Ang Nagbabagong Saloobin Nagbangon ng Bagong mga Tanong
“SEXUAL REVOLUTION,” “sexplosion,” “moral revolution.” Ibinabalita ng mga katagang ito ang nagbabagong saloobin tungkol sa seksuwalidad, lalo na sa kalagitnaan ng mga taon ng 1960 at pagkatapos nito. Sinunod ng marami ang kasabihang “malayang pakikipagtalik,” na isang istilo ng buhay kung saan tinatanggihan ng mga indibiduwal ang pag-aasawa at pagkadonselya.
Inilalarawang mainam ng pahayag ng awtor na si Ernest Hemingway na, “Anumang bagay na nagdudulot sa iyo ng mabuting pakiramdam pagkatapos mong gawin ito ay moral, at anumang bagay na nagdudulot sa iyo ng hindi mabuting pakiramdam pagkatapos mong gawin ito ay imoral,” ang saloobin niyaong mga nabighani sa mga pangako ng seksuwal na kalayaan at kasiyahan. Binibigyang-matuwid ng pagsang-ayon sa pilosopiyang ito ang panandaliang seksuwal na mga kaugnayan sa ilang kapareha na doon ang mga indibiduwal, ang lalaki’t babae, ay nag-eeksperimento sa kanila mismong seksuwalidad. Ang seksuwal na “kasiyahan” ay walang hangganan. Ang pildoras na kontraseptibo, na ipinakilala noong dekada ring iyon, ay nagpalala pa sa walang-taros na pag-eeksperimento sa sekso.
Gayunman, naging pamana ng handalapak na istilong ito ng buhay ang AIDS at iba pang sakit na naililipat sa pagtatalik. Nayanig ang seksuwal na mga saloobin ng salinlahing maluwag sa moral. Mga ilang taon na ang nakalipas, itinanghal ng magasing Time ang ulong-balita na “Sekso sa Dekada ’80—Tapos Na ang Rebolusyon.” Ang pahayag na ito ay pangunahin nang batay sa palasak na mga sakit na naililipat sa pagtatalik na nakapinsala sa maraming Amerikano. Hanggang sa ngayon, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng AIDS sa buong daigdig ay umabot na sa nakagigitlang bilang na halos 30 milyon!
Ang takot sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik ay nag-udyok pa sa pagbabago ng saloobin ng marami tungkol sa panandaliang seksuwal na mga kaugnayan. Ganito ang sabi ng isang labas noong 1992 ng US, isang magasin tungkol sa libangan, na nag-uulat hinggil sa isang surbey ng pamahalaan: “Halos 6.8 milyong dalaga ang nagbago ng kanilang seksuwal na asal dahil sa takot sa AIDS at sa iba pang sakit na naililipat sa pagtatalik.” Ayon sa artikulo, ang mensahe ay maliwanag: “Ang pagtatalik ay seryosong bagay. Ang pakikipagtalik ay mapanganib.”
Paano naapektuhan ng maligalig na dekadang ito ang mga saloobin tungkol sa seksuwal na mga kaugnayan? May mga aral bang natutuhan mula sa walang-taros na pagkagumon na makikita sa malayang pakikipagtalik ng nakalipas na mga dekada at mula sa malungkot na mga katotohanan ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik ng dekada ’80? Nakatulong ba ang pagpapakilala ng edukasyon sa sekso sa mga paaralang bayan sa mga kabataang lalaki at babae na matagumpay na maharap ang kanilang seksuwalidad? Ano ang pinakamabuting paraan upang harapin ang hamon ng nagbagong saloobin ngayon tungkol sa seksuwalidad?