Pagsamba kay Satanas sa Panahon Natin
WALANG alinlangan na ibig ni Satanas na siya’y sambahin. Nang tinutukso niya si Jesus, siya’y nag-alok na bibigyan siya ng isang malaking gantimpala sa isang kondisyon lamang: “Kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.” (Mateo 4:9) Mangyari pa, si Jesus ay tumanggi, ngunit hindi lahat ay susunod sa kaniyang halimbawa. Ang pagsamba kay Satanas ay laganap sa ating modernong daigdig.
Halimbawa, sa Canada ang The Calgary Herald ay naglathala ng sunud-sunod na mga artikulo sa ilalim ng titulong “Mga Alagad ng Diyablo.” Sinipi ng pahayagan ang report ng isang imbestigador ng pulisya, na nagsasabi: “Sa mga pakikipanayam napag-alaman ko na ang Satanismo ay hindi lamang dito makikita sa anumang partikular na grupo sa lipunan. Sa ulat na tinipon ng Calgary Police Service at ng Royal Canadian Mounted Police ay nahayag na sa Calgary lamang ay mayroong ipinagpapalagay na 5,000 aktibong mga Satanista.”
Ang mga ibang ulat ng pahayagan ay nagpapakita na ang kulto ni Satanas, sa iba’t ibang anyo, ay lumalaganap sa buong Estados Unidos at Europa. Maging ang pulisya man ay nagpapakita ng interes sa Satanismo. Bakit? Sapagkat sa maraming kaso sila’y nakakasumpong ng ugnayan ng krimen at ng mga kultong Sataniko. Kamakailan lamang, isang detektib ng polisya ay naringgang nagsasabi: “Ang ating pinakikitunguhan ay isang relihiyon at mga tao na naniniwala rito gaya rin ng mga iba na naniniwala naman sa Kristiyanismo, Judaismo o Islam. Ang inyong nakikita ay hindi mga krimen alang-alang sa krimen, kundi mga krimen alang-alang sa isang relihiyon.”
Ang isang litaw na halimbawa ay yaong mga pagpatay na isinagawa ng angkang Manson sa California noong 1969. Alinsunod sa propesor sa kasaysayan na si Jeffrey Russell, “si Manson ay nag-angkin na siya’y kapuwa Kristo at Satanas. . . . Ang tagasunod ni Manson na si Tex Watson ay nagpahayag, nang kaniyang paslangin si Sharon Tate, ‘Ako ang diyablo; narito ako upang gawin ang gawain ng diyablo.’” Subalit ang Satanismo ay hindi laging kasinlantaran nito.
Pangkukulam, Espiritismo, at Panggagaway
Oo, ang pagsamba kay Satanas ay hindi lamang yaong tuwirang pagsamba kay Satanas sa pangalan. Si apostol Pablo ay nagbabala: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo.” (1 Corinto 10:20) At ang pagsamba sa mga demonyo ay tunay na siya ring pagsamba kay Satanas, yamang si Satanas ay tinatawag na “ang pinuno ng mga demonyo.” (Marcos 3:22) Anong mga gawa ng “mga bansa” ang maaaring makilala bilang pagsamba sa mga demonyo, o pagsamba kay Satanas? Ang mga salita ng Diyos sa Israel ang nagbibigay sa atin ng mga ilang halimbawa: “Huwag makakasumpong sa iyo . . . ng sinuman na gumagamit ng huwad na panghuhula, ng isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan o isang manggagaway, o isang engkantador o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medium o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova.”—Deuteronomio 18:10-12.
Samakatuwid, tayo ay pinaalalahanan laban sa paghahandog ng haing dugo at pakikipagtalastasan sa mga espiritu na isinasagawa ng mga paring voodoo sa Brazil o ng mga houngan at mambo ng Haiti. Tayo’y pinaaalalahanan sa katulad na mga gawain ng Santeria, na ginaganap ng mga ilang napatapong mga Cubano sa Estados Unidos. Tayo’y pinaaalalahanan din laban sa mga manggagaway na nag-aangking nakikipagtalastasan sa mga patay na kaluluwa upang katakutan ng mga nabubuhay.—Ihambing 1 Samuel 28:3-20.
Ang pangkukulam ay laganap sa iba’t ibang bahagi ng Aprika. Sa Timog Aprika, halimbawa, ang mga doktor kulam ay may malawak na kapangyarihan, at sila’y lubhang pinaniniwalaan ng mga tao. Ang kamakailang mga kaso na iniulat sa mga pahayagan ay tungkol sa mga mang-uumog na kanilang sinusunog nang buháy ang mga taong inaakusahan na siyang may kagagawan na tamaan ng kidlat ang kanilang mga kanayon! Ang lokal na mga doktor kulam ang umakusa sa inosenteng mga biktima ng “di-natural” na mga pangyayaring ito at pagkatapos ay iginapos sila sa isang puno upang sunugin. Ang ganiyang paniniwala sa panggagaway o mahika ay pagsamba rin sa mga demonyo.
Gayunman, ang pangkukulam ay hindi lamang makikita sa Aprika. Noong 1985, si Herbert D. Dettmer, na isang presong sentensiyado na nakakulong sa isang koreksiyonal na institusyon sa Virginia, E.U.A., ay binigyan ng karapatan ng District Court for the Eastern District of Virginia na tumanggap ng kaniyang kasuotan at mga gamit upang kaniyang magampanan sa piitan ang kaniyang relihiyon. At ano ba ang kaniyang relihiyon? Ayon sa rekord ng hukuman, siya ay isang miyembro ng “Church of Wicca (lalong kilala bilang pangkukulam).” Kaya naman, si Dettmer ay may legal na karapatan na gumamit sa ginaganap niyang pagsamba ng asupre, asin-dagat, o natural na asin; mga kandila; insenso; isang orasan na de alarma; at isang puting kasuotan.
Oo, ayon sa mga patotoo, ang pangkukulam ay malaganap sa Kanluran. Ang pahayagan ng Britaniya na Manchester Guardian Weekly ay nag-ulat: “May limang taon na ngayon ang nakalipas, inaakala na mayroong 60,000 mangkukulam sa Britaniya: sa ngayon [1985] ang bilang nila ay tinataya ng mga ibang mangkukulam na dumami pa hanggang sa 80,000. Ang Prediction, na buwanang magasin sa astrolohiya at sa okulto, ay may sirkulasyon na 32,000.”
Ang Satanismo at ang Musika
Sa kaniyang aklat na Mephistopheles—The Devil in the Modern World, itinatawag-pansin sa atin ni Propesor Russell ang isa pang paraan na sa pamamagitan niyaon ang mga layunin ni Satanas ay natutupad. Sumulat siya: “Ang hayagang Satanismo ay kumupas na mabilis pagkatapos ng 1970’s, subalit ang mga elemento ng kultural na Satanismo ay nagpatuloy hanggang sa 1980’s sa ‘matinding’ musikang rock kalakip ng manaka-nakang pananawagan sa pangalan ng Diyablo at malaking paggalang sa Satanikong mga pinahahalagahan na kalupitan, droga, kapangitan, panlulumo, pagpapalayaw-sa-sarili, karahasan, ingay at kaguluhan, at kalungkutan.”—Amin ang italiko.
Marahil ang mga musiko na nagpasok ng mga elemento ng Satanismo sa kanilang musika ay hindi naman seryoso. Baka ibig lang nilang manggulat o maging kakatuwa. Subalit, ang ilang mga indibiduwal na madaling sumagap ay naapektuhang mabuti. Binanggit ni Propesor Russell na ang “patuluyang medyo seryosong propaganda para sa masama ay nagkaroon ng di-mabuting epekto sa mga pag-iisip na musmos at mahihina. Ang isang resulta ay ang pagdagsa ng nakababahalang mga malulubhang krimen, kasali na ang panghahalay sa mga bata at ang pagpuputul-putol sa mga hayop.”
Isang kaso kamakailan ang gumulantang sa mga taga-New York. Sang-ayon sa isang ulat ng pahayagan, isang 14-anyos na lalaki, “haling na haling sa Satanismo,” ang sumaksak sa kaniyang ina hanggang sa ito’y mamatay at pagkatapos ay siya naman ang nagpatiwakal. Isang pampamilyang tagapayo sa Canada ang nagsabi, na iniulat sa magasing Maclean’s, na isang dumaraming bilang ng nababagabag na mga tin-edyer ang nagtapat na sila’y nagsasagawa ng “satanismo, kadalasan ay may kasamang mga droga at ng lalong masakit sa taingang anyo ng matinding musikang rock.”
Hindi Lamang Isang Kausuhan
Isang kausuhan na lumalaganap sa Estados Unidos sa mismong sandaling ito ang tinatawag na channeling. Malimit na ang mga tao’y nagbabayad ng kung mga ilang daang dolyar para makasali sila sa mga sesyon na kung saan isang “channel,” samakatuwid nga isang medium, ang nag-aangkin na ang kaniyang sarili (mga babae ang karaniwang mga channel) ay makikipagtalastasan sa espiritu ng isang matagal nang namatay na tao. Sa kaso ng isang channel, sang-ayon sa ulat ng pahayagan, ang mga sesyon “ay pana-panahong inihahatid sa pamamagitan ng isang television satellite hookup sa libu-libong mga tao minsanan sa anim na siyudad.” Ang ganitong nauuso ay hayagang pagsuway sa payo ng Bibliya na iwasan ang mga espiritung medium at propesyonal na mga manghuhula ng mga mangyayari. Samakatuwid, ito ang uri ng pagsamba na masasabing pagsamba sa mga demonyo. At katulad ng lahat ng espiritismo, ito’y nakasalalay sa satanikong kasinungalingan na ang kaluluwa ng tao’y walang kamatayan.—Eclesiastes 9:5; Ezekiel 18:4, 20.
Ang Impluwensiya ng Diyablo sa Isang Sanlibutang Punô ng Kapootan
Ang nakagugulumihanang kalagayan ng sangkatauhan sa ika-20 siglong ito ang umaakay sa atin na mag-usisa kung hindi kaya higit pa ang naaabot ng impluwensiya ni Satanas. Si Propesor Russell ay bumanggit may kaugnayan dito nang kaniyang sabihin: “Sa kasalukuyan, na may mga arsenal ng mga armas nuklear na tinatayang pitumpung beses ang dami kaysa kinakailangan upang patayin ang bawat nabubuhay na may gulugod na nilalang sa lupa, tayo ay mainitang naghahanda para sa isang digmaan na hindi pakikinabangan ng sinumang indibiduwal, bansa, o ideolohiya kundi ihahatid nito ang libu-libong milyon sa isang kakila-kilabot na kamatayan. Anong puwersa ang nagtutulak sa atin sa isang landas na sa araw-araw ay nagiging higit na mapanganib? Sino ba ang makikinabang kung mapuksa ng mga armas nuklear ang planeta? Tanging yaong puwersa na sa simula pa lamang sa pamamagitan ng walang-hanggang kalupitan at kasamaan ay naghangad na maipahamak ang lupa.”
Sino o ano ang puwersang iyan? Ibinibigay ng propesor ang kaniyang sariling sagot na ganito: “Ang Diyablo ang tinutukoy na siyang espiritu na naghahangad na pawalang-saysay at puksain ang lupa ng Diyos sa abot ng kaniyang kapangyarihan. Hindi kaya ang puwersang nag-uudyok sa atin sa paggamit ng mga armas nuklear ay iyon ding puwersa na sa tuwina’y nagbabalatkayo upang ikubli ang sarili? Sa kadulu-duluhang krisis na ito ng ating planeta, hindi natin maipagwawalang-bahala ang posibilidad na iyan.” Ang mga Kristiyano ay tunay na hindi nagwawalang-bahala sa posibilidad na iyan! Si Jesus mismo ang nagpakita ng malaking impluwensiya ni Satanas sa sanlibutang ito nang Kaniyang tawagin ito na “ang pinuno ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Sa paglalarawan sa kaisipan at saloobin ni Satanas sa ngayon, ang aklat ng Apocalipsis ay nagsasabi na siya ay “may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Sa pagtukoy sa sinisikap ni Satanas na maipagtagumpay sa ating panahong ito, sinasabi ng aklat ding iyan na kaniyang ginagamit ang makademonyong propaganda upang tipunin ang mga pinuno ng sanlibutang ito na “sama-sama sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14) Hindi, hindi natin maipagwawalang-bahala ang impluwensiya ni Satanas na Diyablo pagka sinikap nating maunawaan ang dahilan ng sangkatauhan sa paglakad sa landas ng baliw na pagpapatiwakal sa sarili.
Si Satanas ay tinagurian ni apostol Pablo na “ang tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na ngayo’y gumagawa sa mga anak ng pagsuway,” at “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Efeso 2:2; 2 Corinto 4:4) Hindi nga kataka-taka na marami ang nagtatanong kung lahat ng mga naghanap ng kalupitan sa “naliwanagang” panahong ito sa siyensiya—dalawang digmaang pandaigdig, lansakang pagkitil ng mga buhay sa Europa at Kampuchea, taggutom sa Aprika na pulitika ang may kagagawan, malulubhang pagkakabaha-bahagi sa buong daigdig ng mga relihiyon at mga lahi, pagkakapootan, pamamaslang, sistematikong pagpapahirap, ang makasalaring pagpapahamak sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga droga, na mga ilan lamang—ay hindi ang katuparan ng malawak na plano ng isang makapangyarihan, balakyot na puwersa na disididong maihiwalay ang sangkatauhan sa Diyos at marahil mahila pa nga tungo sa pangglobong pagpapatiwakal.
Sino, kung gayon, si Satanas? Ano bang talaga ang layunin niya? Ano ba ang magagawa natin tungkol dito bilang mga indibiduwal? Inaanyayahan ka namin na isaalang-alang ang pagtalakay sa mga tanong na ito sa sumusunod na dalawang artikulo.
[Larawan sa pahina 7]
Samantalang iniiwasan nila ang satanikong musika, hinahanap ng mga lingkod ng Diyos ay mabubuting libangan