Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 6/15 p. 15-20
  • Lubusang Kasuklaman Ninyo ang Kahiya-hiyang Lakad ng Sanlibutan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lubusang Kasuklaman Ninyo ang Kahiya-hiyang Lakad ng Sanlibutan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Huwag Lumingon
  • Laganap ang Kabalakyutan sa “mga Huling Araw”
  • Huwag Payagang Masilo Ka ng Pangangatuwiran ng Sanlibutang Ito
  • Ating Inaani ang Ating Inihahasik
  • Gaanong Kaiba Kayo sa Sanlibutan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 6/15 p. 15-20

Lubusang Kasuklaman Ninyo ang Kahiya-hiyang Lakad ng Sanlibutan

“Sapagkat hindi na kayo nagpapatuloy ngayon ng pagtakbong kasama nila sa ganitong takbuhin sa pusali ng pagpapakasamâ, sila’y labis na nagtataka at patuloy na nagsasalita ng masama tungkol sa inyo.”​—1 PEDRO 4:4.

1. Paano tinutukoy sa Bibliya ang dating makasanlibutang landas na nilakaran ng maraming mga Kristiyano noong unang siglo?

ISANG “pusali ng pagpapakasamâ.” Ganiyan tinukoy ni apostol Pablo ang kahiya-hiyang kalagayan ng maraming mga tao noong unang siglo bago sila naging mga Kristiyano. Sa ibang mga salin ay binabanggit ito bilang ang “latian ng kahalayan“ (The New American Bible); ang “imburnal ng pagwawaldas” (The New Testament, ni Kliest at Lilly). Ano ba ang naririto sa pusaling ito ng pagpapakasamâ? Espisipikong tinutukoy ng apostol ang kalibugan, masasamang pita, pagmamalabis sa alak, kalayawan, paligsahan ng pag-iinuman, at labag-kautusang mga idolatriya.​—1 Pedro 4:3, 4.

2. Bakit ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat bigyan ng kumendasyon?

2 Anong laking pagkakaiba ng sanlibutang ito at ng tunay na kongregasyong Kristiyano! Masiglang binigyan ni Pedro ng kumendasyon ang mga Kristiyano na kaniyang sinulatan dahilan sa hindi patuloy na pagtakbong kasama ng kanilang dating makasanlibutang mga kasamahan sa paglulubalob sa latiang ito, sa imburnal na ito, ng kasamaan. Lubhang nakalulugod din para sa atin na magbigay ng nakakatulad na mga kumendasyon sa mga Kristiyano sa ngayon, na ang mga kalagayan ay lalong masama kaysa noong unang siglo. Ang mga Saksi ni Jehova ay puspusang nagsusumikap na sundin ang malinis at walang bahid-dungis na pagsamba na sinasang-ayunan ng ating Diyos at Ama, na dito’y kasali ang ‘pananatiling walang bahid-dungis sa sanlibutan.’ (Santiago 1:27) Ang kanilang mataas na pamantayang-asal ay nagdadala ng malaking karangalan sa pangalan ni Jehova.

3. Ano ang isang bagay na ikinalungkot ni Pablo, na ikinalulungkot din natin sa ngayon?

3 Gayunman, upang mapanatili ang kanilang mataas na pamantayan bilang isang malinis na organisasyon, kung minsan ay kailangan ng bayan ng Diyos na sawayin o dili kaya’y itiwalag pa nga ang ilan na pumapayag na sila’y mahila sa pagkasama-samang mga kinaugalian ng sanlibutang ito. Ito’y nakalulungkot, at ating nadarama ang gaya ng nadama ni apostol Pablo nang kaniyang masaksihan ang nakakatulad na kalagayan noong unang siglo. Siya’y sumulat: “Sapagkat marami ang nagsisilakad, sila’y malimit ko nang banggitin noon sa inyo ngunit ngayo’y binabanggit ko rin naman sa inyo nang may pag-iyak, na sila ang mga kaaway ng tulos na pahirapan ng Kristo, at ang wakas nila ay kapahamakan, at ang kanilang diyos ay ang kanilang tiyan, at ang kanilang kapurihan ay nasa kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga isip ay nasa mga bagay na ukol sa lupa.” (Filipos 3:18, 19) Bilang mga indibiduwal, paano natin maiiwasan ang pagdaranas natin ng gayong bagay? Sa pamamagitan ng pagkatutong tularan si Jesus sa pag-ibig sa matataas na pamantayan ni Jehova ng katuwiran at pagkapoot sa karumal-dumal na mga bagay ng sanlibutang ito.​—Hebreo 1:9.

Huwag Lumingon

4. (a) Bakit posible na tayo’y maakit na bumaling sa karumal-dumal na mga gawain ng sanlibutang ito?

4 Kailanman ay huwag maliitin ang maaaring magawa ng kasalanan. Ang mga pang-aakit ng sanlibutang ito ay malakas at marami; ang Diyablo ay tuso at sukdulan ang samâ; ang puso ng tao ay mapandaya. (1 Juan 2:15-17; 1 Pedro 5:8; Jeremias 17:9) Pagka ang puso’y disidido sa hangaring ito na matamo ang isang bagay, malimit na ito’y hindi nakikinig sa katuwiran. Kaya naman tayo ay tumatanggap ng napakaraming paalaala buhat sa Salita ng Diyos upang ang ating mga puso’y mapanatiling nakatalaga kay Jehova at sa paggawa ng kaniyang kalooban. Napakahalaga na huwag nating payagang ang maling pita ay magpasimulang mag-ugat sa ating puso. (Santiago 1:14, 15; Mateo 5:27-30) Patuloy na patibayin natin ang ating mga puso sa pamamagitan ng mga dahilan na kung bakit dapat nating ibigin ang matuwid at lubusang kasuklaman at itakwil ang karumal-dumal na mga lakad na ito ng sanlibutan. Ganito ang pagkasabi rito ni apostol Pablo: “Hayaang ang inyong pag-ibig ay walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama, makisanib kayo sa mabuti.”​—Roma 12:9.

5. Bakit matalino na gumawa ng maingat na pagsusuri sa ating mga motibo at mga hangarin?

5 Dahilan sa panganib na mapalihis sa landasing Kristiyano, matalino para sa bawat isa sa atin na patuloy na suriin ang ating mga motibo, ang ating mga hangarin, ang ating mga tunguhin. Ikaw ba ay katulad niyaong mga Kristiyano na binigyan ni Pedro ng kumendasyon dahilan sa hindi pagbabalik sa ganitong “pusali ng pagpapakasamâ”? O kung minsan ba’y nakikita sa iyo ang saloobin ng asawa ni Lot, na lumingon at muling nagnasa ng mga bagay na tinalikdan na niya?​—Genesis 19:26; Lucas 17:31-33.

Laganap ang Kabalakyutan sa “mga Huling Araw”

6, 7. (a) Anong kaisipan tungkol sa kalayawan ang sinasabi ng Bibliya na magiging tanda ng “mga huling araw”? (b) Paano ipinagpaparangalan pa nga ng mga tao ng sanlibutan ang kanilang karumal-dumal na kaisipan at mga gawain?

6 Sandaling pag-isipan ang tungkol sa sanlibutan na kinaroroonan natin sa pagtatapos ng ika-20 siglong ito. Anong pagkalaga-laganap ng kabalakyutan! Gaya ng inihula ni apostol Pablo, ang mga lalaki at mga babae ay “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” Oo, ‘ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasamâ, na mangagdaraya at sila rin ang mandaraya.’​—2 Timoteo 3:1, 4, 13.

7 Ang pangangalunya, pakikiapid, homoseksuwalidad, lesbianismo, at aborsiyon​—ito at ang iba pang mga salita ay naging bukambibig. Ang gayong mga bagay ay palasak at aprobadong binibigkas-bigkas sa radyo at telebisyon at sa mga lipunan sa relihiyon at sa edukasyon. Ang pornograpya ay malaking negosyo at sinuman ay maaaring makabili nito. Ang ilan sa pinakapopular na mga panoorin sa sine, mga palabas sa dulaan, at mga dramang de serye sa telebisyon ay tungkol sa mga istoryang may kaugnayan sa imoralidad anumang uri ito. Anong laki ng ating pasasalamat at tayo’y hindi bahagi nito! At kailangang tayo’y puspusang makipagbaka upang ang gayong tusong propaganda ay hindi nakakaapekto sa ating puso!

8. Kung tungkol sa imoral na mga gawain ng sanlibutang ito, ano ang sinasabi ng Bibliya na ating dapat gawin at di-dapat gawin?

8 Ang matalinong mga Kristiyano ay nakikinig sa babala ni Pablo: “Ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal . . . Laging tiyakin kung ano ang nakalulugod sa Panginoon . . . Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong.” Sa halip, sinabi ni Pablo, dapat nating pag-isipan ang mga bagay na totoo, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kapuri-puri.​—Efeso 5:3-16; Filipos 4:8.

9. Ano ang malamang na mangyari kung ang pipiliin natin ay kuwestiyonableng libangan?

9 Maingat bang isinasaisip mo ang magaling na payong ito pagka ikaw ay pumipili ng mapaglilibangan? Tandaan, mientras tayo’y nakikinig sa karumal-dumal na mga bagay, lalo namang waring nakalulugod ang istilo ng pamumuhay ng sanlibutan, hindi naman pala napakasama. Baka pa nga hangaan natin o gayahin ang prominenteng mga tao sa sports o libangan na gumagawa ng gayong mga bagay. Mag-ingat laban sa gayong maaaring kahiligan.

Huwag Payagang Masilo Ka ng Pangangatuwiran ng Sanlibutang Ito

10. Anong pilosopya sa buhay ang sinunod ng mga Epicureo noong unang siglo?

10 Noong kaarawan ni Pablo marami ang umayon sa pilosopya ng mga Epicureo na namuhay lamang para sa kalayawan, upang busugin ang mga pandamdam. Pagka sumapit na sa iyo ang kamatayan anila, tapos na ang lahat para sa iyo. Kaya naman, bakit hindi magpasasa na sa lahat ng kalayawan sa buhay samantalang ikaw ay buháy pa, sapagkat bukas ay baka mamatay ka.

11. Paanong maraming mga tao ng sanlibutan sa ngayon ang tumutulad sa mga Epicureo sa kanilang kaisipan at mga pagkilos?

11 Marami sa ngayon ang mayroon ding ganiyang kaisipan. Sila’y hindi nahihiya na magpasasa sa lahat ng uri ng kalayawan, at hindi nila gaanong pinag-iisipan kung paano makakaapekto sa iba ang kanilang iginagawi. Para sa kanila, ang Diyos ay hindi umiiral, o kung umiiral man, siya’y hindi nagpapatunay na may pagmamalasakit siya sa pamamalakad ng buhay ng tao. Yamang ang tao’y bunga ng ebolusyon​—ayon sa iginigiit nila​—talagang hindi sila kailangang managot sa kaninuman maliban sa kanilang sarili at sa lipunan na pinamumuhayan nila. Mayroon pa ngang naidadahilan sila para sa pagkilos na gaya ng mga hayop. Kung ang imoral na mga gawain na minamasama ng Bibliya ay nakalulugod sa mga pandamdam, tunay na ang mga ito’y hindi dapat na masamain. Bakit ka mamumuhay na may ipinagkakait sa iyong sarili at may mga kabiguan, ang pangangatuwiran pa ng gayong mga tao, gayong lahat tayo ay iisa ang patutunguhan​—ang libingan?

12, 13. (a) Ano ang panganib kung ang mga Kristiyano ay nakahantad sa makasanlibutang pangangatuwiran? (b) Ano ang ugat ng suliranin sa Corinto? (c) Ano ang dapat gawin upang tayo’y huwag maapektuhan ng isang mapag-imbot na pananaw sa buhay?

12 Kapuna-puna na may mga Kristiyano sa Corinto na waring naapektuhan ng ganitong uri ng pangangatuwiran. Sa isinulat sa kongregasyon doon, inamin ni Pablo na “kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay,” magkakaroon nga ng bahagyang katuwiran ang bukambibig noon na: “Magsikain at magsiinom tayo, yamang bukas tayo’y mamamatay.” Subalit dagling inilalantad niya ang maling pangangatuwirang ito: “Huwag kayong padala. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali. Gumising kayo nang may kahinahunan ayon sa katuwiran at huwag mamihasa sa pagkakasala, sapagkat ang iba ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito upang kayo’y mahiya.”​—1 Corinto 15:32-34.

13 Pansinin kung paano binabalingan ni Pablo ang ugat ng suliranin ng mga Kristiyanong iyon sa Corinto. Ang kanilang maling kaisipan ay galing sa masasamang kasama. Tayo’y may matututuhan dito. Kung tayo’y hindi maingat, tayo’y magsisimulang mag-isip na tayo ay dapat na makatikim ng mga ilang bawal na kaligayahan bago tayo labis na tumanda upang malasap pa ang mga kaligayahang iyan o bago man lamang tayo mamamatay. Kung tayo’y may bahagyang hilig na mangatuwiran ng ganito, kailangang dagling baguhin natin ang ating paraan ng pag-iisip. Paano? Tandaan na ang mapag-imbot na pananaw na ito ay hindi nagsasaalang-alang sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ito’y nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya sa tiyak na mga pangako ng Diyos, kasali na ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Kahit na buhat sa isang praktikal na punto de vista, yaong mga napapalulong sa isang buhay ng pagpapakasamâ ay nagdadala sa kanilang sarili ng maraming mga kapighatian at suliranin. Upang makamit ang wastong pananaw, sila’y kailangan na ‘gumising nang may kahinahunan ayon sa katuwiran.’ Sila’y hindi makapangangatuwiran ng tumpak at may kahinahunan kung sila “ay walang kaalaman sa Diyos.”

14. Sino ang hindi magmamana ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos, gayunman ano ang inamin ni Pablo tungkol sa nakaraang pamumuhay ng ilan?

14 Maaga-aga sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, niliwanag ni apostol Pablo na ang mga mapakiapid, mangangalunya, mananamba sa diyus-diyosan, homoseksuwal, magnanakaw, mga taong masasakim, lasenggo, mapagmura, at mangingikil, na malaganap na matatagpuan sa Corinto ay hindi magiging bahagi sa Kaharian ng Diyos. Kaniyang isinusog: “Gayunman dati ay ganiyan ang ilan sa inyo. Subalit kayo’y nahugasan nang malinis, anupa’t kayo’y pinabanal na.” Ang kanilang pagkalinis sa ganitong paraan ay nagpapakita ng bisa ng Salita ng Diyos at ng haing pantubos. (1 Corinto 6:9-11) Tunay nga, ang pagbabalik sa karumal-dumal na mga bagay ng matandang sanlibutan ay sukdulan nang kahangalan!

15. Anong matitinding pangungusap ang ginamit ni Pedro upang ilarawan ang kalagayan niyaong mga nagsibalik sa karumal-dumal na mga gawain ng sanlibutang ito?

15 Sinabi ni Pedro: “Tunay na, pagkatapos na makaiwas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sila’y napasangkot uli sa mga bagay na ito at nadaig sila, lalong sumasamâ ang huling kalagayan nila kaysa noong una. Nangyari sa kanila ang kawikaang tunay: ‘Ang aso ay nagbalik sa kaniyang sariling suka, at ang baboy na nahugasan na ay muling naglubalob sa putik.’” (2 Pedro 2:20, 22) Matinding pangungusap! Gayunman, kailangan ang matitinding salita kung minsan upang maitimo sa atin ang pagkaseryoso ng payong ibinigay. Ang babalang ito na ibinigay sa mga Kristiyano noong unang siglo ay lalo pa ngang angkop sa atin sa ngayon.

Ating Inaani ang Ating Inihahasik

16. Paanong ang isang tao’y ‘umaani ng kaniyang inihasik’ pagka siya’y may karumal-dumal na pamumuhay?

16 Nakikita ng mga Kristiyano sa buong paligid nila ang katunayan na ang imoral, at karumal-dumal na pamumuhay ng sanlibutang ito ay nakapipinsala, nakamamatay. (Roma 1:18-32) Kahit na lamang kung may kinalaman sa sekso, isip-isipin ang kadalamhatian at pagdurusa na ibinubunga pagka walang paggalang sa batas ng Diyos tungkol sa moralidad: watak-watak na mga tahanan, pagbubuntis sa pagkadalaga, aborsiyon, panggagahasa, panghahalay sa mga bata, at mga sakit na napapasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, na mga ilan lamang. At nariyan din ang mga suliranin sa kalusugan na resulta ng pag-aabuso sa katawan sa pamamagitan ng labis na pagkain at ng pag-inom ng alak, at ng paggamit ng mga droga dahilan sa katuwaan na dulot niyaon. Ang pagbibigay-daan sa kasakiman ay kadalasan nagbubunga ng pagnanakaw at pandaraya. Halos anumang paglabag sa kautusan ng Diyos ay nagbubunga ng pisikal o emosyonal na pinsala sa manlalabag-kautusan. Iyon ay gaya ng ipinagunita ni apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman, ngunit ang naghahasik ukol sa espiritu ay aani ng buhay na walang-hanggan buhat sa espiritu.”​—Galacia 6:7, 8.

17. Bakit dapat maganyak ang isang Kristiyano na mamuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos?

17 Sa kabilang panig, anong tindi ng mga dahilan na ibinibigay ng Kasulatan para sa pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos. Anong pagkatotoo nga ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang tapat na tao ay mananagana sa mga pagpapala”! (Kawikaan 28:20) Yaong mga nasusuklam sa kahiya-hiyang lakad ng sanlibutang ito ay umiiwas sa kakila-kilabot na ibinubunga ng isang waldas na pamumuhay. Sila’y nagtatamasa ng isang malinis na relasyon sa kanilang mga kapatid, at sa kanilang Diyos, si Jehova. Bukod dito, taglay nila ang dakilang pag-asa na tumanggap ng gantimpalang buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ngayon na tayo’y nasa dulung-dulo na ng sistemang ito ng mga bagay, yaong kabilang sa “mga ibang tupa” ay mayroon pa ngang natatanging pag-asang makatawid nang buháy sa “malaking kapighatian” at hindi na mamatay kailanman. Sila’y may lubos na pananampalataya na, kung sakaling dumating ang kamatayan bago sumapit ang panahong iyan, nangangako ang Diyos na bubuhaying-muli niya ang lahat niyaong mga nasa libingang alaala. (Juan 5:28, 29; 10:16; Apocalipsis 7:14) Sa liwanag ng lahat ng ito, bakit nga ba sisilid man lamang sa isip ng sinuman na makibahagi sa kasuklam-suklam na mga gawain ng sanlibutang ito?​—Roma 6:19-23; 1 Pedro 4:1-3.

18. (a) Paano huhukuman ni Jehova sa “malaking kapighatian” ang “mga taong masasama”? (b) Tungkol sa kahatulan, paano nagpapahayag si Jehova ng kaniyang sarili sa kaniyang huling nasusulat na mga salita sa Bibliya?

18 Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na tayo’y nabubuhay sa katapusang bahagi ng tinatawag nito na “ang katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Sinabi ni Pedro na “ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.” (2 Pedro 3:7) Pagka ang malaon nang hinihintay na araw na ito ng pagtutuos ay dumating, mapaparam ang ipinamamarali na ang tao’y maaaring kumilos na hiwalay sa Diyos, at na ang kaniyang imoral, marahas na paggawi ay bunga lamang ng ebolusyon. (Colosas 3:5, 6) Pakinggan kung paano inilalarawan ng Diyos mismo ang kahihinatnan para doon sa mga naglilingkod sa kaniya at para doon naman sa mga hindi naglilingkod sa kaniya: “Narito! Ako’y papariyan kaagad, at ang gantimpalang ibinibigay ko ay dala ko na, upang gantihin ang bawat isa ayon sa kaniyang gawa. . . Maliligaya ang mga naglilinis ng kanilang kasuotan, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa mga punungkahoy ng buhay at makapapasok sila sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan. Nasa labas ang mga aso at yaong mga nagsasagawa ng espiritismo at ang mga mapakiapid at mamamatay-tao at mga idolatroso at lahat ng umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.”​—Apocalipsis 22:12-15.

19. Ano ang dapat na maging pasiya natin samantalang tayo’y nakatingin sa hinaharap?

19 Habang lumulubha ang kalagayan sa moral ng sanlibutang ito, matatag na magpasiya kang palugdan si Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na malinis, marangal, at matuwid. Patuloy na magsumikap na makamit ang gantimpalang buhay. Tanggihan mo na mahila ka sa sanlibutang ito sa kaniyang “pusali ng pagpapakasamâ,” na isang hukay ng kamatayan. Ikaw ay maaaring manalo sa pakikipaglaban sa mahalay na kaisipan kung iyong lubusang kasusuklaman ang kahiya-hiyang lakad ng sanlibutang ito!

Paano Mo Sasagutin?

◻ Bakit may panganib na mapasangkot sa kahiya-hiyang mga gawain ng sanlibutang ito?

◻ Bakit dapat tayong magpakaingat sa pagpili ng libangan?

◻ Anong nakamamatay na pangangatuwiran ang madaling makakahawa sa atin kung tayo’y makikihalubilo sa modernong-panahong mga Epicureo?

◻ Ano ba ang hatol ni Jehova laban sa mga taong bumabaling sa paglakad sa kahiya-hiyang landasin ng sanlibutang ito at hindi nagsisisi?

◻ Anong mga pagpapala ang naghihintay para sa mga taong umiiwas sa kasuklam-suklam na paggawi ng sanlibutang ito?

(b) Ano ang tutulong sa atin na iwasan ang muling pagkakaugat sa atin ng maling pita?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang lubusang pagkasuklam sa kahiya-hiyang lakad ng sanlibutang ito ay tutulong sa mga lingkod ng Diyos upang makapasok sa bagong sanlibutan ng katuwiran

[Larawan sa pahina 18]

Ang kahiya-hiyang mga panoorin ng sanlibutan ay maaaring makasilo sa isang Kristiyanong walang kamalay-malay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share