para sa isang matalik at nagtatagal na pagsasama ng dalawang taong nag-iibigan.
Habang sinusuri mo ang mga mag-asawa sa Bibliya na gaya nina Jacob at Raquel, Boaz at Ruth, at ang pastol at ang dalagang Shulamita, makikita mo ang isang elemento ng seksuwal na pagkahalina sa kanilang mga kaugnayan. Gayunman, habang maingat mong binabasa ang Genesis mga kabanatang 28 at 29, ang aklat ng Ruth, at ang Awit Ng Mga Awit, mapapansin mo na may iba pang mahahalagang elemento na nagpapayaman sa gayong mga kaugnayan.a
Tanggapin ang mga Paglalaan ni Jehova Para sa Buhay
Nauunawaan ni Jehova, ang Maylalang ng lahi ng tao, ang seksuwalidad ng tao at ang mga impulsong nasasangkot. Maibiging nilalang niya tayo sa kaniyang wangis, hindi taglay ang “handalapak na mga gene,” kundi taglay ang kakayahang supilin ang ating mga emosyon kasuwato ng kalooban ng Diyos. “Ito ang kalooban ng Diyos, . . . na kayo ay umiwas sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano aariin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na seksuwal na pagnanasa na gaya rin niyaong sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos; upang walang sinumang umabot hanggang sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid sa bagay na ito.”—1 Tesalonica 4:3-6.
Ipinakikita ito ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Iginagalang nila ang matataas na pamantayan ng Diyos para sa Kristiyanong mga lalaki at babae. Ang nakatatandang mga lalaki ay itinuturing bilang mga ama, “ang mga nakababatang lalaki gaya ng sa mga kapatid na lalaki, ang mga nakatatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Anong buting kapaligiran ang tatamasahin ng kabataang mga lalaki at babae habang naaabot nila ang kanilang ganap na potensiyal, hindi napabibigatan ng mga panggigipit na makipag-date at mag-asawa nang maaga o ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik! Ang aktibong pamilyang Kristiyano, na pinalakas ng kongregasyong Kristiyano, ay isang ligtas na kanlungan sa isang daigdig na haling na haling sa sekso.
Palibhasa’y ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay, ang mga kabataang Kristiyano ay malaya sa pagkahumaling sa sekso at nakasusumpong ng kagalakan sa pakikinig sa payo na ibinibigay sa Salita ng Diyos: “Ikaw ay magalak, O binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong puso at sa paningin ng iyong mga mata. Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan. Kaya ilayo mo ang alalahanin sa iyong puso, at ilagan mo ang kasakunaan sa iyong katawan; sapagkat ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 11:9, 10.
[Talababa]
a Tingnan ang pahina 247 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 10]
Huwag hayaang sirain ng pagkahumaling sa sekso ang iyong pagkakataon para sa isang kasiya-siya at maligayang kinabukasan
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga kabataang nasasangkot sa mga gawain na kasama ng kanilang mga magulang ay hindi gaanong naghahangad ng matalik na kaugnayan sa sekso