Isang Nakamamatay, Lumalagong Panganib
NANLULUPAYPAY ka ba dahil sa takot na isipin ang tungkol sa mga adultong tao na lihim na sumusubaybay sa ibang tao at pagkatapos, tulad ng gutom na mga leon, ay pinapatay ang kanilang biktima, iniinom ang kanilang dugo, kinakain ang kanilang puso at iba pang bahagi ng katawan—ang lahat ay sa pangalan ng relihiyon?
Nanginginig ka bang isipin ang tungkol sa mga ina at mga ama na inihahandog ang kanila mismong mga anak upang seksuwal na halayin ng iba, sa katapusan ay patayin sa isang dambana sa harap ng lahat ng manonood para sa kasiyahang relihiyoso?
Nakalilito ba sa iyo na isipin ang tungkol sa mga lalaking nakikipagtalik sa mga bangkay sa mga punerarya upang palugdan ang isang espiritung nilalang na inaakala nilang banal?
Nananamlay ba ang iyong damdamin kapag nababasa mo ang tungkol sa mga kabataan na pinapatay ang kanilang mga magulang at pagkatapos ay walang-awa at walang pagsisising pinagpuputul-putol ang mga katawan—ang lahat ay upang paligayahin ang Diyablo?
Ikaw ba’y naiiling dahil sa hindi ka makapaniwala sa mga humuhukay ng mga libingan, na ninanakaw ang mga ulo at pinuputol ang mga daliri ng mga bangkay upang maisuot nila ito sa relihiyosong mga seremonya?
Ano ang palagay mo tungkol sa isang relihiyon na nagmumungkahi na ang kanilang 13- hanggang 25-anyos na mga miyembrong babae ay gamitin sa layuning mag-anak upang ang kanilang mga sanggol ay maihandog sa mga sakripisyong pagbububo ng dugo?
‘Ano pa kaya ang susunod na maiisip ng mga manggagawa ng pelikula?’ baka itanong mo pagkatapos mong basahin ito. ‘Tutal, pagkukunwari lang naman ito,’ baka sabihin mo. Ah, subalit pagkukunwari lang ba ito?
Ang katatapos mo lamang basahin ay tunay! Hindi ito guniguni ng isang manunulat sa pelikula. Ang mga pangyayari ay baka nangyari sa inyo mismong bayan. Kung hindi pa ito nangyari, may lumalagong pangamba na ito ay mangyari.
Ang relihiyon na nagsasagawa ng paghahandog kapuwa ng mga hayop at mga tao, panliligalig sa mga bata, panghahalay sa mga dalaga, seksuwal na kahandalapakan, at iba pang kahawig na mga gawain bilang bahagi ng mga seremonya nito ay tinatawag na Satanismo, o pagsamba sa Diyablo. Lubhang kakatuwa, malayung-malayo sa karaniwan, ang mga gawain ng Satanismo anupa’t maraming opisyal at mga mamamayan ang ayaw maniwala na ginagawa ng mga tao ang mga bagay na ito bilang bahagi ng kanilang pagsamba.
Ang kulto ng Satanismo, na mga ilang taon lamang ang nakalipas ay mayroon lamang kakaunting tagasunod, ay naging isang lumalago, nakamamatay na panganib. “Ang Satanismo ang kulto ng mga taóng 80,” ulat ng isang opisyal ng pulis sa San Francisco. “Ang Satanismo ay bahagi ng organisadong krimen ng Australia,” sabi ng isa sa kilalang eksperto sa krimen ng bansa. “Tinataya ko na mayroon itong 20,000 tagasunod sa buong Australia, na aktibong nakikibahagi sa pagsamba kay Satanas, kawalang-habas sa sekso, paghahandog ng mga hayop at marahil ng mga tao pa nga. Naniniwala ako na ang kilusang ito ang siya ring nasa likuran ng listahan ng mga batang nawawala at lubhang nasasangkot sa mga droga at paglapastangan sa mga libingan.”
Ang mga pangkat ng kultong Sataniko ay karaniwang inaayos sa mga coven, binubuo ng mula 9 hanggang 13 miyembro ang bawat isa—marahil higit pa, depende sa mga kalagayan. Tinataya ng mga autoridad na sa Estados Unidos, mayroong humigit-kumulang 10,000 coven noong 1946; 48,000 noong 1976; at 135,000 noong 1985. Kung ilan sa mga coven na ito ang hindi marahas at kung sino ang sumusubok na lumayo sa mga ito ay hindi alam. Sang-ayon sa Marso 7, 1986, ng National Catholic Reporter, “mayroong 150 aktibong mga coven” sa lungsod ng El Paso, Texas, “na may 2,000 satanista ng lahat ng gulang.” At ang Bulletin ng Pennsylvania State Police ay nag-uulat: “Ang Satanismo ay dumarami sa Amerika. Hindi lumilipas ang isang araw na walang mga ulat tungkol sa marahas na mga gawi na isinagawa ng mga Satanista.”
Higit pa riyan, ipinagmamalaki ng Satanismo na ang mga miyembro nito ay binubuo ng mga tao mula sa iginagalang na mga propesyon ng daigdig—mga doktor, abugado, negosyante, pulis, madre, pari, mga maybahay, at mga tauhan ng militar. Gayunman, dahil sa dramatikong mga resulta, mga bagong miyembro ay kinalap sa mga campus sa high school at kolehiyo sa buong daigdig. Samakatuwid, sa maraming dako ngayon, mga pangkat ng tin-edyer ang bumubuo sa karamihan ng mga miyembro ng coven.
Ang New Zealand Herald ng Agosto 26, 1988, ay nag-uulat: “Mga tin-edyer na kasimbata ng 14 anyos ay naaakit sa daigdig ng Satanismo.” Sabi ng isang opisyal na taga-Canada: “Ang mga bata na . . . sumusubok sa Satanismo ay mapanganib din na gaya ng masugid na (mga Satanista).”
Nag-uulat tungkol sa maraming kabataan na nakakulong sa isang presinto sa Canada, isang empleado ang nagsabi: “Nagugulat ako sa kung gaano karami sa mga batang ito ay mga Satanista. Nagtatatú sila ng mga Satanikong sagisag sa kanilang mga sarili, nagsasagawa sila ng mga ritwal, talagang naniniwala sila sa diyablo.”
Isang 18-anyos na babaing bilanggo ang sumang-ayon na ang Satanismo ay popular na popular sa kaniyang mga kasama. Isang kabataang taga-Canada ang nagsabi na siya ay kabilang sa isang 400-miyembrong Satanikong kulto na kumikilos sa Alberta. “Ang mga tin-edyer na sumasamba-sa-diyablo ay hindi dapat ipagwalang-bahala,” sabi ng isang eksperto sa krimen na taga-Canada.
Ang mga miyembro ng kulto ay gumagawa ng matinding habang-buhay na pangako sa grupo, na kabilang dito ang mahigpit na panata ng pagkasekreto. “Ang mga miyembro ay hindi pinapayagang humiwalay sa grupo pagkatapos na sila ay malantad sa kanilang masamang mga gawain,” ulat ng The National Sheriff. “Isinasapanganib ng isang miyembrong lumalabag sa kodigo ng pagkasekreto ang kaniyang buhay at ang buhay ng kaniyang pamilya,” susog pa ng magasin. “[Sila] ay iprinogramang huwag magsalita,” sabi ng isang autoridad sa Chicago. “Kung sila’y magsasalita, sila ay iprinogramang patayin ang kanilang sarili.”
Ang mga miyembro ng Satanikong coven ay nagsisikap ring manatiling di-kilala at lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng tagapagpatupad ng batas. “Naniniwala sila,” sabi ng isang pinagmumulan, “na ang kanilang masamang mga gawa ay hindi gagantimpalaan ni Satanas kung sila ay makikilala at pag-uusigin ng mga autoridad.” Kaya, kadalasan nang nagkataon lamang na ang isang satanikong kulto ay makilala bilang siyang nagsagawa ng krimen. Nito lamang mga nakalipas na taon na nakilala ng ilang mga ahensiyang nagpapatupad-batas ang malinaw na mga palatandaan na iniwan sa eksena ng mga patayan na may pahiwatig ng kaugnayan nito sa okulto—halimbawa, baligtad na mga pahina ng Bibliya na may nakaguhit na krus sa kalapit na basura o ang bilang na 666 na isinulat ng dugo ng biktima.
Gayunman, bakit ang gayong paggamit ng karahasan sa pangalan ng relihiyon? Isaalang-alang ang ilang nakagigitlang mga dahilan sa susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 3]
Mahirap Paniwalaan—Subalit Totoo
Ang “Bulletin,” isang publikasyon ng yunit tungkol sa nawawalang mga tao ng Pennsylvania State Police, ay nag-uulat: “Maaaring mahirap paniwalaan ng mga imbestigador ang di-pangkaraniwan at kakatuwang mga kuwento tungkol sa kriminal na mga gawa na isinasagawa ng mga taong nakasuot ng mga kasuotan ng pari at nagagayakan ng mga simbolo ng diyablo.”
Gayunman, sang-ayon sa “Bulletin”: “Hindi lumilipas ang isang araw na walang mga ulat tungkol sa marahas na mga gawi na isinagawa ng mga satanista. Sa ibayo ng bansa ang mga organisasyon na nagpapatupad ng batas ay tumatanggap ng mga ulat tungkol sa omisidyo, sinasadyang pagsalanta sa katawan, pagsalakay, pagpapatiwakal, pag-abuso sa bata at pagputol sa mga bahagi ng katawan ng mga hayop na nauugnay sa satanikong kulto.”