Si Satanas—Siya Ba’y Tunay?
IKAW ba’y naniniwala na umiiral si Satanas? Kung gayon, wari nga na ikaw ay bahagi ng isang patuloy na umuunting minoridad. “Pagsapit ng 1980’s ang paniniwala sa Diyablo ay napawi maliban sa gitna ng konserbatibong mga Katoliko, karismatik, konserbatibong mga Protestante, Silanganing Orthodoxo, Muslim—at sa mga ilang okultista.” Ganiyan ang sabi ng aklat na Mephistophelses—The Devil in the Modern World, ni Jeffrey Burton Russell.
Subalit, hindi naman lahat ay huminto ng paniniwala na si Satanas ay tunay. “Ang Diyablo ay buhay pa rin at kumikilos sa daigdig,” ang sabi ni Papa John Paul II sa isang talumpati kamakailan sa Italya.
Tama ba ang papa? Kung gayon, si Satanas ay nasa isang mabuting posisyon na gawin ang ibig niyang gawin sa daigdig. Kung ang mga tao’y hindi naniniwala na siya’y umiiral, sila’y hindi sasalansang sa kaniya. Hindi kataka-taka na si Cardinal Ratzinger, isang pangunahing awtoridad sa doktrina sa Vaticano, ay magsabi: “Ang Diyablo ay maaaring manganlong sa kaniyang paboritong elemento, ang hindi pagpapakilala ng kaniyang sarili.”
Talaga bang umiiral sa Satanas? Kung tayo’y naniniwala sa Bibliya, ang sagot natin ay oo! Si Satanas ay tinutukoy maraming beses sa pangalan sa kinasihang rekord na iyan. Halimbawa, ang manunulat ng Bibliya na si Pablo, nang nagbababala tungkol sa “mga bulaang apostol” at “magdarayang mga manggagawa” sa ranggo ng kongregasyong Kristiyano, ay sumulat: “At hindi kataka-taka, sapagkat si Satanas mismo ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.” Ang tingin ni Pablo kay Satanas ay isang intelihente, mapandayang persona.—2 Corinto 11:13, 14.
Kung gayon, bakit nga ang pag-iral ni Satanas ay pinag-aalinlanganan ng karamihan ng mga tao sa ngayon? Malamang, maaaninag dito ang espiritu ng panahong ito. Palibhasa’y nabubuhay tayo sa tinatawag ng iba na panahon pagkatapos ng Kristiyanismo, ang ateismo, hedonismo, materyalismo, at komunismo ang humalili sa relihiyosong pananampalataya sa maraming lipunan. Angaw-angaw na mga tao ang hindi na naniniwala sa Diyos, ang pagkakilala nila sa kaniyang pag-iral ay hindi na ito kailangan sa kani-kanilang personal na mga pilosopya. At kanilang iniwaksi na si Satanas kagaya ng ginawa nila sa Diyos. Ang mga ibang taong relihiyoso sa Sangkakristiyanuhan, bagama’t sila’y nag-aangking naniniwala sa Diyos, ay nagsasabi na ang paniniwala kay Satanas ay lipas na sa ika-20 siglong ito.
Gayunman, mapapansin na ang pagtatakwil sa Diyos ay hindi na bago. Mga 3,000 taon na ngayon ang nakalipas, ang Hebreong makatang si David ay sumulat: “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’ Sila’y napapahamak, sila’y nagsigawa ng kasuklam-suklam na mga gawa.” (Awit 14:1; 53:1) Sa isa pang dako siya’y nagsabi: “Ang balakyot, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay hindi nagsasaliksik; lahat ng kaniyang pag-iisip ay: ‘Walang Diyos.’” (Awit 10:4) Kahit na noon pa mang una, ang mga tao ay kumikilos na para bagang hindi umiiral ang Diyos. Ang makatuwirang konklusyon ay kung wala nga namang Diyos, wala ring Satanas.
Mayroon Pa Ring Iba na Naniniwala
Gayunman, gaya ng binanggit na, mayroon pa ring mga iba na naniniwala sa isang literal na Diyablo. Mayroong mga naniniwala sa sinaunang turo ni Zoroaster tungkol sa dualismo, na nagsasabing ang mabuti’t masama, ang Diyos at ang Diyablo, ay sa tuwina’y umiiral nang magkasama. Ang mga iba ay nagsasabi pa na ang mabuti ay masama ay kapuwa mga sangkap ng Diyos. At marami pa rin na mga nasa Sangkakristiyanuhan at Islam ang naniniwala sa pag-iral ni Satanas. Oo, para sa marami sa mga ito, siya’y umiiral pa rin bilang isang may pakpak na espiritung may mga sungay at buntot na namamanihala sa kapalaran niyaong “walang kamatayang mga kaluluwa” na itinalaga sa “apoy ng impiyerno,” gaya ng inilalarawan sa mga gawa ng tanyag na tagapaglarawang Pranses na si Gustave Dore.
Sa katunayan, para sa iba, ang paniniwala kay Satanas ay humigit pa kaysa riyan. Kanilang sinasamba siya—sa pamamagitan man ng pangalan o ng mga rituwal na maka-Satanas o makademonyo. Sa loob ng libu-libong mga taon, ang pangkukulam at panggagaway ay kalakip ng pagsamba kay Satanas. Kahit na sa ating modernong panahon, na marami ang walang paniniwala, ang Satanismo ay umuunlad pa rin. Kaya bago nating talakayin ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Satanas mismo, isaalang-alang natin ang mga ilang katibayan tungkol sa modernong Satanismo.
[Larawan sa pahina 3]
Ang paglalarawan ng Budista sa isang maka-Satanas na “impiyerno”