Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 9/22 p. 4-6
  • Mga Kabataan Ngayon—Madaling Mabiktima ng Satanismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kabataan Ngayon—Madaling Mabiktima ng Satanismo?
  • Gumising!—1994
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nakamamatay, Lumalagong Panganib
    Gumising!—1989
  • Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Satanismo
    Gumising!—1994
  • Pagsamba kay Satanas sa Panahon Natin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 9/22 p. 4-6

Mga Kabataan Ngayon​—Madaling Mabiktima ng Satanismo?

“ANG pagsamba kay Satanas ay nagiging pangkaraniwan sa gitna ng mga kabataan,” ulat ng isang pahayagan sa Finland ng Pebrero 27, 1993. Ayon sa impormasyong nakuha ng pulisya ng Tampere, Finland, ang mga kriminal na kasangkot sa kalakalan ng droga ang nagdadala sa mga kabataan, at lalo na sa mga babae, sa satanikong pagsamba. Sa maraming kaso ang mga biktimang ito at bagong mga kalap ay mga batang mula sa edad na 10 hanggang 15 anyos. “Ang pagsamba kay Satanas ay nakasumpong ng isang matabang lupa sa gitna ng kabataang mga tin-edyer sa ngayon,” ulat ng pahayagan.

“Ang bagong nauusong pagsamba kay Satanas ay hindi lamang isang kausuhan (sa Finland),” babala ng pahayagan. “Halimbawa, ang magasin sa Johannesburg na Star ay nagbabala kamakailan na ang pagsamba kay Satanas ay nakaaakit sa mayayamang kabataang puti sa bansa.” Tunay, ang satanikong pagsamba ay isang nakatatakot na kalagayan para sa mga magulang gayundin sa mga anak na nangyayari sa maraming bansa.

Totoo, ang Satanismo ay mapanlinlang na nangangakong ikaw ay magkakaroon ng napakalaking pakinabang ngunit kakaunti lamang ang hinihiling sa iyo. “Sambahin mo ang diyablo; gawin mo ang kaniyang maruming gawain, at bilang kabayaran, ibibigay niya sa iyo ang kailangan mo. At iyan ang dahilan kung bakit nasusumpungan ng ilang kabataan ang Satanismo na totoong kaakit-akit,” paliwanag ng magasing ’Teen.

“Naniniwala ako sa pamumuhay nang lubusan,” sabi ng isang kabataang tin-edyer na umaaming isang miyembro ng isang grupong sataniko. “Nakikita ko ang dalawang puwersa sa kalikasan: ang mabuti at ang masama. Ang lahat ng bagay na sinasabi ng mga tao na masama ay mga bagay na makapagpapaligaya sa iyo. Ang mga kasalanan ay humahantong sa emosyonal, pisikal at mental na pagbibigay-kasiyahan,” aniya.

Nang tanungin ang detektib sa Denver, Colorado, E.U.A., isang dalubhasa sa satanikong mga kulto, kung bakit inaakala niya na ang mga tin-edyer ay waring madaling nabibiktima ng Satanismo, ang sagot niya: “Hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi sa akin ng isang Satanistang tin-edyer. Aniya, ‘Ano ba ang dahilan upang mabuhay? Mabuhay tayo para sa ngayon at gawin ang nais mo. Walang kinabukasan.’ ”

Ipinaliwanag ni Dr. Khalil Ahmad, direktor ng mga paglilingkod sa mga adolesente sa Nova Scotia Hospital sa Dartmouth, Canada, ang kaniyang opinyon kung tungkol sa pang-akit ng Satanismo. “Ang mga tin-edyer ay naghahanap ng katuwaan. Ang mahihinang-loob, kadalasa’y mga talunan, ay naaakit sa [Satanismo]. Nagbibigay ito sa kanila ng huwad na impresyon ng kapangyarihan.”

Ipinaliliwanag ng isa pang kilalang awtoridad ng pulisya tungkol sa Satanismo, isang detektib sa San Francisco, ang problema: “Ang ating daigdig ay isang walang-malasakit na dako. Tayo’y mas nababahala sa ating mga sarili kaysa isa’t isa. Tayo’y nabubuhay sa isang marahas, negatibong lipunan. Nakikita iyon ng mga kabataan bilang isang normal na paraan ng pamumuhay at sa wakas ay nahihila sa Satanismo.”

Gaano kalalim ang pagkakasangkot ng mga kabataan sa ngayon sa Satanismo? “Pinapatay ng mga kabataan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga kaibigan. May problema tayo,” babala ni Larry Jones, presidente ng Cult Crime Impact Network at isang tenyente sa puwersa ng pulisya sa Boise, Idaho, E.U.A. Isa pang opisyal ng pulisya, mula sa estado ng Illinois, na maingat na sumusubaybay sa Satanismo sa kaniyang bahagi bilang isang tagapayong pulis sa high school, ang nagsabi na 90 porsiyento ng mga kabataang nag-eeksperimento sa pagsamba sa diyablo ang nasasangkot dito sapagkat ito ang uso, subalit 10 porsiyento ang “ganap na nasasangkot sa Satanismo at higit at higit na nalululong dito.”

Isang pahayagan ng paaralan sa Brooklyn, New York, ang School News Nationwide, Enero-Pebrero-Marso 1994, sa pitak nito na “Relihiyon,” ay naglathala ng isang artikulong pinamagatang “Kung Bakit Naaakit ng Satanismo ang mga Tin-edyer.” Ito’y nag-ulat: “Pagkatapos mag-away ng dalawang batang lalaki sa kapitirya ng high school, ang nanalo ay lumundag at sumaludo, isang nakakuyom na kamao na ang hintuturo at kalingkingan ay nakataas. Hindi maunawaan ng guro sa sining kung bakit napakaraming kabataan ang gumuguhit ng mga larawan ng mga taong mukhang-demonyo na may mga ulo ng kambing. At ang mga aklat tungkol sa okulto ay patuloy na nawawala sa aklatan ng paaralan.

“Sa katunayan, ang mga bata ay nag-iisip tungkol sa kapangyarihan, mahiko, hiwaga ng Satanismo. Para sa karamihan, ito ay nakatutuwa at kapana-panabik. Para sa iba naman, ito ay seryoso​—talagang seryoso at nakamamatay para sa 17-anyos na si Lloyd Gamble​—na nasawi sa isang satanikong hain.

“Pagkamatay ni Lloyd at pagkatapos arestuhin ang kaniyang 15-anyos na kapatid na lalaki sa salang pagpatay, naunawaan ng mga adulto sa Monroe county ang mga tanda na totoong mahiwaga noon: ang hudyat ng kamay na ‘tanda ng diyablo,’ ang ulo ng kambing sa mga larawan at ang mga aklat na gumaganyak sa mga imahinasyon ng mga tin-edyer, mga ritwal at mga gayuma.”

Ang mga ulat ay tila ba walang katapusan tungkol sa mga bata at mga tin-edyer na pumapatay sa kanilang mga magulang at iba pang miyembro ng kanilang mga pamilya dahil sa pagsamba kay Satanas. Ang mga bata ay pinatay ng ibang mga bata sa gayong mga gawain. Tulad ng satanikong mga adulto, pinagputul-putol at pinatay ng mga bata ang mga hayop. Ang mga alagang hayop ng pamilya ay inihain sa isang altar ng satanikong mga ritwal. Hindi sapat ang espasyo rito upang ilathala kahit na ang isang bahagyang pag-uulat tungkol sa pagkatay na isinasagawa ng mga batang tumanggap sa relihiyon na pagsamba sa Diyablo.

Ito ba’y mga halimbawa ng mga batang nag-eeksperimento lamang sa Satanismo? Yaon bang lulóng na sa pagsamba sa Diyablo ay iilan at lubhang kakaunti, isang bagay na pambihira? Hindi gayon, ang sagot niyaong mga nagsiyasat sa mga nagsasagawa ng okulto. Si David Toma, isang dating bise detektib na naging tagapagsalita na ang layunin ay himukin ang mga kabataan, ay nagsabi na sa bawat paaralan na kaniyang pinagpapahayagan, itinatanong niya ang iisang tanong, “Ilan sa inyong mga kabataan ang nakakikilala o nakabalita tungkol sa isa na nasangkot sa Satanikong mga gawain?” Tinataya niya na “ganap na sangkatlo ng mga estudyante ang nagtataas ng kanilang mga kamay.”

Sang-ayon kay Shane Westhoelter, presidente ng National Information Network, mula 30 hanggang 40 porsiyento ng mga estudyante sa high school ang sangkot sa ilang anyo ng okulto. Karagdagan pa, iginigiit ni Westhoelter na hanggang 70 porsiyento ng lahat ng krimen na nagawa ng mga tin-edyer na wala pang 17 anyos ay udyok ng pagkasangkot sa okulto.

[Blurb sa pahina 5]

Ang pagsamba kay Satanas ay nakasumpong ng isang matabang lupa sa gitna ng mga kabataan sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share