Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/8 p. 4-7
  • Ano ang Humuhubog sa Iyong Saloobin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Humuhubog sa Iyong Saloobin?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinasasama ng Pornograpya ang Sekso
  • Pinagsasamantalahan ng Daigdig ng Libangan ang Sekso
  • Pinasasama ng Nagbabagong Bahagi ang mga Saloobin
  • Edukasyon sa Sekso sa mga Paaralan
  • Ano ba ang Pag-ibig at Pangako?
  • Ang Nagbabagong Saloobin Nagbangon ng Bagong mga Tanong
    Gumising!—1997
  • Bakit Napakahirap Kong Ihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?
    Gumising!—1994
  • Pagtatalik Nang Di-kasal
    Gumising!—2013
  • Pagharap sa Hamon
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/8 p. 4-7

Ano ang Humuhubog sa Iyong Saloobin?

MGA 2,700 taon na ang nakalipas, isang kinasihang manunulat ang sumulat ng pumupukaw-kaisipang kawikaan: “Isang libangan sa mangmang ang paggawa ng mahalay na paggawi.” (Kawikaan 10:23) Ang pagiging totoo nito ay maliwanag lalo na mula noong rebolusyon sa sekso. Bago ang takot sa AIDS, ang palasak na saloobin ay na ang pagtatalik ay isang ‘nilalahukang libangan’ at na ang bunsod na makipagtalik ay dapat maisakatuparan ‘anuman ang maging resulta.’ Nagbago na ba ang saloobing ito? Hindi nga.

Ang pagkahumaling ngayon sa sekso ay gumagawa pa rin ng “mga sugapa sa panghalina,” ‘mga poligamong de-serye,’ at “mga oportunista sa sekso,” na nangangatuwirang ang moral ay isang personal na bagay at na ang malayang pakikipagtalik sa maraming kapareha ay normal. (Tingnan ang kahon na “Mga Istilo ng Buhay May Kinalaman sa Sekso,” sa pahina 6.) Sinasabi nilang ‘walang nasasaktan’ sa pakikipagtalik sa sinumang maibigan mo, basta ba ito ay sa pagitan ng sumasang-ayon na mga nasa hustong gulang. Noong 1964, inilarawan ito ng sosyologo sa State University of Iowa na si Ira Reiss bilang “maluwag sa moral subalit may pagmamahal.”

Waring gayundin ang palagay ng obispong Anglikano ng Edinburgh, Scotland, sapagkat sinabi niyang ang mga tao’y isinilang upang magkaroon ng maraming mangingibig. Sa isang talumpati tungkol sa sekso at Kristiyanismo, ganito ang sabi niya: “Batid ng Diyos nang gawin niya tayo na binigyan niya tayo ng katutubong bunsod na bigyang-kasiyahan ang ating mga pagnanasa sa sekso. Binigyan niya tayo ng handalapak na mga gene. Sa palagay ko’y hindi tamang hatulan ng simbahan ang mga taong sinunod ang kanilang mga katutubong pagnanasa.”

Mabuti ba ang gayong pangmalas? Ano ba ang kabayaran ng malayang pakikipagtalik? Nagdudulot ba ng kasiyahan at kaligayahan ang panandaliang mga kaugnayan sa iba’t ibang katalik?

Ang pangglobong epidemya ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik at ang katunayan ng milyun-milyong pagdadalang-tao nang walang kasal, lalo na sa mga tin-edyer, ay nagpapatunay sa kabiguan ng gayong pilosopiya. Ayon sa magasing Newsweek, sa Estados Unidos lamang, ang mga sakit na naililipat sa pagtatalik ay nagpapahirap sa tinatayang tatlong milyong tin-edyer taun-taon. Bukod pa riyan, marami sa mga “sumasang-ayon na mga nasa hustong gulang” na ito ang waring “walang likas na pagmamahal” o pagkadama ng pananagutan sa ipinagbubuntis na sanggol na kalimitang bunga nito, at agad nilang ipinalalaglag. (2 Timoteo 3:3) Ang kabayaran nito’y ang buhay ng ipinagbubuntis na sanggol, yamang ito’y malupit na inalis sa ina nito. Ang kabayaran naman sa bata pang ina ay maaaring matinding panlulumo at pagkadama ng pagkakasala na maaaring bumagabag sa kaniya habang-buhay.

Noong kalagitnaan ng dekada ’90 sa Britanya lamang, ang halaga sa salapi ng mga epekto ng rebolusyon sa sekso ay isang nakagugulat na $20 bilyon taun-taon, ang tantiya ni Dr. Patrick Dixon. Sa kaniyang aklat na The Rising Price of Love, narating ni Dr. Dixon ang bilang na ito sa pamamagitan ng pagkuha ng dokumento sa halaga ng paggamot sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik, kasali na ang AIDS; ang halaga ng pangmatagalang mga kaugnayan na nasira; ang halaga sa pamayanan ng pagiging nagsosolong magulang; at ang halaga ng terapi sa pamilya at bata. Gaya ng iniulat sa The Globe and Mail, isang pang-araw-araw na pahayagan sa Canada, ganito ang konklusyon ni Dr. Dixon: “Ang rebolusyon sa seksuwal na mga kaugnayan na nangangako sa atin ng kalayaan ay umalipin sa marami, sa isang daigdig na sinira ng seksuwal na kaguluhan, trahedya, kalumbayan, kirot ng damdamin, karahasan at pag-abuso.”

Subalit bakit patuloy ang pagkahumaling sa sekso, ang higit na pagkagusto sa panandaliang mga kaugnayan, at ang paggiit sa walang pananagutang malayang pakikipagtalik? Taglay ang gayong maliwanag na masasamang bunga sa nakalipas na tatlong dekada, ano ang gumagatong sa mapangwasak na pagkahumaling na ito?

Pinasasama ng Pornograpya ang Sekso

Ang pornograpya ay binabanggit bilang isang salik na gumagatong sa pagkahumaling sa sekso. Isang umaming sugapa sa sekso ang sumulat sa pahayagang The Toronto Star: “Huminto ako sa paninigarilyo limang taon na ang nakalipas, sa alak dalawang taon na ang nakalipas, subalit wala nang hihirap pa sa buhay ko na ihinto kaysa sa pagkasugapa ko sa sekso at sa pornograpya.”

Kumbinsido rin siya na ang mga tin-edyer na laging nalalantad sa pornograpya ay nagkakaroon ng pilipit na pangmalas tungkol sa seksuwal na asal. Isinasagawa nila ang seksuwal na mga guniguni at nasusumpungan nilang masalimuot at mahirap ang tunay na mga kaugnayan. Humahantong ito sa pagbubukod ng sarili at iba pang problema, isa sa malaking problema ang pagbuo ng nagtatagal na buklod ng pag-ibig.

Pinagsasamantalahan ng Daigdig ng Libangan ang Sekso

Ang handalapak na mga istilo ng buhay na nagsasangkot ng maraming katalik, kasal o hindi kasal, ay malawakang ginagawa at hayagang ipinakikita ng daigdig ng libangan. Ang walang pag-ibig at nakasasamang pagpapakita ng seksuwal na mga paglalambingan sa iskrin ay gumagatong sa pagkahumaling sa sekso, na nagbibigay sa salinlahing ito ng pilipit na pangmalas tungkol sa seksuwalidad ng tao. Kadalasang may kamaliang itinutulad ng media sa libangan ang pagtatalik nang hindi mag-asawa sa maibiging paglalambingan. Wari bang hindi makilala ng mga tagahanga na iniidolo ang mga kilalang tao sa daigdig ng libangan ang pagkakaiba sa pagitan ng kahalayan at pag-ibig, sa pagitan ng panandaliang seksuwal na mga kaugnayan at pangmatagalang pangako, o ang pagkakaiba sa pagitan ng guniguni at katotohanan.

Sa katulad na paraan, malimit na ginagamit ng daigdig ng pag-aanunsiyo ang sekso bilang isang kasangkapan sa pagbebenta. Ito’y naging “isang di-personal na paninda na ang layunin ay akitin ang pansin sa isang produkto,” sabi ng isang sex therapist. Ginamit ng mga tagapag-anunsiyo ang sekso at iniugnay ang seksuwal na kapahayagan sa kanais-nais na buhay, subalit ito ay isa pang “pagpilipit sa seksuwal na pangmalas” sa ika-20 siglo, gaya ng sinabi ng babasahing Family Relations.

Pinasasama ng Nagbabagong Bahagi ang mga Saloobin

Ang nagbabagong kapaligirang panlipunan at ang pagpapakilala ng pildoras sa pagpigil sa pag-aanak sa pamilihan noong 1960 ay bumago sa seksuwal na asal ng milyun-milyong babae. Ang Pildoras ay nagbigay sa mga babae ng guniguning seksuwal na pagiging kapantay ng mga lalaki, isang seksuwal na kalayaan o pagsasarili na hindi pa kailanman natanto. Tulad ng mga lalaki, makapag-eeksperimento na sila ngayon sa panandaliang mga kaugnayan, palibhasa’y hindi nahahadlangan ng takot sa di-naiibigang pagbubuntis. Nagpapakasaya sa kanilang seksuwal na kalayaan, halos wakasan ng mga lalaki at babae ang likas na bahagi sa pamilya at sa sekso.

Ganito ang sinabi ng isang manunulat ng Bibliya noong unang siglo tungkol sa gayong mga tao: “Sila ay may mga matang punô ng pangangalunya at hindi magawang huminto mula sa kasalanan . . . Sila ay may pusong sinanay sa kaimbutan. . . . Sa pag-iwan sa tuwid na landas, sila ay nailigaw.”​—2 Pedro 2:14, 15.

Edukasyon sa Sekso sa mga Paaralan

Isinisiwalat ng isang pag-aaral sa Estados Unidos sa mga 10,000 dalagang ang edad ay nasa haiskul na “ang kaalaman, kung susukatin sa mga kurso sa edukasyon sa sekso at personal na kaalaman tungkol sa pagpigil sa pag-aanak,” ay walang epekto sa dami ng nagbubuntis na mga tin-edyer na hindi kasal. Gayunman, ang ilang paaralang bayan ay tumutugon sa epidemyang ito sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanilang mga estudyante ng libreng mga kondom, bagaman ang gawaing ito ay matinding pinagtatalunan.

Isang 17-taóng-gulang na estudyante sa haiskul na kinapanayam ng pahayagang Calgary Herald ang nagsabi: “Isang katotohanan na ang karamihan ng mga tin-edyer sa haiskul ay nakikipagtalik . . . , maging ang ilang 12-taóng-gulang.”

Ano ba ang Pag-ibig at Pangako?

Ang pag-ibig, pagtitiwala, at pinahahalagahang pagsasamahan ay hindi awtomatikong mga kakambal na produkto ng likas na seksuwal na pagkaakit o ng pagbibigay-kasiyahan sa seksuwal na mga impulso. Ang seksuwal na pagtatalik sa ganang sarili ay hindi lumilikha ng tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig at matalik na kaugnayan ay nagmumula sa mga puso ng dalawang nagmamahal na mga indibiduwal na nangangakong magtatayo ng isang permanenteng kaugnayan.

Ang panandaliang mga kaugnayan sa wakas ay nag-iiwan sa isa na walang-kasiguruhan, nag-iisa, at marahil ay pinahihirapan ng isang sakit na naililipat sa pagtatalik na gaya ng AIDS. Ang mga tagapagtaguyod ng malayang pakikipagtalik ay mailalarawang mainam ng mga salitang masusumpungan sa 2 Pedro 2:19: “Habang sila ay nangangako ng kalayaan sa kanila, sila mismo ay umiiral bilang mga alipin ng kasiraan. Sapagkat ang sinumang nadaraig ng iba ay naaalipin ng isang iyon.”

Inilabas ng lupon sa pananagutang panlipunan ng Church of England ang ulat nito noong Hunyo 1995, na pinamagatang “Isang Bagay na Dapat Ipagdiwang.” Salungat sa payo ng Bibliya, hinimok ng lupon ang simbahan na “alisin ang pariralang ‘namumuhay sa kasalanan’ at iwaksi ang mapanghatol na saloobin nito sa mga nagsasama nang hindi kasal,” ayon sa The Toronto Star. Inirekomenda ng ulat na “dapat tanggapin ng mga kongregasyon ang mga nagsasama nang hindi kasal, makinig sa kanila, matuto mula sa kanila, . . . upang masumpungan ng lahat ang presensiya ng Diyos sa kani-kanilang buhay.”

Ano ang maitatawag ni Jesus sa mga relihiyosong lider na iyon? Walang alinlangang “mga bulag na tagaakay.” At kumusta naman yaong mga sumusunod sa mga tagaakay na iyon? Siya’y nangatuwiran: “Kaya nga, kung isang taong bulag ang umaakay sa isang taong bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.” Tiyak ito, maliwanag na sinabi ni Jesus na ang “mga pangangalunya” at “mga pakikiapid” ay kabilang sa “mga bagay na nagpapadungis sa isang tao.”​—Mateo 15:14, 18-20.

Dahil sa iba’t ibang salik na ito na nagpapasama at nagsasamantala sa sekso, paano makaaalpas ang isang tao, at lalo na ang mga kabataan, mula sa pagkahumaling sa sekso? Ano ang sekreto sa nakagagalak, pangmatagalang mga kaugnayan? Tututukan ng pansin ng susunod na artikulo kung ano ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang mga kabataan na maghanda para sa kinabukasan.

[Blurb sa pahina 5]

Sa Estados Unidos lamang, ang mga sakit na naililipat sa pagtatalik ay nagpapahirap sa tinatayang tatlong milyong tin-edyer taun-taon

[Kahon sa pahina 6]

Mga Istilo ng Buhay May Kinalaman sa Sekso

Mga Sugapa sa Panghalina: Nabibighani silang umibig, anupat palit sila nang palit ng kinakasama minsang maglaho na ng katuwaan ng pagkahumaling. Ang kataga ay binuo ni Dr. Michael Liebowitz, ng New York State Psychiatric Institute.

Mga Poligamong De-Serye: Ganito ang pagkakilala ng mga sosyologo sa mga taong nagsasagawa ng sunud-sunod na romantikong mga kaugnayan na nagsasangkot ng legal na mga pamamaraan ng pag-aasawa, diborsiyo, at pag-aasawang-muli.

Mga Oportunista sa Sekso: Sinisikap nilang ipakita ang kanilang galing sa sekso sa pagkakaroon ng maraming kinakasama, sabi ni Luther Baker, isang propesor sa mga pag-aaral sa pamilya at may katibayan bilang sex therapist. Ang katagang ito ay ginagamit rin ngayon para sa mga nagmomolestiya ng bata.

[Larawan sa pahina 7]

Ang pornograpya ay nakasusugapa at humahantong sa isang pilipit na pangmalas sa seksuwal na asal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share